Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Filipos 1-4

Mula(A) kina Pablo at Timoteo na mga lingkod[a] ni Cristo Jesus,

Para sa mga taga-Filipos na mga hinirang ng Diyos at sumasampalataya kay Cristo Jesus, gayundin sa mga tagapangasiwa[b] at mga tagapaglingkod:[c]

Sumainyo nawa ang kagandahang-loob at kapayapaan ng Diyos na ating Ama at ng Panginoong Jesu-Cristo.

Ang Panalangin ni Pablo para sa mga Taga-Filipos

Nagpapasalamat ako sa aking Diyos tuwing naaalala ko kayo. Ako'y nagagalak tuwing ako'y nananalangin para sa inyong lahat, dahil sa inyong pakikiisa sa pagpapalaganap ng Magandang Balita tungkol kay Cristo, mula nang ito'y inyong tanggapin hanggang sa kasalukuyan. Natitiyak kong ang mabuting gawang pinasimulan sa inyo ng Diyos ay kanyang lulubusin hanggang sa Araw ni Jesu-Cristo.

Kayo'y laging nasa aking puso, kaya dapat lang na pahalagahan ko kayo nang ganito. Magkasama tayong tumanggap ng pagpapala ng Diyos, noon pa man nang ako'y malayang nagtatanggol at nagpapalaganap ng Magandang Balita at kahit ngayong ako'y nakabilanggo. Saksi ko ang Diyos na ang pananabik ko sa inyong lahat ay kagaya ng pagmamahal sa inyo ni Jesu-Cristo.

Idinadalangin ko sa Diyos na ang inyong pag-ibig ay patuloy na sumagana at masangkapan ng malinaw na kaalaman at pagkaunawa, 10 upang mapili ninyo ang pinakamahalaga sa lahat. Sa gayon, sa Araw ni Cristo ay matagpuan kayong malinis, walang kapintasan, 11 at sagana sa magagandang katangiang kaloob sa inyo ni Jesu-Cristo, sa ikararangal at ikadadakila ng Diyos.

Si Cristo ang Buhay

12 Mga kapatid, nais kong malaman ninyo na ang mga nangyari sa akin ay nakatulong nang malaki sa ikalalaganap ng Magandang Balita. 13 Nalaman(B) ng mga bantay sa palasyo at ng iba pang naririto na ako'y nabilanggo dahil sa pagsunod ko kay Cristo. 14 At ang karamihan sa mga kapatid ay lalong tumibay sa kanilang pananalig sa Panginoon dahil sa aking pagkabilanggo. Hindi lamang iyon, lalo pang lumakas ang kanilang loob na ipangaral ang salita ng Diyos.

15 Totoo nga na may ilang nangangaral tungkol kay Cristo dahil sa pagkainggit at pagkahilig sa pakikipagtalo, ngunit mayroon din namang nangangaral nang may tapat na hangarin. 16 Si Cristo'y ipinapangaral nila dahil sa tunay na pagmamahal, sapagkat alam nilang ako'y hinirang upang ipagtanggol ang Magandang Balita. 17 Ngunit ang iba ay nangangaral nang di tapat sa kalooban, kundi dahil sa udyok ng masamang hangarin, sapagkat hangad nilang dagdagan pa ang paghihirap ko sa aking pagkakabilanggo. 18 Ngunit walang anuman sa akin ang lahat ng iyon. Ikinagagalak ko na si Cristo ay naipapangaral, maging tapat man o hindi ang hangarin ng mga nangangaral.

