Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Nehemias 1-5

Ang mga salita ni Nehemias na anak ni Hachalias. Nangyari nga sa buwan ng Chislu, sa ikadalawang pung taon, samantalang ako'y nasa bahay-hari sa Susan.

Na si Hanani, na isa sa aking mga kapatid, ay dumating, siya at ilang lalake na mula sa Juda; at tinanong ko sila ng tungkol sa mga Judio na nakatanan, na nangaiwan sa pagkabihag, at tungkol sa Jerusalem.

At sinabi nila sa akin, Ang nalabi na naiwan sa pagkabihag doon sa lalawigan, ay nasa malaking kapighatian at kakutyaan: ang kuta naman sa Jerusalem ay nabagsak, at ang mga pintuang-bayan ay nangasunog sa apoy.

At nangyari, nang marinig ko ang mga salitang ito, na ako'y naupo at umiyak, at nanangis na ilang araw; at ako'y nagayuno, at dumalangin sa harap ng Dios ng langit.

At nagsabi, Aking idinadalangin sa iyo, Oh Panginoon, na Dios ng langit, na dakila at kakilakilabot na Dios, na nagiingat ng tipan at kaawaan sa nagsisiibig sa kaniya, at nangagiingat ng kaniyang mga utos:

Pakinggan ngayon ng iyong tainga, at idilat ang iyong mga mata, upang iyong dinggin ang dalangin ng iyong lingkod, na aking idinadalangin sa harap mo sa panahong ito, araw at gabi, dahil sa mga anak ni Israel na iyong mga lingkod, habang aking ipinahahayag ang mga kasalanan ng mga anak ni Israel, na aming ipinagkasala laban sa iyo. Oo, ako at ang sangbahayan ng aking magulang ay nagkasala:

Kami ay lubhang nagpakahamak laban sa iyo, at hindi nangagingat ng mga utos, o ng mga palatuntunan man, o ng mga kahatulan, na iyong iniutos sa iyong lingkod na kay Moises.

Alalahanin mo, isinasamo ko sa iyo, ang salita na iyong iniutos sa iyong lingkod na kay Moises, na sinasabi, Kung kayo'y magsisalangsang, aking pangangalatin kayo sa lahat na bayan:

Nguni't kung kayo'y magsibalik sa akin, at ingatan ninyo ang aking mga utos, at gawin, bagaman ang nangatapon sa inyo ay nasa kaduluduluhang bahagi ng mga langit, akin ngang pipisanin sila mula roon, at dadalhin ko sila sa dakong aking pinili upang patahanin doon ang aking pangalan.

10 Ang mga ito nga'y ang iyong mga lingkod at ang iyong bayan, na iyong tinubos sa pamamagitan ng iyong dakilang kapangyarihan, at sa pamamagitan ng iyong malakas na kamay.

11 Oh Panginoon, isinasamo ko sa iyo, pakinggan ngayon ng inyong pakinig ang dalangin ng iyong lingkod, at ang dalangin ng iyong mga lingkod, na nangasasayahang matakot sa iyong pangalan: at paginhawahin mo, isinasamo ko sa iyo, ang iyong lingkod sa araw na ito, at pagkalooban mo siya ng kaawaan sa paningin ng lalaking ito. (Ngayo'y tagahawak ako ng saro ng hari.)

At nangyari sa buwan ng Nisan, sa ikadalawang pung taon ni Artajerjes na hari, nang ang alak ay nasa harap niya, na aking kinuha ang alak at ibinigay ko sa hari. Hindi nga ako nalungkot nang una sa kaniyang harapan.

At sinabi ng hari sa akin, Bakit ang iyong mukha ay malungkot, dangang wala kang sakit? ito'y dili iba kundi kalungkutan ng puso. Nang magkagayo'y natakot akong mainam.

At sinabi ko sa hari, Mabuhay ang hari magpakailan man: bakit ang aking mukha ay hindi malulungkot, kung ang bayan, ang dako ng mga libingan sa aking mga magulang ay giniba, at ang mga pintuang-bayan niyaon ay nasupukan ng apoy?

