Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 81

Papuri sa Kabutihan ng Dios

81 Umawit kayo nang may galak sa Dios na nagbibigay sa atin ng kalakasan.
    Sumigaw kayo nang may tuwa sa Dios ni Jacob!
Umawit kayo at tugtugin ang tamburin kasabay ng magandang tunog ng alpa at lira.[a]
Patunugin ninyo ang tambuli tuwing Pista ng Pagsisimula ng Buwan na ating ipinagdiriwang tuwing kabilugan ng buwan.
Dahil isa itong kautusan para sa mga taga-Israel.
    Itoʼy utos ng Dios ni Jacob.
Ibinigay niya ang kautusang ito sa lahi ni Jose nang siyaʼy sumalakay sa lupain ng Egipto.
    May narinig akong tinig ngunit hindi ko kilala, na nagsasabing,
Pinalaya ko kayo sa pagkaalipin;
    kinuha ko ang mabibigat ninyong mga bitbit at pasanin.
Nang kayoʼy nahirapan, tumawag kayo sa akin at kayoʼy iniligtas ko.
    Mula sa mga alapaap,
    sinagot ko kayo at sinubok doon sa bukal ng Meriba.
Mga Israelita na aking mga mamamayan, pakinggan ninyo itong babala ko sa inyo.
    Makinig sana kayo sa akin!
Hindi kayo dapat magkaroon ng ibang dios.
    Huwag kayong sasamba sa kanila.
10 Ako ang Panginoon na inyong Dios. Ako ang naglabas sa inyo sa lupain ng Egipto.
    Humingi kayo sa akin at ibibigay ko sa inyo ang mga pangangailangan ninyo.
11 Ngunit kayong mga Israelita na aking mga mamamayan, hindi kayo nakinig at sumunod sa akin.
12 Kaya hinayaan ko kayo sa katigasan ng inyong ulo[b] at ginawa ninyo ang inyong gusto.
13 Kung nakinig lang sana kayo sa akin at sumunod sa aking mga pamamaraan,
14 kaagad ko sanang nilupig at pinarusahan ang inyong mga kaaway.
15 Ang mga napopoot sa akin ay yuyukod sa takot.
    Ang kaparusahan nila ay walang katapusan.
16 Ngunit kayo na aking mga mamamayan,
    pakakainin ko kayo ng pinakamainam na bunga ng trigo at pulot hanggang sa mabusog kayo.”

Salmo 88

Panalangin ng Nagdurusa

88 Panginoon, kayo ang Dios na aking Tagapagligtas.
    Tumatawag ako sa inyo araw-gabi.
Dinggin nʼyo ang panalangin ko at sagutin ang aking panawagan.
Dahil napakaraming paghihirap na dumarating sa akin
at parang mamamatay na ako.
Para na akong isang taong nag-aagaw buhay na hindi na matutulungan pa.
Pinabayaan na ako, kasama ng mga patay.
    Para akong patay na inilagay sa libingan,
    kinalimutan nʼyo na at hindi tinutulungan.
Para nʼyo akong inilagay sa napakalalim at napakadilim na hukay.
Sobra ang galit nʼyo sa akin,
    parang mga alon na humahampas sa akin.
Inilayo nʼyo sa akin ang aking mga kaibigan at ginawa nʼyo akong kasuklam-suklam sa kanila.
    Nakulong ako at hindi na makatakas.
Dumidilim na ang paningin ko dahil sa hirap.
    Panginoon, araw-araw akong tumatawag sa inyo na nakataas ang aking mga kamay.
10 Gumagawa ba kayo ng himala sa mga patay?
    Bumabangon ba sila upang kayoʼy papurihan?
11 Ang katapatan nʼyo ba at pag-ibig ay pinag-uusapan sa libingan?
12 Makikita ba ang inyong mga himala at katuwiran sa madilim na lugar ng mga patay?
    Doon sa lugar na iyon ang lahat ay kinakalimutan.
13 Kaya Panginoon, humihingi ako ng tulong sa inyo.
    Tuwing umagaʼy nananalangin ako sa inyo.
14 Ngunit bakit nʼyo ako itinatakwil Panginoon?
    Bakit nʼyo ako pinagtataguan?
15 Mula pa noong bata ay nagtitiis na ako at muntik nang mamatay.
    Tiniis ko ang mga nakakatakot na ginawa nʼyo sa akin.
16 Ang inyong galit ay humampas sa akin na parang malakas na hangin.
    Halos mamatay ako sa mga nakakatakot na ginawa nʼyo sa akin.
17 Dumating ang mga ito sa akin na parang baha at pinalibutan ako.
18 Inilayo nʼyo sa akin ang mga mahal ko sa buhay at mga kaibigan;
    wala akong naging kasama kundi kadiliman.

Salmo 92-93

Awit ng Papuri

92 Kataas-taasang Dios na Panginoon namin, napakabuting magpasalamat at umawit ng papuri sa inyo.
Nakalulugod na ipahayag ang inyong pag-ibig at katapatan araw at gabi,
habang tumutugtog ng mga instrumentong may kwerdas.
Dahil pinasaya nʼyo ako, Panginoon, sa pamamagitan ng inyong kahanga-hangang mga gawa.
    At dahil dito, akoʼy umaawit sa tuwa.
Panginoon, kay dakila ng inyong mga ginawa.
    Ang isipan nʼyoʼy hindi namin kayang unawain.
Hindi maunawaan ng mga hangal at matitigas ang ulo
na kahit umunlad ang taong masama gaya ng damong lumalago,
    ang kahahantungan pa din niya ay walang hanggang kapahamakan.
Ngunit kayo, Panginoon, ay dakila sa lahat magpakailanman.
Tiyak na mamamatay ang lahat ng inyong kaaway at mangangalat ang lahat ng gumagawa ng masama.
10 Pinalakas nʼyo ako na tulad ng lakas ng lakas ng toro
    at binigyan nʼyo rin ako ng kagalakan.[a]
11 Nasaksihan ko ang pagkatalo ng aking mga kaaway,
    at narinig ko ang pagdaing ng masasamang kumakalaban sa akin.
12 Uunlad ang buhay ng mga matuwid gaya ng mga palma,
    at tatatag na parang puno ng sedro na tumutubo sa Lebanon.
13 Para silang mga punong itinanim sa templo ng Panginoon na ating Dios,
14 lumalago at namumunga kahit matanda na,
    berdeng-berde ang mga dahon at nananatiling matatag.
15 Ipinapakita lamang nito na ang Panginoon, ang aking Bato na kanlungan ay matuwid.
    Sa kanyaʼy walang anumang kalikuan na matatagpuan.

Ang Dios ang ating Hari

93 Kayo ay hari, Panginoon;
    nadadamitan ng karangalan at kapangyarihan.
    Matatag ninyong itinayo ang mundo kaya hindi ito mauuga.
Ang inyong trono ay naitatag na simula pa noong una,
    naroon na kayo noon pa man.
Panginoon, umuugong ang dagat at nagngangalit ang mga alon.
Ngunit Panginoong nasa langit, higit kayong makapangyarihan kaysa sa mga nagngangalit na alon.
Mapagkakatiwalaan ang inyong mga utos Panginoon,
    at ang inyong temploʼy nararapat lamang na ituring na banal magpakailanman.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®