Chronological
19 Bumalik si Jehoshafat sa palasyo niya sa Jerusalem na ligtas, 2 sinalubong siya ni propeta Jehu na anak ni Hanani at sinabi, “Bakit tinulungan mo ang masama at inibig ang napopoot sa Panginoon? Dahil dito, nagalit ang Panginoon sa iyo. 3 Pero mayroon ding mabuti sa iyo. Inalis mo sa Juda ang posteng simbolo ng diosang si Ashera at hinangad mo ang sumunod sa Dios.”
Pumili si Jehoshafat ng mga Hukom
4 Nakatira si Jehoshafat sa Jerusalem, pero pinupuntahan niya ang mga tao mula sa Beersheba hanggang sa bulubundukin ng Efraim para hikayatin silang manumbalik sa Panginoon, ang Dios ng kanilang ninuno. 5 Naglagay siya ng mga hukom sa bawat napapaderang lungsod ng Juda. 6 Sinabi niya sa kanila, “Mag-isip muna kayo ng mabuti bago kayo humatol dahil hindi kayo hahatol para sa tao kundi para sa Panginoon, na siyang sumasainyo sa tuwing magbibigay kayo ng hatol. 7 Gumalang kayo sa Panginoon, at humatol kayo nang mabuti dahil hindi pinapayagan ng Panginoon na ating Dios ang kawalan ng katarungan, ang paghatol nang may kinikilingan, at ang pagtanggap ng suhol.”
8 Naglagay din sa Jerusalem si Jehoshafat ng mga Levita, mga pari, at mga pinuno ng pamilya ng mga Israelita sa pagdinig ng mga kaso na may kinalaman sa kautusan ng Panginoon at mga alitan. At silaʼy tumira sa Jerusalem. 9 Ito ang utos niya sa kanila: “Kailangang maglingkod kayo nang tapat at buong puso, na may paggalang sa Panginoon. 10 Kung may kaso na dumating sa inyo mula sa mga kababayan ninyo sa kahit saang lungsod na may kinalaman sa pagpatay o paglabag sa mga utos at mga tuntunin, balaan nʼyo sila na huwag magkasala sa Panginoon dahil kung hindi, ipapataw niya ang kanyang galit sa inyo at sa kanila. Gawin nʼyo ito para hindi kayo magkasala. 11 Kung may mga kaso tungkol sa Panginoon na hindi nʼyo maayos, si Amaria na punong pari ang siyang mag-aayos nito. At kung may kaso tungkol sa gobyerno na hindi nʼyo maayos, si Zebadia na anak ni Ishmael, na pinuno ng lahi ni Juda, ang siyang mag-aayos nito. Ang mga Levita ay tutulong sa inyo para matiyak na mapapairal ang hustisya. Magpakatapang kayo sa paggawa ng inyong mga tungkulin. Nawaʼy samahan ng Dios ang mga taong gumagawa ng matuwid.”
Tinalo ni Jehoshafat ang Moab at Ammon
20 Pagkatapos, nakipaglaban ang mga Moabita at mga Ammonita, kasama ng ibang mga Meuneo,[a] kay Jehoshafat. 2 May mga taong pumunta kay Jehoshafat at nagsabi, “Napakarami pong sundalo ang papalapit upang lusubin kayo. Silaʼy galing sa Edom,[b] sa kabilang bahagi ng Dagat na Patay. Naroon sila sa Hazazon Tamar” (na tinatawag ding En Gedi). 3 Natakot si Jehoshafat at dumulog siya sa Panginoon. At nag-utos siya na mag-ayuno ang lahat ng taga-Juda. 4 Kaya nagtipon ang mga tao mula sa lahat ng bayan ng Juda upang humingi ng tulong sa Panginoon. 5 Tumayo si Jehoshafat sa harapan ng mamamayan ng Juda at ng Jerusalem doon sa harap ng templo ng Panginoon, sa harapan ng bagong bakuran nito, 6 at nagsabi, “O Panginoon, Dios ng aming mga ninuno, kayo po ang Dios na nasa langit. Kayo ang namamahala sa lahat ng kaharian sa mundo. Makapangyarihan po kayo dahil walang makakalaban sa inyo. 7 O Dios namin, hindi baʼt itinaboy nʼyo po ang mga nakatira sa lupaing ito sa pamamagitan ng inyong mga mamamayan? At hindi ba ibinigay nʼyo po ito sa kanila na mga lahi ni Abraham na inyong kaibigan, para maging kanila magpakailanman? 8 Nakatira po sila rito at pinatayuan ng templo para sa karangalan ng inyong pangalan. Sinabi nila, 9 ‘Kung may sakunang darating sa amin gaya ng labanan, kasamaan, o taggutom, tatayo kami sa inyong presensya sa harap ng templong ito kung saan pinararangalan kayo. Hihingi kami ng tulong sa inyo sa aming kahirapan, at pakikinggan nʼyo kami at ililigtas.’
