Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Leviticus 11-13

Ang mga Hayop na Itinuturing na Malinis at Marumi(A)

11 1-3 Inutusan ng Panginoon si Moises at si Aaron na sabihin sa mga taga-Israel ang mga sumusunod:

“Pwede ninyong kainin ang anumang hayop na lumalakad sa lupa na biyak ang kuko at nginunguyang muli ang kinain nito.[a] 4-8 Pero huwag ninyong kakainin ang mga hayop na nginunguyang muli ang kinain nito pero hindi naman biyak ang mga kuko katulad ng kamelyo at kuneho. Huwag din ninyong kakainin ang baboy dahil kahit biyak ang kuko nito hindi naman nginunguyang muli ang kinain nito. Ituring ninyo na maruruming[b] hayop ang mga ito. Huwag kayong kakain ng karne ng mga ito o hihipo ng mga patay na hayop na ito.

9-12 “Pwede nʼyong kainin ang mga isda sa dagat o tubig-tabang na may mga palikpik at kaliskis. Pero huwag ninyong kakainin ang mga walang palikpik at kaliskis, at huwag din kayong hihipo ng mga patay na isdang ito. Ituring ninyong kasuklam-suklam ang mga isdang ito.

13-19 “Huwag ninyong kakainin ang mga ibon[c] katulad ng agila, uwak, ibon na kumakain ng bangkay ng tao o hayop, lawin, kuwago, ibong naninila, ibong dumadagit ng isda, tagak, at paniki.[d] Ituring ninyong kasuklam-suklam ang mga ibon na ito.

20-23 “Pwede nʼyong kainin ang mga kulisap na lumilipad at gumagapang na may malalaking paa sa paglundag, katulad ng balang, kuliglig, at tipaklong. Pero huwag ninyong kakainin ang iba pang mga kulisap na lumilipad at gumagapang. Ituring ninyong kasuklam-suklam ang mga ito.

24-28 “Huwag kayong hihipo ng bangkay ng hayop na hindi biyak ang kuko at hindi nginunguyang muli ang kinain nito. Huwag din kayong hihipo ng bangkay ng mga hayop na apat ang paa at may kukong pangkalmot.[e] Ituring ninyong marumi ang mga hayop na ito. Ang sinumang makahipo ng bangkay nila ay dapat maglaba ng kanyang damit,[f] pero ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw.

29-31 “Ituring ninyong marumi ang mga hayop na gumagapang katulad ng daga, bubwit, butiki, tuko, bayawak, buwaya, bubuli at hunyango.[g] Ang sinumang makahipo ng mga bangkay nito ay ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw. 32 Ang alin mang bagay na mahulugan ng patay na katawan nito ay magiging marumi, maging itoʼy yari sa kahoy, tela, balat, o sako at ginagamit kahit saan. Itoʼy dapat hugasan ng tubig,[h] pero ituturing pa rin na marumi hanggang sa paglubog ng araw. 33 Kapag ang palayok o banga ay nahulugan ng patay na hayop na ito, ang lahat ng laman sa loob nito ay marumi na, at itoʼy dapat nang basagin. 34 Ang lahat ng pagkain na nilagyan ng tubig na mula sa bangang iyon ay marumi na. At marumi na rin ang anumang inumin na nasa bangang iyon. 35 Ang alin mang mahulugan ng patay na katawan ng mga iyon ay magiging marumi. Kapag ang nahulugan ay pugon o palayok, ituring ninyong marumi iyon at dapat basagin. 36 Ang batis o balon na mahulugan ng kanilang patay na katawan ay mananatiling malinis,[i] pero ang sinumang makahipo ng patay na katawan na iyon ay magiging marumi. 37 Ang alin mang binhi na mahulugan nito ay mananatiling malinis, 38 pero kung ang binhi ay nakababad na sa tubig, ang binhing iyon ay magiging marumi na.

