Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
1 Pedro 1-5

Mula kay Pedro na apostol ni Jesu-Cristo.

Mahal kong mga pinili ng Dios na nangalat at naninirahan bilang mga dayuhan sa Pontus, Galacia, Capadosia, Asia at Bitinia:

Pinili na kayo ng Dios Ama noon pa para maging mga anak niya sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, para sundin nʼyo si Jesu-Cristo at upang linisin kayo sa mga kasalanan nʼyo sa pamamagitan ng kanyang dugo.

Sumainyo nawa ang higit pang biyaya at kapayapaan.

May Inihanda ang Dios para sa Atin

3-4 Purihin natin ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo! Dahil sa dakila niyang awa sa atin, ipinanganak tayong muli sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo. Ito ang nagbibigay sa atin ng malaking pag-asa na may nakahandang mana ang Dios para sa atin. Ang manang itoʼy nasa langit, walang kapintasan, hindi nasisira, at hindi kumukupas. At sa pamamagitan ng pananampalataya nʼyo, iniingatan kayo ng kapangyarihan ng Dios habang naghihintay kayo ng kaligtasang nakalaang ihayag sa huling panahon.

Dahil dito, dapat kayong magalak sa kabila ng ibaʼt ibang pagsubok, dahil ang mga pagsubok na itoʼy panandalian lang, at dapat ninyong maranasan, para masubukan kung talagang tunay ang pananampalataya ninyo. Katulad ng ginto, sinusubok ito sa apoy para malaman kung tunay o hindi. Pero mas mahalaga ang pananampalataya natin kaysa sa ginto na nawawala. Kaya kapag napatunayang tunay ang pananampalataya nʼyo, papupurihan kayoʼt pararangalan pagdating ni Jesu-Cristo. Kahit hindi nʼyo siya nakita ay mahal nʼyo siya, at kahit hindi nʼyo pa siya nakikita hanggang ngayon, sumasampalataya pa rin kayo sa kanya. At nag-uumapaw ang inyong kagalakan na hindi kayang ipahayag ng bibig, dahil tinatanggap nʼyo ang bunga ng pananampalataya nʼyo, na walang iba kundi ang inyong kaligtasan. 10 Ang kaligtasang itoʼy pinagsikapang saliksikin ng mga propeta noon. Sila ang nagpahayag tungkol sa kaloob na ito ng Dios sa atin. 11 Ipinahayag na sa kanila ng Espiritu ni Cristo na nasa kanila, na maghihirap siya bago parangalan. Kaya patuloy sa pagsasaliksik ang mga propeta noon kung kailan at kung papaano ito mangyayari. 12 Ipinahayag din sa kanila na ang mga bagay na ipinaalam nila ay hindi para sa ikabubuti nila kundi para sa atin.[a] At ngayon, napakinggan nʼyo na sa mga nangangaral ng Magandang Balita ang mga ipinahayag nila. Nagsalita sila sa inyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritung sinugo sa kanila mula sa langit. Kahit ang mga anghel noon ay nagnais na maunawaan ang Magandang Balitang ito na ipinangaral sa inyo.

Sundin Ninyo ang Dios

13 Kaya lagi kayong maging handa na gawin ang kalooban ng Dios. Magpakatatag kayo at lubos na umasa na matatanggap nʼyo ang mga pagpapalang ibibigay sa inyo kapag dumating na si Jesu-Cristo. 14 Bilang masunuring mga anak ng Dios, huwag kayong padadala sa masasamang hilig ninyo noong hindi pa kayo nakakakilala sa Dios. 15 Banal ang Dios na tumawag sa inyo, kaya dapat magpakabanal din kayo sa lahat ng ginagawa ninyo. 16 Sapagkat sinasabi ng Dios sa Kasulatan, “Magpakabanal kayo dahil banal ako.”[b]

