Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
1 Corinto 9-11

Mga Karapatan at Tungkulin ng Isang Apostol

Hindi ba ako malaya? Hindi ba ako apostol? Hindi ba't nakita ko si Jesus na ating Panginoon? Hindi ba kayo ang bunga ng aking paglilingkod sa kanya? Ang iba'y ayaw kilalanin ang aking pagka-apostol, subalit para sa inyo, ako'y isang apostol, at kayo ang katibayang ako'y apostol nga ng Panginoon.

Ito ang sagot ko sa mga pumupuna sa akin. Wala ba kaming karapatang tustusan ng iglesya sa aming pangangailangan?[a] Wala ba kaming karapatang magsama ng asawang Cristiano, tulad ng ginagawa ng ibang mga apostol, at ng mga kapatid ng Panginoon, at gayundin ni Pedro? Kami lamang ba ni Bernabe ang walang karapatang tumigil sa paghahanapbuhay? Ang kawal ba ang gumagastos para sa kanyang pangangailangan habang naglilingkod siya? Sinong tao ang nagtatanim ng ubas at hindi nakikinabang sa mga bunga nito? Sinong pastol ang nag-aalaga ng tupa at hindi nakikinabang sa gatas nito?

Ang sinasabi ko ay hindi nababatay sa kaisipan lamang ng tao. Ganoon din ang sinasabi ng Kautusan. Sapagkat(A) nasusulat sa Kautusan ni Moises, “Huwag mong bubusalan ang bibig ng baka habang ito'y gumigiik.” Mga baka nga kaya ang inaalala ng Diyos? 10 Hindi ba tayo ang tinutukoy niya? Alang-alang sa atin kaya iyon isinulat, sapagkat ang magsasakang nag-aararo at ang naghihiwalay ng mga butil sa uhay ay gumagawa sa pag-asang may bahagi sila sa aanihin. 11 Naghasik(B) kami sa inyo ng pagpapalang espirituwal; malaking bagay ba naman kung umani kami ng mga materyal na pakinabang mula sa inyo? 12 Kung ang iba'y may ganitong karapatan, lalo na kami!

Ngunit hindi namin ginamit ang karapatang ito. Tiniis namin ang lahat upang hindi kami maging hadlang sa Magandang Balita tungkol kay Cristo. 13 Hindi(C) ba ninyo alam na ang mga naglilingkod sa Templo ay tumatanggap ng pagkain mula sa Templo, at ang mga naglilingkod sa dambana ay may bahagi sa mga handog na nasa dambana? 14 Sa(D) ganyan ding paraan, ipinag-utos ng Panginoon na ang mga nangangaral ng Magandang Balita ay dapat matustusan ang ikabubuhay sa pamamagitan ng Magandang Balita.

15 Ngunit hindi ko ginamit ang alinman sa mga karapatang ito, at hindi ko kayo sinusulatan ngayon upang hingan ng tulong. Mas iibigin ko pang mamatay kaysa mawala sa akin ang bagay na maipagmamalaki ko! 16 Hindi ngayo't nangangaral ako ng Magandang Balita ay maaari na akong magmalaki. Sapagkat iyan ay tungkuling iniatang sa akin, sumpain ako kung hindi ko ipangaral ang Magandang Balita! 17 Kung ginagawa ko ito nang kusang-loob, ako'y may maaasahang kabayaran, ngunit ginagawa ko ito bilang pagtupad sa tungkuling ipinagkatiwala sa akin ng Diyos. 18 Ano ngayon ang aking kabayaran? Ang maipangaral ko nang walang-bayad ang Magandang Balita, at ang hindi ko paggamit ng karapatang nauukol sa akin bilang tagapangaral.

19 Malaya ako at di alipin ninuman; ngunit nagpaalipin ako sa lahat upang makahikayat ako ng mas marami sa Panginoon. 20 Sa piling ng mga Judio, ako'y namuhay tulad ng isang Judio upang mahikayat ko sila. Kahit hindi ako saklaw ng Kautusan, nagpailalim ako rito alang-alang sa mga nasa ilalim ng Kautusan, upang mailapit ko sila sa Diyos. 21 Sa piling naman ng mga Hentil, na hindi saklaw ng Kautusan, ako'y naging parang Hentil upang sila'y mahikayat ko rin. Subalit hindi ito nangangahulugang hindi ko sinusunod ang mga utos ng Diyos, sapagkat ako'y nasa ilalim ng kautusan ni Cristo. 22 Sa piling ng mahihina, ako'y naging parang mahina rin upang mahikayat ko sila. Ako'y nakibagay sa lahat ng tao upang sa lahat ng paraan ay makapagligtas ako ng kahit ilan man lamang.

