Chronological
Ang Paghahanda sa Pagpapatayo ng Templo(A)
5 Matagal nang magkaibigan si Haring Hiram ng Tyre at si Haring David. Kaya nang mabalitaan ni Hiram na pinalitan ni Solomon ang ama niyang si David bilang hari, nagpadala siya ng mga opisyal kay Solomon. 2 Pagkatapos, nagpadala si Solomon ng mensahe kay Hiram:
3 “Nalalaman mong hindi nakapagpatayo ang aking amang si David ng templo para sa Panginoon na kanyang Dios dahil palagi siyang nakikipaglaban sa mga kalabang bansa sa palibot. Hindi siya makakapagpatayo nito hanggang hindi pa ipinapatalo sa kanya ng Panginoon ang lahat ng kanyang kalaban. 4 Pero ngayon ay binigyan ako ng Panginoon na aking Dios ng kapayapaan sa paligid, wala na akong mga kalaban at wala na ring panganib. 5 Kaya naisip ko na magpatayo na ng templo para sa karangalan ng Panginoon na aking Dios, ayon sa sinabi ng Panginoon sa aking amang si David. Ito ang kanyang sinabi, ‘Ang iyong anak, na ipapalit ko sa iyo bilang hari ang siyang magpapatayo ng templo para sa karangalan ng aking pangalan.’
6 “Kaya iutos mo sa iyong mga tauhan na pumutol ng mga puno ng sedro sa Lebanon para sa akin. Patutulungin ko sa kanila ang mga tauhan ko at uupahan ko ang mga tauhan mo ayon sa gusto mo. At alam mo rin na wala talaga kaming tao na mahusay pumutol ng mga puno tulad ng mga tauhan mong Sidoneo.”
7 Tuwang-tuwa si Hiram nang matanggap niya ang mensahe ni Solomon. Sinabi niya, “Purihin natin ang Panginoon sa araw na ito, dahil binigyan niya si David ng matalinong anak para pamahalaan ang makapangyarihang bansang ito!” 8 Kaya nagpadala si Hiram ng mensahe kay Solomon na nagsasabi:
“Natanggap ko ang ipinadala mong mensahe, at ibibigay ko sa iyo ang mga kailangan mong kahoy na sedro at sipres.[a] 9 Hahakutin ito ng mga tauhan ko mula sa Lebanon hanggang sa dagat at gagawin nila itong parang balsa, at palulutangin papunta sa lugar na pipiliin mo. At doon ito kakalagin ng mga tauhan ko at kayo na ang bahalang kumuha nito. Bilang kabayaran, bigyan mo ako ng pagkain para sa mga tauhan ko sa palasyo.”
10 Pinadalhan nga ni Hiram si Solomon ng lahat ng kahoy na sedro at sipres na kailangan niya. 11 At pinadalhan naman ni Solomon si Hiram ng 60,000 sakong trigo at 110,000 galong langis ng olibo bawat taon. 12 Binigyan ng Panginoon si Solomon ng karunungan ayon sa kanyang ipinangako. Maganda ang relasyon nina Solomon at Hiram, at gumawa sila ng kasunduan na hindi sila maglalaban.
13 Pagkatapos, sapilitang pinagtrabaho ni Haring Solomon ang 30,000 tao mula sa buong Israel. 14 Pinagpangkat sila ayon sa bilang na 10,000 bawat isang pangkat at ipinapadala sa Lebanon bawat buwan. Kaya ang bawat grupo ay isang buwan sa Lebanon at dalawang buwan sa kanilang lugar. Si Adoniram ang tagapamahala ng mga trabahador na ito. 15 May 70,000 tao si Solomon na tagahakot ng mga materyales at 80,000 tao na tagatabas ng bato sa kabundukan. 16 Mayroon din siyang 3,300 kapatas na namamahala sa trabaho at mga trabahador. 17 At sa utos niya, nagtabas sila ng malalakiʼt magagandang uri ng bato para sa pundasyon ng templo. 18 Kaya inihanda ng mga tauhan nina Solomon at Hiram, kasama ng mga taga-Gebal,[b] ang mga bato at mga kahoy para sa pagpapatayo ng templo.
Ang Pagpapatayo ni Solomon ng Templo
6 Sinimulan ni Solomon ang pagpapatayo ng templo ng Panginoon nang ikalawang buwan, ang buwan ng Ziv, sa ikaapat na taon ng paghahari niya sa Israel. Ika-480 taon iyon ng paglaya ng mga Israelita sa Egipto. 2 Ang templo na ipinatayo ni Haring Solomon para sa Panginoon ay 90 talampakan ang haba, 30 talampakan ang luwang at 45 talampakan ang taas. 3 Ang luwang ng balkonahe ng templo ay 15 talampakan, at ang haba ay 30 talampakan na katulad mismo ng luwang ng templo. 4 Nagpagawa rin si Solomon ng mga bintana sa templo. Mas malaki ang sukat nito sa loob kaysa sa labas.