10 “Ngayon, nilulusob kami ng mga tao mula sa Ammon, Moab at Bundok ng Seir. Noon, ang mga teritoryo nila ay hindi nʼyo pinapayagang sakupin ng mga Israelita nang lumabas sila sa Egipto. Kaya umiwas ang mga Israelita sa kanila at hindi sila nilipol. 11 Pero ngayon, masdan nʼyo po ang iginanti nila sa amin. Nilulusob nila kami para itaboy kami sa lupain na inyo pong ibinigay sa amin bilang mana. 12 O Dios namin, hindi nʼyo po ba sila parurusahan? Sapagkat wala kaming kakayahang humarap sa napakaraming sundalo na lumulusob sa amin. Hindi po namin alam kung ano ang gagawin namin, pero nagtitiwala po kami sa inyo.”
13 Habang nakatayo roon ang lahat ng lalaking taga-Juda, kasama ang kanilang mga asawaʼt anak, at kanilang mga sanggol, 14 pinatnubayan ng Espiritu ng Panginoon si Jahaziel na nakatayo roon kasama nila. Si Jahaziel ay anak ni Zacarias. Si Zacarias ay anak ni Benaya. Si Benaya ay anak ni Jeyel. At si Jeyel ay anak ni Matania na Levita at mula sa angkan ni Asaf.
15 Sinabi ni Jahaziel, “Makinig po kayo, Haring Jehoshafat, at lahat kayong nakatira sa Juda at Jerusalem! Ito ang sinasabi ng Panginoon sa inyo, ‘Huwag kayong matakot o manlupaypay dahil sa napakaraming sundalong ito, dahil ang pakikipaglaban ay hindi sa inyo kundi sa Dios. 16 Bukas, puntahan nʼyo sila. Makikita nʼyo sila na aahon sa ahunan ng Ziz, sa dulo ng kapatagan na papuntang disyerto ng Jeruel. 17 Hindi na kailangan na makipaglaban pa kayo. Maghanda lang kayo at magpakatatag, at masdan nʼyo ang katagumpayan na gagawin ng Panginoon para sa inyo. Kayong mga taga-Juda at taga-Jerusalem, huwag kayong matakot o manghina. Harapin nʼyo sila bukas at ang Panginoon ay sasama sa inyo.’ ” 18 Lumuhod si Jehoshafat at ang lahat ng taga-Juda at taga-Jerusalem sa pagsamba sa Panginoon. 19 Pagkatapos, tumayo ang ibang mga Levita mula sa mga pamilya nina Kohat at Kora at nagpuri sa Panginoon, ang Dios ng Israel, sa napakalakas na tinig.