17 Walang pinapaboran ang Dios. Hinahatulan niya ang mga tao ayon sa gawa ng bawat isa. Kaya kung tinatawag nʼyo siyang Ama kapag nananalangin kayo sa kanya, igalang nʼyo siya habang naninirahan pa kayo sa mundong ito. 18 Alam naman ninyo kung ano ang ipinangtubos sa inyo mula sa walang kabuluhang pamumuhay na minana nʼyo sa mga ninuno ninyo. Ang ipinangtubos sa inyoʼy hindi ang mga bagay na nawawala katulad ng ginto o pilak, 19 kundi ang mahalagang dugo ni Cristo. Katulad siya ng isang tupa na walang dungis o kapintasan na inihandog sa Dios. 20 Bago pa likhain ang mundo, pinili na ng Dios si Cristo para maging Tagapagligtas natin. At ipinahayag siya ng Dios nitong mga huling araw alang-alang sa inyo. 21 Sa pamamagitan niya, sumasampalataya kayo sa Dios na muling bumuhay at nagparangal sa kanya. Kaya ang pananalig nʼyo ay sa Dios, at umaasa kayo sa kanya na muli niya rin kayong bubuhayin at pararangalan.

22 At dahil sumusunod na kayo sa katotohanan, malinis na kayo sa mga kasalanan ninyo, at ngayon ay nagkaroon na kayo ng tapat na pagmamahal sa mga kapatid nʼyo kay Cristo. Magmahalan kayo ng taos-puso, 23 dahil ipinanganak na kayong muli. At ang kapanganakang itoʼy hindi sa pamamagitan ng mga magulang ninyong namamatay, kundi sa pamamagitan ng buhay at walang hanggang salita ng Dios. 24 Ayon sa Kasulatan,

    “Ang lahat ng tao ay parang damo,
    ang kanilang katanyagan ay parang bulaklak nito.
    Ang damo ay nalalanta at ang bulaklak nito ay nalalaglag,
25 ngunit ang salita ng Panginoon ay nananatili magpakailanman.”[c]

At ang salitang ito ay ang Magandang Balitang ipinangaral sa inyo.

Dahil ipinanganak na kayong muli, talikuran nʼyo na ang lahat ng uri ng kasamaan: pandaraya, pagkukunwari, pagkainggit, at lahat ng paninirang-puri. Gaya ng sanggol na bagong panganak, manabik kayo sa dalisay na gatas na espiritwal, upang lumago kayo hanggang makamtan nʼyo ang ganap na kaligtasan ngayong naranasan na ninyo ang kabutihan ng Panginoon. Siya ang batong buhay na itinakwil ng mga tao pero pinili ng Dios at mahalaga sa paningin niya. At habang lumalapit kayo sa kanya, kayo na tulad din ng batong buhay ay itinatayo ng Dios bilang isang gusaling espiritwal. At bilang mga banal na paring pinili ng Dios, nag-aalay kayo sa kanya ng mga espiritwal na handog na kalugod-lugod sa kanya dahil ginagawa nʼyo ito sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Sapagkat sinasabi ng Dios sa Kasulatan,

“May pinili akong maghahari sa Zion.
Tulad niyaʼy mahalagang bato na ginawa kong pundasyon.
Ang sumasampalataya sa kanya ay hindi mapapahiya.”[d]

Kaya kayong sumasampalataya ay pararangalan ng Dios. Ngunit sa taong hindi sumasampalataya ay naganap ang sinasabi sa Kasulatan,

“Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ay siyang naging batong pundasyon.”[e]

“Ang batong ito ay naging katitisuran sa mga tao, at nakakapagpadapa sa kanila.”[f]

Natitisod sila dahil ayaw nilang sundin ang salita ng Dios; ganoon ang nakatalaga para sa kanila. Ngunit kayoʼy mga taong pinili, mga maharlikang pari, at mga mamamayan ng Dios. Pinili kayo ng Dios na maging kanya upang ipahayag ninyo ang kahanga-hanga niyang mga gawa. Siya ang tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kahanga-hanga niyang kaliwanagan. 10 Datiʼy hindi kayo mga taong sakop ng Dios, pero ngayon, mga sakop na niya kayo. Noon, hindi kayo kinaawaan ng Dios, pero ngayon, kinaawaan na niya kayo.