23 Ginagawa ko ang lahat ng ito alang-alang sa Magandang Balita, upang makabahagi ako sa mga pagpapala nito. 24 Alam ninyong ang mga kalahok sa paligsahan ay tumatakbong lahat, ngunit iisa lamang ang nagkakamit ng gantimpala! Kaya't pagbutihin ninyo ang pagtakbo upang kamtan ninyo ang gantimpala. 25 Lahat(E) ng manlalarong nagsasanay ay may disiplina sa lahat ng bagay upang magkamit ng isang gantimpalang panandalian lamang. Ngunit ang gantimpalang hinahangad natin ay panghabang panahon. 26 Hindi ako tumatakbo nang walang patutunguhan at hindi ako sumusuntok sa hangin. 27 Subalit pinahihirapan ko ang aking katawan at sinusupil ito, upang sa gayo'y hindi ako maalis sa paligsahan pagkatapos kong mangaral sa iba.

Mga Babala Laban sa Diyus-diyosan

10 Mga(F) kapatid, nais kong malaman ninyo ang nangyari sa ating mga ninuno noong panahon ni Moises. Silang lahat ay naliliman ng ulap sa kanilang paglalakbay at sa pagtawid sa Dagat na Pula. Sa gayon, nabautismuhan silang lahat[b] sa ulap at sa dagat bilang mga tagasunod ni Moises. Kumain(G) silang lahat ng iisang pagkaing espirituwal, at uminom(H) din ng iisang inuming espirituwal, sapagkat uminom sila sa batong espirituwal na sumubaybay sa kanila, at ang batong iyon ay si Cristo. Gayunman,(I) hindi kinalugdan ng Diyos ang marami sa kanila, kaya't nagkalat ang kanilang mga bangkay sa ilang.

Ang(J) lahat ng mga nangyaring iyon ay babala sa atin upang huwag tayong maghangad ng masasamang bagay, gaya ng ginawa nila. Huwag(K) kayong sasamba sa mga diyus-diyosan, gaya ng ginawa ng ilan sa kanila. Ayon sa nasusulat, “Umupo ang mga tao upang magkainan at mag-inuman, at tumayo upang magsayaw.” Huwag(L) tayong makikiapid, gaya ng ginawa ng ilan sa kanila, kaya't dalawampu't tatlong libong tao ang namatay sa loob lamang ng isang araw. Huwag(M) nating susubukin si Cristo,[c] gaya ng ginawa ng ilan sa kanila; dahil sa ginawa nila, pinuksa sila ng mga ahas. 10 Huwag(N) din tayong magreklamo, tulad ng ilan sa kanila, kaya't nilipol naman sila ng anghel na namumuksa.

11 Nangyari iyon sa kanila bilang babala sa iba, at isinulat upang tayo namang nabubuhay ngayong mga huling araw ay maturuan.

12 Kaya't mag-ingat ang sinumang nag-aakalang siya'y nakatayo, at baka siya mabuwal. 13 Wala(O) pang pagsubok na dumating sa inyo na hindi nararanasan ng ibang tao. Tapat ang Diyos, at hindi niya ipapahintulot na kayo'y subukin nang higit sa inyong makakaya. Sa halip, pagdating ng pagsubok, bibigyan niya kayo ng lakas upang makayanan ito at ng paraan upang malampasan ito.

14 Kaya nga, mga minamahal, iwasan ninyo ang pagsamba sa mga diyus-diyosan. 15 Kinakausap ko kayo bilang matatalinong tao; husgahan ninyo ang sinasabi ko. 16 Hindi(P) ba't ang pag-inom natin sa kopa ng pagpapala na ating ipinagpapasalamat ay pakikibahagi sa dugo ni Cristo? At ang pagkain natin ng tinapay na ating pinipira-piraso ay pakikibahagi naman sa kanyang katawan? 17 Kaya nga, dahil iisa lamang ang tinapay, tayo'y iisang katawan kahit na tayo'y marami, sapagkat nagsasalu-salo tayo sa iisang tinapay.

