Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Ezekiel 46-48

46 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Ang pintuang-daan ng lalong loob na looban na nakaharap sa dakong silanganan ay sasarhan sa anim na araw na iginagawa; nguni't sa sabbath ay bubuksan, at sa kaarawan ng bagong buwan ay bubuksan.

At ang prinsipe ay papasok sa daan ng portiko ng pintuang-daan sa labas; at tatayo sa tabi ng haligi ng pintuang-daan; at maghahanda ang mga saserdote ng kaniyang handog na susunugin, at ng kaniyang mga handog tungkol sa kapayapaan, at siya'y sasamba sa may pasukan ng pintuang-daan; kung magkagayo'y lalabas siya; nguni't ang pintuang-daan ay hindi sasarhan hanggang sa hapon.

At ang bayan ng lupain ay sasamba sa may pintuan ng pintuang-daang yaon sa harap ng Panginoon sa mga sabbath at sa mga bagong buwan.

At ang handog na susunugin na ihahandog ng prinsipe sa Panginoon sa araw ng sabbath ay anim na batang tupa na walang kapintasan at isang lalaking tupang walang kapintasan;

At ang handog na harina ay isang efa sa lalaking tupa, at ang handog na harina sa mga batang tupa ay ang kaniyang kayang ibigay, at isang hin ng langis sa isang efa.

At sa kaarawan ng bagong buwan ay isang guyang toro na walang kapintasan, at anim na batang tupa at isang lalaking tupa; mga walang kapintasan:

At siya'y maghahanda ng handog na harina, isang efa sa toro, at isang efa sa lalaking tupa, at sa mga batang tupa ay ayon sa kaniyang kaya, at isang hin na langis sa isang efa.

At pagka ang prinsipe ay papasok, siya'y papasok sa daan ng portiko ng pintuang-daan, at sa daan ding yaon siya lalabas.

Nguni't pagka ang bayan ng lupain ay haharap sa Panginoon sa mga takdang kapistahan, siyang pumapasok sa daan ng pintuang-daang hilagaan upang sumamba ay lalabas sa daan ng pintuang-daang timugan ay lalabas sa daan ng pintuang-daang hilagaan; hindi siya babalik sa daan ng pintuang-daan na kaniyang pinasukan, kundi lalabas na matuwid sa harap niya.

10 At ang prinsipe, pagka sila'y magsisipasok, ay magsisipasok sa gitna ng mga yaon; at pagka sila'y magsisilabas ay magsisilabas na magkakasama.

11 At sa mga kapistahan at sa mga kadakilaan ay ang handog na harina ay magiging isang efa sa isang toro, at isang efa sa lalaking tupa, at sa mga batang tupa ay ang kayang ibigay niya, at isang hin ng langis sa isang efa.

12 At pagka ang prinsipe ay maghahanda ng kusang handog, ng handog na susunugin o ng mga handog tungkol sa kapayapaan na pinakakusang handog sa Panginoon, may isang magbubukas sa kaniya ng pintuang-daan na nakaharap sa dakong silanganan; at kaniyang ihahanda ang kaniyang handog na susunugin at ang kaniyang mga handog tungkol sa kapayapaan, gaya ng kaniyang ginagawa sa araw ng sabbath; kung magkagayo'y lalabas siya; at pagkalabas niya ay sasarhan ng isa ang pintuang-daan.

13 At ikaw ay maghahanda ng isang batang tupa ng unang taon na walang kapintasan na pinakahandog na susunugin sa Panginoon araw-araw: tuwing umaga ay maghahanda ka.

14 At iyong ihahandang handog na harina na kasama niyaon tuwing umaga, ang ikaanim na bahagi ng isang efa, at ang ikatlong bahagi ng isang hin ng langis, upang basain ang mainam na harina; isang handog na harina na lagi sa Panginoon: na pinakalaging alituntunin.

15 Ganito nila ihahanda ang batang tupa at ang handog na harina, at ang langis, tuwing umaga, na pinakahandog na susunuging lagi.

16 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Kung ang prinsipe ay magbigay ng kaloob sa kanino man sa kaniyang mga anak, ay magiging kaniyang mana, mauukol sa kaniyang mga anak; siyang kanilang pag-aari na pinakamana.

17 Nguni't kung ibigay niya ang kaniyang mana na pinakakaloob sa isa sa kaniyang mga alipin, magiging kaniya sa taon ng kalayaan; kung magkagayo'y mababalik sa prinsipe; nguni't tungkol sa kaniyang mana, magiging sa kaniyang mga anak.

18 Bukod dito'y hindi kukuha ang prinsipe ng mana ng bayan, na aalisin sa kanila ang kanilang pag-aari; siya'y magbibigay ng mana sa kaniyang mga anak na mula sa kaniyang sariling pag-aari, upang ang aking bayan ay huwag mangalat bawa't isa sa kaniyang pag-aari.

