Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Roma 11-13

Kinahabagan ng Diyos ang Israel

11 Ito(A) ngayon ang tanong ko: Itinakwil ba ng Diyos ang kanyang sariling bayan? Hinding-hindi! Sa katunayan, ako man ay isang Israelita, mula sa lahi ni Abraham at kabilang sa lipi ni Benjamin. Hindi itinakwil ng Diyos ang kanyang bayan na sa simula pa'y pinili na niya. Hindi ba ninyo alam ang sinasabi ng kasulatan tungkol kay Elias? Dumaing siya sa Diyos laban sa Israel. Sinabi(B) niya, “Panginoon, pinatay nila ang iyong mga propeta at giniba ang iyong mga altar. Ako na lamang ang natitira, at gusto pa nila akong patayin!” Ngunit(C) ano ang sagot sa kanya ng Diyos? “Nagtira ako ng pitong libong lalaking hindi sumamba sa diyus-diyosang si Baal.” Ganoon din sa kasalukuyan; mayroon pang nalalabing mga hinirang ng Diyos dahil sa kanyang kagandahang-loob. At kung iyon ay dahil sa kanyang kagandahang-loob, maliwanag na iyon ay hindi dahil sa gawa, sapagkat kung ang ginawa ng tao ang batayan, hindi na iyon masasabing kagandahang-loob.

Ano ngayon? Hindi nakamtan ng bansang Israel ang kanyang minimithi. Ang mga hinirang lamang ang nagkamit nito ngunit matigas ang ulo ng iba. Tulad(D) ng nasusulat:

“Binigyan sila ng Diyos ng mapurol na diwa,
    mga matang hindi makakita
    at mga taingang hindi makarinig,
hanggang sa panahong ito.”

At(E) sinabi rin ni David,

“Maging bitag at patibong nawa ang kanilang pagpipista,
    isang katitisuran at parusa sa kanila.
10 Lumabo nawa ang kanilang mata nang hindi sila makakita,
    at sila'y makuba sa hirap habang buhay.”

11 Ito naman ang tanong ko ngayon: Ang pagkatisod ba nila ay upang sila'y tuluyan nang mabuwal? Hinding-hindi! Sa halip, dahil sa kanilang kasalanan, ang kaligtasan ay nakarating sa mga Hentil upang mainggit ang mga Israelita sa mga ito. 12 Ngayon, kung ang kasalanan ng mga Israelita ay nagdulot ng masaganang pagpapala sa sanlibutan, at kung ang kanilang pagbagsak ay nagdulot ng masaganang pagpapala sa mga Hentil, gaano pa kaya kapag nagbalik-loob sa Diyos ang buong Israel!

Ang Kaligtasan ng mga Hentil

13 Ito naman ang sasabihin ko sa inyo, mga Hentil. Dahil ako'y apostol para sa inyo, ipinagmamalaki ko ang aking katungkulan. 14 Ginagawa ko ito upang inggitin ang aking mga kababayang Judio, at nang sa gayon ay maligtas kahit ang ilan sa kanila. 15 Kung ang pagkatakwil sa kanila ay naging daan upang ipagkasundo sa Diyos ang sanlibutan, ang muling pagtanggap sa kanila ng Diyos ay matutulad sa muling pagkabuhay ng patay!

16 Kung banal ang unang tinapay mula sa masa ng harina, gayundin ang buong masa. At kung ang ugat ng punongkahoy ay banal, gayundin ang mga sanga nito. 17 Kung pinutol ang ilang sanga ng punong olibo, at ikaw na sanga ng olibong ligaw ang idinugtong sa puno upang makabahagi sa buhay na nanggagaling sa ugat ng punong ito, 18 huwag kang magmalaki sa mga sangang pinutol. Alalahanin mong hindi ikaw ang bumubuhay sa mga ugat; ang mga ugat ang bumubuhay sa iyo.

19 Sasabihin mo naman, “Pinutol ang mga sanga upang ako'y maidugtong.” 20 Totoo iyan. Pinutol sila dahil hindi sila sumampalataya, ngunit ikaw naman ay nananatili sa puno dahil sa iyong pananampalataya. Kaya't huwag kang magmalaki, sa halip ay matakot ka. 21 Sapagkat kung ang mga tunay na sanga ay hindi pinanghinayangan ng Diyos, ikaw pa kaya ang panghinayangan niya? 22 Dito'y nakikita natin ang kabutihan at kabagsikan ng Diyos. Naging mabagsik siya sa mga hindi sumasampalataya sa kanya, subalit mabuti siya sa inyo, kung mananatili kayo sa kanyang kabutihan. Kung hindi, kayo ma'y puputulin din. 23 Ang mga Judio'y idudugtong niyang muli sa puno kung sila ay sasampalataya, sapagkat kayang gawin iyon ng Diyos. 24 Kung ikaw na sangang galing sa olibong ligaw ay naidugtong sa tunay na olibo, kahit na ito'y salungat sa kalikasan, lalo pang madaling idugtong sa puno ang mga talagang sanga nito.

