Book of Common Prayer
Ang Tunay na Pagsamba
Awit ni Asaf.
50 Ang Makapangyarihan, ang Diyos na Panginoon,
ay nagsalita at tinatawag ang lupa
mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog niyon.
2 Mula sa Zion na kasakdalan ng kagandahan,
nagliliwanag ang Diyos.
3 Ang aming Diyos ay dumarating at hindi siya tatahimik;
nasa harapan niya ang apoy na tumutupok,
at malakas na bagyo sa kanyang palibot.
4 Siya'y tumatawag sa langit sa kaitaasan,
at sa lupa upang hatulan niya ang kanyang bayan:
5 “Tipunin mo sa akin ang aking mga banal,
yaong nakipagtipan sa akin sa pamamagitan ng alay!”
6 Ang langit ay nagpapahayag ng kanyang katuwiran;
sapagkat ang Diyos ay siyang hukom! (Selah)
7 “Makinig, O aking bayan, at magsasalita ako,
O Israel, ako'y magpapatotoo laban sa iyo.
Ako'y Diyos, Diyos mo.
8 Hindi kita sinasaway dahil sa iyong mga handog;
laging nasa harapan ko ang iyong mga handog na sinusunog.
9 Hindi ako tatanggap ng baka mula sa iyong bahay,
ni ng kambing na lalaki sa iyong mga kawan.
10 Sapagkat bawat hayop sa gubat ay akin,
ang hayop sa libong mga burol.
11 Nakikilala ko ang lahat ng mga ibon sa mga bundok;
at ang lahat ng mga gumagala sa parang ay akin.
12 “Kung ako'y gutom, sa iyo ay hindi ko sasabihin,
sapagkat ang sanlibutan at ang lahat ng narito ay akin.
13 Kumakain ba ako ng laman ng mga toro,
o umiinom ng dugo ng mga kambing?
14 Mag-alay sa Diyos ng pasasalamat na alay,
at tuparin mo ang iyong mga panata sa Kataas-taasan;
15 at tumawag ka sa akin sa araw ng kabagabagan;
ililigtas kita, at luluwalhatiin mo ako.”
16 Ngunit sa masama ay sinabi ng Diyos:
“Anong karapatan mo upang ipahayag ang aking mga tuntunin,
o ilagay ang aking tipan sa iyong bibig?
17 Sapagkat ang disiplina ay kinapopootan mo,
at iyong iwinawaksi ang aking mga salita sa likuran mo.
18 Kapag nakakakita ka ng magnanakaw, ikaw ay natutuwa sa kanya,
at sumasama ka sa mga mangangalunya.
19 “Ibinibigay mo sa iyong bibig ang malayang paghahari ng kasamaan,
at ang iyong dila ay kumakatha ng pandaraya.
20 Ikaw ay umuupo at nagsasalita laban sa iyong kapatid;
iyong sinisiraan ang anak ng iyong sariling ina.
21 Ang mga bagay na ito ay iyong ginawa, at ako'y nanahimik;
iniisip mong ako'y gaya mo.
Ngunit ngayo'y sinasaway kita, at ipinapataw ang paratang sa harapan mo.
22 “Kayong nakakalimot sa Diyos, tandaan ninyo ito,
baka kayo'y aking pagluray-lurayin at walang magligtas sa inyo!
23 Ang naghahandog ng alay ng pasasalamat ay nagpaparangal sa akin;
sa kanya na nag-aayos ng kanyang lakad
ang pagliligtas ng Diyos ay ipapakita ko rin!”
Panalangin(A) upang Ingatan
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Huwag Wasakin. Miktam ni David, nang magsugo si Saul, at kanilang bantayan ang bahay upang patayin siya.
59 Iligtas mo ako sa aking mga kaaway, O Diyos ko,
mula sa mga nag-aalsa laban sa akin, sa itaas ay ilagay mo ako.
2 Iligtas mo ako sa mga gumagawa ng kasamaan,
at iligtas mo ako sa mga taong sa dugo ay uhaw.
3 Narito, sapagkat pinagtatangkaan ang aking buhay;
ang mga taong mababagsik laban sa akin ay nagsasama-sama.
Hindi dahil sa aking pagsuway o sa aking kasalanan man, O Panginoon,
4 sila'y tumatakbo at naghahanda sa di ko kasalanan.
Ikaw ay bumangon, tulungan mo ako, at iyong masdan!
5 Ikaw, O Panginoong Diyos ng mga hukbo, na Diyos ng Israel.
Gumising ka upang iyong parusahan ang lahat ng mga bansa;
huwag mong patatawarin ang sinumang may kataksilang nagpakana ng masama. (Selah)
6 Tuwing hapon ay bumabalik sila,
tumatahol na parang aso,
at nagpapagala-gala sa lunsod.
7 Narito, sila'y nanunungayaw sa pamamagitan ng kanilang bibig;
mga tabak ay nasa kanilang mga labi—
sapagkat sinasabi nila, “Sinong makikinig sa amin?”
8 Ngunit ikaw, O Panginoon, ay pinagtatawanan mo sila,
iyong tinutuya ang lahat ng mga bansa.
9 Dahil sa kanyang kalakasan, babantayan kita,
sapagkat ikaw, O Diyos ay muog ko.
10 Ang aking Diyos sa kanyang tapat na pag-ibig ay sasalubong sa akin;
ipinahihintulot ng aking Diyos na ako'y tumingin na may pagtatagumpay sa aking mga kaaway.
11 Huwag mo silang patayin, baka makalimot ang aking bayan;
pangalatin mo sila sa pamamagitan ng iyong kapangyarihan, at ibaba mo sila,
O Panginoon na kalasag namin!
12 Dahil sa kasalanan ng kanilang bibig, at sa mga salita ng kanilang mga labi,
masilo nawa sila sa kanilang kapalaluan,
dahil sa sumpa at sinalita nilang kasinungalingan.
13 Pugnawin mo sila sa poot,
pugnawin mo sila hanggang sa sila'y wala na,
upang malaman ng tao na ang Diyos ang namumuno sa Jacob,
hanggang sa mga wakas ng lupa. (Selah)
14 Bawat hapon ay bumabalik sila,
na tumatahol na parang aso
at pagala-gala sa lunsod.
15 Sila'y gumagala upang may makain,
at tumatahol kapag hindi sila nabusog.
16 Ngunit aking aawitin ang iyong kalakasan;
oo, aking aawiting malakas sa umaga ang iyong tapat na pag-ibig,
sapagkat ikaw ay naging aking muog,
at kanlungan sa araw ng aking kapighatian.
17 O aking kalakasan, aawit ako ng mga papuri sa iyo,
sapagkat ikaw, O Diyos, ay muog ko,
ang Diyos na nagpapakita sa akin ng tapat na pagsuyo.
Sa(B) Punong Mang-aawit: ayon sa Shushan Eduth. Miktam ni David; para sa pagtuturo; nang siya ay makipaglaban kay Aramharain at Aram-zobah, at nang patayin ni Joab sa kanyang pagbabalik ang 12,000 Edomita sa Libis ng Asin.
60 O Diyos, kami ay iyong tinalikuran, winasak mo kami.
Ikaw ay nagalit; O ibalik mo kami.
2 Iyong niyanig ang lupain, iyong ibinuka;
kumpunihin mo ang mga sira niyon, sapagkat ito'y umuuga.
3 Pinaranas mo ng mahihirap na mga bagay ang iyong bayan;
binigyan mo kami ng alak na inumin na nagpasuray sa amin.
4 Naglagay ka ng watawat para sa mga natatakot sa iyo,
upang ito'y mailantad dahil sa katotohanan. (Selah)
5 Upang ang iyong minamahal ay mailigtas,
bigyan ng tagumpay sa pamamagitan ng iyong kanang kamay at sagutin mo kami.
6 Nagsalita ang Diyos sa kanyang santuwaryo,
“Ako'y magsasaya, aking hahatiin ang Shekem,
at aking susukatin ang Libis ng Sucot.
7 Ang Gilead ay akin, ang Manases ay akin;
ang Efraim din ay helmet ng ulo ko,
ang Juda ay aking setro.
8 Ang Moab ay aking hugasan;
sa Edom ay ihahagis ko ang aking sandalyas;
Filistia, dahil sa akin, sumigaw ka ng malakas.”
9 Sinong magdadala sa akin sa lunsod na may kuta?
Sinong papatnubay sa akin hanggang sa Edom?
10 Hindi mo ba kami tinalikuran, O Diyos?
At hindi ka ba hahayo, O Diyos, na kasama ng aming mga hukbo?
11 O pagkalooban mo kami ng tulong laban sa kaaway,
sapagkat walang kabuluhan ang tulong ng tao!
12 Kasama ng Diyos ay gagawa kaming may katapangan;
sapagkat siya ang tatapak sa aming mga kaaway.
Sa Punong Mang-aawit. Isang Awit. Isang Salmo.
66 Magkaingay kayong may kagalakan sa Diyos, buong lupa;
2 awitin ninyo ang kaluwalhatian ng kanyang pangalan;
gawin ninyong maluwalhati ang pagpupuri sa kanya!
3 Inyong sabihin sa Diyos, “Kakilakilabot ang iyong mga gawa!
Dahil sa kadakilaan ng iyong kapangyarihan, ang iyong kaaway ay pakunwaring susunod sa iyo.
4 Sasamba sa iyo ang buong mundo;
aawit sila ng papuri sa iyo,
aawit ng mga papuri sa pangalan mo.” (Selah)
5 Halikayo at tingnan ang ginawa ng Diyos:
siya'y kakilakilabot sa kanyang mga gawa sa gitna ng mga tao.
6 Kanyang(A) ginawang tuyong lupa ang dagat;
ang mga tao'y tumawid sa ilog nang naglalakad.
Doon ay nagalak kami sa kanya,
7 siya'y namumuno sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan magpakailanman;
ang kanyang mga mata ay nagbabantay sa mga bansa—
huwag itaas ng mga mapaghimagsik ang mga sarili nila. (Selah)
8 O purihin ninyo ang aming Diyos, kayong mga bayan,
ang tinig ng pagpupuri sa kanya ay hayaang mapakinggan,
9 na umaalalay sa amin kasama ng mga buháy,
at hindi hinayaang madulas ang aming mga paa.
10 Sapagkat ikaw, O Diyos, ang sumubok sa amin;
sinubok mo kami na gaya ng pagsubok sa pilak.
11 Iyong inilagay kami sa lambat;
nilagyan mo ng malupit na pasan ang aming mga balikat.
12 Hinayaan mong sakyan ng mga tao ang aming mga ulo;
kami ay dumaan sa apoy at sa tubig;
at dinala mo kami sa kasaganaan.
13 Ako'y papasok sa iyong bahay na may dalang mga handog na susunugin,
ang mga panata ko sa iyo ay aking tutuparin,
14 na sinambit ng aking mga labi,
at ipinangako ng aking bibig, nang ako ay nasa pagkaligalig.
15 Hahandugan kita ng mga handog na sinusunog na mga pinataba,
na may usok ng handog na tupa;
ako'y maghahandog ng mga toro at mga kambing. (Selah)
16 Kayo'y magsiparito at inyong dinggin, kayong lahat na natatakot sa Diyos,
at ipahahayag ko kung ano ang kanyang ginawa para sa aking kaluluwa.
17 Ako'y dumaing sa kanya ng aking bibig,
at siya'y pinuri ng aking dila.
18 Kung iningatan ko ang kasamaan sa aking puso,
ang Panginoon ay hindi makikinig.
19 Ngunit tunay na nakinig ang Diyos;
kanyang dininig ang tinig ng aking panalangin.
20 Purihin ang Diyos,
sapagkat hindi niya tinanggihan ang aking panalangin
ni inalis ang kanyang tapat na pag-ibig sa akin!
Sa Punong Mang-aawit: sa instrumentong may kuwerdas. Isang Salmo. Isang Awit.
67 Ang Diyos nawa'y mahabag sa atin at tayo'y pagpalain,
at pagliwanagin nawa niya ang kanyang mukha sa atin, (Selah)
2 upang ang iyong daan ay malaman sa lupa,
ang iyong pagliligtas sa lahat ng mga bansa.
3 Purihin ka nawa ng mga bayan, O Diyos;
purihin ka nawa ng lahat ng mga bayan!
4 Ang mga bansa nawa'y magalak at umawit sa kagalakan,
sapagkat iyong hahatulan na may katarungan ang mga bayan,
at ang mga bansa sa lupa ay papatnubayan. (Selah)
5 Purihin ka nawa ng mga bayan, O Diyos;
purihin ka nawa ng lahat ng mga bayan.
6 Nagbigay ng kanyang bunga ang lupa;
ang Diyos, ang ating Diyos, sa atin ay nagpala;
7 Ang Diyos ang sa amin ay nagpala;
matakot sa kanya ang lahat ng mga dulo ng lupa!
3 Si(A) Samuel noon ay patay na, at tumangis ang buong Israel at inilibing siya sa Rama, na kanyang sariling lunsod. At pinalayas ni Saul mula sa lupain ang mga sumasangguni sa mga espiritu at ang mga mangkukulam.
4 Nagtipun-tipon ang mga Filisteo, at dumating at humimpil sa Sunem. Tinipon ni Saul ang buong Israel at sila'y humimpil sa Gilboa.
5 Nang makita ni Saul ang hukbo ng mga Filisteo, siya'y natakot at ang kanyang puso ay lubhang nanginig.
6 Nang(B) sumangguni si Saul sa Panginoon, hindi siya sinagot ng Panginoon, maging sa pamamagitan ng panaginip ni sa Urim, ni sa pamamagitan man ng mga propeta.
7 Nang magkagayo'y sinabi ni Saul sa kanyang mga lingkod, “Ihanap ninyo ako ng isang babae na sumasangguni sa mga espiritu, upang ako'y makapunta at makasangguni sa kanya.” At sinabi sa kanya ng kanyang mga lingkod, “May isang babae sa Endor na sumasangguni sa mga espiritu.”
8 Kaya't nagbalatkayo si Saul, nagsuot ng ibang kasuotan at pumaroon, siya at ang dalawang lalaking kasama niya. Sila'y dumating sa babae nang kinagabihan. At kanyang sinabi, “Humula ka para sa akin sa pamamagitan ng espiritu, at iahon mo sa akin ang sinumang babanggitin ko sa iyo.”
9 Sinabi ng babae sa kanya, “Tiyak na nalalaman mo ang ginawa ni Saul, kung paanong kanyang nilipol ang mga sumasangguni sa mga espiritu at ang mga mangkukulam sa lupain. Bakit ka naglalagay ng bitag sa aking buhay upang ipapatay ako?”
10 Ngunit sumumpa si Saul sa kanya sa pamamagitan ng Panginoon, na sinasabi, “Habang buháy ang Panginoon, walang parusang darating sa iyo dahil sa bagay na ito.”
11 Nang magkagayo'y sinabi ng babae, “Sinong iaahon ko para sa iyo?” At kanyang sinabi, “Iahon mo si Samuel para sa akin.”
12 Nang makita ng babae si Samuel, siya ay sumigaw nang malakas at sinabi ng babae kay Saul, “Bakit mo ako dinaya? Ikaw si Saul.”
13 Sinabi ng hari sa kanya, “Huwag kang matakot. Ano ang iyong nakikita?” At sinabi ng babae kay Saul, “Nakikita ko ang isang diyos na umaahon mula sa lupa.”
14 Sinabi niya sa kanya, “Ano ang kanyang anyo?” At sinabi niya, “Isang matandang lalaki ang lumilitaw, at siya'y nababalot ng isang balabal.” At nakilala ni Saul na iyon ay si Samuel, at siya'y yumukod sa lupa at nagbigay galang.
Sinabi ni Samuel ang Kasawian ni Saul
15 Sinabi ni Samuel kay Saul, “Bakit mo ako ginambala sa pagpapaahon sa akin?” At sumagot si Saul, “Ako'y labis na naguguluhan, sapagkat ang mga Filisteo ay nandirigma laban sa akin. Ang Diyos ay humiwalay na sa akin, at hindi na ako sinasagot, maging sa pamamagitan ng mga propeta, ni ng panaginip man; kaya tinawag kita upang sabihin mo sa akin kung ano ang aking gagawin.”
16 At sinabi ni Samuel, “Bakit ka pa nagtatanong sa akin, gayong ang Panginoon ay humiwalay na sa iyo at naging kaaway mo na?
17 Ginawa(C) ng Panginoon ang gaya ng sinabi niya sa pamamagitan ko; sapagkat inalis ng Panginoon ang kaharian sa iyong kamay at ibinigay sa iyong kapwa Israelita na si David.
18 Sapagkat(D) hindi mo sinunod ang tinig ng Panginoon, at hindi mo iginawad ang kanyang mabagsik na galit laban sa Amalek, kaya't ginawa ng Panginoon ang bagay na ito sa iyo sa araw na ito.
19 Bukod dito'y ibibigay ng Panginoon ang Israel sa kamay ng mga Filisteo. Bukas, ikaw at ang iyong mga anak ay makakasama ko; ibibigay ng Panginoon ang hukbo ng Israel sa kamay ng mga Filisteo.”
20 Pagkatapos ay biglang bumulagta si Saul sa lupa, at siya'y napuno ng takot, dahil sa mga salita ni Samuel. Nawalan siya ng lakas, sapagkat hindi siya kumain nang anuman buong araw at buong gabi.
Ang Pagpupulong sa Jerusalem
15 May(A) ilang tao ang dumating mula sa Judea na nagtuturo sa mga kapatid, “Maliban na kayo'y tuliin ayon sa kaugalian ni Moises, hindi kayo maliligtas.”
2 Pagkatapos na magkaroon sina Pablo at Bernabe ng hindi maliit na pakikipagtalo at pakikipagsalungatan sa kanila, sina Pablo at Bernabe, at ang ilan sa iba pa ay inatasang pumunta sa Jerusalem, upang talakayin ang suliraning ito sa mga apostol at sa matatanda.
3 Kaya't isinugo sila ng iglesya sa kanilang paglalakbay, at pagdaan nila sa Fenicia at Samaria, iniulat nila ang pagbabagong-loob ng mga Hentil at sila'y nakapagbigay ng malaking kagalakan sa lahat ng mga kapatid.
4 Nang sila'y makarating sa Jerusalem, tinanggap sila ng iglesya at ng mga apostol at ng matatanda, at iniulat nila ang lahat ng bagay na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila.
5 Subalit ang ilang mananampalataya na kasapi sa sekta ng mga Fariseo ay tumayo at nagsabi, “Kailangang sila'y tuliin at utusang sundin ang kautusan ni Moises.”
6 Nagtipon ang mga apostol at ang matatanda upang pag-usapan ang bagay na ito.
7 Pagkatapos(B) ng maraming talakayan, tumindig si Pedro at sinabi sa kanila, “Mga ginoo, mga kapatid, nalalaman ninyo na noong mga unang araw ay pumili ang Diyos sa inyo, na sa pamamagitan ng aking bibig ay mapakinggan ng mga Hentil ang salita ng ebanghelyo, at sila'y manampalataya.
8 At(C) ang Diyos na nakakaalam ng puso ng tao ay nagpatotoo sa kanila sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng Espiritu Santo tulad nang nangyari sa atin;
9 at tayo'y hindi niya itinangi sa kanila, kundi nilinis ang kanilang mga puso sa pamamagitan ng pananampalataya.
10 Kaya ngayon, bakit ninyo sinusubok ang Diyos sa pamamagitan ng paglalagay ng pamatok sa batok ng mga alagad na kahit ang ating mga ninuno ni tayo ay hindi nakayang dalhin?
11 Ngunit naniniwala tayo na maliligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya ng Panginoong Jesus, na tulad naman nila.”
Pinagaling ni Jesus ang Inaalihan ng Masamang Espiritu(A)
5 Dumating sila sa kabilang ibayo ng dagat, sa lupain ng mga Geraseno.[a]
2 Nang bumaba siya sa bangka, isang lalaki na may masamang espiritu ang agad na sumalubong sa kanya mula sa mga libingan.
3 Siya'y naninirahan sa mga libingan at wala nang makapigil sa kanya kahit na may tanikala.
4 Sapagkat madalas na siya'y ginagapos ng mga kadena at mga tanikala ngunit nilalagot niya ang mga tanikala, at pinagpuputul-putol ang mga kadena. Walang taong may lakas na makasupil sa kanya.
5 Sa gabi't araw ay palagi siyang nagsisisigaw sa mga libingan at sa mga kabundukan, at sinusugatan ang sarili ng mga bato.
6 Nang matanaw niya si Jesus sa malayo, tumakbo siya at si Jesus[b] ay kanyang sinamba.
7 Siya'y sumigaw ng may malakas na tinig, “Ano ang pakialam mo sa akin, Jesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos? Ipinapakiusap ko sa iyo, alang-alang sa Diyos, na huwag mo akong pahirapan.”
8 Sapagkat sinabi niya sa kanya, “Lumabas ka sa taong iyan, ikaw na masamang espiritu.”
9 At tinanong siya ni Jesus, “Ano ang pangalan mo?” Sumagot siya, “Lehiyon[c] ang pangalan ko sapagkat marami kami.”
10 Nagmakaawa siya sa kanya na huwag silang palayasin sa lupain.
11 Noon ay may isang malaking kawan ng mga baboy na nanginginain sa libis ng bundok.
12 Nakiusap sila sa kanya, “Papuntahin mo kami sa mga baboy upang kami ay makapasok sa kanila.”
13 At sila'y kanyang pinahintulutan. Ang mga masamang espiritu ay lumabas at pumasok sa mga baboy. Ang kawan na may bilang na mga dalawang libo ay bumulusok sa matarik na bangin patungong dagat at nalunod sila sa dagat.
14 Ang mga nagpapakain sa kanila ay tumakas at ibinalita sa lunsod at sa mga nayon. Kaya't nagdatingan ang mga tao upang tingnan kung ano ang nangyari.
15 Lumapit sila kay Jesus at nakita nila ang inalihan ng mga demonyo na nakaupo roon na may damit at matino ang pag-iisip, ang taong nagkaroon ng isang lehiyon, at sila'y natakot.
16 At sinabi sa kanila ng mga nakakita rito kung anong nangyari sa inalihan ng mga demonyo at sa mga baboy.
17 Sila'y nagpasimulang makiusap kay Jesus[d] na lisanin ang pook nila.
18 Nang sumasakay na siya sa bangka, ang lalaking inalihan ng mga demonyo ay nakiusap na siya'y isama niya.
19 Ngunit tumanggi siya at sinabi sa kanya, “Umuwi ka sa iyong mga kaibigan at ibalita mo sa kanila ang lahat ng ginawa ng Panginoon para sa iyo at kung paanong kinaawaan ka niya.”
20 At ang lalaki[e] ay lumisan at nagpasimulang ipahayag sa Decapolis ang lahat ng ginawa ni Jesus para sa kanya; at namangha ang lahat.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001