Ang isa ko pang ikinagagalak 19 ay ang pag-asang ako'y makakalaya sa pamamagitan ng inyong mga panalangin at sa tulong ng Espiritu ni Jesu-Cristo. 20 Ang aking pinakananais at inaasahan ay ang hindi ako mapahiya sa anumang bagay; kundi sa lahat ng panahon, at lalo na ngayon, ay buong tapang kong maparangalan si Cristo sa buhay man o sa kamatayan. 21 Sapagkat para sa akin, ang buhay ay para kay Cristo at ang kamatayan ay pakinabang. 22 Kung ako'y mananatiling buháy, ito'y kapaki-pakinabang sapagkat marami pa akong magagawang mabubuting bagay. Hindi ko ngayon malaman kung alin ang aking pipiliin. 23 May pagtatalo sa loob ko; nais ko nang pumanaw sa mundong ito upang makapiling ni Cristo, sapagkat ito ang lalong mabuti. 24 Ngunit alang-alang sa inyo, mas kailangan pang manatili ako sa buhay na ito. 25 Dahil dito, natitiyak kong ako'y mabubuhay pa at makakasama ninyong lahat upang matulungan kayong magpatuloy nang may kagalakan sa inyong pananalig sa Panginoon. 26 Kung magkagayon, lalo ninyo akong maipagmamalaki at lalo ninyong pupurihin si Cristo Jesus dahil sa aking pagbabalik sa inyo.

27 Kaya nga, mga kapatid, pagsikapan ninyong mamuhay nang nararapat ayon sa Magandang Balita ni Cristo. Sa gayon, makabalik man ako sa inyong piling o hindi, makakatiyak pa rin akong kayo'y naninindigan sa iisang diwa at sama-samang ipinaglalaban ang pananampalataya sa Magandang Balita. 28 Huwag kayong matakot sa inyong mga kaaway. Magpakatatag kayo sapagkat ito mismo ang palatandaan na sila ay mapapahamak at kayo'y ililigtas ng Diyos. 29 Dahil ipinagkaloob niya sa inyo, hindi lamang ang manalig sa kanya, kundi ang magtiis din naman alang-alang kay Cristo. 30 Ngayon,(C) kasama ko na kayo sa pakikipaglabang nakita ninyong ginawa ko noon, at nababalitaan ninyong ginagawa ko pa rin hanggang ngayon.

Ang Halimbawa ni Cristo

Kaya nga, yamang mayroong kasiglahan ang buhay kay Cristo, mayroong kaaliwan ng pag-ibig, mayroong pakikiisa ng Espiritu Santo, at mayroong kagandahang-loob at malasakit para sa isa't isa, lubusin ninyo ang aking kagalakan; magkaroon kayo ng iisang kaisipan, mabuklod kayo sa iisang pag-ibig, at magkaisa kayo sa puso't diwa. Huwag kayong gumawa ng anuman dahil sa pansariling layunin o pagyayabang; sa halip, bilang tanda ng pagpapakumbaba, ituring ninyong higit ang iba kaysa inyong mga sarili. Pagmalasakitan ninyo ang kapakanan ng iba, at hindi lamang ang sa inyong sarili. Nawa'y magkaroon kayo ng kaisipan na tulad ng kay Cristo Jesus.

Kahit taglay niya ang kalikasan ng Diyos,
    hindi niya ipinagpilitang manatiling kapantay ng Diyos.
Sa halip, kusa niyang binitawan ang pagiging kapantay ng Diyos,
    at namuhay na isang alipin.
Ipinanganak siya bilang tao.
    At nang siya'y maging tao,
nagpakumbaba siya at naging masunurin hanggang kamatayan,
    maging ito man ay kamatayan sa krus.
Dahil dito, siya'y lubusang itinaas ng Diyos,
    at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan.
10 Sa(D) gayon, sa pangalan ni Jesus
    ay luluhod at magpupuri ang lahat
    ng nasa langit, nasa lupa, at nasa ilalim ng lupa.[d]
11 At ang lahat ay magpapahayag na si Jesu-Cristo ay Panginoon,
    sa ikaluluwalhati ng Diyos Ama.

Maging Ulirang Anak ng Diyos

12 Kaya nga, mga minamahal, tulad ng inyong buong-pusong pagsunod noong ako'y kasama pa ninyo, lalo kayong maging masunurin ngayong ako'y malayo sa inyo. Pagsumikapan ninyong maging ganap ang inyong kaligtasan nang may lubusang paggalang at pag-ibig sa Diyos, 13 sapagkat ang Diyos ang kumikilos sa inyo upang inyong naisin at isagawa ang kanyang kalooban.