5 Nagpagawa rin siya ng mga kwarto sa mga gilid at likod ng templo. Ang mga kwartong ito ay may tatlong palapag at nakadugtong sa pader ng templo. 6 Ang luwang ng unang palapag ay pitoʼt kalahating talampakan, siyam na talampakan ang pangalawang palapag at ang pangatlong palapag naman ay sampuʼt kalahating talampakan. Ang pader ng templo ay unti-unting numinipis sa bawat palapag upang maipatong ang mga kwarto sa pader nang hindi na kailangan ng mga biga.
7 Nang ipinatayo ang templo, ang mga bato na ginamit ay tinabas na sa pinagkunan nito, kaya wala nang maririnig na pukpok ng martilyo, pait o anumang gamit na bakal.
8 Ang daanan papasok sa unang palapag ay nasa bandang timog ng templo. May mga hagdan papuntang pangalawa at pangatlong palapag. 9 Nang nailagay na ang mga dingding ng templo, pinalagyan ito ni Solomon ng kisame na ang mga tabla ay sedro. 10 At ang mga kwarto sa mga gilid at likod ng templo, na ang taas ay pitoʼt kalahating talampakan, na nakakabit sa templo ay ginamitan din ng mga kahoy na sedro.
11 Sinabi ng Panginoon kay Solomon, 12-13 “Kung tutuparin mo ang aking mga tuntunin at mga utos, tutuparin ko rin sa pamamagitan mo ang ipinangako ko kay David na iyong ama. Maninirahan ako kasama ng mga Israelita sa templong ito na iyong ipinatayo at hindi ko sila itatakwil.”
14 Natapos ni Solomon ang pagpapatayo ng templo.
Ang mga Ipinagawa sa Loob ng Templo(B)
15 Ang dingding sa loob ng templo ay natatakpan ng tablang sedro mula sa sahig hanggang sa kisame, at ang sahig ay kahoy na sipres. 16 Nagpagawa si Solomon ng dalawang kwarto sa loob ng templo sa pamamagitan ng paglalagay ng dibisyon mula sa sahig hanggang kisame. Ang ginamit na dibisyong tabla ay sedro. Ang kwarto sa bandang likod ng templo ay tinawag na Pinakabanal na Lugar at ang haba nito ay 30 talampakan. 17 Ang haba naman ng kwarto sa labas ng Pinakabanal na Lugar ay 60 talampakan. 18 Ang buong dingding sa loob ng templo ay natatakpan ng tablang sedro kaya hindi makita ang mga bato sa dingding. May mga inukit din ditong mga bulaklak at mga gumagapang na halaman.
19 Inihanda ni Solomon ang Pinakabanal na Lugar sa loob ng templo para mailagay ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon. 20 Ang kwartong ito ay kwadrado; ang haba, luwang at taas ay pare-parehong 30 talampakan. Ang mga dingding at kisame nito ay pinatakpan ni Solomon ng purong ginto at ganoon din ang altar na gawa sa kahoy ng sedro. 21 Ang ibang bahagi ng loob ng templo ay pinatakpan din niya ng purong ginto. Nagpagawa siya ng gintong kadena at ipinatali niya ito ng pahalang sa daanan na papasok sa Pinakabanal na Lugar. 22 Kaya natatakpan lahat ng ginto ang loob ng templo, pati na ang altar na nasa loob ng Pinakabanal na Lugar.
23 Nagpalagay si Solomon sa loob ng Pinakabanal na Lugar ng dalawang kerubin[c] na gawa sa kahoy na olibo, na ang bawat isa ay 15 talampakan ang taas. 24-26 Ang dalawang kerubing ito ay magkasinglaki at magkasinghugis. Ang bawat isa ay may dalawang pakpak, at bawat pakpak ay may habang pitoʼt kalahating talampakan. Kaya ang haba mula sa dulo ng isang pakpak hanggang sa dulo ng isa pang pakpak ay 15 talampakan. 27 Pinagtabi ito ni Solomon sa loob ng Pinakabanal na Lugar na nakalukob ang mga pakpak. Ang isa nilang pakpak ay nagpapang-abot, at nakatutok sa gitna ng kwarto. At ang kabilang pakpak naman ay nakasayad sa dingding. 28 Pinatakpan din ni Solomon ng ginto ang dalawang kerubin.
29 Ang lahat ng dingding sa dalawang kwarto ng templo ay pinaukitan ni Solomon ng mga kerubin, mga palma at mga bulaklak na nakabukadkad. 30 Kahit ang sahig sa dalawang kwarto ay pinatakpan din niya ng ginto.
