Chronological
Ang mga Paalala sa Buhay
7 Ang malinis na pangalan ay mas mabuti kaysa sa mamahaling pabango; at ang araw ng kamatayan ay mas mabuti kaysa sa araw ng kapanganakan. 2 Mas mabuting pumunta sa namatayan kaysa sa isang handaan, dahil ang lahat ay mamamatay. Dapat ay lagi itong isipin ng mga buhay pa. 3 Ang kalungkutan ay mas mabuti kaysa sa kaligayahan dahil ang kalungkutan ay nakakatuwid ng buhay ng tao. 4 Laging iniisip ng marunong ang kamatayan; pero ang hangal, ang laging iniisip ay kasiyahan. 5 Mas mabuting makinig sa pagsaway ng marunong kaysa makinig sa papuri ng hangal. 6 Ang tawa ng hangal ay parang tinik na pag-iginatong ay nagsasaltikan ang apoy. Ito ay walang kabuluhan. 7 Ang marunong kapag nandaya ay para na ring hangal. Kung tumatanggap ka ng suhol, sinisira mo ang sarili mong dangal. 8 Mas mabuti ang pagtatapos kaysa sa pagsisimula. Ang pagiging matiisin ay mas mabuti kaysa sa pagiging mapagmataas. 9 Huwag maging magagalitin dahil ang pagiging magagalitin ay ugali ng mga hangal. 10 Huwag mong sabihin, “Bakit mas mabuti pa noon kaysa ngayon?” Dahil ang tanong na iyan ay walang katuturan. 11-12 Ang karunungan ay mabuti gaya ng isang pamana, pareho itong nakakatulong sa mga namumuhay dito sa mundo. Nagbibigay din ito ng proteksyon gaya ng pera. Pero higit pa roon, iniingatan nito ang buhay ng nagtataglay nito. 13 Pag-isipan mo ang ginawa ng Dios. Sino ang makapagtutuwid ng kanyang binaluktot? 14 Magalak ka kung mabuti ang kalagayan mo. Pero kung naghihirap ka, isipin mong ang Dios ang gumawa sa dalawang bagay na ito. Para hindi natin malaman kung ano ang mangyayari sa araw ng bukas. 15 Sa buhay kong walang saysay, nakita ko ang lahat ng bagay. Ang matuwid ay maagang namamatay sa kabila ng kanilang matuwid na pamumuhay, at ang mga masasama sa kabila ng kanilang kasamaan ay nabubuhay nang matagal. 16 Huwag mong ituring ang iyong sarili na sobrang matuwid at marunong, dahil kung gagawin mo iyon, sinisira mo lang ang iyong sarili. 17 At huwag ka rin namang magpakasama o magpakamangmang, dahil baka mamatay ka naman nang wala sa oras. 18 Huwag kang pasobra sa mga bagay na iyon; dapat balanse lang, dahil ang taong may takot sa Dios ay hindi nagpapasobra sa anumang bagay. 19 Higit na malaki ang magagawa ng karunungan sa isang tao, kaysa sa sampung pinuno ng isang bayan. 20 Wala ni isang tao rito sa mundo ang laging gumagawa ng mabuti at hindi nagkakasala. 21 Huwag mong pakikinggan ang lahat ng sinasabi ng tao at baka mismong alipin mo ang marinig mong nagsasalita laban sa iyo. 22 Dahil alam mo sa sarili mo na marami ka ring pinagsalitaan ng masama.
23 Sinubukan kong intindihin ang lahat ng nangyayari rito sa mundo sa pamamagitan ng aking karunungan. Akala koʼy maiintindihan ko pero hindi pala. 24 Hindi ko kayang intindihin ang mga nangyayari dahil mahirap talagang maintindihan. At walang sinuman ang makakaintindi nito. 25 Pero patuloy akong nag-aral at nag-usisa, para makamit ko ang karunungan at masagot ang aking mga katanungan, at para malaman ko kung gaano kahangal ang taong gumagawa ng masama at kung gaano kasama ang isipan ng taong gumagawa ng kahangalan.