18 Tingnan(Q) ninyo ang bansang Israel. Hindi ba't ang mga kumakain ng mga handog ay nakikibahagi sa ginagawa sa dambana? 19 Anong ibig kong sabihin? Sinasabi ko bang ang diyus-diyosan, o ang pagkaing inihandog sa mga diyus-diyosan ay may kabuluhan? 20 Hindi!(R) Ang ibig kong sabihin, ang mga pagano ay nag-aalay ng kanilang handog sa mga demonyo, at hindi sa Diyos. Ayaw kong maging kaisa kayo ng mga demonyo. 21 Hindi kayo makakainom sa kopa ng Panginoon at gayundin sa kopa ng mga demonyo. Hindi kayo maaaring makisalo sa hapag ng Panginoon at makisalo rin sa hapag ng mga demonyo. 22 Nais(S) ba nating manibugho ang Panginoon? Akala ba ninyo'y mas makapangyarihan tayo kaysa sa kanya?

23 Mayroon(T) namang magsasabi, “Malaya akong gumawa ng anuman,” ngunit hindi lahat ng ito ay nakakabuti. “Malaya akong gumawa ng anuman,” ngunit hindi rin lahat ng ito'y nakakatulong. 24 Huwag ang sariling kapakanan ang unahin ninyo, kundi ang sa iba.

25 Kumain kayo ng anumang nabibili sa tindahan ng karne at huwag nang magtanong pa upang hindi mabagabag ang inyong budhi. 26 Sapagkat(U) sinasabi ng kasulatan, “Ang buong daigdig at lahat ng naroroon, ang Panginoon ang may-ari niyon!”

27 Kung anyayahan kayo ng isang hindi sumasampalataya at nais ninyong dumalo, kainin ninyo ang anumang ihain sa inyo at huwag na kayong magtanong pa kung iyon ay ikagugulo ng inyong budhi. 28 Ngunit kung may magsabi sa inyo, “Ito'y inialay sa mga diyus-diyosan,” huwag ninyong kainin iyon alang-alang sa nagsabi sa inyo, upang di mabagabag ang budhi. 29 Ang aking tinutukoy ay ang budhi ng inyong kapwa, at hindi ang budhi ninyo.

Bakit hahadlangan ng budhi ng iba ang aking kalayaan? 30 Bakit ako susumbatan dahil sa pagkain ko ng mga bagay na ipinagpasalamat ko naman sa Diyos? 31 Kaya nga, kung kayo'y kumakain o umiinom, o anuman ang ginagawa ninyo, gawin ninyo ang lahat sa ikararangal ng Diyos. 32 Huwag kayong maging sanhi ng pagkakasala ninuman, ng mga Judio, ng mga Hentil, o ng mga kaanib sa iglesya ng Diyos, 33 sa halip, tularan ninyo ang ginagawa ko. Sinisikap kong mabigyang kasiyahan ang lahat ng tao sa bawat ginagawa ko. Hindi ko inuuna ang sarili kong kapakanan kundi ang kapakanan ng marami, upang maligtas sila.

11 Tularan(V) ninyo ako, gaya ng pagtulad ko kay Cristo.

Pagtatakip sa Ulo Kung Sumasamba

Pinupuri ko kayo dahil naaalala ninyo ako at sinusunod ninyo ang mga turo na ibinigay ko sa inyo. Ngunit nais kong maunawaan ninyo na si Cristo ang ulo ng bawat lalaki, ang lalaki ang ulo ng kanyang asawa,[d] at ang Diyos naman ang ulo ni Cristo. Ang lalaking nananalangin o nagpapahayag ng mensaheng mula sa Diyos nang may takip ang ulo ay nagdudulot ng kahihiyan sa kanyang ulo. Ang babae namang nananalangin o nagpapahayag ng mensaheng mula sa Diyos nang walang talukbong ang ulo ay nagdudulot ng kahihiyan sa kanyang ulo, para na rin siyang babaing inahitan ang ulo. Kung ayaw magtalukbong ng ulo ang isang babae, magpagupit na rin siya ng buhok. Yamang kahiya-hiya sa babae ang magpaahit o magpagupit ng buhok, dapat siyang magtalukbong. Hindi(W) dapat magtalukbong ng ulo ang lalaki dahil siya'y larawan at karangalan ng Diyos. Ngunit ang babae ay karangalan ng lalaki, sapagkat(X) hindi mula sa babae ang lalaki, kundi ang babae ay nagmula sa lalaki. At hindi rin nilalang ang lalaki para sa babae, kundi ang babae ay nilalang para sa lalaki. 10 Alang-alang sa mga anghel, dapat magtalukbong ng ulo ang babae bilang tanda na siya'y nasasakop ng kanyang asawa. 11 Gayunman, sa ating buhay sa Panginoon ay kailangan ng babae ang lalaki at kailangan din naman ng lalaki ang babae. 12 Nagmula man sa lalaki ang babae, ang lalaki nama'y isinisilang ng babae, at mula sa Diyos ang lahat.

