Chronological
Ang Pagkakaibigan ni David at Jonatan
18 Matapos makipag-usap ni David kay Saul, nakilala niya ang anak nitong si Jonatan. Naging matalik silang magkaibigan at mahal na mahal ni Jonatan si David gaya ng pagmamahal niya sa kanyang sarili. 2 Mula noon, hindi na pinauwi ni Saul si David sa kanilang bahay. 3 Sumumpa si Jonatan kay David na magiging magkaibigan sila sa habang panahon dahil mahal niya si David gaya ng kanyang sarili. 4 At bilang patunay ng kanyang pangako, hinubad niya ang kanyang balabal at ibinigay kay David, kasama ang kanyang pamigkis, espada, pana at sinturon.
5 Napagtagumpayan ni David ang lahat ng ipinagawa sa kanya ni Saul, kaya siyaʼy ginawa nitong pinuno ng buong hukbo. Nagustuhan ito ng mga mamamayan pati na rin ng mga opisyal ni Saul.
Nainggit si Saul kay David
6 Nang pauwi na ang mga Israelita matapos mapatay ni David si Goliat, sinalubong si Saul ng mga babaeng mula sa lahat ng bayan ng Israel. Sumasayaw sila at umaawit na may tamburin at alpa. 7 Ganito ang kanilang awit:
“Libu-libo ang napatay ni Saul, kay David naman ay tig-sasampung libo.” 8 Nagalit si Saul nang mapakinggan niya ang awit nila. Naisip niya, “Sinasabi nilang tig-sasampung libo ang napatay ni David, pero ang sa akin ay libu-libo lang. Kulang na lang ay siya ang kilalanin nilang hari.” 9 Mula noon, binantayan na niyang mabuti si David dahil nagseselos siya rito.
10-11 Kinabukasan, pinasukan si Saul ng masamang espiritu na ipinadala ng Dios, at umasta siya na parang baliw sa loob ng kanilang bahay. Tumutugtog si David ng alpa gaya ng ginagawa niya bawat araw. May hawak noon na sibat si Saul, at dalawang beses niyang sinibat si David. Ang balak niyaʼy itusok si David sa dingding, pero nakailag si David at nakatakas. 12 Natatakot si Saul kay David dahil sinasamahan ito ng Panginoon samantalang siya namaʼy pinabayaan na ng Panginoon. 13 Kaya para malayo sa kanya si David, ginawa niya itong kumander ng 1,000 sundalo, at pinamunuan ito ni David nang buong lakas sa digmaan.
14 Nagtagumpay si David sa lahat ng ginagawa niya dahil kasama niya ang Panginoon. 15 Nang malaman ni Saul kung gaano katagumpay si David, lalo pa siyang natakot. 16 Pero lalo namang napamahal ang buong Israel at Juda kay David, dahil pinamumunuan niya sila sa mga labanan.
17 Isang araw, sinabi ni Saul kay David, “Handa akong ibigay sa iyo ang panganay kong anak na si Merab bilang asawa mo, pero kailangan mo munang patunayan sa akin na isa kang matapang na mandirigma sa pamamagitan ng pakikipaglaban para sa Panginoon.” At sinabi ni Saul sa sarili niya, “Sa pamamagitan nito ay mapapatay si David ng mga Filisteo at hindi na kailangang ako pa ang pumatay sa kanya.”
18 Pero sinabi ni David kay Saul, “Sino po ba ako at ang aking pamilya para maging manugang ng hari?”
19 Nang dumating ang araw na ikakasal na si Merab kay David, ipinakasal na lang ni Saul si Merab kay Adriel na taga-Mehola.
20 Samantala, ang isa pang anak na babae ni Saul na si Mical ay nagkagusto kay David. Nang malaman ito ni Saul, natuwa siya. 21 Sinabi ni Saul sa kanyang sarili, “Ipakakasal ko si Mical kay David, at gagawin ko siyang pain para mapatay ng mga Filisteo si David.” Kaya sinabi niya kay David, “May pagkakataon ka pa para maging manugang ko.”