26 Napag-alaman kong ang babaeng nanunukso ay mas mapait kaysa sa kamatayan. Ang pag-ibig niyaʼy parang bitag, at ang mga kamay niya na yumayakap sa iyo ay parang kadena. Ang taong nakalulugod sa Dios ay makakatakas sa kanya, pero ang taong masama ay mabibitag niya. 27-28 Sinasabi ko bilang isang mangangaral, “Iniisip kong mabuti ang bawat bagay sa paghahanap ko ng kasagutan sa aking mga katanungan. Pero hindi ko pa rin natagpuan ang mga kasagutan. Ngunit ito ang aking natuklasan, sa 1,000 lalaki isa lang ang matuwid,[a] pero sa 1,000 babae wala ni isang matuwid. 29 Higit sa lahat, ito ang nalaman ko: Ginawa ng Dios ang tao na matuwid, pero nag-iisip ang tao ng maraming paraan para maging masama.”
8 Walang katulad ang taong marunong na kayang magpaliwanag ng mga bagay. Ang karunungan ng taoʼy nakapagpapasaya ng mukha, at ang simangot ay nawawala.
Sundin ang Hari
2 Sundin mo ang utos ng hari, dahil ipinangako mo sa Dios na gagawin mo ito. 3 Huwag mong pababayaan ang tungkulin mo sa hari, at huwag kang sasama sa mga nagpaplano ng masama laban sa kanya,[b] dahil kayang gawin ng hari ang anumang gustuhin niya. 4 Makapangyarihan ang utos ng hari at walang makakatutol dito. 5 Ang sinumang sumusunod sa kanyang utos ay hindi mapapahamak. Alam ng taong marunong kung kailan at kung paano gagawin ang isang bagay. 6 Dahil ang bawat bagay ay may kanya-kanyang tamang oras at pamamaraan ng paggawa gaano man kabigat ang kinakaharap ng tao.
7 Dahil walang sinuman ang nakakaalam ng hinaharap, walang makapagsasabi kung ano ang mangyayari. 8 Kung paanong hindi mapipigilan ng tao ang hangin,[c] hindi rin niya mapipigilan ang kanyang kamatayan. Tulad sa isang labanan, hindi siya makakaatras. At ang kasamaan niyaʼy hindi makapagliligtas sa kanya sa kamatayan.
9 Pinagmasdan ko ang mga bagay na nangyayari rito sa mundo, nakita kong ang mga tao ay may kakayahang saktan ang isaʼt isa. 10 Nakita ko ring ibinuburol ang masasama. Sila ang laging pumapasok sa banal na lungsod ng Jerusalem at doon gumagawa ng kasamaan. At pinupuri[d] pa sila ng mga taong taga-roon mismo sa lugar na ginagawan nila ng kasamaan. Wala itong kabuluhan.
11 Kapag ang taong nagkasalaʼy hindi agad pinarusahan, naiisip din ng iba na gumawa ng kasalanan. 12 Kahit ang isang taoʼy magkasala ng isandaang beses at mabuhay pa nang matagal, alam kong mas mabuti pa rin ang kahihinatnan ng taong may takot sa Dios. 13 Hindi magtatagal ang buhay ng taong masama na walang takot sa Dios. Magiging parang anino ang buhay niya, sandali lang at agad mawawala. 14 Ang problema lang sa mundong ito ay kung minsan ang mga taong matuwid pa ang siyang napaparusahan ng parusang para sana sa masasama. At ang masasama naman ang siyang tumatanggap ng gantimpalang para sana sa mga matuwid. Ito man ay walang kabuluhan.
15 Kaya para sa akin, mas mabuting magpakasaya ang tao sa buhay. Walang mas mabuti para sa kanya dito sa mundo kundi ang kumain, uminom at magsaya. Sa ganitong paraan mararanasan niya ang kasiyahan habang nagpapakapagod siya sa buong buhay niya na ibinigay ng Dios sa kanya dito sa mundo.