11 Mga minamahal, mga dayuhan kayong nakikitira lang sa mundong ito. Kaya nakikiusap ako sa inyong talikuran na ninyo ang masasamang pagnanasa ng inyong katawan na nakikipaglaban sa inyong espiritu. 12 Sa lahat ng oras, ipakita nʼyo sa mga taong hindi kumikilala sa Dios ang matuwid ninyong pamumuhay. Kahit pinararatangan nila kayo ngayon ng masama, sa bandang huli ay makikita nila ang mga kabutihang ginagawa nʼyo at luluwalhatiin nila ang Dios sa araw ng pagdating niya.

Magpasakop Kayo sa mga Tagapamahala ng Bayan

13 Alang-alang sa Panginoon, magpasakop kayo sa lahat ng tagapamahala ng bayan, maging sa emperador na may pinakamataas na kapangyarihan 14 o sa mga gobernador na sinugo ng Dios para magparusa sa mga gumagawa ng masama at magparangal sa mga gumagawa ng mabuti. 15 Sapagkat ito ang kalooban ng Dios, na sa pamamagitan ng mabubuti ninyong gawa ay walang masabi ang mga hangal na walang alam sa katotohanan. 16 Malaya nga kayo, pero hindi ito nangangahulugang malaya na kayong gumawa ng masama, kundi mamuhay kayo bilang mga alipin ng Dios. 17 Igalang nʼyo ang lahat ng tao at mahalin nʼyo ang mga kapatid ninyo kay Cristo. Mamuhay kayo nang may takot sa Dios, at igalang ninyo ang Emperador.

Tularan Ninyo si Cristo

18 Mga alipin, sundin ninyo nang may takot sa Dios ang mga amo ninyo, hindi lang ang mababait kundi pati ang malulupit. 19 Sapagkat pagpapalain kayo ng Dios kung tinitiis ninyo ang mga pagpapahirap kahit wala kayong kasalanan dahil sa nais ninyong sundin ang kalooban niya. 20 Pero kung parusahan kayo dahil sa ginagawa ninyong masama, wala ring kabuluhan kahit tiisin ninyo ito. Ngunit kung pinaparusahan kayo kahit mabuti ang ginagawa ninyo, at tinitiis ninyo ito, kalulugdan kayo ng Dios. 21 Ang mga pagdurusa ni Cristo para sa atin ang halimbawang dapat nating tularan. Ito ang dahilan kung bakit tayo tinawag, para tularan natin ang buhay ni Cristo. 22 Hindi siya nagkasala o nagsinungaling man. 23 Ininsulto siya pero hindi siya gumanti ng insulto. Pinahirapan siya pero hindi siya nagbanta. Ipinagkatiwala niya ang lahat sa Dios na humahatol nang makatarungan. 24 Si Cristo ang umako sa mga kasalanan natin nang ipako siya sa krus, para iwanan na natin ang buhay na makasalanan at mamuhay nang matuwid. Dahil sa mga sugat niya, gumaling tayo. 25 Para tayong mga tupang naligaw noon, pero nakabalik na tayo ngayon sa Panginoon na Tagapag-alaga at Tagapagbantay ng ating buhay.

Sa mga Mag-asawa

Kayong mga babae, magpasakop kayo sa asawa ninyo, upang kung ang asawa ninyoʼy hindi pa naniniwala sa salita ng Dios, maaaring madala nʼyo sila sa Panginoon sa pamamagitan ng mabuti ninyong pag-uugali kahit na hindi kayo magsalita. Sapagkat nakikita nilang may takot kayo sa Dios at malinis ang pamumuhay ninyo. Kung gusto ninyong maging maganda, huwag sa panlabas lang tulad ng pag-aayos nʼyo ng buhok na nilalagyan ng mamahaling alahas, at pagsusuot ng mamahaling damit. Sa halip, pagandahin ninyo ang inyong kalooban, ang mabuting pag-uugali na hindi nagbabago. Maging mahinhin kayo at maging mabait. Ito ang mahalaga sa paningin ng Dios. At ito ang ginagawa ng mga babaeng banal noong unang panahon. Nagpapaganda sila sa pamamagitan ng pagpapasakop nila sa kanilang asawa. Katulad ni Sara, sinunod niya si Abraham at tinawag pa niyang “panginoon.” Mga anak na kayo ni Sara, kaya dapat matuwid ang ginagawa nʼyo, at huwag kayong matakot sa kahit anuman.

