Chronological
1 Mula kay Pablo na apostol ni Cristo Jesus ayon sa utos ng Diyos na ating Tagapagligtas at ni Cristo Jesus na ating pag-asa—
2 Kay(A) Timoteo na tunay kong anak sa pananampalataya.
Sumaiyo nawa ang kagandahang-loob, habag at kapayapaang buhat sa Diyos Ama at kay Cristo Jesus na ating Panginoon.
Babala tungkol sa Maling Katuruan
3 Gaya ng ipinakiusap ko sa iyo bago ako pumunta sa Macedonia, nais kong manatili ka sa Efeso upang utusan mo ang ilang tao diyan na huwag magturo ng maling aral, 4 at huwag nilang pag-aksayahan ng panahon ang mga alamat at mahahabang talaan ng mga angkan. Iyan ay pinagmumulan lamang ng mga pagtatalo at hindi nakakatulong sa tao upang matupad ang plano ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya. 5 Ang layunin ng tagubiling ito ay upang magkaroon kayo ng pag-ibig na nagmumula sa pusong dalisay, malinis na budhi at tapat na pananampalataya. 6 May ilang tumalikod sa mga bagay na ito at nalulong sa walang kabuluhang talakayan. 7 Nais nilang maging tagapagturo ng kautusan gayong hindi naman nila nauunawaan ang kanilang sinasabi at ang kanilang mga itinuturo nang may buong tiwala sa sarili.
8 Alam naman nating ang Kautusan ay mabuti kung ginagamit sa tamang paraan. 9 Alalahanin nating ang Kautusan ay hindi ginawa para sa mabubuting tao, kundi para sa mga walang kinikilalang batas at mga kriminal, para sa mga hindi kumikilala sa Diyos at sa mga makasalanan, para sa mga lapastangan sa Diyos at walang hilig sa kabanalan, para sa mga mamamatay-tao at pumapatay ng sariling ama o ina. 10 Ibinigay rin ang Kautusan para sa mga mahihilig sa kahalayan at nakikipagtalik sa kapwa lalaki, para sa mga kidnaper, para sa mga sinungaling at sa mga bulaang saksi. Ang Kautusan ay ibinigay para sa lahat ng mga sumasalungat sa mabuting aral. 11 Ang aral na ito'y ayon sa Magandang Balita na ipinagkatiwala sa akin ng maluwalhati
at mapagpalang Diyos.
Pagkilala sa Habag ng Diyos
12 Nagpapasalamat ako sa ating Panginoong Jesu-Cristo na nagbibigay sa akin ng lakas, dahil itinuring niya akong karapat-dapat na maglingkod sa kanya, 13 kahit(B) na noong una'y nilapastangan, inusig at nilait ko siya. Sa kabila nito'y nahabag sa akin ang Diyos sapagkat hindi ko nalalaman ang aking ginagawa noong ako'y hindi pa sumasampalataya. 14 Pinasagana sa akin ang kagandahang-loob ng ating Panginoon at ipinagkaloob niya sa akin ang pananampalataya at pag-ibig na natatagpuan sa ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus. 15 Totoo ang pahayag na ito at dapat paniwalaan ng lahat: Si Cristo Jesus ay dumating sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan. At ako ang pinakamasama sa kanila. 16 Ngunit akong pinakamasama ay kinahabagan, upang ipakita ni Cristo Jesus sa pamamagitan ko, ang kanyang lubos na pagtitiyaga, at upang ito'y maging halimbawa sa mga sasampalataya at bibigyan ng buhay na walang hanggan.
17 Purihin natin at luwalhatiin magpakailanman ang iisang Diyos, Haring walang hanggan, walang kamatayan at di-nakikita! Amen.
18 Timoteo, anak ko, ang mga bagay na ito'y itinatagubilin ko sa iyo ayon sa mga pahayag na sinabi tungkol sa iyo upang sa pamamagitan ng mga ito ay makipaglaban kang mabuti, 19 taglay ang matibay na pananampalataya at malinis na budhi. May mga taong hindi sumunod sa kanilang budhi, at dahil dito, ang pananampalataya nila ay natulad sa isang barkong nawasak. 20 Kabilang sa mga iyon sina Himeneo at Alejandro, na ipinaubaya ko na sa kapangyarihan ni Satanas upang turuan silang huwag lumapastangan sa Diyos.
