Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
1 Pedro 1-5

Mula kay Pedro, isang apostol ni Jesu-Cristo—

Sa mga hinirang ng Diyos na nakikipamayan sa mga lalawigan ng Ponto, Galacia, Capadocia, Asia, at Bitinia. Kayo'y pinili ng Diyos Ama ayon sa kanyang layunin sa mula't mula pa at pinabanal ng Espiritu Santo, upang maging masunurin kay Jesu-Cristo at nilinis sa pamamagitan ng kanyang dugo.

Sumagana nawa sa inyo ang kagandahang-loob at kapayapaan.

Isang Buháy na Pag-asa

Pasalamatan natin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Dahil sa laki ng habag niya sa atin, tayo'y binigyan niya ng isang panibagong buhay sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo. Ito ang nagbigay sa atin ng isang buháy na pag-asa na magmamana tayo ng kayamanang di masisira, walang kapintasan, at di kukupas na inihanda ng Diyos sa langit para sa inyo. Sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, iniingatan kayo ng kapangyarihan ng Diyos habang hinihintay ninyo ang kaligtasang nakahandang ihayag sa katapusan ng panahon.

Ito'y dapat ninyong ikagalak, kahit na maaaring magdanas muna kayo ng iba't ibang pagsubok sa loob ng maikling panahon. Ang ginto, bagama't nasisira, ay pinapadaan sa apoy upang malaman kung talagang dalisay. Gayundin naman, ang inyong pananampalataya, na higit na mahalaga kaysa ginto, ay sinusubok upang malaman kung ito'y talagang tapat. Sa gayon kayo'y papupurihan, dadakilain at pararangalan sa Araw na mahayag si Jesu-Cristo. Hindi ninyo siya nakita ngunit siya'y inibig ninyo. Hindi pa rin ninyo siya nakikita hanggang ngayon, ngunit sumasampalataya kayo sa kanya. Dahil dito'y nag-uumapaw na sa inyong puso ang kagalakang di kayang ilarawan sa salita, sapagkat tinatanggap na ninyo ang bunga ng inyong[a] pananampalataya, ang kaligtasan ng inyong buhay.

10 Tungkol sa kaligtasang ito masusing nagsiyasat at nagsuri ang mga propetang nagpahayag tungkol sa pagpapalang nakalaan sa inyo. 11 Sinuri nila kung kailan at paano ito mangyayari. Ang panahong ito ang tinutukoy ng Espiritu ni Cristo na nasa kanila nang unang ipahayag nito ang hirap na titiisin ni Cristo at ang karangalang tatamuhin niya. 12 Nang kanilang ipahayag ang mga katotohanang ito, ipinaunawa sa kanila ng Diyos na ang ginagawa nila ay para sa inyo, at hindi para sa kanila. Ang mga katotohanang ito'y narinig ninyo ngayon sa mga nangangaral ng Magandang Balita sa kapangyarihan ng Espiritu Santo na isinugo mula sa langit. Maging ang mga anghel sa langit ay nanabik na maunawaan ang mga katotohanang ito.

Paanyaya sa Banal na Pamumuhay

13 Kaya nga, ihanda ninyo ang inyong mga isipan para sa dapat ninyong gawin. Maging mahinahon kayo at lubos na umasa sa pagpapalang tatamuhin ninyo kapag nahayag na si Jesu-Cristo. 14 Bilang masunuring mga anak, huwag kayong umayon sa masasamang pagnanasa tulad ng ginagawa ninyo noong kayo'y wala pang tunay na pagkaunawa. 15 Dahil ang Diyos na pumili sa inyo ay banal, dapat din kayong magpakabanal sa lahat ng inyong ginagawa, 16 sapagkat(A) nasusulat, “Magpakabanal kayo, sapagkat ako'y banal.”

17 Walang kinikilingan ang Diyos. Hinahatulan niya ang mga tao ayon sa mga ginawa nila. At dahil tinatawag ninyo siyang Ama, mamuhay kayong may takot sa kanya habang kayo'y nasa mundong ito. 18 Alam ninyo kung ano ang ipinantubos sa inyo sa walang kabuluhang pamumuhay na inyong minana sa inyong mga magulang. Tinubos kayo hindi sa pamamagitan ng mga bagay na nasisira, tulad ng ginto o pilak, 19 kundi sa pamamagitan ng mahalagang dugo ni Cristo. Siya'y tulad ng korderong walang dungis at kapintasan. 20 Itinalaga siya ng Diyos bago pa nilikha ang daigdig, at alang-alang sa inyo ay ipinahayag sa mga huling araw na ito. 21 Dahil kay Cristo, sumasampalataya kayo sa Diyos na sa kanya'y muling bumuhay at nagparangal, kaya't ang inyong pananampalataya at pag-asa ay nasa Diyos.