Kayo namang mga lalaki, pakisamahan ninyong mabuti ang inyong asawa, dahil ito ang nararapat bilang isang Cristiano. Igalang nʼyo sila bilang mga babaeng mas mahina kaysa sa inyo, dahil binigyan din sila ng Dios ng buhay na walang hanggan katulad ninyo. Kapag ginawa nʼyo ito, sasagutin ng Dios ang mga panalangin ninyo.

Magmahalan Kayong Lahat

Ngayon, narito ang ilan ko pang bilin sa inyong lahat: Dapat magkaisa kayo sa isip at damdamin, at magdamayan. Magmahalan kayo bilang magkakapatid. Maging maunawain at mapagpakumbaba kayo sa isaʼt isa. Huwag ninyong gantihan ng masama ang gumagawa sa inyo ng masama, at huwag din ninyong gantihan ng pang-iinsulto ang mga nang-iinsulto sa inyo. Ang dapat ninyong gawin ay manalangin na kaawaan sila ng Dios, dahil pinili kayo ng Dios na gawin ito, at para kaawaan din niya kayo. 10 Sapagkat sinasabi sa Kasulatan,

    “Ang sinumang nagnanais ng maligaya at masaganang pamumuhay ay hindi dapat magsalita ng masama at kasinungalingan.
11 Dapat lumayo siya sa masama at gawin ang mabuti.
    Pagsikapan niyang kamtin ang kapayapaan.
12 Sapagkat iniingatan ng Panginoon ang matuwid, at sinasagot niya ang mga panalangin nila,
    ngunit galit siya sa mga gumagawa ng masama.”[g]

13 Sino ang gagawa ng masama sa inyo kung laging mabuti ang ginagawa nʼyo? 14 Pero kung usigin kayo dahil sa kabutihang ginagawa nʼyo, mapalad kayo. Huwag kayong matakot o mag-alala sa ano mang gawin nila sa inyo. 15 Alalahanin nʼyo na si Cristo ang dapat ninyong parangalan at sundin. Dapat lagi kayong handang magpaliwanag sa sinumang magtatanong sa inyo tungkol sa pag-asa ninyo. 16 At maging mahinahon at magalang kayo sa inyong pagsagot. Tiyakin ninyong laging malinis ang inyong konsensya, para mapahiya ang mga taong minamasama ang mabubuti ninyong gawa bilang mga tagasunod ni Cristo. 17 Mas mabuti pang magtiis kayo ng hirap dahil sa paggawa ng mabuti, kung ito talaga ang kalooban ng Dios, kaysa sa magtiis kayo ng hirap dahil sa paggawa ng masama. 18 Sapagkat si Cristo ngaʼy pinatay kahit wala siyang nagawang masama. At minsan lang siya namatay para mapatawad ang mga kasalanan natin. Siya na walang kasalanan ay pinatay alang-alang sa atin na mga makasalanan, para madala niya tayo sa Dios. Pinatay siya sa laman pero binuhay siya sa espiritu. 19-20 At sa kalagayan niyang espiritwal, nangaral siya kahit sa mga espiritu ng mga taong nakabilanggo, na hindi sumunod sa Dios noong panahon ni Noe. Sa panahong iyon, matiyagang hinintay ng Dios ang pagsampalataya nila sa kanya habang ginagawa ang barko. Ngunit walong tao lang ang sumampalataya at pumasok sa barko at nakaligtas sa tubig. 21 Ang tubig na itoʼy larawan ng bautismong nagliligtas sa atin sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo. Hindi ito paghuhugas ng dumi sa katawan, kundi pangako natin sa Dios na hindi na tayo gagawa ng anumang bagay na alam nating labag sa kalooban niya. 22 Si Jesu-Cristo ay nasa langit na ngayon, sa kanan ng Dios,[h] at ipinasakop sa kanya ang lahat ng anghel at ang lahat ng espiritung namumuno at may kapangyarihan.