Mga Tagubilin tungkol sa Panalangin
2 Una sa lahat, ipinapakiusap kong idulog ninyo sa Diyos ang inyong mga kahilingan, panalangin, pagsamo, at pasasalamat para sa lahat ng tao. 2 Idalangin rin ninyo ang mga hari at maykapangyarihan, upang tayo'y makapamuhay nang matahimik, mapayapa, maka-Diyos at marangal. 3 Ito ang mabuti at nakalulugod sa Diyos na ating Tagapagligtas. 4 Ibig niyang ang lahat ng tao ay maligtas at makaalam ng katotohanang ito. 5 Sapagkat iisa ang Diyos at iisa ang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus. 6 Inihandog niya ang kanyang buhay upang tubusin ang lahat mula sa kasalanan. Ang katotohanang ito ay pinatunayan sa takdang panahon. 7 Dahil(C) dito, ako'y pinili upang maging mangangaral, apostol at tagapagturo ng pananampalataya at katotohanan para sa mga Hentil. Totoo ang sinasabi ko, at hindi ako nagsisinungaling!
8 Sa lahat ng dako, nais kong ang mga lalaki ay manalangin nang may malinis na puso, walang sama ng loob at galit sa kapwa.
9 Ang(D) mga babae naman ay dapat maging mahinhin, maayos at kagalang-galang sa pananamit at ayos ng buhok. Hindi sila dapat maging magarbo sa pananamit at maluho sa mga mamahaling alahas na ginto o perlas. 10 Sa halip, ang maging palamuti nila ay ang mabubuting gawa, gaya ng nararapat sa mga babaing itinuturing na maka-Diyos. 11 Ang mga babae ay dapat matuto nang tahimik at nagpapasakop. 12 Hindi ko pinapayagan ang mga babae na magturo o mamuno sa mga lalaki, kundi dapat silang manahimik. 13 Sapagkat(E) unang nilalang si Adan bago si Eva, 14 at(F) hindi si Adan ang nadaya kundi si Eva ang nadaya at nagkasala. 15 Ngunit maliligtas ang babae sa pagsisilang ng sanggol, kung magpapatuloy siya[a] sa pananampalataya, pag-ibig, kabanalan at maayos na pamumuhay.
Ang mga Tagapangasiwa sa Iglesya
3 Totoo ang pahayag na ito: Ang sinumang nagnanais na maging tagapangasiwa[b] sa iglesya ay naghahangad ng mabuting gawain. 2 Kaya(G) nga, ang isang tagapangasiwa ay kailangang walang kapintasan; isa lamang ang asawa,[c] matino ang pag-iisip, marunong magpigil sa sarili, kagalang-galang, bukás ang tahanan sa iba, at may kakayahang magturo. 3 Dapat hindi siya lasenggo, hindi marahas kundi mahinahon; hindi mahilig makipag-away at hindi maibigin sa salapi. 4 Dapat mahusay siyang mamahala sa sariling pamilya, iginagalang at sinusunod ng kanyang mga anak. 5 Sapagkat paano siyang makakapangasiwa nang maayos sa iglesya ng Diyos kung hindi niya mapamahalaan ang sarili niyang pamilya? 6 Hindi siya dapat isang baguhang mananampalataya; baka siya'y maging palalo at mahatulan na gaya ng diyablo. 7 Bukod dito, kailangang mabuti ang pagkakilala sa kanya ng mga hindi sumasampalataya upang hindi siya mapintasan at hindi mahulog sa bitag ng diyablo.
Ang mga Tagapaglingkod sa Iglesya
8 Ang mga tagapaglingkod[d] naman ay dapat ding maging kagalang-galang, tapat mangusap, hindi lasenggo at hindi sakim sa salapi. 9 Kailangang sila'y tapat sa pananampalataya na ating ipinapahayag, at may malinis na budhi. 10 Kailangang subukin muna sila, at kung mapatunayang sila'y karapat-dapat, saka sila gawing mga tagapaglingkod.
11 Gayundin naman, ang kanilang mga asawa[e] ay dapat maging kagalang-galang, hindi mapanirang-puri, mapagtimpi at tapat sa lahat ng mga bagay.
12 Ang mga tagapaglingkod sa iglesya ay dapat isa lamang ang asawa[f] at maayos mangasiwa sa kanilang mga anak at sambahayan. 13 Ang mga tagapaglingkod na tapat sa tungkulin ay nagkakamit ng paggalang ng mga tao at nagkakaroon ng malaking tiwala dahil sa pananampalataya kay Cristo Jesus.
