Beginning
Mga Kaloob ng Banal na Espiritu
12 Ngayon, mga kapatid, nais kong maunawaan ninyo ang tungkol sa mga kaloob ng Banal na Espiritu. 2 Alam naman ninyo na noong hindi pa kayo nakakakilala sa Dios, iniligaw kayo upang sumamba sa mga dios-diosan, na hindi naman nakakapagsalita. 3 Kaya gusto kong malaman ninyo na walang taong pinapatnubayan ng Espiritu ng Dios ang magsasabi, “Sumpain si Jesus!” At wala ring taong makapagsasabi na, “Si Jesus ay Panginoon,” kung hindi siya pinapatnubayan ng Banal na Espiritu.
4 May ibaʼt iba tayong kaloob, ngunit iisa lang ang Espiritung pinagmulan nito. 5 May ibaʼt ibang paraan ng paglilingkod, ngunit iisa lang ang Panginoong pinaglilingkuran natin. 6 Ibaʼt iba ang ipinapagawa ng Dios sa atin, ngunit iisa lang ang Dios na nagbibigay sa atin ng kakayahang gawin ang mga ito. 7 Ang bawat isa ay binigyan ng kakayahan na nagpapakita na sumasakanya ang Banal na Espiritu, upang makatulong siya sa kapwa niya mananampalataya. 8 Sa isaʼy ipinagkaloob ng Espiritu ang kakayahang maghayag ng kaalaman tungkol sa Dios, at sa isa naman ay ang kakayahang unawain ito. 9 Ang ibaʼy pinagkalooban ng Espiritu ng malaking pananalig sa Dios, at ang iba naman ay binigyan ng kakayahang magpagaling sa mga may sakit. 10 Ang ibaʼy pinagkalooban ng Espiritu ng kapangyarihang gumawa ng mga himala, at ang iba naman ay binigyan ng kakayahang maghayag ng mensahe ng Dios. Mayroon namang pinagkalooban ng kakayahang makakilala kung ang kapangyarihan ng isang tao ay mula sa Banal na Espiritu o sa masasamang espiritu. Sa ibaʼy ipinagkaloob ang kakayahang magsalita sa ibaʼt ibang wika na hindi nila natutunan, at sa iba naman ay ang kakayahang maipaliwanag ang sinasabi ng mga wikang iyon. 11 Ngunit iisang Espiritu lang ang nagbigay ng lahat ng ito, at ipinamamahagi niya sa bawat tao ayon sa kanyang kagustuhan.
Tayoʼy Bahagi ng Iisang Katawan
12 Ang katawan ng tao ay binubuo ng maraming parte, ngunit iisa pa ring katawan. Ganoon din sa ating mga mananampalataya na siyang katawan ni Cristo. 13 Tayong lahat, Judio man o hindi, alipin o malaya ay nabautismuhan sa iisang Espiritu upang maging isang katawan. At iisang Espiritu rin ang tinanggap nating lahat.
14 Ang katawan ay binubuo ng maraming parte at hindi ng isang parte lamang. 15 Kaya kung sabihin ng paa, “Dahil hindi ako kamay, hindi ako parte ng katawan,” hindi ito nangangahulugang hindi siya parte ng katawan. 16 At kung sabihin naman ng tainga, “Dahil hindi ako mata, hindi ako parte ng katawan,” hindi rin ito nangangahulugang hindi siya parte ng katawan. 17 Dahil kung ang buong katawan ay puro mata, paano ito makakarinig? At kung ang katawan ay puro lang tainga, paano ito makakaamoy? 18 Ngunit nilikha ng Dios ang ating katawan na may ibaʼt ibang parte ayon sa kanyang nais. 19 Kung ang katawan ay binubuo lamang ng isang parte, matatawag pa ba itong katawan? 20 Ang totooʼy ang katawan ay binubuo ng maraming parte, ngunit iisang katawan lamang ito.
