Beginning
Mga Dakilang Halimbawa ng Pananampalataya
11 Ang pananampalataya ay ang katiyakan na matatanggap natin ang mga bagay na inaasahan natin. At ito ay ang pagiging sigurado sa mga bagay na hindi natin nakikita. 2 Dahil sa pananampalataya ng mga ninuno natin, kinalugdan sila ng Dios. 3 Dahil sa pananampalataya, alam natin na ang sanlibutan ay ginawa ng Dios sa pamamagitan ng kanyang salita. Kaya ang mga bagay na nakikita natin ay galing sa mga hindi nakikita.
4 Dahil sa pananampalataya, nag-alay si Abel ng mas mabuting handog kaysa kay Cain. At dahil sa pananampalataya niya, itinuring siyang matuwid ng Dios, dahil tinanggap ng Dios ang handog niya. Kaya kahit patay na si Abel, may itinuturo pa rin siya sa atin sa pamamagitan ng pananampalataya niya.
5 Dahil sa pananampalataya, hindi namatay si Enoc kundi dinala siya sa langit,[a] “Hindi na siya nakita pa dahil dinala siya ng Dios.”[b] Ayon sa Kasulatan dinala siya dahil nalugod ang Dios sa buhay niya. 6 Hindi makapagbibigay-lugod sa Dios ang taong walang pananampalataya, dahil ang sinumang lumalapit sa kanya ay dapat maniwalang may Dios at nagbibigay siya ng gantimpala sa mga taong humahanap sa kanya.
7 Dahil sa pananampalataya, pinakinggan ni Noe ang babala ng Dios tungkol sa mga bagay na mangyayari kahit hindi pa niya nakikita. Kaya gumawa siya ng isang barko para mailigtas niya ang kanyang sarili at ang pamilya niya. At sa pananampalataya niya, hinatulan ang mga tao sa mundo, pero itinuring siyang matuwid ng Dios.
8 Dahil sa pananampalataya, sinunod ni Abraham ang utos ng Dios na pumunta sa lugar na ipinangako sa kanya. Umalis siya sa bayan niya kahit hindi niya alam kung saan siya pupunta. 9 Dahil din sa pananampalataya, nanirahan si Abraham sa lupaing ipinangako sa kanya ng Dios kahit na sa tolda lang siya tumira na parang isang dayuhan. Tumira rin sa tolda ang anak niya na si Isaac at apong si Jacob, na mga tagapagmana rin ng pangako ng Dios. 10 Sapagkat ang talagang inaasahan ni Abraham ay isang lungsod na may matibay na pundasyon, na ang Dios mismo ang nagplano at nagtayo.
11 Dahil sa pananampalataya, nagkaanak si Abraham kahit na matanda na siya at baog ang asawa niyang si Sara, dahil naniwala si Abraham na tutuparin ng Dios ang pangako niya na magkakaanak si Sara. 12 Kaya mula kay Abraham, na wala nang pag-asang magkaanak pa,[c] nagmula ang isang lahi na kasindami ng mga bituin sa langit at buhangin sa dalampasigan.
13 Ang lahat ng taong itoʼy namatay na sumasampalataya. Hindi man nila natanggap ang mga pangako ng Dios noong nabubuhay pa sila, natitiyak naman nilang darating ang araw na matatanggap nila ang kanilang hinihintay. Itinuring nilang mga dayuhan ang sarili nila at naninirahan lang sa mundong ito. 14 Ang mga taong may ganitong pananaw ay nagpapahiwatig na naghahanap sila ng sariling bayan. 15 Kung ang bayang iniwan nila ang iniisip nila, may pagkakataon pa silang makabalik. 16 Ngunit hinahangad nila ang mas mabuting lugar, at itoʼy walang iba kundi ang lungsod na nasa langit. Kaya hindi ikinakahiya ng Dios na siyaʼy tawagin nilang Dios, dahil ipinaghanda niya sila ng isang lungsod.
17-18 Dahil sa pananampalataya, handang ihandog ni Abraham ang kaisa-isa niyang anak na si Isaac nang subukin siya ng Dios. Kahit na alam niyang si Isaac ang ipinangako ng Dios na pagmumulan ng kanyang lahi, handa pa rin niya itong ialay.[d] 19 Sapagkat nanalig si Abraham na kung mamamatay si Isaac, muli siyang bubuhayin ng Dios. At ganoon nga ang nangyari – parang bumalik sa kanya si Isaac mula sa kamatayan.
20 Dahil sa pananampalataya, binasbasan ni Isaac sina Jacob at Esau para maging mabuti ang hinaharap nila.
21 Dahil sa pananampalataya, binasbasan ni Jacob ang mga anak ni Jose bago siya namatay. At sumamba siya sa Dios habang nakatukod sa kanyang tungkod.
22 Dahil sa pananampalataya, sinabi ni Jose nang malapit na siyang mamatay na aalis ang mga Israelita sa Egipto, at ipinagbilin niyang dalhin nila ang mga buto niya kapag umalis na sila.
23 Dahil sa pananampalataya, hindi natakot sumuway ang mga magulang ni Moises sa utos ng hari. Sapagkat nang makita nilang maganda ang sanggol, itinago nila ito sa loob ng tatlong buwan.
24 Dahil sa pananampalataya, nang malaki na si Moises ay tumanggi siyang tawaging anak ng prinsesa ng Egipto. 25 Mas ginusto niyang makibahagi sa paghihirap na dinaranas ng mga taong sakop ng Dios kaysa lasapin ang mga panandaliang kaligayahan na dulot ng kasalanan. 26 Itinuring niyang mas mahalaga ang maalipusta para kay Cristo kaysa sa mga kayamanan ng Egipto, dahil inaasam niya ang gantimpalang matatanggap niya.
27 Dahil sa pananampalataya, iniwan ni Moises ang Egipto at hindi siya natakot kahit na magalit ang hari sa kanya. Nanindigan siya dahil parang nakita niya ang Dios na hindi nakikita. 28 Dahil sa pananampalataya niya, sinimulan niya ang pagdaraos ng Pista ng Paglampas ng Anghel. Inutusan niya ang mga Israelita na pahiran ng dugo ng tupa ang mga pintuan nila, para maligtas ang mga panganay nila sa anghel na papatay sa mga panganay ng mga Egipcio.
29 Dahil sa pananampalataya, nakatawid ang mga Israelita sa Dagat na Pula na parang dumadaan sa tuyong lupa. Pero nang sinubukang tumawid ng mga humahabol na Egipcio, nalunod sila.
30 Dahil sa pananampalataya, gumuho ang mga pader ng Jerico matapos itong ikutan ng mga Israelita sa loob ng pitong araw.
31 Dahil sa pananampalataya, tinulungan ni Rahab na babaeng bayaran ang mga espiya at hindi siya pinatay kasama ng mga kababayan niyang suwail sa Dios.
32 Kailangan ko pa bang magbigay ng maraming halimbawa? Kakapusin ako ng panahon kung iisa-isahin ko pa ang mga ginawa nina Gideon, Barak, Samson, Jefta, David, Samuel, at ng iba pang mga propeta. 33 Dahil sa pananampalataya nila, nilupig nila ang mga kaharian, namahala sila nang may katarungan, at tinanggap nila ang mga ipinangako ng Dios. Dahil sa pananampalataya nila, hindi sila ginalaw ng mga leon, 34 hindi sila napaso sa nagliliyab na apoy, at nakaligtas sila sa kamatayan sa pamamagitan ng espada. Ang iba sa kanilaʼy mahihina, pero pinalakas sila ng Dios. At naging makapangyarihan sila sa digmaan at nilupig ang mga dayuhang hukbo. 35 May mga babae naman na dahil sa pananampalataya nila sa Dios ay muling nabuhay ang kanilang mga anak na namatay. Ang iba namang sumasampalataya sa Dios ay pinahirapan hanggang sa mamatay. Tinanggihan nila ang alok na kalayaan kapalit ng pagtalikod nila sa kanilang pananampalataya dahil nalalaman nilang darating ang araw na bubuhayin sila ng Dios at matatanggap nila ang mas mabuting gantimpala. 36 Ang iba naman ay dumanas ng mga panlalait at panghahagupit dahil sa pananampalataya nila, at ang iba ay ikinadena at ibinilanggo. 37 Pinagbabato ang iba hanggang sa mamatay, ang iba naman ay nilagari hanggang mahati ang katawan nila, at mayroon ding pinatay sa espada. Ang ilan sa kanila ay nagdamit na lang ng balat ng tupa at kambing. Naranasan nilang maghikahos, usigin at apihin. 38 Nagtago sila sa mga ilang, mga kabundukan, mga kweba at mga lungga sa lupa. Hindi karapat-dapat ang mundong ito para sa kanila.
39 Kinalugdan silang lahat ng Dios dahil sa pananampalataya nila. Ngunit hindi nila natanggap sa panahon nila ang ipinangako ng Dios sa kanila. 40 Itoʼy dahil may mas mabuting plano ang Dios para sa atin, dahil nais niyang makasama nila tayo kapag tinupad na niya ang ipinangako niya sa kanila.
Ang Dios na Ama Natin
12 Napapaligiran tayo ng maraming tao na nagpapatotoo tungkol sa pananampalataya nila sa Dios. Kaya talikuran na natin ang kasalanang pumipigil sa atin at alisin ang anumang hadlang sa pagtakbo natin. Buong tiyaga tayong magpatuloy sa takbuhing itinakda ng Dios para sa atin. 2 Ituon natin ang ating paningin kay Jesus na siyang sandigan ng pananampalataya natin mula sa simula hanggang sa katapusan. Tiniis niya ang paghihirap sa krus at hindi niya ito ikinahiya, dahil inisip niya ang kaligayahang naghihintay sa kanya. At ngayon nga ay nakaupo na siya sa kanan ng trono ng Dios.
3 Isipin nʼyo ang mga tiniis ni Jesus na paghihirap sa kamay ng mga makasalanang tao, para hindi kayo panghinaan ng loob. 4 Kung tutuusin, wala pa namang pinatay sa inyo dahil sa pakikipaglaban sa kasalanan. 5 Baka nakalimutan nʼyo na ang pangaral ng Dios sa inyo bilang mga anak niya:
“Anak, huwag mong balewalain ang pagdidisiplina ng Panginoon,
at huwag kang panghinaan ng loob kung sinasaway ka niya.
6 Sapagkat dinidisiplina ng Panginoon ang mga minamahal niya,
at pinapalo niya ang itinuturing niyang mga anak.”[e]
7 Tiisin nʼyo ang lahat ng paghihirap bilang pagdidisiplina ng Dios sa inyo dahil itinuturing niya kayong mga anak. Sino bang anak ang hindi dinidisiplina ng ama? 8 Kung hindi kayo dinidisiplina ng Dios gaya ng pagdidisiplina niya sa lahat ng anak niya, hindi kayo mga tunay na anak kundi mga anak sa labas. 9 Kahit ang mga ama natin dito sa lupa ay dinidisiplina tayo, at sa kabila nito, iginagalang natin sila. Kaya lalong dapat tayong magpasakop sa pagdidisiplina ng ating Ama na nasa langit, para maging mabuti ang pamumuhay natin. 10 Sa maikling panahon, dinidisiplina tayo ng mga ama natin dito sa lupa ayon sa inaakala nilang mabuti. Ngunit ang pagdidisiplina ng Dios ay laging para sa ikabubuti natin upang maging banal tayong gaya niya. 11 Habang dinidisiplina tayo, hindi tayo natutuwa kundi nasasaktan. Ngunit ang ibubunga naman nito sa bandang huli ay ang mapayapa at matuwid na pamumuhay.
Mga Babala at Bilin
12 Kaya palakasin ninyo ang sarili nʼyo at patibayin ang inyong loob. 13 Lumakad kayo sa matuwid na daan upang ang mga kapatid na sumusunod sa inyo, na mahihina ang pananampalataya, ay hindi matisod at mapilayan kundi lumakas. 14 Pagsikapan ninyong mamuhay nang may mabuting relasyon sa lahat ng tao, at magpakabanal kayo. Sapagkat kung hindi banal ang pamumuhay nʼyo, hindi nʼyo makikita ang Panginoon. 15 Ingatan nʼyo na walang sinuman sa inyo ang tatalikod sa biyaya ng Dios. At huwag ninyong hayaang umiral ang samaan ng loob sa inyo at marami ang madamay. 16 Ingatan din ninyo na walang sinuman sa inyo ang gagawa ng sekswal na imoralidad o mamumuhay nang gaya ni Esau, na hindi pinahalagahan ang mga espiritwal na bagay, dahil ipinagpalit niya ang karapatan niya bilang panganay sa isang kainan.[f] 17 At alam nʼyo na rin na pagkatapos ay hiningi ni Esau sa kanyang ama ang pagpapalang nauukol sa panganay, pero tinanggihan siya. Sapagkat hindi na mababago ang ginawa niya anumang pagsisikap at pag-iyak ang gawin niya.
18 Ang paglapit nʼyo sa Dios ay hindi katulad ng paglapit ng mga Israelita noon. Lumapit sila sa isang bundok na nakikita nila – ang Bundok ng Sinai na may nagliliyab na apoy, may kadiliman at malakas na hangin. 19 Nakarinig din sila ng tunog ng trumpeta at boses ng nagsasalita. At nang marinig nila ang boses na iyon, nagmakaawa silang huwag na itong magsalita pa sa kanila 20 dahil hindi nila makayanan ang utos na ito: “Ang sinumang tumapak sa bundok, kahit hayop, ay babatuhin hanggang sa mamatay.”[g] 21 Tunay na kakila-kilabot ang tanawing iyon, kaya maging si Moises ay nagsabi, “Nanginginig ako sa takot!”[h]
22 Ngunit hindi ganito ang paglapit nʼyo sa Panginoon. Dahil ang nilapitan ninyo ay ang Bundok ng Zion, ang lungsod ng Dios na buhay, ang Jerusalem na nasa langit na may libu-libong anghel na nagtitipon nang may kagalakan. 23 Lumapit kayo sa pagtitipon[i] ng mga itinuturing na mga panganay ng Dios, na ang mga pangalan nila ay nakasulat sa langit. Lumapit kayo sa Dios na siyang hukom ng lahat, at sa mga espiritu ng mga taong itinuring na matuwid ng Dios at ginawa na niyang ganap. 24 Lumapit kayo kay Jesus na siyang tagapamagitan natin sa Dios sa bagong kasunduan. Ang kasunduang itoʼy pinagtibay ng kanyang dugo na higit na mabuti kaysa sa dugo ni Abel na humihingi ng katarungan.
25 Kaya mag-ingat kayo at huwag tanggihan ang Dios na nagsasalita sa atin. Ang mga tao noon na hindi nakinig sa mga propeta rito sa lupa ay hindi nakaligtas sa parusa. Paano kaya tayo makakaligtas kung hindi natin pakikinggan ang nagsasalita mula sa langit? 26 Yumanig noon ang lupa nang magsalita ang Dios. At ngayon ay nangako siya, “Minsan ko pang yayanigin ang mundo, pati na rin ang langit.”[j] 27 Ang katagang “minsan pa” ay nagpapahiwatig na aalisin ng Dios ang lahat ng nilikha niya na nayayanig, para manatili ang mga bagay na hindi nayayanig. 28 Kaya magpasalamat tayo sa Dios dahil kabilang na tayo sa kaharian niya na hindi nayayanig. Sambahin natin siya sa paraang kalugod-lugod, na may takot at paggalang sa kanya, 29 dahil kapag nagparusa ang ating Dios, itoʼy parang apoy na nakakatupok.[k]
Ang Paglilingkod na Nakalulugod sa Dios
13 Magpatuloy kayo sa pag-iibigan bilang magkakapatid kay Cristo. 2 Huwag ninyong kalimutang patuluyin ang mga dayuhan sa tahanan ninyo. May mga taong gumawa niyan noon, at hindi nila alam na mga anghel na pala ang mga bisita nila. 3 Damayan ninyo ang mga kapatid na nasa bilangguan na parang nakabilanggo rin kayong kasama nila, at damayan din ninyo ang mga kapatid na pinagmamalupitan na para bang dumaranas din kayo ng ganoon.
4 Dapat ninyong pahalagahan ang pag-aasawa, at dapat ninyong iwasan ang pangangalunya. Sapagkat hahatulan ng Dios ang mga nangangalunya at ang mga imoral.
5 Iwasan nʼyo ang pagiging sakim sa salapi. Maging kontento kayo sa anumang nasa inyo, sapagkat sinabi ng Dios, “Hinding-hindi ko kayo iiwan o pababayaan man.”[l] 6 Kaya buong pagtitiwalang masasabi natin,
“Ang Panginoon ang tumutulong sa akin, kaya hindi ako matatakot. Ano ang magagawa ng tao laban sa akin?”[m]
7 Alalahanin nʼyo ang mga dating namuno sa inyo na nagbahagi sa inyo ng salita ng Dios. Isipin nʼyo kung paano silang namuhay at namatay na may pananampalataya. Sila ang tularan ninyo. 8 Si Jesu-Cristo ay hindi nagbabago. Kung ano siya noon, ganoon din siya ngayon at magpakailanman. 9 Huwag kayong padadala sa kung anu-anong mga aral na iba sa natutunan ninyo. Mas mabuting patibayin natin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng biyaya ng Dios kaysa sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin tungkol sa pagkain, na wala namang naidudulot sa mga sumusunod nito.
10 Tayong mga mananampalataya ay may altar, at walang karapatang makisalo rito ang mga pari ng mga Judio na naghahandog sa sambahan nila. 11 Sapagkat ang dugo ng mga hayop na handog sa paglilinis ay dinadala ng punong pari sa Pinakabanal na Lugar, pero ang katawan ng mga hayop ay sinusunog sa labas ng bayan. 12 Ganyan din ang nangyari kay Jesus, pinatay siya sa labas ng bayan para malinis niya ang mga tao sa mga kasalanan nila sa pamamagitan ng kanyang dugo. 13 Kaya lumapit tayo kay Jesus sa “labas ng bayan” at makibahagi sa mga tiniis niyang kahihiyan. 14 Sapagkat wala tayong tunay na bayan sa mundong ito, pero hinihintay natin ang bayan na paparating pa lang. 15 Kaya patuloy tayong maghandog ng papuri sa Dios sa pamamagitan ni Jesus. Itoʼy ang mga handog na nagmumula sa mga labi natin at nagpapahayag ng pagkilala natin sa kanya. 16 At huwag nating kalimutan ang paggawa ng mabuti at pagtulong sa iba, dahil ang ganitong uri ng handog ay kalugod-lugod sa Dios.
17 Sundin nʼyo ang mga namumuno sa inyo at magpasakop kayo sa kanila, dahil sila ang nangangalaga sa espiritwal ninyong kalagayan. At alam nilang may pananagutan sila sa Dios sa pangangalaga nila sa inyo. Kung susundin nʼyo sila, magiging masaya sila sa pagtupad ng tungkulin nila. Ngunit kung hindi, malulungkot sila, at hindi ito makakatulong sa inyo.
18 Ipanalangin nʼyo kami, dahil sigurado kaming malinis ang mga konsensya namin. Sapagkat hinahangad naming mamuhay nang marangal sa lahat ng bagay. 19 At lalo ninyong ipanalangin na makabalik ako sa inyo sa lalong madaling panahon. 20 Idinadalangin ko rin kayo sa Dios na siyang pinagmumulan ng kapayapaan. Siya ang bumuhay sa ating Panginoong Jesus na ating Dakilang Pastol. At dahil sa kanyang dugo, pinagtibay niya ang walang hanggang kasunduan. 21 Nawaʼy ipagkaloob niya sa inyo ang lahat ng inyong kailangan para masunod ninyo ang kalooban niya. At sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, nawaʼy gawin niya sa atin ang kalugod-lugod sa kanyang paningin. Purihin natin siya magpakailanman. Amen.
Huling Bilin
22 Mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo na pakinggan ninyong mabuti ang mga payo ko, dahil maikli lang ang sulat na ito. 23 Gusto ko ring malaman nʼyo na pinalaya na sa bilangguan ang kapatid nating si Timoteo. At kung makarating agad siya rito, isasama ko siya pagpunta ko riyan.
24 Ikumusta nʼyo kami sa mga namumuno sa inyo at sa lahat ng mga pinabanal[n] ng Dios. Kinukumusta kayo ng mga kapatid nating taga-Italia.
25 Pagpalain nawa kayong lahat ng Dios.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®