Ang Hiwaga ng Ating Relihiyon
14 Umaasa akong magkikita tayo sa lalong madaling panahon, ngunit isinulat ko ang mga ito 15 upang kung hindi man ako makarating agad ay malaman mo kung ano ang dapat na maging ugali ng mga tao sa sambahayan ng Diyos na buháy, sa iglesya na haligi at saligan ng katotohanan. 16 Hindi maikakaila na napakadakila ng hiwaga ng ating relihiyon:
Siya'y[g] nahayag sa anyong tao,
pinatunayang matuwid ng Espiritu,[h] at nakita ng mga anghel.
Ipinangaral sa mga bansa,
pinaniwalaan sa sanlibutan, at itinaas sa kaluwalhatian.
Mga Huwad na Guro
4 Maliwanag ang sinasabi ng Espiritu na sa mga huling araw ay tatalikuran ng ilan ang pananampalataya. Susunod sila sa mga mapanlinlang na espiritu at sa mga katuruan ng mga demonyo. 2 Ang mga katuruang ito'y pinalalaganap ng mga taong sinungaling at may mga manhid na budhi. 3 Ipinagbabawal nila ang pag-aasawa at ang ilang uri ng pagkain, mga pagkaing nilikha ng Diyos upang kaining may pasasalamat ng mga mananampalataya at nakakaunawa ng katotohanan. 4 Ang lahat ng nilikha ng Diyos ay mabuti at walang dapat ipalagay na masama; sa halip ay dapat tanggaping may pagpapasalamat 5 sapagkat ang mga ito'y nililinis ng salita ng Diyos at ng panalangin.
Mabuting Lingkod ni Cristo Jesus
6 Kung ituturo mo sa mga kapatid ang mga bagay na ito, ikaw ay magiging mabuting lingkod ni Cristo Jesus. At habang itinuturo mo ito, dinudulutan mo rin ang iyong sarili ng pagkaing espirituwal mula sa mga salita ng pananampalataya at sa tunay na aral na sinusunod mo. 7 Huwag mong pag-aksayahan ng panahon ang mga alamat na walang halaga; sa halip, sanayin mo ang iyong sarili sa maka-Diyos na pamumuhay. 8 Sa pagsasanay ng katawan ay mayroon ding pakinabang, ngunit ang maka-Diyos na pamumuhay ay mapapakinabangan sa lahat ng paraan, sapagkat ito'y may pangako hindi lamang para sa buhay na ito ngayon, kundi maging sa buhay na darating. 9 Totoo ang salitang ito at dapat paniwalaan ng lahat. 10 Dahil dito, nagsisikap tayo[i] at nagpapagal, sapagkat umaasa tayo sa Diyos na buháy at Tagapagligtas ng lahat ng mga tao, lalo na ng mga sumasampalataya.
11 Ituro mo't ipatupad ang lahat ng ito. 12 Huwag mong hayaang hamakin ka ninuman dahil sa iyong kabataan. Sa halip, sikapin mong maging halimbawa sa mga mananampalataya, sa iyong pagsasalita, pag-uugali, pag-ibig, pananampalataya at malinis na pamumuhay. 13 Habang wala pa ako riyan, iukol mo ang iyong panahon sa pagbabasa ng Kasulatan sa harap ng mga tao, sa pangangaral at sa pagtuturo. 14 Huwag mong pabayaan ang kaloob na ibinigay sa iyo nang magsalita ang mga propeta at ipatong sa iyo ng mga matatandang pinuno ng iglesya ang kanilang kamay. 15 Isagawa mo ang mga ito at pag-ukulan mo ng panahon upang makita ng lahat ang iyong paglago. 16 Pakaingatan mo ang iyong sarili at ang iyong pagtuturo. Patuloy mong gawin ang mga ito sapagkat sa paggawa mo nito ay maliligtas ka, pati na ang mga nakikinig sa iyo.
Mga Pananagutan sa Kapwa Mananampalataya
5 Huwag mong pagagalitan ang nakatatandang lalaki, kundi pagsabihan mo siya nang mahinahon na parang sarili mong ama. Pakitunguhan mo namang parang kapatid ang mga nakababatang lalaki. 2 Ituring mong parang sariling ina ang nakatatandang babae, at pakitunguhan mo nang may lubos na kalinisan ang mga kabataang babae na tulad sa iyong mga kapatid.