16 Habang pinagsisikapan kong intindihin ang mga nangyayari rito sa mundo, nalaman ko kung gaano kaabala sa trabaho ang mga tao araw at gabi. 17 Nakita ko rin ang mga ginagawa ng Dios dito sa mundo. Walang sinuman ang makakaintindi nito. Kahit ano pa ang gawin ng tao para intindihin ito, hindi pa rin niya ito maiintindihan. Kahit sabihin pa ng marunong na naiintindihin niya, pero ang totoo, hindi niya talaga naiintindihan.
9 Inisip kong mabuti ang lahat ng bagay at nalaman kong nasa patnubay ng Dios ang matutuwid at marurunong, pati na ang kanilang mga ginagawa. Pero hindi nila alam kung ang kasasapitan ba nila ay pag-ibig o poot. 2 Iisa lang ang kasasapitan ng lahat ng klase ng tao – ang matuwid at ang masama, ang tama at ang mali,[e] ang malinis at ang marumi,[f] ang naghahandog at ang hindi naghahandog. Pareho lang ang matuwid at ang makasalanan at pareho lang din ang sumusumpa at hindi sumusumpa. 3 Ito ang hindi maganda sa lahat ng nangyayari rito sa mundo: iisa lang ang kasasapitan ng lahat. At hindi lang iyan, kundi pawang kasamaan at kamangmangan ang iniisip ng tao habang nabubuhay, at pagkatapos ay mamamatay din siya. 4 Habang may buhay ang tao, may pag-asa. May kasabihan nga, “Mas mabuti pa ang buhay na aso kaysa sa patay na leon.” 5 Ang totoo, alam ng buhay na tao na mamamatay siya. Pero ang patay ay walang nalalaman. Wala na rin siyang gantimpalang matatanggap at makakalimutan na. 6 Ang pag-ibig nila, poot at inggit noong nabubuhay pa ay wala na. At wala na rin silang malay sa lahat ng nangyayari rito sa mundo.
7 Sige, magpakasaya ka sa pagkain at pag-inom dahil iyan ang gusto ng Dios na gawin mo. 8 Palagi ka sanang maging maligaya.[g] 9 Magpakasaya ka kasama ang minamahal mong asawa, sa buhay mong walang kabuluhan na ibinigay ng Dios dito sa mundo. Sapagkat para sa iyo naman iyan, para sa pagpapagal mo rito sa mundo. 10 Gawin mo ng buo mong makakaya ang iyong ginagawa, dahil wala ng trabaho roon sa lugar ng mga patay na patutunguhan mo. Wala ng pagpaplano roon, wala ring kaalaman at karunungan.
11 Mayroon pa akong nakita rito sa mundo: Hindi lahat ng mabibilis ay nananalo sa takbuhan, at hindi lahat ng malalakas ay nananalo sa labanan. Hindi rin lahat ng matatalino ay nagkakaroon ng hanapbuhay, hindi lahat ng marurunong ay nagiging mayaman at hindi rin lahat ng may kakayahan ay nagtatagumpay. Dahil ang bawat tao ay may kanya-kanyang kapalaran. 12 Pero hindi niya alam kung kailan darating ang takdang oras. Tulad siya ng isang ibong nabitag o ng isdang nahuli sa lambat. Biglang dumarating sa tao ang masamang pagkakataon na para siyang nahuli sa isang patibong.
Mas Mabuti ang Karunungan Kaysa Kamangmangan
13 Mayroon pang isang halimbawa ng karunungan na aking nagustuhan. 14 May isang maliit na lungsod na kakaunti lang ang mga mamamayan. Nilusob ito ng makapangyarihang hari kasama ng kanyang mga kawal at pinalibutan. 15 Sa lungsod na iyon ay may isang lalaking marunong pero mahirap. Maaari sana niyang iligtas ang lungsod sa pamamagitan ng kanyang karunungan pero walang nakaalala sa kanya. 16 Sinabi kong mas mabuti ang karunungan kaysa sa kapangyarihan, pero ang karunungan ng isang taong mahirap ay hindi binibigyang halaga at ang mga sinasabi niyaʼy hindi pinapansin. 17 Ang marahang salita ng marunong ay mas magandang pakinggan kaysa sa sigaw ng isang pinunong hangal. 18 Mas makapangyarihan ang karunungan kaysa sa mga sandata ng digmaan. Pero ang isang makasalanan ay makakasira ng maraming kabutihan.