22 Kinasabwat din ni Saul ang kanyang mga lingkod na makipag-usap nang lihim kay David at sabihin sa kanya, “Talagang gusto ka ng hari pati na rin ng kanyang mga lingkod. Kaya pumayag ka nang maging manugang niya.” 23 Nang sinabi nila ito kay David, sumagot siya, “Hindi ko makakayang magbayad sa hari para mapangasawa ko ang kanyang anak. Mahirap lang ako at galing sa isang hindi kilalang pamilya.”
24 Nang ibalita nila ito kay Saul, 25 sinabi ni Saul, “Sabihin ninyo kay David na ang hinihingi ko lang na bayad sa pagpapakasal sa aking anak ay 100 balat ng pinagtulian ng mga Filisteo bilang paghihiganti sa aking mga kalaban.” Pero ang plano ni Saul ay mahulog si David sa kamay ng mga Filisteo.
26 Nang sabihin ito ng mga lingkod ni Saul kay David, natuwa siya dahil gusto niyang maging manugang ng hari. Kaya bago pa sumapit ang itinakdang araw, 27 sinalakay ni David at ng mga tauhan niya ang mga Filisteo at napatay nila ang 200 sa mga ito. Pagkatapos, kinuha nila ang mga balat ng pinagtulian ng mga Filisteo at dinala ang lahat ng ito sa hari. Kaya ibinigay ni Saul si Mical kay David para maging asawa niya.
28 Nang malaman ni Saul na pinapatnubayan ng Panginoon si David at nakita niya kung gaano kamahal ni Mical si David, 29 lalo pa siyang natakot kay David. At itinuring niyang kaaway si David habang nabubuhay siya. 30 Nagpatuloy ang labanan sa pagitan ng mga Israelita at mga Filisteo. Bawat labanan, mas nagiging matagumpay si David kaysa sa lahat ng opisyal ng hari. Kaya lalong nakilala ang pangalan ni David sa buong bayan.
Tinangkang Patayin ni Saul si David
19 Minsan, sinabi ni Saul kay Jonatan at sa lahat ng lingkod niya na patayin si David. Pero mahal ni Jonatan si David, 2 kaya binigyan niya ng babala si David. Sinabi niya, “Naghahanap ng pagkakataon ang aking ama para patayin ka, kaya mag-ingat ka. Bukas maghanap ka ng mapagtataguan at huwag kang aalis doon. 3 Dadalhin ko roon ang aking ama at kakausapin ko siya tungkol sa iyo. Pagkatapos, sasabihin ko sa iyo ang napag-usapan namin.”
4 Kinaumagahan, kinausap ni Jonatan si Saul tungkol kay David doon sa bukid at pinuri niya ito sa harap ng kanyang ama. At sinabi, “Ama,[a] huwag nʼyo pong saktan si David na inyong lingkod dahil wala siyang ginawang masama sa inyo. Nakagawa pa nga po siya ng malaking kabutihan sa inyo. 5 Itinaya po niya ang kanyang buhay nang patayin niya ang Filisteo na si Goliat at pinagtagumpay ng Panginoon ang buong Israel. Nasaksihan nʼyo ito at natuwa kayo. Pero bakit gusto nʼyo pang ipapatay ang isang inosenteng tao na katulad ni David nang walang dahilan?”
6 Pinakinggan ni Saul si Jonatan at sumumpa siya sa pangalan ng Panginoon na buhay na hindi na niya ipapapatay si David. 7 Ipinatawag ni Jonatan si David at sinabi niya rito ang lahat ng pinag-usapan nila ni Saul. Dinala ni Jonatan si David kay Saul, at muling pinaglingkuran ni David si Saul gaya nang dati.
8 Muling naglaban ang mga Filisteo at mga Israelita, at buong lakas na pinamunuan ni David ang mga tauhan niya sa pakikipaglaban. Sinalakay nila David nang buong lakas ang mga Filisteo kaya natalo ang mga ito at nagsitakas.
