Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Exodus 28-29

Ang Mga Damit ng mga Pari(A)

28 “Ibukod mo sa mga tao si Aaron at ang mga anak niyang lalaki na sina Nadab, Abihu, Eleazar at Itamar para makapaglingkod sila sa akin bilang mga pari. Magpatahi ka ng banal na damit para sa kapatid mong si Aaron, para maparangalan siya. Sabihin mo sa lahat ng mahuhusay na mananahi na binigyan ko ng kakayahang manahi na itahi nila ng damit si Aaron na magbubukod sa kanya sa mga tao para makapaglingkod siya sa akin bilang pari. Ito ang mga damit na tatahiin nila: ang bulsa na nasa dibdib, ang espesyal na damit,[a] ang damit-panlabas, ang damit-panloob na binurdahan, ang turban at ang sinturon. Itatahi rin nila ng banal na mga damit ang mga anak na lalaki ni Aaron para makapaglingkod sila sa akin bilang mga pari. Kailangan na pinong telang linen na may lanang kulay ginto, asul, ube at pula ang gagamitin nilang tela.

Ang Espesyal na Damit ng mga Pari(B)

“Ang espesyal na damit ng mga pari ay kailangan na pinong telang linen na may lanang kulay ginto, asul, kulay ube at pula. Kailangang napakaganda ng pagkakaburda nito. May dalawang parte ito, likod at harapan, at pinagdudugtong ng dalawang tirante sa may balikat. Ang sinturon nito ay gawa sa pinong telang linen na binurdahan ng gintong sinulid at lanang kulay asul, ube at pula.

“Magpakuha ka ng dalawang batong onix at iukit mo rito ang mga pangalan ng mga anak na lalaki ni Jacob.[b] 10 Dapat sunud-sunod ang paglalagay ng mga pangalan ayon sa kanilang kapanganakan, at anim na pangalan ang ilalagay sa bawat bato. 11 Dapat iukit ito kagaya ng pag-ukit ng platero sa pantatak. Pagkatapos, ilagay ang bato sa balangkas na ginto, 12 at ikabit ito sa tirante ng espesyal na damit bilang mga alaalang bato nila para sa mga lahi ng Israel. Sa pamamagitan nito, palaging madadala ni Aaron ang pangalan nila sa presensya ko, at aalalahanin ko sila. 13 Ang balangkas na ginto ay 14 palagyan mo ng dalawang mala-kwintas na tali na purong ginto para maikabit sa may balikat ng damit.

Ang Bulsa na Nasa Dibdib(C)

15 “Magpagawa ka ng bulsa sa dibdib na ginagamit sa pag-alam ng kalooban ng Panginoon.[c] Kailangang maganda ang pagkakagawa nito, at ang tela nitoʼy kapareho ng tela ng espesyal na damit ng mga pari: pinong telang linen na may lanang kulay ginto, asul, kulay ube at pula. 16 Ang bulsa na nasa dibdib ay dapat nakatupi nang doble at parisukat – siyam na pulgada ang haba at siyam na pulgada rin ang lapad. 17 Palagyan ito ng apat na hanay ng mga mamahaling bato. Sa unang hanay, ilalagay ang rubi, topaz at beril; 18 sa ikalawang hanay, esmeralda, safiro at turkois; 19 sa ikatlong hanay, hasinto, agata at ametista, 20 at sa ikaapat na hanay, krisolito, onix at jasper. Ilagay ang mga bato sa balangkas na ginto. 21 Dapat ang bawat bato ay may pangalan ng isa sa mga anak ni Jacob bilang kinatawan sa 12 lahi ng Israel. Ang pagkakaukit ng pangalan ay gaya ng pagkakaukit sa pantatak.