10 Kung paanong napapabaho ng isang patay na langaw ang isang boteng pabango, ganoon din ang kaunting kamangmangan, nakakasira ng karunungan at karangalan. 2 Ang taong marunong ay gustong gumawa ng kabutihan, pero ang hangal ay gustong gumawa ng kasamaan. 3 At kahit sa paglalakad ng hangal, nakikita ang kawalan niya ng karunungan at ipinapakita sa lahat ang kanyang kahangalan.
4 Kung nagalit sa iyo ang iyong pinuno, huwag ka agad magbitiw sa tungkulin, dahil kapag nawala na ang galit niyaʼy baka patawarin ka niya gaano man kalaki ang iyong kasalanang nagawa. 5 May isa pa akong nakitang hindi maganda rito sa mundo at itoʼy ginagawa ng mga pinuno: 6 Ang mga mangmang ay binibigyan ng mataas na tungkulin, pero ang mga mayayaman[h] ay binibigyan ng mababang tungkulin. 7 Nakakita rin ako ng mga aliping nakasakay sa kabayo habang ang mga dakilang taoʼy naglalakad na parang alipin.
8 Kapag ikaw ang naghukay, baka ikaw din ang mahulog doon. Kapag lumusot ka sa butas ng pader, baka tuklawin ka ng ahas doon. 9 Kapag nagtibag ka ng bato, baka mabagsakan ka nito. Kapag nagsibak ka ng kahoy, baka masugatan ka nito. 10 Kapag palakol moʼy mapurol at hindi mo hinahasa, buong lakas ang kailangan mo sa paggamit nito. Mas nakakahigit ka kung marunong ka, dahil sa pamamagitan nitoʼy magtatagumpay ka.
11 Walang saysay ang kakayahan mong magpaamo ng ahas, kung tutuklawin ka lang naman nito. 12 Ang sinasabi ng marunong ay magbibigay sa kanya ng kabutihan, pero ang sinasabi ng hangal ay magpapahamak sa kanya. 13 Sa umpisa pa lang kamangmangan na ang sinasabi niya, at kinalaunan ay naging masamang-masama na, na parang nawawala na siya sa sarili. 14 At wala siyang tigil sa kasasalita.
Walang nakakaalam tungkol sa mga mangyayari sa hinaharap, kaya walang makapagsasabi kung ano ang mangyayari kapag tayoʼy patay na. 15 Napapagod ang mangmang sa kanyang trabaho, kaya naiisip niyang huwag nang pumunta sa bayan para magtrabaho.[i]
16 Nakakaawa ang isang bansa na ang hari ay isip-bata at ang mga pinunoʼy puro handaan ang inaatupag. 17 Pero mapalad ang bansa na ang hari ay ipinanganak sa marangal na pamilya at ang mga pinuno ay naghahanda lang sa tamang panahon para sa ikalalakas at hindi sa paglalasing.
18 Pinapabayaan ng taong tamad na tumutulo ang bubong ng kanyang bahay hanggang sa mawasak na ang buong bahay niya. 19 Makapagpapasaya sa tao ang handaan at inuman; at ang pera ay makapagbibigay ng lahat niyang pangangailangan. 20 Huwag mong susumpain ang hari kahit sa isip mo lang o ang mayayaman kahit na palihim lang, dahil baka may magsabi sa kanila.[j]
Ang Gawain ng Taong Marunong
11 Ipuhunan mo ang pera mo sa negosyo at sa kalaunan ay kikita ka.[k] 2 Ilagay mo ang pera mo sa ibaʼt ibang[l] negosyo,[m] dahil hindi mo alam kung anong kalamidad ang darating dito sa mundo. 3 Kapag makapal na ang ulap, magbubuhos ito ng ulan sa mundo. At kung saan natumba ang puno, doon iyon mananatili.[n] 4 Kung palagi ka lang maghihintay ng magandang panahon, hindi ka makakapagtanim at wala kang aanihin.
