Chronological
Nagdala ng Pagkain ang Uwak kay Elias
17 May isang propeta na ang pangalan ay Elias. Nakatira siya sa Tisbe na sakop ng Gilead. Sinabi niya kay Ahab, “Tinitiyak ko sa iyo, sa harap ng buhay na Panginoon, ang Dios ng Israel na aking pinaglilingkuran, na wala ni hamog o ulan na darating sa loob ng ilang taon hanggaʼt hindi ko sinasabi na umulan o humamog.”
2 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Elias, 3 “Umalis ka rito, tuntunin mo ang daan pasilangan at magtago ka sa daluyan ng tubig Kerit, sa bandang silangan ng Jordan. 4 Sa ilog ka uminom, at uutusan ko ang mga uwak na magdala sa iyo ng pagkain doon.” 5 Sinunod ni Elias ang utos ng Panginoon sa kanya. Pumunta siya sa daluyan ng tubig sa Kerit, sa bandang silangan ng Jordan at doon nanirahan. 6 Dinadalhan siya ng mga uwak ng tinapay at karne tuwing umaga at gabi, at sa ilog siya umiinom.
Ang Biyuda sa Zarefat
7 Kinalaunan, natuyo ang ilog dahil hindi na umuulan. 8 Iniutos agad ng Panginoon kay Elias, 9 “Pumunta ka sa Zarefat sa Sidon, at doon ka manirahan. May isang biyuda roon na inutusan kong magpapakain sa iyo.” 10 Kaya pumunta si Elias sa Zarefat. Pagdating niya sa pintuan ng bayan, may nakita siyang biyuda na nangangahoy. Sinabi niya sa babae, “Pakiusap, dalhan mo ako ng kaunting tubig na maiinom.” 11 Nang paalis na ang biyuda para kumuha ng tubig, sinabi pa sa kanya ni Elias, “Pakiusap dalhan mo rin ako ng tinapay.”
12 Sinabi ng biyuda, “Nagsasabi po ako ng totoo, sa harap ng buhay na Panginoon na inyong Dios, na wala na akong tinapay. Ang natitira na lang ay isang dakot na harina sa mangkok at kaunting langis sa banga. Nangunguha nga po ako ng ilang pirasong kahoy dito para dalhin sa bahay at lutuin ang natitirang harina para sa akin at sa anak ko, at kapag naubos na namin ito, mamamatay na kami sa gutom.”
13 Sinabi ni Elias sa kanya, “Huwag kang mag-alala. Umuwi ka at gawin ang sinabi mo. Pero ipagluto mo muna ako ng maliit na tinapay mula sa natirang harina, at dalhin mo agad ito sa akin. Pagkatapos, magluto ka rin para sa iyo at sa anak mo. 14 Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel, ‘Hindi mauubusan ng harina ang iyong mangkok at hindi mauubusan ng langis ang iyong banga hanggang sa araw na padalhan ko ng ulan ang lupa.’ ” 15 Lumakad ang babae at ginawa niya ang sinabi ni Elias. Kaya may pagkain araw-araw para kay Elias, at para sa biyuda at sa kanyang anak.[a] 16 Sapagkat hindi nauubos ang harina sa mangkok at hindi rin nauubos ang langis sa banga, ayon sa sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Elias.
17 Kinalaunan, nagkasakit ang anak ng babae. Lumala ang sakit nito hanggang sa mamatay. 18 Sinabi ng babae kay Elias, “Ano po ang ikinagalit ninyo sa akin, lingkod ng Dios? Pumunta po ba kayo rito para patayin ang aking anak bilang parusa sa aking mga kasalanan?” 19 Sumagot si Elias, “Ibigay mo sa akin ang bata.” Kinuha ni Elias ang bata sa kanyang ina, at dinala ito sa kwarto sa itaas, kung saan siya nakatira. Inihiga niya ang bata sa kanyang higaan, 20 at nanalangin siya sa Panginoon, “O Panginoon, na aking Dios, pinadalhan po ba ninyo ng pagdurusa ang biyudang ito na nagpatuloy sa akin sa pamamagitan ng pagkamatay ng kanyang anak?” 21 Dumapa si Elias ng tatlong beses sa bata at tumawag sa Panginoon, “O Panginoon na aking Dios, buhayin po ninyo ang batang ito!” 22 Sinagot ng Panginoon ang panalangin ni Elias at muling nabuhay ang bata. 23 Pagkatapos, dinala ni Elias ang bata sa ibaba at ibinigay sa kanyang ina. Sinabi ni Elias, “Tingnan mo ang iyong anak, buhay siya!” 24 Agad na sinabi ng babae kay Elias, “Ngayon, napatunayan kong lingkod nga kayo ng Dios at totoong nagsasalita ang Panginoon sa pamamagitan ninyo.”
