Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
2 Samuel 1-4

Nalaman ni David ang Pagkamatay ni Saul

Bumalik sina David sa Ziklag pagkatapos nilang matalo ang mga Amalekita. Patay na noon si Saul. Nanatili sila ng dalawang araw sa Ziklag. Nang ikatlong araw, may dumating na tao sa Ziklag mula sa kampo ni Saul; punit ang damit niya at may alikabok ang ulo bilang pagluluksa. Lumapit siya kay David at yumukod bilang paggalang sa kanya. Tinanong siya ni David, “Saan ka nanggaling?” Sumagot siya, “Nakatakas po ako mula sa kampo ng mga Israelita.” Nagtanong si David, “Bakit, ano ang nangyari? Sabihin mo sa akin.” Sinabi niya, “Tumakas po ang mga sundalo ng Israel sa labanan. Maraming napatay sa kanila pati na po si Saul at ang anak niyang si Jonatan.” Nagtanong si David sa binata, “Paano mo nalamang patay na sina Saul at Jonatan?” Ikinuwento ng binata ang nangyari, “Nagkataon na nandoon po ako sa Bundok ng Gilboa, at nakita ko roon si Saul na nakasandal sa sibat niya. Palapit na po sa kanya ang mga kalaban na nakasakay sa mga karwahe at kabayo. Nang lumingon siya, nakita niya ako at tinawag niya ako. Sumagot ako, ‘Ano po ang maitutulong ko?’ Tinanong niya kung sino ako. Sumagot ako na isa akong Amalekita. Pagkatapos, nakiusap siya sa akin, ‘Lumapit ka rito at patayin mo ako, tapusin mo na ang paghihirap ko. Gusto ko nang mamatay dahil hirap na ako sa kalagayan ko.’ 10 Kaya nilapitan ko siya at pinatay dahil alam kong hindi na rin siya mabubuhay sa grabeng sugat na natamo niya. Pagkatapos, kinuha ko po ang korona sa ulo niya at pulseras sa kamay niya, at dinala ko po rito sa inyo.”

11 Nang marinig ito ni David at ng mga tauhan niya, pinunit nila ang kanilang mga damit bilang pagluluksa. 12 Umiyak at nag-ayuno sila hanggang gabi para kay Saul at sa anak nitong si Jonatan, at para sa mga mamamayan ng Panginoon, ang bayan ng Israel, dahil marami ang namatay sa digmaan. 13 Tinanong pa ni David ang binatang nagbalita sa kanya, “Taga-saan ka?” Sumagot siya, “Isa po akong dayuhang Amalekita na nakatira sa lupain ninyo.” 14 Nagtanong si David, “Bakit hindi ka man lang natakot na patayin ang piniling hari ng Panginoon?” 15 Pagkatapos, tinawag ni David ang isa sa mga tauhan niya at inutusan, “Patayin mo ang taong ito!” Pinatay nga ng tauhan niya ang tao. 16 Sinabi ni David, “Ikaw ang dapat sisihin sa kamatayan mo. Ikaw na mismo ang tumestigo laban sa sarili mo nang sabihin mong pinatay mo ang piniling hari ng Panginoon.”

Ang Awit ng Kalungkutan ni David para kina Saul at Jonatan

17 Gumawa si David ng isang awit para kay Saul at sa anak nitong si Jonatan, 18 at iniutos niyang ituro ito sa mga mamamayan ng Juda. Tinawag itong Awit Tungkol sa Pana at nakasulat ito sa Aklat ni Jashar. Ito ang panaghoy niya:

19 “O Israel, ang mga dakilang mandirigma moʼy namatay sa kabundukan mismo ng Israel.
Napatay din ang mga magigiting mong sundalo.
20 Huwag itong ipaalam sa Gat, o sa mga lansangan ng Ashkelon,
baka ikagalak ito ng mga babaeng Filisteo na hindi nakakakilala sa Dios.
21 O Bundok ng Gilboa, wala sanang ulan o hamog na dumating sa iyo.
Wala sanang tumubong pananim sa iyong bukirin upang ihandog sa Dios.[a]
Sapagkat diyan nadungisan ng mga kaaway ang pananggalang ng magiting na si Haring Saul.
At wala nang magpapahid dito ng langis upang itoʼy linisin at pakintabin.
22 Sa pamamagitan ng espada ni Saul at pana ni Jonatan, maraming magigiting na kalaban ang kanilang napatay.
23 Minahal at kinagiliwan ng mga Israelita sina Saul at Jonatan.
Magkasama sila sa buhay at kamatayan.
Sa digmaan, mas mabilis pa sila sa agila at mas malakas pa sa leon.
24 Mga babae ng Israel, magdalamhati kayo para kay Saul.
Dahil sa kanyaʼy nakapagsuot kayo ng mga mamahaling damit at alahas na ginto.
25 Ang magigiting na sundalo ng Israel ay napatay sa labanan.
Pinatay din si Jonatan sa inyong kabundukan.
26 Nagdadalamhati ako sa iyo, Jonatan kapatid ko!
Mahal na mahal kita; ang pagmamahal mo sa akin ay mas higit pa sa pagmamahal ng mga babae.
27 Nangabuwal ang magigiting na sundalo ng Israel.
Ang kanilang mga sandataʼy nangawala.”

Ginawang Hari ng Juda si David

Pagkatapos nito, nagtanong si David sa Panginoon, “Pupunta po ba ako sa isa sa mga bayan ng Juda?” Sumagot ang Panginoon, “Pumunta ka.” Muling nagtanong si David, “Saan po roon?” Sumagot ang Panginoon, “Sa Hebron.” Kaya pumunta roon si David kasama ang dalawa niyang asawang sina Ahinoam na taga-Jezreel at Abigail na biyuda ni Nabal na taga-Carmel. Isinama rin ni David ang mga tauhan niya at mga pamilya nila, at doon sila tumira sa Hebron at sa mga lugar sa paligid nito. Di nagtagal, pumunta ang mga pinuno ng Juda sa Hebron, at pinahiran ng langis ang ulo ni David bilang pagkilala na siya na ang hari ng Juda.

Nang mabalitaan ni David na ang mga taga-Jabes Gilead ang naglibing kay Saul, nagpadala siya ng mga mensahero na nagsabi, “Pagpalain sana kayo ng Panginoon sa ipinakita nʼyong kabutihan kay Saul na hari ninyo sa pamamagitan ng paglilibing sa kanya. Ipakita sana ng Panginoon ang pagmamahal at katapatan niya sa inyo, at ipapakita ko rin sa inyo ang kabutihan ko dahil sa ginawa ninyo. At ngayon, magpakatatag kayo at lakasan nʼyo ang loob nʼyo kahit patay na ang hari[b] ninyong si Saul. Ako naman ay pinili ng mga taga-Juda bilang kanilang hari.”

Ang Alitan sa Pagitan ng Pamilya nina David at Saul

Ngayon, ang kumander ng mga sundalo ni Saul, na si Abner na anak ni Ner ay pumunta sa Mahanaim kasama si Ishboshet na anak ni Saul. Doon, hinirang niyang hari ng buong Israel si Ishboshet, kasama na rito ang mga lugar ng Gilead, Ashuri, Jezreel, Efraim at Benjamin. 10 Si Ishboshet ay 40 taong gulang nang maging hari ng Israel, at naghari siya sa loob ng dalawang taon. Si David naman ang kinikilalang hari ng mga taga-Juda, 11 at naghari siya sa Juda sa loob ng pitong taon at anim na buwan. Doon siya nanirahan sa Hebron.

