Chronological
Pinatay ni Gideon sina Zeba at Zalmuna
8 Ngayon, tinanong ng mga taga-Efraim si Gideon, “Bakit ganito ang ginawa mo sa amin? Bakit hindi mo kami tinawag nang makipaglaban kayo sa mga Midianita?” Nakipagtalo sila nang matindi kay Gideon. 2 Pero sumagot si Gideon sa kanila, “Ano ba ang nagawa ko kung ikukumpara sa nagawa ninyo. Kahit ang maliit na ginawa nʼyo ay higit pa kung ikukumpara sa lahat ng nagawa ng pamilya namin. 3 Hinayaan ng Dios na matalo nʼyo ang dalawang pinuno ng mga Midianita na sina Oreb at Zeeb. Ano ba ang nagawa ko kung ikukumpara roon?” Nang masabi ito ni Gideon, huminahon na sila.
4 Pagkatapos, tumawid si Gideon at ang 300 tauhan niya sa Ilog ng Jordan. Kahit pagod na pagod na, patuloy pa rin nilang hinabol ang mga kalaban nila. 5 Nang makarating sila sa Sucot, humiling si Gideon sa mga taga-roon. Sinabi niya, “Pahingi po ng pagkain. Pagod na pagod at gutom na gutom na kami, hahabulin pa namin ang dalawang hari ng Midian na sina Zeba at Zalmuna.” 6 Pero sumagot ang mga opisyal ng Sucot, “Hulihin muna ninyo sina Zeba at Zalmuna at saka namin kayo bibigyan ng pagkain.” 7 Sinabi ni Gideon, “Kung ganoon, kapag ibinigay na sa amin ng Panginoon sina Zeba at Zalmuna, paghahahampasin ko ang katawan nʼyo ng matitinik na sanga!”
8 Mula roon, umahon sina Gideon sa Penuel[a] at ganoon din ang hiniling niya sa mga taga-roon, pero ang sagot nila ay katulad din ng sagot ng mga taga-Sucot. 9 Sinabi ni Gideon sa kanila, “Pagkatapos naming manalo sa mga kalaban namin, babalik kami rito at gigibain ko ang tore ninyo.”
10 Ngayon, sina Zeba at Zalmuna ay nasa Karkor kasama ang 15,000 nilang sundalo na natira. Mga 120,000 na ang namatay sa kanila. 11 Nagpatuloy sina Gideon sa paghabol. Dumaan sila Gideon sa lugar ng mga taong nakatira sa tolda sa silangan ng Noba at Jogbeha. Saka nila biglang sinalakay ang mga Midianita. 12 Tumakas sina Zeba at Zalmuna, pero hinabol sila ni Gideon at nadakip, kaya nataranta ang lahat ng sundalo nila.
13 Nang umuwi na sina Gideon mula sa labanan, doon sila dumaan sa Paahong Daan ng Heres. 14 Nakahuli sila ng isang kabataang lalaki na taga-Sucot, at tinanong nila kung sinu-sino ang mga opisyal ng Sucot. At isinulat ng kabataang lalaki ang pangalan ng 77 opisyal na tagapamahala ng Sucot. 15 Pagkatapos, pinuntahan nina Gideon ang mga taga-Sucot at sinabi, “Natatandaan pa ba ninyo ang inyong pang-iinsulto sa akin? Sinabi ninyo, ‘Hulihin muna ninyo sina Zeba at Zalmuna at saka namin kayo bibigyan ng pagkain.’ Ngayon, heto na sina Zeba at Zalmuna!” 16 Kinuha ni Gideon ang mga tagapamahala ng Sucot at tinuruan sila ng leksyon sa pamamagitan ng paghampas sa kanila ng matitinik na sanga. 17 Giniba rin niya ang tore sa Penuel at pinatay ang mga lalaki roon.
18 At tinanong ni Gideon sina Zeba at Zalmuna, “Ano ba ang itsura ng mga lalaking pinatay nʼyo sa Tabor?” Sumagot sila, “Katulad mo na parang mga anak ng hari.” 19 Sinabi ni Gideon, “Mga kapatid ko sila; mga anak mismo ng aking ina. Nangangako ako sa buhay na Panginoon na hindi ko kayo papatayin kung hindi nʼyo sila pinatay.” 20 Pagkatapos, sinabi niya sa panganay niyang anak na si Jeter, “Patayin sila!” Pero dahil bata pa si Jeter, natakot siya, kaya hindi niya binunot ang kanyang espada. 21 Sinabi nina Zeba at Zalmuna kay Gideon, “Bakit hindi na lang ikaw ang pumatay sa amin? Kung tunay kang lalaki, ikaw na ang pumatay sa amin.” Kaya pinatay sila ni Gideon at kinuha niya ang mga palamuti sa leeg ng kanilang mga kamelyo.