Pinatunayan ni Elias na siyaʼy Totoong Propeta ng Dios
18 Tatlong taon nang walang ulan. Isang araw, sinabi ng Panginoon kay Elias, “Humayo ka at makipagkita kay Ahab, dahil pauulanin ko na.” 2 Kaya pumunta si Elias kay Ahab.
Malubha ang taggutom sa Samaria. 3 Kaya ipinatawag ni Ahab si Obadias na siyang namamahala sa palasyo niya. (Si Obadias ay lubos na gumagalang sa Panginoon. 4 Nang pinapatay ni Jezebel ang mga propeta ng Panginoon, itinago ni Obadias ang 100 propeta sa dalawang kweba, 50 bawat kweba, at binigyan niya sila ng pagkain at tubig doon.) 5 Sinabi ni Ahab kay Obadias, “Puntahan natin ang lahat ng bukal at lambak sa ating bansa, baka sakaling makakita tayo ng mga damo para sa ating mga kabayo at mga mola,[b] para hindi na natin sila kailangang katayin.” 6 Kaya naghati sila ng lugar kung saan sila pupunta. Agad silang pumunta sa kani-kanilang direksyon.
7 Habang naglalakad si Obadias, nakasalubong niya si Elias. Nakilala niya si Elias, kaya yumukod siya bilang paggalang, at sinabi, “Kayo po ba iyan, Ginoong Elias?” 8 Sumagot si Elias, “Oo. Ngayon, humayo ka at sabihin mo sa iyong amo na si Ahab na nandito ako.” 9 Pero sinabi ni Obadias, “Huwag po ninyong ilagay sa panganib ang buhay ko kay Ahab, dahil wala naman akong nagawang kasalanan sa inyo. 10 Nagsasabi po ako ng totoo sa presensya ng buhay na Panginoon na inyong Dios, na walang bansa o kaharian na hindi padadalhan ng aking amo ng tao para hanapin kayo. Kapag sinasabi ng mga pinuno ng mga bansa at mga kaharian na wala kayo sa lugar nila, pinasusumpa pa sila ni Ahab na hindi talaga nila kayo nakita. 11 At ngayon, inuutusan nʼyo po ako na pumunta sa aking amo at sabihin sa kanya na nandito kayo? 12 Paano kung sa sandaling pag-alis ko ay dalhin kayo ng Espiritu ng Panginoon sa lugar na hindi ko alam? Kapag dumating si Ahab dito na wala kayo, papatayin niya ako. Pero, Ginoong Elias, mula pa sa pagkabata ko ay naglilingkod na ako sa Panginoon. 13 Hindi nʼyo ba nabalitaan ang ginawa ko noong pinapatay ni Jezebel ang mga propeta ng Panginoon? Itinago ko ang 100 propeta ng Panginoon sa dalawang kweba, 50 sa bawat kweba, at binibigyan ko sila ng pagkain at tubig doon. 14 At ngayon inuutusan ninyo akong pumunta sa aking amo at sabihin sa kanya na nandito kayo? Papatayin po niya ako!”
15 Sinabi ni Elias, “Sumusumpa ako sa buhay na Panginoong Makapangyarihan, na aking pinaglilingkuran, na makikipagkita ako kay Ahab sa araw na ito.”