22 “Palagyan din ng mala-kwintas na tali na purong ginto ang bulsa na nasa dibdib. 23 Magpagawa ka ng dalawang parang singsing na ginto at ikabit ito sa ibabaw ng mga sulok ng bulsa na nasa dibdib. 24 Isuot sa parang singsing na ito ang dalawang mala-kwintas na taling ginto, 25 at ang dalawang dulo naman ng mala-kwintas na tali ay isinuot sa dalawang balangkas na ginto na nakakabit sa tirante ng espesyal na damit. 26 Magpagawa ka ng dalawang parang singsing na ginto at ipasok ito sa ilalim ng mga gilid ng bulsa na nasa dibdib na nakapatong sa espesyal na damit. 27 Magpagawa ka pa ng dalawang parang singsing na ginto at ikabit mo ito sa espesyal na damit sa may bandang sinturon. 28 Pagkatapos, talian ninyo ng asul na panali ang mga pang-ilalim na parang singsing na ginto sa espesyal na damit. Sa pamamagitan nito, maikakabit nang maayos ang bulsa na nasa dibdib ng espesyal na damit, sa itaas ng sinturon.

29 “Kung papasok si Aaron sa Banal na Lugar, kailangang suot niya ang bulsa sa dibdib na may pangalan ng mga lahi ng Israel para alalahanin ko silang palagi. 30 Ilagay sa bulsa na nasa dibdib ang ‘Urim’ at ‘Thummim’[d] para naroon ito sa bulsa ni Aaron kapag pupunta siya sa aking presensya para malaman ang kalooban ko para sa mga Israelita.

Ang Iba pang Damit ng mga Pari(D)

31 “Ang damit-panlabas na napapatungan ng espesyal na damit ay kailangang purong asul 32 at may butas sa gitna para sa ulo. At kailangang lagyan ng butas ang parang kwelyo para hindi ito mapunit. 33-34 Palagyan ang palibot ng mga laylayan nito ng mga palamuti na korteng prutas na pomegranata, na gawa sa lanang kulay asul, ube at pula. Isingit mo ang mga palamuting ito sa mga pagitan ng gintong mga kampanilya. 35 Kailangang isuot ito ni Aaron kapag papasok siya sa Banal na Lugar para maglingkod sa aking presensya, para marinig ang tunog ng mga kampanilya kung papasok at lalabas si Aaron sa Banal na Lugar. Kung gagawin niya ito, hindi siya mamamatay.

36 “Magpagawa ka ng medalyang ginto at paukitan mo ito ng ganitong mga salita: ‘Ibinukod para sa Panginoon.’ 37 Itali mo ito sa harap ng turban ni Aaron sa pamamagitan ng asul na panali, 38 para makita ito sa kanyang noo. Ipinapakita nito na dadalhin ni Aaron ang kahit anong kasalanang nagawa ng mga Israelita sa paghahandog nila sa Panginoon. Lagi itong ikakabit ni Aaron sa kanyang noo para matuwa ang Panginoon sa mga mamamayan.

39 “Ang damit-panloob ni Aaron ay kailangang pinong linen, ganoon din ang kanyang turban at ang sinturon na binurdahan ng maganda. 40 Magpatahi ka rin ng mga damit-panloob, mga sinturon, at mga turban para sa mga anak ni Aaron para sa ikararangal nila.

41 “Ipasuot mo ang mga damit sa kapatid mong si Aaron at sa mga anak niyang lalaki, at pagkatapos, pahiran[e] mo sila ng langis at ordinahan. Italaga mo sila sa akin para makapaghandog sila sa akin bilang mga pari.

42 “Ipatahi mo rin sila ng mga pang-ilalim na damit na tatakip sa kanyang kahubaran. Ang haba nitoʼy mula sa baywang hanggang sa hita para hindi sila masilipan. 43 Kailangan nila itong isuot kapag papasok sila sa Toldang Tipanan, o kapag lalapit sila sa altar ng Banal na Lugar sa paglilingkod bilang mga pari, para hindi sila masilipan at mamatay. Ang tuntuning itoʼy dapat sundin ni Aaron at ng kanyang salinlahi magpakailanman.

