Beginning
Ang Babaeng Bayaran
17 Pagkatapos, lumapit sa akin ang isa sa pitong anghel na may sisidlan at sinabi, “Halika, ipapakita ko sa iyo ang pagpaparusa sa sikat na babaeng bayaran. Ang babaeng ito ay ang malaking lungsod na itinayo malapit sa maraming tubig. 2 Nakipagrelasyon sa kanya ang mga hari sa buong mundo sa pamamagitan ng pagsunod sa mga itinuro niya, at ang mga tao naman sa mundo ay parang nalasing sa mga itinuro niyang kasamaan.”
3 Pagkatapos, napuspos ako ng Banal na Espiritu at dinala ng anghel sa ilang. Nakita ko roon ang isang babaeng nakasakay sa pulang halimaw. Ang halimaw na iyon ay may pitong ulo at sampung sungay. At sa buong katawan ay nakasulat ang mga pangalang lumalapastangan sa Dios. 4 Kulay ube at pula ang damit ng babae, at may mga alahas siyang ginto, mamahaling bato, at perlas. May hawak siyang gintong tasa na puno ng kasamaan at karumihan niya dahil sa kanyang sekswal na imoralidad. 5 Nakasulat sa noo niya ang pangalang ito na may lihim na kahulugan: “Ang sikat na lungsod ng Babilonia, ang ina ng lahat ng babaeng bayaran[a] at ng lahat ng kasamaan sa buong mundo.” 6 At nakita kong lasing ang babaeng iyon sa dugo ng mga pinabanal[b] ng Dios na ipinapatay niya dahil sa pagsunod nila kay Jesus.
Namangha ako nang makita ko siya. 7 Pero sinabi sa akin ng anghel, “Huwag kang mamangha. Sasabihin ko sa iyo ang lihim na kahulugan ng babae at ng halimaw na sinasakyan niya, na may pitong ulo at sampung sungay. 8 Ang halimaw na nakita mo ay buhay noon, pero patay na ngayon. Pero muli siyang lalabas mula sa kailaliman, at agad namang mapupunta sa walang hanggang kapahamakan. Makikita siya ng mga taong hindi nakasulat ang mga pangalan sa aklat na listahan ng mga taong binigyan ng buhay na walang hanggan. Bago pa man likhain ang mundo, ang pangalan nila ay hindi na nakasulat sa aklat na ito. At kapag nakita nila ang halimaw, mamamangha sila dahil buhay siya noon, at namatay na, ngunit nabuhay na naman.
9 “Kailangan dito ang talino upang maintindihan ang kahulugan ng mga ito. Ang pitong ulo ay ang pitong bundok na inuupuan ng babae. Nangangahulugan din ito ng pitong hari. 10 Lima sa pitong iyon ay patay na, ang isa ay naghahari pa ngayon, at ang isa ay hindi pa dumarating. Kapag dumating na siya, sandali lang ang paghahari niya. 11 Ang halimaw na buhay noon, pero patay na ngayon, ang siyang ikawalong hari. Kabilang din siya sa naunang pitong hari, at hahantong din siya sa kapahamakan.
12 “Ang sampung sungay na nakita mo ay ang sampung hari na hindi pa naghahari. Bibigyan sila ng kapangyarihang maghari kasama ang halimaw sa loob lang ng maikling panahon.[c] 13 Iisa ang layunin ng sampung haring iyon. At ipapailalim nila ang kapangyarihan at pamamahala nila sa halimaw.[d] 14 Lalabanan nila ang Tupa ngunit matatalo sila, dahil siya ang Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari. Kasama ng Tupa ang mga tapat na tagasunod niya na kanyang tinawag at pinili.”
