Chronological
7 Pagkatapos nga ng mga bagay na ito, sa paghahari ni Artajerjes na hari sa Persia, si Ezra na anak ni Seraias, na anak ni Azarias, na anak ni Hilcias,
2 Na anak ni Sallum, na anak ni Sadoc, na anak ni Achitob,
3 Na anak ni Amarias, na anak ni Azarias, na anak ni Meraioth,
4 Na anak ni Zeraias, na anak ni Uzzi, na anak ni Bucci,
5 Na anak ni Abisue, na anak ni Phinees, na anak ni Eleazar, na anak ni Aaron, na pangulong saserdote:
6 Ang Ezra na ito ay yumaon mula sa Babilonia. At siya'y kalihim na bihasa sa kautusan ni Moises, na ibinigay ng Panginoon, ng Dios ng Israel: at tinulutan siya ng hari sa lahat niyang kahilingan, ayon sa kamay ng Panginoon niyang Dios na sumasa kaniya.
7 At nakiahon sa Jerusalem ang ilan sa mga anak ni Israel, at sa mga saserdote, at sa mga Levita, at sa mga mangaawit, at sa mga tagatanod-pinto, at sa mga Nethineo, sa ikapitong taon ni Artajerjes na hari.
8 At siya'y naparoon sa Jerusalem sa ikalimang buwan, na sa ikapitong taon ng hari.
9 Sapagka't sa unang araw ng unang buwan ay nagpasimula siyang umahon mula sa Babilonia, at sa unang araw ng ikalimang buwan ay dumating siya sa Jerusalem, ayon sa mabuting kamay ng kaniyang Dios na sumasa kaniya.
10 Sapagka't inilagak ni Ezra ang kaniyang puso na hanapin ang kautusan ng Panginoon, at upang gawin, at upang magturo sa Israel ng mga palatuntunan at mga kahatulan.
11 Ito nga ang salin ng sulat na ibinigay ng haring Artajerjes kay Ezra na saserdote, na kalihim, na kalihim sa mga salita ng mga utos ng Panginoon, at ng kaniyang mga palatuntunan sa Israel.
12 Si Artajerjes, na hari ng mga hari, kay Ezra na saserdote, na kalihim sa kautusan ng Dios ng langit, na sakdal at iba pa.
13 Ako'y gumagawa ng pasiya, na silang lahat na sa bayan ng Israel, at ang kanilang mga saserdote at ang mga Levita, sa aking kaharian, na nagakala ng kanilang sariling kusang kalooban na nagsiparoon sa Jerusalem, ay magsisama sa iyo.
14 Yamang ikaw ay sinugo sa ganang hari at ng kaniyang pitong kasangguni, upang magusisa tungkol sa Juda at Jerusalem, ayon sa kautusan ng iyong Dios na nasa iyong kamay;
15 At dalhin ang pilak at ginto na inihandog na kusa ng hari at ng kaniyang mga kasangguni sa Dios ng Israel, na ang tahanan ay nasa Jerusalem.
16 At ang lahat na pilak at ginto na iyong masusumpungan sa buong lalawigan ng Babilonia, pati ng kusang handog ng bayan, at ng mga saserdote, na mga naghahandog na kusa sa bahay ng kanilang Dios na nasa Jerusalem;
17 Kaya't ibibili mo ng buong sikap ang salaping ito ng mga toro, mga lalaking tupa, mga kordero, pati ng mga handog na harina at ng mga handog na inumin ng mga yaon, at iyong ihahandog sa ibabaw ng dambana ng bahay ng inyong Dios na nasa Jerusalem.
18 At anomang akalain mong mabuti at ng iyong mga kapatid na gawin sa labis sa pilak at ginto, gawin ninyo ayon sa kalooban ng inyong Dios.
19 At ang mga sisidlang nabigay sa iyo na ukol sa paglilingkod sa bahay ng iyong Dios, ibigay mo sa harap ng Dios sa Jerusalem.
20 At anomang kakailanganin pa sa bahay ng iyong Dios, na ipagkakailangan mong ibigay, ibigay mo na mula sa bahay ng kayamanan ng hari.
21 At ako, akong si Artajerjes na hari, nagpasiya sa lahat na mga tagaingat-yaman na nasa dako roon ng Ilog, na anomang hingin sa inyo ni Ezra na saserdote, na kalihim sa kautusan ng Dios ng langit, ibigay ng buong sikap,
22 Hanggang isang daang talentong pilak, at hanggang isang daang takal ng trigo, at isang daang bath ng alak at isang daang bath ng langis, at asin na walang tasa.
23 Anomang iniutos ng Dios ng langit, gawing lubos sa bahay ng Dios ng langit; sapagka't bakit magkakaroon ng poot ng Dios laban sa kaharian ng hari at ng kaniyang mga anak?
24 Pinatototohanan din naman namin sa inyo, na tungkol sa sinoman sa mga saserdote at mga Levita, mga mangaawit, mga tagatanod-pinto, mga Nethineo, o mga lingkod sa bahay na ito ng Dios, ay hindi marapat na lapatan sila ng buwis, kabayaran, o upa.
25 At ikaw, Ezra, ayon sa karunungan ng iyong Dios na nasa iyong kamay, maghalal ka ng mga magistrado, at mga hukom, na makakahatol sa buong bayan na nasa dako roon ng Ilog, niyaong lahat na nakatatalos ng mga kautusan ng iyong Dios; at turuan ninyo yaong hindi nakakaalam.
26 At sinomang hindi tumupad ng kautusan ng iyong Dios, at ng kautusan ng hari, gawin sa kaniya ang kahatulan ng buong sikap, maging sa kamatayan, o sa pagtatapon o sa pagsamsam ng mga pag-aari, o sa pagkabilanggo.
27 Purihin ang Panginoon, ang Dios ng ating mga magulang, na naglagak ng ganyang mga bagay na gaya nito sa puso ng hari, na pagandahin ang bahay ng Panginoon na nasa Jerusalem:
28 At nagdulot sa akin ng kahabagan sa harap ng hari, at ng kaniyang mga kasangguni, at sa harap ng lahat na may kayang prinsipe ng hari. At ako'y tumibay ayon sa kamay ng Panginoon kong Dios na sumasa akin, at ako'y nagpisan mula sa Israel ng mga pangulong lalake upang magsiahong kasama ko.
8 Ito nga ang mga pangulo ng mga sangbahayan ng kanilang mga magulang, at ito ang talaan ng lahi nila na nagsiahong kasama ko mula sa Babilonia, sa paghahari ni Artajerjes na hari.
2 Sa mga anak ni Phinees, si Gerson; sa mga anak ni Ithamar, si Daniel; sa mga anak ni David, si Hattus.
3 Sa mga anak ni Sechanias: sa mga anak ni Pharos, si Zacarias; at kasama niya na nabilang ayon sa talaan ng lahi ang mga lalake na isang daan at limang pu.
4 Sa mga anak ni Pahath-moab, si Eliehoenai na anak ni Zarahias, at kasama niya'y dalawang daang lalake.
5 Sa mga anak ni Sechanias, ang anak ni Jahaziel; at kasama niya'y tatlong daang lalake.
6 At sa mga anak ni Adin, si Ebed na anak ni Jonathan; at kasama niya ay limang pung lalake.
7 At sa mga anak ni Elam, si Isaia na anak ni Athalias, at kasama niya'y pitong pung lalake.
8 At sa mga anak ni Sephatias, si Zebadias na anak ni Michael; at kasama niya'y walong pung lalake.
9 Sa mga anak ni Joab, si Obadias na anak ni Jehiel; at kasama niya'y dalawang daan at labing walong lalake.
10 At sa mga anak ni Solomit, ang anak ni Josiphias; at kasama niya'y isang daan at anim na pung lalake.
11 At sa mga anak ni Bebai, si Zacarias na anak ni Bebai; at kasama niya ay dalawang pu't walong lalake.
12 At sa mga anak ni Azgad, si Johanan na anak ni Catan; at kasama niya ay isang daan at sangpung lalake.
13 At sa mga anak ni Adonicam, na siyang mga huli: at ang mga ito ang kanilang mga pangalan: Eliphelet, Jeiel, at Semaias, at kasama nila ay anim na pung lalake.
14 At sa mga anak ni Bigvai, si Utai at si Zabud: at kasama nila ay pitong pung lalake.
15 At pinisan ko sila sa ilog na umaagos patungo sa Ahava; at doo'y nangagpahinga kaming tatlong araw; at aking minasdan ang bayan at ang mga saserdote, at walang nasumpungan doon sa mga anak ni Levi.
16 Nang magkagayo'y ipinasundo ko si Eliezer, si Ariel, si Semaias, at si Elnathan, at si Jarib, at si Elnathan, at si Nathan, at si Zacarias, at si Mesullam, na mga pangulong lalake; gayon din si Joiarib, at si Elnathan, na mga tagapagturo.
17 At aking sinugo sila kay Iddo na pangulo sa dako ng Casipia; at aking sinaysay sa kanila kung ano ang kanilang nararapat sabihin kay Iddo, at sa kaniyang mga kapatid na mga Nethineo, sa dako ng Casipia, upang sila'y mangagdala sa atin ng mga tagapangasiwa sa bahay ng ating Dios.
18 At ayon sa mabuting kamay ng ating Dios na sumasa atin ay nagdala sila sa atin ng isang lalake na matalino, sa mga anak ni Mahali, na anak ni Levi, na anak ni Israel; at si Serebias, pati ng kaniyang mga anak na lalake at mga kapatid, labing walo:
19 At si Hasabias, at kasama niya'y si Isaia sa mga anak ni Merari, ang kaniyang mga kapatid at kaniyang mga anak na lalake, dalawang pu;
20 At sa mga Nethineo, na ibinigay ni David at ng mga pangulo sa paglilingkod sa mga Levita, dalawang daan at dalawang pung Nethineo; silang lahat ay nasasaysay ayon sa pangalan.
21 Nang magkagayo'y nagtanyag ako ng ayuno doon, sa ilog ng Ahava, upang tayo'y magpakababa sa harap ng ating Dios, upang humanap sa kaniya ng matuwid na daan, sa ganang atin, at sa ating mga bata, at sa lahat ng ating pag-aari.
22 Sapagka't ako'y nahiyang humingi sa hari ng pulutong ng mga sundalo, at ng mga mangangabayo upang tulungan tayo laban sa mga kaaway sa daan: sapagka't aming sinalita sa hari, na sinasabi, Ang kamay ng ating Dios ay sumasa kanilang lahat na humahanap sa kaniya, sa ikabubuti; nguni't ang kaniyang kapangyarihan at ang pagiinit ay laban sa kanilang lahat na nagpapabaya sa kaniya.
23 Sa gayo'y nangagayuno tayo at nagsidalangin sa ating Dios dahil dito: at dininig niya tayo.
24 Nang magkagayo'y inihiwalay ko ang labing dalawa sa mga puno ng mga saserdote, sa makatuwid baga'y si Serebias, si Hasabias, at sangpu sa kanilang mga kapatid na kasama nila.
25 At tinimbang sa kanila ang pilak, at ang ginto, at ang mga sisidlan, sa makatuwid baga'y ang handog sa bahay ng ating Dios, na pinaghandugan ng hari, at ng kaniyang mga kasangguni, at ng kaniyang mga prinsipe, at ng buong Israel na nakaharap doon:
26 Akin ngang tinimbang sa kanilang kamay ay anim na raan at limang pung talentong pilak, at mga pilak na sisidlan ay isang daang talento: sa ginto ay isang daang talento;
27 At dalawang pung mangkok na ginto, na may isang libong dariko; at dalawang sisidlan na pinong makinang na tanso, na halagang gaya ng ginto.
28 At sinabi ko sa kanila, Kayo'y banal sa Panginoon, at ang mga sisidlan ay natatalaga; at ang pilak at ang ginto ay kusang handog sa Panginoon, na Dios ng inyong mga magulang.
29 Magsipagbantay kayo, at ingatan ninyo, hanggang sa inyong matimbang sa harap ng mga puno ng mga saserdote, at ng mga Levita, at ng mga prinsipe ng mga sangbahayan ng mga magulang ng Israel, sa Jerusalem, sa mga silid ng bahay ng Panginoon.
30 Sa gayo'y tinanggap ng mga saserdote at ng mga Levita ang timbang ng pilak at ginto, at ng mga sisidlan, upang dalhin sa Jerusalem, sa bahay ng ating Dios.
31 Nang magkagayo'y nagsiyaon tayo mula sa ilog ng Ahava, nang ikalabing dalawang araw ng unang buwan, upang pumaroon sa Jerusalem: at ang kamay ng ating Dios ay sumaatin, at iniligtas niya tayo sa kamay ng kaaway at sa bumabakay sa daan.
32 At tayo ay nagsidating sa Jerusalem, at nagsitahan doon na tatlong araw.
33 At nang ikaapat na araw, ang pilak at ang ginto at ang mga sisidlan ay natimbang sa bahay ng ating Dios sa kamay ni Meremoth na anak ni Urias na saserdote (at kasama niya si Eleazar na anak ni Phinees; at kasama nila si Jozabad na anak ni Jesua, at si Noadias na anak ni Binnui, na mga Levita)
34 Ang kabuoan sa pamamagitan ng bilang, at ng timbang: at ang buong timbang ay nasulat nang panahong yaon.
35 Ang mga anak sa pagkabihag, na nagsipanggaling sa pagkatapon, ay nangaghandog ng mga handog na susunugin sa Dios ng Israel, labing dalawang toro sa ganang buong Israel, siyam na pu't anim na lalaking tupa, pitong pu't pitong kordero, labing dalawang kambing na lalake na pinakahandog dahil sa kasalanan: lahat ng ito'y handog na susunugin sa Panginoon.
36 At kanilang ibinigay ang mga bilin ng hari sa mga satrapa ng hari, at sa mga tagapamahala sa dako roon ng Ilog: at kanilang pinasulong ang bayan at ang bahay ng Dios.
9 Nang magawa nga ang mga bagay na ito, ang mga prinsipe ay nagsilapit sa akin, na nangagsasabi: Ang bayan ng Israel, at ang mga saserdote, at ang mga Levita, ay hindi nagsihiwalay sa mga bayan ng mga lupain, na nagsisigawa ng ayon sa kanilang mga karumaldumal, sa makatuwid baga'y ang mga Cananeo, ang mga Hetheo, ang mga Pherezeo, ang mga Jebuseo, ang mga Ammonita, ang mga Moabita, ang mga taga Egipto, at ang mga Amorrheo.
2 Sapagka't kinuha nila ang kanilang mga anak na babae sa ganang kanilang sarili, at sa kanilang mga anak na lalake, na anopa't ang banal na binhi ay nahalo nga sa bayan ng mga lupain: oo, ang kamay ng mga prinsipe at ng mga pinuno ay naging puno sa pagsalangsang na ito.
3 At nang mabalitaan ko ang bagay na ito, aking hinapak ang aking suot at ang aking balabal, at binaltak ko ang buhok ng aking ulo at ng aking baba, at ako'y naupong natitigilan.
4 Nang magkagayo'y nagpipisan sa akin ang lahat na nanginginig sa mga salita ng Dios ng Israel, dahil sa pagsalangsang nila na sa pagkabihag; at ako'y naupong natitigilan hanggang sa pagaalay sa hapon.
5 At sa pagaalay sa kinahapunan ay bumangon ako sa aking pagpapakumbaba, na hapak ang aking suot at ang aking balabal; at ako'y lumuhod ng aking mga tuhod, at iniunat ko ang aking mga kamay sa Panginoon kong Dios;
6 At aking sinabi, Oh aking Dios; ako'y napahiya at namula na itaas ang aking mukha sa iyo, na aking Dios: sapagka't ang aming mga kasamaan ay nagsilala sa aming ulo, at ang aming sala ay umabot hanggang sa langit.
7 Mula ng mga kaarawan ng aming mga magulang ay naging totoong salarin kami hanggang sa araw na ito; at dahil sa aming mga kasamaan, kami, ang aming mga hari, at ang aming mga saserdote ay nangabigay sa kamay ng mga hari ng mga lupain, sa tabak, sa pagkabihag, sa pagkasamsam, at sa kahihiyan ng mukha, gaya sa araw na ito.
8 At ngayon sa sandaling panahon ay napakita ang biyaya na mula sa Panginoon naming Dios, upang iwan sa amin ang isang nalabi na nakatanan at upang bigyan kami ng isang pako sa kaniyang dakong banal, upang palinawin ng aming Dios ang aming mga mata, at bigyan kami ng kaunting kabuhayan sa aming pagkaalipin.
9 Sapagka't kami ay mga alipin; gayon ma'y hindi kami pinabayaan ng aming Dios sa aming pagkaalipin, kundi naggawad ng kaawaan sa amin sa paningin ng mga hari sa Persia, upang bigyan kami ng kabuhayan, upang itayo ang bahay ng aming Dios, at upang husayin ang sira niyaon, at upang bigyan kami ng kuta sa Juda at sa Jerusalem.
10 At ngayon, Oh aming Dios, ano ang aming sasabihin pagkatapos nito? sapagka't aming pinabayaan ang iyong mga utos.
11 Na iyong iniutos sa pamamagitan ng iyong mga lingkod na mga propeta, na nangagsasabi, Ang lupain, na inyong pinaroroonan upang ariin, ay maruming lupain dahil sa mga karumihan ng mga bayan ng mga lupain, dahil sa kanilang mga karumaldumal, na pinuno sa dulo't dulo ng kanilang karumihan.
12 Ngayon nga'y huwag ninyong ibigay ang inyong mga anak na babae sa kanilang mga anak na lalake, ni kunin man ninyo ang kanilang mga anak na babae sa ganang inyong mga anak na lalake, ni hanapin ang kanilang kapayapaan o ang kanilang kaginhawahan magpakailan man: na kayo baga'y magsilakas, at magsikain ng buti ng lupain, at iwan ninyo na pinakamana sa inyong mga anak magpakailan man.
13 At pagkatapos ng lahat na dumating sa amin dahil sa aming masamang mga gawa, at dahil sa aming malaking sala, sa paraang ikaw na aming Dios ay nagparusa sa amin, ng kulang kay sa marapat sa aming mga kasamaan, at binigyan mo kami ng ganitong nalabi.
14 Amin ba uling sisirain ang iyong mga utos, at makikipisan ng mahigpit sa mga bayan na nagsisigawa ng mga karumaldumal na ito? hindi ka ba magagalit sa amin hanggang sa inyong malipol kami, na anopa't huwag magkaroon ng nalabi, o ng sinomang nakatanan.
15 Oh Panginoon, na Dios ng Israel, ikaw ay matuwid, sapagka't kami ay naiwan na isang nalabi na nakatanan, na gaya sa araw na ito: narito, kami ay nangasa harap mo sa aming sala; sapagka't walang makatatayo sa harap mo dahil dito.
10 Habang si Ezra nga ay dumadalangin, at nagpapahayag ng kasalanan na umiiyak at nagpapatirapa sa harap ng bahay ng Dios, nagpipisan sa kaniya mula sa Israel ang isang napakalaking kapisanan ng mga lalake at mga babae at mga bata: sapagka't ang bayan ay umiyak na mainam.
2 At si Sechanias na anak ni Jehiel, na isa sa mga anak ni Elam, ay sumagot at nagsabi kay Ezra: Kami ay nagsisalangsang laban sa ating Dios, at nangagasawa sa mga babaing taga ibang bayan ng lupain: gayon man, may pagasa sa Israel tungkol sa bagay na ito.
3 Ngayon nga'y mangakipagtipan tayo sa ating Dios, na ating ihiwalay ang lahat na asawa, at ang mga ipinanganak nila, ayon sa payo ng aking panginoon, at niyaong mga nanginginig sa utos ng ating Dios; at gawin ayon sa kautusan.
4 Bumangon ka: sapagka't bagay na ukol sa iyo, at kami ay sumasaiyo: magpakatapang kang mabuti, at iyong gawin.
5 Nang magkagayo'y tumindig si Ezra at pinasumpa ang mga puno ng mga saserdote, ang mga Levita at ang buong Israel, na kanilang gagawin ayon sa salitang ito. Sa gayo'y sumumpa sila.
6 Nang magkagayo'y tumindig si Ezra mula sa harap ng bahay ng Dios, at naparoon sa silid ni Johanan na anak ni Eliasib: at nang siya'y dumating doon, siya'y hindi kumain ng tinapay, o uminom man ng tubig: sapagka't siya'y nanangis dahil sa pagsalangsang nila na sa pagkabihag.
7 At siya'y gumawa ng pahayag sa Juda't Jerusalem sa lahat na mga anak sa pagkabihag, na sila'y magpipisan sa Jerusalem;
8 At yaong hindi pumaroon sa loob ng tatlong araw, ayon sa payo ng mga prinsipe at ng mga matanda, lahat niyang pag-aari ay sasamsamin, at ihihiwalay siya sa kapisanan ng sa pagkabihag.
9 Nang magkagayo'y ang lahat na lalake ng Juda at Benjamin ay nagpipisan sa Jerusalem sa loob ng tatlong araw (siyang ikasiyam na buwan nang ikadalawang pung araw ng buwan): at ang buong bayan ay naupo sa luwal na dako sa harap ng bahay ng Dios, na nanginginig dahil sa bagay na ito at dahil sa malakas na ulan.
10 At si Ezra na saserdote ay tumayo, at nagsabi sa kanila: Kayo'y nagsisalangsang, at nangagasawa ng mga babaing tagaibang bayan, upang palalain ang sala ng Israel.
11 Ngayon nga'y mangagpahayag kayo sa Panginoon, sa Dios ng inyong mga magulang, at inyong gawin ang kaniyang kalooban: at magsihiwalay kayo sa mga bayan ng lupain, at sa mga babaing tagaibang bayan.
12 Nang magkagayo'y ang buong kapisanan ay sumagot at nagsabi ng malakas, Kung ano ang iyong sinabi tungkol sa amin, gayon ang nararapat naming gawin.
13 Nguni't ang bayan ay marami, at panahong maulan, at kami ay hindi makatatayo sa labas: ni ito man ay gawa sa isang araw o dalawa: sapagka't kami ay nagkasalang mainam sa bagay na ito.
14 Mahalal ngayon ang ating mga prinsipe sa buong kapisanan, at magsiparito sa takdang panahon yaong lahat na nangasa ating mga bayan na nangagasawa sa mga babaing taga ibang bayan, at pumaritong kasama nila ang mga matanda ng lahat na bayan, at ang mga hukom doon, hanggang sa ang mabangis na kapootan ng ating Dios ay mahiwalay sa atin, hanggang sa ang bagay na ito ay matapos.
15 Si Jonathan lamang na anak ni Asael, at si Jaazias na anak ni Tikvah ang tumayo laban sa bagay na ito: at si Mesullam, at si Sabethai na Levita ang tumulong sa kanila.