20 Kinabukasan nang maagang-maaga pa, pumunta sina Jehoshafat sa disyerto ng Tekoa. Habang naglalakad sila, huminto si Jehoshafat at nagsabi, “Pakinggan nʼyo ako, kayong taga-Juda at taga-Jerusalem! Maniwala kayo sa Panginoon na inyong Dios, at maging matatag kayo. Maniwala kayo sa kanyang propeta, at magtatagumpay kayo.” 21 Pagkatapos niyang makipag-usap sa mga tao, pumili siya ng mga mang-aawit para mauna sa kanila at umawit sa Panginoon upang papurihan siya sa kanyang banal na presensya. Ito ang kanilang inaawit: “Pasalamatan ang Panginoon dahil ang kanyang pag-ibig ay walang hanggan.” 22 At nang nagsimula silang umawit ng mga papuri, pinaglaban-laban ng Panginoon ang mga Moabita, Ammonita at mga taga-Bundok ng Seir. 23 Nilusob ng mga Ammonita at Moabita ang mga sundalo ng mga taga-Bundok ng Seir at nilipol silang lahat. Pagkatapos nilang pumatay, sila naman ang nagpatayan. 24 Pagdating ng mga sundalo ng Juda sa mataas na bahagi ng disyerto, nakita nila ang mga bangkay ng mga kalaban nila na nakahandusay sa lupa. Wala kahit isang buhay. 25 Kaya pinuntahan ito ni Jehoshafat at ng mga tauhan niya, at sinamsam ang kanilang mga ari-arian. Marami ang kanilang nasamsam na mga gamit, mga damit,[c] at iba pang mahahalagang bagay na halos hindi na nila madala. Inabot sila ng tatlong araw sa pagsamsam dahil sa sobrang dami ng mga ari-arian. 26 Nang ikaapat na araw, nagtipon sila sa Lambak ng Beraca kung saan nagpuri sila sa Panginoon. Ito ang dahilan kung bakit tinawag itong Lambak ng Beraca[d] hanggang ngayon.
27 Pagkatapos, bumalik sila sa Jerusalem na pinangunahan ni Jehoshafat. Masaya sila dahil pinagtagumpay sila ng Panginoon sa kanilang mga kalaban. 28 Pagdating nila sa Jerusalem, dumiretso sila sa templo ng Panginoon, na tumutugtog ng mga alpa, lira at mga trumpeta.
29 Nang marinig ng lahat ng kaharian kung paano nakipaglaban ang Panginoon sa mga kalaban ng Israel, natakot sila. 30 Kaya may kapayapaan ang kaharian ni Jehoshafat dahil binigyan siya ng kanyang Dios ng kapayapaan sa kanyang paligid.
Ang Katapusan ng Paghahari ni Jehoshafat(A)
31 Iyon ang paghahari ni Jehoshafat sa Juda. Siyaʼy 35 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 25 taon. Ang ina niya ay si Azuba na anak ni Silhi. 32 Sinunod niya ang pamumuhay ng ama niyang si Asa. Matuwid ang kanyang ginawa sa paningin ng Panginoon. 33 Pero hindi niya inalis ang mga sambahan sa matataas na lugar,[e] at ang mga tao ay hindi pa rin naging tapat sa pagsunod sa Dios ng kanilang ninuno.
34 Ang iba pang salaysay sa paghahari ni Jehoshafat, mula simula hanggang sa katapusan ay nakasulat sa Mga Aklat ni Jehu na anak ni Hanani, na kasama sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda.
35 Pero sa mga huling bahagi ng paghahari ni Jehoshafat sa Juda, nakipag-alyansa siya kay Haring Ahazia ng Israel, na isang masamang tao. 36 Nagkasundo sila na magpagawa ng mga barko na pang-negosyo.[f] Ipinagawa nila ito sa piyer ng Ezion Geber. 37 Sinabi ni Eliezer na anak ni Dodavahu na taga-Maresha kay Jehoshafat, “Dahil kumampi ka kay Ahazia, gigibain ko ang ipinagawa ninyo.” Kaya nagiba ang barko at hindi ito nakapaglakbay.
21 Nang mamatay si Jehoshafat, inilibing siya sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ni David. At ang anak niyang si Jehoram ang pumalit sa kanya bilang hari. 2 Ang mga kapatid ni Jehoram ay sina Azaria, Jehiel, Zacarias, Azariahu, Micael, at Shefatia. Silang lahat ang anak ni Haring Jehoshafat ng Juda.[g] 3 Binigyan sila ni Jehoshafat ng maraming regalo na pilak at ginto, mahahalagang bagay at mga napapaderang lungsod sa Juda. Pero si Jehoram ang kanyang ipinalit bilang hari dahil siya ang panganay.