14 Gawin ninyo ang lahat ng bagay nang walang reklamo at pagtatalo, 15 upang(E) kayo'y maging mga ulirang anak ng Diyos, matuwid at walang kapintasan sa gitna ng sanlibutang baluktot at masama. Sa gayon, magsisilbi kayong mga ilaw sa kanila, tulad ng mga bituing nagniningning sa kalangitan, 16 habang ipinapahayag ninyo ang salitang nagbibigay-buhay. Sa gayon, sa Araw ni Cristo ay maipagmamalaki kong hindi nawalan ng kabuluhan ang mga hirap at pagod ko sa inyo.

17 Kung ang buhay ko ma'y ibuhos bilang handog para sa inyong paglilingkod at pananampalataya sa Diyos, ako'y natutuwa at ang puso ko'y nakikigalak sa inyo. 18 Kaya magalak din kayo at bahaginan ninyo ako ng inyong kagalakan.

Sina Timoteo at Epafrodito

19 Umaasa ako sa Panginoong Jesus na mapapapunta ko agad riyan si Timoteo upang mapanatag ang aking loob kapag aking malaman mula sa kanya ang inyong kalagayan. 20 Wala nang hihigit sa kanya sa pakikiisa sa aking damdamin at pagmamalasakit para sa inyong kapakanan. 21 Ang inaatupag lamang ng iba ay ang sarili nilang kapakanan at hindi ang kay Jesu-Cristo. 22 Kayo na rin ang nakakaalam sa katapatan ni Timoteo. Kasama ko siya sa pangangaral ng Magandang Balita. Tinulungan niya ako tulad ng pagtulong ng isang anak sa kanyang ama. 23 Kaya, binabalak kong papuntahin siya riyan pagkatapos kong matiyak ang magiging kalagayan ko rito. 24 Subalit ako'y umaasa, sa tulong ng Panginoon, na ako rin ay makakapunta riyan sa lalong madaling panahon.

25 Inisip kong kailangan nang papuntahin diyan ang ating kapatid na si Epafrodito, na aking kamanggagawa at kapwa kawal ng Diyos na isinugo ninyo upang magdala ng inyong kaloob, at upang makatulong sa akin. 26 Sabik na sabik na siya sa inyong lahat.[e] Nag-aalala siya dahil nabalitaan ninyong nagkasakit siya. 27 Totoong siya'y nagkasakit at muntik nang mamatay. Subalit kinahabagan siya ng Diyos, at hindi lamang siya kundi pati ako, upang huwag nang madagdagan pa ang aking kalungkutan.

28 Kaya nga, nais kong makapunta na siya riyan sapagkat alam kong matutuwa kayong makita siyang muli. Sa gayon, mawawala na ang aking kalungkutan. 29 Kaya, tanggapin ninyo siya nang buong galak bilang isang tunay na lingkod ng Panginoon. Igalang ninyo ang mga taong tulad niya. 30 Sapagkat muntik na siyang namatay alang-alang sa gawain para kay Cristo; itinaya niya ang kanyang buhay sa paglilingkod sa akin upang mapunuan ang hindi ninyo kayang gampanan.

Ang Tunay na Pagiging Matuwid

Sa wakas, mga kapatid, magalak kayo sa Panginoon. Hindi kaabalahan para sa akin na ulitin ang naisulat ko na, dahil ito naman ay para sa inyong kapakanan.

Mag-ingat kayo sa mga taong asal-aso, sa mga taong mahilig sa paggawa ng masama. Sila'y mga taong naghihiwa ng maselang bahagi ng kanilang katawan. Tayo at hindi sila, ang tumanggap ng tunay na pagtutuli, tayong mga sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang Espiritu. Ang ipinagmamalaki natin ay ang ating buhay kay Cristo Jesus at hindi tayo umaasa sa mga pisikal na bagay.

