Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
1 Corinto 12-14

Mga Kaloob ng Espiritu Santo

12 Mga kapatid, ngayon, tungkol naman sa mga kaloob ng Espiritu Santo, nais kong magkaroon kayo ng wastong kaalaman. Alam ninyo na noong hindi pa kayo sumasampalataya, kayo'y nailigaw sa mga diyus-diyosan na hindi naman nakakapagsalita. Kaya't nais kong malaman ninyo na walang taong pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ang magsasabing, “Sumpain si Jesus!” At hindi rin masasabi ninuman, “Si Jesus ay Panginoon,” kung siya'y hindi pinapatnubayan ng Espiritu Santo.

Iba't(A) iba ang mga espirituwal na kaloob, ngunit iisa lamang ang Espiritung nagkakaloob ng mga ito. Iba't iba ang paraan ng paglilingkod, ngunit iisa lamang ang Panginoong pinaglilingkuran. Iba't iba ang mga gawain, ngunit iisa lamang ang Diyos na kumikilos sa mga taong gumagawa ng mga iyon. Para sa ikabubuti ng lahat, ang bawat isa'y binibigyan ng patunay na nagpapakitang nasa kanya ang Espiritu. Ang ilan sa atin ay napagkalooban ng kakayahang magsalita ng mensahe ng karunungan. Ang iba naman ay pinagkalooban ng kaalaman. Subalit iisang Espiritu ang nagkakaloob nito. Ang Espiritu ring iyon ang nagkakaloob sa iba ng pananampalataya sa Diyos, at sa iba'y ang kapangyarihang magpagaling sa mga maysakit. 10 May pinagkakalooban ng kapangyarihang gumawa ng mga himala; sa iba naman ay kakayahang magpahayag ng mensaheng mula sa Diyos, at sa iba ay kakayahang kumilala kung aling kaloob ang mula sa Espiritu at kung alin ang hindi. May pinagkakalooban ng kakayahang magsalita sa iba't ibang mga wika, at sa iba naman ay ang magpaliwanag ng mga wikang iyon. 11 Ngunit isang Espiritu lamang ang gumagawa ng lahat ng ito at namamahagi ng iba't ibang kaloob sa bawat isa, ayon sa kanyang ipinasya.

Iisang Katawan Ngunit Maraming Bahagi

12 Si(B) Cristo'y tulad ng isang katawan na may maraming bahagi. Kahit na binubuo ng iba't ibang bahagi, ito ay nananatiling iisang katawan. 13 Maging Judio o Hentil, alipin man o malaya, tayong lahat ay binautismuhan sa pamamagitan ng iisang Espiritu upang maging isang katawan. Tayong lahat ay pinainom sa iisang Espiritu.

14 Ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi at hindi ng iisang bahagi lamang. 15 Kung sasabihin ng paa, “Hindi ako kamay kaya't hindi ako bahagi ng katawan,” hindi na nga ba ito bahagi ng katawan? 16 Kung sasabihin ng tainga, “Hindi ako mata, kaya't hindi ako bahagi ng katawan,” hindi na nga ba ito bahagi ng katawan? 17 Kung puro mata lamang ang buong katawan, paano ito makakarinig? Kung puro tainga lamang ang buong katawan, paano ito makakaamoy? 18 Subalit inilagay ng Diyos ang bawat bahagi ng katawan ayon sa kanyang kalooban. 19 Kung ang lahat ng bahagi ay pare-pareho, hindi iyan maituturing na katawan. 20 Ngunit ang totoo'y marami ang mga bahagi, ngunit iisa lamang ang katawan.

21 Hindi rin naman masasabi ng mata sa kamay, “Hindi kita kailangan,” ni ng ulo, sa mga paa, “Hindi ko kayo kailangan.” 22 Sa katunayan, ang mga bahaging parang mahihina ang siya pa ngang kailangang kailangan. 23 Ang mga bahagi ng katawan na inaakala nating hindi gaanong kapuri-puri ay pinag-uukulan ng higit na pagpapahalaga. Ang mga bahaging hindi likas na maganda ang siya nating higit na pinapahalagahan. 24 Hindi na ito kailangang gawin sa mga bahaging sadyang maganda. Ngunit nang isaayos ng Diyos ang katawan, binigyan niya ng higit na karangalan ang mga bahaging hindi gaanong marangal, 25 upang hindi magkaroon ng pagkakabaha-bahagi, sa halip ay magmalasakit ang bawat bahagi sa isa't isa. 26 Kung nasasaktan ang isang bahagi, nasasaktan ang lahat; kung pinaparangalan ang isang bahagi, nagagalak ang lahat.