Ang Bagong Buhay

Dahil naghirap si Cristo sa katawang-tao niya, dapat ay handa rin kayong maghirap. Sapagkat hindi na gumagawa ng kasalanan ang taong nagtitiis ng hirap. Hindi na siya sumusunod sa masasama niyang ugali kundi sumusunod na siya sa kalooban ng Dios. Kaya huwag na ninyong gawin ang mga ginagawa nʼyo noon, ang mga bagay na gustong gawin ng mga taong hindi kumikilala sa Dios. Puno ng kahalayan ang buhay nʼyo noon at sinunod nʼyo ang nasa ng inyong laman. Palagi kayong nagtitipon-tipon para mag-inuman at gumagawa ng mga bagay na kahiya-hiya. At sa pagsamba ninyo sa inyong mga dios-diosan, kung anu-ano pang masasamang bagay ang ginagawa ninyo. Pero nagtataka ngayon sa inyo ang mga taong hindi kumikilala sa Dios kung bakit hindi na kayo nakikisama sa magulo at maluho nilang pamumuhay. Kaya nagsasalita sila ng masama sa inyo. Ngunit mananagot sila sa Dios sa ginagawa nila, dahil hahatulan ng Dios ang lahat ng tao, buhay man o patay. Ito ang dahilan kung bakit ipinangaral ang Magandang Balita sa mga taong patay na. Nang sa ganoon, kahit patay na sila sa laman, at mahatulan tulad ng lahat ng tao, mabubuhay pa rin sila sa espiritu gaya ng Dios.

Gamitin Ninyo ang Kaloob na Ibinigay ng Dios

Malapit na ang katapusan ng mundo. Kaya pigilan ninyo ang sarili nʼyo para hindi kayo makagawa ng masama at nang walang maging hadlang sa mga panalangin ninyo. Higit sa lahat, magmahalan kayo nang tapat. Sapagkat kung mahal mo ang kapwa mo, mapapatawad mo siya kahit gaano pa karami ang nagawa niyang kasalanan. Tanggapin ninyo sa inyong tahanan ang isaʼt isa nang maluwag sa puso. 10 Binigyan ng Dios ang bawat isa sa atin ng kaloob. Gamitin natin ito para sa ikabubuti ng lahat bilang mabubuting katiwala ng ibaʼt ibang kaloob ng Dios. 11 Ang binigyan ng kaloob sa pangangaral ay dapat mangaral ng salita ng Dios. At ang binigyan ng kaloob para maglingkod ay dapat maglingkod ayon sa kakayahang ibinigay sa kanya ng Dios, upang mapapurihan ang Dios sa lahat ng ginagawa natin sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Makapangyarihan siya at karapat-dapat purihin magpakailanman! Amen.

Ang Pagtitiis Bilang Cristiano

12 Mga minamahal, huwag kayong magtaka sa mabibigat na pagsubok na nararanasan ninyo. Kapag sinusubok ang inyong pananampalataya, huwag ninyong isipin kung ano na ang mangyayari sa inyo. 13 Sa halip, magalak kayo dahil nakikibahagi kayo sa mga hirap ni Cristo. At magiging lubos ang kagalakan nʼyo kapag naipakita na niya ang kapangyarihan niya sa lahat. 14 Kaya kung iniinsulto kayo dahil mga tagasunod kayo ni Cristo, mapalad kayo dahil nasa inyo ang makapangyarihang Espiritu, ang Espiritu ng Dios. 15 Kung pinarusahan man kayo, sanaʼy hindi dahil nakapatay kayo ng tao, o nagnakaw, o nakagawa ng masama, o kayaʼy nakialam sa ginagawa ng iba. 16 Ngunit kung pinarusahan kayo dahil Cristiano kayo, huwag kayong mahiya; sa halip ay magpasalamat kayo sa Dios dahil tinatawag kayo sa pangalang ito. 17 Dumating na ang panahong magsisimula na ang Dios sa paghatol sa mga anak niya. At kung itoʼy magsisimula sa atin na mga anak niya, ano kaya ang sasapitin ng mga hindi sumusunod sa Magandang Balita ng Dios? 18 Tulad ng sinasabi sa Kasulatan,

    “Kung ang mga matuwid ay halos hindi maligtas, ano pa kaya ang mangyayari sa mga makasalanan at hindi kumikilala sa Dios?”[i]

19 Kaya kayong nagtitiis ngayon, dahil ito ang kalooban ng Dios para sa inyo, ay magpatuloy sa paggawa ng mabuti. Ipagkatiwala ninyo ang sarili nʼyo sa Dios na lumikha sa inyo, dahil hinding-hindi niya kayo pababayaan.

