Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Pahayag 4-8

Ang Pagsamba sa Langit

Pagkatapos nito, nakita kong nabuksan ang pinto sa langit. At narinig kong muli ang tinig na parang trumpeta. Sinabi niya, “Umakyat ka rito at ipapakita ko sa iyo ang mga mangyayari sa hinaharap.” Bigla na lang akong napuspos ng Banal na Espiritu. At nakita ko roon sa langit ang isang trono na may nakaupo na nagniningning tulad ng mamahaling mga batong jasper at kornalina. At nakapaikot sa trono ang bahagharing kakulay ng batong esmeralda. Nakapaligid sa trono ang 24 pang trono kung saan nakaupo ang 24 na namumuno na nakaputi at may mga koronang ginto. Mula sa tronoʼy kumikidlat, kumukulog at may umuugong. Sa harap ng tronoʼy may pitong nakasinding ilawan. Ito ang pitong Espiritu ng Dios.[a] Sa harap ng trono ay mayroon ding parang dagat na salamin na kasinglinaw ng kristal.

Nakapaligid sa trono ang apat na buhay na nilalang na punong-puno ng mga mata sa harap at likod. Ang unang nilalang ay parang leon, ang pangalawa ay parang guya,[b] ang pangatlo ay may mukha na parang tao, at ang pang-apat ay parang agilang lumilipad. Tig-aanim ang mga pakpak nila at punong-puno ng mata ang buong katawan. Araw-gabi ay wala silang tigil sa pagsasabi ng:

    “Banal! Banal! Banal ang Panginoong Dios nating makapangyarihan sa lahat.
    Siya ang Dios noon, ngayon, at sa hinaharap.”

Habang nagbibigay sila ng parangal, papuri at pasasalamat sa nakaupo sa trono na nabubuhay magpakailanman, 10 lumuluhod at sumasamba sa kanya ang 24 na namumuno. Iniaalay nila ang mga korona nila sa harap ng trono, at sinasabi,

11 “Karapat-dapat po kayo Panginoon naming Dios na tumanggap ng parangal, papuri at kapangyarihan,
    dahil kayo ang lumikha sa lahat ng bagay.
    At ginawa ninyo ang mga ito ayon sa inyong kagustuhan.”

Ang Kasulatan at ang Tupa

Pagkatapos nito, nakita ko ang nakarolyong kasulatan na hawak-hawak ng nakaupo sa trono sa kanang kamay niya. May nakasulat sa magkabilang panig nito, at may pitong selyo[c] para hindi mabuksan. At nakita ko ang isang makapangyarihang anghel na sumisigaw, “Sino ang karapat-dapat na magtanggal ng mga selyo at nang mabuksan ang kasulatang ito?” Pero walang isa man sa langit, sa lupa o sa ilalim ng lupa na makapagbukas ng kasulatan upang mabasa ang nakasulat doon. Umiyak ako nang labis dahil walang natagpuang karapat-dapat na magbukas at bumasa ng kasulatang iyon. Sinabi sa akin ng isa sa mga namumuno, “Huwag kang umiyak dahil si Jesus na tinaguriang Leon mula sa lahi ni Juda, ang anak ni David ay nagtagumpay at karapat-dapat siyang magtanggal ng pitong selyo upang mabuksan ang kasulatan.”

Pagkatapos, nakita ko ang isang Tupa[d] na mukhang pinatay, pero nakatayo na sa pagitan ng mga namumuno at ng tronong napapaligiran ng apat na buhay na nilalang. Mayroon itong pitong sungay at pitong mata, na siyang pitong Espiritu ng Dios[e] na isinugo sa lahat ng lugar sa mundo. Lumapit ang Tupa sa trono at kinuha niya ang kasulatan sa kanang kamay ng nakaupo roon. Nang kunin niya iyon, lumuhod sa harap ng Tupa ang apat na buhay na nilalang at ang 24 na namumuno at sumamba sa kanya. Ang bawat isa sa kanila ay may hawak na gintong sisidlan na puno ng insenso, na siyang panalangin ng mga pinabanal.[f] May alpa[g] rin silang tinutugtog, at umaawit sila ng bagong awit na ito:

    “Kayo po ang karapat-dapat na kumuha ng kasulatan at magtanggal ng mga selyo nito,
    dahil kayo ay pinatay, at sa pamamagitan ng inyong dugo ay tinubos nʼyo ang mga tao para sa Dios.
    Ang mga taong ito ay mula sa bawat angkan, wika, lahi, at bansa.
10 Ginawa nʼyo silang mga hari at mga pari upang maglingkod sa ating Dios.
    At maghahari sila sa mundo.”

11 Nakita ko at narinig ang tinig ng libu-libo at milyon-milyong mga anghel na nakapaligid sa trono, sa apat na buhay na nilalang at sa 24 na namumuno. 12 Umaawit sila nang malakas:

    “Ang Tupang pinatay ay karapat-dapat tumanggap ng kapangyarihan, kayamanan, karunungan, kalakasan, karangalan, kaluwalhatian at kapurihan!”

13 At narinig ko ang lahat ng nilalang sa langit, sa lupa, sa ilalim ng lupa, at sa dagat na umaawit:

    “Ibigay sa nakaupo sa trono at sa Tupa ang kapurihan, kaluwalhatian, karangalan at kapangyarihan magpakailanman!”

14 Sumagot ang apat na buhay na nilalang, “Amen!” At lumuhod ang mga namumuno at sumamba.

Ang mga Selyo

Nakita kong tinanggal ng Tupa ang una sa pitong selyo ng nakarolyong kasulatan. At narinig kong nagsalita sa tinig na parang kulog ang isa sa apat na buhay na nilalang: “Halika!” ang sabi niya. Nang tumingin ako, nakita ko ang isang puting kabayo. Ang nakasakay sa kabayo ay may hawak na pana. Binigyan siya ng korona. At umalis siya upang lumusob at magtagumpay sa pakikipagdigma.

Nang tanggalin ng Tupa ang ikalawang selyo, narinig kong sinabi ng ikalawang buhay na nilalang, “Halika!” At lumitaw ang isang pulang kabayo. Ang nakasakay ay binigyan ng malaking espada at kapangyarihan upang magpasimula ng digmaan sa mundo at magpatayan ang mga tao.

Nang tanggalin ng Tupa ang ikatlong selyo, narinig kong sinabi ng ikatlong buhay na nilalang, “Halika!” At nakita ko ang isang itim na kabayo. Ang nakasakay ay may hawak na timbangan. May narinig akong parang tinig mula sa apat na buhay na nilalang. At sinabi sa nakasakay sa kabayo, “Itaas mo ang presyo ng pagkain. Ang presyo ng isang kilo ng harinang trigo ay dapat isang araw na sahod, at ganoon din ang presyo ng tatlong kilo ng harinang sebada. Pero huwag itaas ang presyo ng langis at alak!”

Nang tanggalin ng Tupa ang ikaapat na selyo, narinig kong sinabi ng ikaapat na buhay na nilalang, “Halika!” At nakita ko ang isang maputlang kabayo. Ang pangalan ng nakasakay ay Kamatayan, at kasunod nito ang Hades.[h] Binigyan sila ng kapangyarihang patayin ang ikaapat na bahagi ng populasyon ng mundo sa pamamagitan ng digmaan, gutom, sakit at mababangis na hayop.

Nang tanggalin ng Tupa ang ikalimang selyo, nakita ko sa ilalim ng altar ang kaluluwa ng mga taong pinatay dahil sa tapat na pangangaral nila ng salita ng Dios. 10 Sumisigaw sila nang malakas, “Panginoong Makapangyarihan, banal at tapat, gaano pa po kami katagal na maghihintay bago ninyo hatulan at parusahan ang mga taong pumatay sa amin?” 11 Bawat isa sa kanilaʼy binigyan ng puting damit at sinabihang maghintay nang kaunti pang panahon, hanggang sa mabuo ang bilang ng kanilang mga kapatid at kapwa naglilingkod sa Dios, na papatayin ding tulad nila.

12 Nang tanggalin ng Tupa ang ikaanim na selyo, lumindol nang malakas. Nagdilim ang araw na kasing-itim ng damit-panluksa, at pumula ang buwan na kasimpula ng dugo. 13 Nahulog sa lupa ang mga bituin, na parang mga hilaw na bunga ng igos na hinahampas ng malakas na hangin. 14 Naalis ang langit na parang binilot na papel, at naalis din ang mga bundok at isla sa kinalalagyan nila. 15 Nagtago sa mga kweba at sa malalaking bato sa kabundukan ang mga hari, mga namumuno, mga opisyal ng mga kawal, mga mayayaman, mga makapangyarihan, at ang lahat ng klase ng tao, alipin man o hindi. 16 Sinabi nila sa mga bundok at mga bato, “Tabunan ninyo kami at itago upang hindi namin makita ang mukha ng nakaupo sa trono at upang makaligtas kami sa galit ng Tupa. 17 Sapagkat dumating na ang araw na parurusahan nila ang mga tao, at walang sinumang makakapigil sa kanila.”

Ang 144,000 na Tinatakan Mula sa mga Lahi ng Israel

Pagkatapos nito, nakita ko ang apat na anghel na nakatayo sa apat na sulok ng mundo. Pinipigil nila ang apat na hangin upang walang hanging umihip sa lupa, sa dagat o sa alin mang punongkahoy. At nakita ko ang isa pang anghel na galing sa silangan na taglay ang pantatak ng buhay na Dios. Sumigaw siya sa apat na anghel na binigyan ng Dios ng kapangyarihang maminsala sa lupa at dagat. Sinabi niya, “Huwag muna ninyong pinsalain ang lupa, ang dagat o ang mga punongkahoy hanggaʼt hindi pa natin natatatakan sa noo ang mga lingkod ng ating Dios.” Ayon sa narinig ko, 144,000 ang lahat ng tinatakan mula sa 12 lahi ng Israel.

12,000 mula sa lahi ni Juda;
12,000 mula sa lahi ni Reuben;
12,000 mula sa lahi ni Gad;
12,000 mula sa lahi ni Asher;
12,000 mula sa lahi ni Naftali;
12,000 mula sa lahi ni Manase;
12,000 mula sa lahi ni Simeon;
12,000 mula sa lahi ni Levi;
12,000 mula sa lahi ni Isacar;
12,000 mula sa lahi ni Zebulun;
12,000 mula sa lahi ni Jose;
12,000 mula sa lahi ni Benjamin.

Ang mga Tao sa Harap ng Trono ng Dios

Pagkatapos nito, nakita ko ang napakaraming tao na hindi mabilang sa dami. Nagmula sila sa lahat ng bansa, angkan, lahi at wika. Nakatayo sila sa harap ng trono at ng Tupa. Silang lahat ay nakadamit ng puti at may mga hawak na palaspas. 10 Sumisigaw sila nang malakas, “Purihin ang Dios na nakaupo sa trono, at purihin din ang Tupa dahil iniligtas nila kami sa kaparusahan!” 11 Tumayo ang mga anghel sa palibot ng trono, ng mga namumuno, at ng apat na buhay na nilalang. At lumuhod sila sa harap ng trono at sumamba sa Dios. 12 Sinabi nila, “Amen! Ang Dios natin ay dapat purihin, sambahin, pasalamatan at parangalan. Nalalaman niya ang lahat, at nasa kanya ang lahat ng kapangyarihan at kalakasan. Purihin siya magpakailanman! Amen!”

13 Tinanong ako ng isa sa 24 na namumuno, “Sino ang mga taong iyon na nakadamit ng puti, at saan sila nanggaling?” 14 Sumagot ako, “Hindi ko po alam. Kayo po ang nakakaalam.” At sinabi niya sa akin, “Sila ang mga dumaan sa matinding paghihirap. Nilinis at pinaputi nila ang kanilang mga damit sa pamamagitan ng dugo ng Tupa. 15 Iyan ang dahilan kung bakit nasa harap sila ng trono ng Dios. Naglilingkod sila sa kanya araw at gabi sa kanyang templo. At ang Dios mismo na nakaupo sa kanyang trono ang siyang kumakalinga sa kanila. 16 Hindi na sila magugutom o mauuhaw pang muli. At hindi na rin mabibilad sa init o mapapaso sa sinag ng araw. 17 Sapagkat ang Tupang nasa trono ang magiging pastol nila, at dadalhin sila sa mga bukal na nagbibigay-buhay, at papahirin na ng Dios ang lahat ng luha sa kanilang mga mata.”

Ang Ikapitong Selyo

Nang tanggalin ng Tupa ang ikapitong selyo, tumahimik ang langit ng mga kalahating oras. Pagkatapos, nakita ko ang pitong anghel na nakatayo sa harapan ng Dios. Ang bawat isa sa kanilaʼy binigyan ng trumpeta.

May isa pang anghel na lumapit sa altar, dala ang isang gintong lalagyan ng insenso. Binigyan siya ng maraming insenso para maisama niya sa mga dalangin ng lahat ng mga pinabanal[i] ng Dios at maihandog sa gintong altar sa harap ng trono. Mula sa kamay ng anghel ay pumailanlang sa harap ng Dios ang usok ng insenso kasama ang mga panalangin ng mga pinabanal. Pagkatapos, kumuha ang anghel ng mga baga sa altar at pinuno ang lalagyan ng insenso, at inihagis sa lupa. At bigla namang kumidlat, kumulog, umugong at lumindol.

Ang mga Trumpeta

Nakahanda na ang pitong anghel upang patunugin ang kanilang trumpeta. Nang patunugin ng unang anghel ang kanyang trumpeta, umulan ng yelo at apoy na may halong dugo. Nasunog ang ikatlong bahagi ng lupa, ang ikatlong bahagi ng mga kahoy at ang lahat ng damo.

Nang patunugin ng ikalawang anghel ang kanyang trumpeta, bumagsak sa dagat ang parang malaking bundok na nagliliyab. At naging dugo ang ikatlong bahagi ng dagat. Namatay ang ikatlong bahagi ng mga nabubuhay sa dagat, at nawasak ang ikatlong bahagi ng bilang ng mga sasakyang pandagat.

10 Nang patunugin ng ikatlong anghel ang kanyang trumpeta, nahulog mula sa langit ang isang malaking bituing nagliliyab na parang sulo at tumama sa ikatlong bahagi ng mga ilog at mga bukal. 11 Ang pangalan ng bituin ay “Mapait.” Kaya pumait ang ikatlong bahagi ng tubig, at maraming tao ang namatay nang makainom ng tubig na iyon.

12 Nang patunugin ng ikaapat na anghel ang kanyang trumpeta, napinsala ang ikatlong bahagi ng araw, ang ikatlong bahagi ng buwan, at ang ikatlong bahagi ng mga bituin, kaya nabawasan ang mga liwanag nito. Nawala ang ikatlong bahagi ng liwanag sa araw at sa gabi.

13 Pagkatapos, nakita ko ang isang agila na lumilipad sa himpapawid at sumisigaw nang malakas, “Nakakaawa! Kawawang-kawawa ang mga nakatira sa lupa kapag pinatunog na ng tatlo pang anghel ang mga trumpeta nila.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®