Nahahabag ang Diyos sa Lahat

25 Mga kapatid, isang hiwaga ang nais kong malaman ninyo upang hindi maging mataas ang palagay ninyo sa inyong sarili. Ang pagmamatigas ng Israel ay sa isang bahagi lamang hanggang sa mabuo ang takdang bilang ng lahat ng mga Hentil na lalapit sa Diyos. 26 Sa paraang ito, maliligtas ang buong Israel; tulad ng nasusulat:

“Magmumula sa Zion ang Tagapagligtas.
    Papawiin niya ang kasamaan sa lahi ni Jacob.
27 At(F) ito ang gagawin kong kasunduan namin
    kapag pinawi ko na ang kanilang mga kasalanan.”

28 Dahil tinanggihan ng mga Israelita ang Magandang Balita, sila'y naging kaaway ng Diyos, at kayong mga Hentil ang nakinabang. Ngunit dahil sa sila ang mga hinirang ng Diyos, sila'y mahal pa rin niya, alang-alang sa kanilang mga ninuno. 29 Sapagkat hindi nagbabago ng isip ang Diyos tungkol sa kanyang mga kaloob at pagtawag. 30 Noon, kayong mga Hentil ay hindi sumusunod sa Diyos, ngunit ngayon, kayo ay tumanggap ng habag ng Diyos nang sumuway ang mga Judio. 31 Gayundin naman, dahil sa habag ng Diyos na inyong naranasan, sinusuway naman ngayon ng mga Judio ang Diyos, nang sa gayo'y maranasan din nila [ngayon][a] ang kanyang habag. 32 Sapagkat hinayaan ng Diyos na maalipin sa pagsuway ang lahat ng tao upang maipadama niya sa kanila ang kanyang habag.

Papuri sa Diyos

33 Lubhang(G) napakasagana ng kayamanan ng Diyos! Di matarok ang kanyang karunungan at kaalaman! Sino ang makakapagpaliwanag ng kanyang mga kapasyahan? Sino ang makakaunawa ng kanyang mga pamamaraan? Gaya ng nasusulat,

34 “Sino(H) ang nakakaalam sa pag-iisip ng Panginoon?
    Sino ang maaaring maging tagapayo niya?
35 Sino(I) ang nakapagbigay ng anuman sa kanya
    na dapat niyang bayaran?”

36 Sapagkat(J) ang lahat ng bagay ay mula sa kanya, sa pamamagitan niya, at pag-aari niya. Sa kanya ang karangalan magpakailanman! Amen.

Pamumuhay Cristiano

12 Kaya nga, mga kapatid, alang-alang sa masaganang habag ng Diyos sa atin, ako'y nakikiusap sa inyo na ialay ninyo ang inyong sarili bilang isang handog na buháy, banal at kalugud-lugod sa Diyos. Ito ang karapat-dapat na pagsamba[b] ninyo sa Diyos. Huwag kayong makiayon sa takbo ng mundong ito. Sa halip, hayaan ninyong baguhin ng Diyos ang inyong pag-iisip upang maunawaan ninyo ang kanyang kalooban. Sa gayon, magagawa ninyo kung ano ang mabuti, kalugud-lugod at ganap na kalooban ng Diyos.

Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos sa akin, sinasabi ko sa bawat isa sa inyo, huwag ninyong pahalagahan ang inyong sarili nang higit sa nararapat. Sa halip, pakaisipin ninyong mabuti ang tunay ninyong katayuan ayon sa sukat ng pananampalatayang ipinagkaloob ng Diyos sa bawat isa sa inyo. Kung(K) paanong ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi at magkakaiba ang gawain ng mga ito, gayundin naman, kahit na tayo'y marami, nabubuo tayo sa iisang katawan ni Cristo, at tayong lahat ay bahagi ng isa't isa. Tumanggap(L) tayo ng iba't ibang kaloob ayon sa kagandahang-loob ng Diyos, kaya't gamitin natin ang mga kaloob na iyan. Kung ang ating kaloob ay pagsasalita ng pahayag mula sa Diyos, magpahayag tayo ayon sa sukat ng ating pananampalataya. Kung paglilingkod ang ating kaloob, maglingkod tayo. Magturo ang tumanggap ng kaloob sa pagtuturo. Magpalakas ng loob ang may kaloob sa pagpapalakas ng loob. Kung pagbibigay ang inyong kaloob, magbigay kayo nang buong puso; kung pamumuno naman, mamuno kayo nang buong sikap. Kung pagkakawanggawa ang inyong kaloob, gawin ninyo iyan nang buong galak.

