Chronological
Sa Bundok ng Sinai
19 1-2 Umalis ang mga Israelita sa Refidim at pumunta sa ilang ng Sinai. Doon sa harap ng bundok sila nagkampo. Ikatlong buwan ito mula nang lisanin nila ang Egipto.
3 Umakyat si Moises sa bundok para makipagkita sa Dios. Tinawag siya ng Panginoon doon sa bundok at sinabi, “Sabihin mo ito sa mga Israelita na mga lahi ni Jacob: 4 ‘Nakita nʼyo mismo kung ano ang ginawa ko sa mga Egipcio, at kung paano ko kayo dinala rito sa akin, katulad ng pagdadala ng agila sa mga inakay niya sa pamamagitan ng kanyang pakpak. 5 Kung lubos ninyo akong susundin at tutuparin ang aking kasunduan, pipiliin ko kayo sa lahat ng bansa para maging mga mamamayan ko. Akin ang buong mundo, 6 pero magiging pinili ko kayong mamamayan at magiging isang kaharian ng mga paring maglilingkod sa akin.’ Sabihin mo ito sa mga Israelita.”
7 Kaya bumaba si Moises mula sa bundok at ipinatawag niya ang mga tagapamahala ng Israel at sinabi sa kanila ang sinabi ng Panginoon. 8 At sabay-sabay na sumagot ang mga tao, “Susundin namin ang lahat ng sinabi ng Panginoon.” At sinabi ni Moises sa Panginoon ang sagot ng mga tao.
9 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Darating ako sa iyo sa pamamagitan ng makapal na ulap para marinig ng mga tao ang pakikipag-usap ko sa iyo, at nang lagi silang magtiwala sa iyo.” At sinabi ni Moises sa Panginoon ang sagot ng mga tao.
10 At sinabi sa kanya ng Panginoon, “Puntahan mo ang mga tao at sabihin sa kanilang linisin ang sarili nila[a] ngayon at bukas. Kailangang labhan nila ang kanilang mga damit. 11 Siguraduhing handa sila sa ikatlong araw, dahil sa araw na iyon, ako, ang Panginoon ay bababa sa Bundok ng Sinai na kitang-kita ng mga tao. 12 Maglagay ka ng tanda sa paligid ng bundok kung hanggang saan lamang tatayo ang mga tao. Sabihin mo sa kanila na huwag silang aakyat o lalapit sa bundok. Ang sinumang lalapit sa bundok ay papatayin, 13 tao man o hayop. Kung gagawin niya ito, babatuhin siya o kaya naman ay papanain; walang kamay na hihipo sa kanya. Makakaakyat lang ang mga tao sa bundok kapag pinatunog na nang matagal ang tambuli.”
14 Bumaba si Moises sa bundok at inutusan niya silang linisin ang mga sarili nila. At nilabhan ng mga tao ang kanilang mga damit. 15 Sinabi ni Moises sa kanila, “Ihanda ninyo ang mga sarili ninyo para sa ikatlong araw; huwag muna kayong makipagtalik sa inyong asawa.”
16 Kinaumagahan ng ikatlong araw, kumulog at kumidlat, at may makapal na ulap na tumakip sa bundok at narinig ang malakas na tunog ng trumpeta. Nanginig sa takot ang lahat ng tao sa kampo. 17 Pagkatapos, dinala ni Moises sa labas ng kampo ang mga tao para makipagkita sa Dios, at tumayo sila sa paanan ng bundok. 18 Nabalot ng usok ang Bundok ng Sinai dahil bumaba roon ang Panginoon sa anyo ng apoy. Pumaitaas ang usok kagaya ng usok na nanggaling sa hurno at nayanig nang malakas ang bundok,[b] 19 at lalo pang lumakas ang tunog ng trumpeta. Nagsalita si Moises at sinagot siya ng Panginoon sa pamamagitan ng kulog.[c]
20 Bumaba ang Panginoon sa ibabaw ng Bundok ng Sinai, at tinawag niya si Moises na umakyat sa ibabaw ng bundok. Kaya umakyat si Moises, 21 at sinabi sa kanya ng Panginoon, “Bumalik ka sa ibaba at balaan mo sila na huwag na huwag silang lalampas sa hangganan na inilagay sa paligid ng bundok para tingnan ako, dahil kung gagawin nila ito, marami sa kanila ang mamamatay. 22 Kahit na ang mga pari na palaging lumalapit sa presensya koʼy kailangang maglinis ng kanilang mga sarili dahil kung hindi, parurusahan ko rin sila.”
23 Sinabi ni Moises sa Panginoon, “Paano po aakyat ang mga tao sa bundok gayong binigyan nʼyo na kami ng babala na ituring naming banal ang bundok, at sinabihan nʼyo kaming lagyan ng tanda ang paligid ng bundok kung hanggang saan lang kami tatayo.”
24 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Bumaba ka at dalhin si Aaron dito. Pero ang mga pari at ang mga tao ay hindi dapat pumunta rito sa akin, para hindi ko sila parusahan.”
25 Kaya bumaba si Moises at sinabihan ang mga tao.
Ang Sampung Utos(A)
20 Sinabi ng Panginoon,
2 “Ako ang Panginoon na inyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto kung saan kayo inalipin.
3 “Huwag kayong sasamba sa ibang mga dios maliban sa akin.
4 “Huwag kayong gagawa ng mga dios-diosan na anyo ng anumang bagay sa langit, o sa lupa, o sa tubig. 5 Huwag ninyo itong paglilingkuran o sasambahin, dahil ako ang Panginoon na inyong Dios ay ayaw na may sinasamba kayong iba. Pinaparusahan ko ang mga nagkakasala sa akin, pati na ang mga anak hanggang sa ikatlo at ikaapat na henerasyon ng mga napopoot sa akin. 6 Pero ipinapakita ko ang aking pagmamahal sa napakaraming henerasyon na nagmamahal sa akin at sumusunod sa mga utos ko.
7 “Huwag ninyong gagamitin ang pangalan ko sa walang kabuluhan. Ako ang Panginoon na inyong Dios, ang magpaparusa sa sinumang gagamit ng pangalan ko sa walang kabuluhan.
8 “Alalahanin ninyo ang Araw ng Pamamahinga, at gawin ninyo itong natatanging araw para sa akin. 9 Magtrabaho kayo sa loob ng anim na araw, 10 pero ang ikapitong araw, ang Araw ng Pamamahinga ay italaga ninyo para sa akin, ang Panginoon na inyong Dios. Huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon, pati ang inyong mga anak, mga alipin, mga hayop, o ang mga dayuhan na naninirahang kasama ninyo. 11 Dahil sa loob ng anim na araw, nilikha ko ang langit, ang lupa, ang dagat at ang lahat ng naririto, pero nagpahinga ako sa ikapitong araw. Kaya pinagpala ko ang Araw ng Pamamahinga at ginawa itong natatanging araw para sa akin.
12 “Igalang ninyo ang inyong amaʼt ina para mabuhay kayo nang matagal sa lupaing ibinibigay ko sa inyo.
13 “Huwag kayong papatay.
14 “Huwag kayong mangangalunya.
15 “Huwag kayong magnanakaw.
16 “Huwag kayong sasaksi ng hindi totoo sa inyong kapwa.
17 “Huwag ninyong pagnanasahan ang bahay ng inyong kapwa, o ang kanyang asawa, mga alipin, mga hayop, o alin mang pag-aari niya.”
18 Nang marinig ng mga tao ang kulog, at ang tunog ng trumpeta, at nang makita nila ang kidlat at ang bundok na umuusok, nanginig sila sa takot. Tumayo sila sa malayo 19 at sinabi kay Moises, “Kayo na lang ang magsalita sa amin at makikinig kami, huwag na po ang Dios at baka mamatay kami.”
20 Kaya sinabi ni Moises sa mga tao, “Huwag kayong matakot dahil pumunta ang Panginoon dito para subukin kayo sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan at magkaroon kayo ng takot sa kanya, at nang hindi kayo magkasala.”
21 Tumayo ang mga tao sa malayo habang si Moises ay lumalapit sa makapal na ulap kung saan naroon ang Dios.
22 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo ito sa mga Israelita: Nakita ninyo na nakipag-usap ako sa inyo mula sa langit. 23 Kaya huwag kayong gagawa ng mga dios-diosang pilak o ginto para sambahing kasama nang pagsamba sa akin.
24 “Gumawa kayo ng altar na lupa para sa akin at gawin ninyo itong pag-aalayan ng inyong mga tupa, kambing at mga baka bilang handog na sinusunog at handog para sa mabuting relasyon.[d] Gawin ninyo ito sa lugar na pinili ko para sambahin ako, at doon ay pupuntahan ko kayo at pagpapalain. 25 Kung gagawa kayo ng altar na bato para sa akin, huwag ninyong tatapyasin; dahil kung gagamitan ninyo ito ng sinsel, hindi na ito karapat-dapat gamitin sa paghahandog sa akin. 26 At huwag din kayong gagawa ng altar na may hagdan dahil baka masilipan kayo sa pag-akyat ninyo.”
Ang Pagtrato sa mga Alipin(B)
21 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ito ang mga tuntuning ipapatupad mo sa mga Israelita:
2 “Kung bibili kayo ng mga aliping Hebreo, maglilingkod siya sa inyo sa loob ng anim na taon. Pero sa ikapitong taon, lalaya siya sa pagkaalipin niya na walang babayaran. 3 Kung binili nʼyo siya na wala pang asawa at sa katagalan ay nakapag-asawa, siya lang ang lalaya sa ikapitong taon. Pero kung may asawa siya nang bilhin ninyo, lalaya rin ang kanyang asawa kasama niya. 4 Kung binigyan siya ng amo niya ng mapapangasawa at nagkaanak sila, lalaya siya sa ikapitong taon, pero ang asawa at ang mga anak niya ay maiiwan sa kanyang amo.
5 “Pero kung sasabihin ng alipin na minamahal niya ang kanyang amo, ang asawaʼt mga anak niya, at hindi niya gustong lumaya, 6 dadalhin siya ng amo niya sa presensya ng Dios[e] doon sa may pintuan o hamba ng lugar na pinagsasambahan. Bubutasan ng amo niya ang isa sa tainga niya at magiging alipin siya ng amo niya magpakailanman.
7 “Kung ipagbibili ng isang tao ang anak niyang babae para gawing alipin, hindi siya lalaya sa ikapitong taon kagaya ng lalaking alipin. 8 Kung hindi masisiyahan ang amo niyang bumili sa kanya, pwede siyang tubusin ng pamilya niya dahil hindi pananagutan ng amo niya ang responsibilidad sa kanya. Pero hindi siya pwedeng ipagbili ng amo niya sa mga dayuhan. 9 Kung ibibigay ng amo niya ang aliping ito sa kanyang anak bilang asawa, kailangan niyang ituring siya na anak niyang babae. 10 Kung gagawin niyang asawa ang alipin, at mag-aasawa pa siya ng iba pang babae, kailangang ipagpatuloy niya ang pagbibigay sa kanya ng mga pagkain at damit, at ang pagsiping sa kanya. 11 Kung hindi niya masusunod ang tatlong bagay na ito, papayagan niyang lumaya ang babae nang walang bayad.
Mga Kautusan Tungkol sa mga Krimen
12 “Ang sinumang makakasakit ng tao at mapatay ito, papatayin din siya. 13 Pero kung hindi niya ito sinadya at pinayagan ko itong mangyari, makakatakas siya sa lugar na ituturo ko sa kanya. 14 Pero kung sinadya niya at plinano ang pagpatay, patayin nʼyo siya kahit na lumapit pa siya sa altar ko.
15 “Ang sinumang mananakit[f] sa kanyang ama o ina ay papatayin.
16 “Ang sinumang dudukot sa isang tao ay papatayin kahit na ipinagbili na niya o hindi ang kanyang dinukot.
17 “Ang sinumang lumapastangan sa kanyang ama at ina ay papatayin.
18 “Halimbawang nag-away ang dalawang tao, sinuntok o binato ang kanyang kaaway at siyaʼy nabalda at hindi na makabangon pero hindi namatay, 19 ngunit kung sa bandang huliʼy makabangon at makalakad ang napilay, kahit na nakabaston pa siya, ang taong nanakit sa kanyaʼy hindi dapat parusahan. Pero kailangang magbayad ang tao sa kanya sa nasayang na panahon, at kailangan siyang alagaan ng taong nanakit hanggang sa gumaling siya.
20 “Kapag hinagupit ng tungkod ng sinuman ang kanyang alipin, lalaki man o babae, at agad itong namatay, parurusahan siya. 21 Pero kung makakabangon ang alipin pagkalipas ng isa o dalawang araw, hindi siya parurusahan dahil pagmamay-ari niya ang alipin.
22 “Kung may nag-aaway at nasaktan ang isang buntis, at napaanak ito nang wala pa sa oras,[g] pero walang masamang nangyari sa kanya, pagbabayarin ang nakasakit ayon sa halagang hinihingi ng asawa at pinayagan ng hukom. 23 Pero kung malubha ang nangyari sa babae, parurusahan ang responsable katulad ng nangyari sa babae. Kung namatay ang babae, papatayin din siya. 24 Kung mabulag ang babae, bubulagin din siya. Kung mabungi ang ngipin nito, bubungiin din siya. Kung nabali ang kamay o paa, babaliin din ang kanyang kamay o paa. 25 Kung napaso, papasuin din siya. Kung nasugatan, susugatan din siya. Kung nagalusan, gagalusan din siya.
26 “Kung sinuntok ng amo ang kanyang aliping lalaki o babae sa mata at nabulag ito, palalayain niya ito sa pagkaalipin bilang bayad sa mata na binulag niya. 27 Kung nabungi niya ang ngipin ng kanyang aliping lalaki o babae, palalayain din niya ito sa pagkaalipin bilang bayad sa ngiping nabungi.
28 “Kung ang toro ay nakasuwag ng lalaki o babae at namatay siya, kailangang batuhin ang toro hanggang sa mamatay, at huwag kakainin ang karne nito, pero walang pananagutan dito ang may-ari ng toro. 29 Pero kung nasanay nang manuwag ng tao ang toro at binigyan na ng babala ang may-ari tungkol dito, pero hindi niya ito ikinulong at nakapatay ito ng tao, kailangang batuhin ito hanggang sa mamatay at papatayin din ang may-ari. 30 Pero kung pagbabayarin ang may-ari para mabuhay siya, kailangang bayaran niya nang buo ang halagang hinihingi sa kanya. 31 Ganito rin ang tuntunin kung nakasuwag ang toro ng bata, lalaki man o babae. 32 Kung nakasuwag ang toro ng alipin, lalaki man o babae, kailangang magbayad ang may-ari nito ng 30 pirasong pilak sa amo ng alipin, at kailangang batuhin ang toro.
33 “Kung may taong nagtanggal ng takip ng balon o taong naghukay ng balon at hindi niya ito tinakpan, at may nahulog na baka o asno sa balong iyon, 34 dapat magbayad ang may-ari ng balon sa may-ari ng hayop, at magiging kanya na ang hayop.
35 “Kung makapatay ang toro ng kapwa toro, ipagbibili ng parehong may-ari ang buhay na toro at hahatiin ang pinagbilhan nito. Hahatiin din nila ang karne ng namatay na toro. 36 Pero kung nasanay nang manuwag ang torong nakapatay at hindi ito ikinulong ng may-ari, magbabayad ang may-ari ng isang toro kapalit ng namatay, at magiging kanya na ang namatay na toro.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®