16 Kaya pumunta si Obadias kay Ahab at sinabi sa kanya na naroon si Elias, at lumakad si Ahab para makipagkita kay Elias. 17 Nang makita ni Ahab si Elias, sinabi niya, “Ikaw ba talaga iyan, ang nanggugulo sa Israel?” 18 Sumagot si Elias, “Hindi ako ang nanggugulo sa Israel, kundi ikaw at ang pamilya ng iyong ama. Dahil itinakwil ninyo ang mga utos ng Panginoon at sinamba ninyo ang mga dios-diosang si Baal. 19 Ngayon, tipunin mo ang lahat ng mamamayan ng Israel para samahan nila ako sa Bundok ng Carmel. At papuntahin mo rin ang 450 propeta ni Baal at ang 400 propeta ni Ashera, na pinapakain ni Jezebel.”
20 Kaya tinipon ni Ahab ang lahat ng mamamayang Israelita at ang mga propeta sa Bundok ng Carmel. 21 Lumapit si Elias sa mga tao at sinabi, “Hanggang kailan pa ba kayo mag-aalinlangan? Kung ang Panginoon ang totoong Dios, sundin ninyo siya, pero kung si Baal ang totoong Dios, sundin ninyo ito.” Pero hindi sumagot ang mga tao.
22 Sinabing muli ni Elias sa kanila, “Ako na lang ang natitira sa mga propeta ng Panginoon, pero si Baal ay may 450 propeta. 23 Ngayon, dalhan ninyo kami ng dalawang toro. Pagkatapos, pumili ang mga propeta ni Baal ng kanilang kakatayin at ilagay ito sa ibabaw ng gatong, pero hindi ito sisindihan. Ganoon din ang gagawin ko sa isang toro; ilalagay ko rin ito sa ibabaw ng gatong at hindi ko rin ito sisindihan. 24 Pagkatapos, manalangin kayo sa inyong dios, at mananalangin din ako sa Panginoon. Ang sasagot sa pamamagitan ng apoy ang siyang totoong Dios.” At sumang-ayon ang mga tao.
25 Sinabi ni Elias sa mga propeta ni Baal, “Kayo ang mauna dahil marami kayo. Mamili kayo ng isang toro at ihanda ninyo. Manalangin na kayo sa inyong dios, pero huwag ninyong sisindihan ang gatong.” 26 Kaya kinuha ng mga propeta ni Baal ang toro na dinala sa kanila, at inihanda ito. Pagkatapos, nanalangin sila kay Baal mula umaga hanggang tanghali. Sumigaw sila, “O Baal, sagutin mo kami!” Sumayaw-sayaw pa sila sa paligid ng altar na ginawa nila. Pero walang sumagot.
27 Nang tanghaling-tapat na, ininsulto na sila ni Elias. Sabi niya, “Sige lakasan nʼyo pa ang pagsigaw, dios naman siya! Baka nagbubulay-bulay lang siya, o nagpapahinga,[c] o may pinuntahan, o nakatulog at kailangang gisingin.” 28 Kaya sumigaw pa sila nang malakas at sinugatan ang mga katawan nila ng sibat at espada ayon sa kinaugalian nila, hanggang sa dumanak ang dugo. 29 Lumipas ang tanghali, tuloy-tuloy pa rin ang pagsigaw nila hanggang lumampas na ang takdang oras ng paghahandog,[d] pero wala pa ring sumagot sa kanila.
30 Nagsalita si Elias sa lahat ng tao, “Lumapit kayo sa akin.” At nagsilapit ang mga tao sa kanya. Inayos niya ang altar ng Panginoon na nagiba. 31 Kumuha siya ng 12 bato na sumisimbolo ng 12 lahi ng mga anak ni Jacob, ang tao na pinangalanan ng Panginoon na Israel. 32 Ginawa niyang altar ang mga bato para sa Panginoon at ginawan ng kanal ang paligid ng altar. Ang kanal ay kayang malagyan ng tatlong galong butil. 33 Iniayos niya nang mabuti ang panggatong sa altar, kinatay ang toro at inilapag ito sa ibabaw ng gatong. Pagkatapos, sinabi niya sa mga tao, “Buhusan ninyo ng apat na tapayang tubig ang handog at panggatong.” Matapos nilang gawin ito, 34 sinabi ni Elias, “Buhusan ninyo ulit.” Pagkatapos nilang buhusan, sinabi ulit ni Elias, “Buhusan pa ninyo sa ikatlong pagkakataon.” Sinunod nila ang sinabi ni Elias, 35 at umagos ang tubig sa paligid ng altar, at napuno ang kanal.
