Chronological
Ang mga Handog sa Panginoon
22 Inutusan ng Panginoon si Moises 2 na sabihin ito kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki:
Huwag ninyong lapastanganin ang banal kong pangalan. Igalang ninyo ang mga handog na inihahandog sa akin ng mga Israelita. Ako ang Panginoon.
3 Ang sinumang anak ni Aaron ngayon at sa susunod pang mga henerasyon na hihipo ng handog para sa akin ngunit siyaʼy itinuturing na marumi,[a] ay hindi na makapaglilingkod bilang pari. Ako ang Panginoon.
4-7 Walang sinuman sa inyo ang maaaring kumain ng handog kung siyaʼy may malubhang sakit sa balat,[b] o may sakit na tulo o nakahipo ng anumang bagay na marumi dahil nadikit ito sa patay, o nilabasan ng binhi, o nakahipo ng hayop o tao na itinuturing na marumi. Siyaʼy maaari lamang kumain ng mga handog kung siyaʼy nakapaligo na.[c] Pero maghihintay siya hanggang sa paglubog ng araw at saka pa lang siya makakakain ng mga handog na pagkain niya bilang pari.
8 Hindi kayo dapat kumain ng alin mang karne ng namatay na hayop o pinatay ng kapwa hayop, dahil kapag ginawa ninyo ito, kayoʼy ituturing na marumi. Ako ang Panginoon.
9 Kaya dapat ninyong sundin ang mga iniuutos kong ito sa inyo para hindi kayo magkasala sa akin o mamatay. Ako ang Panginoong nagtalaga sa inyo para sa akin.
10 Kayong mga pari at ang inyong sambahayan lang ang makakakain ng bahagi ng handog na para sa mga pari. Hindi maaaring kumain nito ang inyong mga panauhin o ang inyong mga upahang manggagawa. 11 Pero maaaring kumain ang inyong aliping binili, o ipinanganak sa tahanan ninyo. 12 Hindi rin maaaring kumain nito ang babaeng anak ng pari na nakapag-asawa ng hindi pari. 13 Pero kung siyaʼy nabiyuda o naghiwalay sila ng kanyang asawa at wala silang anak, at muling tumira sa kanyang ama, siyaʼy maaaring kumain ng pagkaing tinatanggap ng kanyang ama bilang pari.
Tandaan ninyong mabuti na kayong mga pari lang at ang inyong sambahayan ang maaaring kumain ng bahagi ng handog na para sa inyo. 14 Pero kung sa hindi inaasahang pangyayari ay may taong nakakain na hindi kabilang sa inyong sambahayan, dapat niyang palitan ang kanyang kinain at dadagdagan pa niya ng 20 porsiyento ang halaga noon.
15 Kayong mga pari, pakaingatan ninyo ang mga handog na inihahandog sa akin ng mga Israelita, 16 para sa inyong pagkain nito ay hindi kayo magkasala at nang wala kayong pananagutan sa akin. Ako ang Panginoong nagtalaga sa inyo para sa akin.
Mga Tuntunin tungkol sa Pagpili ng Hayop na Ihahandog
17 Inutusan ng Panginoon si Moises 18 na sabihin ito kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki, sa lahat ng mga Israelita pati na sa mga dayuhang naninirahang kasama nila:
Kung ang iaalay ay handog na sinusunog bilang handog para tuparin ang isang panata o handog na kusang-loob, 19 ang kailangan ay lalaking baka o tupa, o kambing na walang kapintasan para tanggapin ko. 20 Huwag kayong maghahandog ng may kapansanan dahil hindi ko iyon tatanggapin. 21 Kung ang handog para sa mabuting relasyon sa akin ay inialay bilang handog para tuparin ang isang panata o handog na kusang-loob, itoʼy kailangang baka, tupa, o kambing na walang kapintasan upang itoʼy tanggapin ko. 22 Huwag kayong maghahandog sa akin ng bulag, may bali, may sugat, o may sakit sa balat. Huwag ninyo itong ialay sa altar bilang handog sa akin sa pamamagitan ng apoy. 23 Pero maaari kayong mag-alay ng handog na kusang-loob na baka o tupang bansot o may kapansanan ang isang bahagi ng katawan, pero hindi ito maaaring ialay bilang handog para tuparin ang isang panata. 24 Huwag kayong maghahandog sa akin ng hayop na kinapon o may kapansanan ang itlog. Huwag ninyong gagawin iyon sa inyong lupain. 25 Huwag din kayong bumili ng mga hayop na ganoong uri mula sa ibang lugar at ihandog sa akin, dahil hindi ko iyon tatanggapin.
26-27 Ang bagong ipinanganak na baka, tupa, o kambing ay dapat manatili sa kanyang ina sa loob ng pitong araw. Pero mula sa ikawalong araw, maaari na itong ialay sa akin bilang handog sa pamamagitan ng apoy. 28 Huwag ninyong ihahandog nang sabay sa isang araw ang baka o tupa at ang kanyang anak.