3 Igalang mo ang mga biyudang wala nang ibang maaasahan sa buhay. 4 Subalit kung ang isang biyuda ay may mga anak o apo, sila ang unang dapat kumalinga sa kanya bilang pagtanaw ng utang na loob, sapagkat ito ay nakalulugod sa Diyos. 5 Ang(H) biyuda na walang ibang maaasahan sa buhay ay sa Diyos na lamang umaasa, kaya't patuloy siyang nananalangin araw at gabi. 6 Samantala, ang biyudang mahilig sa kalayawan ay maituturing nang patay, bagaman siya'y buháy. 7 Ipatupad mo sa kanila ang utos na ito upang walang maisumbat sa kanila ang sinuman. 8 Ang sinumang hindi kumakalinga sa kanyang mga kamag-anak, lalo na sa mga kabilang sa kanyang pamilya, ay tumalikod na sa pananampalataya, at mas masama pa kaysa sa isang di-mananampalataya.
9 Ang biyudang dapat isama sa listahan ng tutulungan ay iyong di bababâ sa animnapung taong gulang, naging tapat sa kanyang asawa,[j] 10 kilala sa paggawa ng kabutihan, nagpalaki nang maayos sa kanyang mga anak, magiliw tumanggap sa nakikituloy sa kanyang tahanan, naglingkod nang may kababaang-loob[k] sa mga hinirang ng Diyos, tumulong sa mga nangangailangan at inialay ang sarili sa paggawa ng mabuti.
11 Huwag mong isasama sa listahan ang mga nakababatang biyuda, sapagkat kapag nag-alab ang kanilang pagnanasa, mapapalayo sila kay Cristo, at mag-aasawang muli. 12 Sa gayon, nagkakasala sila dahil sa hindi pagtupad sa una nilang pangako kay Cristo. 13 Bukod dito, sila'y nagiging tamad at nag-aaksaya ng panahon sa pangangapitbahay; at sila'y nagiging tsismosa, mahihilig makialam sa buhay ng may buhay at nagsasalita ng mga bagay na hindi nila dapat sabihin. 14 Kaya't para sa akin, mabuti pang sila'y mag-asawang muli, magkaanak at mag-asikaso ng tahanan, upang ang ating kaaway ay hindi magkaroon ng dahilan upang mapintasan tayo, 15 sapagkat may ilan nang biyudang sumunod kay Satanas.
16 Kailangang alagaan ng babaing mananampalataya ang mga kamag-anak nilang biyuda upang hindi sila maging pabigat sa iglesya. Sa gayon, ang aalagaan ng iglesya ay iyon lamang mga biyudang walang ibang maaasahan sa buhay.
17 Ang mga matatandang pinuno ng iglesya na mahusay mamahala ay karapat-dapat tumanggap ng paggalang at kabayaran, lalo na ang mga masigasig sa pangangaral at pagtuturo ng salita ng Diyos. 18 Sapagkat(I) sinasabi ng kasulatan, “Huwag mong bubusalan ang bibig ng baka habang ito'y gumigiik.” Nasusulat din, “Karapat-dapat lamang na bayaran ang manggagawa.”
19 Huwag(J) mong tatanggapin ang anumang paratang laban sa isang matandang pinuno ng iglesya kung walang patotoo ng dalawa o tatlong saksi.
20 Pagsabihan mo sa harap ng lahat ang sinumang ayaw tumigil sa paggawa ng masama para matakot ang iba.
21 Sa harap ng Diyos at ni Cristo Jesus at ng kanyang banal na mga anghel, iniuutos kong sundin mo ang mga bagay na ito nang walang kinikilingan o itinatangi. 22 Huwag mong ipapatong agad ang iyong kamay sa sinuman upang bigyan ito ng kapangyarihang mamahala. Ingatan mong huwag kang masangkot sa kasalanan ng iba; manatili kang walang dungis.
23 Huwag tubig lamang ang iyong inumin; uminom ka rin ng kaunting alak para sa madalas na pagsakit ng iyong sikmura.
24 May mga taong lantad na ang kasalanan bago pa dumating ang paghuhukom. At mayroon din namang ang kasalanan ay mahahayag sa bandang huli. 25 Gayundin naman, may mabubuting gawa na kapansin-pansin; at kung hindi man mapansin, ang mga ito'y hindi maililihim habang panahon.
