Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Bilang 14-15

Nagrebelde ang mga Israelita

14 Nang gabing iyon, humagulgol ang lahat ng mamamayan. Nagreklamo sila kina Moises at Aaron. Sinabi nila, “Mabuti pang namatay na lang tayo sa Egipto o rito sa disyerto. Bakit pa ba tayo dadalhin ng Panginoon sa lupaing iyon? Para lang ba mamatay tayo sa labanan at bihagin ang ating mga asawaʼt anak? Mabuti pa sigurong bumalik na lang tayo sa Egipto.” At nag-usap-usap sila, “Pumili tayo ng pinuno at bumalik sa Egipto!”

Pagkatapos, nagpatirapa sina Moises at Aaron sa harapan ng lahat ng mamamayan ng Israel na nagkakatipon doon. Pinunit ni Josue na anak ni Nun at ni Caleb na anak ni Jefune ang kanilang mga damit sa kalungkutan. Ang dalawang ito ay kasama sa pag-espiya sa lupain. Sinabi nila sa mga mamamayan ng Israel, “Napakabuti ng lupaing aming pinuntahan. Kung nalulugod ang Panginoon sa atin, gagabayan niya tayo papunta sa lupang iyon – ang maganda at masaganang lupain,[a] at ibibigay niya ito sa atin. Huwag lang kayong magrerebelde sa Panginoon. At huwag kayong matatakot sa mga tao roon dahil matatalo natin sila. Walang tutulong sa kanila, pero ang Panginoon ang tutulong sa atin. Kaya huwag kayong matakot sa kanila.”

10 Babatuhin sana sila ng buong kapulungan, pero biglang nagpakita sa kanila ang makapangyarihang presensya ng Panginoon sa ibabaw ng Toldang Tipanan. 11 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Hanggang kailan pa ba ako itatakwil ng mga taong ito? Hanggang kailan pa ba sila hindi maniniwala sa akin sa kabila ng lahat ng mga himalang ginawa ko sa kanila? 12 Padadalhan ko sila ng salot at papatayin ko sila, pero gagawin kitang isang bansa na mas makapangyarihan at matatag kaysa sa kanila.” 13 Sinabi ni Moises sa Panginoon, “Ano na lang po ang sasabihin ng mga Egipcio kung mababalitaan nila ito? Hindi baʼt nalalaman nila na kinuha ninyo ang mga Israelita sa kanila sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan? 14 Kapag pinatay po ninyo ang inyong mamamayan, sasabihin nila ito sa mga naninirahan sa Canaan. Narinig ng mga Cananeo na kayo, Panginoon ay sumasama sa mga Israelita, at nagpapakita sa kanila sa pamamagitan ng ulap na gumagabay sa kanila. Pinangungunahan nʼyo sila kapag gabi sa pamamagitan ng apoy na parang haligi, at kapag araw sa pamamagitan ng ulap na parang haligi rin. 15 Ngayon, kapag pinatay po ninyong lahat ang inyong mamamayan, sasabihin ng mga bansang nakarinig ng inyong katanyagan, 16 ‘Hindi kayang dalhin ng Panginoon ang mga Israelita sa lupaing ipinangako niya sa kanila, kaya pinatay na lang niya sila sa disyerto.’

17 “Kaya ngayon, O Panginoon, sana po ay ipakita ninyo ang inyong kapangyarihan ayon sa inyong sinabi na mapagmahal kayo 18 at hindi madaling magalit, at mapagpatawad sa mga kasalanan ng tao. Pero pinarurusahan po ninyo ang mga nagkakasala, hanggang sa ikatlo at ikaapat na henerasyon. 19 Ayon sa inyong dakilang pagmamahal, patawarin po ninyo ang mga kasalanan ng mga taong ito, gaya ng pagpapatawad ninyo sa kanila mula nang lumabas sila sa Egipto.”