Ang totoo, ako'y may sapat na dahilan upang panghawakan ang mga pisikal na bagay. Kung iniisip ninuman na siya'y may katuwirang umasa sa ganitong mga bagay, lalo na ako. Ako'y(F) tinuli sa ikawalong araw mula nang ako'y isilang. Ako'y isang tunay na Israelita, buhat sa angkan ni Benjamin at totoong Hebreo. Kung pagsunod naman sa Kautusan ang pag-uusapan, ako'y isang Pariseo. Kung(G) sa pagiging masugid ko sa Kautusan, inusig ko ang iglesya. Kung sa pagiging matuwid naman ayon sa Kautusan, walang maisusumbat sa akin.

Ngunit dahil kay Cristo, ang mga bagay na pinapahalagahan ko noon ay itinuring kong walang kabuluhan ngayon. Oo, itinuturing kong walang kabuluhan ang lahat ng bagay bilang kapalit ng lalong mahalaga, ang pagkakilala kay Cristo Jesus na aking Panginoon. Ang lahat ng bagay ay ipinalagay kong walang kabuluhan at itinuring kong basura, makamtan ko lamang si Cristo at lubos na makipag-isa sa kanya. Ang aking pagiging matuwid ay hindi sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, kundi sa pananalig kay Cristo. Ang pagiging matuwid ko ngayo'y buhat sa Diyos, sa pamamagitan ng pananampalataya. 10 Ang tanging hangarin ko ngayon ay lubusang makilala si Cristo, maranasan ang kapangyarihan ng kanyang muling pagkabuhay, makibahagi sa kanyang mga paghihirap, at maging katulad niya sa kanyang kamatayan, 11 umaasang ako man ay muling bubuhayin mula sa kamatayan.

Magpatuloy Tungo sa Hangganan

12 Hindi sa nakamtan ko na ang mga bagay na ito. Hindi rin sa ako'y ganap na; ngunit sinisikap kong makamtan ang gantimpala sapagkat ito ang dahilan kung bakit ako'y tinawag ni Cristo Jesus. 13 Mga kapatid, hindi ko ipinapalagay na nakamit ko na ito. Ngunit isang bagay ang ginagawa ko: habang nililimot ko ang nakaraan at sinisikap na marating ang layuning nais kong makamtan, 14 nagpupunyagi ako patungo sa hangganan upang makamtan ang gantimpala ng pagkatawag sa akin ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo Jesus, ang buhay na nasa langit.

15 Ganyan ang dapat maging kaisipan nating mga matatag na sa pananampalataya. Kung hindi ganito ang inyong pag-iisip, ipapaunawa iyan sa inyo ng Diyos. 16 Ang mahalaga ay panghawakan natin ang ating nakamtan na.

17 Mga(H) kapatid, magkaisa kayong tumulad sa halimbawang ipinakita ko sa inyo. Pag-ukulan din ninyo ng pansin ang lahat ng sumusunod sa aming halimbawa. 18 Sapagkat tulad ng madalas kong sinasabi sa inyo noon at ngayo'y luhaang inuulit ko, marami ang namumuhay bilang mga kaaway ng krus ni Cristo. 19 Kapahamakan ang kahihinatnan nila sapagkat ang dinidiyos nila ay ang hilig ng kanilang katawan. Ikinararangal nila ang mga bagay na dapat sana nilang ikahiya, at wala silang iniisip kundi ang mga bagay na may kinalaman sa mundong ito. 20 Subalit sa kabilang dako, tayo ay mga mamamayan ng langit. Mula roo'y hinihintay nating may pananabik ang Panginoong Jesu-Cristo, ang ating Tagapagligtas. 21 Sa pamamagitan ng kapangyarihang ginamit niya sa pagpapasuko sa lahat ng bagay, ang ating katawang may kahinaan ay babaguhin niya upang maging katulad ng kanyang katawang maluwalhati.