Ang Pagtatalaga kay Aaron at sa mga Anak Niyang Lalaki Bilang mga Pari(E)

29 “Ito ang gagawin mo sa pag-ordina kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki para makapaglingkod sila sa akin bilang mga pari. Kumuha ka ng isang batang toro at dalawang lalaking tupa na walang kapintasan. Kumuha ka rin ng magandang klaseng harina at magluto ka ng tinapay na walang pampaalsa. Makapal na tinapay na hinaluan ng langis ang lutuin mo, at manipis na tinapay na pinahiran ng langis. Pagkatapos, ilagay mo ang mga tinapay sa basket at ihandog sa akin kasama ang batang toro at dalawang lalaking tupa.

“Dadalhin mo sa may pintuan ng Toldang Tipanan si Aaron at ang mga anak niyang lalaki, at papaliguin mo sila. Pagkatapos, ipasuot mo kay Aaron ang damit-panloob, ang damit-panlabas, ang espesyal na damit,[f] at ang bulsa na nasa dibdib. Itali mo nang mabuti ang espesyal na damit gamit ang hinabing sinturon na maganda ang pagkakagawa. Ipasuot mo sa ulo niya ang turban, at ikabit sa harapan ng turban ang ginto na simbolo ng pagbubukod sa kanila ng Panginoon. Kunin mo rin ang langis at ibuhos ito sa ulo ni Aaron sa pagtatalaga sa kanya. Italaga rin ang mga anak niyang lalaki at pagsuotin sila ng damit-panloob, turban at sinturon at ordinahan din sila. Magiging pari sila habang buhay. Sa pamamagitan nito, ordinahan mo si Aaron at ang mga anak niya.

10 “Dalhin mo ang batang toro sa harap ng Toldang Tipanan, at ipapatong ni Aaron at ng mga anak niya ang kamay nila sa ulo ng toro. 11 Pagkatapos, katayin ang baka sa presensya ng Panginoon, sa may pintuan ng Toldang Tipanan. 12 Kumuha ka ng dugo ng baka at ipahid mo ito sa parang sungay sa mga sulok ng altar, at ibuhos mo sa ilalim ng altar ang matitirang dugo. 13 Pagkatapos, kunin mo ang lahat ng taba sa tiyan ng baka, ang maliit na bahagi ng atay, ang mga bato pati na ang mga taba nito, at sunugin ito sa altar. 14 Pero sunugin mo ang laman, balat at bituka nito sa labas ng kampo bilang handog sa paglilinis.

15 “Pagkatapos, kunin mo ang isa sa lalaking tupa at ipatong mo ang mga kamay ni Aaron at ng mga anak niya sa ulo ng tupa. 16 Katayin ito, at iwisik ang dugo sa palibot ng altar. 17 Hiwa-hiwain mo ang tupa at hugasan ang mga lamang loob at paa, ipunin mo ito pati ang ulo at ang iba pang parte ng hayop. 18 Sunugin mo itong lahat sa altar bilang handog na sinusunog para sa akin. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa akin.

19 “Pagkatapos, kunin mo ang isa pang lalaking tupa, at ipatong ang mga kamay ni Aaron at ng mga anak niya sa ulo ng tupa. 20 Katayin ninyo ito at kumuha ka ng dugo, at ipahid sa ibabang bahagi ng kanang tainga ni Aaron at ng mga anak niya, at sa mga kanang hinlalaki ng kanilang kamay at paa. Pagkatapos, iwiwisik ang natirang dugo sa palibot ng altar. 21 Kumuha ka ng kaunting dugo sa altar at ihalo ito sa langis na pamahid,[g] iwisik ito kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki, at sa kanilang mga damit. Sa pamamagitan nito, maitatalaga si Aaron at ang mga anak niya, pati na ang mga damit nila.

