Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
1 Samuel 28-31

Si Saul at ang Mangkukulam sa Endor

28 Nang mga panahong iyon, tinipon ng mga Filisteo ang mga sundalo nila at naghanda sa pakikipaglaban sa mga Israelita. Sinabi ni Akish kay David, “Kailangang sumama ka at ang mga tauhan mo sa amin para makipaglaban.” Sinabi ni David, “Magaling! Makikita ninyo ngayon kung ano ang magagawa ko, na inyong lingkod.” Sumagot si Akish, “Mabuti! Gagawin kitang personal na tagapagbantay ko habang buhay.”

Patay na noon si Samuel. Nang mamatay siya nalungkot at nagluksa ang buong Israel sa kanya, at inilibing siya sa kanyang bayan sa Rama. At pinaalis na ni Saul ang mga espiritista sa Israel.

Nagkampo ang mga Filisteo sa Shunem, at si Saul naman at ang buong hukbo ng Israel ay sa Gilboa. Nang makita ni Saul ang mga sundalo ng mga Filisteo, pinagharian siya ng matinding takot. Nagtanong siya sa Panginoon kung ano ang nararapat niyang gawin. Pero hindi siya sinagot ng Panginoon kahit sa pamamagitan ng panaginip, o sa mga propeta, o kahit sa anumang paraan. Pagkatapos, sinabi ni Saul sa kanyang alipin, “Ihanap mo ako ng babaeng espiritista na maaari kong pagtanungan.” Sumagot ang kanyang alipin, “Mayroon po sa Endor.”

Kaya nagpanggap si Saul sa pamamagitan ng pagsusuot ng ordinaryong damit sa halip na ang magara niyang damit. Kinagabihan, pinuntahan niya ang babae kasama ang dalawa niyang tauhan. Pagdating nila, sinabi ni Saul sa babae, “Gusto kong makipag-usap sa kaluluwa ng isang tao.” Sinabi ng babae sa kanya, “Ano, gusto mo bang mamatay ako? Alam mo naman siguro kung ano ang ginawa ni Saul. Pinaalis niya sa Israel ang lahat ng espiritista at ang mga manghuhula. Huwag mo nang ilagay sa panganib ang buhay ko.” 10 Sumumpa si Saul sa kanya sa pangalan ng buhay na Panginoon na hindi siya mapaparusahan sa gagawin niya. 11 Nang bandang huli, sinabi ng babae, “Sino ang kaluluwang gusto mong kausapin?” Sinabi ni Saul, “Tawagin mo si Samuel.”

12 Kaya tinawag ng babae si Samuel, at nang makita ng babae si Samuel, sumigaw siya nang malakas at sinabi niya kay Saul, “Niloko nʼyo po ako! Kayo po si Saul!” 13 Sinabi ni Saul, “Huwag kang matakot. Ano ba ang nakita mo?” Sumagot ang babae, “Nakita ko po ang isang kaluluwa[a] na lumalabas galing sa lupa.” 14 Nagtanong si Saul, “Ano ba ang itsura niya?” Sumagot siya, “Isa pong matandang lalaki na nakabalabal.” Natiyak ni Saul na si Samuel iyon kaya nagpatirapa siya bilang paggalang sa kanya. 15 Sinabi ni Samuel kay Saul, “Bakit mo ako ginagambala sa pamamagitan ng pagtawag sa akin?” Sumagot si Saul, “Mayroon akong malaking problema. Sinasalakay kami ng mga Filisteo at tinalikuran na ako ng Dios. Hindi na siya sumasagot sa pamamagitan man ng panaginip o ng mga propeta. Ipinatawag kita para sabihin mo sa akin kung ano ang dapat kong gawin.” 16 Sinabi ni Samuel, “Bakit ako ang tinatanong mo? Hindi baʼt tinalikuran ka na ng Panginoon at naging kaaway mo siya? 17 Tinupad ng Panginoon ang sinabi niya sa pamamagitan ko. Kinuha niya sa iyo ang kaharian ng Israel at ibinigay sa kapwa mo Israelita na si David. 18 Ginawa ito ng Panginoon sa iyo ngayon dahil hindi mo sinunod ang utos niyang iparanas ang kanyang galit sa lahat ng Amalekita. 19 Bukas, ikaw at ang mga Israelita ay ibibigay ng Panginoon sa mga Filisteo, at makakasama kita at ang iyong mga anak na lalaki sa lugar ng mga patay.” 20 Nang marinig ito ni Saul, natumba siya at nasubsob sa lupa. Matindi ang takot niya sa sinabi ni Samuel. Hinang-hina rin siya sa gutom dahil hindi siya kumain buong araw at gabi.