36 Nang oras na ng paghahandog, lumapit si Propeta Elias sa altar at nanalangin. Sinabi niya, “Panginoon, Dios ni Abraham, ni Isaac at ni Jacob,[e] patunayan ninyo sa araw na ito, na kayo ang Dios ng Israel at ako ang inyong lingkod, at ginawa ko ang lahat ng ito ayon sa utos ninyo. 37 Panginoon, dinggin nʼyo po ako, para malaman ng mga tao na kayo ang Panginoon, ang Dios, at nais nʼyo silang magbalik-loob sa inyo.”
38 Dumating agad ang apoy na galing sa Panginoon, at sinunog nito ang handog, ang gatong, ang mga bato at ang lupa, at natuyo ang kanal. 39 Nang makita ito ng lahat ng tao, nagpatirapa sila at sinabi, “Ang Panginoon ang siyang Dios! Ang Panginoon ang siyang Dios!” 40 Iniutos agad ni Elias sa mga tao, “Dakpin ninyo ang mga propeta ni Baal. Dapat walang makatakas sa kanila!” Dinakip ang lahat ng propeta ni Baal at dinala nila Elias sa Lambak ng Kishon at pinagpapatay. 41 Sinabi ni Elias kay Ahab, “Humayo ka, kumain at uminom, dahil paparating na ang malakas na ulan.” 42 Kaya humayo si Ahab para kumain at uminom, pero si Elias ay umakyat sa bundok ng Carmel at nanalangin, na nakaluhod at nakayuko sa lupa. 43 Pagkatapos, sinabi niya sa kanyang utusan, “Umakyat ka at tumingin sa dagat.” At sinunod ito ng utusan.
Pagbalik niya kay Elias, sinabi niya, “Wala po akong nakikita.” Pitong beses na sinabi ni Elias na bumalik siya at tumingin. 44 Nang ikapitong pagbalik niya, sinabi niya kay Elias, “May nakita po akong ulap na maitim na kasinlaki ng palad ng tao, na pumapaibabaw mula sa laot.” Kaya sinabi ni Elias, “Humayo ka at sabihin kay Ahab na sumakay siya sa kanyang karwahe at umuwi bago pa siya maabutan ng ulan.”
45 Di nagtagal, dumilim ang langit dahil sa makapal na ulap. Humangin at umulan nang malakas, at sumakay si Ahab sa karwahe at pumunta sa Jezreel. 46 Pinalakas ng Panginoon si Elias. Ibinigkis niya sa baywang ang balabal niya at tumakbo, at nauna pa kay Ahab papunta sa Jezreel.
Tumakas si Elias
19 Ngayon, sinabi ni Ahab sa asawa niyang si Jezebel ang lahat ng ginawa ni Elias, at kung paano nito pinagpapatay ang lahat ng propeta ni Baal. 2 Kaya nagpadala si Jezebel ng mensahe para kay Elias na nagsasabi, “Lubusan sana akong parusahan ng mga dios kung sa ganitong oras bukas ay hindi pa kita napapatay, tulad ng ginawa mo sa mga propeta.”
3 Natakot si Elias, kaya tumakas siya papunta sa Beersheba na sakop ng Juda, at iniwan niya roon ang utusan niya. 4 Pagkatapos, naglakad siya ng isang araw papuntang ilang. Nagpahinga siya at umupo sa ilalim ng punongkahoy at nanalangin na mamatay na lang sana siya. Sinabi niya, “Sobra na po ito Panginoon! Kunin na lang ninyo ang buhay ko, wala naman akong ipinagkaiba sa aking mga ninuno.” 5 Pagkatapos, humiga siya sa ilalim ng punongkahoy, at nakatulog.