12 Isang araw, nagpunta si Abner sa Gibeon mula sa Mahanaim kasama ang mga tauhan ni Ishboshet. 13 Sinalubong sila ni Joab na anak ni Zeruya, kasama ng iba pang mga tauhan ni David doon sa Imbakan ng Tubig sa Gibeon. Umupo ang grupo ni Abner sa kabilang panig ng Imbakan ng Tubig at ang grupo naman ni Joab ay naupo rin sa kabilang panig. 14 Sinabi ni Abner kay Joab, “Paglabanin natin sa ating harapan ang ilan sa mahuhusay nating sundalo.” Pumayag si Joab, 15 at tumayo ang 12 tauhan ni Ishboshet na mula sa lahi ni Benjamin para makipaglaban sa 12 tauhan ni David. 16 Hinawakan nila ang ulo ng isaʼt isa at nagsaksakan hanggang sa mamatay silang lahat. Kaya tinawag na Helkat Hazurim[c] ang lugar na iyon sa Gibeon. 17 At nagkaroon ng matinding labanan sa pagitan ng dalawang grupo. At nang araw na iyon, natalo si Abner at ang mga tauhan ng Israel laban sa mga tauhan ni David.

18-19 Kasama sa labanan ang tatlong anak ni Zeruya na sina Joab, Abishai at Asahel. Mabilis tumakbo si Asahel gaya ng usa, at hinabol niya si Abner nang walang lingon-lingon. 20 Nang lumingon si Abner, nakita niya ito at tinanong, “Ikaw ba iyan, Asahel?” Sumagot si Asahel, “Ako nga.” 21 Pagkatapos, sinabi ni Abner sa kanya, “Huwag mo na akong habulin, iyong isa na lang sa mga kasama ko ang habulin mo at kunin mo ang kagamitan niya.” Pero hindi tumigil si Asahel sa paghabol sa kanya.

22 Muling sinabi ni Abner kay Asahel, “Tumigil ka sa paghabol sa akin! Huwag mo akong piliting patayin ka. Wala na akong mukhang maihaharap sa kapatid mong si Joab kung papatayin kita.” 23 Pero hindi tumigil si Asahel sa paghabol sa kanya, kaya tinusok niya ito ng dulo ng sibat, at tumagos ito hanggang sa likod. Bumagsak siya sa lupa at tuluyang namatay. Napahinto ang lahat ng dumadaan sa lugar na kinamatayan ni Asahel.

24 Nang malaman nina Joab at Abishai ang nangyari, hinabol nila si Abner. Papalubog na ang araw nang makarating sila sa burol ng Amma malapit sa Gia, sa daang papunta sa ilang ng Gibeon. 25 Nagtipon kay Abner sa itaas ng burol ang mga sundalo mula sa lahi ni Benjamin para maghanda sa pakikipaglaban. 26 Sinigawan ni Abner si Joab, “Itigil na natin ang patayang ito! Hindi mo ba naunawaan na sama lang ng loob ang ibubunga nito? Kailan mo patitigilin ang mga tauhan mo sa paghabol sa aming mga kadugo nʼyo?”

27 Sumagot si Joab, “Tinitiyak ko sa iyo, sa harap ng presensya ng Dios na buhay, na kung hindi mo iyan sinabi patuloy kayong hahabulin ng mga tauhan ko hanggang umaga.” 28 Kaya pinatunog ni Joab ang trumpeta, at ang lahat niyang tauhan ay tumigil sa pagtugis sa mga Israelita. At tumigil ang labanan. 29 Buong gabing naglakad si Abner at ang mga tauhan niya sa Lambak ng Jordan.[d] Tumawid sila sa Ilog ng Jordan at nagpatuloy sa paglalakad buong umaga hanggang sa makarating sila sa Mahanaim.

30 Nang huminto si Joab sa paghabol kay Abner, siya at ang mga tauhan niya ay umuwi na rin. Nang tipunin ni Joab ang mga tauhan niya, nalaman niyang bukod kay Asahel, 19 ang napatay sa kanila. 31 Pero 360 ang napatay nila sa mga tauhan ni Abner, at ang lahat ng iyon ay mula sa lahi ni Benjamin. 32 Kinuha nina Joab ang bangkay ni Asahel at inilibing sa libingan ng kanyang ama sa Betlehem. Pagkatapos, buong gabi silang naglakad, at kinaumagahan, nakarating sila sa Hebron.