22 Ngayon nalinis na ninyo ang inyong mga sarili sa pamamagitan ng inyong pagsunod sa katotohanan, at naghahari na sa inyo ang tapat na pagmamahal sa mga kapatid. Kaya, maalab at taos-puso kayong magmahalan. 23 Sapagkat muli kayong isinilang, hindi sa pamamagitan ng binhing nasisira, kundi sa pamamagitan ng buháy at walang kamatayang salita ng Diyos. 24 Ayon(B) sa kasulatan,

“Ang lahat ng tao ay tulad ng damo,
    gaya ng bulaklak nito ang lahat niyang kariktan.
Ang damo ay nalalanta, at ang bulaklak ay kumukupas,
25     ngunit ang salita ng Panginoon ay nananatili magpakailanman.”

Ang salitang ito ay ang Magandang Balitang ipinangaral sa inyo.

Ang Batong Buháy at ang Bayang Pinili

Kaya nga, talikuran na ninyo ang lahat ng kasamaan, ang lahat ng pandaraya, pagkukunwari, pagkainggit at paninirang-puri. Gaya ng sanggol, kayo'y manabik sa dalisay na gatas na espirituwal upang lumago kayo tungo sa kaligtasan, sapagkat(C) “Naranasan na ninyo ang kabutihan ng Panginoon.”

Lumapit kayo sa kanya, sa batong buháy na itinakwil ng mga tao ngunit pinili ng Diyos at mahalaga sa kanyang paningin. Tulad ng mga batong buháy, maging bahagi kayo ng isang templong espirituwal. Bilang mga paring itinalaga para sa Diyos, mag-alay kayo sa Diyos ng mga handog na espirituwal na kalugud-lugod sa kanya sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, sapagkat(D) sinasabi ng kasulatan,

“Tingnan ninyo,
    inilalagay ko sa Zion ang isang batong-panulukan, pinili at mahalaga;
    hindi mapapahiya ang sinumang sumasampalataya sa kanya.”

Kaya(E) nga, mahalaga siya sa inyong mga sumasampalataya sa kanya, ngunit sa mga hindi sumasampalataya, natutupad ang mga ito:

“Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay
    ang siyang naging batong-pundasyon.”

At(F)

“Ito ang batong katitisuran ng mga tao,
    batong ikadadapa nila.”

Natisod sila sapagkat hindi sila sumunod sa salita ng Diyos; ganoon ang nakatakda para sa kanila.

Ngunit(G) kayo ay isang lahing pinili, mga maharlikang pari, isang bansang hinirang, bayang pag-aari ng Diyos, pinili upang magpahayag ng mga kahanga-hangang ginawa niya. Siya ang tumawag sa inyo mula sa kadiliman patungo sa kanyang kahanga-hangang kaliwanagan. 10 Kayo'y(H) hindi bayan ng Diyos noon; ngunit ngayon, kayo'y bayang hinirang niya. Noon ay hindi kayo nakatanggap ng habag, ngunit ngayo'y tumanggap na kayo ng kanyang habag.

Maging mga Alipin ng Diyos

11 Mga minamahal, nakikiusap ako sa inyo, bilang mga dayuhan at pansamantalang naninirahan lamang sa daigdig na ito, talikuran na ninyo ang mga pagnanasa ng laman na nakikidigma sa inyong mga sarili. 12 Mamuhay kayo nang maayos sa gitna ng mga Hentil upang kahit na paratangan nila kayo ng masama, makikita nila ang inyong mabubuting gawa at magpupuri sila sa Diyos sa Araw ng kanyang pagdating.

13 Alang-alang sa Panginoon, pasakop kayo sa lahat ng may kapangyarihan sa bayan, sa Emperador, na siyang pinakamataas na kapangyarihan, 14 at sa mga gobernador, na isinugo niya upang magparusa sa mga gumagawa ng masama at magparangal sa mga gumagawa ng mabuti. 15 Nais ng Diyos na sa pamamagitan ng inyong wastong pamumuhay ay mapatigil ninyo ang mga hangal sa kanilang kamangmangan. 16 Mamuhay kayong tulad ng mga taong malaya, subalit huwag ninyong gawing dahilan sa paggawa ng masama ang inyong kalayaan. Sa halip, mamuhay kayo bilang mga alipin ng Diyos. 17 Igalang ninyo ang lahat ng tao at mahalin ang mga kapatid kay Cristo. Mamuhay kayo nang may takot sa Diyos. Igalang ninyo ang Emperador.

Tularan ang Pagtitiis ni Cristo

18 Mga alipin, magpasakop kayo sa inyong mga amo at igalang ninyo sila, hindi lamang ang mababait at mapagbigay kundi pati ang malulupit. 19 Sapagkat kapuri-puri ang nagtitiis ng parusa kahit walang kasalanan, bilang pagsang-ayon sa kalooban ng Diyos. 20 Maipagmamalaki ba ang magtiis ng parusa kung ito ay dahil sa paggawa ng masama? Hindi! Ngunit kung magtiis kayo ng hirap sa kabila ng paggawa ninyo ng mabuti, pagpapalain kayo ng Diyos. 21 Ang pagtitiis ng hirap ay bahagi ng pagkatawag sa inyo ng Diyos, sapagkat nang si Cristo ay magtiis para sa inyo, nag-iwan siya sa inyo ng isang halimbawa na dapat ninyong lubos na tularan. 22 Hindi(I) siya gumawa ng anumang kasalanan, o nagsinungaling kailanman. 23 Nang(J) siya'y insultuhin, hindi siya gumanti ng insulto. Nang siya'y pahirapan, hindi siya nagbanta; sa halip, ipinaubaya niya ang lahat sa Diyos na makatarungan kung humatol. 24 Sa(K) kanyang pagkamatay sa krus, pinasan niya ang ating mga kasalanan upang tayo'y mamatay na sa kasalanan at mamuhay nang ayon sa kalooban ng Diyos. Sa pamamagitan ng kanyang mga sugat, kayo'y pinagaling. 25 Sapagkat kayo ay tulad ng mga tupang naligaw, ngunit ngayon kayo'y nanumbalik na upang sumunod sa Pastol at Tagapangalaga ng inyong mga kaluluwa.

Katuruan para sa mga Mag-asawa

Kayo(L) namang mga babae, pasakop kayo sa inyu-inyong asawa. Sa gayon, kung mayroon sa kanila na hindi pa naniniwala sa salita ng Diyos, mahihikayat din silang sumampalataya dahil sa inyong magandang asal. Kahit hindi na kayo magpaliwanag pa sa kanila, sapat nang makita nila ang inyong maka-Diyos at malinis na pamumuhay. Ang(M) inyong ganda ay huwag maging panlabas lamang tulad ng pag-aayos ng buhok at pagsusuot ng mga gintong alahas at mamahaling damit. Sa halip, pagyamanin ninyo ang kagandahang nakatago sa puso, ang kagandahang walang kupas na likha ng maamo at mapayapang diwa, na lubhang mahalaga sa paningin ng Diyos. Iyan ang pagpapagandang ginawa noong unang panahon ng mga babaing banal na umasa sa Diyos. At sila'y nagpasakop sa kanilang mga asawa. Tulad(N) ni Sara, sinunod niya at tinawag na panginoon ang asawa niyang si Abraham. Kayo rin ay mapapabilang sa kanyang mga anak kung matuwid ang inyong mga gawa, at kung wala kayong anumang kinatatakutan.

Kayo(O) namang mga lalaki, unawain ninyo at pakitunguhang mabuti ang inyong asawa, sapagkat sila'y mas mahina. At sila'y kasama ninyong tatanggap ng buhay na kaloob ng Diyos. Gawin ninyo ito upang walang maging sagabal sa inyong mga panalangin.

Paghihirap Dahil sa Paggawa ng Matuwid

Sa madaling salita, magkaisa kayo at magdamayan, magmahalan bilang magkakapatid at maging maunawain at mapagpakumbaba. Huwag ninyong gantihan ng masama ang masama. Huwag ninyong sumpain ang sumusumpa sa inyo. Sa halip, pagpalain ninyo sila dahil pinili kayo upang tumanggap ng pagpapala ng Diyos. 10 Ayon(P) sa nasusulat,

“Ang mga nagnanais ng payapa at saganang pamumuhay,
    dila nila'y pigilan sa pagsasabi ng kasamaan.
    Ang anumang panlilinlang at madayang pananalita
    sa kanyang mga labi ay di dapat mamutawi.
11 Ang masama'y iwasan na, at ang gawin ay ang tama;
    at ang laging pagsikapan ay buhay na mapayapa.
12 Ang mga mata ng Panginoon, sa matuwid nakatuon,
    ang kanilang panalangin ay kanyang pinakikinggan,
    ngunit ang masasama ay kanyang sinasalungat.”

