Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Leviticus 19-21

Ibaʼt ibang Kautusan

19 Inutusan ng Panginoon si Moises na sabihin ito sa lahat ng mamamayan ng Israel: Magpakabanal kayo dahil ako ang Panginoon na inyong Dios ay banal. Dapat ninyong igalang ang inyong ina at ama. Sundin ninyo ang ipinapagawa ko sa inyo sa Araw ng Pamamahinga. Ako ang Panginoon na inyong Dios.

Huwag kayong sasamba sa mga dios-diosan o gagawa ng mga imahen nila. Ako ang Panginoon na inyong Dios.

Kung mag-aalay kayo ng handog para sa mabuting relasyon, ialay ninyo ito sa paraang katanggap-tanggap sa akin. Kainin ninyo ito sa araw ding iyon o sa kinabukasan. Pero kung may matitira pa sa pangatlong araw, sunugin na ninyo ito. Kapag sa ikatlong araw ay kinain pa ninyo ito, hindi ko na ito tatanggapin dahil itoʼy karumal-dumal na. At ang sinumang kumain nito ay mananagot dahil binalewala niya ang banal na bagay na para sa akin, kaya ang taong iyon ay huwag na ninyong ituring na kababayan.

Kung mag-aani kayo, huwag ninyong uubusin ang mga nasa gilid ng inyong bukirin, at huwag na ninyong balikan para pulutin ang mga natira. 10 Ganoon din sa inyong ubasan, huwag na ninyong babalikan para kunin ang mga natirang bunga o mga nalaglag. Iwanan ninyo iyon para sa mahihirap at mga dayuhan. Ako ang Panginoon na inyong Dios.

11 Huwag kayong magnanakaw, o magsisinungaling, o mandadaya ng inyong kapwa.

12 Huwag kayong manunumpa ng kasinungalingan sa aking pangalan dahil kapag iyon ay ginawa ninyo iyon nilalapastangan ninyo ang aking pangalan. Ako ang Panginoon. 13 Huwag ninyong lalamangan o pagnanakawan ang inyong kapwa. Huwag ninyong ipagpapaliban ang pagbabayad ng sweldo ng taong pinagtatrabaho ninyo.

14 Huwag kayong magsasalita ng masama sa bingi, at huwag ninyong lalagyan ng katitisuran ang dinadaanan ng bulag. Ipakita ninyong kayoʼy may takot sa akin sa pamamagitan ng pagsunod ng mga utos ko. Ako ang Panginoon.

15 Kinakailangang matuwid at walang kinikilingan ang inyong paghatol sa inyong kapwa, mayaman man o dukha.

16 Huwag kayong magtsitsismisan tungkol sa inyong kapwa. Huwag kayong magsasalita o gagawa ng anumang makasisira sa inyong kapwa. Ako ang Panginoon.

17 Huwag ninyong kapopootan ang inyong kapwa. Paalalahanan ninyo siya kung siyaʼy nagkasala para kayoʼy walang panagutan.

18 Huwag kayong gumanti ng masama o magtatanim ng galit sa inyong kapwa, kundi mahalin ninyo siya gaya ng inyong sarili. Ako ang Panginoon.

19 Sundin ninyo ang aking mga utos. Huwag ninyong palalahian ang isang hayop sa ibang uri ng hayop. Huwag kayong magtatanim ng dalawang klaseng binhi sa iisang bukid. Huwag kayong magsusuot ng damit na yari sa dalawang klaseng tela.

20 Kung ang isang lalaki ay sumiping sa isang aliping babae na nakatakdang ikasal sa ibang lalaki, pero hindi pa natutubos o napapalaya ang babae,[a] dapat silang parusahan. Pero huwag silang patayin dahil hindi pa napapalaya ang nasabing babae. 21-22 Kinakailangang magdala ang lalaki ng lalaking tupa malapit sa may pintuan ng Toldang Tipanan bilang handog na pambayad sa kanyang kasalanan sa Panginoon. Sa paghahandog ng pari ng tupang iyon sa aking harapan, matutubos ang lalaking iyon sa kanyang kasalanan at patatawarin ko siya.