27 Kayo ngang lahat ang iisang katawan ni Cristo, at bawat isa sa inyo ay bahagi nito. 28 Naglagay(C) ang Diyos sa iglesya, una, ng mga apostol; ikalawa, ng mga propeta; at ikatlo, ng mga guro. Naglagay rin siya ng mga gumagawa ng mga himala, mga nagpapagaling ng mga maysakit, mga tagatulong, mga tagapangasiwa, at mga nagsasalita sa iba't ibang mga wika. 29 Hindi lahat ay apostol, propeta o guro; hindi lahat ay binigyan ng kakayahang gumawa ng mga himala, 30 magpagaling ng mga maysakit, magsalita sa iba't ibang mga wika o magpaliwanag ng mga wikang ito. 31 Ngunit buong sikap ninyong hangarín ang mga kaloob na mas dakila.

At ngayo'y ituturo ko sa inyo ang landas na pinakamabuti sa lahat.

Ang Pag-ibig

13 Makapagsalita man ako sa mga wika ng mga tao at ng mga anghel, kung wala naman akong pag-ibig, para lamang akong kampanang umaalingawngaw o pompiyang na maingay. Kung(D) ako man ay may kakayahang magsalita ng mensahe mula sa Diyos at umunawa sa lahat ng hiwaga, kung nasa akin man ang lahat ng kaalaman at lahat ng pananampalataya, anupa't nakakapagpalipat ako ng mga bundok, ngunit wala naman akong pag-ibig, wala akong kabuluhan. At kung ipamigay ko man ang lahat ng aking mga ari-arian at ialay ang aking katawan upang sunugin,[a] ngunit wala naman akong pag-ibig, wala rin akong mapapala!

Ang pag-ibig ay matiyaga at magandang-loob, hindi maiinggitin, hindi mayabang ni mapagmataas man, hindi magaspang ang pag-uugali, hindi makasarili, hindi magagalitin, o mapagtanim ng sama ng loob sa kapwa. Hindi ito natutuwa sa masama, sa halip ay nagagalak sa katotohanan. Ang pag-ibig ay matiisin, mapagtiwala, puno ng pag-asa, at nagtitiyaga hanggang wakas.

Matatapos ang kakayahang magsalita ng mensahe mula sa Diyos, titigil rin ang kakayahang magsalita sa iba't ibang mga wika, at lilipas ang kaalaman, ngunit ang pag-ibig ay walang katapusan. Hindi pa ganap ang ating kaalaman at hindi rin ganap ang kakayahan nating magsalita ng mensahe mula sa Diyos, 10 ngunit pagdating ng ganap, maglalaho na ang di-ganap.

11 Noong ako'y bata pa, ako'y nagsasalita, nag-iisip at nangangatuwirang tulad ng bata. Ngayong ako'y mayroon nang sapat na gulang, iniwanan ko na ang mga asal ng bata. 12 Sa kasalukuyan ang ating nakikita ay tila malabong larawan sa salamin, subalit darating ang araw na ang lahat ay makikita natin nang harapan. Bahagya lamang ang nalalaman ko ngayon, ngunit darating ang araw na malulubos ang kaalamang ito, tulad ng lubos na pagkakilala niya sa akin.

13 Samantala, nananatili ang tatlong ito: ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig, ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig.