13 At sino naman ang gagawa sa inyo ng masama kung masigasig kayo sa paggawa ng mabuti? 14 At(Q)(R) sakali mang usigin kayo dahil sa pagsunod sa kalooban ng Diyos, pinagpala kayo! Huwag kayong matakot sa kanila at huwag kayong mabagabag. 15 Igalang ninyo si Cristo mula sa inyong puso bilang Panginoon. Lagi kayong maging handang sumagot sa sinumang humihingi ng paliwanag sa inyo tungkol sa pag-asang nasa inyo. 16 Ngunit gawin ninyo ito nang mahinahon at may paggalang. Panatilihin ninyong malinis ang inyong budhi upang mapahiya ang mga nanlalait at humahamak sa inyong magandang pag-uugali bilang mga lingkod ni Cristo. 17 Higit na mainam ang kayo'y magdusa dahil sa paggawa ng mabuti, sakali mang ito'y ipahintulot ng Diyos, kaysa magdusa kayo dahil sa paggawa ng masama. 18 Sapagkat si Cristo na walang kasalanan ay namatay[b] nang minsan para sa inyo na mga makasalanan, upang iharap kayo[c] sa Diyos. Siya'y pinatay sa laman, at muling binuhay sa espiritu. 19 Sa kalagayang ito, nagpunta siya at nangaral sa mga espiritung nakabilanggo. 20 Sila(S) ang mga espiritung ayaw sumunod noong matiyagang naghihintay ang Diyos nang panahon ni Noe, habang ginagawa nito ang daong. Doon ay iilang tao, walo lamang, ang nakaligtas sa tubig. 21 Ang tubig ay larawan ng bautismong nagliligtas sa inyo ngayon. Hindi nito nililinis ang dumi ng katawan; ito'y pangako sa Diyos buhat sa isang malinis na budhi. Inililigtas kayo ng bautismo sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo, 22 na umakyat sa langit at ngayo'y nasa kanan ng Diyos. Naghahari siya roon sa mga anghel at sa mga kapangyarihan sa langit.

Ang Panibagong Buhay

Yamang si Cristo'y nagtiis ng hirap noong siya'y nasa buhay na ito, kayo man ay dapat maging handang magtiis, sapagkat ang nagtiis na ng hirap sa buhay na ito ay tumalikod na sa kasalanan. Kaya nga mula ngayon ay mamuhay na tayong sumusunod sa kalooban ng Diyos, at hindi sa pagnanasa ng laman. Sapat na ang panahong inaksaya ninyo sa paggawa ng mga bagay na kinahuhumalingan ng mga Hentil: kahalayan, mga pagnanasa ng laman, paglalasing, walang habas na pagsasaya, pag-iinuman, at kasuklam-suklam na pagsamba sa mga diyus-diyosan. Nagtataka nga sila kung bakit hindi na kayo sumasama ngayon sa kanilang magulong pamumuhay kaya kayo'y kinukutya nila, ngunit mananagot sila sa Diyos na handang humatol sa mga buháy at sa mga patay. Ipinangaral din ang Magandang Balita sa mga patay upang bagama't sila'y nahusgahan ayon sa laman gaya ng lahat ng nasa laman, mabubuhay sila sa espiritu sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos.

Ang Mabuting Pangangasiwa sa mga Kaloob ng Diyos

Malapit na ang wakas ng lahat ng bagay, kaya't maging mapagtimpi kayo at panatilihing malinaw ang inyong pag-iisip upang kayo'y makapanalangin. Higit(T) sa lahat, magmahalan kayo nang tapat, sapagkat ang pagmamahal ay pumapawi ng maraming kasalanan. Buksan ninyo para sa isa't isa ang inyong mga tahanan at gawin ninyo ito nang hindi mabigat sa loob. 10 Bilang mabubuting katiwala ng iba't ibang kaloob ng Diyos, gamitin ninyo sa kapakinabangan ng lahat ang kakayahang tinanggap ng bawat isa sa inyo. 11 Ang nangangaral ay dapat salita ng Diyos ang ipangaral. Ang naglilingkod ay dapat maglingkod gamit ang lakas na kaloob sa iyo ng Diyos upang sa lahat ng bagay siya'y papurihan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Sa kanya ang kapangyarihan at karangalan magpakailanman! Amen.