Nang magkagayo'y sinabi ng hari sa akin, Ano ang iyong hinihiling? Sa gayo'y dumalangin ako sa Dios ng langit.

At nagsabi ako sa hari, Kung ikinalulugod ng hari, at kung ang iyong lingkod ay nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin ay suguin mo ako sa Juda, sa bayan ng libingan sa aking mga magulang, upang aking maitayo.

At ang hari ay nagsabi sa akin, (ang reina ay nakaupo naman sa siping niya,) Magiging gaano kalaon ang iyong paglalakbay? at kailan ka babalik? Sa gayo'y nalugod ang hari na suguin ako, at nagtakda ako sa kaniya ng panahon.

Bukod dito'y sinabi ko sa hari, Kung ikinalulugod ng hari, bigyan ako ng mga sulat sa mga tagapamahala sa dako roon ng Ilog, upang ako'y kanilang paraanin hanggang sa ako'y dumating sa Juda;

At isang sulat kay Asaph na tagapagingat ng gubat ng hari, upang bigyan niya ako ng mga kahoy na magawang mga tahilan sa mga pintuang-daan ng kastillo na nauukol sa bahay, at sa kuta ng bayan at sa bahay na aking papasukan. At pinagkalooban ako ng hari ayon sa mabuting kamay ng aking Dios na sumasa akin.

Nang magkagayo'y pumaroon ako sa mga tagapamahala sa dako roon ng Ilog, at ibinigay ko sa kanila ang mga sulat ng hari. Sinugo nga ako ng hari na may kasamang mga punong kawal ng hukbo at mga mangangabayo.

10 At nang mabalitaan ni Sanballat na Horonita, at ni Tobias na lingkod, na Ammonita, ay namanlaw na mainam, sapagka't may naparoong isang lalake upang hanapin ang ikagagaling ng mga anak ni Israel.

11 Sa gayo'y naparoon ako sa Jerusalem, at dumoon akong tatlong araw.

12 At ako'y bumangon sa kinagabihan, ako, at ilang lalake na kasama ko; ni hindi ko man isinaysay sa kanino man kung anong inilagak ng aking Dios sa aking puso na gawin sa ikagagaling ng Jerusalem: wala rin namang anomang hayop na kasama ako, liban sa hayop na aking sinasakyan.

13 At ako'y lumabas ng kinagabihan sa pintuang-bayan ng libis, sa makatuwid baga'y sa dako ng balon ng dragon, at sa pintuang-bayan ng tapunan ng dumi, at minasdan ko ang mga kuta ng Jerusalem, na nangabagsak, at ang mga pintuang-bayan na sinupok ng apoy.

14 Nang magkagayo'y nagpatuloy ako sa pintuang-bayan ng bukal at sa tangke ng hari: nguni't walang dakong mararaanan ang hayop sa ilalim ko.

15 Nang magkagayo'y namaybay ako ng kinagabihan sa batis, at aking minasdan ang kuta; at ako'y bumalik, at pumasok sa pintuang-bayan ng libis, at sa gayo'y pumihit ako.

16 At hindi naalaman ng mga pinuno kung saan ako naparoon, o kung ano ang ginawa ko; ni hindi ko rin isinaysay sa mga Judio, ni sa mga saserdote man, ni sa mga mahal na tao man, ni sa mga pinuno man, ni sa nalabi man na gumagawa ng gawain.

17 Nang magkagayo'y sinabi ko sa kanila, Inyong nakikita ang masamang kalagayan na kinaroroonan natin, kung paanong ang Jerusalem ay guho at ang mga pintuang-bayan nito ay nasunog sa apoy: kayo'y parito, at ating itayo ang kuta ng Jerusalem, upang tayo'y huwag nang maging kadustaan.