31 Ang daanan papasok sa Pinakabanal na Lugar ay may dalawang pinto na gawa sa kahoy ng olibo at lima ang gilid ng mga hamba nito. 32 Ang mga pintong ito ay pinaukitan ni Solomon ng mga kerubin, mga palma at mga namumukadkad na bulaklak, at pinabalutan ng ginto.
33 Ang daanan papasok sa templo ay pinagawan din ni Solomon ng parihabang mga hamba na gawa sa kahoy na olibo. 34 May dobleng pinto din ito na gawa sa kahoy na sipres at ang bawat isa nito ay may dalawang hati na maaaring itiklop. 35 Pinaukitan din ito ni Solomon ng mga kerubin, mga palma at mga namumukadkad na bulaklak, at maayos na binalutan ng ginto.
36 Ipinagawa rin niya ang loob ng bakuran ng templo. Napapaligiran ito ng pader na ang bawat tatlong patong ng mga batong tinabas ay pinatungan ng kahoy na sedro.
37 Inilagay ang pundasyon ng templo ng Panginoon nang ikalawang buwan, na siyang buwan ng Ziv, noong ikaapat na taon ng paghahari ni Solomon. 38 Natapos ang templo nang ikawalong buwan, na siyang buwan ng Bul, noong ika-11 taon ng paghahari ni Solomon. Pitong taon ang pagpapatayo ng templo, at sinunod ang mga detalye nito ayon sa plano.
Ang Paghahanda sa Pagpapatayo ng Templo(A)
2 Nag-utos si Solomon na magpatayo ng templo, para sa karangalan ng pangalan ng Panginoon, at ng palasyo para sa kanyang sarili. 2 Nagpatawag siya ng 70,000 tagahakot, 80,000 tagatabas ng mga bato sa mababang bahagi ng bundok, at 3,600 kapatas.
3 Nagpadala si Solomon ng ganitong mensahe kay Haring Hiram[a] ng Tyre: “Padalhan mo ako ng mga kahoy na sedro gaya ng ipinadala mo sa aking amang si David nang nagpatayo siya ng palasyo niya. 4 Magpapatayo ako ng templo para sa karangalan ng pangalan ng Panginoon na aking Dios. Magiging banal ang lugar na ito na pinagsusunugan ng mabangong insenso, hinahandugan ng banal na tinapay, pinag-aalayan ng mga handog na sinusunog tuwing umaga at gabi at sa Araw ng Pamamahinga, sa Pista ng Pagsisimula ng Buwan[b] at sa iba pang mga pista sa pagpaparangal sa Panginoon na aming Dios. Ang tuntuning itoʼy dapat tuparin ng mga Israelita magpakailanman.
5 “Napakalaki ng templo na itatayo ko, dahil makapangyarihan ang aming Dios kaysa sa ibang mga dios. 6 Ngunit sino nga ba ang makakagawang magpatayo ng templo para sa kanya? Sapagkat kahit ang pinakamataas na kalangitan, hindi magkakasya para sa kanya. Kaya sino ba ako na magpapatayo ng templo para sa kanya? Ang maitatayo ko lang ay ang lugar na pinagsusunugan ng mga handog sa kanyang presensya. 7 Kaya ngayon, padalhan mo ako ng taong mahusay gumawa sa mga ginto, pilak, tansoʼt bakal, at mahusay gumawa ng telang kulay ube, pula at asul, at mahuhusay na mang-uukit. Gagawa siya kasama ng aking mahuhusay na manggagawang taga-Juda at taga-Jerusalem, na pinili ng aking amang si David. 8 Padalhan mo rin ako ng mga kahoy na sedro, sipres at algum mula sa Lebanon, dahil alam kong mahusay ang mga tauhan mo sa pagputol ng kahoy. Tutulong ang mga tauhan ko sa mga tauhan mo 9 sa paghahanda ng maraming kahoy, dahil malaki at maganda ang templo na itatayo ko. 10 Babayaran ko ang iyong mga tagaputol ng kahoy ng 100,000 sako ng trigo, 100,000 sako ng sebada, 110,000 galon ng katas ng ubas at 110,000 galon ng langis ng olibo.”
11 Ito ang sulat na isinagot ni Haring Hiram ng Tyre kay Solomon:
“Dahil iniibig ng Panginoon ang kanyang mga bayan, ginawa ka niyang hari nila. 12 Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel na gumawa ng langit at lupa! Binigyan niya si haring David ng matalinong anak na puno ng kaalaman at pang-unawa, na magtatayo ng templo para sa Panginoon at nang palasyo para sa kanyang sarili.