Ang Pagtitiis ng Cristiano

12 Mga minamahal, huwag na kayong magtaka sa mabibigat na pagsubok na inyong dinaranas na para bang ito'y di pangkaraniwan. 13 Sa halip, magalak kayo sa inyong pakikibahagi sa mga paghihirap ni Cristo upang maging lubos ang inyong kagalakan kapag nahayag na ang kanyang kaluwalhatian. 14 Pinagpala kayo kung kayo'y kinukutya dahil kay Cristo, sapagkat sumasainyo ang Espiritu ng kaluwalhatian, ang Espiritu ng Diyos. 15 Huwag nawang mangyaring magdusa ang sinuman sa inyo dahil siya'y mamamatay-tao, magnanakaw, salarin o pakialamero. 16 Ngunit kung kayo'y magdusa dahil sa pagiging Cristiano, huwag ninyong ikahiya ito; sa halip, magpasalamat kayo sa Diyos sapagkat taglay ninyo ang pangalan ni Cristo.

17 Dumating na ang panahon ng paghuhukom, at ito'y magsisimula sa sambahayan ng Diyos. At kung sa atin ito magsisimula, ano kaya ang magiging wakas ng mga hindi sumusunod sa Magandang Balita ng Diyos? 18 Tulad(U) ng sinasabi ng kasulatan,

“Kung ang taong matuwid ay napakahirap maligtas,
    ano kaya ang kahihinatnan ng mga makasalanan at hindi kumikilala sa Diyos?”

19 Kaya nga, ang mga nagdurusa ayon sa kalooban ng Diyos ay dapat magtiwala sa Lumikha, at magpatuloy sa paggawa ng mabuti. Ang Diyos ay laging tapat sa kanyang pangako.

Pangangalaga at Pagiging Handa

Sa matatandang namumuno sa inyo, nananawagan ako bilang isa ring matandang pinuno ng iglesya na tulad ninyo, bilang saksi sa mga paghihirap ni Cristo at sapagkat makakabahagi ako sa karangalang malapit nang ipahayag. Pangalagaan(V) ninyo ang kawan ng Diyos na ipinagkatiwala sa inyo. Gawin ninyo ito nang maluwag sa loob at hindi napipilitan lamang. [Iyan ang nais ng Diyos].[d] Gampanan ninyo ang inyong tungkulin, hindi dahil sa kabayaran kundi dahil gusto ninyong makapaglingkod, hindi bilang panginoon ng inyong nasasakupan, kundi maging halimbawa kayo sa kawan. At pagparito ng Pinunong Pastol ay tatanggap kayo ng maluwalhating koronang di kukupas kailanman.

At(W) kayo namang mga kabataan, pasakop kayo sa matatandang pinuno ng iglesya. At kayong lahat ay magpakumbaba sapagkat, “Sinasalungat ng Diyos ang mapagmataas, ngunit pinagpapala niya ang mababang-loob.” Kaya(X) nga, pasakop kayo sa kapangyarihan ng Diyos at dadakilain niya kayo pagdating ng takdang panahon. Ipagkatiwala(Y) ninyo sa kanya ang inyong mga alalahanin sa buhay sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.

Maging handa kayo at magbantay. Ang diyablo, ang kaaway ninyo, ay parang leong umuungal at aali-aligid na naghahanap ng malalapa. Labanan ninyo siya at magpakatatag kayo sa inyong pananampalataya sa Diyos. Tulad ng alam ninyo, hindi lamang kayo ang nagtitiis ng mga kahirapan, kundi gayundin ang inyong mga kapatid sa buong daigdig. 10 Pagkatapos ninyong magtiis sa loob ng maikling panahon, ang Diyos, na siyang pinanggagalingan ng lahat ng pagpapala, ang siyang magbibigay sa inyo ng kagalingan, katatagan, at lakas ng loob at isang pundasyong di matitinag. Siya ang tumawag sa inyo upang makibahagi kayo sa kanyang walang hanggang kaluwalhatian, kasama ni Cristo. 11 Sa kanya ang kapangyarihan magpakailanman! Amen.

Pangwakas na Tagubilin

12 Sinulatan(Z) ko kayo sa tulong ni Silas,[e] na isa nating kapatid at lubos kong pinagkakatiwalaan. Sa pamamagitan ng maikling sulat na ito ay nais kong palakasin ang inyong loob at magpatotoo na ito nga ang kagandahang-loob ng Diyos. Manatili kayo sa pagpapalang ito.

13 Kinukumusta(AA) kayo ng mga kapatid na nasa Babilonia, mga pinili ring katulad ninyo; kinukumusta rin kayo ni Marcos, na aking anak sa pananampalataya. 14 Magbatian kayo bilang magkakapatid na nagmamahalan.[f]

Ang kapayapaan ay sumainyong lahat na mga nakipag-isa kay Cristo.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.