Ang Espesyal na Damit ni Gideon
22 Sinabi ng mga Israelita kay Gideon, “Dahil ikaw ang nagligtas sa amin sa mga Midianita, ikaw na lang at ang mga angkan mo ang mamuno sa amin.” 23 Sumagot si Gideon, “Hindi ako o ang mga angkan ko ang mamumuno sa inyo kundi ang Panginoon. 24 Pero may hihilingin ako sa inyo: maaari bang ang bawat isa sa inyo ay magbigay sa akin ng mga hikaw na nasamsam nʼyo sa mga Midianita?” (Nakahikaw ng ginto ang mga Midianita ayon sa kanilang nakaugalian bilang mga Ishmaelita.) 25 Sumagot ang mga tao, “Oo, bibigyan ka namin.” Naglatag sila ng isang damit at naglagay ang bawat isa roon ng hikaw mula sa nasamsam nila sa mga Midianita. 26 Ang bigat ng mga gintong hikaw na natipon ay 20 kilo, hindi pa kasama ang mga dekorasyon, kwintas, damit na kulay ube ng mga hari ng Midian at ang mga nakasabit sa leeg ng mga kamelyo nila. 27 Mula sa natipon na ginto, nagpagawa si Gideon ng isang espesyal na damit[b] at inilagay ito sa bayan niya sa Ofra. Muling tumalikod ang mga Israelita sa Dios at sumamba sa ipinagawa ni Gideon. Naging malaking bitag ito kay Gideon at sa kanyang pamilya.
28 Lubusang natalo ng mga Israelita ang mga Midianita at hindi na nakabawi pa ang mga ito. Naging mapayapa ang Israel sa loob ng 40 taon habang nabubuhay si Gideon.
Ang Pagkamatay ni Gideon
29 Umuwi si Gideon[c] sa sarili niyang bahay at doon tumira. 30 May 70 siyang anak dahil marami siyang asawa. 31 May asawa pa siyang alipin sa Shekem at may anak silang lalaki na pinangalanan niyang Abimelec. 32 Namatay si Gideon sa katandaan. Inilibing siya sa libingan ng ama niyang si Joash sa Ofra, sa lugar ng mga angkan ni Abiezer. 33 Hindi pa nagtatagal mula nang mamatay si Gideon nang muling tumalikod ang mga Israelita sa Dios at sumambang muli sa mga imahen ni Baal. Ginawa nilang dios si Baal Berit. 34 Kinalimutan nila ang Panginoon na kanilang Dios na siyang nagligtas sa kanila laban sa lahat ng kaaway nilang nakapalibot sa kanila. 35 Hindi sila nagpakita ng utang na loob sa pamilya ni Jerubaal (na siya ring tawag kay Gideon) sa lahat ng kabutihang ginawa niya sa Israel.
Si Abimelec
9 Isang araw, pumunta si Abimelec na anak ni Gideon[d] sa mga kamag-anak ng kanyang ina sa Shekem. Sinabi niya sa kanila, 2 “Tanungin ninyo ang lahat ng mga taga-Shekem kung alin ang gusto nila: pamunuan sila ng 70 anak ni Gideon o ng isang tao? Alalahanin ninyo na ako ay kadugo ninyo.”
3 Kaya nakipag-usap ang mga kamag-anak ni Abimelec sa mga taga-Shekem. Pumayag silang si Abimelec ang mamuno sa kanila, dahil kamag-anak nila ito. 4 Binigyan nila si Abimelec ng 70 pirasong pilak mula sa templo ni Baal Berit, at ginamit niya itong pambayad sa mga taong walang kabuluhan ang ginagawa para sumunod sila sa kanya. 5 Pagkatapos, pumunta si Abimelec sa bahay ng kanyang ama sa Ofra. At doon, sa ibabaw ng isang bato, pinatay niya ang 70[e] kapatid niya sa ama niyang si Gideon. Pero ang bunsong si Jotam ay hindi napatay dahil nakapagtago ito. 6 Nagtipon ang mga taga-Shekem at taga-Bet Millo sa may puno ng terebinto sa Shekem at doon ginawa nilang hari si Abimelec.
7 Nang marinig ito ni Jotam, umakyat siya sa ibabaw ng Bundok ng Gerizim at sumigaw sa kanila, “Mga taga-Shekem, pakinggan nʼyo ako kung gusto nʼyong pakinggan kayo ng Dios. 8 Isasalaysay ko sa inyo ang isang kwento tungkol sa mga kahoy na naghahanap ng maghahari sa kanila. Sinabi nila sa kahoy na olibo, ‘Ikaw ang maghari sa amin.’ 9 Sumagot ang olibo, ‘Mas pipiliin ko ba ang maghari sa inyo kaysa sa magbigay ng langis na ginagamit sa pagpaparangal sa mga dios at sa mga tao? Hindi!’