13 “Ipapadala ko sa iyo si Huram Abi na isang mahuhusay na manggagawa. 14 Ang kanyang ina ay mula sa Dan at ang kanyang amaʼy mula sa Tyre. Dalubhasa siya sa paggawa sa ginto, pilak, tanso, bakal, bato at kahoy, at sa paggawa ng telang kulay ube,[c] pula at asul, at pinong telang linen. Dalubhasa siya sa kahit anong uri ng pag-ukit, at makakagawa siya ng anumang uri ng disenyo na ipapagawa mo sa kanya. Gagawa siya kasama ng iyong manggagawa at ng mga manggagawa na pinili ng kagalang-galang[d] na si David, na iyong ama.
15 “Ngayon, kagalang-galang na Solomon, ipadala mo sa amin ang trigo, sebada, alak at langis ng olibo na iyong ipinangako, 16 at puputulin namin ang maraming kahoy na kailangan mo. Pagkatapos, idudugtong namin na parang balsa at palulutangin sa dagat papunta sa Jopa. At kayo na ang magdadala nito sa Jerusalem.”
17 Sinensus ni Solomon ang lahat ng dayuhan gaya ng ginawa ni David na kanyang ama, at ang bilang ay 153,600. 18 Ginawa niya ang 70,000 sa kanila na tagahakot, 80,000 tagatabas ng bato sa mababang bahagi ng bundok, at ang 3,600 kapatas na mamamahala sa mga manggagawa.
Nagpatayo si Solomon ng Templo sa Jerusalem
3 At sinimulan na ni Solomon ang pagpapatayo ng templo ng Panginoon sa Jerusalem doon sa Bundok ng Moria, kung saan nagpakita ang Panginoon sa ama niyang si David. Doon niya ito ipinatayo sa giikan ni Arauna na Jebuseo, ang lugar na inihanda ni David. 2 Sinimulan niya itong ipatayo noong ikalawang araw ng ikalawang buwan, nang ikaapat na taon ng paghahari niya.
3 Ang pundasyon ng templo ng Dios ay may taas na 90 talampakan at lapad na 30 talampakan. 4 Ang balkonahe sa harapan ng templo ay 30 talampakan ang lapad, gaya ng lapad ng templo, at ang taas ay 30 talampakan din. Pinabalutan ni Solomon ang loob nito ng purong ginto.
5 Pinadingdingan niya ang bulwagan ng templo ng kahoy na sipres at pinabalutan ng purong ginto, at pinalamutian ng mga disenyo na palma at mga kadena. 6 Nilagyan din niya ang templo ng mga palamuti na mamahaling bato at ginto na galing pa sa Parvaim. 7 Pinabalutan niya ng ginto ang mga biga, hamba ng pintuan, mga dingding at mga pintuan. At pinaukitan niya ng kerubin ang mga dingding.
8 Ang Pinakabanal na Lugar ay may lapad na 30 talampakan at may haba na 30 talampakan din, na gaya ng lapad ng templo. Ang loob nitoʼy binalutan ng mga 21 toneladang ginto. 9 Ang mga pako ay ginto na may timbang na kalahating kilo. Ang mga dingding sa itaas na bahagi ay binalutan din ng ginto.
10 Nagpagawa si Solomon sa loob ng Pinakabanal na Lugar ng dalawang kerubin at pinabalutan ito ng ginto. 11-13 Ang bawat kerubin ay may dalawang pakpak, at ang bawat pakpak ay may habang pitoʼt kalahating talampakan. Kaya ang kabuuang haba ng nakalukob na mga pakpak ng dalawang kerubin ay 30 talampakan. Ang kabilang dulo ng kanilang pakpak ay nagpapang-abot, at ang kabilang pakpak nito ay nakadikit sa dingding. 14 Ang kurtina na nakatakip sa Pinakabanal na Lugar ay gawa mula sa pinong telang linen na asul, kulay ube at pula, na may burdang kerubin.
Ang Dalawang Haligi(B)
15 Gumawa rin si Solomon ng dalawang haligi sa harapan ng templo na ang taas ng bawat isa ay 52 talampakan. Ang bawat haligi ay may hugis-ulo na ang taas ay pitoʼt kalahating talampakan. 16 Ang bawat hugis-ulo ng haligi ay nilagyan ng mga kadena na may nakasabit na mga palamuting ang korte ay parang prutas na pomegranata. Ang mga palamuting ito ay 100 piraso. 17 Ipinatayo niya ang mga haligi sa harapan ng templo. Ang isaʼy sa gawing timog at ang isaʼy sa gawing hilaga. Ang haligi sa gawing timog ay tinawag niyang Jakin at ang haligi sa gawing hilaga ay tinawag niyang Boaz.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®