Book of Common Prayer
Awit ng Pag-akyat.
120 Sa aking kahirapan ay sa Panginoon ako dumaing,
at sinagot niya ako.
2 “O Panginoon, sa mga sinungaling na labi ay iligtas mo ako,
mula sa dilang mandaraya.”
3 Anong ibibigay sa iyo,
at ano pa ang sa iyo ay magagawa,
ikaw na mandarayang dila?
4 Matalas na palaso ng mandirigma,
na may nag-aapoy na baga ng enebro!
5 Kahabag-habag ako na sa Mesech ay nakikipamayan,
na sa mga tolda ng Kedar ay naninirahan.
6 Matagal nang ang aking kaluluwa ay naninirahang
kasama ng mga napopoot sa kapayapaan.
7 Ako'y para sa kapayapaan;
ngunit kapag ako'y nagsasalita,
sila'y para sa pakikidigma!
Awit ng Pag-akyat.
121 Ang aking mga mata sa burol ay aking ititingin,
ang akin bang saklolo ay saan manggagaling?
2 Ang saklolo sa akin ay buhat sa Panginoon,
na siyang gumawa ng langit at lupa.
3 Hindi niya papahintulutang ang paa mo'y madulas;
siyang nag-iingat sa iyo ay hindi matutulog.
4 Siyang nag-iingat ng Israel
ay hindi iidlip ni matutulog man.
5 Ang Panginoon ay iyong tagapag-ingat;
ang Panginoon ay lilim mo sa iyong kanan.
6 Hindi ka sasaktan ng araw kapag araw,
ni ng buwan man kapag gabi.
7 Iingatan ka ng Panginoon sa lahat ng kasamaan;
kanyang iingatan ang iyong kaluluwa.
8 Ang iyong paglabas at ang iyong pagpasok ay kanyang iingatan,
mula sa panahong ito at magpakailanpaman.
Awit ng Pag-akyat. Mula kay David.
122 Ako'y natuwa nang kanilang sabihin sa akin,
“Tayo na sa bahay ng Panginoon!”
2 Ang mga paa natin ay nakatayo
sa loob ng iyong mga pintuan, O Jerusalem;
3 Jerusalem, na natayo
na parang lunsod na siksikan;
4 na inaahon ng mga lipi,
ng mga lipi ng Panginoon,
gaya ng iniutos para sa Israel,
upang magpasalamat sa pangalan ng Panginoon.
5 Doo'y inilagay ang mga trono para sa paghatol,
ang mga trono ng sambahayan ni David.
6 Idalangin ninyo ang sa Jerusalem na kapayapaan!
“Guminhawa nawa silang sa iyo ay nagmamahal!
7 Magkaroon nawa sa loob ng inyong mga pader ng kapayapaan,
at sa loob ng iyong mga tore ay katiwasayan!”
8 Alang-alang sa aking mga kapatid at mga kaibigan,
aking sasabihin, “Sumainyo ang kapayapaan.”
9 Alang-alang sa bahay ng Panginoon nating Diyos,
hahanapin ko ang iyong ikabubuti.
Awit ng Pag-akyat.
123 Sa iyo'y aking itinitingin ang mga mata ko,
O ikaw na sa kalangitan ay nakaupo sa trono!
2 Gaya ng mga mata ng mga alipin
na nakatingin sa kamay ng kanilang panginoon,
gaya ng mga mata ng alilang babae
na nakatingin sa kamay ng kanyang panginoong babae,
gayon tumitingin ang aming mga mata sa Panginoon naming Diyos,
hanggang sa siya'y maawa sa amin.
3 Maawa ka sa amin, O Panginoon, maawa ka sa amin,
sapagkat labis-labis na ang paghamak sa amin.
4 Ang aming kaluluwa'y lubos na napupuno
ng paglibak ng mga nasa kaginhawahan,
ng paghamak ng palalo.
Awit ng Pag-akyat. Mula kay David.
124 Kung hindi ang Panginoon ang naging nasa ating panig,
sabihin ngayon ng Israel—
2 kung hindi ang Panginoon ang naging nasa panig natin,
nang ang mga tao ay magsibangon laban sa atin,
3 nilamon na sana nila tayong buháy,
nang ang kanilang galit ay mag-alab laban sa atin;
4 tinabunan na sana tayo ng baha,
dinaanan na sana ng agos ang ating kaluluwa;
5 dinaanan na sana ng nagngangalit na mga tubig
ang ating kaluluwa.
6 Purihin ang Panginoon,
na hindi tayo ibinigay
bilang biktima sa kanilang mga ngipin!
7 Parang ibon sa bitag ng mga manghuhuli
na ang ating kaluluwa ay nakatakas,
ang bitag ay nasira,
at tayo ay nakatakas!
8 Ang saklolo natin ay nasa pangalan ng Panginoon,
na siyang lumikha ng langit at lupa.
Awit ng Pag-akyat.
125 Ang mga nagtitiwala sa Panginoon ay gaya ng bundok ng Zion,
na hindi makikilos kundi nananatili sa buong panahon.
2 Kung paanong ang mga bundok ay nakapalibot sa Jerusalem,
gayon ang Panginoon ay nakapalibot sa kanyang bayan,
mula sa panahong ito at magpakailanman.
3 Sapagkat ang setro ng kasamaan ay hindi mananatili
sa lupaing iniukol sa mga matuwid;
upang hindi iunat ng mga matuwid
ang kanilang mga kamay sa paggawa ng masama.
4 Gawan mo ng mabuti ang mabubuti, O Panginoon,
at ang matutuwid sa kanilang mga puso.
5 Ngunit ang mga lumilihis sa kanilang masasamang lakad,
ay itataboy ng Panginoon na kasama ng mga manggagawa ng kasamaan.
Dumating nawa ang kapayapaan sa Israel!
Awit ng Pag-akyat.
126 Nang ibalik ng Panginoon ang mga kayamanan ng Zion,[a]
tayo ay gaya ng mga nananaginip.
2 Nang magkagayo'y napuno ang ating bibig ng mga tawanan,
at ang ating dila ng mga awit ng kagalakan,
nang magkagayo'y sinabi nila sa gitna ng mga bansa,
“Ang Panginoon ay gumawa ng mga dakilang bagay para sa kanila.”
3 Ang Panginoon ay gumawa ng mga dakilang bagay para sa atin,
kami ay natutuwa.
4 Ang aming mga bihag,[b] O Panginoon, ay iyong ibalik,
na gaya ng mga batis sa Negeb![c]
5 Yaon nawang nagsisipaghasik na luhaan,
ay mag-ani na may sigaw ng kagalakan!
6 Siyang lumalabas na umiiyak,
na may dalang itatanim na mga binhi,
ay uuwi na may sigaw ng kagalakan,
na dala ang kanyang mga bigkis ng inani.
Awit ng Pag-akyat. Mula kay Solomon.
127 Malibang ang Panginoon ang magtayo ng bahay,
ang mga nagtatayo nito ay walang kabuluhang nagpapagod.
Malibang ang Panginoon ang magbantay sa lunsod,
ang bantay ay nagpupuyat nang walang kabuluhan.
2 Walang kabuluhan na kayo'y bumabangon nang maaga,
at malalim na ang gabi kung magpahinga,
na kumakain ng tinapay ng mga pagpapagal;
sapagkat binibigyan niya ng tulog ang kanyang minamahal.
3 Narito, ang mga anak ay pamanang sa Panginoon nagmula,
ang bunga ng sinapupunan ay isang gantimpala.
4 Gaya ng mga palaso sa kamay ng mandirigma,
ay ang mga anak sa panahon ng pagkabata.
5 Maligaya ang lalaki na ang kanyang lalagyan ng pana
ay punô ng mga iyon!
Siya'y hindi mapapahiya,
kapag siya'y nakipag-usap sa kanyang mga kaaway sa pintuang-bayan.
Nagapi ni Saul ang mga Ammonita
11 Pagkalipas ng halos isang buwan[a] sumalakay si Nahas na Ammonita at kinubkob ang Jabes-gilead; at sinabi kay Nahas ng lahat ng lalaki sa Jabes, “Makipagkasundo ka sa amin, at kami ay maglilingkod sa iyo.”
2 Ngunit sinabi ni Nahas na Ammonita sa kanila, “Makikipagkasundo ako sa inyo kung ipadudukit ninyo sa akin ang inyong mga kanang mata upang mailagay sa kahihiyan ang buong Israel.”
3 At sinabi sa kanya ng matatanda ng Jabes, “Bigyan mo kami ng palugit na pitong araw upang kami ay makapagpadala ng mga sugo sa buong nasasakupan ng Israel. At kung wala ngang magliligtas sa amin, ibibigay namin ang aming sarili sa iyo.”
4 Nang dumating sa Gibea ang mga sugo kay Saul, ibinalita nila ang bagay na ito sa pandinig ng taong-bayan at ang buong bayan ay umiyak nang malakas.
5 Noon, si Saul ay dumarating mula sa bukid sa hulihan ng mga baka; at sinabi ni Saul, “Anong nangyayari sa taong-bayan at sila'y umiiyak?” Kaya't kanilang sinabi sa kanya ang balita ng mga lalaki mula sa Jabes.
6 At ang Espiritu ng Diyos ay makapangyarihang lumukob kay Saul nang kanyang marinig ang mga salitang iyon, at ang kanyang galit ay lubhang nag-alab.
7 Siya'y kumuha ng dalawang magkatuwang na baka at kanyang kinatay, at ipinadala niya ang mga piraso sa lahat ng nasasakupan ng Israel sa pamamagitan ng mga sugo, na sinasabi, “Sinumang hindi lumabas upang sumunod kina Saul at Samuel ay ganito rin ang gagawin sa kanyang mga baka.” At ang takot sa Panginoon ay dumating sa mga tao, at sila'y lumabas na parang iisang tao.
8 Nang kanyang tipunin sila sa Bezec, ang mga anak ni Israel ay tatlongdaang libo, at ang mga lalaki ng Juda ay tatlumpung libo.
9 At sinabi nila sa mga sugong dumating, “Ganito ang inyong sasabihin sa mga lalaki sa Jabes-gilead, ‘Bukas, sa kainitan ng araw ay magkakaroon ng kaligtasan.’” Nang dumating ang mga sugo at sabihin sa mga lalaki sa Jabes, sila ay natuwa.
10 Kaya't sinabi ng mga lalaki sa Jabes, “Bukas ay ibibigay namin ang aming sarili sa inyo at maaari ninyong gawin sa amin ang lahat ng inaakala ninyong mabuti sa inyo.”
11 Kinabukasan, inilagay ni Saul ang taong-bayan sa tatlong pangkat. Sila'y pumasok sa gitna ng kampo nang mag-umaga na, at pinatay ang mga Ammonita hanggang sa kainitan ng araw. Ang mga nalabi ay nangalat, anupa't walang dalawang naiwang magkasama.
12 At sinabi ng taong-bayan kay Samuel, “Sino ba ang nagsabi, ‘Maghahari ba si Saul sa amin?’ Dalhin dito ang mga taong iyon upang aming patayin sila.”
13 Ngunit sinabi ni Saul, “Walang taong papatayin sa araw na ito, sapagkat ngayo'y gumawa ang Panginoon ng pagliligtas sa Israel.”
14 Nang magkagayo'y sinabi ni Samuel sa taong-bayan, “Halikayo at tayo'y pumunta sa Gilgal, at doon ay ating ibabalik ang kaharian.”
15 At ang buong bayan ay pumunta sa Gilgal at doo'y ginawa nilang hari sa Gilgal si Saul sa harapan ng Panginoon. Doon ay nag-alay sila ng handog pangkapayapaan sa harapan ng Panginoon. Si Saul at ang lahat ng mga lalaki ng Israel ay labis na nagalak doon.
8 Si Saulo ay sumang-ayon sa pagpatay sa kanya.
Pinag-usig ni Saulo ang Iglesya
Nang araw na iyon, nagkaroon ng malawakang pag-uusig laban sa iglesya na nasa Jerusalem; at lahat ay nagkahiwa-hiwalay sa buong lupain ng Judea at Samaria, maliban sa mga apostol.
2 Inilibing si Esteban ng mga taong masipag sa kabanalan, at sila'y tumangis nang malakas dahil sa kanya.
3 Ngunit(A) winawasak ni Saul ang iglesya sa pamamagitan ng pagpasok sa bahay-bahay, kinakaladkad ang mga lalaki't babae, at sila'y ipinapasok sa bilangguan.
Ipinangaral sa Samaria ang Magandang Balita
4 Ang mga nagkawatak-watak ay naglakbay na ipinangangaral ang salita.
5 Si Felipe ay bumaba sa bayan ng Samaria at ipinangaral sa kanila ang Cristo.
6 Ang maraming tao ay nagkakaisang nakikinig sa mga sinabi ni Felipe nang kanilang marinig siya at nakita ang mga tanda na ginawa niya.
7 Sapagkat lumabas ang masasamang espiritu sa maraming sinapian na nagsisisigaw nang malakas; at maraming lumpo at pilay ang pinagaling.
8 At nagkaroon ng malaking kagalakan sa lunsod na iyon.
9 Ngunit may isang tao na ang pangalan ay Simon, na noong una ay gumagamit ng salamangka sa lunsod at pinahanga ang mga tao sa Samaria, ang nagsasabing siya'y isang dakila.
10 Silang lahat ay nakinig sa kanya buhat sa pinakaaba hanggang sa pinakadakila, na sinasabi, “Ang taong ito ang kapangyarihan ng Diyos na tinatawag na Dakila.”
11 Siya'y pinakinggan nila, sapagkat sa loob ng mahabang panahon ay kanyang pinahahanga sila ng kanyang mga salamangka.
12 Ngunit nang naniwala sila kay Felipe na nangangaral ng mabuting balita tungkol sa kaharian ng Diyos at sa pangalan ni Jesu-Cristo, sila ay nabautismuhan, mga lalaki at mga babae.
13 Maging si Simon mismo ay naniwala at pagkatapos mabautismuhan, nanatili siyang kasama ni Felipe. Namangha siya nang makakita ng mga tanda at ng mga dakilang himalang ginawa.
Nilibak at Hinampas si Jesus(A)
63 Nilibak at hinampas si Jesus ng mga lalaking nagbabantay sa kanya.
64 Siya'y piniringan din nila at pinagtatanong, “Hulaan mo! Sino ang humampas sa iyo?”
65 Nagsalita pa sila ng maraming mga panlalait laban sa kanya.
Si Jesus sa Harapan ng Sanhedrin(B)
66 Nang mag-umaga na, nagkatipon ang kapulungan ng matatanda sa bayan, ang mga punong pari, at gayundin ang mga eskriba. Kanilang dinala siya sa kanilang Sanhedrin, at sinabi nila,
67 “Kung ikaw ang Cristo, sabihin mo sa amin.” Subalit sinabi niya sa kanila, “Kung sasabihin ko sa inyo, hindi ninyo ako paniniwalaan;
68 at kung kayo'y aking tanungin ay hindi kayo sasagot.
69 Ngunit magmula ngayon ang Anak ng Tao ay mauupo sa kanan ng kapangyarihan ng Diyos.”
70 Sinabi nilang lahat, “Kung gayo'y ikaw ba ang Anak ng Diyos?” At sinabi niya sa kanila, “Kayo ang nagsasabi na ako nga.”
71 Sinabi nila, “Kailangan pa ba natin ng saksi? Tayo na mismo ang nakarinig mula sa kanyang bibig.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001