Chronological
20 At nangyari nang ikapitong taon, nang ikalimang buwan, nang ikasangpu ng buwan, na ang ilan sa mga matanda ng Israel ay nagsiparoon na sumangguni sa Panginoon, at nagsiupo sa harap ko.
2 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,
3 Anak ng tao, salitain mo sa mga matanda ng Israel, at sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Kayo baga'y naparito upang sumangguni sa akin? Buhay ako, sabi ng Panginoong Dios, hindi ako mapagsasanggunian ninyo.
4 Hahatulan mo baga sila, anak ng tao, hahatulan mo baga sila? Ipakilala mo sa kanila ang mga kasuklamsuklam ng kanilang mga magulang;
5 At sabihin mo sa kanila; Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Nang araw na aking piliin ang Israel, at itaas ko ang aking kamay sa lahi ng sangbahayan ni Jacob, at pakilala ako sa kanila sa lupain ng Egipto, na iginawad ko ang aking kamay sa kanila na sinabi, Ako ang Panginoon ninyong Dios;
6 Nang araw na yaon ay iginawad ko ang aking kamay sa kanila, upang ilabas ko sila sa lupain ng Egipto, na dalhin sa lupain na aking itinaan sa kanila na binubukalan ng gatas at pulot, na siyang pinakamainam kay sa lahat ng lupain.
7 At sinabi ko sa kanila, Itakuwil ng bawa't isa sa inyo ang mga bagay na kasuklamsuklam sa kaniyang mga mata, at huwag kayong mangahawa sa mga diosdiosan ng Egipto; ako ang Panginoon ninyong Dios.
8 Nguni't sila'y nanghimagsik laban sa akin, at hindi nakinig sa akin; hindi itinakuwil ng bawa't isa sa kanila ang mga kasuklamsuklam ng kanilang mga mata, o nilimot man nila ang mga diosdiosan sa Egipto. Nang magkagayo'y sinabi kong aking ibubuhos sa kanila ang aking kapusukan, upang ganapin ko ang aking galit laban sa kanila, sa gitna ng lupain ng Egipto.
9 Nguni't ako'y gumawa alangalang sa aking pangalan, upang huwag malapastangan sa paningin ng mga bansa, na kinaroroonan nila, na sa mga paningin nila ay napakilala ako sa kanila, sa paglalabas ko sa kanila sa lupain ng Egipto.
10 Sa gayo'y pinalabas ko sila mula sa lupain ng Egipto, at dinala ko sila sa ilang.
11 At ibinigay ko sa kanila ang aking mga palatuntunan, at itinuro ko sa kanila ang aking mga kahatulan, na kung isagawa ng tao ay mabubuhay sa mga yaon.
12 Bukod dito'y ibinigay ko rin naman sa kanila ang aking mga sabbath, upang maging tanda sa akin at sa kanila, upang kanilang makilala na ako ang Panginoon na nagpapaging banal sa kanila.
13 Nguni't ang sangbahayan ni Israel ay nanghimagsik laban sa akin sa ilang: sila'y hindi nagsilakad ng ayon sa aking mga palatuntunan, at kanilang itinakuwil ang aking mga kahatulan, na kung gawin ng tao, ay mabubuhay sa mga yaon; at ang aking mga sabbath ay kanilang nilapastangang mainam. Nang magkagayo'y sinabi ko na aking ibubuhos ang aking kapusukan sa kanila sa ilang, upang lipulin sila.
14 Nguni't ako'y gumawa alangalang sa aking pangalan, upang huwag malapastangan sa paningin ng mga bansa, na sa paningin ng mga yaon ay aking inilabas sila.
15 Bukod dito'y iginawad ko naman ang aking kamay sa kanila sa ilang, upang huwag ko silang dalhin sa lupain na aking ibinigay sa kanila, na binubukalan ng gatas at pulot, na siyang pinakamainam kay sa lahat ng lupain;
16 Sapagka't kanilang itinakuwil ang aking mga kahatulan, at hindi nagsilakad ng gayon sa aking mga palatuntunan, at nilapastangan ang aking mga sabbath: sapagka't ang kanilang puso ay nagsisunod sa kanilang mga diosdiosan.
17 Gayon ma'y ang aking mata ay nagpatawad sa kanila at hindi ko sila nilipol, o ginawan ko man sila ng lubos na kawakasan sa ilang.
18 At sinabi ko sa kanilang mga anak sa ilang, Huwag kayong magsilakad ng ayon sa mga palatuntunan ng inyong mga magulang, o ingatan man ang kanilang mga kahatulan, o magpakahawa man sa kanilang mga diosdiosan:
19 Ako ang Panginoon ninyong Dios: magsilakad kayo ng ayon sa aking mga palatuntunan, at ingatan ninyo ang aking mga kahatulan, at inyong isagawa;
20 At inyong ipangilin ang aking mga sabbath; at mga magiging tanda sa akin at sa inyo, upang inyong maalaman na ako ang Panginoon ninyong Dios.
21 Nguni't ang mga anak ay nanganghimagsik laban sa akin; sila'y hindi nagsilakad ng ayon sa aking mga palatuntunan, o nangagingat man ng aking mga kahatulan upang isagawa, na kung gawin ng tao ay mabubuhay sa mga yaon: kanilang nilapastangan ang aking mga sabbath. Nang magkagayo'y sinabi ko na aking ibubuhos ang aking kapusukan sa kanila, upang ganapin ang aking galit sa kanila sa ilang.
22 Gayon ma'y iniurong ko ang aking kamay, gumawa ako alang-alang sa aking pangalan, upang huwag malapastangan sa paningin ng mga bansa, na sa paningin ng mga yaon ay inilabas ko sila.
23 Bukod dito'y itinaas ko ang aking kamay sa kanila sa ilang, upang pangalatin ko sila sa gitna ng mga bansa, at panabugin sila sa mga lupain;
24 Sapagka't hindi nila isinagawa ang aking mga kahatulan, kundi itinakuwil ang aking mga palatuntunan, at nilapastangan ang aking mga sabbath, at ang kanilang mga mata'y nakasunod sa mga diosdiosan ng kanilang mga magulang.
25 Bukod dito'y binigyan ko sila ng mga palatuntunan na hindi mabuti, at ng mga kahatulan na hindi nila kabubuhayan;
26 At ipinariwara ko sila sa kanilang sariling mga kaloob, sa kanilang pagpaparaan sa apoy ng lahat na nangagbubukas ng bahay-bata, upang aking ipahamak sila, upang kanilang maalaman na ako ang Panginoon.
27 Kaya't, anak ng tao, salitain mo sa sangbahayan ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sa ganito ma'y nilapastangan ako ng inyong mga magulang, sa kanilang pagsalangsang laban sa akin.
28 Sapagka't nang dalhin ko sila sa lupain, na aking pinaggawaran ng aking kamay upang ibigay ko sa kanila, kanila ngang nakita ang lahat na mataas na burol, at lahat na mayabong na punong kahoy, at inihandog nila roon ang kanilang mga hain, at doo'y kanilang iniharap ang nakagagalit nilang handog; nagsuob rin sila roon ng kanilang pabango, at ibinuhos nila roon ang kanilang mga inuming handog.
29 Nang magkagayo'y sinabi ko sa kanila, Anong kahulugan ng mataas na dako na inyong pinaroroonan? Sa gayo'y ang pangalan niyaon ay tinawag na Bama hanggang sa araw na ito.
30 Kaya't sabihin mo sa sangbahayan ni Israel, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Nangagpakarumi baga kayo ng ayon sa paraan ng inyong mga magulang? at kayo baga'y nagpatutot ng ayon sa kanilang mga kasuklamsuklam?
31 At pagka inyong inihahandog ang inyong mga kaloob, pagka, inyong pinararaan sa apoy ang inyong mga anak, nangagpapakarumi baga kayo sa lahat ninyong diosdiosan hanggang sa araw na ito? at ako baga'y mapagsasanggunian ninyo, Oh sangbahayan ni Israel? Buhay ako, sabi ng Panginoong Dios, hindi ninyo ako mapagsasanggunian;
32 At ang nagmumula sa inyong pagiisip ay hindi mangyayari sa anomang paraan, sa inyong sinasabi, Kami ay magiging gaya ng mga bansa; na gaya ng mga angkan ng mga lupain upang mangaglingkod sa kahoy at bato.
33 Buhay ako, sabi ng Panginoong Dios, walang pagsalang sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay, at ng unat na bisig, at ng kapusukan na ibinubugso, ay maghahari ako sa inyo.
34 At ilalabas ko kayo na mula sa mga bayan, at pipisanin ko kayo na mula sa mga lupain, na inyong pinangalatan, sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay, at ng unat na bisig, at ng kapusukan na ibinubuhos;
35 At aking dadalhin kayo sa ilang ng mga bayan, at doo'y makikipagkatuwiranan ako sa inyo ng harapan.
36 Kung paanong ako'y nakipagkatuwiranan sa inyong mga magulang sa ilang ng lupain ng Egipto, gayon ako makikipagkatuwiranan sa inyo, sabi ng Panginoong Dios.
37 At pararaanin ko kayo sa ilalim ng tungkod, at dadalhin ko kayo sa pakikipagkasundo ng tipan;
38 At aking lilinisin sa gitna ninyo ang mga mapanghimagsik, at ang mga nagsisisalangsang laban sa akin; aking ilalabas sila sa lupaing kanilang pinangingibahang bayan, nguni't hindi sila magsisipasok sa lupain ng Israel: at inyong malalaman na ako ang Panginoon.
39 Tungkol sa inyo, Oh sangbahayan ni Israel, ganito ang sabi ng Panginoong Dios; magsiyaon kayo, maglingkod bawa't isa sa kaniyang mga diosdiosan, at sa haharapin man, kung hindi ninyo ako didinggin; nguni't ang aking banal na pangalan ay hindi na ninyo lalapastanganin ng inyong mga kaloob, at ng inyong mga diosdiosan.
40 Sapagka't sa aking banal na bundok, sa bundok na kaitaasan ng Israel, sabi ng Panginoong Dios, doon ako paglilingkuran sa lupain ng buong sangbahayan ni Israel, nilang lahat: doo'y tatanggapin ko sila, at doon ko hihingin ang inyong mga handog, at ang mga unang bunga na inyong mga alay, sangpu ng lahat ninyong banal na bagay.
41 Parang masarap na amoy na tatanggapin ko kayo, pagka kayo'y aking naihiwalay sa mga bayan, at napisan ko kayo mula sa mga lupain na inyong pinangalatan; at ako'y ipaari ninyong banal sa paningin ng mga bansa.
42 At inyong malalaman na ako ang Panginoon, pagka kayo'y aking ipapasok sa lupain ng Israel, sa lupain na aking pinagtaasan ng aking kamay upang ibigay sa inyong mga magulang.
43 At doo'y maaalaala ninyo ang inyong mga lakad, at lahat ng inyong gawa, na inyong pinagpakadumhan; at inyong kayayamutan ang inyong sarili sa inyong sariling paningin dahil sa lahat ninyong kasamaan na inyong ginawa.
44 At inyong malalaman na ako ang Panginoon, pagka ako'y nakagawa na sa inyo alangalang sa aking pangalan, hindi ayon sa inyong mga masamang lakad, o ayon sa inyong mga masamang gawa man, Oh ninyong sangbahayan ni Israel, sabi ng Panginoong Dios.
45 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,
46 Anak ng tao, itingin mo ang iyong mukha sa dakong timugan, at magbadya ka ng iyong salita sa dakong timugan, at manghula ka laban sa gubat ng parang sa Timugan;
47 At sabihin mo sa gubat ng Timugan, Iyong pakinggan ang salita ng Panginoon: Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Narito, aking papagniningasin ang isang apoy sa iyo, at susupukin ang bawa't sariwang punong kahoy sa iyo, at ang bawa't tuyong punong kahoy: ang maalab na liyab at hindi mapapatay, at ang lahat na mukha na mula sa timugan hanggang sa hilagaan ay masusunog sa liyab.
48 At malalaman ng lahat ng tao na akong Panginoon ang nagpaalab niyaon; hindi mapapatay.
49 Nang magkagayo'y sinabi ko: Ah Panginoong Dios! sinasabi nila sa akin, Hindi baga siya'y mapagsalita ng mga talinghaga?
21 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,
2 Anak ng tao, itingin mo ang iyong mukha sa dakong Jerusalem, at magbadya ka ng iyong salita sa dako ng mga santuario, at manghula ka laban sa lupain ng Israel;
3 At sabihin mo sa lupain ng Israel, Ganito ang sabi ng Panginoon: Narito, ako'y laban sa iyo, at aking bubunutin ang aking tabak sa kaloban, at ihihiwalay ko sa iyo ang matuwid at ang masama.
4 Yaman nga na aking ihihiwalay sa iyo ang matuwid at ang masama, kaya't aking bubunutin ang aking tabak sa kaloban na laban sa lahat na tao na mula sa timugan hanggang sa hilagaan:
5 At malalaman ng lahat na tao na akong Panginoon ay bumunot ng aking tabak sa kaloban; hindi na isusuksok pa.
6 Magbuntong-hininga ka nga, ikaw na anak ng tao; na may pagkasira ng iyong mga balakang at may kapanglawang magbubuntong-hininga ka sa harap ng kanilang mga mata.
7 At mangyayari, pagka kanilang sinasabi sa iyo, Bakit ka nagbubuntong-hininga? na iyong sasabihin, Dahil sa mga balita, sapagka't dumarating; at ang bawa't puso ay manglulumo, at ang lahat na kamay ay manghihina, at ang bawa't espiritu ay manglulupaypay, at ang lahat na tuhod ay manglalambot na parang tubig: narito, dumarating, at mangyayari, sabi ng Panginoong Dios.
8 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,
9 Anak ng tao, manghula ka, at sabihin mo, Ganito ang sabi ng Panginoon: Sabihin mo, Isang tabak, isang tabak ay nahasa, at kuminang din naman;
10 Nahasa upang manglipol; kuminang upang maging parang kidlat: gagawa nga baga tayo ng mga kasayahan? ang tungkod ng aking anak ay humahamak sa bawa't punong kahoy.
11 At pinakikinang, upang hawakan: ang tabak, ito'y nahasa, oo, pinakinang, upang ibigay sa kamay ng manglilipol.
12 Humiyaw ka at manambitan ka, anak ng tao; sapagka't nauumang sa aking bayan, nauumang sa lahat ng mga prinsipe sa Israel: sila'y nangabigay sa tabak na kasama ng aking bayan; tampalin mo nga ang iyong hita.
13 Sapagka't may paglilitis; at paano kung pati ng tungkod na humahamak ay mawala? sabi ng Panginoong Dios.
14 Ikaw nga, anak ng tao, manghula ka, at ipakpak mo kapuwa ang iyong mga kamay; at ang tabak ay malupi sa ikatlo, ang tabak ng nasugatan sa ikamamatay: siyang tabak ng dakilang nasugatan sa ikamamatay na pumasok sa kanilang mga silid.
15 Aking iniumang ang kumikinang na tabak laban sa lahat nilang pintuang-bayan, upang ang kanilang puso ay manglumo, at ang kanilang mga pagkatisod ay dumami: ah! ang pagkayari ay parang kidlat, na inihasa upang ipangpatay.
16 Humayo ka sa isang dako, lumagay ka sa kanan, o lumagay ka sa kaliwa, saan man mapaharap ang iyong mukha.
17 Akin din namang ipapakpak kapuwa ang aking mga kamay, at aking lulubusin ang aking kapusukan: ako ang Panginoon, ang nagsalita.
18 Ang salita ng Panginoon ay dumating uli sa akin, na nagsasabi,
19 Gayon din, ikaw na anak ng tao, magtakda ka sa iyo ng dalawang daan, na mapanggagalingan ng tabak ng hari sa Babilonia; silang dalawa ay kapuwa lalabas sa isang lupain: at landasan mo ng dako, landasan mo sa bukana ng daang patungo sa bayan.
20 Ikaw ay magtatakda ng daan para sa tabak na paroon sa Raba ng mga anak ni Ammon, at sa Juda sa Jerusalem na nakukutaan.
21 Sapagka't ang hari sa Babilonia ay tumayo sa pinagkakahiwalayan ng daan, sa bukana ng dalawang daan, upang magbadya ng panghuhula: kaniyang iniwasiwas ang mga pana na paroo't parito, siya'y sumangguni sa mga diosdiosan, siya'y nagsiyasat sa atay.
22 Nasa kanang kamay niya ang panghuhula sa Jerusalem, upang mag-umang ng mga pangsaksak, upang bukahin ang bibig sa pagpatay, upang itaas ang tinig sa paghiyaw, upang mag-umang ng mga pangsaksak laban sa mga pintuang-bayan, upang maglagay ng mga bunton upang magtayo ng mga katibayan.
23 At sa kanila ay magiging parang panghuhulang walang kabuluhan sa kanilang paningin, na nanumpa sa kanila; nguni't ipinaa-alaala niya sa kanilang kasamaan, upang sila'y mangahuli.
24 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Sapagka't inyong ipinaalaala ang inyong kasamaan, palibhasa'y ang inyong mga pagsalangsang ay nalitaw, na anopa't sa lahat ninyong gawa ay nagsilitaw ang inyong mga kasalanan; sapagka't dumating ang pagkaalaala sa inyo, kayo'y huhulihin ng kamay.
25 At ikaw, Oh masama na nasugatan ng ikamamatay, na prinsipe sa Israel, na ang kaarawan ay dumating, sa panahon ng parusang pinaka wakas;
26 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Ilapag mo ang tiara, at alisin mo ang putong; ito'y hindi na mangyayari pa uli; itaas mo ang mababa at ibaba mo ang mataas.
27 Aking ititiwarik, ititiwarik, ititiwarik: ito rin nama'y hindi na mangyayari uli, hanggang sa dumating yaong may matuwid na kaniya; at aking ibibigay sa kaniya.
28 At ikaw, anak ng tao, manghula ka, at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios tungkol sa mga anak ni Ammon, at tungkol sa kanilang kapulaan; at sabihin mo, Isang tabak, isang tabak ay binunot, na ukol sa pagpatay ay kuminang upang papanglipulin, upang maging parang kidlat;
29 Samantalang sila'y nangakakakita sa iyo ng walang kabuluhan, samantalang sila'y nanganghuhula sa iyo ng mga kabulaanan, upang ipasan ka sa mga leeg ng masama na sinugatan ng ikamamatay, na ang kaarawan ay dumating, sa panahon ng parusang pinaka wakas.
30 Isuksok mo iyan sa kaniyang kaloban. Sa dakong pinaglalangan sa iyo, sa lupain ng kapanganakan mo, hahatulan kita.
31 At aking ibubuhos ang aking galit sa iyo; aking hihipan ka sa pamamagitan ng apoy ng aking poot: at aking ibibigay ka sa kamay ng mga tampalasang tao na bihasang pumatay.
32 Ikaw ay magiging pinakapanggatong sa apoy; ang iyong dugo ay mabububo sa gitna ng lupain; ikaw ay hindi na maaalaala: sapagka't akong Panginoon ang nagsalita.
Public Domain