Iyon ang simula ng mahabang labanan sa pagitan ng mga matatapat na tauhan ni Saul at ni David. Lumakas nang lumakas ang grupo ni David. Pero ang kay Saul naman ay humina nang humina.

Ito ang mga anak na lalaki ni David na isinilang sa Hebron: Si Amnon ang panganay, na anak niya kay Ahinoam na taga-Jezreel. Si Kileab ang pangalawa, na anak niya kay Abigail, ang biyuda ni Nabal na taga-Carmel. Si Absalom ang pangatlo, na anak niya kay Maaca, ang anak ni Haring Talmai ng Geshur. Si Adonia ang pang-apat, na anak niya kay Hagit. Si Shefatia ang panglima, na anak niya kay Abital. Si Itream ang pang-anim, na anak niya kay Egla. Sila ang mga anak ni David na isinilang sa Hebron.

Kumampi si Abner kay David

Habang patuloy ang labanan sa pagitan ng mga tauhan ni Saul at ni David, naging makapangyarihang pinuno si Abner sa mga tauhan ni Saul. Isang araw, inakusahan ni Ishboshet si Abner, “Bakit mo sinipingan ang isa sa mga asawa ng ama kong si Saul?” Ang tinutukoy ni Ishboshet ay si Rizpa na anak ni Aya. Nagalit si Abner sa sinabi ni Ishboshet, kaya sumagot siya, “Iniisip mo bang pinagtaksilan ko ang iyong ama, at kumakampi ako sa Juda? Mula pa noon, matapat na ako sa iyong ama, sa pamilya niya at mga kaibigan, at hindi kita ibinigay kay David. Pero ngayon, inaakusahan mo akong nagkasala dahil sa isang babae! Kung ganyan din lang, mabuti pang tulungan ko na lang si David na matupad ang ipinangako ng Panginoon sa kanya, at parusahan sana ako nang matindi ng Dios kapag hindi ko siya tinulungan. 10 Ipinangako ng Panginoon na hindi na niya paghahariin ang sinumang kalahi ni Saul kundi si David ang paghahariin niya sa Israel at Juda, mula Dan hanggang sa Beersheba.”[e] 11 Hindi na nangahas pang magsalita si Ishboshet dahil natatakot siya kay Abner.

12 Pagkatapos, nagsugo si Abner ng mga mensahero kay David na sinasabi, “Kayo ang dapat na maghari sa buong lupain ng Israel. Gumawa po tayo ng kasunduan at tutulungan ko kayong masakop ang buong bayan ng Israel.” 13 Sumagot si David, “Sige, pumapayag akong makipagkasundo sa isang kundisyon: Ibalik ninyo sa akin ang asawa kong si Mical na anak ni Saul sa pagpunta ninyo rito.”

14 Pagkatapos, nagsugo si David ng mga mensahero kay Ishboshet para sabihin, “Ibalik mo sa akin ang asawa kong si Mical, dahil ipinagkasundo kaming ipakasal kapalit ng 100 buhay at balat ng pinagtulian ng mga Filisteo.” 15 Kaya ipinag-utos ni Ishboshet na bawiin si Mical sa asawa nitong si Paltiel na anak ni Laish. 16 Umiiyak na sumunod si Paltiel kay Mical hanggang sa Bahurim. Sinabihan siya ni Abner na umuwi na, at umuwi nga ito.

17 Nakipag-usap si Abner sa mga tagapamahala ng Israel. Sinabi niya, “Matagal nʼyo ng gustong maging hari si David. 18 Ito na ang pagkakataon nʼyo, dahil nangako ang Panginoon sa lingkod niyang si David na sa pamamagitan niya, ililigtas niya ang mga mamamayan niyang Israelita sa kamay ng mga Filisteo at sa lahat ng kalaban nito.”