Biglang may anghel na kumalabit sa kanya at sinabi, “Bumangon ka at kumain.” 6 Pagdilat niya, may nakita siyang tinapay sa ulunan niya, na niluto sa mainit na bato, at tubig na nakalagay sa sisidlan. Kumain siya at uminom, at nahigang muli. 7 Muling bumalik ang anghel ng Panginoon, kinalabit si Elias at sinabi, “Bumangon ka at kumain, dahil malayo pa ang iyong lalakbayin.” 8 Kaya bumangon si Elias, kumain, at uminom. Pinalakas siya ng kanyang kinain, at naglakbay siya sa loob ng 40 araw at 40 gabi, hanggang makarating siya sa Horeb,[f] ang bundok ng Dios. 9 Pumasok siya sa isang kweba at doon natulog kinagabihan.
Nakipag-usap ang Panginoon kay Elias
Ngayon, sinabi sa kanya ng Panginoon, “Ano ang ginagawa mo rito Elias?” 10 Sumagot siya, “O Panginoon, Dios na Makapangyarihan, tapat po akong naglilingkod sa inyo. Pero itinakwil ng mga Israelita ang kasunduan nila sa inyo, winasak nila ang mga altar ninyo, at pinagpapatay ang mga propeta ninyo. Ako na lang po ang natira, at pinagsisikapan din nila akong patayin.” 11 Nagsalita ang Panginoon, “Lumabas ka at tumayo sa ibabaw ng bundok sa aking presensya, dahil dadaan ako.” Pagkatapos, may dumaan na napakalakas na hangin, na bumitak sa mga bundok at dumurog sa mga bato, pero wala ang Panginoon sa hangin. Pagkatapos ng hangin, lumindol, pero wala rin ang Panginoon sa lindol. 12 Pagkatapos ng lindol, may apoy na dumating, pero wala pa rin ang Panginoon sa apoy. Pagkatapos ng apoy, may narinig siyang tinig na parang bulong. 13 Nang marinig ito ni Elias, nagtakip siya ng kanyang mukha gamit ang kanyang balabal, lumabas siya at tumayo sa bungad ng kweba. Biglang may tinig na nagsabi sa kanya, “Ano ang ginagawa mo rito, Elias?” 14 Sumagot siya, “O Panginoon, Dios na Makapangyarihan, tapat po akong naglilingkod sa inyo, pero itinakwil ng mga Israelita ang kasunduan nila sa inyo, winasak nila ang mga altar ninyo, at pinagpapatay ang mga propeta ninyo. Ako na lang po ang natitira, at pinagsisikapan din nila akong patayin.” 15 Nagsalita ang Panginoon sa kanya, “Bumalik ka sa iyong dinaanan, at pumunta sa ilang ng Damascus. Pagdating mo roon, pahiran mo ng langis si Hazael bilang pagkilala na siya na ang hari ng Aram.[g] 16 Pahiran mo rin si Jehu na anak ni Nimsi bilang hari ng Israel, at si Eliseo na anak ni Shafat, na taga-Abel Mehola, para pumalit sa iyo bilang propeta. 17 Papatayin ni Hazael ang mga sumasamba kay Baal. Ang makakatakas sa kanyaʼy papatayin ni Jehu, at ang makakatakas kay Jehu ay papatayin ni Eliseo. 18 Pero ililigtas ko ang 7,000 Israelita na hindi lumuhod at humalik sa imahen ni Baal.”
Ang Pagtawag kay Eliseo
19 Umalis doon si Elias at nakita niya si Eliseo na anak ni Shafat, na nag-aararo. May labing-isang pares na baka sa unahan niya na gamit ng kanyang mga kasama sa pag-aararo, at gamit naman niya ang ikalabindalawang pares ng baka. Lumapit si Elias sa kanya, hinubad ang kanyang balabal at pinasa ito kay Eliseo. 20 Iniwan ni Eliseo ang mga baka at hinabol si Elias. Sinabi ni Eliseo, “Hahalik po muna ako sa aking amaʼt ina bilang pamamaalam at saka po ako sasama sa inyo.” Sumagot si Elias, “Sige, pero huwag mong kalimutan ang ginawa ko sa iyo.”
21 Bumalik si Eliseo, kinuha ang kanyang mga baka, at kinatay. Ginawa niyang panggatong sa pagluluto ng karne ng mga baka ang mga kagamitan sa pag-aararo. Pagkaluto, binigyan niya ang kanyang mga kasamang nag-aararo, at kumain silang lahat. At agad siyang sumunod kay Elias para maging lingkod nito.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®