20 Sumagot ang Panginoon, “Patatawarin ko sila ayon sa iyong hiniling. 21 Ngunit sumusumpa ako, ang Panginoong nabubuhay, habang ang buong mundo ay napupuno ng aking dakilang presensya, 22-23 walang sinuman sa kanila ang makakapasok sa lupaing ipinangako ko sa kanilang mga ninuno. Dahil kahit nakita nila ang aking makapangyarihang presensya at ang mga himala na ginawa ko sa Egipto at sa disyerto, palagi pa rin nila akong sinusubok at hindi sila sumusunod sa akin. Kaya hindi makakapasok sa lupaing iyon ang mga nagtatakwil sa akin. 24 Ngunit papapasukin ko sa lupain na kanyang tiningnan si Caleb na aking lingkod, dahil iba ang kanyang pag-uugali sa iba at sumusunod siya sa akin nang buong puso niya. Maninirahan ang kanyang mga angkan sa lupaing iyon. 25 Huwag muna kayong dumiretso dahil may mga Cananeo at mga Amalekita na naninirahan sa mga lambak, kundi magbalik kayo bukas sa disyerto, sa daang papunta sa Dagat na Pula.” 26 Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, 27 “Hanggang kailan pa ba ang pagrereklamo sa akin ng masasamang mamamayang ito? Narinig ko ang mga reklamo ng mga Israelita. 28 Kaya sabihin mo ito sa kanila: Ako, ang Panginoon na buhay, ay sumusumpa na gagawin ko sa inyo ang inyong hinihiling. 29 Mamamatay kayo rito sa disyerto. Dahil nagreklamo kayo sa akin, walang kahit isa sa inyo na may edad na 20 taong gulang pataas 30 ang makakapasok sa lupaing ipinangako ko na ibibigay sa inyo na inyong titirhan, maliban lang kay Caleb na anak ni Jefune at kay Josue na anak ni Nun. 31 Tungkol naman sa inyong mga anak na sinabi ninyong bibihagin, dadalhin ko sila sa lupain na inyong itinakwil at magiging kanila ito. 32 Ngunit mamamatay kayo sa disyerto. 33 Ang inyong mga anak ay magiging tulad ng mga tagapagbantay ng tupa na palibot-libot sa disyerto sa loob ng 40 taon. Sa pamamagitan nito, magdurusa sila dahil sa inyong pagtataksil sa akin hanggang sa mamatay kayong lahat. 34 Dahil ang mga espiya sa lupain ay tumira roon ng 40 araw, magdurusa rin kayo ng 40 taon dahil sa inyong kasalanan, para malaman ninyo kung paano ako magalit sa mga kumakalaban sa akin. 35 Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito at siguradong gagawin ko ang mga bagay na ito sa masasamang mamamayang ito na nagkaisang kumalaban sa akin. Mamamatay silang lahat sa disyerto.”

36-37 Ang mga taong inutusan ni Moises para sa pag-espiya, na nagbalita ng masama tungkol sa lupain na siyang naging dahilan ng pagrereklamo ng mga Israelita ay namatay sa karamdaman sa presensya ng Panginoon. 38 Sa 12 espiya, si Josue na anak ni Nun at si Caleb na anak ni Jefune lang ang hindi namatay.

Natalo ang mga Israelita sa Kanilang Pagsalakay sa Canaan(A)

39 Nang sinabi ito ni Moises sa lahat ng mga Israelita, nagluksa sila. 40 At kinabukasan, maaga silang bumangon para umakyat sa kabundukan ng Canaan. Sinabi nila, “Napag-isip-isip namin na nagkasala kami, at ngayoʼy handa na kami sa pagpunta sa lugar na ipinangako ng Panginoon.”

41 Pero sinabi ni Moises, “Bakit sinuway ninyo ang utos ng Panginoon na magbalik kayo sa disyerto? Hindi kayo magtatagumpay! 42 Huwag kayong lalakad, dahil hindi kayo sasamahan ng Panginoon, at matatalo lang kayo ng inyong mga kaaway. 43 Sa oras na makipaglaban sa inyo ang mga Cananeo at mga Amalekita, mamamatay kayo; hindi sasama ang Panginoon dahil siyaʼy itinakwil ninyo.” 44 Pero naglakbay sila sa kabundukan ng Canaan kahit hindi sumama sa kanila si Moises at ang Kahon ng Kasunduan. 45 Pagkatapos, sinalakay sila ng mga Amalekita at ng mga Cananeo na naninirahan doon sa kabundukan, at natalo sila, at hinabol pa sila hanggang sa Horma.

Mga Tuntunin Tungkol sa mga Handog

15 Inutusan ng Panginoon si Moises na sabihin ito sa mga Israelita: “Kapag dumating na kayo sa lupain na ibibigay ko sa inyo na inyong titirhan, maghandog kayo sa akin mula sa inyong mga hayop bilang mga handog sa pamamagitan ng apoy[b]. Maghandog din kayo ng mga handog sa pagtupad ng isang panata o mga handog na kusang-loob o mga handog sa panahon ng mga pista. Ang mabangong samyo ng mga handog na sinusunog na ito ay makalulugod sa akin. 4-5 Ang maghahandog ng batang tupa bilang handog na sinusunog para sa akin ay maghandog din ng handog para sa pagpaparangal sa akin ng mga dalawang kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng isang litrong langis. At sasamahan pa ito ng handog na inumin na isang litrong katas ng ubas. Kung matandang tupa ang ihahandog, sasamahan ito ng handog para sa pagpaparangal sa akin ng mga apat na kilo ng magandang klaseng harina, na hinaluan ng isaʼt kalahating litro ng langis. At sasamahan pa ito ng handog na inumin na isaʼt kalahating litrong katas ng ubas. Ang mabangong samyo ng handog na itoʼy makalulugod sa akin.