19 Nang magkagayo'y dinala niya ako sa pasukan, na nasa tabi ng pintuang-daan, sa loob ng mga banal na silid na ukol sa mga saserdote, na nakaharap sa hilagaan: at, narito, may isang dako sa lalong loob na bahagi na dakong kalunuran.

20 At sinabi niya sa akin, Ito ang dako na pagpapakuluan ng mga saserdote ng handog sa pagkakasala at ng handog dahil sa kasalanan, na siyang kanilang pagiihawan ng handog na harina; upang huwag nilang mailabas sa lalong labas na looban, upang banalin ang bayan.

21 Nang magkagayo'y inilabas niya ako sa labas ng looban ng bahay at pinaraan niya ako sa apat na sulok ng looban; at, narito, sa bawa't sulok ng looban ay may isang looban.

22 Sa apat na sulok ng looban ay may mga looban na nababakod, apat na pung siko ang haba at tatlong pu ang luwang: ang apat na ito sa mga sulok ay may isang sukat.

23 At may isang pader sa palibot ng mga yaon, sa palibot ng apat, at may ginawang pakuluang mga dako sa ilalim ng mga pader sa palibot.

24 Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, Ito ang mga dako na pakuluan na pagpapakuluan ng mga tagapangasiwa sa bahay ng hain ng bayan.

47 At ibinalik niya ako sa pintuan ng bahay; at, narito, ang tubig ay lumalabas sa ilalim ng pasukan sa bahay sa dakong silanganan (sapagka't ang harapan ng bahay ay sa dakong silanganan); at ang tubig ay umaagos sa ilalim, mula sa dakong kanan ng bahay, sa timugan ng dambana.

Nang magkagayo'y inilabas niya ako sa daan ng pintuang-daang hilagaan, at pinatnubayan niya ako sa palibot ng daan sa labas, sa lalong labas ng pintuang-daan, sa daan ng pintuang-daan na nakaharap sa dakong silanganan; at, narito, doo'y lumalabas ang tubig sa dakong kanan.

Nang ang lalake ay lumabas sa dakong silanganan na may pising panukat sa kaniyang kamay, siya'y sumukat ng isang libong siko, at pinaraan niya ako sa tubig, sa tubig na hanggang bukongbukong.

Muling sumukat siya ng isang libo, at pinaraan niya ako sa tubig, sa tubig na hanggang mga tuhod. Muli siyang sumukat ng isang libo, at pinaraan niya ako sa tubig, sa tubig na hanggang sa mga balakang.

Pagkatapos ay sumukat siya ng isang libo; at isang ilog na hindi ko naraanan; sapagka't ang tubig ay sumasampa, tubig upang languyan, ilog na hindi mararaanan.

At sinabi niya sa akin, Anak ng tao, nakita mo baga ito? Nang magkagayo'y dinala niya ako, at pinabalik niya ako sa pangpang ng ilog.

Nang ako nga'y makabalik, narito, sa pangpang ng ilog, ay may totoong maraming puno ng kahoy sa magkabilang dako.

Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, Ang tubig na ito ay lumalabas sa dakong silanganang lupain, at bababa sa Araba; at huhugos sa dagat; sa dagat ay huhugos ang tubig na pinalabas; at ang tubig ay mapagagaling.

At mangyayari, na bawa't likhang may buhay na dumadami, saan mang dako umaagos ang tubig, ay mabubuhay; at magkakaroon ng totoong napakaraming isda; sapagka't ang tubig na ito ay dumarating diyan at ang tubig ng dagat ay mapagagaling, at bawa't may buhay ay mabubuhay saan man dumating ang ilog.

10 At mangyayari, na ang mga mangingisda ay magsisitayo sa tabi niyaon: mula sa En-gedi hanggang sa En-eglaim ay magiging dako na ladlaran ng mga lambat; ang mga isda ng mga yaon ay magiging ayon sa pagkakaisda ng mga yaon, gaya ng isda sa malaking dagat, na totoong marami.

11 Nguni't ang kaniyang mga dakong maburak, at ang mga lumbak niyaon, ay hindi mapapagaling; magiging asinan nga.

12 At sa pangpang ng ilog sa tabi niyaon, sa dakong ito at sa dakong yaon, tutubo ang sarisaring punong kahoy na pinakapagkain, na ang dahon ay hindi matutuyo, ni magkukulang man ang bunga niyaon: magbubunga ng bago buwan-buwan, sapagka't ang tubig niyaon ay lumalabas sa santuario; at ang bunga niyaon ay magiging pagkain at ang dahon niyaon ay pangpagaling.

13 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Ito ang magiging hangganan, na inyong pagbabahagihan ng lupain na pinakamana ayon sa labing dalawang lipi ng Israel: ang Jose ay magkakaroon ng dalawang bahagi.