9 Isang araw, habang nakaupo si Saul sa kanyang bahay at may hawak na sibat, sinaniban na naman siya ng masamang espiritu na ipinadala ng Panginoon. Habang tumutugtog si David ng alpa, 10 sinubukang itusok ni Saul si David sa dingding sa pamamagitan ng pagsibat dito pero nakaiwas si David. Kinagabihan, tumakas si David.
11 Nagpadala naman ng mga tauhan si Saul para magmanman sa bahay ni David at para patayin ito kinaumagahan. Pero binalaan si David ng kanyang asawang si Mical, “Kung hindi ka tatakas ngayong gabi, papatayin ka bukas.” 12 Kaya tinulungan niyang makababa si David sa bintana, at tumakas si David. 13 Kumuha naman si Mical ng isang dios-diosan, at inihiga sa kama. Kinumutan niya ito, at binalot ng balahibo ng kambing ang ulo nito.
14 Nang dumating ang mga taong ipinadala ni Saul para hulihin si David, sinabi sa kanila ni Mical na may sakit ito at hindi kayang bumangon sa higaan. 15 Nang ibinalita nila ito kay Saul, pinabalik sila ni Saul para tingnan nila mismo si David, at sinabihan ng ganito, “Dalhin ninyo siya sa akin na nakahiga sa kanyang higaan para mapatay ko siya.” 16 Pero nang pumasok sila sa bahay ni David, nakita nila na ang nakahiga ay isang dios-diosan na may balahibo ng kambing sa ulo.
17 Sinabi ni Saul kay Mical, “Bakit mo ako niloko, at pinatakas ang aking kaaway?” Sumagot si Mical, “Sinabi niya sa akin na papatayin niya ako kapag hindi ko siya tinulungang makatakas.”
18 Nang makatakas si David, pumunta siya kay Samuel sa Rama at sinabi niya ang lahat ng ginawa ni Saul sa kanya. Pagkatapos nito, pumunta sila ni Samuel sa Nayot at doon nanirahan.
19 Nabalitaan ni Saul na si David ay nasa Nayot sa Rama, 20 kaya nagpadala siya ng mga tauhan para hulihin si David. Pagdating nila roon, nakita nila ang mga propetang nagpapahayag ng mensahe ng Dios at pinangungunahan ni Samuel. Pagkatapos, napuspos ng Espiritu ng Dios ang mga tauhan ni Saul at nagpahayag din sila ng mensahe ng Dios. 21 Nang marinig ni Saul ang nangyari, muli siyang nagpadala ng mga tauhan para hulihin si David. Pero pagdating nila doon, ganoon din ang nangyari, nagpahayag din ang mga ito ng mensahe ng Dios. Muling nagpadala si Saul ng mga tauhan sa ikatlong pagkakataon pero ganoon din ang nangyari sa mga ito. 22 Sa bandang huli, si Saul na mismo ang pumunta sa Rama. Pagdating niya sa malaking balon ng Secu, nagtanung-tanong siya kung nasaan sina Samuel at David. Sinabi sa kanya na nasa Nayot sila. 23 Kaya pumunta si Saul sa Nayot. Pero habang nasa daan, pinuspos rin siya ng Espiritu ng Dios at nagpahayag din siya ng mensahe ng Dios hanggang sa makarating siya sa Nayot. 24 Nang naroon na siya, hinubad niya ang kanyang damit at nagpahayag ng mensahe ng Dios sa harapan ni Samuel. Nahiga siya nang nakahubad buong araw at gabi. Ito ang dahilan kung bakit nagtatanong ang mga tao, “Naging propeta na rin ba si Saul?”