21 Kaya hindi maaaring sabihin ng mata sa kamay, “Hindi kita kailangan,” at hindi rin masasabi ng ulo sa paa, “Hindi kita kailangan.” 22 Ang totoo, ang mga parte ng katawan na parang mahina ang siya pang kailangang-kailangan. 23 Ang mga parte ng katawan na sa tingin natin ay hindi gaanong mahalaga ay inaalagaan nating mabuti, at ang mga parteng hindi maganda ay ating pinapaganda. 24 Hindi na kailangang pagandahin ang mga parteng maganda na. Ganoon din nang isaayos ng Dios ang ating katawan, binigyan niya ng karangalan ang mga parteng hindi gaanong marangal, 25 upang hindi magkaroon ng pagkakahati-hati kundi pagmamalasakit sa isaʼt isa. 26 Kaya kung nasasaktan ang isang parte ng katawan, ang ibang parte ay nasasaktan din. At kung ang isang parte ay pinararangalan, ang ibang parte ay natutuwa rin.
27 Kayong lahat ang bumubuo ng katawan ni Cristo, at ang bawat isaʼy parte ng kanyang katawan. 28 At sa katawang ito, na walang iba kundi ang iglesya, naglagay ang Dios ng mga sumusunod: una, mga apostol; pangalawa, mga propeta; pangatlo, mga guro. Naglagay din siya ng mga gumagawa ng mga himala, mga nagpapagaling sa mga may sakit, mga matulungin, mga tagapangasiwa, at mga nagsasalita sa ibaʼt ibang wika na hindi nila natutunan. 29 Alam naman natin na hindi lahat ay apostol; hindi lahat ay propeta o guro. Hindi lahat ay may kapangyarihang gumawa ng mga himala, 30 magpagaling ng mga may sakit, makapagsalita sa ibaʼt ibang wika na hindi nila natutunan o magpaliwanag nito. 31 Ngunit sikapin ninyong makamtan ang mas mahalagang mga kaloob. At ngayon ay ituturo ko sa inyo ang pinakamabuti sa lahat.
Ang Pag-ibig
13 Kung makapagsalita man ako sa ibaʼt ibang wika ng mga tao at ng mga anghel, ngunit wala naman akong pag-ibig, para lang akong batingaw na umaalingawngaw o pompyang na tumatagingting. 2 Kung may kakayahan man akong maghayag ng mensahe ng Dios, at may pang-unawa sa lahat ng lihim na katotohanan at lahat ng kaalaman, at kung mailipat ko man ang mga bundok sa laki ng aking pananampalataya, ngunit wala naman akong pag-ibig, wala akong kabuluhan. 3 At kahit ipamigay ko man ang lahat ng aking ari-arian at ialay pati aking katawan upang sunugin, kung wala naman akong pag-ibig, wala pa rin akong mapapala.
4 Ang taong may pag-ibig ay mapagtiis, mabait, hindi marunong mainggit, hindi hambog o mapagmataas, 5 hindi bastos ang pag-uugali, hindi makasarili, hindi magagalitin, o mapagtanim ng sama ng loob sa kapwa, 6 hindi natutuwa sa kasamaan, kundi nagagalak sa katotohanan, 7 matiyaga, laging nagtitiwala, laging may pag-asa, at tinitiis ang lahat.
8 May katapusan ang pagpapahayag ng mensahe ng Dios at ang pagsasalita sa ibang wika na hindi natutunan, ganoon din ang pagpapahayag ng kaalaman tungkol sa Dios, ngunit ang pag-ibig ay walang hangganan. 9 Hindi pa ganap ang ating kaalaman, ganoon din ang pagpapahayag natin ng mensahe ng Dios. 10 Ngunit pagdating ng araw na magiging ganap ang lahat, mawawala na ang anumang hindi ganap.
11 Noong bata pa ako, ang aking pagsasalita, pag-iisip at pangangatwiran ay tulad ng sa bata. Ngunit ngayong akoʼy mayroon nang sapat na gulang, iniwan ko na ang mga ugaling bata. 12 Sa ngayon, para tayong nakatingin sa malabong salamin. Ngunit darating ang araw na magiging malinaw ang lahat sa atin. Bahagya lamang ang ating nalalaman sa ngayon; ngunit darating ang araw na malalaman natin ang lahat, tulad ng pagkakaalam ng Dios sa atin.
13 Tatlong bagay ang nananatili: ang pagtitiwala, pag-asa, at pag-ibig. Ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig.