23 Kapag dumating na kayo sa lupaing ibibigay ko sa inyo, huwag ninyong kakainin ang bunga ng mga punongkahoy na inyong itinanim sa loob ng tatlong taon. Ituring ninyong marumi iyon. 24 Sa ikaapat na taon, ang lahat ng bunga ay ihandog ninyo sa akin bilang papuri sa akin kaya huwag ninyo itong kakainin. 25 Sa ikalimang taon, makakain na ninyo ang mga bunga ng inyong mga pananim. At kung susundin ninyo ang tuntuning ito, magiging sagana ang bunga ng inyong mga pananim. Ako ang Panginoon na inyong Dios.

26 Huwag kayong kakain ng karneng may dugo pa.

Huwag ninyong gagawin ang ginagawa ng mga manghuhula at mangkukulam.

27 Kung magluluksa kayo sa patay, huwag ninyong pagugupitan ang inyong buhok sa palibot ng inyong ulo o magpuputol ng inyong balbas. 28 At huwag din ninyong susugatan ang inyong katawan. Huwag din kayong magpapatato. Ako ang Panginoon.

29 Huwag ninyong ilagay sa kahihiyan ang inyong anak na babae sa pamamagitan ng pagpilit sa kanila na ipagbili ang kanilang sarili para sa panandaliang-aliw, dahil ito ang magiging dahilan ng paglaganap ng kasamaan sa inyong bayan.

30 Sundin ninyo ang ipinapagawa ko sa inyo sa Araw ng Pamamahinga, at igalang ninyo ang lugar na inyong pinagsasambahan sa akin. Ako ang Panginoon.

31 Huwag kayong sasangguni sa mga espiritistang nakikipag-usap sa kaluluwa ng mga patay, dahil kapag ginawa ninyo ito, ituturing kayo na marumi. Ako ang Panginoon na inyong Dios.

32 Igalang ninyo ang matatanda. Igalang nʼyo ako na inyong Dios, ako ang Panginoon.

33 Huwag ninyong aapihin ang mga dayuhang naninirahang kasama ninyo. 34 Ituring ninyo silang gaya ng inyong mga kababayan at ibigin ninyo sila gaya ng sa inyong sarili, dahil kayo rin noon ay naging mga dayuhan sa Egipto. Ako ang Panginoon na inyong Dios.

35 Huwag kayong mandadaya sa inyong pagtitimbang, pagsukat at pagtatakal. 36-37 Gamitin ninyo ang tamang timbangan, sukatan, o takalan.

Ako ang Panginoon na inyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto. Sundin ninyo ang lahat ng tuntunin at utos ko. Ako ang Panginoon.

Mga Parusa sa mga Kasalanan

20 Inutusan ng Panginoon si Moises, na sabihin ito sa mga taga-Israel:

Ang sinuman sa inyo at sa mga dayuhang naninirahang kasama ninyo na maghahandog ng kanyang anak sa dios-diosang si Molec ay dapat batuhin ng taong bayan hanggang sa mamatay. 3-4 Kasusuklaman ko ang taong iyon at huwag na ninyong ituring na kababayan. Sapagkat dahil sa paghahandog niya ng kanyang anak kay Molec, dinungisan niya ang lugar na pinagsasambahan sa akin at nilapastangan niya ang aking pangalan. Kapag ang taong iyon ay hinahayaan ninyo sa kanyang ginagawang iyon, ako mismo ang uusig sa kanya, at sa sambahayan niya, at sa lahat ng sumusunod sa kanya sa paghahandog kay Molec. Hindi ko sila ituturing na kababayan ninyo.

Kasusuklaman ko ang mga sumasangguni at sumusunod sa mga espiritistang nakikipag-usap sa mga kaluluwa ng patay. Hindi ko sila ituturing na kababayan ninyo.