10 “At sinabi nila sa puno ng igos, ‘Ikaw na lang ang maghari sa amin.’ 11 Sumagot ang igos, ‘Mas pipiliin ko pa ba ang maghari sa inyo kaysa sa magbigay ng masarap na bunga? Hindi!’
12 “Pagkatapos, sinabi nila sa ubas, ‘Ikaw na lang ang maghari sa amin.’ 13 Sumagot ang ubas, ‘Mas pipiliin ko pa ba ang maghari sa inyo kaysa sa magbigay ng alak na makapagpapasaya sa mga dios at sa mga tao? Hindi!’
14 “Kaya sinabi na lang ng lahat sa mababang bungkos ng halamang may tinik, ‘Ikaw na lang ang maghari sa amin.’ 15 Sumagot ang halamang may tinik, ‘Kung gusto nʼyong ako ang maghari sa inyo, lumilim kayo sa akin. Pero kung ayaw nʼyo, magpapalabas ako ng apoy na makakatupok sa mga kahoy na sedro ng Lebanon.’ ”
16 At sinabi ni Jotam, “Tunay at tapat ba ang paghirang ninyo kay Abimelec na hari? Matuwid ba ang ginawa ninyo sa aking amang si Gideon at sa kanyang pamilya? At nababagay ba ito sa ginawa niya? 17 Alalahanin nʼyo na nakipaglaban ang aking ama para iligtas kayo sa mga Midianita. Itinaya niya ang buhay niya para sa inyo. 18 Pero ngayon, kinalaban nʼyo ang pamilya ng aking ama. Pinatay nʼyo ang 70 anak niya sa ibabaw lang ng isang bato. At ginawa nʼyong hari si Abimelec, na anak ng aking ama sa alipin niyang babae, dahil kamag-anak nʼyo siya. 19 Kaya kung para sa inyo, tunay at tapat ang ginawa nʼyo ngayon sa aking ama at sa pamilya niya, masiyahan sana kayo kay Abimelec at ganoon din siya sa inyo. 20 Pero kung hindi, matupok sana kayo ni Abimelec na parang lalamunin kayo ng apoy. At kayo na mga taga-Shekem at taga-Bet Millo ay tutupukin din ni Abimelec na parang lalamunin kayo ng apoy.” 21 At pagkatapos ay tumakas si Jotam papunta sa Beer at doon tumira dahil natakot siya sa kapatid niyang si Abimelec.
22 Pagkatapos ng tatlong taon na pamamahala ni Abimelec sa mga Israelita, 23 pinag-away ng Dios si Abimelec at ang mga tao ng Shekem. Nagrebelde ang mga taga-Shekem kay Abimelec. 24 Nangyari ito para pagbayarin si Abimelec at ang mga taga-Shekem na tumulong sa kanya sa pagpatay sa 70 anak ni Gideon. 25 Ang mga taga-Shekem ay naglagay ng mga tao paikot sa bundok para nakawan ang mga dumadaan doon. Nabalitaan ito ni Abimelec. 26 Nang panahong iyon, si Gaal na anak ni Ebed ay lumipat sa Shekem kasama ang kanyang mga kapatid. Nagtiwala sa kanila ang mga taga-Shekem. 27 Nang panahon ng pagbubunga ng ubas, gumawa ang mga tao ng alak mula rito. At nagdiwang sila ng pista sa templo ng kanilang dios. At habang kumakain sila roon at nag-iinuman, nililibak nila si Abimelec. 28 Sinabi ni Gaal, “Anong klase tayong mga tao sa Shekem. Bakit nagpapasakop tayo kay Abimelec? Sino ba talaga siya? Hindi ba anak lang siya ni Gideon? Kaya bakit magpapasakop tayo sa kanya o kay Zebul na tagapamahala niya? Dapat magpasakop kayo sa angkan ng inyong ninuno na si Hamor. 29 Kung pinamumunuan ko lang kayo, tiyak na mapapaalis ko si Abimelec. Sasabihin ko sa kanya na ihanda niya ang mga sundalo niya at makipaglaban sa atin.”
30 Nang marinig ni Zebul na pinuno ng lungsod ang sinabi ni Gaal, lubos siyang nagalit. 31 Kaya palihim siyang nag-utos sa mga mensahero na pumunta kay Abimelec. Ito ang ipinapasabi niya, “Si Gaal at ang mga kapatid niya ay lumipat dito sa Shekem at hinihikayat ang mga tao na lumaban sa iyo. 32 Kaya ngayong gabi, isama mo ang mga tauhan mo at magtago muna kayo sa parang, sa labas ng lungsod. 33 Bukas, pagsikat ng araw, bigla kayong lumusob sa lungsod. Kung makikipaglaban sila Gaal, gawin mo ang gusto mong gawin sa kanila.”