29 Kung kayoʼy maghahandog sa akin ng handog ng pasasalamat, sundin ninyo ang tamang paraan sa paghahandog nito para tanggapin ko ito. 30 At dapat ninyo itong kainin sa araw ding iyon ng paghahandog at huwag kayong magtitira hanggang sa kinabukasan. Ako ang Panginoon.
31 Sundin ninyo ang aking mga utos. Ako ang Panginoon. 32 Huwag ninyong lapastanganin ang banal kong pangalan, at akoʼy kilalanin ninyong banal. Ako ang Panginoong nagtalaga sa inyo para sa akin. 33 Ako ang naglabas sa inyo sa Egipto para maging Dios ninyo. Ako ang Panginoon.
Mga Espesyal na Araw ng Pagsamba
23 Inutusan ng Panginoon si Moises 2 na sabihin sa mga Israelita ang mga tuntuning ito tungkol sa mga espesyal na araw na magtitipon sila para sumamba sa Panginoon.
Ang Araw ng Pamamahinga
3 May anim na araw kayo para magtrabaho, pero sa ikapitong araw ay magpahinga kayo, dahil ito ang Araw ng Pamamahinga. Huwag kayong magtrabaho sa araw na ito, sa halip ay magtipon kayo para sumamba dahil ito ang araw para purihin ang Panginoon.
Ang Pista ng Paglampas ng Anghel at ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa(A)
4 Ang Pista ng Paglampas ng Anghel at ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa ay mga natatanging upang magtipon ang mga Israelita para sumamba sa Panginoon. 5 Ang Pista ng Paglampas ng Anghel ay ginaganap sa gabi nang ika-14 na araw ng unang buwan. 6 At sa ika-15 araw ng buwan ding iyon, magsisimula naman ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Pitong araw ang pistang ito at sa mga araw na iyon, ang tinapay na kakainin ninyo ay dapat walang pampaalsa. 7 Sa unang araw ng pistang ito, huwag kayong magtatrabaho, sa halip ay magtipon kayo at sumamba sa Panginoon. 8 Sa loob ng pitong araw, mag-aalay kayo sa Panginoon ng handog sa pamamagitan ng apoy. At sa ikapitong araw, huwag kayong magtatrabaho sa halip ay magtipon nga kayo at sumamba sa Panginoon.
Ang Pista ng Pag-aani(B)
9-11 Kapag naroon na kayo sa lupaing ibibigay sa inyo ng Panginoon, ihandog ninyo sa kanya ang unang bigkis ng bawat ani. Dalhin ninyo ito sa pari sa susunod na araw pagkatapos ng Araw ng Pamamahinga. Itataas ito ng pari sa Panginoon para tanggapin kayo ng Panginoon sa pamamagitan nito. 12 Sa araw ding iyon, maghahandog din kayo sa Panginoon ng tupa na isang taong gulang na walang kapintasan bilang handog na sinusunog. 13 Kasama nito, maghandog din kayo ng apat na kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis bilang handog ng pagpaparangal sa Panginoon, at isang litrong katas ng ubas bilang handog na inumin. Mga handog ito sa pamamagitan ng apoy, at ang mabangong samyo nitoʼy makalulugod sa Panginoon. 14 Kung hindi pa kayo nakapaghahandog nito, huwag kayong kakain ng kahit anong klase ng pagkain mula sa inyong bagong ani, ito may sariwa o binusa o nilutong tinapay. Dapat ninyong sundin ang tuntuning ito kahit saan kayo tumira, kayo at ng susunod pang mga henerasyon.
15-17 Pagkatapos ng pitong linggo mula sa araw na kayoʼy naghandog ng mga ibinigkis na ani, muli kayong magtipon at mag-alay ng handog ng pagpaparangal mula sa mga ibinigkis ng unang ani ninyo. Itoʼy sa ika-50 araw, ang araw pagkatapos ng ikapitong Araw ng Pamamahinga. Ang inyong ihahandog ay dalawang tinapay na bawat isa ay gawa sa apat na kilo ng magandang klaseng harina na may pampaalsa. Ihandog ninyo ito bilang handog na itinataas, mula sa inyong unang ani. 18 Kasama nito, magdala rin kayo ng pitong lalaking tupa na isang taong gulang na walang kapansanan, isang batang toro, at dalawang lalaking tupa na walang kapintasan. Ihahandog ninyo ang mga ito bilang handog na sinusunog kasama ng handog ng pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin. Mga handog ito para sa Panginoon. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa Panginoon. 19 Maghandog din kayo ng isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis. At dalawang tupa na tig-isang taong gulang bilang handog para sa mabuting relasyon. 20 Itataas ng pari sa presensya ng Panginoon ang dalawang tupa at ang handog na mula sa unang ani. Itoʼy banal na mga handog sa Panginoon dahil itoʼy bahagi ng mga pari. 21 Huwag kayong magtatrabaho sa araw ding iyon, kundi magtipon kayo at sumamba sa Panginoon. Dapat ninyong sundin ang tuntuning ito kahit saan kayo tumira, kayo at ng susunod pang mga henerasyon.