16 At ginawang gayon ng mga anak sa pagkabihag. At si Ezra na saserdote na kasama ng ilang mga pangulo ng mga sangbahayan ng mga magulang, ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang, at silang lahat ayon sa kanilang mga pangalan, ay nangaghiwalay; at sila'y nangaupo sa unang araw ng ikasangpung buwan upang litisin ang bagay.
17 At kanilang tinapos ang tungkol sa lahat na lalake na nangagasawa sa mga babaing tagaibang bayan nang unang araw ng unang buwan.
18 At sa mga anak ng mga saserdote ay nangasumpungan na nangagasawa sa mga babaing tagaibang bayan; sa mga anak ni Jesua, na anak ni Josadec, at sa kaniyang mga kapatid, si Maasias, at si Elieser, at si Jarib, at si Gedalias.
19 At sila'y nangakipagkamay na kanilang ihihiwalay ang kanilang mga asawa; at yamang mga salarin, sila'y nangaghandog ng isang lalaking tupa sa kawan dahil sa kanilang sala.
20 At sa mga anak ni Immer; si Hanani at si Zebadias.
21 At sa mga anak ni Harim; si Maasias, at si Elias, at si Semeias, at si Jehiel, at si Uzzias.
22 At sa mga anak ni Phasur; si Elioenai, si Maasias, si Ismael, si Nathanael, si Jozabad at si Elasa.
23 At sa mga Levita; si Jozabad, at si Simi, at si Kelaia (na siya ring Kelita), si Pethaia, si Juda, at si Eliezer.
24 At sa mga mangaawit: si Eliasib: at sa mga tagatanod-pinto; si Sellum, at si Telem, at si Uri.
25 At sa Israel: sa mga anak ni Pharos; si Ramia at si Izzias, at si Malchias, at si Miamim, at si Eleazar, at si Malchias, at si Benaias.
26 At sa mga anak ni Elam: si Mathanias, si Zacharias, at si Jehiel, at si Abdi, at si Jeremoth, at si Elia.
27 At sa mga anak ni Zattu; si Elioenai, si Eliasib, si Mathanias, at si Jeremoth, at si Zabad, at si Aziza.
28 At sa mga anak ni Bebai; si Johanan, si Hananias, si Zabbai, at si Atlai.
29 At sa mga anak ni Bani; si Mesullam, si Malluch, at si Adaias, si Jasub, si Seal, at si Ramoth.
30 At sa mga anak ni Pahath-moab; si Adna, at si Cheleal, si Benaias, si Maasias, si Mathanias, si Besaleel, at si Bennui, at si Manases.
31 At sa mga anak ni Harim; si Eliezer, si Issia, at si Malchias, si Semeia, si Simeon;
32 Si Benjamin, si Malluch, si Semarias.
33 Sa mga anak ni Hasum; si Mathenai, si Mathatha, si Zabad, si Eliphelet, si Jeremai, si Manases, at si Sami.
34 Sa mga anak ni Bani; si Maadi si Amram, at si Uel;
35 Si Benaias, si Bedias, si Cheluhi;
36 Si Vanias, si Meremoth, si Eliasib;
37 Si Mathanias, si Mathenai, at si Jaasai;
38 At si Bani, at si Binnui, si Simi;
39 At si Selemias, at si Nathan, at si Adaias;
40 Si Machnadbai, si Sasai, si Sarai;
41 Si Azareel, at si Selemias, si Semarias;
42 Si Sallum, si Amarias, si Joseph.
43 Sa mga anak ni Nebo; si Jehiel, si Matithias, si Zabad, si Zebina, si Jadau, at si Joel, si Benaias.
44 Lahat ng mga ito'y nangagasawa sa mga babaing taga ibang bayan: at ang iba sa kanila ay may mga asawang pinagkaroonan ng mga anak.
Public Domain