15 Sinabi rin sa akin ng anghel, “Ang tubig na nakita mo na inuupuan ng babaeng bayaran ay ang mga tao sa ibaʼt ibang lahi, bansa at wika. 16 Ang sampung sungay at ang halimaw na nakita mo ay mapopoot sa babaeng bayaran. Kukunin nila ang mga ari-arian niya pati na ang suot niyang damit at walang maiiwan sa kanya. Kakainin nila ang kanyang laman at susunugin ang matitira. 17 Niloob ng Dios na maisakatuparan ng sampung hari ang kanyang layunin. Kaya mapagkakasunduan nila na ipailalim sa halimaw ang kapangyarihan at pamamahala nila hanggang sa matupad ang sinabi ng Dios.
18 “Ang babaeng nakita mo ay ang sikat na lungsod na naghahari sa mga hari sa mundo.”
Ang Pagbagsak ng Babilonia
18 Pagkatapos nito, nakita ko ang isang anghel na bumaba mula sa langit. Makapangyarihan ang anghel na ito at nagliwanag ang buong mundo dahil sa kanyang kaningningan. 2 Sumigaw siya nang malakas, “Bumagsak na! Bumagsak na ang sikat na lungsod ng Babilonia. Tirahan na lang ito ngayon ng mga demonyo at masasamang espiritu, at mga kasuklam-suklam na ibon na itinuturing na marumi. 3 Nangyari ito sa lungsod ng Babilonia dahil inakit nito ang mga tao sa buong mundo na sumunod sa imoralidad niya na kinamumuhian ng Dios. Ang mga hari sa mundo ay nakipagrelasyon sa kanya. At yumaman ang mga negosyante sa mundo, dahil sa kanila siya bumibili ng mga pangangailangan niya upang masunod ang bisyo at kalayawan niya.”
4 Pagkatapos, may narinig akong isa pang tinig mula sa langit na nagsasabi,
“Kayong mga mamamayan ko, lumayo kayo sa kanya
upang hindi kayo maging bahagi sa ginagawa niyang kasalanan,
at upang hindi ninyo danasin ang parusang nakalaan sa kanya.
5 Ang bunton ng kanyang kasalanan ay abot hanggang langit.
At hindi na palalagpasin ng Dios ang kanyang kasamaan.
6 Gawin ninyo sa kanya ang ginawa niyang masama sa inyo.
Gumanti kayo nang doble sa kanyang ginawa.
Kung ano ang ginawa niyang masama sa inyo doblehin ninyo at ibigay sa kanya.
7 Kung paanong nagmataas siya at namuhay sa karangyaan at kalayawan,
gantihan ninyo siya ng katumbas na kahirapan at kalungkutan.
Sapagkat inakala niyang reyna siya at hindi makakaranas ng kalungkutan tulad ng mga biyuda.
8 Dahil dito, sabay-sabay na darating sa kanya sa loob lang ng isang araw ang mga salot:
mga sakit, kalungkutan, at gutom.
Pagkatapos, susunugin siya,
sapagkat makapangyarihan ang Panginoong Dios na nagpaparusa sa kanya.”
9 “Iiyakan siya ng mga haring nakipagrelasyon sa kanya at nakisama sa kalayawan niya kapag nakita nila ang usok ng kanyang pagkasunog. 10 Tatayo lang sila sa malayo at magmamasid dahil takot silang madamay sa parusa sa lungsod na iyon. Sasabihin nila, ‘Sayang! Sayang ang sikat at makapangyarihang lungsod ng Babilonia. Sa loob lang ng maikling panahon[e] ay naparusahan siya!’