21 Nilapitan ng babae si Saul. At nang makita niya na takot na takot si Saul, sinabi niya, “Mahal na Hari, tinupad ko na po ang ipinag-uutos ninyo sa akin kahit na alam kong nasa panganib ang buhay ko. 22 Nakikiusap po akong pakinggan ninyo ang inyong lingkod. Bibigyan ko kayo ng pagkain para manumbalik ang inyong lakas at makapagpatuloy kayo sa inyong paglalakbay.” 23 Pero tumangging kumain si Saul. Tinulungan ng mga tauhan ni Saul ang babae sa pagpilit sa kanya para kumain, at pumayag na rin siya. Tumayo siya mula sa lupa at naupo sa higaan. 24 Kinatay agad ng babae ang pinapataba niyang guya, nagmasa ng harina, at nagluto ng tinapay na walang pampaalsa. 25 Inihain niya ang mga ito kay Saul at sa mga tauhan nito, at kumain sila. Pagkatapos, umalis na rin sila nang gabing iyon.

Bumalik si David sa Ziklag

29 Tinipon ng mga Filisteo ang lahat ng sundalo nila sa Afek, at ang mga Israelita naman ay nagkampo sa may bukal ng Jezreel. Habang nagmamartsa papunta sa labanan ang mga pinuno ng mga Filisteo kasama ang mga sundalo nilang nakagrupo ng 100 at 1,000, nakasunod naman kina Haring Akish sina David at ang kanyang mga tauhan. Pero nagtanong ang mga pinuno ng mga Filisteo kay Akish, “Ano ang ginagawa ng mga Hebreong iyan dito?” Sumagot si Akish, “Ang taong iyan ay si David na opisyal ni Saul, na hari ng Israel. Mahigit isang taon ko na siyang kasama, at magmula noong tumakas siya kay Saul hanggang ngayon, wala akong nakitang masama na ginawa niya.” Pero nagalit sa kanya ang mga pinuno ng mga Filisteo. Sinabi nila, “Pabalikin mo sila sa bayang ibinigay mo sa kanila. Hindi siya dapat sumama sa atin sa pakikipaglaban. Baka kapag nakikipaglaban na tayo, tayo ang patayin niya para mawala ang galit ng kanyang amo sa kanya. Hindi baʼt siya ang pinarangalan ng mga babae sa Israel habang sumasayaw sila at umaawit ng,

    ‘Libu-libo ang napatay ni Saul,
    tig-sasampung libo naman ang kay David.’ ”

Kaya tinawag ni Akish si David at sinabihan, “Nagsasabi ako ng totoo sa presensya ng Panginoon na buhay na mapagkakatiwalaan ka. Kung sa akin lang, gusto kong sumama ka sa pakikipaglaban ko dahil mula pa noong araw na sumama ka sa akin hanggang ngayon, wala akong nakitang masama sa iyo. Pero walang tiwala sa iyo ang ibang pinuno. Kaya umuwi ka na lang at huwag kang gagawa ng kahit anong hindi nila magugustuhan. Umuwi ka nang matiwasay.” Tinanong siya ni David, “Ano po ba ang kasalanang nagawa ko mula nang sumama ako sa inyo hanggang ngayon, Mahal na Hari? Bakit hindi ako pwedeng sumamang makipaglaban sa mga kaaway ninyo?” Sumagot si Akish, “Alam ko na mabuti kang tao tulad ng isang anghel ng Dios. Pero ayaw kang isama ng aking mga kumander sa labanan. 10 Maaga kang bumangon bukas, at umuwi ka kasama ang mga tauhan mo bago pa sumikat ang araw.”

11 Kaya maagang bumangon sina David at ang kanyang mga tauhan para bumalik sa lupain ng mga Filisteo, at pumunta naman ang hukbo ng mga Filisteo sa Jezreel.

Sinalakay ni David ang mga Amalekita

30 Nakarating si David at ang mga tauhan niya sa Ziklag nang ikatlong araw. Sinalakay ng mga Amalekita ang Negev at Ziklag. Nilusob nila ang Ziklag at sinunog ito. Binihag nila ang mga babae at ang lahat ng tao dito, bata man o matanda. Walang pinatay kahit isa pero binihag nila ang mga ito sa kanilang pag-alis. Nang makarating si David at ang mga tauhan niya sa Ziklag, nakita nila na nasunog na ang kanilang lugar at ang kanilang mga asawaʼt anak ay binihag. Kaya si David at ang mga tauhan niya ay umiyak nang husto hanggang maubusan sila ng lakas dahil sa pag-iyak. Kasama sa mga bihag ang dalawang asawa ni David na si Ahinoam na taga-Jezreel at si Abigail na taga-Carmel na biyuda ni Nabal. Sobrang nag-alala si David dahil masama ang loob ng kanyang mga tauhan sa pagkabihag ng mga asawaʼt anak nila, at balak nilang batuhin siya. Pero pinalakas siya ng Panginoon na kanyang Dios.

Kaya sinabi ni David sa paring si Abiatar, na anak ni Ahimelec, “Dalhin mo sa akin ang espesyal na damit[b] ng pari.” Dinala nga ito ni Abiatar sa kanya. Nagtanong si David sa Panginoon, “Hahabulin ko po ba ang mga sumalakay sa amin? Matatalo ko po ba sila?” Sumagot ang Panginoon, “Oo, habulin mo sila. Siguradong matatalo mo sila at maililigtas mo ang mga bihag.” Kaya lumakad si David kasama ang 600 niyang tauhan at nakarating sila sa lambak ng Besor. Nagpaiwan doon 10 ang 200 niyang tauhan dahil pagod na pagod na sila para tumawid pa sa lambak. Pero nagpatuloy si David sa paghabol kasama ang 400 niyang tauhan.

11 Nakita ng ilang mga tauhan ni David ang isang Egipcio sa bukid. Dinala nila ito kay David, at binigyan nila ng tubig at tinapay. 12 Binigyan din nila ang Egipcio ng kapirasong tuyong igos at dalawang tumpok ng pasas, dahil tatlong araw na siyang hindi kumakain ni umiinom. Pagkatapos niyang kumain, nanumbalik ang kanyang lakas. 13 Tinanong siya ni David, “Sino ang amo mo? Taga-saan ka?” Sumagot siya, “Isa po akong Egipcio, at alipin ng isang Amalekita. Iniwan ako ng amo ko, tatlong araw na po ang nakakaraan dahil nagkasakit ako. 14 Bigla po naming sinalakay ang mga Kereteo sa Negev, sa lupain ng Juda at ganoon din ang katimugang bahagi ng Negev na tinitirhan ng mga angkan ni Caleb. Sinunog din po namin ang Ziklag.” 15 Nagtanong si David sa kanya, “Masasamahan mo ba kami sa mga taong mga taong bumihag sa pamilya namin?” Sumagot siya, “Opo. Kung maipapangako nʼyo sa pangalan ng Dios na hindi nʼyo ako papatayin o ibabalik sa aking amo, sasamahan ko po kayo sa kanila.”

16 Kaya sinamahan ng Egipcio sina David sa mga Amalekita. Doon, nadatnan nila ang mga Amalekitang nakakalat na kumakain, umiinom at nagkakasayahan, dahil marami silang nasamsam sa lupain ng mga Filisteo at Juda. 17 Sinalakay sila ni David at ng mga tauhan niya, mula sa paglubog ng araw hanggang sa kinagabihan ng sumunod na araw. Walang nakatakas sa mga Amalekita, maliban sa 400 kabataang lalaki na sumakay sa kamelyo nila at tumakas. 18 Nabawi ni David ang lahat ng kinuha sa kanila ng mga Amalekita pati ang dalawa niyang asawa. 19 Walang nawala, bata man o matanda, lalaki man o babae, o kahit ano sa mga nakuha ng mga Amalekita. Nabawing lahat ni David ang mga ito. 20 Pagkatapos, nakuha rin niya ang lahat ng tupa at baka, at pinauna ng mga tauhan niya ang mga hayop na ito sa harapan ng iba pang mga hayop habang sinasabi, “Ito ang mga samsam para kay David.”