22 “Pagkatapos, kunin ninyo ang taba ng tupa, ang matabang buntot, at ang lahat ng taba sa lamang-loob, ang maliit na bahagi ng atay, ang mga bato pati ang taba nito, at ang kanang hita. Ito ang tupang handog para sa pagtatalaga sa mga pari. 23 Kumuha ka sa basket ng mga tinapay na walang pampaalsa na ihahandog para sa akin: tinapay na hindi hinaluan ng langis, makapal na tinapay na hinaluan ng langis at manipis na tinapay. 24 Ipahawak mo itong lahat kay Aaron at sa mga anak niya, at itataas nila ito sa akin bilang mga handog na itinataas. 25 Kunin mo ito sa kanila at sunugin sa altar kasama ng mga handog na sinusunog. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa akin. 26 Kunin mo rin ang dibdib ng tupa at itaas nʼyo ito sa akin bilang mga handog na itinataas. Ito ang parte mo sa tupang handog para sa pagtatalaga kay Aaron at ng mga anak niyang lalaki.

27 “Ialay mo rin sa akin ang mga parte ng tupang inihandog para sa pagtatalaga kay Aaron at ng mga anak niya, kasama na rito ang dibdib at hitang itinaas mo sa akin. 28 Sa tuwing maghahandog ang mga Israelita ng mga handog para sa mabuting relasyon, dapat ganito palagi ang mga parte ng mga hayop na mapupunta kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki.

29 “Kapag namatay na si Aaron, ang banal na mga damit niya ay ibibigay sa mga anak niyang papalit sa kanya bilang punong pari, para ito ang isuot nila kapag ordinahan na sila. 30 Ang mga angkan ni Aaron na papalit sa kanya bilang punong pari ang magsusuot ng mga damit na ito sa loob ng pitong araw kapag papasok siya sa Toldang Tipanan para maglingkod sa Banal na Lugar.

31 “Kunin mo ang tupa na inialay sa pagtatalaga at lutuin ang karne nito sa isang banal na lugar. 32 Kakainin ito ni Aaron at ng mga anak niya, kasama ang tinapay sa basket, doon sa pintuan ng Toldang Tipanan. 33 Sila lang ang makakakain ng karneng ito at tinapay na inihandog para sa kapatawaran ng mga kasalanan nila nang inordinahan sila. Walang ibang maaaring kumain nito dahil banal ang pagkaing ito. 34 Kung may matirang pagkain, sa kinaumagahan dapat itong sunugin. Hindi ito dapat kainin, dahil itoʼy banal.

35 “Sundin mo ang iniuutos kong ito sa iyo tungkol sa pag-ordina kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki. Gawin mo ang pag-ordina sa kanila sa loob ng pitong araw. 36 Bawat araw, maghandog ka ng isang baka bilang handog sa paglilinis para maging malinis ang altar, at pagkatapos, pahiran mo ito ng langis para sa pagtatalaga nito. 37 Gawin mo ito sa loob ng pitong araw; at magiging pinakabanal ang altar, at dapat banal din ang humahawak nito.

Ang Araw-araw na mga Handog(F)

38 “Dalawang tupa na isang taong gulang ang ihandog mo sa altar araw-araw. 39 Isa sa umaga at isa sa hapon. 40 Sa paghahandog mo ng tupa sa umaga, maghandog ka rin ng dalawang kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng isang litrong langis mula sa pinigang olibo. Maghandog ka rin ng isang litrong katas ng ubas bilang handog na inumin. 41 Sa paghahandog mo ng tupa sa hapon, ihandog mo rin ang mga nabanggit na harina at inumin. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa akin. 42-43 Ang mga handog na sinusunog ay kailangang ihandog araw-araw ng susunod pang mga henerasyon. Ihandog ninyo ito sa aking presensya, doon sa may pintuan ng Toldang Tipanan kung saan ako makikipag-usap sa iyo at makikipagkita sa mga Israelita. Magiging banal ang Tolda dahil sa makapangyarihan kong presensya. 44 Oo, gagawin kong banal ang Toldang Tipanan at ang altar, at ibubukod ko si Aaron at ang mga anak niya sa paglilingkod sa akin bilang mga pari. 45 Maninirahan ako kasama ng mga Israelita at akoʼy magiging Dios nila. 46 Malalaman nila na ako ang Panginoon na kanilang Dios na naglabas sa kanila sa Egipto para makapanirahan akong kasama nila. Oo, Ako ang Panginoon na kanilang Dios.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®