18 At isinaysay ko sa kanila ang kamay ng aking Dios na naging mabuti sa akin, at gayon din ang mga salita ng hari na sinalita niya sa akin. At kanilang sinabi, Magbangon tayo at magtayo. Sa gayo'y kanilang pinalakas ang kanilang mga kamay sa mabuting gawa.

19 Nguni't nang mabalitaan ni Sanballat na Horonita, at ni Tobias na lingkod, na Ammonita, at ni Gesem na taga Arabia, ay kanilang tinawanang mainam kami, at hinamak kami, at sinabi, Ano itong bagay na inyong ginagawa? manghihimagsik ba kayo laban sa hari?

20 Nang magkagayo'y sumagot ako sa kanila, at sinabi ko sa kanila, Ang Dios ng langit, siya ang magpapaginhawa sa amin: kaya't kaming kaniyang mga lingkod ay magbabangon at magtatayo: nguni't kayo'y walang bahagi, o matuwid man, o alaala man, sa Jerusalem.

Nang magkagayo'y si Eliasib na pangulong saserdote ay tumayo na kasama ng kaniyang mga kapatid na mga saserdote, at kanilang itinayo ang pintuang-bayan ng mga tupa; kanilang itinalaga, at inilagay ang mga pinto niyaon; hanggang sa moog ng Meah ay kanilang itinalaga, hanggang sa moog ng Hananeel.

At sumunod sa kaniya ay nagsipagtayo ang mga lalake ng Jerico. At sumunod sa kanila ay nagtayo si Zachur na anak ni Imri.

At ang pintuang-bayan ng mga isda ay itinayo ng mga anak ni Senaa; kanilang inilapat ang mga tahilan niyaon, at inilagay ang mga pinto niyaon, ang mga trangka niyaon, at ang mga halang niyaon.

At sumunod sa kanila ay hinusay ni Meremoth na anak ni Urias, na anak ni Cos. At sumunod sa kanila ay hinusay ni Mesullam, na anak ni Berechias, na anak ni Mesezabeel. At sumunod sa kanila ay hinusay ni Sadoc na anak ni Baana.

At sumunod sa kanila ay hinusay ng mga Tecoita; nguni't hindi inilagay ng kanilang mga mahal na tao ang kanilang mga leeg sa gawain ng kanilang Panginoon.

At ang dating pintuang-bayan ay hinusay ni Joiada na anak ni Pasea at ni Mesullam na anak ni Besodias; kanilang inilapat ang mga tahilan niyaon, at inilagay ang mga pinto niyaon, at ang mga trangka niyaon, at ang mga halang niyaon.

At sumunod sa kanila ay hinusay ni Melatias na Gabaonita, at ni Jadon na Meronothita, ng mga lalaking taga Gabaon, at taga Mizpa, na ukol sa luklukan ng tagapamahala sa dako roon ng Ilog.

Sumunod sa kanila ay hinusay ni Uzziel na anak ni Harhaia, na platero. At sumunod sa kaniya ay hinusay ni Hananias na isa sa mga manggagawa ng pabango, at kanilang pinagtibay ang Jerusalem, hanggang sa maluwang na kuta.

At sumunod sa kanila ay hinusay ni Repaias na anak ni Hur, na pinuno ng kalahating distrito ng Jerusalem.

10 At sumunod sa kanila ay hinusay ni Jedaias na anak ni Harumaph, sa tapat ng kaniyang bahay. At sumunod sa kaniya ay hinusay ni Hattus na anak ni Hasbanias.

11 Ang ibang bahagi at ang moog ng mga hurno ay hinusay ni Malchias na anak ni Harim, at ni Hasub na anak ni Pahatmoab.

12 At sumunod sa kaniya ay hinusay ni Sallum na anak ni Lohes, na pinuno ng kalahating distrito ng Jerusalem, niya at ng kaniyang mga anak na babae.

13 Ang pintuang-bayan ng libis ay hinusay ni Hanun, at ng mga taga Zanoa; kanilang itinayo, at inilagay ang mga pinto niyaon, ang mga trangka niyaon, at ang mga halang niyaon, at isang libong siko sa kuta hanggang sa pintuang-bayan ng tapunan ng dumi.