11 “Iiyak at magdadalamhati sa kanya ang mga negosyante sa buong mundo dahil wala nang bibili ng mga paninda nila. 12 Wala nang bibili ng kanilang mga ginto, pilak, mamahaling bato, at perlas; at ng kanilang mga telang linen, seda at mga telang kulay ube at pula. Wala na ring bibili ng kanilang mababangong kahoy, mga kagamitang yari sa pangil ng elepante at yari sa mamahaling kahoy, tanso, bakal at marmol. 13 At sino pa ang bibili ng mga pabango nila tulad ng sinamon, kamangyan, mira at iba pa? Wala nang bibili ng kanilang mga alak, langis, harina at trigo; at ng kanilang mga baka, tupa, kabayo at karo; at pati ng kanilang mga alipin at mga tao. 14 Sasabihin ng mga negosyante sa lungsod ng Babilonia, ‘Nawala na ang lahat ng bagay na hinangad mo na maangkin. Kinuha na sa iyo ang lahat ng kayamanan at ari-ariang ipinagmamalaki mo, at hindi mo na makikitang muli ang mga ito!’ 15 Ang mga negosyanteng yumaman dahil sa kalakal nila sa lungsod ay tatayo lang sa malayo dahil takot silang madamay sa parusa sa kanya. Iiyak sila at magdadalamhati, 16 at sasabihin nila, ‘Sayang! Sayang ang sikat na lungsod na iyan! Dati ang mga tao riyan ay nagdadamit ng mamahaling telang kulay puti, ube at pula, at napapalamutian ng ginto, mamahaling bato at perlas! 17 Pero sa loob lang ng maikling panahon, nawala ang lahat ng kanyang kayamanan!’
“Tatayo lang at magmamasid ang mga kapitan ng barko at ang mga tripulante nila, pati na ang mga pasahero at ang lahat ng mga naghahanapbuhay sa dagat. 18 At habang minamasdan nila ang usok ng nasusunog na lungsod, sisigaw sila, ‘Walang katulad ang sikat na lungsod na iyan!’ 19 At dahil sa kanilang kalungkutan, lalagyan nila ng alikabok ang ulo nila at mag-iiyakan. Sasabihin nila, ‘Sayang! Sayang ang sikat na lungsod na iyan. Dahil sa yaman niya, yumaman ang mga may-ari ng barko na bumibiyahe roon. Pero sa loob lang ng maikling panahon, nawala ang lahat!’
20 “Kaya kayong lahat ng nasa langit, matuwa kayo dahil sa nangyari sa lungsod na iyon. Matuwa kayo, kayong mga propeta, mga apostol at mga pinabanal ng Dios, dahil hinatulan na siya ng Dios sa mga ginawa niya sa inyo!”
21 Pagkatapos, may isang makapangyarihang anghel na kumuha ng isang batong kasinlaki ng malaking gilingan at inihagis sa dagat. Sinabi niya, “Katulad nito ang pagkawala ng sikat na lungsod ng Babilonia, dahil hindi na siya makikitang muli. 22 Hindi na maririnig ang mga pagtugtog ng alpa, plauta at trumpeta, at ang tinig ng mga mang-aawit. Hindi na makikita roon ang mahusay na mga manggagawa ng anumang uri ng gawain, at hindi na rin maririnig ang ingay ng mga gilingan. 23 Magiging madilim doon, dahil wala nang ilaw kahit isa. Wala na ring masayang tinig ng bagong kasal na mapapakinggan. Mangyayari ito sa kanya dahil ang mga negosyante niya ay masyadong mapagmataas, at dinaya niya ang lahat sa pamamagitan ng pangkukulam.”
24 At ang lungsod na iyon ang pumatay sa mga propeta at sa mga pinabanal ng Dios, at sa iba pang mga tao sa buong mundo.
19 Pagkatapos, nakarinig ako ng parang napakaraming tao sa langit na nagsisigawan, “Purihin ang Panginoon! Purihin ang Dios nating makapangyarihan, dahil siya ang nagligtas sa atin! 2 Matuwid at tama ang kanyang paghatol. Hinatulan niya ang sikat na babaeng bayaran na nagpasama sa mga tao sa mundo dahil sa kanyang imoralidad. Pinarusahan siya ng Dios dahil pinatay niya ang mga lingkod ng Dios.” 3 Sinabi nilang muli, “Purihin ang Panginoon! Ang usok ng nasusunog na lungsod ay papailanlang magpakailanman!” 4 Lumuhod ang 24 na namumuno at ang apat na buhay na nilalang at sumamba sa Dios na nakaupo sa kanyang trono. Sinabi nila, “Amen! Purihin ang Panginoon!”