14 At inyong mamanahin, ng isa na gaya ng iba; sapagka't aking isinumpa na ibigay ito sa inyong mga magulang: at ang lupaing ito ay mahuhulog sa inyo na pinakamana.

15 At ito ang magiging hangganan ng lupain: Sa dakong hilagaan, mula sa malaking dagat, sa daang Hethlon, hanggang sa pasukan sa Sedad;

16 Hamath, Berotha, Sibrahim, na nasa pagitan ng hangganan ng Damasco at ng hangganan ng Hamath; Haser-hatticon na nasa tabi ng hangganan ng Hauran.

17 At ang hangganang mula sa dagat ay magiging ang Hazar-enon sa hangganan ng Damasco, at nasa hilagaan na dakong hilagaan ang hangganan ng Hamath. Ito ang dakong hilagaan.

18 At ang dakong silanganan, ang pagitan ng Hauran at ng Damasco at ng Galaad, at ang lupain ng Israel, ay siyang magiging Jordan; mula sa hilagaang hangganan hanggang sa silanganang dagat ay inyong susukatin. Ito ang dakong silanganan.

19 At ang timugang dako na gawing timugan ay magiging mula sa Tamar hanggang sa tubig ng Meribot-cades, sa batis ng Egipto, hanggang sa malaking dagat. Ito ang timugang dako na gawing timugan.

20 At ang dakong kalunuran ay magiging ang malaking dagat, mula sa hangganang timugan hanggang sa tapat ng pasukan sa Hamath. Ito ang dakong kalunuran.

21 Gayon ninyo hahatiin ang lupaing ito sa inyo ayon sa mga lipi ng Israel.

22 At mangyayari na inyong hahatiin sa sapalaran na pinakamana sa inyo at sa mga taga ibang lupa na makikipamayan sa gitna ninyo, na magkakaanak sa gitna ninyo; at sila'y magiging sa inyo'y gaya ng ipinanganak sa gitna ng mga anak ni Israel; sila'y magkakaroon ng mana na kasama ninyo sa gitna ng mga lipi ng Israel.

23 At mangyayari, na kung saang lipi nakipamayan ang taga ibang lupa, doon ninyo bibigyan siya ng mana, sabi ng Panginoong Dios.

48 Ang mga ito nga ang mga pangalan ng mga lipi: Mula sa dulong hilagaan, sa tabi ng daan ng Hethlon hanggang sa pasukan sa Hamath, Hasar-enan, sa hangganan ng Damasco, na dakong hilagaan sa gawing yaon ng Hamath; (at mga magkakaroon ng mga dakong silanganan at kalunuran), ang Dan, isang bahagi.

At sa tabi ng hangganan ng Dan, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, ang Aser, isang bahagi.

At sa tabi ng hangganan ng Aser, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, ang Nephtali, isang bahagi.

At sa tabi ng hangganan ng Nephtali, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, ang Manases, isang bahagi.

At sa tabi ng hangganan ng Manases, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, ang Ephraim, isang bahagi.

At sa tabi ng hangganan ng Ephraim, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, ang Ruben, isang bahagi.

At sa tabi ng hangganan ng Ruben, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, ang Juda, isang bahagi.

At sa tabi ng hangganan ng Juda, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, malalagay ang alay na inyong ihahandog, dalawang pu't limang libong tambo ang luwang, at ang haba ay gaya ng isa sa mga bahagi, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran; at ang santuario ay malalagay sa gitna niyaon.

Ang alay na inyong ihahandog sa Panginoon ay magiging dalawang pu't limang libong tambo ang haba, at sangpung libo ang luwang.

10 At magiging sa mga ito, sa makatuwid baga'y sa mga saserdote, ang banal na alay; sa dakong hilagaan ay dalawang pu't limang libo ang haba, at sa dakong kalunuran ay sangpung libo ang luwang, at sa dakong timugan ay dalawang pu't limang libo ang haba: at ang santuario ng Panginoon ay maglalagay sa gitna niyaon.

11 Ito'y magiging sa mga saserdote na mga pinapaging banal sa mga anak ni Sadoc, na nagsisiganap ng katungkulan sa akin na hindi nangagpakaligaw nang mangagpakaligaw ang mga anak ni Israel, na gaya ng mga Levita na nangagpakaligaw.

12 At sa kanila'y magiging alay na mula sa alay ng lupain, bagay na kabanalbanalan sa tabi ng hangganan ng mga Levita.

13 At ayon sa hangganan ng mga saserdote, ang mga Levita ay mangagkakaroon ng dalawang pu't limang libo ang haba, at sangpung libo ang luwang: ang buong haba ay magiging dalawang pu't limang libo, at ang luwang ay sangpung libo.

