Chronological
6 Nang gabing yaon ay hindi makatulog ang hari; at kaniyang iniutos na dalhin ang aklat ng mga alaala ng mga gawa, at mga binasa sa harap ng hari.
2 At nasumpungang nakasulat, na si Mardocheo ay nagsaysay tungkol kay Bigthana at kay Teres, dalawa sa mga kamarero ng hari, sa nangagingat ng pintuan na nangagisip magbuhat ng kamay sa haring Assuero.
3 At sinabi ng hari, Anong karangalan at kamahalan ang nagawa kay Mardocheo sa bagay na ito? Nang magkagayo'y sinabi ng mga lingkod ng hari na nagsisipaglingkod sa kaniya, Walang anomang nagawa sa kaniya.
4 At sinabi ng hari, Sino ang nasa looban? Si Aman nga ay pumasok sa looban ng bahay ng hari, upang magsalita sa hari na bitayin si Mardocheo sa bibitayan na inihanda niya sa kaniya.
5 At ang mga lingkod ng hari ay nagsabi sa kaniya. Narito, si Aman ay nakatayo sa looban. At sinabi ng hari, Papasukin siya.
6 Sa gayo'y pumasok si Aman. At ang hari ay nagsabi sa kaniya, Anong gagawin sa lalake na kinalulugdang parangalin ng hari? Sinabi nga ni Aman sa kaniyang sarili: Sino ang kinalulugdang parangalin ng hari na higit kay sa akin?
7 At sinabi ni Aman sa hari, Sa lalake na kinalulugdang parangalin ng hari,
8 Ay dalhan ng damit-hari na isinusuot ng hari, at ng kabayo na sinasakyan ng hari, at putungan sa ulo ng putong na hari:
9 At ang bihisan at ang kabayo ay mabigay sa kamay ng isa sa pinakamahal na prinsipe ng hari, upang bihisang gayon ang lalake na kinalulugdang parangalin ng hari, at pasakayin siya sa kabayo sa lansangan ng bayan, at itanyag sa unahan niya; Ganito ang gagawin sa lalake na kinalulugdang parangalin ng hari.
10 Nang magkagayo'y sinabi ng hari kay Aman, Ikaw ay magmadali, at kunin mo ang bihisan at ang kabayo, gaya ng iyong sinabi, at gawin mong gayon kay Mardocheo, na Judio, na nauupo sa pintuang-daan ng hari; huwag magkulang ang anomang bagay sa lahat na iyong sinalita.
11 Nang magkagayo'y kinuha ni Aman ang bihisan at ang kabayo, at binihisan si Mardocheo, at pinasakay sa lansangan ng bayan, at nagtanyag sa unahan niya: Ganito ang gagawin sa lalake na kinalulugdang parangalin ng hari.
12 At si Mardocheo ay bumalik sa pintuang-daan ng hari. Nguni't si Aman ay nagmadaling umuwi, na tumatangis at may takip ang ulo.
13 At isinaysay ni Aman kay Zeres na kaniyang asawa at sa lahat niyang mga kaibigan ang bawa't bagay na nangyari sa kaniya. Nang magkagayo'y sinabi ng kaniyang mga pantas na lalake, at ni Zeres na kaniyang asawa sa kaniya: Kung si Mardocheo, na iyong pinasimulang kinahulugan sa harap, ay sa binhi ng mga Judio, hindi ka mananaig laban sa kaniya, kundi ikaw ay walang pagsalang mahuhulog sa harap niya.
14 Samantalang sila'y nakikipagsalitaan pa sa kaniya, dumating ang mga kamarero ng hari at nagmadaling dinala si Aman sa pigingan na inihanda ni Esther.
7 Sa gayo'y naparoon ang hari at si Aman sa pigingan na kasama ni Esther na reina.
2 At sinabi uli ng hari kay Esther nang ikalawang araw sa pigingan ng alak: Ano ang iyong hingi, reina Esther? at ibibigay sa iyo: at ano ang iyong hiling? kahit kalahati ng kaharian ay ipagkakaloob.
3 Nang magkagayo'y sumagot, at nagsabi si Esther na reina, Kung ako'y nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin, Oh hari, at kung kalulugdan ng hari, ipagkaloob sa akin ang aking buhay sa aking hingi at ang aking bayan sa aking hiling:
4 Sapagka't kami ay naipagbili, ako at ang aking bayan upang ipahamak, upang patayin, at upang lipulin. Nguni't kung kami ay naipagbili na mga pinakaaliping lalake at babae, ako'y tumahimik, bagaman hindi mababayaran ng kaaway ang bagabag sa hari.
5 Nang magkagayo'y nagsalita ang haring Assuero, at nagsabi kay Esther na reina: Sino siya, at saan nandoon siya, na nangangahas magbanta na gumawa ng gayon?
6 At sinabi ni Esther, Ang isang kaaway at kaalit: itong masamang si Aman. Nang magkagayo'y natakot si Aman sa harap ng hari at ng reina.
7 At ang hari ay tumindig sa pigingan ng alak sa kaniyang pagkapoot, at pumasok sa halamanan ng bahay-hari: at si Aman ay tumayo upang ipamanhik ang kaniyang buhay kay Esther na reina; sapagka't nakita niya na may kasamaang ipinasiya laban sa kaniya ang hari.
8 Nang magkagayo'y bumalik ang hari na mula sa halamanan ng bahay-hari hanggang sa pigingan ng alak; at si Aman ay sumubsob sa hiligan na kinaroroonan ni Esther. Nang magkagayo'y sinabi ng hari, Kaniya bang dadahasin ang reina sa harap ko sa bahay? Pagkabigkas ng salita sa bibig ng hari ay kanilang tinakpan ang mukha ni Aman.
9 Nang magkagayo'y sinabi ni Harbona, na isa sa kamarero na nasa harap ng hari: Narito naman, ang bibitayan na may limang pung siko ang taas, na ginawa ni Aman ukol kay Mardocheo, na siyang nagsalita sa ikabubuti ng hari, ay nakatayo sa bahay ni Aman. At sinabi ng hari, Bitayin siya roon.
10 Sa gayo'y binitay nila si Aman sa bibitayan na inihanda niya ukol kay Mardocheo. Nang magkagayo'y napayapa ang kapootan ng hari.
8 Nang araw na yaon ay ibinigay ng haring Assuero ang bahay ni Aman na kaaway ng mga Judio kay Esther na reina. At si Mardocheo ay naparoon sa harap ng hari; sapagka't isinaysay ni Esther kung ano niya siya.
2 At hinubad ng hari ang kaniyang singsing na hinubad niya kay Aman, at ibinigay kay Mardocheo. At inilagay ni Esther si Mardocheo sa bahay ni Aman.
3 At si Esther ay nagsalita pa uli sa harap ng hari, at nagpatirapa sa kaniyang mga paa, at ipinamanhik sa kaniya na may luha, na pawiin ang kasamaan ni Aman na Agageo, at ang kaniyang banta na kaniyang ibinanta sa mga Judio.
4 Nang magkagayo'y inilawit ng hari kay Esther ang gintong cetro. Sa gayo'y tumindig si Esther, at tumayo sa harap ng hari.
5 At sinabi niya, Kung kinalulugdan ng hari at kung ako'y nakasumpong ng biyaya sa kaniyang paningin, at ang bagay ay inaakalang matuwid sa harap ng hari, at ako'y nakalulugod sa kaniyang mga mata, masulat na tiwaliin ang mga sulat na ibinanta ni Aman na anak ni Amedata, na Agageo, na kaniyang sinulat upang lipulin ang mga Judio na nangasa lahat na lalawigan ng hari:
6 Sapagka't paanong ako'y makapagtitiis na makita ang kasamaan na darating sa aking bayan? o paanong ako'y makapagtitiis na makita ang paglipol sa aking kamaganakan?