“Ang maghahandog ng batang toro bilang handog na sinusunog o handog sa pagtupad ng isang panata, o handog para sa mabuting relasyon, ay kailangang maghandog din ng handog para sa pagpaparangal sa akin ng mga anim na kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng dalawang litrong langis. 10 At sasamahan pa ito ng mga handog na inumin na dalawang litrong katas ng ubas. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa akin. 11 Ito ang inyong gagawin kapag maghahandog kayo ng isang toro o matandang lalaking tupa o kambing. 12 Gawin ninyo ito sa bawat hayop na inyong ihahandog.

13 “Ang lahat ng katutubong Israelita na mag-aalay ng mga handog sa pamamagitan ng apoy bilang mabangong handog na makalulugod sa akin ay dapat sumunod sa mga tuntuning ito. 14 Kung sa susunod pang mga henerasyon ay may mga dayuhang maninirahang kasama ninyo, panandalian man o permanente, at gustong mag-alay ng mga handog sa pamamagitan ng apoy bilang mabangong handog na makalulugod sa akin, dapat ay susundin din nila ang mga nabanggit na tuntunin. 15 Kayong mga Israelita at ang mga dayuhan na naninirahang kasama ninyo ay pareho lang sa harapan ko at parehong kautusan lang ang tutuparin ninyo. Dapat ninyong sundin ang mga tuntuning ito at ng inyong lahi hanggang sa susunod pang mga henerasyon. 16 Pareho lang ang mga utos at mga tuntunin ang susundin ninyo at ng mga dayuhan na naninirahang kasama ninyo.”

17 Inutusan pa ng Panginoon si Moises 18 na sabihin sa mga Israelita: “Kapag dumating na kayo sa lupain na ibibigay sa inyo, 19 makakakain kayo ng bunga ng lupaing ito. Pero dapat ibukod ang iba nito para ihandog sa akin. 20 Maghandog kayo ng tinapay galing sa harina na una ninyong giniling, katulad ng inyong ginawa sa unang ani ng inyong trigo mula sa giikan. 21 Ang handog na ito mula sa harina na una ninyong giniling ay ihahandog ninyo sa akin hanggang sa susunod pang mga henerasyon.

22 “Kung ang ilan sa inyo ay nasuway ang isa sa mga utos na ibinigay ko kay Moises nang hindi sinasadya, 23 (ang mga utos na ibinigay ko sa inyo sa pamamagitan ni Moises, dapat nʼyong sundin mula sa araw na ibinigay ko ito hanggang sa susunod pang mga henerasyon) 24 kung hindi nga sinasadya ang paggawa nito, at hindi rin alam ng buong kapulungan na pagsuway pala ito, ang buong kapulungan ang maghahandog ng isang batang toro bilang handog na sinusunog sa panahon na nalaman ninyo ang inyong pagsuway. Ang mabangong samyo ng handog na itoʼy makalulugod sa Panginoon. Isama rin ninyo ang mga kinakailangang mga handog para sa pagpaparangal sa akin at mga handog na inumin at isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis. 25 Ihahandog ito ng pari para matubos ang buong mamamayan ng Israel sa kanilang kasalanan. Patatawarin ko sila dahil hindi naman ito sinasadya, at maghahandog din sila sa akin ng mga handog sa pamamagitan ng apoy at ng handog sa paglilinis. 26 Patatawarin ko ang buong mamamayan ng Israel, pati ang mga dayuhan na naninirahan kasama nila, dahil sangkot ang lahat sa kasalanang iyon na hindi sinasadya.

27 “Pero kung isang tao lang ang nagkasala nang hindi sinasadya, magdadala siya ng isang babaeng kambing na isang taong gulang, bilang handog sa paglilinis. 28 Ihahandog ito ng pari sa aking presensya para matubos ang taong iyon sa kanyang kasalanang hindi sinasadya, at pagkatapos, patatawarin ko siya. 29 Iisa lang ang tuntunin para sa lahat ng nagkasala nang hindi sinasadya, katutubong Israelita man o dayuhan na naninirahan kasama ninyo.