Tungkol pa rin sa mga Kaloob ng Espiritu

14 Pakamithiin ninyo ang pag-ibig! Hangarín ninyo ang mga kaloob na espirituwal, lalung-lalo na ang makapagsalita ng mensahe mula sa Diyos. Ang nagsasalita sa iba't ibang wika ay sa Diyos nakikipag-usap at hindi sa tao, sapagkat walang nakakaunawa sa kanya, ngunit nagsasalita siya ng mga hiwaga sa tulong ng Espiritu Santo. Sa kabilang dako, ang nagsasalita ng mensahe mula sa Diyos ay nagsasalita sa mga tao upang patibayin ang kanilang pananampalataya, palakasin ang kanilang loob, at sila'y aliwin. Ang sariling pananampalataya ang pinapatibay ng nagsasalita ng iba't ibang wika, ngunit ang iglesya ang pinapatibay ng nagsasalita ng mensahe mula sa Diyos.

Nais ko sanang kayong lahat ay makapagsalita ng iba't ibang wika, ngunit mas gusto kong kayo'y makapagsalita ng mensahe mula sa Diyos. Higit na mahalaga ang nagsasalita ng mensahe mula sa Diyos kaysa nagsasalita sa iba't ibang mga wika, maliban na lamang kung may magpapaliwanag ng kanyang sinasabi upang makapagpatibay sa iglesya. Kaya, mga kapatid, kung pumunta man ako riyan at magsalita sa inyo sa iba't ibang mga wika, ano ang mapapakinabang ninyo sa akin? Wala! Makikinabang lamang kayo kung tuturuan ko kayo ng mga pahayag ng Diyos, ng kaalaman mula sa kanya, ng mga mensahe mula sa Diyos, at ng mga aral.

Maging sa mga instrumentong walang buhay tulad ng plauta at alpa, paanong malalaman ninuman kung ano ang tinutugtog kung hindi malinaw ang tunog ng mga nota? At kung hindi malinaw ang tunog ng trumpeta, sino ang maghahanda sa pakikipaglaban? Gayundin naman, paanong malalaman ninuman ang ibig ninyong sabihin kung magsasalita kayo sa pamamagitan ng wikang hindi naman nila nauunawaan? Para kayong nakikipag-usap sa hangin.

10 Maraming iba't ibang wika sa daigdig, at bawat isa ay may kahulugan, 11 ngunit kung hindi ako marunong ng wikang ginagamit ng aking kausap, hindi kami magkakaintindihan. 12 Yamang naghahangad kayo sa mga kaloob ng Espiritu, sikapin ninyong sumagana kayo sa mga kaloob na makakapagpatibay sa iglesya.

13 Dahil dito, kailangang manalangin ang nagsasalita ng iba't ibang mga wika na bigyan din siya ng kaloob na makapagpaliwanag nito. 14 Kung nananalangin ako sa wikang iyan, nananalangin nga ang aking espiritu ngunit hindi nakikinabang ang aking pag-iisip. 15 Ano ang dapat kong gawin? Mananalangin ako sa pamamagitan ng aking espiritu, ngunit gagamitin ko rin ang aking pag-iisip sa aking pananalangin. Ako'y aawit sa pamamagitan ng espiritu, ngunit gagamitin ko rin ang aking pag-iisip sa aking pag-awit. 16 Kung nagpapasalamat ka sa Diyos sa pamamagitan ng espiritu lamang, paanong makakapagsabi ng “Amen” ang isang taong naroroon ngunit walang gayong kaloob, kung hindi niya nauunawaan ang iyong sinasabi? 17 Mabuti ang iyong pagpapasalamat, ngunit hindi nakakapagpatibay sa iba.

18 Nagpapasalamat ako sa Diyos sapagkat ako'y nakapagsasalita sa iba't ibang mga wika, higit kaysa sa inyong lahat. 19 Ngunit sa pagtitipon ng iglesya, mas gusto ko pang magsalita ng limang katagang mauunawaan at makakapagturo sa iba, kaysa libu-libong salitang wala namang nakakaunawa.

20 Mga kapatid, huwag kayong maging isip-bata. Maging tulad kayo ng mga batang walang muwang sa kasamaan, ngunit maging tulad kayo ng matatanda sa inyong pang-unawa. 21 Ganito(E) ang nakasulat sa Kautusan:

“Sinabi ng Panginoon,
    ‘Magsasalita ako sa bayang ito, sa pamamagitan ng mga taong may ibang wika,
sa pamamagitan ng labi ng mga banyaga,
    ngunit hindi pa rin nila ako papakinggan.’”