22 Kung aani kayo, huwag ninyong uubusin ang mga nasa gilid ng inyong mga bukid, at huwag na ninyong balikan para ipunin ang mga naiwan. Ipaubaya na lang ninyo iyon sa mga dukha at sa mga dayuhan. Ito ang utos ng Panginoon na inyong Dios.
Ang Pista ng Pagpapatunog ng mga Trumpeta(C)
23-24 Sa unang araw ng ikapitong buwan, magpahinga kayo para alalahanin ang Panginoon. Kung marinig ninyo ang tunog ng trumpeta, magtipon kayo para sumamba sa kanya. 25 Huwag kayong magtrabaho sa araw na iyon, sa halip mag-alay kayo ng handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon.
Ang Araw ng Pagtubos(D)
26-28 Ang ikasampung araw ng ikapitong buwan ding iyon ay Araw ng Pagtubos.[d] Huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon kundi magtipon kayo sa pagsamba sa Panginoon na may pag-aayuno at pag-aalay ng handog sa pamamagitan ng apoy. Sapagkat sa araw na iyon gagawin ang seremonya ng pagtubos sa inyong mga kasalanan sa Panginoon na inyong Dios. 29 Ang ayaw mag-ayuno sa araw na iyon ay huwag na ninyong ituring na kababayan. 30 Papatayin ng Panginoon ang sinumang magtatrabaho sa araw na iyon. 31-32 Kaya magpahinga kayo at mag-ayuno mula sa paglubog ng araw nang ikasiyam na araw ng buwang iyon hanggang sa susunod na paglubog ng araw. Dapat ninyong sundin ang tuntuning ito kahit saan kayo tumira, kayo at ng susunod pang mga henerasyon.
Ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol(E)
33-34 Inutusan ng Panginoon si Moises na sabihin ito sa mga Israelita: Sa ika-15 araw ng ikapitong buwan, magsisimula ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol at itoʼy ipagdiriwang ninyo sa loob ng pitong araw. 35 Sa unang araw, huwag kayong magtatrabaho, sa halip magtipon kayo at sumamba sa Panginoon. 36 Sa loob ng pitong araw, mag-aalay kayo ng handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon. Sa ikawalong araw,[e] hindi rin kayo magtatrabaho kundi muli kayong magtipon sa pagsamba sa Panginoon, at maghandog sa kanya. Iyan ang panghuling araw ng inyong pagtitipon.
37 Iyon ang itinakdang espesyal na mga araw na magtitipon kayo para sumamba sa Panginoon at para mag-alay ng mga handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon. Dapat magdala kayo ng mga handog na sinusunog, handog ng pagpaparangal sa Panginoon, at mga handog na inumin. Ang mga handog na ito ay kinakailangang ihandog ninyo sa itinakdang araw ng paghahandog nito. 38 Ipagdiwang ninyo ang itinakdang mga araw na ito bukod pa sa lingguhang Araw ng Pamamahinga na ginagawa ninyo. At ang mga handog na ito ay dapat ninyong ialay dagdag sa inyong mga kaloob, mga handog para tuparin ang isang panata, at handog na kusang-loob na iniaalay ninyo sa Panginoon. 39 Tungkol naman sa Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol, ipagdiriwang ninyo ito para parangalan ang Panginoon mula sa ika-15 araw ng ikapitong buwan, pagkatapos ng anihan. Ipagdiwang nʼyo ito sa loob ng pitong araw. Huwag kayong magtatrabaho sa una at sa ikawalong araw. 40 Sa unang araw, kumuha kayo ng pinakamagandang bunga ng mga punongkahoy, mga dahon ng palma, mga mayayabong na sanga ng puno sa lambak, at kayoʼy masayang magdiwang sa presensya ng Panginoon na inyong Dios sa loob ng pitong araw. 41-43 Ipagdiwang ninyo ang pistang ito sa ikapitong buwan bawat taon para parangalan ang Panginoon. Sa loob ng pitong araw, lahat kayong mga Israelita ay dapat tumira sa mga kubol para malaman ng inyong mga anak na pinatira ng Panginoon na inyong Dios ang inyong mga ninuno sa mga kubol nang sila ay inilabas sa Egipto. Dapat ninyong sundin ang mga tuntuning ito hanggang sa susunod pang mga henerasyon.
44 Ito ang tungkol sa mga itinakdang pagdiriwang sa pagsamba sa Panginoon na sinabi ni Moises sa mga Israelita.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®