30 “Pero, ang sinumang nagkasala nang sinadya, katutubo na Israelita man o hindi, na lumapastangan sa Panginoon, kailangang huwag na ninyong ituring na kababayan. 31 Dahil sa itinakwil niya ang salita ng Panginoon at sinuway niya ang utos nito. Huwag na siyang ituturing na kabilang sa inyo. Mananagot siya sa kanyang mga kasalanan.”

Ang Parusa sa Hindi Pagsunod sa Araw ng Pamamahinga

32 Habang naroon sa ilang ang mga Israelita, may nakita silang tao na nangangahoy sa Araw ng Pamamahinga. 33 Dinala siya ng mga tao na nakakita sa kanya kina Moises at Aaron, at sa buong kapulungan. 34 Ikinulong nila siya, dahil hindi sila nakasisiguro kung ano ang dapat gawin sa kanya. 35 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Kailangang patayin ang taong iyan, babatuhin siya ng buong kapulungan sa labas ng kampo.” 36 Kaya dinala siya ng mga tao sa labas ng kampo at pinagbabato hanggang sa mamatay, ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

37 Inutusan pa ng Panginoon si Moises 38 na sabihin ito sa mga Israelita: “Gumawa kayo ng mga palawit sa laylayan ng inyong mga damit at lagyan ninyo ito ng taling kulay asul. Kailangang sundin ninyo ito hanggang sa susunod pang mga henerasyon. 39 Ang mga palawit na ito ang magpapaalala sa inyo ng lahat kong mga utos para sundin ninyo ito at hindi ang inyong kagustuhan lang ang inyong gawin. 40 Sa pamamagitan ng mga palawit na ito, maaalala ninyo ang pagtupad sa aking kasunduan, at magiging akin kayo. 41 Ako ang Panginoon na inyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto para maging inyong Dios. Ako ang Panginoon na inyong Dios.”

Salmo 90

Ang Dios at ang Tao

90 Panginoon, kayo ang aming tahanan mula pa noon.
Bago nʼyo pa likhain ang mga bundok at ang mundo, kayo ay Dios na,
    at kayo pa rin ang Dios hanggang sa katapusan.
Kayo ang nagpapasya kung kailan mamamatay ang isang tao.
    Ibinabalik nʼyo siya sa lupa dahil sa lupa siya nagmula.
Ang 1,000 taon sa amin ay parang isang araw lang na lumipas sa inyo, o parang ilang oras lang sa gabi.
Winawakasan nʼyo ang aming buhay na parang isang panaginip na biglang nawawala,
o para ding damong tumutubo at lumalago sa umaga, ngunit kinahapunaʼy natutuyo at nalalanta.
Dahil sa inyong galit kami ay natutupok.
    Sa tindi ng inyong poot kami ay natatakot.
Nakikita nʼyo ang aming mga kasalanan,
    kahit na ang mga kasalanang lihim naming ginawa ay alam ninyo.
Totoong sa galit nʼyo kami ay mamamatay;
    matatapos ang aming buhay sa isang buntong hininga lang.
10 Ang buhay namin ay hanggang 70 taon lang, o kung malakas pa ay aabot ng 80 taon.
    Ngunit kahit ang aming pinakamagandang mga taon ay puno ng paghihirap at kaguluhan.
    Talagang hindi magtatagal ang buhay namin at kami ay mawawala.
11 Walang lubos na nakakaunawa ng inyong matinding galit.
    Matindi nga kayong magalit, kaya nararapat kayong katakutan.
12 Ipaunawa nʼyo sa amin na ang buhay namin ay maiksi lang,
    upang matuto kaming mamuhay nang may karunungan.
13 Panginoon, hanggang kailan kayo magagalit sa amin?
    Dinggin nʼyo kami at kahabagan, kami na inyong mga lingkod.
14 Tuwing umagaʼy ipadama nʼyo sa amin ang inyong tapat na pag-ibig,
    upang umawit kami nang may kagalakan at maging masaya habang nabubuhay.
15 Bigyan nʼyo kami ng kagalakan
    na kasintagal ng panahon na kami ay inyong pinarusahan at pinahirapan.
16 Ipakita nʼyo sa amin na inyong mga lingkod, at sa aming mga salinlahi, ang inyong kapangyarihan at mga dakilang gawa.
17 Panginoon naming Dios, pagpalain nʼyo sana kami at pagtagumpayin ang aming mga gawain.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®