5 Kung paanong hindi mo nalalaman ang direksyon ng hangin o kung paano lumalaki ang sanggol sa sinapupunan ng kanyang ina, ganoon din ang ginagawa ng Dios na gumagawa ng lahat ng bagay, hindi mo rin ito maiintindihan.
6 Maghasik ka ng binhi sa umaga hanggang gabi, dahil hindi mo alam kung alin sa itinanim mo ang tutubo, o kung lahat ito ay tutubo. 7 Masarap mabuhay, kaya mas mabuting mabuhay. 8 Kaya sa buong buhay mo ay maging masaya ka, gaano man ito kahaba. Ngunit, alalahanin mong darating ang kamatayan at magtatagal iyon. Lahat ng mangyayari ay walang kabuluhan.
9 Kayong mga kabataan, magsaya kayo habang kayoʼy bata pa. Gawin ninyo ang gusto ninyong gawin, pero alalahanin ninyong hahatulan kayo ng Dios ayon sa inyong mga ginawa. 10 Huwag kayong mag-alala o mabalisa man dahil ang panahon ng kabataan ay lumilipas lang.
12 Alalahanin mo ang lumikha sa iyo habang bata ka pa at bago dumating ang panahon ng kahirapan at masabi mong, “Hindi ako masaya sa buhay ko.” 2 Alalahanin mo siya bago dumilim ang araw, ang buwan at ang mga bituin na parang natatakpan ng makakapal na ulap. 3 Darating ang araw na manginginig ang iyong mga bisig[o] at manghihina ang iyong mga tuhod.[p] Hindi ka na makakanguyang mabuti dahil iilan na lang ang iyong ngipin.[q] At lalabo na ang iyong paningin.[r] 4 Ang tainga[s] moʼy hindi na halos makarinig, kahit ang ingay ng gilingan o huni ng mga ibon o mga awitin ay hindi na marinig. 5 Matatakot ka ng umakyat sa matataas na lugar o lumakad sa lansangan ng nag-iisa. Puputi na ang iyong buhok, hindi ka na halos makakalakad at mawawala na ang lahat ng iyong pagnanasa. Sa bandang huli, pupunta ka sa iyong tahanang walang hanggan at marami ang magluluksa para sa iyo sa mga lansangan. 6 Kaya alalahanin mo ang Dios habang nabubuhay ka, habang hindi pa nalalagot ang kadenang pilak at hindi pa nababasag ang gintong lalagyan, o hindi pa nalalagot ang tali ng timba sa balon, at nasisira ang kalo nito. 7 Kung magkagayon, babalik ka sa lupa kung saan ka nagmula at ang espiritu[t] moʼy babalik sa Dios na siyang nagbigay nito.
8 Sabi ng mangangaral,[u] “Walang kabuluhan! Tunay na walang kabuluhan ang lahat!”
Paggalang at Pagsunod sa Dios
9 Bukod sa pagiging marunong nitong mangangaral, itinuturo din niya sa mga tao ang lahat ng kanyang nalalaman. Pinag-aralan niyang mabuti ang mga kasabihang binanggit niya rito. 10 Pinagsikapan niyang gamitin ang mga nararapat na salita, at ang lahat ng isinulat niya rito ay tama at totoo. 11 Ang mga salita ng marunong ay parang matulis na tungkod na pantaboy ng pastol sa paggabay sa kanyang kawan o parang pakong nakabaon. Ibinigay ito ng Dios na tangi nating tagabantay.
12 Anak, mag-ingat ka sa isa pang bagay na ito: Ang pagsusulat ng aklat ay walang katapusan, at ang labis na pag-aaral ay nakakapagod.
13 Ngayong nabasa[v] mo na ang lahat ng ito, ito ang aking huling payo: Matakot ka sa Dios at sundin mo ang kanyang mga utos, dahil ito ang tungkulin ng bawat tao. 14 Sapagkat hahatulan tayo ng Dios ayon sa lahat ng ating ginagawa, mabuti man o masama, hayag man o lihim.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®