Si David at si Jonatan
20 Tumakas si David mula sa Nayot sa Rama, at pumunta kay Jonatan at nagtanong, “Ano ba ang kasalanang nagawa ko sa iyong ama at gusto niya akong patayin?” 2 Sumagot si Jonatan, “Hindi ka mamatay! Sigurado akong wala siyang pinaplanong ganyan. Maliit man o malaking bagay, ipinapaalam ng ama ko sa akin lahat ng gagawin niya. Kung binabalak ka niyang patayin, ipinaalam na sana niya ito sa akin. Kaya hindi totoo yan.” 3 Pero sinabi ni David, “Alam na alam ng iyong ama ang tungkol sa pagkakaibigan natin kaya minabuti niya na huwag nang ipaalam sa iyo ang plano niyang pagpatay sa akin, dahil baka masaktan ka lang. Pero tinitiyak ko sa iyo, at sa harap ng presensya ng Panginoon na buhay, na nasa panganib ang buhay ko.” 4 Sinabi ni Jonatan, “Kung anuman ang gusto mo, gagawin ko.” 5 Kaya sinabi ni David, “Bukas ay Pista ng Pagsisimula ng Buwan,[b] at gaya ng nakagawian, dapat akong kumain kasama ng iyong ama. Pero hayaan mo akong makaalis at magtago sa bukid hanggang sa gabi ng ikatlong araw. 6 Kung hahanapin ako ng iyong ama, sabihin mo sa kanya na humingi ako ng pahintulot sa iyo na umuwi sa amin sa Betlehem para makasama ko ang buong pamilya ko sa paghahandog na ginagawa nila taun-taon. 7 Kapag hindi siya nagalit, ibig sabihin akoʼy wala sa panganib. Pero kapag nagalit siya, alam mo nang binabalak niya akong patayin. 8 Kaya kung maaari, tulungan mo ako, gawin mo sa akin ang kabutihang ito, ayon sa napagkasunduan natin sa harap ng presensya ng Panginoon. Pero kung nagkasala man ako, ikaw na ang pumatay sa akin. Bakit mo pa ako ibibigay sa iyong ama?” 9 Sumagot si Jonatan, “Hindi iyan mangyayari! Kung nalalaman ko na may balak ang aking ama na patayin ka, ipapaalam ko agad sa iyo.” 10 Nagtanong si David, “Paano ko malalaman kung galit o hindi ang iyong ama?” 11 Sinabi ni Jonatan, “Sumama ka sa akin sa bukid.” Kaya nagpunta sila roon.
12 Sinabi ni Jonatan kay David, “Nangangako ako sa Panginoon, ang Dios ng Israel, na bukas sa ganito ring oras, o sa susunod na araw, makikipag-usap ako sa aking ama, at kung mabuti ang pakitungo niya tungkol sa iyo, ipapaalam ko sa iyo. 13 Pero kung may balak ang aking ama na patayin ka, at hindi ko ito ipinaalam sa iyo para makatakas ka, sanaʼy parusahan ako nang matindi ng Panginoon. Ngayon, samahan ka sana ng Panginoon gaya ng ginawa niya noon sa aking ama. 14 At ipakita mo sana ang pagmamahal mo sa akin habang akoʼy nabubuhay pa gaya ng pagmamahal ng Panginoon sa atin. At kung patay na ako, 15 ipagpatuloy mo pa rin ang pagmamahal sa pamilya ko, kahit pa patayin ng Panginoon ang lahat ng kaaway mo.”
16 Kaya gumawa si Jonatan ng kasunduan sa pamilya ni David, at sinabi niya, “Ibigay ka sana ng Panginoon sa iyong mga kaaway, kapag hindi ka tumupad sa kasunduan natin[c].” 17 At pinasumpa ulit ni Jonatan si David ng pagmamahal sa kanya dahil mahal na mahal niya si David gaya ng pagmamahal niya sa kanyang sarili. 18 Pagkatapos, sinabi niya kay David, “Bukas ay Pista ng Pagsisimula ng Buwan at malalaman nila na wala ka roon dahil bakante ang upuan mo. 19 Sa makalawa, bago gumabi, pumunta ka sa dati mong pinagtaguan sa bukid. Maghintay ka roon sa may bato ng Ezel. 20 Darating ako at papana ng tatlong beses sa gilid ng bato na parang may pinapana ako. 21 Pagkatapos, uutusan ko ang isang bata na hanapin ang palaso. Kung sasabihin ko sa kanya na nasa gilid niya ang mga palaso, lumabas ka. Tinitiyak ko sa iyo, sa harap ng presensya ng Panginoon na buhay, na wala kang dapat katakutang panganib. 22 Pero kung sasabihin ko sa bata na nasa banda pa roon ang mga palaso, nangangahulugan ito na kailangan mong tumakas dahil pinapatakas ka ng Panginoon. 23 Tungkol sa sumpaan natin, alalahanin mo na ang Panginoon ang ating saksi magpakailanman.”