14 At ang pintuang-bayan ng tapunan ng dumi ay hinusay ni Malchias na anak ni Rechab, na pinuno ng distrito ng Beth-haccerem; kaniyang itinayo, at inilagay ang mga pinto niyaon, ang mga trangka niyaon, at ang mga halang niyaon.

15 At ang pintuang-bayan ng bukal ay hinusay ni Sallum na anak ni Cholhoce, na pinuno ng distrito ng Mizpa, kaniyang itinayo, at tinakpan, at inilagay ang mga pinto niyaon, ang trangka niyaon, at ang mga halang niyaon, at ang pader ng tangke ng Selah sa tabi ng halamanan ng hari, hanggang sa mga baytang na paibaba mula sa bayan ni David.

16 Sumunod sa kaniya ay hinusay ni Nehemias na anak ni Azbuc, na pinuno ng kalahating distrito ng Beth-sur, hanggang sa dako ng tapat ng mga libingan ni David, at hanggang sa tangke na ginawa, at hanggang sa bahay ng mga makapangyarihang lalake.

17 Sumunod sa kaniya ay hinusay ng mga Levita, ni Rehum na anak ni Bani. Sumunod sa kaniya, ay hinusay ni Asabias, na pinuno ng kalahating distrito ng Ceila, na pinaka distrito niya.

18 Sumunod sa kaniya ay hinusay ng kanilang mga kapatid, ni Bavvai na anak ni Henadad, na pinuno ng kalahating distrito ng Ceila.

19 At sumunod sa kaniya ay hinusay ni Ezer na anak ni Jesua, na pinuno ng Mizpa, na ibang bahagi, sa tapat ng sampahan sa lagayan ng mga sandata sa pagliko ng kuta.

20 Sumunod sa kaniya ay hinusay na masikap ni Baruch na anak ni Zachai ang ibang bahagi, mula sa may pagliko ng kuta hanggang sa pintuan ng bahay ni Eliasib na pangulong saserdote.

21 Sumunod sa kaniya ay hinusay ni Meremoth, na anak ni Urias na anak ni Cos ang ibang bahagi mula sa pintuan ng bahay ni Eliasib hanggang sa hangganan ng bahay ni Eliasib.

22 At sumunod sa kaniya, ay hinusay ng mga saserdote, na mga lalake sa Kapatagan.

23 Sumunod sa kanila, ay hinusay ni Benjamin at ni Hasub sa tapat ng kanilang bahay. Sumunod sa kanila ay hinusay ni Azarias na anak ni Maasias na anak ni Ananias, sa siping ng kaniyang sariling bahay.

24 Sumunod sa kaniya ay hinusay ni Binnui na anak ni Henadad ang ibang bahagi, mula sa bahay ni Azarias hanggang sa pagliko ng kuta, at hanggang sa sulok.

25 Si Paal na anak ni Uzai ay naghusay ng tapat ng may pagliko ng kuta, at ng moog na lumalabas mula sa lalong mataas na bahay ng hari, na nasa tabi ng looban ng bantay. Sumunod sa kaniya'y si Pedaia na anak ni Pharos ang naghusay.

26 (Ang mga Nethineo nga ay nagsitahan sa Ophel, hanggang sa dako na nasa tapat ng pintuang-bayan ng tubig sa dakong silanganan, at ng moog na nakalabas.)

27 Sumunod sa kaniya ay hinusay ng mga Tecoita ang ibang bahagi, sa tapat ng malaking moog na nakalabas, at hanggang sa pader ng Ophel.

28 Sa itaas ng pintuang-bayan ng mga kabayo, mga saserdote ang naghusay na bawa't isa'y sa tapat ng kaniyang sariling bahay.

29 Sumunod sa kanila ay hinusay ni Sadoc na anak ni Immer sa tapat ng kaniyang sariling bahay. At sumunod sa kaniya ay hinusay ni Semaias na anak ni Sechanias na tagatanod ng pintuang silanganan.