13 Kayo na ang humatol, angkop ba sa isang babae ang makitang nananalangin nang walang talukbong sa ulo? 14 Hindi ba't kalikasan na rin ang nagtuturo sa inyo na kahiya-hiya sa isang lalaki ang magpahaba ng buhok, 15 ngunit karangalan naman ito ng babae? Sapagkat ibinigay sa kanya ang buhok bilang pantakip sa kanyang ulo. 16 Ngunit kung may gusto pang makipagtalo tungkol dito, ang masasabi ko ay ito: sa pagsamba, wala kaming ibang kaugalian, gayundin ang mga iglesya ng Diyos.

Mga Maling Pagsasagawa ng Banal na Hapunan

17 Tungkol sa mga babanggitin ko ngayon, hindi ko kayo maaaring purihin dahil ang inyong pagtitipon ay hindi nakakabuti, subalit nakakasama. 18 Una sa lahat, nabalitaan ko na kayo'y nagpapangkat-pangkat sa inyong pagtitipon, at ako'y naniniwalang may katotohanan iyan. 19 Talaga namang magkakaroon ng pagkakabaha-bahagi sa inyo upang makilala kung sino sa inyo ang mga tapat. 20 Kaya't sa inyong pagtitipon, hindi Banal na Hapunan ng Panginoon ang kinakain ninyo. 21 Sapagkat ang bawat isa sa inyo'y nagmamadali sa pagkain ng kanyang sariling pagkain, kaya't nagugutom ang iba at ang iba nama'y nalalasing. 22 Wala ba kayong sariling bahay upang doon kumain at uminom? Hindi ba ninyo pinapahalagahan ang iglesya ng Diyos at hinihiya ninyo ang mahihirap? Ano ang gagawin ko ngayon? Pupurihin ko ba kayo dahil sa bagay na iyon? Hinding-hindi ko gagawin iyon!

Ang Banal na Hapunan(Y)

23 Sapagkat ito ang turo na tinanggap ko mula sa Panginoon at ibinigay ko naman sa inyo: noong gabing siya'y ipagkanulo, ang Panginoong Jesus ay dumampot ng tinapay, 24 nagpasalamat at pinagpira-piraso iyon, at sinabi, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-aalaala sa akin.” 25 Matapos(Z) maghapunan, dumampot din siya ng kopa at sinabi, “Ang kopang ito ang bagong tipan na pinagtitibay ng aking dugo. Tuwing iinumin ninyo ito, gawin ninyo bilang pag-aalaala sa akin.” 26 Sapagkat tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa kopang ito, ipinapahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa kanyang muling pagparito.

27 Kaya, ang sinumang kumakain ng tinapay at umiinom sa kopa ng Panginoon sa paraang di nararapat ay nagkakasala sa katawan at dugo ng Panginoon. 28 Kaya't dapat siyasatin ng tao ang kanyang sarili bago siya kumain ng tinapay at uminom sa kopa. 29 Sapagkat ang sinumang kumakain at umiinom nang hindi kinikilala ang kahalagahan ng katawan ng Panginoon ay kumakain at umiinom ng kahatulan laban sa kanyang sarili. 30 Iyan ang dahilan kung bakit mahihina at sakitin ang marami sa inyo, at may ilan ngang namatay na.[e] 31 Kung sisiyasatin natin ang ating sarili, hindi tayo hahatulan ng Panginoon. 32 Ngunit hinahatulan tayo ng Panginoon dahil itinutuwid niya tayo, upang hindi tayo maparusahang kasama ng sanlibutan.

33 Kaya nga, mga kapatid, kapag nagkakatipon kayo upang kumain, maghintayan kayo. 34 Kung may nagugutom, kumain na muna siya sa bahay upang hindi humantong sa hatol na kaparusahan ang inyong pagtitipon. Tungkol naman sa ibang mga bagay, saka ko na aayusin pagdating ko riyan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.