19 Nakipag-usap din si Abner sa lahi ni Benjamin. At pumunta siya sa Hebron para sabihin kay David na sinusuportahan ng mga mamamayan ng Israel at Benjamin ang pagiging hari niya sa kanila.

20 Nang dumating si Abner sa Hebron kasama ang 20 niyang tauhan, nagdaos si David ng pagdiriwang para sa kanila. 21 Sinabi ni Abner kay David, “Mahal na Hari, payagan nʼyo po akong umalis para kumbinsihin ang lahat na mamamayan ng Israel na suportahan kayo bilang hari. Sa ganitong paraan, makikipagkasundo sila inyo na tatanggapin nila kayo bilang hari. Pagkatapos, makakapamuno na po kayo sa buong Israel, sa paraang gusto ninyo.” At hinayaan ni David si Abner na umalis ng matiwasay.

Pinatay ni Joab si Abner

22 Dumating si Joab at ang ibang tauhan ni David sa Hebron mula sa pagsalakay, at marami silang dalang samsam mula sa labanan. Pero wala na roon si Abner dahil pinaalis na siya ni David ng matiwasay. 23 Nang mabalitaan ni Joab na pumunta si Abner sa hari at pinaalis ng matiwasay, 24 pumunta si Joab sa hari at sinabi, “Ano po ang ginawa nʼyo? Pumunta na sa inyo si Abner, bakit pinaalis pa ninyo? Ngayon, wala na siya! 25 Kilala nʼyo naman si Abner na anak ni Ner, pumunta siya rito para dayain at obserbahan ang bawat kilos ninyo.” 26 Iniwan agad ni Joab si David, at nag-utos siyang habulin si Abner. Inabutan nila ito sa balon ng Sira at dinala pabalik sa Hebron. Pero hindi ito alam ni David. 27 Nang naroon na si Abner sa Hebron, dinala siya ni Joab sa may pintuan ng lungsod at kunwariʼy kakausapin niya ito nang silang dalawa lang. At doon sinaksak ni Joab si Abner sa tiyan bilang paghihiganti sa pagpatay ni Abner sa kapatid niyang si Asahel. At namatay si Abner.

28 Nang mabalitaan ito ni David, sinabi niya, “Alam ng Panginoon na inosente ako at ang mga tauhan ko sa pagkamatay ni Abner na anak ni Ner. 29 Si Joab at ang pamilya niya ang may pananagutan dito. Sumpain nawa ang pamilya niya at huwag mawalan ng may sakit na tulo, malubhang sakit sa balat,[f] pilay, mamamatay sa labanan, at namamalimos.” 30 (Kaya pinatay ni Joab at ng kapatid niyang si Abishai si Abner dahil pinatay nito ang kapatid nilang si Asahel sa labanan doon sa Gibeon.)

31 Pagkatapos, sinabi ni David kay Joab at sa lahat ng kasama niya, “Punitin ninyo ang inyong mga damit at magsuot kayo ng sako. Magluksa kayo habang naglalakad sa unahan ng bangkay ni Abner sa paglilibing sa kanya.” Nakipaglibing din si Haring David na sumusunod sa bangkay. 32 Inilibing si Abner sa Hebron, at labis ang pag-iyak ni Haring David doon sa pinaglibingan. Ganoon din ang lahat ng tao na nakipaglibing. 33 Inawit ni Haring David ang awit ng kalungkutan para kay Abner:

“Bakit namatay si Abner na gaya ng isang kriminal?
34 Hindi iginapos ang mga kamay niya ni ikinadena ang mga paa niya, pero pinatay siya ng masasamang tao.”

Muling iniyakan ng mga tao si Abner. 35 Nang araw na iyon, hindi kumain si David, kaya pinilit siya ng mga tao na kumain. Pero nanumpa si David, “Parusahan sana ako nang matindi ng Dios kapag kumain ako ng anuman bago lumubog ang araw.” 36 Natuwa ang mga tao sa mga sinabi ni David. Pati na rin ang lahat ng ginagawa ni David ay kanilang ikinatuwa. 37 Kaya nalaman ng lahat ng mamamayan ng Israel na walang kinalaman si Haring David sa pagkamatay ni Abner.