30 Sumunod sa kaniya ay hinusay ni Hananias na anak ni Selemias, at ni Anun na ikaanim na anak ni Salaph ang ibang bahagi. Sumunod sa kaniya ay hinusay ni Mesullam na anak ni Berechias sa tapat ng kaniyang silid.

31 Sumunod sa kaniya, ay hinusay ni Malchias na isa sa mga platero sa bahay ng mga Nethineo, at sa mga mangangalakal, sa tapat ng pintuang-bayan ng Hammiphcad, at sa sampahan sa sulok.

32 At sa pagitan ng sampahan sa sulok at ng pintuang-bayan ng mga tupa, ang naghusay ay ang mga platero at ang mga mangangalakal.

Nguni't nangyari, na nang mabalitaan ni Sanballat na aming itinayo ang kuta, siya'y naginit, at nagalit na mainam, at tinuya ang mga Judio.

At siya'y nagsalita sa harap ng kaniyang mga kapatid, at ng hukbo ng Samaria, at nagsabi, Anong ginagawa nitong mahihinang Judio? magpapakatibay ba sila? mangaghahain ba sila? wawakasan ba nila sa isang araw? kanila bang bubuhayin ang mga bato mula sa mga bunton ng dumi, dangang nangasunog na ang mga yaon?

Si Tobias nga na Ammonita ay nasa tabi niya, at sinabi niya, Bagaman sila'y nangagtatayo, kung ang isang zorra ay sumampa, ibabagsak ang kanilang mga batong kuta.

Dinggin mo, Oh aming Dios: sapagka't kami ay hinamak; at ibalik mo ang kanilang pagdusta sa kanilang sariling ulo, at ibigay mo sila sa pagkasamsam sa isang lupain sa pagkabihag:

At huwag mong ikubli ang kanilang kasamaan, at huwag mong pawiin ang kanilang kasalanan sa harap mo: sapagka't kanilang minungkahi ka sa galit sa harap ng mga manggagawa.

Sa gayo'y aming itinayo ang kuta; at ang buong kuta ay nahusay hanggang sa kalahatian ng taas niyaon: sapagka't ang bayan ay nagkaroon ng kaloobang gumawa.

Nguni't nangyari, na nang mabalitaan ni Sanballat, at ni Tobias, at ng mga taga Arabia, at ng mga Ammonita, at ng mga Asdodita, na ipinatuloy ang paghuhusay ng mga kuta ng Jerusalem, at ang mga sira ay pinasimulang tinakpan, sila nga'y nangaginit na mainam;

At nagsipagbanta silang lahat na magkakasama upang magsiparoon, at magsilaban sa Jerusalem, at upang manggulo roon.

Nguni't kami ay nagsidalangin sa aming Dios, at naglagay ng bantay laban sa kanila araw at gabi, dahil sa kanila.

10 At ang Juda ay nagsabi, Nawalan ng lakas ang mga tagadala ng mga pasan, at may maraming dumi; na anopa't hindi kami makapagtayo ng kuta.

11 At sinabi ng aming mga kalaban: Sila'y hindi mangakakaalam, o mangakakakita man hanggang sa kami ay magsidating sa gitna nila, at patayin sila, at ipatigil ang gawain.

12 At nangyari, na nang magsidating ang mga Judio na nagsisitahan sa siping nila, sinabi nila sa aming makasangpu, mula sa lahat na dako: Kayo'y marapat magsibalik sa amin.

13 Kaya't inilagay ko sa mga pinakamababang dako ng pagitan ng likuran ng kuta, sa mga luwal na dako, sa makatuwid baga'y aking inilagay ang bayan ayon sa kanilang mga angkan, pati ng kanilang mga tabak, ng kanilang mga sibat, at ng kanilang mga busog.