Ang Pagsasalita ng Ibang Wika na Hindi Natutunan
14 Sikapin ninyong makamtan ang pag-ibig, ngunit sikapin din ninyong makamtan ang mga kaloob na espiritwal, lalo na ang pagpapahayag ng mensahe ng Dios. 2 Ang taong nagsasalita sa ibang wika na hindi niya natutunan ay nakikipag-usap hindi sa tao kundi sa Dios, dahil wala namang nakakaunawa sa kanya. Nagsasalita siya ng mga hiwaga sa tulong ng Banal na Espiritu. 3 Ngunit ang taong nagpapahayag ng mensahe ng Dios ay nagsasalita sa mga tao upang silaʼy matulungan, mapalago at mapalakas ang loob. 4 Ang nagsasalita sa ibang wika na hindi niya natutunan ay pinatitibay ang kanyang sarili, ngunit ang nagpapahayag ng mensahe ng Dios ay nagpapatibay sa iglesya. 5 Gusto ko sanang kayong lahat ay makapagsalita sa ibang wika na hindi natutunan, ngunit mas ninanais kong makapagpahayag kayo ng mensahe ng Dios. Sapagkat ang taong nagpapahayag ng mensahe ng Dios ay mas mahalaga kaysa sa nagsasalita sa ibang wika na hindi natutunan, maliban na lamang kung ipapaliwanag niya ang kahulugan ng kanyang sinasabi upang mapatibay ang iglesya. 6 Ano ba ang mapapala ninyo, mga kapatid, kung pumunta ako riyan at magsalita ng ibang wika na hindi ninyo naiintindihan? Wala! Maliban na lang kung magbigay ako sa inyo ng pahayag mula sa Dios, o kaalaman, mensahe, o aral.
7 Kahit na ang mga instrumentong walang buhay tulad ng plauta at alpa, kung hindi malinaw ang mga notang tinutugtog, paano malalaman ng nakakarinig kung anong awit ang tinutugtog? 8 At kung hindi malinaw ang tunog ng trumpeta sa mga sundalo, sinong maghahanda para sa labanan? 9 Ganito rin sa inyo. Paano makakaunawa ang isang mananampalataya sa sinasabi mo sa ibang wika kung hindi naman niya naiintindihan? Para ka na ring nakikipag-usap sa hangin. 10 Maraming wika sa buong mundo at ang bawat salita nito ay may kahulugan. 11 Ngunit kung hindi ko maintindihan ang sinasabi ng isang tao at hindi rin naman niya ako maintindihan, wala kaming mapapala sa isaʼt isa. 12 At dahil nga hinahangad naman ninyo ang mga kaloob ng Banal na Espiritu, pagsikapan ninyong matanggap ang mga kaloob na nagpapatibay sa iglesya.
13 Kaya nga, ang taong nagsasalita sa ibang wika na hindi niya natutunan ay manalangin na bigyan din siya ng kakayahang maipaliwanag ito. 14 Kung nananalangin ako sa ibang wika na hindi ko natutunan, nananalangin nga ang aking espiritu, ngunit hindi naman naiintindihan ng aking isipan. 15 Kung ganoon, ano ang dapat kong gawin? Mananalangin ako at aawit sa pamamagitan ng aking espiritu kahit hindi ko ito naiintindihan, at mananalangin din ako at aawit sa paraang naiintindihan ng aking isipan. 16 Kung magpapasalamat ka sa Dios sa pamamagitan ng iyong espiritu lamang, at hindi ito maintindihan, paanong makakasagot ng “Amen” ang iba kung hindi naman nila naiintindihan ang iyong sinasabi? 17 Kahit maayos ang pagpapasalamat mo sa Dios, kung hindi naman naiintindihan ng iba, hindi ka rin makakapagpatatag sa kanila.
18 Nagpapasalamat ako sa Dios na nakapagsasalita ako sa ibaʼt ibang wika na hindi natutunan ng higit pa sa inyong lahat. 19 Ngunit sa pagtitipon ng mga mananampalataya,[a] mas makakabuti pa ang magsalita ako ng limang kataga na naiintindihan upang maturuan ko sila, kaysa sa magsalita ako ng libu-libong kataga sa wikang wala namang nakakaintindi.
20 Mga kapatid, kung tungkol sa mga bagay na ito, huwag kayong mag-isip-bata. Kung sa masasamang bagay, maging tulad kayo ng mga batang walang malay sa kasamaan. Ngunit sa pang-unawa, mag-isip matanda kayo. 21 Sinasabi ng Panginoon sa Kasulatan,
“Magsasalita ako sa mga taong ito sa pamamagitan ng ibaʼt ibang wika at sa pamamagitan ng mga dayuhan,
ngunit hindi pa rin sila makikinig sa akin.”[b]
22 Kaya ang pagsasalita sa ibaʼt ibang wika na hindi natutunan ay isang tanda, hindi para sa mga mananampalataya, kundi para sa mga hindi mananampalataya. Ngunit ang pagpapahayag ng mensahe ng Dios ay para sa mga mananampalataya, hindi sa mga di-mananampalataya.