38 Pagkatapos, sinabi ni David sa mga tauhan niya, “Hindi nʼyo ba naiisip na napatay ang isang makapangyarihang pinuno ng Israel sa araw na ito? 39 At kahit ako ang piniling hari ngayon, hindi ko kaya sina Joab at Abishai na mga anak ni Zeruya. Mas malakas sila sa akin. Kaya ang Panginoon na lang ang maghihiganti sa masasamang taong ito dahil sa kasamaang ginawa nila.”

Pinatay si Ishboshet

Nang marinig ni Ishboshet na anak ni Saul, na pinatay si Abner sa Hebron, pinagharian siya ng matinding takot pati na ang lahat ng mamamayan ng Israel. May dalawang tauhan si Ishboshet na namumuno sa pagsalakay sa mga lungsod ng mga kalaban: sina Baana at Recab. Mga anak sila ni Rimon na taga-Beerot, mula sa lahi ni Benjamin. Ang Beerot ay sakop ngayon ng Benjamin dahil tumakas ang mga unang naninirahan dito papuntang Gittaim. Hanggang ngayon, naninirahan pa rin sila roon bilang mga dayuhan.

(Ang isa pang anak ni Saul na si Jonatan ay may anak na nalumpo, si Mefiboset. Limang taong gulang ito nang dumating ang balitang napatay sina Saul at Jonatan sa labanan sa Jezreel. Nang marinig ng tagapag-alaga ni Mefiboset ang balita, binuhat niya ito at tumakas. Pero dahil sa pagmamadali, nabitawan niya ang bata at nalumpo.)

Isang araw, nagpunta sa bahay ni Ishboshet sina Recab at Baana na mga anak ni Rimon na taga-Beerot. Tanghaling-tapat nang dumating sila habang nagpapahinga si Ishboshet. 6-7 Pumasok sila sa bahay na kunwariʼy kukuha ng trigo. Dumiretso sila sa kwarto ni Ishboshet kung saan nakahiga ito sa kama niya at pagkatapos, sinaksak nila ito sa tiyan. Pinutol nila ang ulo ni Ishboshet at dinala nila ito sa kanilang pagtakas. Buong gabi silang naglakbay sa Lambak ng Jordan.[g]

Pagdating nila sa Hebron, dinala nila kay David ang ulo ni Ishboshet at sinabi, “Narito po ang ulo ni Ishboshet ang anak ni Saul na kalaban nʼyo, na nagtangka sa inyong buhay. Sa araw na ito, ipinaghiganti kayo ng Panginoon laban kay Saul at sa angkan niya.” Sumagot si David, “Sasabihin ko sa inyo ang totoo sa presensya ng Panginoon na buhay, na nagligtas sa akin sa lahat ng kapahamakan. 10 Noon ay may taong pumunta sa akin sa Ziklag at sinabing patay na si Saul, akala niyaʼy magandang balita ang dala niya sa akin. Sa halip, ipinadakip ko siya at ipinapatay. Iyon ang gantimpalang ibinigay ko sa balitang inihatid niya sa akin. 11 Ngayon, anong gantimpala ang ibibigay ko sa masasamang taong gaya nʼyo na pumatay ng isang inosenteng tao sa sarili nitong tahanan at sa sarili niyang higaan? Hindi baʼt nararapat na patayin ko kayo para mawala na kayo sa mundo?”

12 Kaya iniutos ni David sa mga tauhan niya na patayin sina Recab at Baana, at sinunod nila ito. Pinutol nila ang mga kamay at paa ng magkapatid, at ibinitin ang kanilang katawan malapit sa Imbakan ng Tubig ng Hebron. Pagkatapos, kinuha nila ang ulo ni Ishboshet, at inilibing sa libingan ni Abner sa Hebron.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®