6 Ang mga alipin ay dapat magpakita ng buong paggalang sa kanilang mga amo upang walang masabing masama laban sa pangalan ng Diyos at sa ating aral. 2 At kung ang kanila namang amo ay kapwa nila mananampalataya, ang kanilang pagiging magkapatid ay hindi dapat maging dahilan ng hindi nila paggalang sa mga ito. Sa halip, dapat pa nga nilang pagbutihin ang kanilang paglilingkod sapagkat ang nakikinabang sa kanilang paglilingkod ay mga mananampalatayang minamahal nila. Ituro mo't ipatupad ang mga bagay na ito.
Mga Huwad na Guro at ang Tunay na Kayamanan
3 Kung nagtuturo ang sinuman ng ibang katuruan at di sang-ayon sa mga tunay na salita ng Panginoong Jesu-Cristo at sa mga aral tungkol sa pagiging maka-Diyos, 4 siya ay nagyayabang ngunit walang nalalaman. Sakit na niya ang manuligsa at makipagtalo tungkol sa mga salita, bagay na humahantong sa inggitan, alitan, kutyaan, at masasamang hinala. 5 Mahilig din siyang makipagtalo sa mga taong baluktot ang pag-iisip at di kumikilala sa katotohanan. Ang mga taong ito'y nag-aakala na ang relihiyon ay paraan ng pagpapayaman.
6 Sa katunayan, may malaki ngang pakinabang sa relihiyon kung ang tao'y marunong masiyahan. 7 Wala tayong dinalang anuman sa sanlibutan, at wala rin tayong madadalang anuman pag-alis dito. 8 Kaya, dapat tayong masiyahan kung tayo'y may pagkain at pananamit. 9 Ang mga nagnanasang yumaman ay nahuhulog sa tukso at nasisilo sa bitag ng masasama at mga hangal na hangarin na nagtutulak sa kanila sa kamatayan at kapahamakan. 10 Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng kasamaan. Dahil sa paghahangad na yumaman, may mga taong nalalayo sa pananampalataya at nasasadlak sa maraming kapighatian.
Mga Tagubilin para kay Timoteo
11 Ngunit ikaw na lingkod ng Diyos, umiwas ka sa mga bagay na ito. Sikapin mong mamuhay nang matuwid, maka-Diyos, may pananampalataya, pag-ibig, pagtitiis at kaamuan. 12 Ipaglaban mo nang mabuti ang pananampalataya. Panghawakan mo ang buhay na walang hanggan, dahil diyan ka tinawag ng Diyos nang ipahayag mo sa harap ng maraming saksi ang iyong pananalig kay Cristo. 13 Iniuutos(K) ko sa iyo, sa harapan ng Diyos na nagbibigay-buhay sa lahat, at sa harapan ni Cristo Jesus na nagbigay ng mabuting patotoo sa harap ni Poncio Pilato, 14 sundin mong mabuti nang may katapatan ang mga iniutos sa iyo hanggang sa pagbabalik ng Panginoong Jesu-Cristo. 15 Siya'y darating sa panahong itinakda ng mapagpala at makapangyarihang Diyos, Hari ng mga hari, at Panginoon ng mga panginoon. 16 Siya lamang ang walang kamatayan, at nananatili sa liwanag na di matitigan. Walang taong nakakita, o makakakita sa kanya. Sa kanya ang karangalan at kapangyarihang walang hanggan. Amen.
17 Ang mayayaman sa materyal na bagay ay utusan mong huwag magmataas at huwag umasa sa kayamanang lumilipas. Sa halip, umasa sila sa Diyos na masaganang nagbibigay ng lahat ng mga bagay para sa ating kasiyahan. 18 Utusan mo silang gumawa ng mabuti at magpakayaman sa mabubuting gawa, maging bukas-palad at matulungin sa kapwa. 19 Sa gayon, makakapag-impok sila para sa mabuting pundasyon sa hinaharap, at makakamtan nila ang tunay na buhay.
20 Timoteo, pakaingatan mo ang ipinagkatiwala sa iyo. Iwasan mo ang mga usapang lumalapastangan sa Diyos at ang mga pagtatalo tungkol sa hindi totoong karunungan. 21 Dahil sa kanilang pag-aangking mayroon sila nito, may mga nalihis na sa pananampalataya.
Sumainyo ang kagandahang-loob ng Diyos.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.