Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Roma 8-10

Pamumuhay Ayon sa Espiritu

Kaya nga, wala nang kahatulang parusa sa mga taong nakipag-isa na kay Cristo Jesus. Sa pamamagitan ng kautusan ng Espiritung nagbibigay-buhay dahil sa pakikiisa natin kay Cristo-Jesus, pinalaya na ako[a] mula sa kautusan ng kasalanan at kamatayan. Ginawa ng Diyos ang hindi kayang gawin ng Kautusan dahil sa kahinaan ng tao. Isinugo niya ang kanyang sariling Anak sa anyo ng taong makasalanan upang pawiin ang kasalanan. Sa gayon, hinatulan na niya ang kasalanang umaalipin sa tao. Ginawa ito ng Diyos upang ang itinatakda ng Kautusan ay matupad sa atin na namumuhay ayon sa Espiritu at hindi ayon sa hilig ng laman.

Ang mga namumuhay ayon sa hilig ng laman ay walang pinapahalagahan kundi ang mga bagay na ukol sa laman; ngunit ang mga namumuhay ayon sa Espiritu ay nagpapahalaga sa mga bagay na espirituwal. Ang pagsunod sa hilig ng laman ay naghahatid sa kamatayan, ngunit ang pagsunod sa Espiritu ay nagdudulot ng buhay at kapayapaan. Kaya nga, kapag itinutuon ng tao ang kanyang pag-iisip sa mga hilig ng laman, siya'y nagiging kaaway ng Diyos sapagkat hindi siya nagpapasakop sa batas ng Diyos, at sadyang hindi niya ito magagawa. At ang nabubuhay ayon sa hilig ng laman ay hindi maaaring kalugdan ng Diyos.

Ngunit hindi na kayo namumuhay ayon sa laman, kundi ayon sa Espiritu. Sa katunayan, naninirahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos. Kung wala sa isang tao ang Espiritu ni Cristo, hindi kay Cristo ang taong iyon. 10 Ngunit dahil naninirahan sa inyo si Cristo, mamatay man ang inyong mga katawan dahil sa kasalanan, ang espiritu naman ninyo ay buháy sapagkat itinuring na kayong matuwid ng Diyos. 11 Kung(A) naninirahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos na siyang muling bumuhay kay Jesu-Cristo, siya ang muling bubuhay sa inyong mga katawang may kamatayan, sa pamamagitan din ng kanyang Espiritung naninirahan sa inyo.

12 Mga kapatid, wala tayong pananagutang sundin ang mga hilig ng laman upang mamuhay ayon sa katawang makalaman. 13 Sapagkat mamamatay kayo kung namumuhay kayo ayon sa katawang makalaman, ngunit kung pinapatay ninyo sa pamamagitan ng Espiritu ang mga gawa ng katawang makalaman, mabubuhay kayo. 14 Ang lahat ng pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ay mga anak ng Diyos. 15 Sapagkat(B)(C) hindi espiritu ng pagkaalipin ang inyong tinanggap upang kayo'y mamuhay sa takot. Sa halip, ang inyong tinanggap ay ang Espiritu ng pagkupkop upang kayo'y gawing mga anak ng Diyos, kaya tayo'y tumatawag sa kanya ng, “Ama, Ama ko!” 16 Ang Espiritu ang nagpapatotoo, kasama ng ating espiritu, na tayo'y mga anak ng Diyos. 17 At yamang mga anak, tayo'y mga tagapagmana ng Diyos at kasamang tagapagmana ni Cristo. Sapagkat kung tayo'y kasama niya sa pagtitiis, tayo'y makakasama niya sa kanyang kaluwalhatian.

Ang Kaluwalhatiang Sasaatin

18 Para(D) sa akin, ang mga pagtitiis natin sa kasalukuyan ay hindi maihahambing sa kaluwalhatiang ipahahayag sa atin balang araw. 19 Sapagkat nananabik ang sangnilikha na ihayag ng Diyos ang kanyang mga anak. 20 Nabigo(E) ang sangnilikha, hindi dahil sa kagustuhan nito, kundi dahil itinulot iyon ng Diyos. Gayunman, nagbigay rin siya ng pag-asa 21 na ang lahat ng nilikha ay pinalaya ng Diyos upang hindi na ito mabulok, at upang makabahagi ito sa maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos. 22 Alam nating hanggang ngayo'y dumaraing ang sangnilikha dahil sa matinding hirap na tulad ng isang nanganganak. 23 At(F) hindi lamang ang sangnilikha, kundi tayong mga tumanggap na ng Espiritu bilang unang kaloob mula sa Diyos ay dumaraing din habang hinihintay natin ang paghahayag ng ating pagiging mga anak ng Diyos at ang pagpapalaya sa ating mga katawan. 24 Naligtas tayo dahil sa pag-asang ito. Ngunit hindi iyon matatawag na pag-asa kung nakikita na natin ang ating inaasahan. Sapagkat sinong tao ang aasa pa kung ito'y nakikita na niya? 25 Ngunit kung umaasa tayo sa hindi natin nakikita, hinihintay natin iyon nang buong tiyaga.