Italaga ninyo ang inyong sarili para sa akin at magpakabanal kayo dahil ako ang Panginoon na inyong Dios. Sundin ninyo ang aking mga tuntunin dahil ako ang Panginoon na nagtalaga sa inyo para maging bayan ko.

Ang sinumang lumapastangan sa kanyang ama at ina ay kailangang patayin.

10 Kung ang isang lalaki ay sumiping sa asawa ng iba, siya at ang babae ay dapat patayin.

11 Kung ang isang lalaki ay sumiping sa asawa ng kanyang ama, nilalapastangan niya ang kanyang ama. Kaya siya at ang babae ay dapat patayin. Sila ang responsable sa sinapit nilang kamatayan.

12 Kung ang isang amaʼy sumiping sa kanyang manugang na babae, siya at ang babae ay dapat patayin, dahil masama ang kanilang ginawa. Sila ang responsable sa sinapit nilang kamatayan.

13 Kung ang isang lalaki ay sumiping sa kapwa lalaki, pareho silang dapat patayin dahil pareho silang gumawa ng kasuklam-suklam na gawain. Sila ang responsable sa sinapit nilang kamatayan.

14 Kung ang isang lalaki ay sumiping sa mag-ina, silang tatlo ay dapat sunugin dahil masama ang kanilang ginawa. Ang kasamaang ito ay dapat mawala sa inyo.

15-16 Kung ang isang lalaki o babae ay sumiping sa hayop, dapat siyang patayin pati na ang hayop. Sila ang responsable sa kanilang kamatayan.

17 Kung ang isang lalaki ay magpakasal sa kapatid niyang babae at sumiping dito, maging itoʼy kapatid niya sa ama o sa ina, inilalagay niya ang kanyang kapatid sa kahihiyan kaya dapat siyang managot. At dahil masama ang ginawa nila, huwag na silang ituring na kababayan ninyo.

18 Kung ang lalaki ay sumiping sa babaeng may buwanang dalaw dahil gusto rin ng babae, silang dalawa ay huwag na ninyong ituring na kababayan.

19 Kung ang isang lalaki ay sumiping sa kanyang tiyahin, inilalagay niya sa kahihiyan ang kanyang tiyahin. Silang dalawa ay dapat managot sa kanilang ginawa.

20 Kung ang isang lalaki ay sumiping sa asawa ng kanyang tiyuhin, inilalagay niya ang kanyang tiyuhin sa kahihiyan. Silang dalawa ay dapat managot at mamatay na walang anak.

21 Kung ang isang lalaki ay sumiping sa asawa ng kanyang kapatid, inilalagay niya ang kanyang kapatid sa kahihiyan. At dahil masama ang ginawa nila, mamamatay silang dalawa na walang anak.

22 Sundin ninyo ang lahat ng tuntunin at utos upang hindi kayo paalisin sa lupaing pagdadalhan ko sa inyo para roon kayo manirahan. 23 Ang mga taong paaalisin ko sa lupaing iyon ay gumagawa ng mga kasamaang ito, at dahil dooʼy itinatakwil ko sila. Kaya huwag ninyong gagayahin ang ginagawa nila. 24 At ayon na rin sa aking sinabi sa inyo, magiging inyo ang kanilang lupain. Ibibigay ko sa inyo ang lupaing iyon na maganda at sagana[b] sa ani para maging pag-aari ninyo. Ako ang Panginoon na inyong Dios na humirang sa inyo mula sa mga tao.

25 Dapat ninyong malaman kung aling mga hayop at mga ibon ang malinis o marumi. Huwag ninyong dudungisan ang inyong sarili sa pamamagitan ng pagkain ng mga maruming hayop na ipinagbawal ko. 26 Kayoʼy magpakabanal dahil ako, ang Panginoon ay banal. At kayoʼy hinirang ko mula sa ibang mga bansa para maging akin.

27 Kung mayroong espiritista sa inyo na nakikipag-usap sa mga kaluluwa ng patay, kailangang batuhin ninyo siya hanggang sa mamatay. Siya ang responsable sa kanyang kamatayan.