14 At ako'y tumingin, at tumayo, at nagsabi sa mga mahal na tao, at sa mga pinuno, at sa nalabi sa bayan: Huwag kayong mangatakot sa kanila: inyong alalahanin ang Panginoon, na dakila at kakilakilabot, at ipakipaglaban ninyo ang inyong mga kapatid, ang inyong mga anak na lalake at babae, ang inyong mga asawa at ang inyong mga bahay.

15 At nangyari, nang mabalitaan ng aming mga kaaway na naalaman namin, at iniuwi sa wala ng Dios ang kanilang payo, na kami na nagsibalik na lahat sa kuta, bawa't isa'y sa kaniyang gawa.

16 At nangyari, mula nang panahong yaon, na kalahati sa aking mga lingkod ay nagsigawa sa gawain, at kalahati sa kanila ay nagsisihawak ng mga sibat, mga kalasag, at mga busog, at ng mga baluti; at ang mga pinuno ay nangasa likuran ng buong sangbahayan ng Juda.

17 Silang nangagtayo ng kuta, at silang nangagpapasan ng mga pasan ay nagsipagsakbat, bawa't isa'y may isa ng kaniyang mga kamay na iginagawa sa gawain, at may isa na inihahawak ng kaniyang sakbat;

18 At ang mga manggagawa, bawa't isa'y may kaniyang tabak na nakasabit sa kaniyang tagiliran, at gayon gumagawa. At ang nagpapatunog ng pakakak ay nasa siping ko.

19 At sinabi ko sa mga mahal na tao at sa mga pinuno, at sa nalabi sa bayan: Ang gawain ay malaki at malaon, at tayo'y nangagkakahiwalay sa kuta, isa'y malayo sa isa:

20 Sa anomang dako na inyong marinig ang tunog ng pakakak, ay makipisan kayo sa amin; ipakikipaglaban tayo ng ating Dios.

21 Ganito nagsigawa kami sa gawain: at kalahati sa kanila ay nagsisihawak ng mga sibat mula sa pagbubukang liwayway hanggang sa ang mga bituin ay magsilitaw.

22 Sinabi ko rin nang panahong yaon sa bayan: Magsitahan bawa't isa sa Jerusalem, na kasama ng kanikaniyang lingkod upang sa gabi ay maging bantay sila sa atin, at makagawa sa araw.

23 Sa gayo'y maging ako, ni ang aking mga kapatid man, ni ang aking mga lingkod man, ni ang mga lalake mang bantay na nagsisisunod sa akin, ay walang naghubad sa amin ng aming mga suot, na bawa't isa'y yumaon na may kaniyang sandata sa tubig.

Nang magkagayo'y umalingawngaw ang malakas na daing ng bayan at ng kanilang mga asawa laban sa kanilang mga kapatid na mga Judio,

Sapagka't may nagsisipagsabi, Kami, ang aming mga anak na lalake at babae ay marami: tulutan kaming magsikuha ng trigo, upang aming makain at mabuhay kami.

May nagsisipagsabi naman: Aming isinasangla ang aming mga bukid at ang aming mga ubasan, at ang aming mga bahay: tulutan kaming magsikuha ng trigo, dahil sa kasalatan.

May nagsisipagsabi naman: Aming ipinangutang ng salapi ang buwis sa hari na hinihingi sa aming mga bukid at aming mga ubasan.

Gayon ma'y ang aming laman ngayon ay gaya ng laman ng aming mga kapatid, ang aming mga anak ay gaya ng kanilang mga anak: at, narito, aming dinadala sa pagkaalipin ang aming mga anak na lalake at babae upang maging mga alipin, at ang iba sa aming mga anak na babae ay nangadala sa pagkaalipin: wala man lamang kaming kapangyarihang makatulong; sapagka't ibang mga tao ang nagtatangkilik ng aming bukid at ng aming mga ubasan.

At ako'y nagalit na mainam, nang aking marinig ang kanilang daing at ang mga salitang ito.