Mga Bilin sa mga Namumuno sa Iglesya at sa mga Kabataan

Sa mga namumuno sa iglesya, may nais akong ipakiusap sa inyo bilang isa ring namumuno sa iglesya at nakasaksi sa mga paghihirap ni Cristo, at makakabahagi rin sa kaluwalhatian niya sa kanyang pagdating. Alagaan ninyong mabuti ang mga mananampalatayang[j] kasama ninyo. Katulad sila ng mga tupa at kayo ang mga tagapag-alaga nila. Dapat taos-puso ninyo silang pangalagaan, dahil ito ang nais ng Dios. Hindi dahil sa napipilitan lang kayo, o dahil sa may hinihintay kayong kapalit, kundi dahil sa nais talaga ninyong makatulong sa kanila. Huwag kayong maghahari-harian sa mga mananampalatayang ipinagkatiwala sa inyo upang alagaan, kundi maging halimbawa kayo sa kanila. At pagdating ni Cristo na siyang Pangulong Tagapag-alaga, tatanggap kayo ng gantimpalang napakaganda at hindi kukupas kailanman.

At kayo namang mga kabataan, magpasakop kayo sa matatanda. At kayong lahat na mga mananampalataya, magpakumbaba kayo at maglingkod sa isaʼt isa, dahil sinasabi sa Kasulatan, “Kinamumuhian ng Dios ang mga mapagmataas, ngunit kinakaawaan niya ang mga mapagpakumbaba.”[k] Kaya magpasakop kayo sa kapangyarihan ng Dios, dahil darating ang araw na pararangalan niya kayo. Ipagkatiwala nʼyo sa kanya ang lahat ng kabalisahan nʼyo, dahil nagmamalasakit siya sa inyo. Humanda kayo at mag-ingat, dahil ang kaaway ninyong si Satanas ay umaali-aligid na parang leong umaatungal at naghahanap ng malalapa. Patatagin ninyo ang inyong pananampalataya sa Dios at labanan ninyo si Satanas. Alalahanin ninyong hindi lang kayo ang naghihirap kundi pati ang mga kapatid nʼyo kay Cristo sa buong mundo. Nararanasan din nila ang mga paghihirap na ito. 10 Maikling panahon lang ang paghihirap ninyo. Pagkatapos nito, tutulungan kayo ng Dios para maging ganap ang buhay ninyo. At siya rin ang magpapatatag at magpapalakas sa inyo, dahil siya ang pinagmumulan ng lahat ng pagpapala. Pinili niya kayo upang makabahagi rin sa walang hanggang kaluwalhatian niya sa pamamagitan ng pakikipag-isa ninyo kay Cristo. 11 Purihin siya sa kapangyarihan niyang walang hanggan! Amen.

Mga Pangangamusta

12 Isinulat ko sa inyo ang maikling sulat na ito sa tulong ni Silvanus. Kapatid natin siya kay Cristo at talagang mapagkakatiwalaan. Napalakas ko sana ang inyong loob sa pamamagitan ng sulat na ito at napatunayan ko ang kabutihan sa atin ng Dios. Manatili kayo sa kabutihan niya.

13 Kinukumusta kayo ng mga mananampalataya sa Babilonia. Katulad nʼyo, mga pinili rin sila ng Dios na maging mga anak niya. Kinukumusta rin kayo ni Marcos na itinuturing kong anak. 14 Magbatian kayo bilang magkakapatid kay Cristo.[l]

Sa inyong lahat na nakay Cristo, sumainyo nawa ang kapayapaan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®