24 Kaya nagtago si David sa bukid, at nang dumating ang Pista ng Pagsisimula ng Buwan, umupo si Haring Saul para kumain. 25 Doon siya umupo sa dati niyang inuupuan sa tabi ng dingding. Si Jonatan naman ay naupo sa tapat niya at si Abner sa tabi niya. Pero bakante ang upuan ni David. 26 Nang araw na iyon, hindi nagsalita si Saul tungkol sa pagkawala ni David dahil inisip niya na baka may nagawa si David na nagparumi sa kanya kaya hindi siya nakapunta.
27 Pero nang sumunod na araw, ang ikalawang araw ng buwan, bakante pa rin ang upuan ni David. Kaya tinanong ni Saul si Jonatan, “Bakit hindi pumupunta rito si David na anak ni Jesse para makisalo sa atin kahapon at ngayon?” 28 Sumagot si Jonatan, “Nagpaalam po siya sa akin na uuwi muna siya sa Betlehem. 29 Sabi po kasi niya, ‘Inutusan ako ng kapatid ko na sumama muna ako sa aking pamilya na maghandog, kaya humihingi ako ng pabor sa iyo, payagan mo akong makita ang aking mga kapatid.’ Iyan po ang dahilan kung bakit hindi nʼyo siya kasalo.” 30 Galit na galit si Saul kay Jonatan. Sinabi niya, “Isa kang suwail na anak! Alam kong kinakampihan mo si David. Ipinahiya mo ang iyong sarili at ang iyong ina. 31 Habang nabubuhay si David na anak ni Jesse, hindi ka magiging hari. Kaya kunin mo siya ngayon at dalhin sa akin. Dapat siyang mamatay.” 32 Nagtanong si Jonatan, “Bakit po ba kailangan siyang patayin? Ano po ba ang ginawa niya?” 33 Pero sa halip na sumagot, sinibat ni Saul si Jonatan para patayin. Kaya nalaman niya na desidido ang kanyang ama na patayin si David. 34 Dahil sa sobrang galit, umalis sa hapag-kainan si Jonatan, at hindi na siya kumain nang araw na iyon dahil masamang-masama ang loob niya sa kahiya-hiyang inasal ng kanyang ama kay David.
35 Kinaumagahan, pumunta si Jonatan sa bukid para makipagkita kay David gaya ng napagkasunduan. May kasama siyang batang lalaki. Sinabi niya sa bata, 36 “Tumakbo ka na at hanapin mo ang mga palasong ipapana ko.” Kaya tumakbo ang bata at pumana si Jonatan sa unahan nito. 37 Nang dumating ang bata sa lugar na binagsakan ng palaso, sumigaw si Jonatan, “Nasa banda pa roon ang mga palaso. 38 Magmadali ka. Pulutin mo!” Pinulot ng bata ang mga palaso at bumalik sa kanyang amo. 39 Walang kaalam-alam ang bata kung ano ang kahulugan ng mga pangyayari. Sina David at Jonatan lang ang nakakaalam. 40 Pagkatapos, ibinigay ni Jonatan ang mga palaso sa bata at sinabi, “Dalhin mo ito pabalik sa bayan.”
41 Nang makaalis na ang bata, lumabas si David sa batong pinagtataguan niya at lumuhod sa harap ni Jonatan ng tatlong beses na ang mukhaʼy nakadikit sa lupa bilang paggalang. Niyakap[d] nila ang isaʼt isa na kapwa umiiyak, pero mas malakas ang iyak ni David. 42 Sinabi ni Jonatan kay David, “Sige, sanaʼy maging matiwasay ang iyong paglalakbay. At sanaʼy tulungan tayo ng Panginoon na matupad ang mga sumpaan natin sa isaʼt isa, hanggang sa mga magiging angkan natin.” Lumakad na si David, at si Jonatan namaʼy bumalik sa bayan.