21 Nang makarating na sina David sa lambak ng Besor, sinalubong sila ng 200 niyang tauhan na hindi nakasama dahil sa sobrang pagod. Lumapit sina David sa kanila at binati niya ang mga ito. 22 Pero, may masasama at walang silbing mga tauhan na nagsabi, “Hindi sila dapat bigyan ng bahagi ng mga nasamsam natin sa Amalekita dahil hindi naman sila sumama sa atin. Kunin na lang nila ang mga asawaʼt anak nila at umalis na sila.” 23 Sumagot si David, “Mga kapatid, hindi tama iyan. Huwag ninyong ipagdamot ang ibinigay ng Panginoon sa atin. Iningatan niya tayo at tinulungang magtagumpay sa ating mga kaaway. 24 Sino sa tingin ninyo ang makikinig sa inyo? Dapat bigyan ang lahat. Pareho lang ang bahagi ng mga nagpaiwan para magbantay sa kagamitan at ng mga sumama sa labanan.” 25 Ang tuntuning ito ay ginawa ni David para sundin ng mga Israelita, at ipinapatupad pa rin ito hanggang ngayon.

26 Nang dumating sila sa Ziklag, pinadalhan niya ng ilang bahagi ng mga nasamsam nila ang mga kaibigan niyang tagapamahala ng Juda, kasama ang mensaheng, “Ito ang regalo ko sa inyo galing sa mga nasamsam namin sa mga kaaway ng Panginoon.” 27 Ipinadala ang mga ito sa mga sumusunod na bayan: Betel, Ramot Negev, Jatir, 28 Aroer, Sifmot, Estemoa, 29 Racal, sa mga bayan ng mga Jerameelita at mga Keneo, 30 sa Horma, Bor Ashan, Atac, 31 Hebron at iba pang mga lupain na kanilang napuntahan.

Ang Kamatayan ni Saul at ng Kanyang mga Anak(A)

31 Nakipaglaban ang mga Filisteo sa mga Israelita sa Bundok ng Gilboa. Maraming namatay sa mga Israelita, at ang iba sa kanilaʼy nagsitakas. Hinabol ng mga Filisteo si Saul at ang mga anak niyang lalaki, at pinatay nila ang mga anak niyang sina Jonatan, Abinadab at Malki Shua. Matindi ang labanan nina Saul at ng mga Filisteo. Tinamaan siya ng pana at malubhang nasugatan. Sinabi ni Saul sa tagapagdala ng kanyang armas, “Bunutin mo ang iyong espada at patayin ako, dahil kung hindi, silang mga hindi nakakakilala sa Dios[c] ang papatay sa akin, at pagtatawanan pa nila ako.” Pero natakot ang tagapagdala niya ng armas na patayin siya, kaya kinuha ni Saul ang sarili niyang espada, at sinaksak ang sarili. Nang makita ng tagapagdala ng armas na patay na si Saul, sinaksak din niya ang kanyang sarili at namatay sa tabi ni Saul. Kaya nang araw na iyon, namatay si Saul, ang tatlo niyang anak na lalaki, ang tagapagdala niya ng armas at ang lahat ng tauhan niya.

Nakita ng mga Israelitang nakatira sa kabilang bahagi ng lambak ng Jezreel at sa kabilang ilog ng Jordan ang pagtakas ng mga sundalong Israelita at pagkamatay ni Saul at ng kanyang mga anak. Kaya iniwan nila ang kani-kanilang bayan at nagsitakas. Dahil doon, pinasok at tinirhan ng mga Filisteo ang mga bayang ito.