Nang magkagayo'y sumangguni ako sa aking sarili, at nakipagtalo ako sa mga mahal na tao at sa mga pinuno, at nagsabi sa kanila, Kayo'y nangagpapatubo, bawa't isa sa kaniyang kapatid. At ako'y nagdaos ng malaking kapulungan laban sa kanila.

At sinabi ko sa kanila, Kami ayon sa aming kaya ay aming tinubos ang aming mga kapatid na mga Judio, na mga naipagbili sa mga bansa; at inyo ba ring ipagbibili ang inyong mga kapatid, at sila'y maipagbibili sa amin? Nang magkagayo'y nagsitahimik sila, at hindi nakasumpong kailan man ng salita.

Sinabi ko rin, Ang bagay na inyong ginagawa ay hindi mabuti: hindi ba kayo marapat magsilakad sa takot sa ating Dios, dahil sa pagdusta ng mga bansa, na ating mga kaaway?

10 At ako'y gayon din, ang aking mga kapatid at ang aking mga lingkod ay nangutang sa kanila ng salapi at trigo. Isinasamo ko sa inyo na ating iwan ang patubong ito.

11 Isinasamo ko sa inyo, na isauli ninyo sa kanila, sa araw ding ito, ang kanilang mga bukid, at ang kanilang mga ubasan, ang kanilang mga olibohan, at ang kanilang mga bahay, gayon din ang ikasangdaang bahagi ng salapi, at ng trigo, ng alak, at ng langis, na inyong hinihingi sa kanila.

12 Nang magkagayo'y sinabi nila, Aming isasauli, at wala kaming hihilingin sa kanila; gayon namin gagawin, gaya ng iyong sinasabi. Nang magkagayo'y tinawag ko ang mga saserdote at pinanumpa ko sila, na sila'y magsisigawa ng ayon sa pangakong ito.

13 Ipinagpag ko naman ang aking laylayan, at ako'y nagsabi, Ganito ipagpag ng Dios ang bawa't tao mula sa kaniyang bahay, at mula sa kaniyang gawain, na hindi tumupad ng pangakong ito; sa makatuwid baga'y ganito ipagpag siya, at mahungkag. At ang buong kapisanan ay nagsabi, Siya nawa, at pumuri sa Panginoon. At ginawa ng bayan ayon sa pangakong ito.

14 Bukod dito'y mula sa panahon na ako'y mahalal na kanilang tagapamahala sa lupain ng Juda, mula sa ikadalawang pung taon hanggang sa ikatatlong pu't dalawang taon ni Artajerjes na hari, sa makatuwid baga'y labing dalawang taon, ako at ang aking mga kapatid ay hindi nagsikain ng tinapay ng tagapamahala.

15 Nguni't ang mga dating tagapamahala na una sa akin ay naging pasan sa bayan, at kumuha sa kanila ng tinapay at alak, bukod sa apat na pung siklong pilak; oo, pati ng kanilang mga lingkod ay nagpupuno sa bayan: nguni't ang gayon ay hindi ko ginawa, dahil sa takot sa Dios.

16 Oo, ako nama'y nagpatuloy sa gawain ng kutang ito, ni hindi man lamang kami nagsibili ng anomang lupain: at ang lahat ng aking mga lingkod ay nagpipisan doon sa gawain.

17 Bukod dito'y nagkaroon sa dulang ko ng mga Judio at mga pinuno na isang daan at limang pung tao, bukod sa nagsiparoon sa amin na mula sa mga bansa na nasa palibot namin.

18 Ang inihahanda nga sa bawa't araw ay isang baka at anim na piling tupa; mga ibon naman ay nahanda sa akin, at minsan sa sangpung araw ay sarisaring alak na masagana: gayon ma'y sa lahat ng ito ay hindi ako humingi ng tinapay sa tagapamahala, sapagka't ang pagkaalipin ay mabigat sa bayang ito.

19 Alalahanin mo ako, Oh aking Dios, sa ikabubuti, lahat na aking ginawa dahil sa bayang ito.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain