Chronological
4 Si Nabucodonosor na hari, sa lahat na bayan, bansa, at wika, na nagsisitahan sa buong lupa: Kapayapaa'y managana sa inyo.
2 Inaakala kong mabuti na ipahayag ang mga tanda at mga kababalaghan na ginawa sa akin ng Kataastaasang Dios.
3 Kay dakila ang kaniyang mga tanda! at pagka makapangyarihan ng kaniyang mga kababalaghan! ang kaniyang kaharian ay walang hanggang kaharian, at ang kaniyang kapangyarihan ay sa sali't saling lahi.
4 Akong si Nabucodonosor ay nagpapahinga sa aking bahay, at gumiginhawa sa aking palasio.
5 Ako'y nakakita ng isang pangitain na tumakot sa akin; at ang pagiisip ko sa aking higaan at ang mga pangitain na suma aking ulo ay bumagabag sa akin.
6 Kaya't nagpasiya ako na iharap sa akin ang lahat na pantas sa Babilonia, upang kanilang maipaaninaw sa akin ang kahulugan ng panaginip.
7 Nang magkagayo'y nagsidating ang mga mahiko, ang mga enkantador, ang mga Caldeo, at ang mga manghuhula; at isinaysay ko ang panaginip sa harap nila; nguni't hindi nila maipaaninaw sa akin ang kahulugan niyaon.
8 Nguni't sa kahulihuliha'y dumating sa harap ko si Daniel, na ang pangala'y Beltsasar, ayon sa pangalan ng aking dios, at siyang kinaroroonan ng espiritu ng mga banal na dios: at aking isinaysay ang panaginip sa harap niya, na aking sinasabi,
9 Oh Beltsasar, na pangulo ng mga mahiko, sapagka't talastas ko na ang espiritu ng mga banal na dios ay sumasaiyo, at walang lihim na bumabagabag sa iyo, isaysay mo sa akin ang mga pangitain ng aking panaginip na aking nakita, at ang kahulugan niyaon.
10 Ganito ang mga pangitain ng aking ulo sa aking higaan, Ako'y tumitingin, at narito, ang isang punong kahoy sa gitna ng lupa, at ang taas niyao'y di kawasa.
11 Ang punong kahoy ay lumaki, at tumibay, at ang taas niyao'y umaabot hanggang sa langit, at ang tanaw niyaon hanggang sa wakas ng buong lupa.
12 Ang mga dahon niyao'y magaganda, at ang bunga niyao'y marami, at pagkain sa lahat; ang mga hayop sa parang ay may lihim sa ilalim niyaon, at ang mga ibon sa himpapawid ay nagsisitahan sa mga sanga niyaon, at ang lahat na laman ay nangabubusog doon.
13 May nakita ako sa mga pangitain ng aking ulo sa aking higaan, at, narito, isang bantay at isang banal ay bumaba mula sa langit.
14 Siya'y sumigaw ng malakas, at nagsabi ng ganito, Ibuwal ang kahoy, at putulin ang mga sanga niyan, lagasin ang mga dahon niyan, at isambulat ang mga bunga niyan: paalisin ang mga hayop sa ilalim niyan, at ang mga ibon sa mga sanga niyan.
15 Gayon ma'y inyong iwan ang tuod ng kaniyang mga ugat sa lupa, na magkatali ng bakal at tanso, sa murang damo sa parang; at bayaang mabasa siya ng hamog ng langit, at makasalo siya ng mga hayop sa damo sa lupa:
16 Bayaang ang kaniyang puso na pusong tao ay mapalitan at ang puso ng hayop ay mabigay sa kaniya; at mangyaring makapito sa kaniya.
17 Ang hatol ay sa pamamagitan ng pasiya ng mga bantay, at ang utos ay sa pamamagitan ng salita ng mga banal; upang makilala ng mga may buhay na ang Kataastaasan ay nagpupuno sa kaharian ng mga tao, at ibinibigay niya ito sa kanino mang kaniyang ibigin, at itinataas niya sa kaniya ang pinakamababa sa mga tao.
18 Akong si Nabucodonosor na hari ay nakakita ng panaginip na ito: at ikaw, Oh Beltsasar, ipahayag ang kahulugan, sapagka't lahat na pantas sa aking kaharian ay hindi makapagpaaninaw sa akin ng kahulugan; nguni't maipaaaninaw mo; sapagka't ang espiritu ng mga banal na dios ay sumasa iyo.
19 Nang magkagayo'y si Daniel na ang pangala'y Beltsasar, natigilang sangdali, at binagabag siya ng kaniyang mga pagiisip. Ang hari ay sumagot, at nagsabi, Beltsasar, huwag kang bagabagin ng panaginip, o ng kahulugan. Si Beltsasar ay sumagot, at nagsabi, Panginoon ko, ang panaginip ay mangyari nawa sa napopoot sa iyo, at ang kahulugan niyao'y mangyari nawa sa iyong mga kaaway,
20 Ang punong kahoy na iyong nakita na tumutubo, at tumitibay na ang taas ay umaabot sa langit, at ang tanaw niyao'y sa buong lupa;
21 Na ang mga daho'y magaganda, at ang bunga niyao'y marami, at pagkain sa lahat; na ang lilim ay tinatahanan ng mga hayop sa parang, at ang kaniyang mga sanga'y dinadapuan ng mga ibon sa himpapawid:
22 Ay ikaw, Oh hari, na lumalaki at nagiging malakas; sapagka't ang iyong kadakilaan ay lumaki, at umaabot hanggang sa langit, at ang iyong kapangyarihan ay hanggang sa wakas ng lupa.
23 At yamang nakita ng hari ang isang bantay at isang banal na bumababa mula sa langit, at nagsasabi, Ibuwal ninyo ang punong kahoy, at inyong lipulin; gayon ma'y itira ninyo ang tuod ng mga ugat niyaon sa lupa na magkatali ng bakal at tanso, sa murang damo sa parang, at bayaang mabasa siya ng hamog ng langit, at makasalo siya ng mga hayop sa parang, hanggang sa mangyari sa kaniya na makapito;
24 Ito ang kahulugan, Oh hari, at siyang pasiya ng kataastaasan na sumapit sa aking panginoon na hari:
25 Na ikaw ay mahihiwalay sa mga tao, at ang iyong tahanan ay mapapasama sa mga hayop sa parang, at ikaw ay pakakanin ng damo na gaya ng mga baka, at mababasa ka ng hamog ng langit, at makapitong mangyayari sa iyo; hanggang sa iyong maalaman na ang kataastaasan ay nagpupuno sa kaharian ng mga tao, at nagbibigay niyaon sa kanino mang ibigin niya.
26 At yamang kanilang iniutos na iwan ang tuod ng mga ugat ng kahoy; ang iyong kaharian ay tunay na magiging iyo, pagkatapos na iyong maalaman na ang mga langit ay nagpupuno.
27 Kaya't, Oh hari, tanggapin mo ang aking payo, at lansagin mo ng katuwiran ang iyong mga kasalanan, at ng pagpapakita ng kaawaan sa dukha ang iyong katampalasanan; baka sakaling ikatibay ng iyong katiwasayan.
28 Lahat ng ito'y sumapit sa haring Nabucodonosor.
29 Sa katapusan ng labing dalawang buwan ay lumalakad siya sa palacio ng hari sa Babilonia.
30 Ang hari ay nagsalita, at nagsabi, Hindi baga ito ang dakilang Babilonia na aking itinayo na pinaka tahanang hari, sa pamamagitan ng lakas ng aking kapangyarihan at sa ikaluluwalhati ng aking kamahalan?
31 Samantalang ang salita ay nasa bibig pa ng hari, ay may isang tinig na nanggaling sa langit, na nagsasabi, Oh haring Nabucodonosor, sa iyo'y sinalita: Ang kaharian ay mahihiwalay sa iyo.
32 At ikaw ay palalayasin sa mga tao; at ang iyong tahanan ay mapapasama sa mga hayop sa parang; ikaw ay pakakanin ng damo na gaya ng mga baka; at makapitong mangyayari sa iyo; hanggang sa iyong maalaman na ang Kataastaasan ay nagpupuno sa kaharian ng mga tao, at ibinibigay sa kanino mang kaniyang ibigin.
33 Nang oras ding yaon ay natupad ang bagay kay Nabucodonosor: at siya'y pinalayas sa mga tao, at kumain ng damo na gaya ng mga baka, at ang kaniyang katawan ay nabasa ng hamog ng langit, hanggang sa ang kaniyang buhok ay lumagong parang balahibo ng mga aguila, at ang kaniyang mga kuko ay parang mga kuko ng mga ibon.
34 At sa katapusan ng mga kaarawan, akong si Nabucodonosor ay nagtaas ng aking mga mata sa langit, at ang aking unawa ay nanumbalik sa akin, at aking pinuri ang Kataastaasan, at aking pinuri at pinarangalan ko siya na nabubuhay magpakailan man; sapagka't ang kaniyang kapangyarihan ay walang hanggang kapangyarihan, at ang kaniyang kaharian ay sa sali't saling lahi;
35 At ang lahat na mananahan sa lupa ay nabilang sa wala; at kaniyang ginagawa ang ayon sa kaniyang kalooban sa hukbo ng langit, at sa mga mananahan sa lupa; at walang makahahadlang sa kaniyang kamay, o makapagsasabi sa kaniya, Anong ginagawa mo?
36 Sa oras ding yaon ay nanumbalik sa akin ang aking unawa; at sa ikaluluwalhati ng aking kaharian, ay nanumbalik sa akin ang aking kamahalan at kakinangan; at hinanap ako ng aking mga kasangguni at mga mahal na tao; at ako'y natatag sa aking kaharian, at marilag na kadakilaan ay nadagdag sa akin.
37 Ngayo'y akong si Nabucodonosor ay pumupuri, at nagbubunyi, at nagpaparangal sa Hari ng langit; sapagka't ang lahat niyang gawa ay katotohanan, at ang kaniyang mga daan ay kahatulan; at yaong nagsisilakad sa kapalaluan ay kaniyang mapabababa.
5 Si Belsasar na hari ay gumawa ng malaking piging sa isang libo na kaniyang mga mahal na tao, at uminom ng alak sa harap ng sanglibo.
2 Samantalang nilalasap ni Belsasar ang alak, ay nagutos na dalhin doon ang mga ginto at pilak na sisidlan na kinuha ni Nabucodonosor na kaniyang ama sa templo na nasa Jerusalem; upang mainuman ng hari, ng kaniyang mga mahal na tao, ng kaniyang mga asawa, at ng kaniyang mga babae.
3 Nang magkagayo'y dinala nila ang mga gintong sisidlan na kinuha sa templo ng bahay ng Dios na nasa Jerusalem; at ininuman ng hari at ng kaniyang mga mahal na tao, at ng kaniyang mga asawa at ng kaniyang mga babae.
4 Sila'y nangaginuman ng alak, at nagsipuri sa mga dios na ginto, at pilak, tanso, bakal, kahoy, at bato.
5 Nang oras ding yaon ay may lumabas na mga daliri ng kamay ng isang tao at sumulat sa tapat ng kandelero sa panig na may palitada ng palacio: at nakita ng hari ang bahagi ng kamay na sumulat.
6 Nang magkagayo'y nagbago ang pagmumukha ng hari, at binagabag siya ng kaniyang mga pagiisip; at ang pagkakasugpong ng kaniyang mga balakang ay nakalag, at ang kaniyang mga tuhod ay nagkaumpugan.
7 Ang hari ay sumigaw ng malakas, na papasukin ang mga enkantador, mga Caldeo, at mga manghuhula. Ang hari ay nagsalita, at nagsabi sa mga pantas sa Babilonia, Sinomang makababasa ng sulat na ito, at makapagpapaaninaw sa akin ng kahulugan niyan, magdadamit ng kulay morado, at magkakaroon ng kuwintas na ginto sa palibot ng kaniyang leeg, at magiging ikatlong puno sa kaharian.
8 Nang magkagayo'y nagsipasok ang lahat na pantas ng hari; nguni't hindi nila nabasa ang sulat, o naipaaninaw man sa hari ang kahulugan niyaon.
9 Nang magkagayo'y nabagabag na mainam ang haring Belsasar, at ang kaniyang pagmumukha ay nabago, at ang kaniyang mga mahal na tao ay nangatitigilan.
10 Ang reina, dahil sa mga salita ng hari at ng kaniyang mga mahal na tao ay pumasok sa bahay na pinagpigingan: ang reina ay nagsalita, at nagsabi, Oh hari, mabuhay ka magpakailan man; huwag kang bagabagin ng iyong mga pagiisip, o mabago man ang iyong pagmumukha.
11 May isang lalake sa iyong kaharian na kinaroroonan ng espiritu ng mga banal na dios; at sa mga kaarawan ng iyong ama, ay nasumpungan sa kaniya ang liwanag at unawa at karunungan, na gaya ng karunungan ng mga dios; at ang haring Nabucodonosor, na iyong ama, ang hari, sinasabi ko, ang iyong ama, ay ginawa niya siyang panginoon ng mga mago, ng mga enkantador, ng mga Caldeo, at ng mga manghuhula;
12 Palibhasa'y isang marilag na espiritu, at kaalaman, at unawa, pagpapaaninaw ng mga panaginip, at pagpapakilala ng mga malabong salita, at pagpapaliwanag ng pagaalinlangan, ay nangasumpungan sa Daniel na iyan, na pinanganlan ng hari na Beltsasar. Tawagin nga si Daniel, at kaniyang ipaaaninaw ang kahulugan.
13 Nang magkagayo'y dinala si Daniel sa harap ng hari. Ang hari ay nagsalita, at nagsabi kay Daniel, Ikaw baga'y si Daniel na sa mga anak ng pagkabihag sa Juda, na kinuha sa Juda ng haring aking ama?
14 Nabalitaan kita, na ang espiritu ng mga dios ay sumasa iyo, at ang liwanag at unawa at marilag na karunungan ay masusumpungan sa iyo.
15 At ang mga pantas nga, ang mga enkantador, dinala sa harap ko, upang kanilang basahin ang sulat na ito, at ipaaninaw sa akin ang kahulugan; nguni't hindi nila naipaaninaw ang kahulugan ng bagay.
16 Nguni't nabalitaan kita, na ikaw ay makapagpapaaninaw ng mga kahulugan, at makapagpapaliwanag ng alinlangan: kung iyo ngang mabasa ang sulat, at maipaaninaw sa akin ang kahulugan, mananamit ka ng kulay morado, at magkakaroon ng kuwintas na ginto sa palibot ng iyong leeg, at ikaw ay magiging ikatlong puno sa kaharian.
17 Nang magkagayo'y sumagot, at nagsabi si Daniel sa harap ng hari, Iyo na ang iyong mga kaloob, at ibigay mo ang iyong mga ganting pala sa iba; gayon ma'y aking babasahin sa hari ang sulat, at ipaaninaw ko sa kaniya ang kahulugan.
18 Oh ikaw na hari, ang Kataastaasang Dios, nagbigay kay Nabucodonosor na iyong ama ng kaharian, at kadakilaan, at kaluwalhatian, at kamahalan:
19 At dahil sa kadakilaan na ibinigay niya sa kaniya, nanginig at natakot sa harap niya lahat ng mga bayan, bansa, at wika: ang kaniyang ibiging patayin ay kaniyang pinapatay, at ang kaniyang ibiging buhayin ay kaniyang binubuhay; at ang ibiging itaas ay kaniyang itinataas, at ang ibiging ibaba ay kaniyang ibinababa.
20 Nguni't nang ang kaniyang puso ay magpakataas, at ang kaniyang espiritu ay magmatigas na siya'y gumawang may kapalaluan, siya'y ibinaba sa kaniyang luklukang pagkahari, at inalis nila ang kaniyang kaluwalhatian:
21 At siya'y pinalayas sa mga anak ng mga tao, at ang kaniyang puso ay naging gaya ng sa mga hayop, at ang kaniyang tahanan ay napasama sa maiilap na mga asno; siya'y pinakain ng damo na gaya ng mga baka, at ang kaniyang katawan ay nabasa ng hamog ng langit; hanggang sa kaniyang naalaman na ang Kataastaasang Dios ay nagpupuno sa kaharian ng mga tao, at iniluklok niya roon ang sinomang kaniyang ibigin.
22 At ikaw na kaniyang anak, Oh Belsasar, hindi mo pinapagpakumbaba ang iyong puso, bagaman iyong nalalaman ang lahat na ito,
23 Kundi ikaw ay nagpakataas laban sa Panginoon ng langit; at kanilang dinala ang mga kasangkapan ng kaniyang bahay sa harap mo, at ikaw, at ang iyong mga mahal na tao, ang iyong mga asawa at ang iyong mga babae, ay nagsiinom ng alak sa mga yaon; at iyong pinuri ang mga dios na pilak, at ginto, tanso, bakal, kahoy at bato, na hindi nangakakakita, o nangakakarinig man, o nakakaalam man; at ang Dios na kinaroroonan ng iyong hininga, at kinaroroonan ng lahat na iyong lakad, hindi mo niluwalhati.
24 Nang magkagayo'y ang bahagi nga ng kamay ay sinugo mula sa harap niya, at ang sulat na ito'y nalagda.
25 At ito ang sulat na nalagda, MENE, MENE, TEKEL, UPHARSIN.
26 Ito ang kahulugan ng bagay: MENE; binilang ng Dios ang iyong kaharian, at niwakasan.
27 TEKEL; ikaw ay tinimbang sa timbangan, at ikaw ay nasumpungang kulang.
28 PERES; ang iyong kaharian ay hinati at ibinigay sa mga taga Media at taga Persia.
29 Nang magkagayo'y nagutos si Belsasar, at pinanamit nila si Daniel ng kulay morado, at nilagyan ng kuwintas na ginto sa palibot ng leeg niya, at nagtanyag tungkol sa kaniya, na siya'y ikatlong puno sa kaharian.
30 Nang gabing yaon ay napatay si Belsasar na hari ng mga taga Caldea.
31 At tinanggap ni Dario na taga Media ang kaharian, na noo'y anim na pu't dalawang taon ang gulang niya.
6 Minagaling ni Dario na maglagay sa kaharian ng isang daan at dalawang pung satrapa, na doroon sa buong kaharian;
2 At sa kanila'y tatlong pangulo, na si Daniel ay isa; upang ang mga satrapang ito ay mangagbigay-alam sa kanila, at upang ang hari ay huwag magkaroon ng kapanganiban.
3 Nang magkagayo'y ang Daniel na ito ay natangi sa mga pangulo at sa mga satrapa, sapagka't isang marilag na espiritu ay nasa kaniya; at inisip ng hari na ilagay siya sa buong kaharian.
4 Nang magkagayo'y ang mga pangulo at ang mga satrapa ay nagsihanap ng maisusumbong laban kay Daniel, tungkol sa kaharian; nguni't hindi sila nangakasumpong ng anomang kadahilanan, ni kakulangan man, palibhasa'y tapat siya, walang anomang kamalian ni kakulangan nasumpungan sa kaniya.
5 Nang magkagayo'y sinabi ng mga lalaking ito, Hindi tayo mangakakasumpong ng anomang maisusumbong laban sa Daniel na ito, liban sa tayo'y mangakasumpong laban sa kaniya ng tungkol sa kautusan ng kaniyang Dios.
6 Nang magkagayo'y ang mga pangulo at mga satrapang ito ay nagpisan sa hari, at nagsabi ng ganito sa kaniya, Haring Dario, mabuhay ka magpakailan man.
7 Ang lahat ng pangulo ng kaharian, ang mga kinatawan at mga satrapa, ang mga kasangguni at ang mga gobernador, ay nangagsanggunian upang magtatag ng isang palatuntunang hari sa kaharian, at upang maglagda ng isang pasiyang mahigpit, na sinomang humingi ng isang kahilingan sa kanino mang dios o tao sa loob ng tatlong pung araw, liban sa iyo, Oh hari, ihahagis sa yungib ng mga leon.
8 Ngayon, Oh hari, papagtibayin mo ang pasiya, at lagdaan mo ng iyong pangalan ang kasulatan upang huwag mabago ayon sa kautusan ng mga taga Media at mga taga Persia, na hindi nababago.
9 Kaya't ang kasulatan at ang pasiya ay nilagdaan ng pangalan ng haring Dario.
10 At nang maalaman ni Daniel na ang kasulatan ay nalagdaan ng pangalan siya'y pumasok sa kaniyang bahay (ang kaniya ngang mga dungawan ay bukas sa dakong Jerusalem); at siya'y lumuhod ng kaniyang mga tuhod na makaitlo isang araw, at dumalangin, at nagpasalamat sa harap ng kaniyang Dios, gaya ng kaniyang dating ginagawa.
11 Nang magkagayo'y nagpisan ang mga lalaking ito, at nasumpungan si Daniel na sumasamo at dumadaing sa harap ng kaniyang Dios.
12 Nang magkagayo'y lumapit sila, at nagsalita sa harap ng hari ng tungkol sa pasiya ng hari, Hindi ka baga naglagda ng pasiya, na bawa't tao na humingi sa kanino mang dios o tao sa loob ng tatlong pung araw, liban sa iyo, Oh hari, ihahagis sa yungib ng mga leon? Ang hari ay sumagot, at nagsabi, Ang bagay ay tunay, ayon sa kautusan ng mga taga Media at mga taga Persia, na hindi nababago.
13 Nang magkagayo'y nagsisagot sila, at nangagsabi sa harap ng hari, Ang Daniel na yaon na sa mga anak ng nangabihag sa Juda, hindi ka pinakukundanganan, Oh hari, o ang pasiya man na iyong nilagdaan ng pangalan, kundi dumadalangin na makaitlo isang araw.
14 Nang marinig nga ng hari ang mga salitang ito namanglaw na mainam, at inilagak ang kaniyang puso kay Daniel, upang iligtas siya; at kaniyang pinagsikapan hanggang sa paglubog ng araw na iligtas siya.
15 Nang magkagayo'y nagpisan ang mga lalaking ito sa hari at nagsabi sa hari, Talastasin mo, Oh hari, na isang kautusan ng mga taga Media, at ng mga taga Persia, na walang pasiya o palatuntunan man na pinagtitibay ng hari na mababago.
16 Nang magkagayo'y nagutos ang hari, at kanilang dinala si Daniel, at inihagis siya sa yungib ng mga leon. Ang hari nga ay nagsalita, at nagsabi kay Daniel, Ang iyong Dios na pinaglilingkuran mong palagi, ay siyang magliligtas sa iyo.
17 At isang bato ay dinala, at inilagay sa bunganga ng yungib; at tinatakan ng hari ng kaniyang singsing na panatak, at ng singsing na panatak ng kaniyang mga mahal na tao; upang walang anomang bagay ay mababago tungkol kay Daniel.
18 Nang magkagayo'y umuwi ang hari sa kaniyang palacio, at nagparaan ng buong gabi na nagaayuno; at wala kahit panugtog ng tugtugin na dinala sa harap niya: at ang kaniyang pagaantok ay nawala.
19 Nang magkagayo'y bumangong maagang maaga ang hari, at naparoon na madali sa yungib ng mga leon.
20 At nang siya'y lumapit sa yungib kay Daniel, siya'y sumigaw ng taghoy na tinig; ang hari ay nagsalita, at nagsabi kay Daniel, Oh Daniel, na lingkod ng buhay na Dios, ang iyo bagang Dios na iyong pinaglilingkurang palagi ay makapagliligtas sa iyo sa mga leon?
21 Sinabi nga ni Daniel sa hari, Oh hari, mabuhay ka magpakailan man.
22 Ang Dios ko'y nagsugo ng kaniyang anghel, at itinikom ang mga bibig ng mga leon, at hindi nila ako sinaktan; palibhasa'y sa harap niya ay nasumpungan akong walang sala; at gayon din sa harap mo, Oh hari, wala akong ginawang kasamaan.
23 Nang magkagayo'y natuwang mainam ang hari, at ipinagutos na kanilang isampa si Daniel mula sa yungib. Sa gayo'y isinampa si Daniel mula sa yungib, at walang anomang sugat nasumpungan sa kaniya, sapagka't siya'y tumiwala sa kaniyang Dios.
24 At ang hari ay nagutos, at kanilang dinala ang mga lalaking yaon na nagsumbong laban kay Daniel, at sila'y inihagis nila sa yungib ng mga leon, sila ang kanilang mga anak, at ang kanilang mga asawa; at ang leon ay nanaig sa kanila, at pinagwaraywaray ang lahat ng kanilang buto, bago sila dumating sa kalooblooban ng yungib.
25 Nang magkagayo'y sumulat ang haring Dario sa lahat ng mga bayan, bansa, at wika na tumatahan sa buong lupa; Kapayapaa'y managana sa inyo.
26 Ako'y nagpapasiya, na sa lahat ng sakop ng aking kaharian ay magsipanginig at mangatakot ang mga tao sa harap ng Dios ni Daniel; sapagka't siya ang buhay na Dios, at namamalagi magpakailan man, at ang kaniyang kaharian ay hindi magigiba; at ang kaniyang kapangyarihan ay magiging hanggang sa wakas.
27 Siya'y nagliligtas at nagpapalaya, at siya'y gumagawa ng mga tanda at mga kababalaghan sa langit at sa lupa, na siyang nagligtas kay Daniel mula sa kapangyarihan ng mga leon.
28 Gayon guminhawa ang Daniel na ito sa paghahari ni Dario, at sa paghahari ni Ciro na taga Persia.
Public Domain