14 At hindi nila ipagbibili, o ipagpapalit man, o ipagkakaloob sa iba man ang mga unang bunga ng lupain; sapagka't ito'y banal sa Panginoon.

15 At ang limang libo na naiwan sa naluwangan, sa tapat ng dalawang pu't limang libo, magiging sa karaniwang kagamitan na ukol sa bayan, sa tahanan at sa mga nayon; at ang bayan ay malalagay sa gitna niyaon.

16 At ang mga ito ang magiging mga sukat niyaon: sa dakong hilagaan ay apat na libo at limang daan, at sa dakong timugan ay apat na libo at limang daan, at sa dakong silanganan ay apat na libo at limang daan, at sa dakong kalunuran ay apat na libo at limang daan.

17 At ang bayan ay magkakaroon ng mga nayon: sa dakong hilagaan ay dalawang daan at limang pu, at sa dakong timugan ay dalawang daan at limang pu, at sa dakong silanganan ay dalawang daan at limang pu, at sa dakong kalunuran ay dalawang daan at limang pu.

18 At ang labis sa haba, na nauukol sa banal na alay, magiging sangpung libo sa dakong silanganan, at sangpung libo sa dakong kalunuran; at magiging ukol sa banal na alay; at ang bunga niyaon ay magiging pinakapagkain sa nagsisigawa sa bayan.

19 At tatamnan nilang nagsisigawa sa bayan sa lahat ng mga lipi ng Israel.

20 Buong alay ay magiging dalawang pu't limang libong tambo at dalawang pu't limang libo: inyong ihahandog na parisukat ang banal na alay, sangpu ng pag-aari ng bayan.

21 At ang labis ay magiging sa prinsipe, sa isang dako at sa kabilang dako ng banal na alay at sa pag-aari ng bayan; sa tapat ng dalawang pu't limang libo sa alay sa dako ng silanganang hangganan, at sa dakong kalunuran sa tapat ng dalawang pu't limang libo sa dako ng kalunurang hangganan, na ukol sa mga bahagi, magiging sa prinsipe: at ang banal na alay at ang santuario ng bahay ay malalagay sa gitna niyaon.

22 Bukod dito'y mula sa pag-aari ng mga Levita, at mula sa pag-aari ng bayan na nasa gitna ng sa prinsipe, sa pagitan ng hangganan ng Juda at ng hangganan ng Benjamin, magiging sa prinsipe.

23 At tungkol sa nalabi sa mga lipi: mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, ang Benjamin, isang bahagi.

24 At sa tabi ng hangganan ng Benjamin, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, ang Simeon, isang bahagi.

25 At sa tabi ng hangganan ng Simeon, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, ang Issachar, isang bahagi.

26 At sa tabi ng hangganan ng Issachar, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, ang Zabulon, isang bahagi.

27 At sa tabi ng hangganan ng Zabulon mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, ang Gad, isang bahagi.

28 At sa tabi ng hangganan ng Gad, sa dakong timugan na gawing timugan, ang hangganan ay magiging mula sa Tamar hanggang sa tubig ng Meribat-cades sa batis ng Egipto, hanggang sa malaking dagat.

29 Ito ang lupain na inyong babahagihin sa sapalaran sa mga lipi ng Israel na pinakamana, at ang mga ito ang kanilang mga iba't ibang bahagi, sabi ng Panginoong Dios.

30 At ang mga ito ang mga labasan sa bayan: Sa dakong hilagaan ay apat na libo at limang daang tambo sa sukat;

31 At ang mga pintuang-daan ng bayan ay magiging ayon sa mga pangalan ng mga lipi ng Israel, tatlong pintuang-daan sa dakong hilagaan: ang pintuang-daan ng Ruben, isa; ang pintuang-daan ng Juda, isa; ang pintuang-daan ng Levi, isa.

32 At sa dakong silanganan ay apat na libo at limang-daang tambo, at tatlong pintuang-daan: ang pintuang-daan ng Jose, isa; ang pintuang-daan ng Benjamin, isa; ang pintuang-daan ng Dan, isa:

33 At sa dakong timugan ay apat na libo at limang daang tambo sa sukat, at tatlong pintuang-daan: ang pintuang-daan ng Simeon, isa; ang pintuang-daan ng Issachar, isa; ang pintuang-daan ng Zabulon, isa:

34 Sa dakong kalunuran ay apat na libo at limang daang tambo, na may kanilang tatlong pintuang-daan: ang pintuang-daan ng Gad, isa; ang pintuang-daan ng Aser, isa; ang pintuang-daan ng Nephtali, isa.

35 Magkakaroon ng labing walong libong tambo ang sukat sa palibot: at ang magiging pangalan ng bayan mula sa araw na yaon ay, Ang Panginoon ay naroroon.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain