Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Efeso 4-6

Iisang Katawan kay Cristo

Bilang isang bilanggo dahil sa paglilingkod sa Panginoon, hinihiling kong mamuhay kayo nang karapat-dapat bilang mga tinawag ng Dios. Maging mahinahon kayo, mapagpakumbaba, maunawain at mapagpaumanhin sa mga pagkukulang ng bawat isa bilang pagpapakita ng pag-ibig ninyo. Pagsikapan ninyong mapanatili ang pagkakaisa nʼyo mula sa Banal na Espiritu sa pamamagitan ng mapayapa ninyong pagsasamahan. Sapagkat iisang katawan lamang tayo na may iisang Banal na Espiritu, at iisa rin ang pag-asang ibinigay sa atin nang tawagin tayo ng Dios. Iisa ang Panginoon natin, iisang pananampalataya, at iisang bautismo. Iisa ang Dios natin at siya ang Ama nating lahat. Naghahari siya, kumikilos at nananahan sa ating lahat.

Ngunit kahit na bahagi tayo ng iisang katawan, binigyan ang bawat isa sa atin ng kaloob ayon sa nais ibigay ni Cristo. Tulad ng sinasabi sa Kasulatan,

    “Nang umakyat siya sa langit, marami siyang dinalang bihag
    at binigyan niya ng mga kaloob ang mga tao.”[a]

(Ngayon, ano ang kahulugan ng, “Umakyat siya sa langit”? Ang ibig sabihin nito ay bumaba muna siya rito sa lupa. 10 At siya na bumaba rito sa lupa ang siya ring umakyat sa kataas-taasang langit para maging lubos ang kapangyarihan niya sa lahat ng bagay.) 11 Ang ibaʼy ginawa niyang apostol, ang ibaʼy propeta, ang ibaʼy mangangaral ng Magandang Balita, at ang iba naman ay pastor at guro. 12 Ginawa niya ito para ihanda sa paglilingkod ang mga pinabanal,[b] at para lumago at maging matatag sila bilang katawan ni Cristo. 13 Sa ganitong paraan, maaabot nating lahat ang pagkakaisa sa pananampalataya at pagkakilala sa Anak ng Dios, at ganap na lalago sa espiritwal nating pamumuhay hanggang maging katulad tayo ni Cristo. 14 At kapag naabot na natin ito, hindi na tayo tulad ng mga bata na pabago-bago ng isip at nadadala ng ibaʼt ibang aral ng mga taong nanlilinlang, na ang hangad ay dalhin ang mga tao sa kamalian. 15 Sa halip, mananatili tayo sa katotohanan nang may pag-ibig, upang sa lahat ng bagay ay maging katulad tayo ni Cristo na siyang ulo ng iglesya. 16 At sa pamumuno niya, ang lahat ng bahagi ng katawan, na walang iba kundi ang mga mananampalataya, ay pinag-uugnay-ugnay, at ang bawat isaʼy nagtutulungan. At sa pagganap ng bawat isa sa kani-kanilang tungkulin nang may pag-ibig, ang buong katawan ay lalago at lalakas.

Ang Bagong Buhay kay Cristo

17 Sa pangalan ng Panginoon, iginigiit kong huwag na kayong mamuhay gaya ng mga taong hindi nakakakilala sa Dios. Walang kabuluhan ang iniisip nila, 18 dahil nadiliman ang isipan nila sa pag-unawa ng mga espiritwal na bagay. At nawalay sila sa buhay na ipinagkaloob ng Dios dahil sa kamangmangan nila at katigasan ng kanilang puso. 19 Nawalan na sila ng kahihiyan, kaya nawili sila sa kahalayan at laging sabik na sabik gumawa ng karumihan.

20 Ngunit hindi ganyan ang natutunan nʼyo tungkol kay Cristo. 21 Hindi baʼt alam na ninyo ang tungkol kay Jesus? At bilang mga mananampalataya niya, hindi baʼt naturuan na kayo ng katotohanang nasa kanya? 22 Kaya talikuran nʼyo na ang dati ninyong pamumuhay dahil gawain ito ng dati ninyong pagkatao. Ang pagkataong ito ang siyang nagpapahamak sa inyo dahil sa masasamang hangarin na dumadaya sa inyo. 23 Baguhin nʼyo na ang inyong pag-iisip at pag-uugali. 24 Ipakita nʼyong binago na kayo ng Dios at binigyan ng buhay na matuwid at banal katulad ng sa Dios.

25 Kaya huwag na kayong magsisinungaling. Ang bawat isaʼy magsabi ng katotohanan sa kanyang mga kapatid[c] kay Cristo, dahil kabilang tayong lahat sa iisang katawan. 26 Kung magalit man kayo, huwag kayong magkasala.[d] At huwag nʼyong hayaan na lumipas ang araw na galit pa rin kayo. 27 Huwag ninyong bigyan ng pagkakataon si Satanas. 28 Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw, sa halip ay maghanapbuhay siya nang marangal para makatulong din siya sa mga nangangailangan. 29 Huwag kayong magsasalita ng masama kundi iyong makabubuti at angkop sa sitwasyon para maging kapaki-pakinabang sa nakakarinig. 30 At huwag ninyong bigyan ng kalungkutan ang Banal na Espiritu ng Dios. Sapagkat ang Banal na Espiritu ang siyang tanda na kayoʼy sa Dios, at siya ang katiyakan ng kaligtasan nʼyo pagdating ng araw. 31 Alisin nʼyo ang anumang samaan ng loob, galit, pag-aaway, pambubulyaw, paninira sa kapwa, pati na ang lahat ng uri ng masasamang hangarin. 32 Sa halip, maging mabait kayo at maawain sa isaʼt isa. At magpatawad kayo sa isaʼt isa gaya ng pagpapatawad ng Dios sa inyo dahil kay Cristo.

Mamuhay Bilang mga Taong Naliwanagan

Tularan nʼyo ang Dios dahil kayong lahat ay minamahal niyang mga anak. Mamuhay kayo nang may pag-ibig sa kapwa tulad ng pag-ibig sa atin ni Cristo. Inialay niya ang sarili niya para sa atin bilang mabangong handog sa Dios.

Dahil mga banal kayo, hindi nararapat na ang isa man sa inyo ay masabihang siya ay malaswa, mahalay at sakim. At hindi rin nararapat na marinig sa inyo ang mga malalaswa o walang kabuluhang usapan at masasamang biro. Sa halip, maging mapagpasalamat kayo sa Dios. Tandaan ninyo: Walang taong mahalay, malaswa ang pamumuhay, at sakim ang mapapabilang sa kaharian ni Cristo at ng Dios. Sapagkat ang kasakiman ay tulad din ng pagsamba sa mga dios-diosan.

Huwag kayong padadala sa walang kabuluhang pangangatwiran ng iba tungkol sa masasama nilang gawain, dahil galit ang Dios sa mga suwail. Huwag kayong makikibahagi sa ginagawa ng mga taong ito. Dati, namumuhay kayo sa kadiliman, pero ngayon ay naliwanagan na kayo dahil kayo ay nasa Panginoon na. Kaya ipakita sa pamumuhay nʼyo na naliwanagan na kayo. (Sapagkat kung ang isang tao ay naliwanagan na, makikita sa kanya ang kabutihan, katuwiran, at katotohanan.) 10 Alamin ninyo kung ano ang nakalulugod sa Panginoon. 11 Huwag kayong makibahagi sa mga walang kabuluhang gawain ng mga taong nasa kadiliman, sa halip, ipamukha nʼyo sa kanila ang kasamaan nila. 12 (Nakakahiyang banggitin man lang ang mga bagay na ginagawa nila nang lihim.) 13 Pero kung pagsasabihan nʼyo sila sa masasama nilang ginagawa, malalaman nilang masama nga ang kanilang mga ginagawa. 14 Sapagkat maliliwanagan ang lahat ng naabot ng liwanag ng katotohanan. Kaya nga sinasabi,

“Gumising ka, ikaw na natutulog,
bumangon ka mula sa mga patay
at liliwanagan ka ni Cristo.”

15 Kaya mag-ingat kayo kung paano kayo namamuhay. Huwag kayong mamuhay tulad ng mga mangmang kundi tulad ng marurunong na nakakaalam ng kalooban ng Dios. 16 Huwag ninyong sayangin ang panahon nʼyo; gamitin nʼyo ito sa paggawa ng mabuti, dahil maraming gumagawa ng kasamaan sa panahong ito. 17 Huwag kayong magpakamangmang kundi alamin nʼyo kung ano ang kalooban ng Panginoon na gawin ninyo.

18 Huwag kayong maglalasing dahil nakakasira ito ng maayos na pamumuhay. Sa halip, hayaan ninyong mapuspos kayo ng Banal na Espiritu. 19 Sa pagtitipon nʼyo, umawit kayo ng mga salmo, himno, at ng iba pang mga awiting espiritwal. Buong puso kayong umawit at magpuri sa Panginoon. 20 Lagi kayong magpasalamat sa Dios Ama sa lahat ng bagay bilang mananampalataya ng ating Panginoong Jesu-Cristo.[e]

Aral sa mga Mag-asawa

21 Magpasakop kayo sa isaʼt isa bilang paggalang kay Cristo.

22 Mga babae, magpasakop kayo sa inyong asawa gaya nang pagpapasakop nʼyo sa Panginoon. 23 Sapagkat ang lalaki ang siyang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Cristo na ulo ng iglesya na kanyang katawan, at siyang Tagapagligtas nito. 24 Kaya kung paanong nagpapasakop ang iglesya kay Cristo, dapat ding magpasakop ang mga babae sa asawa nila sa lahat ng bagay.

25 Mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa, tulad ng pagmamahal ni Cristo sa kanyang iglesya. Inihandog niya ang kanyang sarili para sa iglesya 26 upang maging banal ito matapos linisin sa pamamagitan ng bautismo sa tubig at ng salita ng Dios. 27 Ginawa niya ito para maiharap niya sa kanyang sarili ang iglesya na maluwalhati, banal, walang kapintasan, at walang anumang bahid o dungis. 28 Kaya dapat mahalin ng lalaki ang asawa niya tulad ng pagmamahal niya sa kanyang sarili. Sapagkat ang nagmamahal sa kanyang asawa ay nagmamahal sa kanyang sarili. 29-30 Walang taong nasusuklam sa sariling katawan, sa halip, pinapakain niya ito at inaalagaan. Ganito rin ang ginagawa ni Cristo sa atin dahil bahagi tayo ng kanyang katawan na tinatawag na iglesya.

31 Sinasabi sa Kasulatan, “Iiwan ng lalaki ang kanyang amaʼt ina at makikipag-isa sa kanyang asawa, at silang dalawa ay magiging isa.”[f] 32 Kamangha-mangha itong malalim na katotohanan na ipinahayag ng Dios. Isinasalarawan nito ang ugnayan ni Cristo at ng iglesya niya. 33 Kaya kayong mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa gaya ng pagmamahal ninyo sa inyong sarili. At kayong mga babae, igalang nʼyo ang inyong asawa.

Aral sa mga Magulang at mga Anak

Mga anak, sundin nʼyo ang mga magulang nʼyo dahil ito ang nararapat gawin bilang mga mananampalataya sa Panginoon. “Igalang nʼyo ang inyong amaʼt ina.” Ito ang unang utos na may kasamang pangako. At ito ang pangako, “Giginhawa ka at hahaba ang buhay mo rito sa lupa.”[g]

At kayo namang mga magulang,[h] huwag kayong gumawa ng mga bagay na ikasasama ng loob ng mga anak ninyo. Sa halip, palakihin ninyo sila nang may disiplina at turuan ng mga aral ng Panginoon.

Aral sa mga Alipin at mga Amo

Mga alipin, sundin nʼyo ang inyong mga amo rito sa lupa nang may katapatan, paggalang at pagkatakot na parang si Cristo ang pinaglilingkuran ninyo. Gawin nʼyo ito nang kusang-loob hindi dahil nakatingin sila para silaʼy malugod, kundi dahil mga alipin kayo ni Cristo na gumagawa ng kalooban ng Dios. Maglingkod kayo nang may mabuting kalooban na para bang ang Panginoon mismo ang pinaglilingkuran nʼyo at hindi ang tao. Alalahanin ninyong gagantimpalaan ng Panginoon ang bawat isa ayon sa ginawa niyang mabuti, maging alipin man siya o hindi.

At kayo namang mga amo, tratuhin ninyo nang mabuti ang inyong mga alipin at huwag ninyo silang tatakutin o pagbabantaan, dahil alam naman ninyong kayo at sila ay may iisang amo sa langit, at wala siyang kinikilingan kahit sino.

Mga Kagamitang Pandigma na Kaloob ng Dios

10 At bilang pangwakas, magpakatatag kayo sa Panginoon sa pamamagitan ng dakila niyang kapangyarihan. 11 Gamitin nʼyo ang lahat ng kagamitang pandigma na ibinigay sa inyo ng Dios para malabanan nʼyo ang mga lalang ng diyablo. 12 Sapagkat ang kalaban natin ay hindi mga tao kundi masasamang espiritu sa himpapawid – mga pinuno, may kapangyarihan at mga tagapamahala ng kadilimang namamayani sa mundong ito. 13 Kaya gamitin nʼyo ang lahat ng kagamitang pandigma na ibinigay sa inyo ng Dios, para sa oras na dumating ang kasamaan ay magawa ninyong makipaglaban, at pagkatapos ng pakikipaglaban ay manatili pa rin kayong matatag.

14 Kaya maging handa kayo. Gawin ninyong sinturon ang katotohanan. Isuot nʼyo ang pagkamatuwid bilang pananggalang sa dibdib ninyo. 15 Isuot nʼyo bilang sapatos ang pagiging handa sa pangangaral ng Magandang Balita na nagbibigay ng kapayapaan. 16 Hindi lang iyan, gamitin din ninyo bilang panangga ang pananampalataya ninyo para hindi kayo tablan ng mga panunukso ni Satanas na parang mga palasong nagliliyab. 17 Isuot nʼyo bilang helmet ang tinanggap ninyong kaligtasan, at gamitin nʼyo bilang espada ang Salita ng Dios na kaloob ng Banal na Espiritu. 18 At manalangin kayo sa lahat ng oras sa tulong ng Banal na Espiritu. Ipanalangin nʼyo ang lahat ng dapat ipanalangin. Huwag kayong magpabaya; patuloy kayong manalangin lalo na para sa lahat ng mga pinabanal.[i] 19 Ipanalangin din ninyo ako sa tuwing mangangaral ako, na bigyan ako ng Dios ng wastong pananalita para maipahayag ko nang buong tapang ang Magandang Balita na inilihim noon. 20 Sapagkat isinugo ako ng Dios para mangaral ng Magandang Balitang ito na siyang dahilan ng pagkakabilanggo ko. Kaya kung maaari, ipanalangin ninyong maipahayag ko ito nang buong tapang gaya ng nararapat.

Mga Pangwakas na Pagbati

21 Si Tykicus, na minamahal nating kapatid at tapat na lingkod ng Panginoon, ang magbabalita sa inyo ng lahat tungkol sa akin, para malaman nʼyo ang kalagayan ko at kung ano ang mga ginagawa ko. 22 Ito ang dahilan kung bakit pinapupunta ko siya sa inyo: Para malaman nʼyo ang tungkol sa amin at mapalakas niya ang loob ninyo.

23 Mga kapatid, sumainyo nawa ang kapayapaan, pag-ibig at pananampalatayang mula sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo. 24 Pagpalain nawa ng Panginoong Jesu-Cristo ang lahat ng nagmamahal sa kanya nang tapat.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®