26 Gayundin naman, tinutulungan tayo ng Espiritu sa ating kahinaan sapagkat hindi tayo marunong manalangin nang nararapat, kaya't ang Espiritu ang namamagitan para sa atin, at dumaraing sa paraang hindi natin kayang sambitin. 27 At ang Diyos na siyang nakakasaliksik sa puso ng tao, ang siyang nakakaalam kung ano ang kalooban ng Espiritu, sapagkat ang Espiritu ang namamagitan para sa atin, ayon sa kalooban ng Diyos.

28 Alam nating sa lahat ng bagay ay gumagawa ang Diyos para sa mabuti kasama ang mga nagmamahal sa kanya,[b] silang mga tinawag ayon sa kanyang layunin. 29 Sapagkat sa mula't mula pa'y alam na ng Diyos kung sino ang magiging kanya at ang mga ito'y pinili niya upang maging katulad ng kanyang Anak. Sa gayon, siya ang naging panganay sa lahat ng maraming magkakapatid. 30 Ang mga pinili niya noon pang una ay kanyang tinawag; at ang mga tinawag ay kanya ring pinawalang-sala, at ang mga pinawalang-sala ay kanyang binahaginan ng kanyang kaluwalhatian.

Ang Pag-ibig ng Diyos

31 Ano pa ang masasabi natin tungkol dito? Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang makakalaban sa atin? 32 Kung ang sarili niyang Anak ay hindi niya ipinagkait, sa halip ay ibinigay para sa ating lahat, hindi kaya niya ibibigay nang masagana sa atin ang lahat ng bagay? 33 Sino ang makakapagharap ng paratang laban sa mga hinirang ng Diyos, gayong ang Diyos ang nagpapawalang-sala sa kanila? 34 Sino ang hahatol upang sila'y parusahan? Si Cristo Jesus ba na namatay, ngunit higit sa lahat ay muling binuhay, at ngayon ay nasa kanan ng Diyos upang mamagitan para sa atin? 35 Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Cristo? Ang kaguluhan kaya, ang kapighatian, pag-uusig, pagkagutom, kahirapan, panganib, o kamatayan? 36 Ayon(G) sa nasusulat,

“Dahil sa inyo'y buong araw kaming pinapatay,
    turing nila sa amin ay mga tupang kakatayin lamang.”

37 Hindi! Sa lahat ng mga ito, tayo'y lalong higit pang magtatagumpay sa pamamagitan niya na nagmamahal sa atin. 38 Sapagkat natitiyak kong walang makapaghihiwalay sa atin sa kanyang pag-ibig. Kahit ang kamatayan o ang buhay, ang mga anghel o ang mga pamunuan at ang mga kapangyarihan, ang kasalukuyan o ang hinaharap, 39 ang kataasan o ang kalaliman, o alinmang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na ipinagkaloob sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.

Ang Pagkapili ng Diyos sa Israel

Sa ngalan ni Cristo, ako'y nagsasabi ng totoo. Hindi ako nagsisinungaling. Ang aking budhi ay nagpapatunay na totoo ang sinasabi ko at saksi ko ang Espiritu Santo. Matindi ang aking kalungkutan at di mapawi ang pagdaramdam ng aking puso, dahil sa mga kalahi kong Judio. Mas mamatamisin ko pang ako'y sumpain at mapahiwalay kay Cristo, kung ito'y sa ikabubuti nila. Sila'y(H) mga Israelita na binigyan ng Diyos ng karapatang maging mga anak niya. Ipinakita rin niya sa kanila ang kanyang kaluwalhatian. Sa kanila nakipagtipan ang Diyos. Sa kanila rin ibinigay ang Kautusan, ang panuntunan sa pagsamba, at ang kanyang mga pangako. Sa kanila rin nagmula ang mga patriyarka, at tungkol sa kanyang pagiging tao, si Cristo ay nagmula sa kanilang lahi. Ang Kataas-taasang Diyos ay purihin magpakailanman![c] Amen.