Pagtitiwala sa Panginoon
11 Nagtitiwala ako sa Panginoon na aking kanlungan.
O tao, bakit ninyo sinasabi sa akin,
“Tumakas ka papuntang kabundukan, at lumipad tulad ng ibon.[a]
2 Inihanda na ng mga masama ang kanilang mga pana,
para panain nang palihim ang mga matuwid.
3 Ano ang magagawa ng mga matuwid kung ang batas
na pundasyon ng bayan ay wala nang halaga?”
4 Ang Panginoon ay nasa kanyang templo;
at nasa langit ang kanyang trono.
Tinitingnan niya at sinisiyasat ang lahat ng tao.
5 Sinisiyasat niya ang matutuwid at masasama.
At siyaʼy napopoot sa malulupit.
6 Pauulanan niya ng lumalagablab na baga at asupre ang masasama;
at ipapadala niya ang mainit na hangin na papaso sa kanila.
7 Dahil ang Panginoon ay matuwid at iniibig niya ang mga gawang mabuti,
kaya ang mga namumuhay nang tama ay makakalapit sa kanya.[b]
Panalangin Laban sa Masama
59 O Dios, iligtas nʼyo ako sa aking mga kaaway.
At sa mga kumakalaban sa akin, ako ay inyong ingatan.
2 Iligtas nʼyo ako sa masasama at sa mga mamamatay-tao.
3 Panginoon, tingnan nʼyo!
Inaabangan nila ako para patayin,
kahit na wala akong nagawang kasalanan sa kanila.
4-5 Wala akong nagawang kasalanan,
ngunit handa silang salakayin ako.
Sige na po, Panginoong Dios na Makapangyarihan, Dios ng Israel.
Tingnan nʼyo na ang nangyayari; tulungan nʼyo ako!
Kumilos na kayo, at parusahan nʼyo ang mga bansang hindi sumasampalataya sa inyo.
Huwag nʼyong kahabagan ang mga taksil na iyon.
6 Bumabalik sila kapag gabi at tumatahol
gaya ng aso habang naglilibot sila sa bayan.
7 Pakinggan nʼyo ang kanilang pananalita; kasing sakit ng tusok ng espada.
At sinasabi pa nila, “Wala namang nakakarinig sa atin.”
8 Ngunit, pinagtatawanan nʼyo lang sila Panginoon.
Kinukutya nʼyo ang mga taong hindi sumasampalataya sa inyo.
9 O Dios ikaw ang aking kalakasan.
Maghihintay ako sa inyo dahil ikaw ang aking tagapagtanggol,
10 at ikaw ang Dios na nagmamahal sa akin.
Manguna ka sa akin at ipakita mo sa akin ang pagbagsak ng aking mga kaaway.
11 Pero huwag nʼyo silang patayin agad
para hindi makalimutan ng aking mga kababayan
kung paano nʼyo pinarurusahan ang inyong mga kaaway.
O Panginoon na aming pananggalang,
iligaw nʼyo at ibagsak ang aking mga kaaway sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
12 Nagkakasala sila dahil sa kasamaan ng kanilang sinasabi.
Mahuli sana sila sa kanilang kayabangan.
Nagmumura sila at nagsisinungaling,
13 kaya sa inyong galit, lipulin nʼyo sila hanggang sa silaʼy maglaho.
Sa gayon ay malalaman ng buong mundo na kayo, O Dios, ang naghahari sa Israel.
14 Bumabalik ang mga kaaway ko kapag gabi at tumatahol
gaya ng aso habang naglilibot sila sa bayan.
15 Naglilibot sila para humanap ng pagkain at umaalulong kapag hindi nabusog.
16 Ngunit ako ay aawit tungkol sa inyong kapangyarihan.
Tuwing umaga aawit ako nang may kagalakan tungkol sa inyong pag-ibig.
Sapagkat kayo ang aking kanlungan sa oras ng kagipitan.
17 O Dios, kayo ang aking kalakasan.
Aawit ako ng mga papuri sa inyo,
dahil kayo ang aking kanlungan at Dios na sa akin ay nagmamahal.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®