Kinabukasan, nang pumunta ang mga Filisteo sa Bundok ng Gilboa para kunin ang mahahalagang bagay sa mga namatay na sundalo, nakita nila ang bangkay ni Saul at ng kanyang tatlong anak. Pinugutan nila ng ulo si Saul, at kinuha ang kanyang armas. Pagkatapos nito, nagsugo sila ng mga mensahero sa buong lupain ng Filisteo para ibalita sa templo ng kanilang dios-diosan at mga kababayan ang kamatayan ni Saul. 10 Inilagay nila ang armas ni Saul sa templo ng diosa nilang si Ashtoret, at isinabit ang bangkay nito sa pader ng lungsod ng Bet Shan.

11 Nang mabalitaan ng mga taga-Jabes Gilead ang ginawa ng mga Filisteo kay Saul, 12 lumakad ang lahat ng matatapang nilang mandirigma nang buong gabi hanggang sa makarating sila sa Bet Shan. Kinuha nila ang bangkay ni Saul at ng kanyang mga anak mula sa pader ng Bet Shan at dinala sa Jabes at sinunog ang mga ito roon. 13 Pagkatapos, kinuha nila ang mga buto, inilibing sa ilalim ng punong tamarisko sa Jabes, at nag-ayuno sila sa loob ng pitong araw.

Salmo 18

Awit ng Tagumpay ni David(A)

18 Iniibig ko kayo Panginoon. Kayo ang aking kalakasan.
Panginoon, kayo ang aking matibay na batong kanlungan at pananggalang.
    Kayo ang aking Tagapagligtas na nag-iingat sa akin.
Karapat-dapat kayong purihin, Panginoon,
    dahil kapag tumatawag ako sa inyo, inililigtas nʼyo ako sa mga kalaban ko.

4-5 Ang kamatayaʼy parang lubid na nakapulupot sa akin at parang bitag sa aking dadaanan,
    na para ring malakas na agos na tumatangay sa akin.
Kinakabahan ako! Humingi ako ng tulong sa inyo, Panginoon kong Dios,
    at pinakinggan nʼyo ang panalangin ko sa inyong templo.

Nagalit kayo, at lumindol, maging ang pundasyon ng mga bundok ay nayanig.
Umusok din ang inyong ilong,
    at ang inyong bibig ay bumuga ng apoy at mga nagliliyab na baga.
Binuksan nʼyo ang langit at kayoʼy bumaba,
    at tumuntong sa maitim at makapal na ulap.
10 Kayoʼy sumakay sa isang kerubin,
    at mabilis na lumipad na dala ng hangin.
11 Ginawa nʼyong talukbong ang kadiliman,
    at nagtago kayo sa maitim na ulap.
12 Kumidlat mula sa inyong kinaroroonan,
    at mula rooʼy bumagsak ang mga yelo at nagliliyab na baga.
13 Ang tinig nʼyo, Kataas-taasang Dios na aming Panginoon, ay dumadagundong mula sa langit.
14 Pinana nʼyo ng kidlat ang inyong mga kalaban
    at nataranta silang nagsitakas.
15 Sa inyong tinig at matinding galit, natuyo ang dagat at nakita ang lupa sa ilalim nito,
    pati na rin ang pundasyon ng mundo ay nalantad.
16 At mula sa langit akoʼy inabot nʼyo
    at inahon mula sa malalim na tubig.
17 Iniligtas nʼyo ako sa kapangyarihan ng aking mga kalaban na hindi ko kayang labanan.
18 Sinalakay nila ako sa oras ng aking kagipitan.
    Ngunit sinaklolohan nʼyo ako, Panginoon.
19 Dinala nʼyo ako sa lugar na walang kapahamakan dahil nalulugod kayo sa akin.
20 Pinagpala nʼyo ako dahil akoʼy namumuhay sa katuwiran.
    Sa kalinisan ng aking kamay akoʼy inyong ginantimpalaan.
21 Dahil sinusunod ko ang inyong kalooban,
    at hindi ko kayo tinalikuran, Panginoon na aking Dios.
22 Tinutupad ko ang lahat ng inyong utos.
    Ang inyong mga tuntunin ay hindi ko sinusuway.
23 Alam nʼyong namumuhay ako ng walang kapintasan,
    at iniiwasan ko ang kasamaan.
24 Kaya naman akoʼy inyong ginagantimpalaan,
    dahil nakita nʼyong matuwid ang aking pamumuhay.
25 Tapat kayo sa mga tapat sa inyo,
    at mabuti kayo sa mabubuting tao.
26 Tapat kayo sa mga taong totoo sa inyo,
    ngunit tuso kayo sa mga taong masama.
27 Inililigtas nʼyo ang mga mapagpakumbaba,
    ngunit ang nagmamataas ay inyong ibinababa.