Hindi ito nangangahulugang nawalan na ng kabuluhan ang salita ng Diyos, sapagkat hindi lahat ng mga Israelita ay kabilang sa bayang pinili niya. At(I) hindi rin naman ibinibilang na anak ni Abraham ang lahat ng nagmula sa kanya. Ganito ang sinabi ng Diyos, “Magmumula kay Isaac ang ibibilang na lahi mo.” Kaya nga, hindi lahat ng anak ni Abraham ay ibinibilang na anak ng Diyos, kundi iyon lamang mga ayon sa pangako ng Diyos. Sapagkat(J) ganito ang pangako, “Babalik ako sa isang taon, sa ganito ring panahon, at magkakaanak ng isang lalaki si Sara.”

10 At hindi lamang iyon. Kahit na iisa lamang ang ama ng dalawang anak ni Rebecca, na walang iba kundi ang ating ninunong si Isaac, 11-12 ipinakilala(K) ng Diyos na ang kanyang pagpili ay ayon sa sarili niyang layunin at hindi batay sa gawa ng tao. Kaya't bago pa ipanganak ang mga bata, at bago pa sila makagawa ng anumang mabuti o masama, sinabi na ng Diyos kay Rebecca, “Maglilingkod ang mas matanda sa nakababata.” 13 Ayon(L) sa nasusulat, “Minahal ko si Jacob, at kinapootan ko si Esau.”

14 Masasabi ba nating hindi makatarungan ang Diyos dahil dito? Hinding-hindi! 15 Sapagkat(M) ganito ang sabi niya kay Moises, “Mahahabag ako sa nais kong kahabagan at maaawa ako sa nais kong kaawaan.” 16 Maliwanag kung gayon, na ang pasya ng Diyos ay nababatay sa kanyang habag, at hindi sa kagustuhan o pagsisikap ng tao. 17 Sapagkat(N) ayon sa kasulatan ay sinabi niya sa hari ng Egipto, “Ginawa kitang hari upang sa pamamagitan mo'y maipakita ko ang aking kapangyarihan, at maipahayag ang aking pangalan sa buong daigdig.” 18 Kaya nga't kinahahabagan ng Diyos ang sinumang nais niyang kahabagan, at pinagmamatigas ang nais niyang maging matigas ang ulo.

Ang Poot at Habag ng Diyos

19 Sasabihin mo naman sa akin, “Kung gayon, bakit pa sinisisi ng Diyos ang tao? Sino ba ang makakasalungat sa kanyang kalooban?” 20 Tao(O) ka lamang, sino kang mangangahas na sumagot nang ganoon sa Diyos? Masasabi kaya ng isang hinuhubog sa kanyang manghuhubog, “Bakit ninyo ako ginawang ganito?” 21 Wala(P) bang karapatan ang gumagawa ng palayok na bumuo ng mamahalin o mumurahing sisidlan mula sa iisang tumpok ng putik?

22 Kaya,(Q) kahit nais nang ipakita noon ng Diyos ang kanyang poot at ipakilala ang kanyang kapangyarihan, buong tiyaga pa rin niyang pinagtiisan ang mga taong dapat sana'y parusahan at lipulin. 23 Ginawa niya iyon upang ipakilala ang kanyang walang kapantay na kadakilaan sa mga taong kanyang kinahabagan, na noong una pa'y inihanda na niya para sa kaluwalhatian. 24 Tayo ang mga taong iyon na tinawag niya hindi lamang mula sa mga Judio subalit mula rin sa mga Hentil. 25 Ganito(R) ang sinasabi niya sa aklat ni Oseas,

“Ang dating hindi ko bayan
    ay tatawaging ‘Bayan ko,’
at ang dating hindi ko mahal
    ay tatawaging ‘Mahal ko.’
26 At(S) sa lugar kung saan sinabing ‘Kayo'y hindi ko bayan,’
    sila'y tatawaging mga anak ng Diyos na buháy.”

27 Ito(T) naman ang ipinahayag ni Isaias tungkol sa Israel, “Kahit na maging kasindami ng buhangin sa dagat ang bilang ng mga anak ni Israel, kaunti lamang ang matitira sa kanila na maliligtas. 28 Sapagkat mahigpit at mabilis na hahatulan ng Panginoon ang daigdig.” 29 Si(U) Isaias din ang nagsabi, “Kung ang Makapangyarihang Panginoon ay hindi nagtira ng ilan sa ating lahi, tayo sana'y naging katulad ng Sodoma at Gomorra.”

Ang Israel at ang Magandang Balita

30 Ano ngayon ang masasabi natin? Ang mga Hentil na hindi nagsikap na maging matuwid sa harapan ng Diyos ay itinuring na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya. 31 Ngunit ang Israel naman, na nagsikap na maging matuwid sa harapan ng Diyos sa pamamagitan ng Kautusan, ay nabigo. 32 Bakit? Dahil sinikap nilang kalugdan sila ng Diyos sa pamamagitan ng mga gawa, at hindi sa pamamagitan ng pananampalataya. Natisod sila sa batong katitisuran, 33 tulad(V) ng nasusulat,

“Tingnan ninyo, naglalagay ako sa Zion ng batong katitisuran,
    isang malaking bato na sa kanila'y magpapabuwal.
Ngunit ang sumasampalataya sa batong ito ay hindi mapapahiya.”