Ang Paghahari ni Jehoram sa Juda(B)
4 Nang matatag na ang paghahari ni Jehoram sa kaharian ng kanyang ama, ipinapatay niya ang lahat ng kanyang kapatid, pati ang ibang mga opisyal ng Juda.[h] 5 Si Jehoram ay 32 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng walong taon. 6 Sumunod siya sa pamumuhay ng mga hari ng Israel, gaya ng ginawa ng sambahayan ni Ahab, dahil ang kanyang napangasawa ay anak ni Ahab. Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon. 7 Pero dahil sa kasunduan ng Panginoon kay David, hindi niya nilipol ang angkan ni David. Nangako siya kay David na hindi mawawalan si David ng angkan na maghahari magpakailanman.[i]
8 Nang panahon ng paghahari ni Jehoram, nagrebelde ang Edom sa Juda, at pumili sila ng sarili nilang hari. 9 Kaya pumunta si Jehoram at ang kanyang mga opisyal sa Edom dala ang lahat niyang karwahe. Pinalibutan siya at ang kumander ng kanyang mga mangangarwahe ng mga taga-Edom, pero kinagabihan sinalakay nila ang mga Edomita, at nakatakas sila. 10 Hanggang ngayon, nagrerebelde pa rin ang Edom sa Juda.
Sa panahon ding iyon, nagrebelde rin ang Libna sa Juda, dahil itinakwil ni Jehoram ang Panginoon, ang Dios ng kanyang mga ninuno. 11 Nagpatayo siya ng mga sambahan sa mga bulubundukin ng Juda na siyang dahilan ng pagsamba ng mga taga-Jerusalem at taga-Juda sa mga dios-diosan.
12 Pinadalhan ni Propeta Elias si Jehoram ng sulat na nagsasabi:
“Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng iyong ninunong si David: Hindi mo sinunod ang pamumuhay ng iyong amang si Jehoshafat o ng iyong lolo na si Asa na naging hari rin ng Juda. 13 Sa halip, sinunod mo ang pamumuhay ng mga hari ng Israel. Hinikayat mo ang mga taga-Juda at mga taga-Jerusalem sa pagsamba sa mga dios-diosan gaya ng ginawa ni Ahab. Pinatay mo rin ang iyong sariling mga kapatid na mas mahusay pa sa iyo. 14 Kaya ngayon parurusahan ka ng Panginoon, ikaw at ang iyong mamamayan, mga anak, mga asawa at ang lahat ng iyong ari-arian. Matinding parusa ang ipapadala niya sa inyo. 15 Ikaw mismo ay magtitiis ng malubhang karamdaman sa tiyan, hanggang sa lumabas ang iyong bituka.”
16 Pagkatapos, pinalusob ng Panginoon laban kay Jehoram ang mga Filisteo at ang mga Arabo, na nakatira malapit sa Etiopia. 17 Nilusob nila ang Juda at sinakop, at sinamsam ang mga ari-arian sa palasyo ng hari, pati ang kanyang mga asawaʼt anak. Ang bunso lang niyang anak na si Ahazia[j] ang hindi nadala.
18 Pagkatapos noon, pinahirapan ng Panginoon si Jehoram ng karamdaman sa tiyan na walang kagalingan.
19 At pagkalipas ng dalawang taon, lumabas ang kanyang bituka dahil sa karamdaman, at namatay siya sa sobrang sakit. Hindi nagsindi ng apoy ang kanyang mamamayan sa pagpaparangal sa kanya, tulad ng kanilang ginawa sa kanyang mga ninuno. 20 Si Jehoram ay 32 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng walong taon. Nang mamatay siya, walang nagluksa sa kanya. Inilibing siya sa Lungsod ni David, pero hindi sa libingan ng mga hari.
Ang Paghahari ni Ahazia sa Juda(C)
22 Si Ahazia na bunsong anak ni Jehoram ang iniluklok ng mga mamamayan ng Jerusalem na kanilang hari. Sapagkat ang ibang mga anak ni Jehoram ay pinagpapatay ng mga tulisang Arabo na lumusob sa Juda. Kaya naghari sa Juda si Ahazia na anak ni Haring Jehoram. 2 Si Ahazia ay 22[k] taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng isang taon. Ang ina niya ay si Atalia na apo ni Omri.