Maging tunay ang inyong pagmamahalan. Kasuklaman ninyo ang masama at pakaibigin ang mabuti. 10 Magmahalan kayo bilang magkakapatid at pahalagahan ninyo ang iba nang higit sa pagpapahalaga nila sa inyo. 11 Magpakasipag kayo at huwag maging tamad. Buong puso kayong maglingkod sa Panginoon. 12 Magalak kayo dahil sa inyong pag-asa, magtiyaga kayo sa inyong kapighatian at palaging manalangin. 13 Tumulong kayo sa pangangailangan ng mga kapatid at patuluyin ninyo ang mga taga-ibang lugar.

14 Idalangin(M) ninyo ang mga umuusig sa inyo; idalangin ninyo sila at huwag sumpain. 15 Makigalak(N) kayo sa mga nagagalak, at makitangis sa mga tumatangis. 16 Magkaisa(O) kayo ng saloobin. Huwag kayong magmayabang, sa halip ay makisama kayo kahit sa mga dukha.[c] Huwag ninyong ipalagay na kayo'y napakarunong.

17 Huwag ninyong gantihan ng masama ang masama. Sikapin ninyong mamuhay nang marangal sa harap ng lahat ng mga tao. 18 Hangga't maaari, gawin ninyo ang inyong makakaya upang mamuhay kayo nang mapayapa kasama ng sinuman. 19 Mga(P) minamahal, huwag kayong maghihiganti; ipaubaya ninyo iyon sa galit ng Diyos. Sapagkat nasusulat, “Akin ang paghihiganti, ako ang gaganti, sabi ng Panginoon.” 20 Sa halip,(Q) “Kung nagugutom ang iyong kaaway, pakainin mo; kung nauuhaw, painumin mo; sa gayon ay magbubunton ka ng mga baga sa kanyang ulo.”[d] 21 Huwag kayong magpadaig sa masama, kundi daigin ninyo ng mabuti ang masama.

Paggalang sa Pamahalaan

13 Ang(R) bawat tao'y dapat pasakop sa mga pinuno ng pamahalaan, sapagkat walang pamahalaang hindi mula sa Diyos, at ang Diyos ang nagtatag ng mga pamahalaang umiiral. Kaya nga, ang lumalaban sa pamahalaan ay lumalaban sa itinalaga ng Diyos; at sila'y nararapat sa parusa. Ang mga pinuno ay hindi dapat katakutan ng taong gumagawa ng mabuti. Ang mga gumagawa lamang ng masama ang dapat matakot. Kung ayaw mong matakot sa mga namumuno, gumawa ka ng mabuti, at pararangalan ka nila. Sila'y mga lingkod ng Diyos para sa ikabubuti mo. Ngunit kung gumagawa ka ng masama, dapat kang matakot dahil sila'y may kapangyarihang magparusa.[e] Sila'y mga lingkod ng Diyos, na nagpaparusa sa mga gumagawa ng masama. Kaya nga, dapat kayong pasakop sa kanila, hindi lamang upang hindi kayo maparusahan, kundi alang-alang na rin sa inyong budhi.

Iyan(S) din ang dahilan kung bakit kayo nagbabayad ng buwis. Ang mga pinuno ng pamahalaan ay mga lingkod ng Diyos at ito ang kanilang tungkulin. Ibigay ninyo sa bawat isa ang nararapat sa kanya. Magbayad kayo sa mga dapat bayaran at magbigay kayo ng buwis sa dapat buwisan; igalang ninyo ang dapat igalang at parangalan ninyo ang dapat parangalan.

Mga Tungkulin sa Kapwa

Huwag kayong magkaroon ng sagutin kaninuman, maliban na kayo'y magmahalan sa isa't isa, sapagkat ang nagmamahal sa kapwa ay nakatupad na sa Kautusan. Ang(T) mga utos gaya ng, “Huwag kang mangangalunya; huwag kang papatay; huwag kang magnanakaw; huwag mong pagnanasaang maangkin ang pag-aari ng iba;” at alinmang utos na tulad ng mga ito ay nauuwing lahat sa iisang utos, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.” 10 Ang umiibig ay hindi gumagawa ng masama kaninuman, kaya't ang pag-ibig ang katuparan ng Kautusan.

11 Gawin ninyo ito, dahil alam ninyong panahon na upang gumising kayo. Ang pagliligtas sa atin ay higit nang malapit ngayon kaysa noong tayo'y unang sumampalataya sa Panginoon. 12 Namamaalam na ang gabi at malapit nang lumiwanag. Layuan na natin ang lahat ng masasamang gawain at italaga natin ang sarili sa paggawa ng mabuti.[f] 13 Mamuhay tayo sa liwanag at huwag gugulin ang panahon sa magulong pagsasaya at paglalasing, kahalayan at kalaswaan, sa alitan at inggitan. 14 Gawin ninyo ang Panginoong Jesu-Cristo bilang sandata at huwag ninyong pagbigyan ang laman upang masunod ang mga hilig nito.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.