23 Kung nagtitipon kayong mga mananampalataya at lahat kayoʼy nagsasalita sa ibaʼt ibang wika na hindi ninyo natutunan, at may dumating na mga di-mananampalataya na hindi alam ang inyong ginagawa, hindi ba nila aakalaing nasisiraan kayo ng bait? 24 Ngunit kung lahat kayoʼy nagpapahayag ng mensahe ng Dios at may dumating na hindi mananampalataya na hindi alam ang inyong ginagawa, makikilala niyang makasalanan siya, at malalaman niya ang tunay niyang kalagayan. 25 Maging ang mga lihim ng kanyang puso ay maihahayag, at dahil dito, siyaʼy magpapatirapa sa pagsisisi at sasamba sa Dios, at masasabi niyang ang Dios ay talagang nasa piling ninyo.
Ang Maayos na Pagsamba
26 Kaya mga kapatid, ito ang nararapat ninyong gawin sa inyong pagtitipon: ang ibaʼy aawit, ang ibaʼy magtuturo, ang ibaʼy magpapahayag ng mensahe ng Dios, at ang ibaʼy magsasalita sa ibaʼt ibang wika na hindi nila natutunan, at ang iba namaʼy magpapaliwanag kung ano ang ibig sabihin ng mga sinasabi sa mga wikang iyon. At ang lahat ng inyong gagawin sa inyong pagtitipon ay gawin ninyo sa ikatitibay ng iglesya. 27 Kung may magsasalita sa ibang wika na hindi natutunan, kailangang dalawa lamang o tatlo, at huwag sabay-sabay, at dapat may magpapaliwanag sa kanilang sinasabi. 28 Ngunit kung walang magpapaliwanag, mas mabuti pang tumahimik na lamang sila sa loob ng iglesya at makipag-usap na lang sa Dios nang sarilinan. 29 Kung mayroon sa inyo ang pinagkalooban ng mensahe ng Dios, hayaang magsalita ang dalawa o tatlo sa kanila. Ang iba namaʼy dapat makinig at unawaing mabuti kung tama o mali ang kanilang sinasabi. 30 Ngayon, kung sa mga nakaupo ay may pinagkalooban ng mensahe ng Dios, dapat tumahimik na ang nagsasalita upang makapagsalita naman ang iba. 31 Sapagkat kayong lahat ay maaaring makapagpahayag ng mensahe ng Dios nang isa-isa, upang matuto ang lahat at mapalakas ang kanilang pananampalataya. 32 Ang nagpapahayag ng mensahe ng Dios ay dapat may pagpipigil sa sarili.[c] 33 Sapagkat ang Dios ay hindi nagdadala ng kaguluhan kundi kaayusan.
Tulad ng nakaugalian sa lahat ng iglesya ng mga pinabanal[d] ng Dios, 34 ang mga babae ay dapat tumahimik sa mga pagtitipon nʼyo dahil hindi sila pinahihintulutang magsalita. Dapat silang magpasakop sa mga lalaki ayon sa sinasabi ng Kautusan. 35 Kung may tanong sila, tanungin na lang nila ang kanilang asawa pagdating sa kanilang bahay. Sapagkat nakakahiyang magsalita ang isang babae sa loob ng iglesya.
36 Inaakala ba ninyong nagmula sa inyo ang salita ng Dios, o di kayaʼy kayo lang ang nakatanggap nito? 37 Kung mayroon sa inyong nag-aakala na may kakayahan siyang magpahayag ng mensahe ng Dios o sumasakanya ang Banal na Espiritu, dapat din niyang kilalanin na ang mga sinusulat ko sa inyoʼy utos mismo ng Panginoon. 38 At kung mayroon mang hindi kumikilala sa aking mga sinasabi ay huwag din ninyong kilalanin.
39 Kaya mga kapatid, pakahangarin ninyong makapagpahayag kayo ng mensahe ng Dios, at huwag ninyong ipagbawal ang pagsasalita sa ibang wika na hindi natutunan. 40 Ngunit gawin ninyo ang lahat sa maayos at wastong paraan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®