Ilang mga Tagubilin

Kaya nga, mga kapatid kong minamahal at pinananabikan, aking kagalakan at karangalan, sa ganitong paraan ay magpakatatag kayo sa inyong pamumuhay na nakaugnay sa Panginoon.

Nakikiusap ako kina Euodia at Sintique na sila'y magkasundo na bilang magkapatid sa Panginoon. Ipinapakiusap ko rin naman sa iyo, tapat kong katuwang, tulungan mo ang dalawang babaing ito. Sila man ay kasama kong nagpagal sa pagpapalaganap ng Magandang Balita, kasama si Clemente at ang iba pang kamanggagawa ko. Ang mga pangalan nila'y nakasulat sa aklat ng buhay.

Magalak kayong lagi sa Panginoon. Inuulit ko, magalak kayo! Ipadama ninyo sa lahat ang inyong kabutihang-loob. Malapit nang dumating ang Panginoon. Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. At ang kapayapaan ng Diyos na hindi kayang maunawaan ng tao ang siyang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.

Bilang pagtatapos, mga kapatid, lagi ninyong isaisip ang mga bagay na karapat-dapat at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at kagalang-galang. Isagawa ninyo ang lahat ng inyong natutunan, tinanggap, narinig at nakita sa akin. Sa gayon, sasainyo ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan.

Salamat sa Inyong Tulong

10 Labis akong nagagalak sa Panginoon sapagkat pagkaraan ng mahabang panahon, minsan pang ipinamalas ninyo ang inyong pagmamalasakit sa akin. Alam kong hindi ninyo ako nalilimutan, wala nga lamang kayong pagkakataong ipamalas ito. 11 Hindi ko sinasabi ito dahil sa kayo'y pinaghahanapan ko ng tulong. Natutunan ko nang masiyahan, maging anuman ang aking kalagayan. 12 Alam ko kung paano maghikahos; alam ko rin kung paano managana; natutunan ko na ang sikreto kung paano masiyahan sa anumang kalagayan sa buhay, ang mabusog o ang magutom, ang managana o ang maghirap. 13 Ang lahat ng ito'y magagawa ko dahil sa lakas na kaloob sa akin ni Cristo.

14 Gayunman, ikinagagalak ko ang inyong pagdamay sa aking mga paghihirap. 15 Alam(I) naman ninyo, mga taga-Filipos, na kayo lamang ang iglesyang tumulong sa aking mga pangangailangan nang umalis ako sa Macedonia noong ako'y nagsisimula pa lamang sa pangangaral ng Magandang Balita. 16 Noong(J) ako'y nasa Tesalonica na, makailang ulit ding pinadalhan ninyo ako ng tulong. 17 Hindi sa hangad kong laging tumanggap ng mga kaloob, kundi ang nais ko ay makatanggap kayo ng masaganang gantimpala. 18 Ang(K) liham na ito ang pagkilala sa lahat ng mga kaloob ninyo sa akin. Higit pa sa pangangailangan ko ang tulong ninyo sa akin na hatid ni Epafrodito. Ang mga ito ay tulad ng mabangong handog sa Diyos, mga alay na katanggap-tanggap at kalugud-lugod sa kanya. 19 At buhat sa hindi mauubos na kayamanan ng Diyos, ibibigay niya ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ni Cristo Jesus. 20 Purihin ang ating Diyos at Ama magpakailanman! Amen.

Pangwakas na Pagbati

21 Paratingin ninyo sa lahat ng mga hinirang ng Diyos kay Cristo Jesus ang aking pagbati. Binabati kayo ng mga kapatid na kasama ko rito. 22 Binabati rin kayo ng lahat ng mga hinirang ng Diyos, lalo na ng mga naririto sa palasyo ng Emperador.

23 Nawa'y taglayin ng inyong espiritu ang kagandahang-loob ng Panginoong Jesu-Cristo.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.