Handaan sa Kasal ng Tupa
5 Pagkatapos, may narinig akong nagsalita mula sa trono, “Purihin ninyo ang ating Dios, kayong lahat na naglilingkod sa kanya nang may takot, dakila man o hindi.” 6 Pagkatapos, muling may narinig ako, parang ingay ng napakaraming tao na parang lagaslas ng talon o dagundong ng malakas na kulog. Ito ang sinasabi, “Purihin ang Panginoon! Sapagkat naghahari na ang Panginoon na ating Dios na makapangyarihan sa lahat! 7 Magalak tayo at magsaya, at purihin natin siya. Sapagkat dumating na ang oras ng kasal ng Tupa, at nakahanda na ang kanyang nobya. 8 Pinagsuot siya ng damit na malinis, makinang, at puting-puti.” Ang ibig sabihin ng puting damit ay ang mabubuting gawa ng mga pinabanal[f] ng Dios.
9 At sinabi sa akin ng anghel, “Isulat mo ito: Mapalad ang mga inimbitahan sa handaan sa kasal ng Tupa.” At sinabi pa niya, “Totoo ang mga sinasabing ito ng Dios.” 10 Lumuhod ako sa paanan niya upang sumamba sa kanya. Pero sinabi niya sa akin, “Huwag! Huwag mo akong sambahin. Sapagkat alipin din ako ng Dios, tulad mo at ng mga kapatid mong nagpapahayag ng katotohanang itinuro ni Jesus.[g] Ang Dios ang sambahin mo!” (Sapagkat ang mga katotohanang itinuro ni Jesus ay siyang buod ng mga sinabi at isinulat ng mga propeta.)
Ang Nakasakay sa Puting Kabayo
11 Pagkatapos, nakita kong nabuksan ang langit, at may puting kabayo na nakatayo roon. Ang nakasakay ay tinatawag na Tapat at Totoo. Sapagkat matuwid siyang humatol at makipagdigma. 12 Parang nagniningas na apoy ang mga mata niya at marami ang mga korona niya sa ulo. May nakasulat na pangalan sa kanya, na siya lang ang nakakaalam kung ano ang kahulugan. 13 Ang suot niyang damit ay inilubog sa dugo. At ang tawag sa kanya ay “Salita ng Dios.” 14 Sinusundan siya ng mga sundalo mula sa langit. Nakasakay din sila sa mga puting kabayo, at ang mga damit nila ay malinis at puting-puti. 15 Mula sa bibig niya ay lumalabas ang matalas na espada na gagamitin niyang panlupig sa mga bansa. At pamamahalaan niya sila sa pamamagitan ng kamay na bakal. Ipapakita niya sa kanila ang matinding galit ng Dios na makapangyarihan sa lahat. 16 Sa damit at sa hita niya ay may nakasulat: “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.”
17 Pagkatapos, nakita ko ang isang anghel na nakatayo sa araw. Sumigaw siya sa mga ibong lumilipad sa himpapawid, “Halikayo! Magtipon kayo para sa malaking handaan ng Dios! 18 Halikayo! Kainin ninyo ang laman ng mga hari, mga heneral, mga kawal, mga nakasakay sa kabayo, pati na ang laman ng kanilang mga kabayo. Kainin ninyo ang laman ng lahat ng tao, alipin man o hindi, hamak man o dakila.”
19 Pagkatapos, nakita ko ang halimaw at ang mga hari sa mundo kasama ang kanilang mga kawal. Nagtipon sila upang labanan ang nakasakay sa puting kabayo at ang kanyang mga sundalo mula sa langit. 20 Ngunit dinakip ang halimaw. Dinakip din ang huwad at sinungaling na propeta na gumagawa ng mga himala para sa halimaw. Ang mga himalang ito ang ginamit niya upang dayain ang mga taong may tatak ng halimaw at sumasamba sa imahen nito. Silang dalawa ay itinapon nang buhay sa lawang apoy na may nagliliyab na asupre. 21 Pinatay ang mga sundalo nila sa pamamagitan ng espadang lumabas sa bibig ng nakasakay sa puting kabayo. At ang mga ibon ay nagsawa sa kakakain ng kanilang bangkay.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®