Mga Tuntunin tungkol sa mga Pari

21 Inutusan ng Panginoon si Moises na sabihin ito sa mga paring mula sa angkan ni Aaron:

Huwag ninyong dudungisan ang inyong sarili sa pamamagitan ng paglapit o paghipo sa bangkay ng tao, maliban na lamang kung ang namatay ay malapit ninyong kamag-anak gaya ng inyong ina, ama, anak, kapatid na lalaki, o dalagang kapatid at walang inaasahan kundi kayo. Huwag din ninyong dungisan ang inyong sarili sa inyong pagpunta sa libing ng kamag-anak ng inyong asawa. Kung kayoʼy magluluksa sa patay, huwag ninyong aahitin ang inyong buhok o puputulan ang inyong balbas o susugatan ang inyong katawan. Italaga ninyo ang inyong sarili para sa akin na inyong Dios, at huwag ninyong lapastanganin ang aking pangalan. Itoʼy dapat ninyong gawin dahil kayo ang nag-aalay ng mga handog sa pamamagitan ng apoy,[c] para sa akin na siyang pagkain ko.

Huwag kayong mag-asawa ng babaeng marumi dahil nagbebenta siya ng panandaliang aliw, o ng babaeng hiwalay sa asawa, dahil kayoʼy hinirang ko para sa aking sarili. Kinakailangang kayo ay ituring na banal ng inyong kapwa Israelita dahil kayo ang nag-aalay ng mga handog para sa akin.[d] Dapat nila kayong ituring na banal dahil ako ang Panginoon ay banal at ginawa kong banal ang aking mga tao.[e]

Kung kayoʼy may anak na babae na nagdudulot ng kahihiyan sa inyo dahil sa nagbebenta siya ng panandaliang-aliw, siyaʼy ituturing na marumi, dapat siyang sunugin.

10 Kung ang punong pari[f] ay namatayan ng kamag-anak, huwag niyang guguluhin ang kanyang buhok ni pupunitin ang kanyang damit bilang tanda ng pagluluksa. 11 Dapat din niyang iwasan ang paglapit sa patay kahit na iyon ay kanyang ama o ina. 12 At dahil siyaʼy itinalaga sa akin bilang punong pari sa pamamagitan ng pagpapahid sa kanya ng langis ng pagtatalaga, hindi siya dapat umalis sa Toldang Tipanan dahil kapag siyaʼy umalis doon at sumama sa libing, marurumihan ang Tolda. Ako ang Panginoon.

13-14 Kung ang punong pari ay mag-aasawa, dapat Israelitang katulad niya at tunay na dalaga. Huwag siyang mag-aasawa ng biyuda, o ng babaeng hiwalay sa asawa, o ng babaeng marumi na nagbebenta ng panandaliang-aliw, 15 upang sa ganoon ay walang maging kapintasan ang mga anak niya. Ako ang Panginoong humirang sa kanya para siyaʼy maging banal.

16 Inutusan ng Panginoon si Moises 17 na sabihin ito kay Aaron:

Walang sinuman sa angkan mo hanggang sa susunod pang mga henerasyon na may kapansanan ang katawan na makapaghahandog sa akin ng mga handog na pagkain. 18 Hindi maaari ang bulag, pilay, may kapansanan ang mukha, may kapansanan ang isang bahagi ng katawan, 19 bali ang paa o kamay, 20 kuba, unano, may sakit sa mata o sa balat, o baog. 21-23 Kaya kung ang angkan ni Aaron ay may kapansanan sa katawan, hindi siya maaaring maghandog sa akin ng mga handog sa pamamagitan ng apoy na siyang pagkain ko. Hindi rin siya maaaring pumasok sa Banal na Lugar o lumapit sa altar dahil madudungisan ang aking Tolda. Pero maaari siyang kumain ng mga pagkaing bahagi ng mga pari sa mga banal at pinakabanal na handog. Ako ang Panginoong nagtalaga sa inyo para maging akin.

24 Ang lahat ng ito ay sinabi ni Moises kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki at sa lahat ng mga Israelita.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®