7 Nang magkagayo'y sinabi ng haring Assuero kay Esther na reina, at kay Mardocheo na Judio: Narito, ibinigay ko kay Esther ang bahay ni Aman, at siya ang kanilang binitay sa bibitayan, sapagka't siya'y nagbuhat ng kaniyang kamay sa mga Judio.
8 Sumulat naman kayo sa mga Judio, kung anong maibigan ninyo sa pangalan ng hari, at tatakan ninyo ng singsing ng hari: sapagka't ang sulat na nasusulat sa pangalan ng hari, at natatakan ng singsing ng hari ay walang taong makatitiwali.
9 Nang magkagayo'y tinawag ang mga kalihim ng hari ng panahong yaon, sa ikatlong buwan, na siyang buwan ng Sivan, nang ikadalawang pu't tatlo niyaon; at nasulat ayon sa lahat na iniutos ni Mardocheo sa mga Judio at sa mga satrapa, at sa mga tagapamahala at mga prinsipe ng mga lalawigan na nandoon mula sa India hanggang sa Etiopia, na isang daan at dalawang pu't pitong lalawigan, sa bawa't lalawigan ayon sa sulat niyaon, at sa bawa't bayan ayon sa wika nila, at sa mga Judio ayon sa sulat nila, at ayon sa wika nila.
10 At kaniyang sinulat sa pangalan ng haring Assuero, at tinatakan ng singsing ng hari, at nagpadala ng mga sulat sa pamamagitan ng mga sugo na nagsisipangabayo na nangakasakay sa mga matulin na kabayo na ginagamit sa paglilingkod sa hari, at sa mga batang dromedario;
11 Na pinagkakalooban ng hari ang mga Judio na nangasa bawa't bayan, na magpipisan, at ipagsanggalang ang kanilang buhay, upang magpahamak, pumatay, at magpalipol, sa buong kapangyarihan ng bayan at lalawigan na loloob sa kanila, sa kanilang mga bata at mga babae, at kumuha ng samsam sa kanila na pinakahuli,
12 Sa isang araw sa lahat na lalawigan ng haring Assuero, nang ikalabing tatlong araw ng ikalabing dalawang buwan, na siyang buwan ng Adar.
13 Isang salin ng sulat na ang pasiya'y ihayag sa bawa't lalawigan, ay nahayag sa lahat ng mga bayan, at upang ang mga Judio ay magsihanda sa araw na yaon na magsipanghiganti sa kanilang mga kaaway.
14 Sa gayo'y ang mga sugo na nangasasakay sa mga matulin na kabayo na ginagamit sa paglilingkod sa hari ay nagsilabas, na nangagmamadali at nangagtutumulin sa utos ng hari; at ang pasiya ay nahayag sa Susan na bahay-hari.
15 At si Mardocheo ay lumabas mula sa harapan ng hari na nakapanamit hari na bughaw, at puti, at may dakilang putong na ginto, at may balabal na mainam na lino at kulay ube: at ang bayan ng Susan ay humiyaw at natuwa.
16 Nagkaroon ang mga Judio ng kaliwanagan at ng kasayahan, at ng kagalakan at ng karangalan.
17 At sa bawa't lalawigan, at sa bawa't bayan, saan man dumating ang utos ng hari at pasiya niya, ay nagkaroon ang mga Judio ng kasayahan at kagalakan, ng kapistahan at mabuting araw. At marami na mula sa mga bayan ng lupain ay naging mga Judio; sapagka't ang takot sa mga Judio ay suma kanila.
9 Sa ikalabing dalawang buwan nga, na siyang buwan ng Adar, nang ikalabing tatlong araw ng buwan ding yaon, nang ang utos ng hari at ang pasiya niya ay malapit nang gagawin, nang araw na inaasahan ng mga kaaway ng mga Judio na magpuno sa kanila; (yamang napabaligtad, na ang mga Judio ay siyang naghari sa kanila na nangapopoot sa kanila),
2 Ang mga Judio ay nagpipisan sa kanilang mga bayan sa lahat na lalawigan ng haring Assuero, upang magbuhat ng kamay sa mga nagbabanta ng kanilang kapahamakan: at walang makatayo sa kanila; sapagka't ang takot sa kanila ay nahulog sa lahat ng mga bayan.
3 At lahat ng mga prinsipe sa mga lalawigan, at ang mga satrapa, at ang mga tagapamahala, at ang mga nagsisigawa ng gawain ng hari, ay nagsitulong sa mga Judio; sapagka't ang takot kay Mardocheo ay suma kanila,
4 Sapagka't si Mardocheo ay dakila sa bahay ng hari, at ang kaniyang kabantugan ay lumaganap sa lahat ng mga lalawigan: sapagka't ang lalaking si Mardocheo ay dumakila, ng dumakila.
5 At sinaktan ng mga Judio ang lahat ng kanilang mga kaaway sa taga ng tabak, at sa pagpatay at paggiba, at ginawa ang naibigan nila sa nangapopoot sa kanila.
6 At sa Susan na bahay-hari ay nagsipatay ang mga Judio at nagsilipol ng limang daang lalake.
7 At si Phorsandatha, at si Dalphon, at si Asphatha,
8 At si Phoratha, at si Ahalia, at si Aridatha.
9 At si Pharmastha, at si Arisai, at si Aridai, at si Vaizatha,
10 Na sangpung anak ni Aman, na anak ni Amedatha, na kaaway ng mga Judio, ay pinatay nila; nguni't sa pagsamsam, hindi nila binuhat ang kanilang kamay.
11 Nang araw na yaon ay ang bilang ng nangapatay sa Susan na bahay-hari ay dinala sa harap ng hari.
12 At sinabi ng hari kay Esther na reina; Ang mga Judio ay nagsipatay at nagsilipol ng limang daang lalake sa Susan na bahay-hari, at ng sangpung anak ni Aman; ano nga ang kanilang ginawa kaya sa ibang mga lalawigan ng hari? Ngayon, ano pa ang iyong kahilingan? at ipagkakaloob sa iyo: o ano pa ang iyong kahingian? at gagawin.
13 Nang magkagayo'y sinabi ni Esther, Kung kinalulugdan ng hari ipagkaloob sa mga Judio na nangasa Susan na gawin din bukas ang ayon sa pasiya ng araw na ito, at ang sangpung anak ni Aman ay mabitin sa bibitayan.
14 At iniutos ng hari na gawing gayon: at ang pasiya ay nabigay mula sa Susan; at kanilang ibinitin ang sangpung anak ni Aman.
15 At ang mga Judio na nangasa Susan ay nagpipisan nang ikalabing apat na araw din ng buwan ng Adar, at nagsipatay ng tatlong daang lalake sa Susan: nguni't sa pagsamsam ay hindi sila nangagbuhat na kanilang kamay.
16 At ang ibang mga Judio na nangasa mga lalawigan ng hari ay nagpipisan, at ipinagsanggalang ang kanilang buhay, at nangagkaroon ng kapahingahan sa kanilang mga kaaway, at nagsipatay sa mga nangapopoot sa kanila ng pitong pu't limang libo; nguni't sa pagsamsam ay hindi nila binuhat ang kanilang kamay.
17 Ito'y nagawa nang ikalabing tatlong araw ng buwan ng Adar: at nang ikalabing apat na araw ng buwan ding yaon ay nangagpahinga sila, at ginawang araw ng pistahan at kasayahan.
18 Nguni't ang mga Judio na nangasa Susan ay nagpipisan nang ikalabing tatlong araw niyaon, at nang ikalabing apat niyaon; at nang ikalabing limang araw ng buwan ding yaon ay nangagpahinga sila, at ginawang araw ng kapistahan at kasayahan.
19 Kaya't ang mga Judio sa mga nayon, na nagsisitahan sa mga bayan na hindi nangakukutaan, ginagawa ang ikalabing apat na araw ng buwan ng Adar na araw ng kasayahan at pistahan, at mabuting araw, at ng padalahan ng mga bahagi ng isa't isa.
20 At sinulat ni Mardocheo ang mga bagay na ito, at nagpadala ng mga sulat sa lahat ng Judio, na nangasa lahat na lalawigan ng haring Assuero, sa malapit at gayon din sa malayo,
21 Upang ipagbilin sa kanila na kanilang ipangilin ang ikalabing apat na araw ng buwan ng Adar, at ang ikalabing lima niyaon, taon-taon.
22 Na mga pinakaaraw na ipinagkaroon ng kapahingahan ng mga Judio sa kanilang mga kaaway, at buwan ng ikinapaging kasayahan ng kapanglawan, at ikinapaging mabuting araw ng pagtangis: upang kanilang gawing mga araw ng pistahan at kasayahan, at ng pagpapadalahan ng mga bahagi ng isa't isa, at ng mga kaloob sa mga dukha.
23 At pinagkasunduan ng mga Judio na gawin ang gaya ng kanilang pinasimulan, at ang isinulat ni Mardocheo sa kanila;
24 Sapagka't si Aman na anak ni Amedatha na Agageo, na kaaway ng lahat na Judio ay nagbanta laban sa mga Judio upang lipulin sila, at pinagsapalaran nga ang Pur, upang patayin, at upang lipulin sila;
25 Nguni't nang dumating sa harap ng hari ang bagay, ay kaniyang iniutos sa pamamagitan ng mga sulat na ang kaniyang masamang banta, na kaniyang ibinanta laban sa mga Judio, ay mauwi sa kaniyang sariling ulo; at siya at ang kaniyang mga anak ay mabitay sa bibitayan.
26 Kaya't kanilang tinawag ang mga araw na ito na Purim, ayon sa pangalan ng Pur. Kaya't dahil sa lahat na salita ng sulat na ito, at ng kanilang nakita tungkol sa bagay na ito, at ng dumating sa kanila,
27 Ang mga Judio ay nangagpasiya at nagsipangako sa kanilang sarili at sa kanilang binhi, at sa lahat ng yaon na nagpipisan sa kanila, na anopa't huwag magkulang, na kanilang ipangingilin ang dalawang araw na ito ayon sa sulat niyaon, at ayon sa takdang panahon niyaon taon-taon;
28 At ang mga araw na ito ay aalalahanin at ipangingilin sa buong panahon, na bawa't angkan, ng bawa't lalawigan, at ng bawa't bayan; at ang mga araw na ito ng Purim ay hindi lilipas sa mga Judio, o ang alaala man sa mga yaon ay lilipas sa kanilang binhi.
29 Nang magkagayo'y si Esther na reina na anak ni Abihail, at si Mardocheo na Judio, sumulat ng buong kapamahalaan upang pagtibayin ang ikalawang sulat na ito ng Purim.
30 At siya'y nagpadala ng mga sulat sa lahat ng mga Judio, sa isang daan at dalawang pu't pitong lalawigan ng kaharian ni Assuero, na may mga salita ng kapayapaan at katotohanan,
31 Upang pagtibayin ang mga araw na ito ng Purim, sa kanilang mga takdang panahon, ayon sa ibinilin sa kanila ni Mardocheo na Judio at ni Esther na reina, at ayon sa kanilang ipinasiya sa kanilang sarili at sa kanilang binhi, sa bagay ng pag-aayuno at ng kanilang pagdaing.
32 At pinagtibay ng utos ni Esther ang mga bagay na ito ng Purim; at nasulat sa aklat.
10 At ang haring Assuero ay nagatang ng buwis sa lupain, at sa mga pulo ng dagat.
2 At lahat ng mga gawa ng kaniyang kapangyarihan at ng kaniyang kakayahan, at ang lubos na kasaysayan ng kadakilaan ni Mardocheo, na ipinagtaas sa kaniya ng hari, hindi ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Media at Persia?
3 Sapagka't si Mardocheo na Judio ay pangalawa ng haring Assuero, at dakila sa gitna ng mga Judio, at kinalulugdan ng karamihan ng kaniyang mga kapatid: na humahanap ng ikabubuti ng kaniyang bayan, at nagsasalita ng kapayapaan sa kaniyang buong lahi.
Public Domain