Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Pahayag 1-3

Ang sulat na ito ay tungkol sa mga bagay na inihayag ni Jesu-Cristo na mangyayari sa lalong madaling panahon. Ibinigay ito ng Dios kay Cristo upang maihayag naman sa mga naglilingkod sa Dios. Kaya inihayag ito ni Cristo sa lingkod niyang si Juan sa pamamagitan ng anghel na kanyang isinugo. Ako si Juan, at pinapatotohanan ko ang lahat ng nakita ko tungkol sa inihayag ng Dios at sa katotohanang itinuro ni Jesu-Cristo. Mapalad ang bumabasa at ang mga nakikinig sa sulat na ito kung tinutupad nila ang nakasulat dito. Sapagkat ang mga sinasabi rito ay malapit nang mangyari.

Pagbati sa Pitong Iglesya

4-5 Mula kay Juan, para sa pitong iglesya sa probinsya ng Asia.

Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaang galing sa Dios, sa Espiritu, at kay Jesu-Cristo. Kung tungkol sa Dios, siyaʼy hindi nagbabago ngayon, noon, at sa hinaharap. Kung tungkol sa pitong Espiritu,[a] siyaʼy nasa harapan ng trono ng Dios. At kung tungkol kay Jesu-Cristo, siya ang mapagkakatiwalaang saksi. Siya ang unang nabuhay mula sa mga patay.[b] At siya rin ang namumuno sa lahat ng hari sa lupa. Iniibig niya tayo, at sa pamamagitan ng kanyang dugo[c] iniligtas niya tayo sa ating mga kasalanan. Ginawa niya tayong mga hari[d] at mga pari upang maglingkod sa Dios na kanyang Ama. Sa kanya ang kaluwalhatian at ang kapangyarihan magpakailanman. Amen.

Magsipaghanda kayo! Darating si Jesus na nasa mga ulap. Makikita siya ng lahat ng tao, pati na ng mga pumatay sa kanya. At iiyak ang mga tao sa lahat ng bansa sa mundo dahil sa takot nilang sila ay parurusahan na niya. Totoo ito at talagang mangyayari.

Ang Panginoong Dios ang makapangyarihan sa lahat. Kung ano siya noon, ganoon din siya ngayon at maging sa hinaharap. Kaya sinabi niya, “Ako ang Alpha at ang Omega.”[e]

Nagpakita si Cristo kay Juan

Ako si Juan na kapatid ninyo at kasama sa paghihirap, paghahari, at pagtitiis dahil tayo ay nakay Jesus. Itinapon ako sa isla ng Patmos dahil sa pangangaral ko ng salita ng Dios at ng katotohanang itinuro ni Jesus. 10 Noong araw ng Panginoon, pinuspos ako ng Banal na Espiritu, at narinig ko ang malakas na tinig na parang tunog ng trumpeta mula sa aking likuran. 11 At ito ang sinabi sa akin, “Isulat mo kung ano ang makikita mo, at ipadala agad sa pitong iglesya: sa Efeso, Smirna, Pergamum, Tiatira, Sardis, Filadelfia, at Laodicea.”

12 Nang marinig ko ito, lumingon agad ako upang tingnan kung sino ang nagsasalita sa akin. At nakita ko ang pitong ilawang ginto. 13 Sa gitna ng mga ilawan ay may nakatayong parang Anak ng Tao. Mahaba ang damit niya na umaabot sa kanyang paa, at may gintong pamigkis sa kanyang dibdib. 14 Ang buhok niya ay napakaputi tulad ng telang puting-puti, at ang mga mata niya ay nagbabagang parang apoy. 15 Ang mga paa niya ay kumikinang na parang tansong dinalisay sa apoy at pinakintab. Ang tinig niya ay napakalakas na parang rumaragasang tubig. 16 May hawak siyang pitong bituin sa kanang kamay niya, at lumalabas sa bibig niya ang isang matalas na espada na dalawa ang talim. Ang mukha niya ay nakakasilaw tulad ng araw sa katanghaliang tapat.

17 Nang makita ko siya, napahandusay ako na parang patay sa kanyang paanan. Ipinatong niya agad ang kanang kamay niya sa akin at sinabi, “Huwag kang matakot! Ako ang simula at ang katapusan. 18 Akoʼy buhay magpakailanman. Namatay ako, pero masdan mo, buhay ako, at hindi na muling mamamatay. Nasa ilalim ng aking kapangyarihan ang kamatayan at ang lugar ng mga patay.[f] 19 Kaya isulat mo ang mga bagay na ipinapakita ko sa iyo – ang mga bagay na nangyayari ngayon at ang mangyayari pa lang. 20 Ito ang ibig sabihin ng pitong bituin na nakita mo sa kanang kamay ko at ang pitong ilawang ginto: ang pitong bituin ay ang pitong anghel na nagbabantay sa pitong iglesya, at ang pitong ilawang ginto ay ang pitong iglesya.”

Ang Sulat para sa Iglesya sa Efeso

“Isulat mo ito para sa anghel na nagbabantay sa iglesya sa Efeso:

“Ito ang mensahe ng may hawak ng pitong bituin sa kanang kamay at lumalakad sa gitna ng pitong ilawang ginto: Alam ko ang mga ginagawa ninyo pati ang inyong mga pagsisikap at pagtitiyaga. Alam ko rin na hindi ninyo kinukunsinti ang masasamang tao. Siniyasat ninyo ang mga nagpapanggap na apostol, at napatunayan ninyong mga sinungaling sila. Tiniis ninyo ang mga kahirapan dahil sa pananampalataya ninyo sa akin, at hindi kayo nanghina. Ngunit ito ang ayaw ko sa inyo: ang inyong pag-ibig sa akin ngayon ay hindi na tulad ng dati. Alalahanin ninyo kung gaano kayo nanamlay sa pananampalataya. Magsisi kayo sa mga kasalanan ninyo at gawing muli ang dati ninyong ginagawa. Kung hindi, pupuntahan ko kayo at kukunin ang inyong ilawan. Ngunit ito ang gusto ko sa inyo: kinasusuklaman ninyo ang mga ginagawa ng mga Nicolaita,[g] na kinasusuklaman ko rin.

“Kayong nakikinig, pag-isipan ninyong mabuti ang sinasabi ng Banal na Espiritu sa mga iglesya.

“Ang magtatagumpay ay papayagan kong kumain ng bunga ng punongkahoy na nagbibigay ng buhay. Ang punong ito ay nasa paraiso ng Dios.”

Ang Sulat para sa Iglesya sa Smirna

“Isulat mo ito para sa anghel na nagbabantay sa iglesya sa Smirna:

“Ito ang mensahe niya na siyang simula at katapusan ng lahat, na namatay ngunit muling nabuhay: Alam ko ang inyong pagtitiis. Alam ko ring mahirap kayo, ngunit mayaman sa espiritwal na mga bagay. Alam kong hinahamak kayo ng mga taong nagsasabing mga Judio sila, ngunit ang totooʼy mga kampon sila ni Satanas. 10 Huwag kayong matakot sa mga paghihirap na malapit na ninyong danasin. Tandaan ninyo: Ipapabilanggo ni Satanas ang ilan sa inyo upang subukan kayo. Daranas kayo ng pang-uusig sa loob ng sampung araw. Manatili kayong tapat hanggang kamatayan, at gagantimpalaan ko kayo ng buhay na walang hanggan.

11 “Kayong nakikinig, pag-isipan ninyong mabuti ang sinasabi ng Banal na Espiritu sa mga iglesya.

“Ang magtatagumpay ay hindi makakaranas ng ikalawang kamatayan.”

Ang Sulat para sa Iglesya sa Pergamum

12 “Isulat mo ito para sa anghel na nagbabantay sa iglesya sa Pergamum:

“Ito ang mensahe ng may hawak ng matalas na espada na dalawa ang talim: 13 Alam ko na kahit nakatira kayo sa lugar na hawak ni Satanas ay nananatili pa rin kayong tapat sa akin. Sapagkat hindi kayo tumalikod sa pananampalataya ninyo sa akin, kahit noong patayin si Antipas na tapat kong saksi riyan sa lugar ninyo na tirahan ni Satanas. 14 Ngunit ito ang ayaw ko sa inyo: May ilan sa inyo na sumusunod sa mga aral ni Balaam. Si Balaam ang nagturo kay Balak kung paano udyukan ang mga Israelita na magkasala sa pamamagitan ng pagkain ng mga inihandog sa mga dios-diosan at sa pamamagitan ng paggawa ng sekswal na imoralidad. 15 At may ilan din sa inyo na sumusunod sa mga aral ng mga Nicolaita. 16 Kaya magsisi kayo sa mga kasalanan ninyo! Sapagkat kung hindi, pupunta ako riyan sa lalong madaling panahon at kakalabanin ko ang mga taong iyan na sumusunod sa mga maling aral sa pamamagitan ng espada na lumalabas sa aking bibig.

17 “Kayong nakikinig, pag-isipan ninyong mabuti ang sinasabi ng Banal na Espiritu sa mga iglesya.

“Ang magtatagumpay ay bibigyan ko ng pagkain na inilaan ko sa langit. Bibigyan ko rin ang bawat isa sa kanila ng puting bato na may nakasulat na bagong pangalan na walang ibang nakakaalam kundi ang makakatanggap nito.”

Ang Sulat para sa Iglesya sa Tiatira

18 “Isulat mo ito para sa anghel na nagbabantay sa iglesya sa Tiatira:

“Ito ang mensahe ng Anak ng Dios, na ang mga mataʼy nagliliyab na parang apoy at ang mga paaʼy nagniningning na parang pinakintab na tanso: 19 Alam ko ang mga ginagawa ninyo. Alam ko na mapagmahal kayo, matapat, masigasig maglingkod at matiyaga. Alam ko rin na higit pa ang ginagawa ninyo ngayon kaysa sa noong una. 20 Ngunit ito ang ayaw ko sa inyo: Hinahayaan ninyo lang na magturo ang babaeng si Jezebel na nagpapanggap na propeta. Nililinlang niya ang mga taong naglilingkod sa akin at hinihikayat na gumawa ng sekswal na imoralidad at kumain ng mga inihandog sa mga dios-diosan. 21 Binigyan ko siya ng panahon upang magsisi sa kanyang imoralidad, ngunit ayaw niya. 22 Makinig kayo! Bibigyan ko siya ng karamdaman hanggang sa hindi na siya makabangon sa higaan. Parurusahan ko siya nang matindi pati ang mga nakipagrelasyon sa kanya, kung hindi sila magsisisi sa kanilang kasamaan. 23 Papatayin ko ang mga tagasunod niya upang malaman ng lahat ng iglesya na alam ko ang iniisip at hinahangad ng tao. Gagantihan ko ang bawat isa sa inyo ayon sa mga ginawa ninyo.

24 “Pero ang iba sa inyo riyan sa Tiatira ay hindi sumusunod sa mga turo ni Jezebel. Hindi kayo natuto ng tinatawag nilang ‘malalalim na mga turo ni Satanas.’ Kaya wala na akong idadagdag pang tuntunin na dapat ninyong sundin. 25 Ipagpatuloy na lang ninyo ang inyong katapatan sa akin hanggang sa pagdating ko. 26-27 Sapagkat ang mga magtatagumpay at patuloy na sumusunod sa kalooban ko hanggang sa wakas ay bibigyan ko ng kapangyarihang mamahala sa mga bansa, tulad ng kapangyarihang ibinigay sa akin ng aking Ama. Mamamahala sila sa pamamagitan ng kamay na bakal at dudurugin nila ang mga bansa gaya ng pagdurog sa palayok.[h] 28 At ibibigay ko rin sa kanila ang tala sa umaga.[i]

29 “Kayong nakikinig, pag-isipan ninyong mabuti ang sinasabi ng Banal na Espiritu sa mga iglesya.”

Ang Sulat para sa Iglesya sa Sardis

“Isulat mo ito para sa anghel na nagbabantay sa iglesya sa Sardis:

“Ito ang mensahe ng may pitong Espiritu ng Dios[j] at may hawak na pitong bituin: Alam ko ang mga ginagawa ninyo. Marami ang nagsasabi na buhay na buhay ang pananampalataya nʼyo sa akin, ngunit ang totoo, para kayong patay. Gumising kayo at pasiglahin ang natitira ninyong pananampalataya, para hindi tuluyang mamatay. Dahil nakikita ko na ang mga gawa nʼyo ay hindi pa ganap sa paningin ng aking Dios. Kaya alalahanin ninyo ang mga aral na tinanggap ninyo. Sundin ninyo ang mga iyon at pagsisihan ang inyong mga kasalanan. Kung hindi kayo gigising, darating ako sa oras na hindi ninyo inaasahan, tulad ng isang magnanakaw na hindi ninyo alam kung kailan darating. Ngunit may ilan sa inyo riyan sa Sardis na hindi nahawa sa masamang gawain ng iba. Lalakad silang kasama ko na nakasuot ng puting damit, dahil karapat-dapat sila. Ang magtatagumpay ay bibihisan ng puting damit at hindi ko aalisin ang pangalan niya sa aklat na listahan ng mga taong binigyan ng buhay na walang hanggan. Ipapakilala ko sila sa aking Ama at sa kanyang mga anghel na sila ay mga tagasunod ko.

“Kayong nakikinig, pag-isipan ninyong mabuti ang sinasabi ng Banal na Espiritu sa mga iglesya.”

Ang Sulat para sa Iglesya sa Filadelfia

“Isulat mo ito para sa anghel na nagbabantay sa iglesya sa Filadelfia:

“Ito ang mensahe ng banal at mapagkakatiwalaan na may hawak ng susi ng kaharian ni David. Kapag binuksan niya ang pinto ng kaharian, walang makapagsasara nito. At kapag isinara niya, wala sinumang makapagbubukas nito: Alam ko ang mga ginagawa ninyo. Kahit kakaunti ang inyong kakayahan, sinunod ninyo ang mga turo ko at naging tapat kayo sa akin. Kaya nagbukas ako ng pintuan para sa inyo na walang sinumang makapagsasara. Makinig kayo! Ito naman ang gagawin ko sa mga kampon ni Satanas na mga sinungaling at nagpapanggap na mga Judio: Paluluhurin ko sila sa harapan ninyo, at malalaman nila na mahal ko kayo. 10 Darating ang matinding kahirapan sa buong mundo na susubok sa mga tao. Ngunit dahil sinunod ninyo ang utos ko na magtiis, ililigtas ko kayo sa panahong iyon. 11 Malapit na akong dumating. Kaya ipagpatuloy ninyo ang mabubuti ninyong gawa upang hindi maagaw ng kahit sino ang gantimpalang inihanda para sa inyo. 12 Ang magtatagumpay ay gagawin kong parang haligi sa bahay ng aking Dios, at hindi na siya aalis doon. Isusulat ko sa kanya ang pangalan ng aking Dios at ang pangalan ng lungsod ng Dios, ang bagong Jerusalem na bababa mula sa langit. Isusulat ko rin sa kanya ang aking bagong pangalan.

13 “Kayong nakikinig, pag-isipan ninyong mabuti ang sinasabi ng Banal na Espiritu sa mga iglesya.”

Ang Sulat para sa Iglesya sa Laodicea

14 “Isulat mo ito para sa anghel na nagbabantay sa iglesya sa Laodicea:

“Ito ang mensahe ng tinatawag na Amen, ang tapat at tunay na saksi. Siya ang pinagmulan ng lahat ng nilalang ng Dios: 15-16 Alam ko ang mga ginagawa ninyo. Alam kong hindi kayo malamig o mainit. Gusto ko sanang malamig kayo o mainit. Ngunit dahil maligamgam kayo, isusuka ko kayo. 17 Sinasabi ninyo na mayaman kayo, sagana sa lahat ng bagay at wala nang pangangailangan. Ngunit hindi nʼyo alam na kaawa-awa kayo dahil mahirap kayo sa pananampalataya, bulag sa katotohanan at hubad sa paningin ng Dios. 18 Kaya pinapayuhan ko kayong bumili sa akin ng ginto na dinalisay sa apoy[k] upang maging totoong mayaman kayo. Bumili rin kayo sa akin ng puting damit upang matakpan ang nakakahiya ninyong kahubaran, at pati na rin ng gamot sa mata upang makita ninyo ang katotohanan. 19 Ang lahat ng minamahal ko ay tinutuwid ko at dinidisiplina. Kaya magsisi kayo at ituwid ang ugali ninyo. 20 Narito ako sa labas ng pintuan ninyo at kumakatok. Kung may makarinig sa akin at buksan ang pinto, papasok ako at magsasalo kami sa pagkain. 21 Ang magtatagumpay ay pauupuin ko sa tabi ng aking trono,[l] tulad ko na nagtagumpay at naupo sa tabi ng trono ng aking Ama.

22 “Kayong nakikinig, pag-isipan ninyong mabuti ang sinasabi ng Banal na Espiritu sa mga iglesya.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®