28 Panginoon kong Dios, kayo ang nagbibigay sa akin ng liwanag.
    Sa gitna ng kadiliman kayo ang aking tanglaw.
29 Sa tulong nʼyo, kaya kong salakayin ang grupo ng mga sundalo,
    at kaya kong akyatin ang pader ng kanilang tanggulan.
30 Ang pamamaraan nʼyo, O Dios ay walang kamalian.
    Ang inyong mga salita ay maaasahan.
    Kayoʼy katulad ng isang kalasag sa mga naghahanap ng kaligtasan[a] sa inyo.
31 Kayo lang, Panginoon, ang tunay na Dios, at wala nang iba.
    At kayo lang talaga ang aming batong kanlungan.
32 Kayo ang nagbibigay sa akin ng kalakasan,
    at nagbabantay sa aking daraanan.
33 Pinatatatag nʼyo ang aking paa tulad ng paa ng usa,
    upang maging ligtas ang pag-akyat ko sa matataas na lugar.
34 Sinasanay nʼyo ako sa pakikipaglaban, tulad ng pagbanat ng matibay na pana.
35 Ang katulad nʼyo ay kalasag na nag-iingat sa akin.
    Inaakay nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan,
    at dahil sa tulong nʼyo, naging tanyag ako.
36 Pinaluwang nʼyo ang aking dadaanan,
    kaya hindi ako natitisod.
37 Hinabol ko ang aking mga kalaban at inabutan ko sila,
    at hindi ako tumigil hanggang sa naubos ko sila.
38 Hinampas ko sila hanggang sa magsibagsak,
    at hindi na makabangon sa aking paanan.
39 Binigyan nʼyo ako ng lakas sa pakikipaglaban,
    kaya natalo ko ang aking mga kalaban.
40 Dahil sa inyo, umatras ang aking mga kaaway na may galit sa akin,
    at silaʼy pinatay ko.
41 Humingi sila ng tulong, ngunit walang sinumang tumulong.
    Tumawag din sila sa inyo Panginoon, ngunit kayoʼy hindi tumugon.
42 Dinurog ko sila hanggang sa naging alikabok na lang na inililipad ng hangin,
    at tinatapak-tapakan na parang putik sa kalsada.
43 Akoʼy iniligtas nʼyo sa mga rebelde,
    at ginawa nʼyo akong pinuno ng maraming bansa.
    Kahit akoʼy hindi nila kilala, pinaglingkuran nila ako.
44 Yumuyukod sila sa aking harapan.
    Naririnig pa lang nila ang tungkol sa akin, sumusunod agad sila sa utos ko.
45 Nawawalan sila ng lakas ng loob,
    kaya lumalabas sila sa kanilang pinagtataguan na nanginginig sa takot.
46 Buhay kayo, Panginoon!
    Karapat-dapat kayong purihin at dakilain,
    O Dios na aking batong kanlungan at Tagapagligtas!
47 Pinaghigantihan nʼyo ang aking mga kaaway,
    at ipinasailalim mo ang mga bansa sa aking kapangyarihan.
48 Inililigtas nʼyo ako sa mararahas kong kalaban,
    at pinagtagumpay nʼyo ako sa kanila.
49 Kaya pararangalan ko kayo sa mga bansa.
    O Panginoon, aawitan ko kayo ng mga papuri.
50 Sa hinirang nʼyong hari ay nagbigay kayo ng maraming tagumpay.
    Ang inyong pagmamahal ay ipinadama nʼyo kay David at sa kanyang lahi magpakailanman.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®