Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Kawikaan 1-3

Ang Kahalagahan ng Kawikaan

Ito ang mga kawikaan ni Solomon na anak ni David, hari ng Israel.

Sa pamamagitan ng mga kawikaang ito, magkakaroon ka ng karunungan, maitutuwid mo ang iyong ugali at mauunawaan mo ang mga aral na magbibigay sa iyo ng karunungan. Sa pamamagitan din nitoʼy magiging disiplinado ka, dahil itinuturo nito ang matuwid na paraan ng pamumuhay, mabuting pag-uugali, paggawa ng tama, at pagiging makatarungan. Makapagbibigay ito ng karunungan sa mga walang kaalaman at sa kabataaʼy magtuturo ng tamang pagpapasya. Sa pakikinig nito, ang marunong ay lalong magiging marunong at ang may pinag-aralan ay magiging dalubhasa, upang maunawaan nila ang kahulugan ng mga kawikaan, mga talinghaga, at mga bugtong ng marurunong.

Ang pagkatakot sa Panginoon na may paggalang ang simula ng karunungan. Ngunit sa hangal,[a] walang halaga ang karunungan at ayaw niyang maturuan upang maituwid ang kanyang pag-uugali.

Payo sa Pag-iwas sa Masamang Tao

Anak, dinggin mo ang turo at pagtutuwid sa iyong pag-uugali ng iyong mga magulang, dahil itoʼy makapagbibigay sa iyo ng karangalan katulad ng koronang gawa sa bulaklak at makapagpapaganda katulad ng kwintas.

10 Anak, huwag kang padadala sa panghihikayat ng mga taong makasalanan. 11 Huwag kang sasama kapag sinabi nilang, “Halika, sumama ka sa amin! Mag-abang tayo ng sinumang papatayin kahit walang dahilan. 12 Kahit nasa kasibulan pa ng kanilang buhay, patayin natin sila para matulad sila sa mga taong pumunta sa lugar ng mga patay. 13 Makakakuha tayo sa kanila ng mga mamahaling ari-arian, at pupunuin natin ang ating mga bahay ng ating mga nasamsam. 14 Sige na, sumama ka na sa amin, at paghahatian natin ang ating mga nasamsam.”

15 Anak, huwag kang sumama sa kanila; iwasan mo sila. 16 Sapagkat mabilis sila sa paggawa ng masama at sa pagpatay ng tao. 17 Walang kabuluhan ang paglalagay ng bitag kung ang ibong iyong huhulihin ay nakatingin. 18 Alam ng ibon na mahuhuli siya, pero ang taong masasama, hindi nila alam na sila rin ang magiging biktima ng ginagawa nila.

19 Ganyan ang mangyayari sa mga taong ang ari-arian ay nakuha sa masamang paraan. Mamamatay sila sa ganoon ding paraan.

Kapag Itinakwil ang Karunungan

20-21 Ang karunungan ay katulad ng isang mangangaral na nagsasalita sa mga lansangan, plasa, pamilihan, at mga pintuang bayan. Sinasabi niya,

22 “Kayong mga walang alam,
    hanggang kailan kayo mananatiling ganyan?
    Kayong mga nanunuya, hanggang kailan kayo matutuwa sa inyong panunuya?
    Kayong mga hangal, hanggang kailan ninyo tatanggihan ang karunungan?
23 Pakinggan ninyo ang pagsaway ko sa inyo.
    Sasabihin ko sa inyo kung ano ang iniisip ko.
    Ipapaalam ko sa inyo ang aking sasabihin laban sa inyo,
24 sapagkat hindi ninyo pinansin ang panawagan ko na lumapit kayo sa akin,
25 at binalewala ninyo ang lahat ng payo ko at pagsaway.
26-27 Pagtatawanan ko kayo kapag napahamak kayo;
    kukutyain ko kayo kapag dumating sa inyo ang paghihirap at mga pangyayaring nakakatakot gaya ng ipu-ipo at bagyo.
28 Tatawag kayo sa akin, ngunit hindi ko kayo sasagutin.
    Hahanapin ninyo ako ngunit hindi ninyo ako makikita.
29 Dahil ayaw ninyo na tinuturuan kayo at wala kayong takot sa Panginoon.
30 Tinanggihan ninyo ang mga payo ko at minasama ang aking pagsaway sa inyo.
31 Kaya aanihin ninyo ang bunga ng inyong mga ginagawa at pinaplanong masama.
32 Sapagkat ang katigasan ng ulo ng mga taong walang karunungan ang papatay sa kanila,
    at ang pagsasawalang-bahala ng mga hangal ang magpapahamak sa kanila.
33 Ngunit ang taong nakikinig sa akin ay mabubuhay ng matiwasay,
    ligtas siya sa panganib at walang katatakutan.”

Ang Kahalagahan ng Karunungan

Anak, tanggapin at ingatan mo sa iyong puso ang mga itinuturo at iniuutos ko sa iyo. Pakinggan mo kung ano ang makapagbibigay sa iyo ng karunungan at kaalaman. Pagsikapan mong magkaroon ng pang-unawa, na parang naghahanap ka ng pilak o anumang nakatagong kayamanan. Kung gagawin mo ito, malalaman mo kung ano ang pagkatakot sa Panginoon at mauunawaan mo ang tungkol sa kanya. Sapagkat ang Panginoon ang nagbibigay ng karunungan, kaalaman, at ng pang-unawa. 7-8 Iniingatan niya ang namumuhay nang matuwid, matapat, at walang kapintasan. Binibigyan din niya sila ng katagumpayan.[b]

Kung makikinig ka sa akin, malalaman mo ang dapat mong gawin, ang tama, matuwid at nararapat. 10 Sapagkat lalong lalawak ang iyong karunungan at magbibigay ito sa iyo ng kaligayahan. 11 Kapag nakakaunawa ka at marunong magpasya nang tama, iingatan ka nito. 12 Ilalayo ka ng karunungan sa masamang pag-uugali at sa mga taong nagsasalita ng masama. 13 Pinili ng mga taong ito na iwanan ang magandang pag-uugali at sumunod sa pamamaraan ng mga nasa kadiliman. 14 Natutuwa sila sa paggawa ng masama at nasisiyahan sa mga kalikuan nito. 15 Masama ang pag-uugali nila at hindi matuwid ang kanilang pamumuhay.