22 Kung gayon, ang kaloob na makapagsalita sa iba't ibang mga wika ay isang himala para sa mga hindi sumasampalataya at hindi para sa mga mananampalataya. Ngunit ang kaloob na makapagsalita ng mensahe mula sa Diyos ay himala para sa mga sumasampalataya at hindi sa mga di-mananampalataya.

23 Kaya't kung sa pagtitipon ng iglesya ay nagsasalita ng iba't ibang mga wika ang lahat, at may dumating na mga taong walang gayong kaloob o hindi sumasampalataya, hindi kaya nila sasabihing nababaliw kayo? 24 Ngunit kung ang lahat ay nagsasalita ng mensahe mula sa Diyos, at dumating doon ang isang taong walang gayong kaloob o hindi sumasampalataya, malalaman niyang siya'y makasalanan, hahatulan siya ng lahat ng kanyang naririnig, 25 at mabubunyag ang mga lihim ng kanyang puso. Kaya't luluhod siya, sasamba sa Diyos, at sasabihin niyang tunay ngang kasama ninyo ang Diyos.

Kaayusan sa Iglesya

26 Ganito ang ibig kong sabihin, mga kapatid. Kung sa inyong pagtitipon ay may umaawit, may nagtuturo, may naghahayag ng kalooban ng Diyos, may nagsasalita sa iba't ibang mga wika, at mayroon namang nagpapaliwanag noon, gawin ninyo ang lahat ng iyan sa ikapagpapatibay ng iglesya. 27 Kung may magsasalita sa iba't ibang mga wika, sapat na ang dalawa o tatlo, salit-salitan sila, at kailangang may magpapaliwanag ng kanilang sinasabi. 28 Ngunit kung walang magpapaliwanag, manahimik na lamang ang bawat isa at makipag-usap nang sarilinan sa Diyos. 29 Hayaang magsalita ang dalawa o tatlong tao na tumanggap ng kaloob na makapagsalita ng mensahe mula sa Diyos, at timbangin naman ng iba ang mga sinasabi nila. 30 At kung ang isa sa mga nakaupo roon ay tumanggap ng pahayag mula sa Diyos, tumigil muna ang nagsasalita. 31 Sapagkat kayong lahat ay maaaring isa-isang magsalita ng mensahe mula sa Diyos, upang matuto at mapalakas ang loob ng lahat. 32 Ang kaloob na pagsasalita ng mensahe mula sa Diyos ay dapat napipigil ng mga tumanggap ng kaloob na iyon, 33 sapagkat ang Diyos ay hindi Diyos ng kaguluhan kundi ng kapayapaan.

Gaya ng dapat mangyari sa lahat ng iglesya ng mga hinirang ng Diyos, 34 ang mga babae ay kailangang manahimik sa mga pagtitipon sa iglesya. Sapagkat hindi ipinapahintulot sa kanila sa ganoong mga pagtitipon ang magsalita; kailangang sila'y pasakop, gaya ng sinasabi ng Kautusan. 35 Kung mayroon silang nais malaman, magtanong sila sa kanilang asawa pagdating nila sa bahay; sapagkat kahiya-hiyang magsalita ang isang babae sa loob ng iglesya.[b]

36 Inaakala ba ninyong sa inyo nagmula ang salita ng Diyos, o kayo lamang ang tumanggap nito? 37 Kung inaakala ninuman na siya'y propeta, o mayroong espirituwal na kaloob, dapat niyang kilalanin na ang isinusulat ko sa inyo ay utos ng Panginoon. 38 Ang ayaw kumilala nito ay huwag din ninyong kilalanin.

39 Kaya, mga kapatid ko, hangarín ninyo na makapagsalita ng mensahe mula sa Diyos, ngunit huwag naman ninyong ipagbawal ang pagsasalita sa iba't ibang mga wika. 40 Kaya lang, gawin ninyo ang lahat ng bagay sa wasto at maayos na paraan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.