39 “Kung mamatay ang alin mang hayop na maaaring kainin, ang sinumang humipo nito ay ituturing na marumi, hanggang sa paglubog ng araw. 40 Ang sinumang kukuha at kakain nito ay dapat maglaba ng kanyang damit pero ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw.[j]

41-42 “Huwag ninyong kakainin ang anumang hayop na gumagapang dahil kasuklam-suklam ito: ang anumang gumagapang sa pamamagitan ng kanyang tiyan o apat na paa o maraming paa dahil iyon ay marumi. 43-44 Huwag ninyong dudungisan ang inyong sarili sa pamamagitan ng pagkain ng alinman sa mga ito, dahil ako ang Panginoon na inyong Dios. Italaga ninyo ang inyong sarili para sa akin at kayoʼy magpakabanal dahil akoʼy banal. 45 Ako ang Panginoon na naglabas sa inyo sa Egipto para akoʼy maging Dios ninyo. Kaya dapat kayong mamuhay nang banal dahil akoʼy banal.

46 “Sa pamamagitan ng mga tuntuning ito tungkol sa lahat ng uri ng hayop, ibon at isda, 47 malalaman ninyo kung alin ang malinis at marumi, ang pwede at hindi pwedeng kainin.”

Mga Tuntunin Tungkol sa Babaeng Nanganak

12 Inutusan ng Panginoon si Moises na sabihin ito sa mga taga-Israel:

Kung ang isang babae ay nanganak ng lalaki, siyaʼy ituturing na marumi[k] sa loob ng pitong araw, tulad nang panahong siya ay may buwanang dalaw. Sa ikawalong araw, tutuliin ang kanyang anak. Dahil sa siyaʼy dinudugo pa, maghihintay pa siya hanggang sa makalipas ang 33 araw bago siya ituring na malinis[l] dahil sa dugo ng panganganak. Hindi siya maaaring humipo ng kahit anumang bagay at hindi siya maaaring pumunta sa Toldang Tipanan hanggang sa matapos ang kanyang paglilinis. Kung babae ang anak niya, ituturing siyang marumi sa loob ng 14 na araw, tulad nang panahong siya ay siyaʼy may buwanang dalaw. Maghihintay pa siya ng 66 na araw bago siya ituring na malinis mula sa dugo ng panganganak.

Kapag tapos na ang mga araw ng kanyang paglilinis para sa anak na lalaki o babae, magdadala siya sa pari malapit sa may pintuan ng Toldang Tipanan ng isang tupang may isang taong gulang, bilang handog na sinusunog at isang inakay na kalapati o batu-bato bilang handog sa paglilinis. 7-8 Ihahandog ito ng pari sa Panginoon para maalis ang kanyang karumihan dahil sa kanyang pagdurugo sa panganganak at magiging malinis siya. Kung hindi niya kayang maghandog ng tupa, maghahandog siya ng dalawang kalapati o dalawang ibon na batu-bato. Ang isa ay bilang handog na sinusunog at ang isa ay bilang handog sa paglilinis. Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari, maaalis ang karumihan niya at ituturing na siyang malinis. Ito ang mga tuntunin tungkol sa babaeng nanganak.

Mga Tuntunin Tungkol sa Nakakahawang Sakit sa Balat

13 Ang mga tuntuning ito ay ibinigay ng Panginoon kina Moises at Aaron: Kung ang balat ng isang tao ay namamaga, may mga butlig at namumuti, iyon ay tanda ng malubhang sakit sa balat.[m] Siyaʼy dapat dalhin sa paring si Aaron o sa isa sa mga paring mula sa angkan niya. Susuriin ng pari ang balat niya, at kung makita niyang ang balahibo ay namumuti at parang tagos sa laman, may nakakahawang sakit sa balat ang taong iyon. Ipapahayag ng pari na ang taong iyon ay itinuturing na marumi.[n] Pero kung ang namumuting balat ay hindi tagos sa laman at hindi rin namumuti ang balahibo, ibubukod siya ng pari sa mga tao sa loob ng pitong araw. Sa ikapitong araw, susuriin siyang muli ng pari, at kung makita niyang ganoon pa rin ang kanyang balat, at hindi kumalat, siyaʼy ibubukod pa rin ng pari sa mga tao sa loob pa rin ng pitong araw. At sa ikapitong araw, muli siyang susuriin ng pari. At kung gumaling na ang kanyang sakit sa balat at hindi ito kumalat, ipapahayag ng pari na siyaʼy malinis[o] na, dahil itoʼy butlig lang. Pagkatapos nito, lalabhan ng tao ang kanyang damit,[p] at siyaʼy ituturing na malinis na. Pero kung kumalat ang mga butlig sa kanyang balat pagkatapos na siyaʼy magpasuri sa pari at ipinahayag na siyaʼy malinis na, dapat muli siyang magpasuri sa pari. At kung kumalat na ang mga butlig, muling ipapahayag ng pari na marumi siya dahil may sakit siya sa balat na nakakahawa.

Ang sinumang may nakakahawang sakit sa balat ay dapat magpasuri sa pari. 10 Kung sa tingin ng pari ay namumuti ang namamagang balat o namumuti ang balahibo, at nagkakasugat na, 11 itoʼy isang sakit na paulit-ulit at nakakahawa. Kaya ipapahayag ng pari na marumi siya. Hindi na kailangang ibukod pa siya para suriin dahil tiyak nang marumi siya.

12 Kung sa pagsusuri ng pari ay kumalat na ang sakit sa buong katawan ng tao, 13 kailangan pa rin niya itong suriing mabuti. At kung talagang kumalat na nga sa buong katawan ang sakit, at namumuti na ang lahat ng kanyang balat, ipapahayag ng pari na siyaʼy malinis.[q] 14-15 Pero kung sa pagsusuri ng pari ay nagkakasugat na ang kanyang sakit sa balat, ipapahayag niya na ang taong itoʼy marumi at may sakit sa balat na nakakahawa. At ang lumalabas sa sugat ay ituturing na marumi. 16 Ngunit kung gumaling ang sugat at pumuti ang balat, muli siyang magpapasuri sa pari. 17 At kung makita ng pari na talagang magaling na ito, ipapahayag ng pari na malinis na siya.

18 Kung ang isang taoʼy may bukol na gumaling, 19 pero muling namaga o namuti, itoʼy dapat ipasuri sa pari. 20 At kung nagkasugat at ang mga balahibo ay pumuti, ipapahayag ng pari na marumi ang taong iyon, dahil ang taong itoʼy may sakit sa balat na nakakahawa at nagsimula ito sa bukol. 21 Pero kung sa pagsusuri ng pari ay nakita niyang hindi naman nagkakasugat ang balat at hindi rin namumuti ang balahibo at parang gumagaling na ito, ibubukod siya ng pari sa mga tao sa loob ng pitong araw. 22 Ngunit kung itoʼy kumalat sa ibang bahagi ng balat, ipapahayag ng pari na siyaʼy marumi dahil iyon ay tanda na may sakit siya sa balat na nakakahawa. 23 Pero kung hindi naman kumalat, at itoʼy peklat lang ng gumaling na bukol, ipapahayag ng pari na siyaʼy malinis.

24 Kung ang isang tao ay napaso at naimpeksiyon ito, at ito ay namumuti o namumula, 25 itoʼy dapat ipasuri sa pari at kung itoʼy nagkakasugat at ang balahibo ay namumuti, may sakit siya sa balat na nagsimula sa paso. Itoʼy nakakahawa kaya ipapahayag ng pari na siyaʼy marumi. 26 Pero kung sa pagsusuri ng pari ay wala namang nagkakasugat at hindi rin namumuti ang balahibo, at parang gumagaling na ito, ibubukod siya ng pari sa mga tao sa loob ng pitong araw. 27 At sa ikapitong araw, muli siyang susuriin ng pari kung ang sakit ay kumalat sa ibang bahagi ng balat, ipapahayag ng pari na marumi siya dahil iyon ay tanda ng sakit sa balat na nakakahawa. 28 Pero kung hindi naman kumakalat at medyo gumagaling na, pamamaga lang iyon ng napaso. Kaya ipapahayag ng pari na siyaʼy malinis.

29 Kung ang isang tao[r] ay may tanda ng nakakahawang sakit sa balat sa ulo o sa baba, 30 dapat ipasuri niya iyon sa pari. Kung iyon ay sugat na nga, at ang buhok o balbas ay naninilaw at madalang ang pagtubo, ipapahayag ng pari na ang taong iyon ay marumi, dahil may sakit siya sa balat na nakakahawa sa ulo o baba. 31 Pero kung sa pagsusuri ng pari ay nakita niya na hindi naman lumalalim ang sugat at wala ng maitim na buhok o balbas, ibubukod siya ng pari sa mga tao sa loob ng pitong araw. 32 At sa ikapitong araw, muling susuriin ng pari ang kanyang sakit sa balat. At kung hindi naman kumalat at hindi rin nagkasugat ang balat at hindi rin naninilaw ang buhok o balbas, 33 dapat niyang kalbuhin ang kanyang buhok o ahitin ang kanyang balbas, maliban sa bahaging may sakit sa balat. At muli siyang ibubukod ng pari ng pitong araw pa. 34 At sa ikapitong araw, muling susuriin ng pari ang kanyang sakit. At kung hindi na kumalat ang sakit sa balat at hindi rin nagkasugat, ipapahayag ng pari na siyaʼy malinis. Kaya lalabhan niya ang kanyang damit, at ituturing na siyang malinis. 35 Pero kung ang sakit sa balat ay muling kumalat sa kanyang katawan pagkatapos na maipahayag ng pari na malinis na siya, 36 muli siyang susuriin ng pari. At kung kumalat na ang sakit sa kanyang balat, hindi na niya kailangang magpasuri pa sa pari kung may buhok o balbas na naninilaw dahil tiyak na marumi siya. 37 Pero kung sa pagsusuri ng pari ay hindi iyon kumalat, at may itim na buhok o balbas na tumutubo, magaling na iyon. Kaya ipapahayag ng pari na siyaʼy malinis.

38 Kung may namumuti sa balat ng isang tao, 39 kinakailangang magpasuri siya sa pari. At kung ang mga namumuting balat ay maputla, iyon ay mga butlig lang na tumutubo sa balat. Kaya ang taong iyon ay ituturing na malinis.

40-41 Kung ang isang tao ay nakakalbo sa bandang noo o sa gitna ng ulo, malinis siya. 42-44 Pero kung may namumula at namamaga sa nakakalbong bahagi ng kanyang ulo, dapat siyang magpatingin sa pari. At kung ang namumula at namamaga ay katulad sa nakakahawang sakit sa balat na tumutubo sa ibang bahagi ng katawan, ipapahayag ng pari na marumi siya.

45 Ang taong may sakit sa balat na nakakahawa ay dapat magsuot ng punit na damit, guluhin niya ang kanyang buhok, at takpan ang ibabang bahagi ng kanyang mukha. At siyaʼy sisigaw, “Akoʼy marumi! Akoʼy marumi!” 46 Siyaʼy ituturing na marumi habang siyaʼy hindi gumagaling sa sakit niyang iyon. At dapat siyang tumirang nag-iisa sa labas ng kampo.

Mga Tuntunin Tungkol sa Amag sa Damit

47-50 Kung ang may sakit sa balat na nakakahawa ay magkakaroon ng amag[s] sa damit na lana o linen o anumang gamit na yari sa balat, itoʼy dapat ipasuri sa pari. Pagkatapos suriin ng pari ang damit o balat, ibubukod niya iyon sa loob ng pitong araw. 51-52 Sa ikapitong araw, muli itong titingnan ng pari. At kung kumalat pa ang amag, ituturing na marumi ang damit o balat na iyon, at dapat sunugin dahil ang amag na ito ay kumakalat 53 Pero kung sa pagsusuri ng pari ay nakita niyang hindi naman ito kumakalat, 54 palalabhan niya ang damit o balat na iyon, at ibubukod sa loob ng pitong araw. 55 Pagkatapos ng pitong araw, muli itong titingnan ng pari. Kung ang amag ay hindi nagbabago ang kulay, ang damit o balat na iyon ay ituring na marumi kahit hindi na kumalat ang amag, at dapat sunugin, nasa labas man o nasa loob ng damit ang amag. 56 Pero kung sa pagsusuri ng pari ay nakita niyang kumukupas ang amag, punitin na lang niya ang bahaging iyon ng damit o balat na may amag. 57 Ngunit kung may lumitaw pa ring amag at kumalat, dapat nang sunugin ang damit o balat. 58 Kung nawala ang amag pagkatapos labhan ang damit o balat, muli itong labhan at itoʼy ituturing na malinis na. 59 Ito ang mga tuntunin kung papaano malalaman ang malinis o maruming damit na lana o linen o anumang gamit na yari sa balat na nagkaroon ng amag.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®