16 Ilalayo ka ng karunungan sa masamang babaeng gustong umakit sa iyo sa pamamagitan ng kanyang matatamis na salita. 17 Iniwan ng ganyang babae ang napangasawa niya noong kanyang kabataan. Kinalimutan niya ang pangako niya sa Dios nang silaʼy ikasal. 18 Kapag pumunta ka sa bahay niya, para ka na ring pumunta sa kamatayan. Sapagkat ito ang daan tungo sa daigdig ng mga patay. 19 Kung sino man ang pupunta sa kanya ay hindi na makakauwi; makakalimutan na niya ang daan patungo sa lugar ng mga buhay. 20 Kaya tularan mo ang pamumuhay ng mabubuting tao at mamuhay ka ng matuwid. 21 Sapagkat ang taong namumuhay nang matuwid at walang kapintasan ay mabubuhay nang matagal dito sa daigdig. 22 Ngunit ang masasama at mga mandaraya ay palalayasin. Bubunutin sila na parang mga damo.

Dagdag na Kahalagahan ng Karunungan

Anak, huwag mong kalilimutan ang mga itinuturo ko sa iyo. Ingatan mo sa iyong puso ang mga iniuutos ko, sapagkat ito ang magpapahaba at magpapaunlad ng iyong buhay. Manatili kang mapagmahal at matapat; alalahanin mo itong lagi at itanim sa iyong isipan. Kapag ginawa mo ito, malulugod ang Dios pati na ang mga tao.

Magtiwala ka nang buong puso sa Panginoon at huwag kang manalig sa iyong sariling karunungan. Alalahanin mo ang Panginoon sa lahat ng iyong ginagawa at ituturo niya sa iyo ang tamang landas. Huwag mong isipin na napakarunong mo na. Matakot ka sa Panginoon, at huwag gumawa ng masama. Para iyon sa ikabubuti at ikalalakas ng iyong katawan. Parangalan mo ang Panginoon sa pamamagitan ng paghahandog sa kanya ng mga unang bunga ng iyong ani. 10 Kapag ginawa mo ito, mapupuno ng ani ang iyong mga bodega at aapaw ang inumin sa iyong mga sisidlan.

11 Anak, huwag mong mamasamain kapag itinatama ka ng Panginoon upang ituwid ang iyong pag-uugali. 12 Sapagkat itinutuwid ng Panginoon ang ugali ng kanyang mga minamahal, katulad ng ginagawa ng isang ama sa kanyang anak na kinalulugdan.

13 Mapalad ang taong may karunungan at pang-unawa. 14 Higit pa ito sa pilak at ginto, 15 at sa ano pa mang mga mamahaling bato. Walang anumang bagay ang maaaring ipantay dito. 16 Magpapahaba ito ng iyong buhay, magpapaunlad ng iyong kabuhayan at magbibigay sa iyo ng karangalan. 17 Ang karunungan ay magpapabuti ng iyong kalagayan. 18 Mapalad ang taong may karunungan, dahil magbibigay ito ng mabuti at mahabang buhay.

19-20 Sa pamamagitan ng karunungan, nilikha ng Panginoon ang lupa at ang langit, at bumukas ang mga bukal at mula sa mga ulap ay bumuhos ang ulan.

21 Anak, ingatan mo ang iyong karunungan at kaalaman sa pagpapasya ng tama. Huwag mong hayaang mawala ito sa iyo. 22 Sapagkat ito ang magbibigay sa iyo ng mahaba at magandang buhay. 23 Mabubuhay kang ligtas sa anumang kapahamakan. 24 Makakatulog ka nang mahimbing at walang kinakatakutan. 25 Hindi ka dapat matakot kung biglang dumating ang mga pangyayaring nakakatakot o kung lilipulin na ang masasama, 26 dahil makakaasa ka na babantayan ka ng Panginoon at ilalayo sa kapahamakan.

27 Hanggaʼt makakaya mo, tulungan mo ang mga dapat tulungan. 28 Huwag mo nang ipagpabukas pa, kung kaya mo naman silang tulungan ngayon.

29 Huwag mong pagplanuhan ng masama ang kapitbahay mo na nagtitiwala sa iyo.

30 Huwag kang makipagtalo sa kapwa mo nang walang sapat na dahilan, lalo na kung wala naman siyang ginawang masama sa iyo.

31 Huwag kang mainggit sa taong malupit o gayahin ang kanyang mga ginagawa. 32 Sapagkat nasusuklam ang Panginoon sa mga taong baluktot ang pag-iisip, ngunit nagtitiwala siya sa mga namumuhay nang matuwid.

33 Isinusumpa ng Panginoon ang sambahayan ng masasama, ngunit pinagpapala niya ang sambahayan ng mga matuwid.

34 Hinahamak niya ang mga nanghahamak ng kapwa, ngunit binibiyayaan niya ang mga mapagpakumbaba.

35 Ang mga marunong ay pararangalan, ngunit ang mga hangal ay ilalagay sa kahihiyan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®