34 Kinagabihan, umalis si Abimelec at ang mga tauhan niya. Naghati sila sa apat na grupo at nagtago sa labas lang ng Shekem. 35 Nang makita nilang lumabas si Gaal at nakatayo sa may pintuan ng lungsod, lumabas sila sa pinagtataguan nila para lumusob. 36 Nang makita sila ni Gaal, sinabi niya kay Zebul, “Tingnan mo! May mga taong paparating mula sa tuktok ng bundok.” Sumagot si Zebul, “Mga anino lang iyan sa bundok. Akala mo lang na tao.”
37 Sinabi ni Gaal, “Pero tingnan mo nga! May mga tao ring bumababa sa may gitna ng dalawang bundok, at mayroon pang dumaraan malapit sa banal na puno ng terebinto!”[f]
38 Sumagot si Zebul sa kanya, “Nasaan na ngayon ang ipinagmamalaki mo? Hindi baʼt sinabi mo, ‘Bakit sino ba si Abimelec at magpapasakop tayo sa kanya?’ Ngayon, nandito na ang hinahamak mo! Bakit hindi ka makipaglaban sa kanila?”
39 Kaya tinipon ni Gaal ang mga taga-Shekem at nakipaglaban sila kay Abimelec. 40 Tumakas si Gaal at hinabol siya ni Abimelec. Marami ang namatay sa labanan; ang mga bangkay ay nagkalat hanggang sa may pintuan ng lungsod.
41 Pagkatapos noon, tumira si Abimelec sa Aruma. Hindi pinayagan ni Zebul na bumalik sa Shekem si Gaal at ang mga kapatid nito.
42 Kinaumagahan, nabalitaan ni Abimelec na pupunta sa bukirin ang mga taga-Shekem. 43 Kaya hinati niya sa tatlong grupo ang mga tauhan niya at pumunta sila sa bukirin at naghintay sa paglusob. Nang makita nila ang mga taga-Shekem na lumalabas sa lungsod, nagsimula silang lumusob. 44 Ang grupo ni Abimelec ay pumwesto sa may pintuan ng lungsod habang pinagpapatay ng dalawa niyang grupo ang mga taga-Shekem sa may kabukiran. 45 Buong araw na nakikipaglaban sina Abimelec. Nasakop nila ang lungsod at pinagpapatay ang mga naninirahan dito. Pagkatapos, giniba nila ang lungsod at sinabuyan ng asin.
46 Nang mabalitaan ito ng mga nakatira sa Tore ng Shekem, nagtago sila sa templo ni El Berit[g] na napapalibutan ng pader. 47 Nang malaman ito ni Abimelec, 48 dinala niya ang mga tauhan niya sa Bundok ng Zalmon. Pagdating nila roon, kumuha si Abimelec ng palakol at namutol ng ilang sanga ng kahoy at pinasan. Ganito ang ipinagawa niya sa kanyang mga tauhan. 49 Bawat isa sa kanila ay pumasan ng kahoy at iniligay sa paligid ng pader ng templo ng El Berit at sinindihan ito. Kaya namatay ang lahat ng tao na nakatira roon sa Tore ng Shekem. Mga 1,000 silang lahat pati mga babae.
50 Pagkatapos, pumunta sina Abimelec sa Tebez at sinakop din nila ito. 51 Pero may matatag doon na tore na kung saan tumatakas ang mga taga-Tebez. Isinasara nila ito at umaakyat sila sa bubungan ng tore. 52 Nilusob ni Abimelec ang tore. At nang susunugin na sana niya ito, 53 hinulugan siya ng babae ng gilingang bato at pumutok ang kanyang ulo. 54 Agad niyang tinawag ang tagadala ng armas niya at sinabihan, “Patayin mo ako ng espada mo para hindi nila masabi na isang babae lang ang nakapatay sa akin.” Kaya pinatay siya ng kanyang utusan. 55 Nang makita ng mga tauhan ni Abimelec[h] na patay na siya, nagsiuwi sila.
56 Sa ganitong paraan, pinagbayad ng Dios si Abimelec sa ginawa niyang masama sa kanyang ama dahil sa pagpatay niya sa 70 kapatid niya. 57 Pinagbayad din ng Dios ang mga taga-Shekem sa lahat ng kanilang kasamaan. Kaya natupad ang sumpa ni Jotam na anak ni Gideon.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®