3 Sumunod din si Ahazia sa pamumuhay ng sambahayan ni Ahab, dahil hinikayat siya ng kanyang ina sa paggawa ng kasamaan. 4 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon katulad ng ginawa ng sambahayan ni Ahab, dahil pagkatapos mamatay ng kanyang ama, naging tagapayo niya ang mga miyembro ng sambahayan ni Ahab. 5 Sinunod niya ang payo nila na kumampi kay Joram na anak ni Haring Ahab ng Israel. Sumama siya kay Joram sa pakikipaglaban kay Haring Hazael ng Aram. Naglaban sila sa Ramot Gilead, at nasugatan si Joram.
6 Kaya umuwi siya sa lungsod ng Jezreel para magpagaling ng sugat niya. Habang naroon siya, dinalaw siya ni Haring Ahazia ng Juda.
7 Ang pagdalaw ni Ahazia kay Joram ay ginamit ng Dios para lipulin si Ahazia. Nang naroon si Ahazia sa Jezreel, tinulungan niya si Joram para makipaglaban kay Jehu na anak ni Nimsi. Si Jehu ang pinili ng Panginoon para lipulin ang sambahayan ni Ahab.
8 Habang nililipol ni Jehu ang sambahayan ni Ahab, nakita niya ang mga opisyal ng Juda at ang mga anak ng mga kamag-anak ni Ahazia na sumama kay Ahazia. At pinagpapatay niya sila. 9 Pagkatapos, hinanap ng mga tauhan ni Jehu si Ahazia, at nakita nila ito na nagtatago sa lungsod ng Samaria. Dinala siya kay Jehu at pinatay. Siyaʼy inilibing nila dahil sabi nila, “Apo siya ni Jehoshafat, ang taong dumulog sa Panginoon ng buong puso.”
Wala ni isang naiwan sa mga miyembro ng pamilya ni Ahazia ang may kakayahang maghari.
Si Atalia at si Joash(D)
10 Nang malaman ni Atalia na patay na ang anak niyang si Ahazia, nagpasya siyang patayin ang lahat ng miyembro ng pamilya ng hari ng Juda. 11 Pero iniligtas ni Jehosheba ang anak ni Ahazia na si Joash nang papatayin na ito at ang iba pang mga anak ng hari. Si Jehosheba[l] ay kapatid ni Ahazia at anak na babae ni Haring Jehoram, at asawa ng paring si Jehoyada. Itinago niya si Joash at ang kanyang yaya sa isang silid sa templo, kaya hindi siya napatay ni Atalia. 12 Sa loob ng anim na taon, nakatago sa templo ng Panginoon si Joash habang si Atalia ang namamahala sa kaharian at lupain.
23 Nang ikapitong taon, gumawa na ng hakbang si Jehoyada. Gumawa siya ng kasunduan sa limang kumander ng daan-daang sundalo. Silaʼy sina Azaria na anak ni Jehoram, Ishmael na anak ni Jehohanan, Azaria na anak ni Obed, Maaseya na anak ni Adaya at Elishafat na anak ni Zicri. 2 Umikot sila sa buong Juda para tipunin ang mga Levita at ang mga pinuno ng mga pamilya.
Pagdating ng mga tao sa Jerusalem, 3 pumunta sila sa templo at gumawa ng kasunduan kay Joash, na anak ng hari. Sinabi ni Jehoyada sa mga tao, “Ito na ang panahon na ang anak ng hari ay dapat maghari. Nangako ang Panginoon na palaging mayroon sa angkan ni David na maghahari.[m] 4 Ngayon, ito ang gagawin ninyo: Ang isa sa tatlong grupo ng pari at Levita, na nagbabantay sa Araw ng Pamamahinga ay magbabantay sa mga pintuan ng templo. 5 Ang pangalawa sa tatlong grupo nila ay magbabantay sa palasyo ng hari. At ang huli sa tatlong grupo ay magbabantay sa Pintuan ng Sur. Ang ibaʼy doon sa bakuran ng templo ng Panginoon. 6 Walang papasok sa templo ng Panginoon, maliban lang sa mga pari at mga Levita na naglilingkod sa oras na iyon. Pwede silang pumasok dahil itinalaga sila para sa gawaing ito. Pero ang ibaʼy kailangang sa labas lang magbabantay ayon sa utos ng Panginoon. 7 Dapat bantayang mabuti ng mga Levita ang hari, na nakahanda ang kanilang mga sandata, at susundan nila siya kahit saan siya magpunta. Ang sinumang papasok sa templo na hindi pari o Levita ay dapat patayin.”