10 Mga kapatid, ang pinakananais ng puso ko at idinadalangin ko sa Diyos ay ang maligtas ang Israel. Sapagkat saksi ako na sila'y masigasig na maging kalugud-lugod sa Diyos. Hindi nga lamang batay sa tamang kaalaman. Dahil hindi nila kinilala ang pamamaraan ng Diyos upang gawing matuwid ang tao, at nagsikap silang gumawa ng sarili nilang pamamaraan; hindi sila nagpasakop sa pamamaraang itinakda ng Diyos. Sapagkat si Cristo ang kaganapan ng Kautusan, upang ituring na matuwid ng Diyos ang sinumang sumasampalataya sa kanya.

Ang Kaligtasan ay para sa Lahat

Ganito(W) ang isinulat ni Moises tungkol sa pagiging matuwid batay sa Kautusan, “Ang tumutupad sa Kautusan ay mabubuhay ayon dito.” Ngunit(X) ganito naman ang sinasabi tungkol sa pagiging matuwid batay sa pananampalataya, “Huwag mong sabihin sa iyong sarili, ‘Sino ang aakyat sa langit?’” upang pababain si Cristo. “Huwag mo ring sabihin, ‘Sino ang bababâ sa kailaliman?’” upang muling buhayin si Cristo. Sapagkat ganito ang sinasabi, “Malapit sa iyo ang mensahe, nasa iyong bibig at nasa iyong puso.” Ang tinutukoy dito'y ang salitang ipinapangaral namin tungkol sa pananampalataya. Kung ipahahayag ng iyong bibig na si Jesus ay Panginoon at buong puso kang sasampalataya na siya'y muling binuhay ng Diyos, maliligtas ka. 10 Sapagkat sumasampalataya ang tao sa pamamagitan ng kanyang puso at sa gayon ay itinuturing na matuwid ng Diyos. Nagpapahayag naman siya sa pamamagitan ng kanyang bibig at sa gayon ay naliligtas. 11 Sinabi(Y) nga ng kasulatan, “Ang sinumang sumasampalataya sa kanya ay hindi mapapahiya.” 12 Kaya't walang pagkakaiba ang katayuan ng Judio at ng Hentil. Iisa ang Panginoon ng lahat at siya'y masaganang nagbibigay sa lahat ng tumatawag sa kanya, 13 dahil(Z) sinasabi sa kasulatan, “Maliligtas ang lahat ng tumatawag sa pangalan ng Panginoon.”

14 Paano naman sila tatawag sa kanya kung hindi sila sumasampalataya? Paano sila sasampalataya kung wala pa silang napakinggan tungkol sa kanya? Paano naman sila makakapakinig kung walang mangangaral sa kanila? 15 At(AA) paanong makakapangaral ang sinuman kung hindi siya isinugo? Tulad ng nasusulat, “O kay gandang pagmasdan ang pagdating ng mga nagdadala ng Magandang Balita!” 16 Ngunit(AB) hindi lahat ay sumunod sa Magandang Balita, gaya ng sinulat ni Isaias, “Panginoon, sino ang naniwala sa aming ibinalita?” 17 Kaya't ang pananampalataya ay bunga ng pakikinig, at ang pakikinig naman ay bunga ng pangangaral tungkol kay Cristo.

18 Subalit(AC) ang tanong ko'y ganito: Hindi kaya sila nakapakinig? Oo, sila'y nakapakinig! Sapagkat nasusulat,

“Abot sa lahat ng dako ang kanilang tinig,
    ang sinasabi nila'y nakarating hanggang sa dulo ng daigdig.”

19 Ito(AD) pa ang isa kong tanong: Hindi kaya nakaunawa ang bansang Israel? Noon pa man ay sinabi na ni Moises,

“Gagamitin ko ang mga taong di man lamang isang bansa
    upang kayo'y inggitin,
gagamitin ko ang isang bansang hangal
    upang kayo'y galitin.”

20 Buong(AE) tapang namang ipinahayag ni Isaias,

“Natagpuan ako ng mga hindi naghanap sa akin.
    Nagpahayag ako sa mga hindi nag-usisa tungkol sa akin.”

21 Subalit(AF) tungkol naman sa Israel ay sinabi niya,

“Buong maghapon akong nanawagan
    sa isang suwail at mapaghimagsik na bayan!”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.