8 Ginawa ng mga Levita at ng mga taga-Juda ang iniutos ng paring si Jehoyada. Tinipon ng mga kumander ang mga tauhan nila na nagbabantay sa Araw ng Pamamahinga, pati rin ang mga hindi nagbabantay sa araw na iyon. Hindi muna pinauwi ni Jehoyada ang mga Levita kahit tapos na ang kanilang takdang oras. 9 Pagkatapos, binigyan ni Jehoyada ang mga kumander ng mga sibat at ng malalaki at maliliit na pananggalang na pag-aari noon ni Haring David, na itinago sa templo ng Panginoon. 10 Pinapwesto niya ang mga armadong lalaki sa palibot ng templo at ng altar para protektahan ang hari.
11 Pagkatapos, pinalabas ni Jehoyada at ng kanyang mga anak si Joash na anak ng hari at kinoronahan. Binigyan siya ng kopya ng mga tuntunin tungkol sa pamamahala ng hari,[n] at idineklara siyang hari. Pinahiran siya ng langis para ipakita na siya na ang hari at sumigaw agad ang mga tao, “Mabuhay ang Hari!”
12 Nang marinig ni Atalia ang ingay ng mga tao na tumatakbo at nagsisigawan para papurihan ang hari, pumunta siya sa kanila roon sa templo ng Panginoon. 13 At nakita niya roon ang bagong hari na nakatayo malapit sa haligi, sa may pintuan ng templo. Nasa tabi ng hari ang mga kumander at ang mga tagatrumpeta, at ang lahat ng tao roon ay nagsasaya at nagpapatunog ng mga trumpeta. Ang mga mang-aawit ay nangunguna sa pagpupuri sa Dios, na tumutugtog ng mga instrumento. Nang makita itong lahat ni Atalia, pinunit niya ang kanyang damit sa sama ng loob, at sumigaw, “Mga traydor! Mga traydor!”
14 Inutusan ni Jehoyada ang mga kumander ng mga sundalo, “Dalhin ninyo sa labas si Atalia at patayin ang sinumang magliligtas sa kanya. Huwag nʼyo siyang patayin dito sa loob ng templo ng Panginoon.” 15 Kaya dinakip nila siya at dinala sa labas ng pintuan na dinadaanan ng mga kabayong papunta sa palasyo, at doon siya pinatay.
Mga Pagbabagong Ginawa ni Jehoyada(E)
16 Pagkatapos, gumawa ng kasunduan sina Jehoyada, ang mga tao, at ang hari na magiging mamamayan sila ng Panginoon. 17 Pumunta agad ang lahat ng tao sa templo ni Baal at giniba ito. Dinurog nila ang mga altar at mga dios-diosan doon, at pinatay nila si Matan na pari ni Baal sa harapan ng mga altar.
18 Pagkatapos, ipinagkatiwala ni Jehoyada sa mga paring Levita ang pamamahala sa templo ng Panginoon gaya ng ginawa ni David noon. Maghahandog sila ng mga handog na sinusunog ayon sa nakasulat sa Kautusan ni Moises, at magsasaya at aawit ayon sa iniutos ni David. 19 Nagpalagay din si Jehoyada ng mga guwardya ng pintuan ng templo ng Panginoon para walang makapasok na tao na itinuturing na marumi.
20 Pagkatapos, isinama niya ang mga kumander, ang mga kilalang tao, at ang lahat ng tao, at inihatid nila ang hari sa palasyo mula sa templo ng Panginoon. Doon sila dumaan sa Hilagang Pintuan. At naupo ang hari sa kanyang trono. 21 Nagdiwang ang mga tao, at naging mapayapa na ang lungsod matapos patayin si Atalia.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®