Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 119:1-24

ALEPH.

119 Mapalad silang sakdal ang landas,
    na sa kautusan ng Panginoon ay lumalakad!
Mapalad silang nag-iingat ng kanyang mga patotoo,
    na hinahanap siya ng buong puso,
na hindi rin gumagawa ng kasamaan,
    kundi lumalakad sa kanyang mga daan.
Iniutos mo ang iyong mga tuntunin,
    upang masikap naming sundin.
O maging matatag nawa ang pamamaraan ko
    sa pag-iingat ng mga tuntunin mo!
Kung gayo'y hindi ako mapapahiya,
    yamang itinuon ko sa lahat ng iyong mga utos ang aking mga mata.
Pupurihin kita ng may matuwid na puso,
    kapag aking natutunan ang matutuwid mong mga batas.
Aking tutuparin ang mga tuntunin mo;
    O huwag mong ganap na talikuran ako!

BETH.

Paano pananatilihing dalisay ng kabataan ang kanilang daan?
    Sa pamamagitan ng pag-iingat nito ayon sa iyong salita.
10 Hinanap kita nang buong puso ko;
    O huwag nawa akong maligaw sa mga utos mo!
11 Iningatan ko ang iyong salita sa aking puso,
    upang huwag akong magkasala laban sa iyo.
12 Purihin ka, O Panginoon;
    ituro mo sa akin ang iyong mga tuntunin!
13 Ipinahahayag ng mga labi ko
    ang lahat ng mga batas ng bibig mo.
14 Ako'y nagagalak sa daan ng iyong mga patotoo,
    gaya ng lahat ng kayamanan.
15 Ako'y magbubulay-bulay sa mga tuntunin mo,
    at igagalang ang mga daan mo.
16 Ako'y magagalak sa iyong mga tuntunin;
    hindi ko kalilimutan ang iyong salita.

GIMEL.

17 Gawan ng mabuti ang iyong lingkod,
    upang mabuhay ako, at sundin ang salita mo.
18 Buksan mo ang aking mga mata upang makita ko,
    ang kahanga-hangang mga bagay sa kautusan mo.
19 Ako'y isang dayuhan sa lupain,
    huwag mong ikubli ang mga utos mo sa akin.
20 Ang puso ko'y nadudurog sa pananabik
    sa lahat ng panahon sa mga batas mo.
21 Iyong sinasaway ang mga walang galang,
    ang mga sinumpa na lumalayo sa iyong mga utos.
22 Ang paglibak at pagkutya sa akin ay alisin mo,
    sapagkat iningatan ko ang iyong mga patotoo.
23 Bagaman ang mga pinuno ay umuupong nagsasabwatan laban sa akin;
    ang lingkod mo'y magbubulay-bulay sa iyong mga tuntunin.
24 Aking kasiyahan ang iyong mga patotoo,
    ang mga iyon ay aking mga tagapayo.

Mga Awit 12-14

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Sheminith. Awit ni David.

12 Panginoon, sapagkat wala ng sinumang banal, kami ay tulungan mo,
    sapagkat ang mga tapat ay naglaho na sa gitna ng mga anak ng mga tao.
Bawat isa ay nagsasalita ng kabulaanan sa kanyang kapwa,
    sila'y nagsasalitang may mapanuyang mga labi at may pusong mandaraya.
Nawa'y putulin ng Panginoon ang lahat ng mapanuyang mga labi,
    ang dila na gumagawa ng malaking pagmamalaki,
ang mga nagsasabi, “Sa pamamagitan ng aming dila ay magtatagumpay kami,
    ang aming mga labi ay nasa amin; sino ang panginoon namin?”
“Sapagkat ang dukha ay inagawan, sapagkat dumaraing ang nangangailangan,
    titindig na ako ngayon,” sabi ng Panginoon;
    “Ilalagay ko siya sa kaligtasang kanyang minimithi.”
Ang mga salita ng Panginoon ay mga dalisay na salita,
    gaya ng pilak na sinubok sa hurno sa lupa,
    na pitong ulit na dinalisay.

O Panginoon, sila ay iyong iingatan,
    iingatan mo sila mula sa salinlahing ito magpakailanman.
Gumagala ang masasama sa bawat dako,
    kapag ang kasamaan ay naitataas sa gitna ng mga anak ng mga tao.

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.

13 O Panginoon, hanggang kailan? Kalilimutan mo ba ako magpakailanman?
    Hanggang kailan mo ikukubli ang iyong mukha sa akin?
Hanggang kailan ako kukuha ng payo sa aking kaluluwa,
    at magkaroon ng kalungkutan sa aking puso buong araw?
Hanggang kailan magtatagumpay ang aking kaaway laban sa akin?

O Panginoon kong Diyos, bigyang-pansin at sagutin mo ako,
    ang aking mga mata'y paliwanagin mo, baka sa kamatayan matulog ako;
baka sabihin ng aking kaaway, “Laban sa kanya, ako'y nagtagumpay;”
    sapagkat ako'y nayayanig; baka magalak ang aking kaaway.
Ngunit ako'y nagtiwala sa tapat mong paglingap,
    sa iyong pagliligtas, puso ko'y magagalak.
Ako'y aawit sa Panginoon,
    sapagkat ako'y pinakitunguhan niya na may kasaganaan.

Sa Punong Mang-aawit. Mula kay David.

14 Sinasabi(A) ng hangal sa kanyang puso, “Walang Diyos.”
    Sila'y masasama, sila'y gumagawa ng kasuklamsuklam na mga gawa;
    walang gumagawa ng mabuti.

Ang Panginoon ay nakadungaw mula sa langit sa mga anak ng mga tao,
    upang tingnan kung may sinumang kumikilos na may talino,
    na hinahanap ang Diyos.

Silang lahat ay naligaw, sila ay pare-parehong naging masasama;
    walang sinumang gumagawa ng mabuti,
    wala kahit isa.

Hindi ba alam ng lahat ng gumagawa ng kasamaan,
    na siyang kumakain sa aking bayan gaya ng kanilang pagkain ng tinapay,
    at hindi tumatawag sa Panginoon?

Sa malaking pagkasindak sila'y malalagay,
    sapagkat ang Diyos ay kasama ng salinlahi ng mga banal.
Ang panukala ng dukha sa kahihiyan ay ilalagay mo,
    ngunit ang Panginoon ang kanyang saklolo.
Ang pagliligtas para sa Israel ay manggaling nawa mula sa Zion!
    Kapag ang kayamanan ng kanyang bayan ay ibinalik ng Panginoon,
    magagalak si Jacob, at matutuwa ang Israel.

1 Samuel 16:1-13

Si David ay Hinirang Bilang Hari

16 Sinabi ng Panginoon kay Samuel, “Hanggang kailan mo iiyakan si Saul gayong itinakuwil ko na siya sa pagiging hari sa Israel? Punuin mo ng langis ang iyong sungay at humayo ka. Isusugo kita kay Jesse na taga-Bethlehem sapagkat ako'y naglaan para sa aking sarili ng isang hari mula sa kanyang mga anak na lalaki.”

Sinabi ni Samuel, “Paano ako makakapunta? Kapag iyon ay nabalitaan ni Saul, papatayin niya ako.” At sinabi ng Panginoon, “Magdala ka ng isang dumalagang baka at iyong sabihin, ‘Ako'y naparito upang maghandog sa Panginoon.’

At anyayahan mo si Jesse sa paghahandog at aking ituturo sa iyo kung ano ang iyong gagawin. Bubuhusan mo ng langis para sa akin ang sa iyo'y aking sasabihin.”

Ginawa ni Samuel ang iniutos ng Panginoon at nagtungo sa Bethlehem. Ang matatanda sa bayan ay dumating upang salubungin siya na nagsisipanginig, at nagsabi, “Dumating ka bang may kapayapaan?”

At kanyang sinabi, “May kapayapaan; ako'y naparito upang maghandog sa Panginoon. Italaga ninyo ang inyong mga sarili at sumama kayo sa akin sa paghahandog.” At itinalaga niya si Jesse at ang kanyang mga anak at inanyayahan sila sa paghahandog.

Nang sila'y dumating, siya'y tumingin kay Eliab, at sinabi sa sarili, “Tunay na ang hinirang[a] ng Panginoon ay nasa harap niya.”

Ngunit sinabi ng Panginoon kay Samuel, “Huwag mong tingnan ang kanyang mukha, o ang taas ng kanyang tindig sapagkat itinakuwil ko siya. Sapagkat hindi tumitingin ang Panginoon na gaya ng pagtingin ng tao. Ang tao ay tumitingin sa panlabas na anyo, ngunit ang Panginoon ay tumitingin sa puso.”

Pagkatapos ay tinawag ni Jesse si Abinadab, at pinaraan niya sa harapan ni Samuel. At kanyang sinabi, “Kahit ito ay hindi pinili ng Panginoon.”

At pinaraan ni Jesse si Shammah. At kanyang sinabi, “Kahit ito ay hindi pinili ng Panginoon.”

10 Pinaraan ni Jesse ang pito sa kanyang mga anak sa harapan ni Samuel. At sinabi ni Samuel kay Jesse, “Hindi pinili ng Panginoon ang mga ito.”

11 Sinabi ni Samuel kay Jesse, “Narito bang lahat ang iyong mga anak?” At kanyang sinabi, “Natitira pa ang bunso, ngunit siya'y nag-aalaga ng mga tupa.” At sinabi ni Samuel kay Jesse, “Ipasundo mo siya, sapagkat hindi tayo uupo hanggang sa siya'y dumating dito.”

12 Siya'y nagpasugo at sinundo siya roon. Siya ay may mapupulang pisngi, magagandang mata at makisig. At sinabi ng Panginoon, “Tumindig ka, buhusan mo siya ng langis sapagkat siya na nga.”

13 Kaya't kinuha ni Samuel ang sungay ng langis at binuhusan siya sa gitna ng kanyang mga kapatid. At ang Espiritu ng Panginoon ay dumating na may kapangyarihan kay David mula sa araw na iyon. At tumindig si Samuel at pumunta sa Rama.

Mga Gawa 10:1-16

Si Pedro at si Cornelio

10 Sa Cesarea ay may isang lalaki na ang pangalan ay Cornelio, isang senturion ng tinatawag na pulutong Italiano;

isang taong masipag sa kabanalan at may takot sa Diyos kasama ang kanyang buong sambahayan, naglilimos ng marami sa mga tao, at laging nananalangin sa Diyos.

Minsan, nang may oras na ikasiyam ng araw,[a] nakita niyang maliwanag sa isang pangitain ang isang anghel ng Diyos na dumarating at sinasabi sa kanya, “Cornelio.”

Siya'y tumitig sa kanya na may pagkatakot, at nagsabi, “Ano iyon, Panginoon?” Sinabi sa kanya, “Ang mga panalangin mo at ang iyong mga limos ay umakyat bilang alaala sa harapan ng Diyos.

Ngayo'y magsugo ka ng mga tao sa Joppa, at ipatawag mo ang isang Simon na tinatawag na Pedro.

Siya'y nanunuluyan kay Simon, isang tagapagluto ng balat, na ang bahay ay nasa tabi ng dagat.”

Nang umalis na ang anghel na kumausap sa kanya, tinawag niya ang dalawa sa kanyang mga alila at ang isang tapat na kawal mula sa mga naglilingkod sa kanya.

Pagkatapos maisalaysay ang lahat ng mga bagay sa kanila, sila'y isinugo niya sa Joppa.

Nang sumunod na araw, nang may oras na ikaanim,[b] samantalang sila'y naglalakbay at malapit na sa lunsod, si Pedro ay umakyat sa itaas ng bahay upang manalangin.

10 Siya'y nagutom at nagnais kumain; subalit samantalang inihahanda nila ito, nawalan siya ng malay

11 at nakita niyang bumukas ang langit, at may isang bagay na bumababa, tulad ng isang malapad na kumot na ibinababa sa lupa na nakabitin sa apat na sulok.

12 Naroroon ang lahat ng uri ng mga hayop na may apat na paa at ang mga gumagapang sa lupa at ang mga ibon sa himpapawid.

13 Dumating sa kanya ang isang tinig, “Tumindig ka, Pedro; magkatay ka at kumain.”

14 Subalit sinabi ni Pedro, “Hindi maaari, Panginoon; sapagkat kailanma'y hindi ako kumain ng anumang bagay na marumi at karumaldumal.”

15 Muling dumating sa kanya ang tinig sa ikalawang pagkakataon, “Ang nilinis ng Diyos ay huwag mong ituring na marumi.”

16 Ito'y nangyari ng tatlong ulit, at ang bagay ay agad binatak pataas sa langit.

Lucas 24:12-35

[12 Subalit tumayo si Pedro at tumakbo sa libingan. Siya'y yumukod at pagtingin niya sa loob ay nakita niya ang mga telang lino na nasa isang tabi. Umuwi siya sa kanyang bahay na nagtataka sa nangyari.]

Ang Paglalakad Patungong Emaus(A)

13 Nang araw ding iyon, dalawa sa kanila ang patungo sa isang nayong tinatawag na Emaus, na may animnapung estadia[a] ang layo sa Jerusalem,

14 at pinag-uusapan nila ang tungkol sa lahat ng mga bagay na ito na nangyari.

15 Samantalang sila'y nag-uusap at nagtatanungan, si Jesus mismo ay lumapit at naglakbay na kasama nila.

16 Subalit ang kanilang mga mata ay hindi pinahihintulutan na makilala siya.

17 At sinabi niya sa kanila, “Ano ba ang inyong pinag-uusapan sa inyong paglalakad?” At sila'y tumigil na nalulungkot.

18 Isa sa kanila, na ang pangalan ay Cleopas, ang sumagot sa kanya, “Ikaw lang ba ang tanging dayuhan sa Jerusalem na hindi nakakaalam ng mga bagay na nangyari sa mga araw na ito?”

19 Sinabi niya sa kanila, “Anong mga bagay?” At sinabi nila sa kanya, “Tungkol kay Jesus na taga-Nazaret, na isang propetang makapangyarihan sa gawa at sa salita sa harap ng Diyos at ng buong sambayanan,

20 at kung paanong siya ay ibinigay ng mga punong pari at ng mga pinuno upang hatulan ng kamatayan, at siya'y ipinako sa krus.

21 Subalit umasa kami na siya ang tutubos sa Israel.[b] Oo, at bukod sa lahat ng mga ito, ngayon ang ikatlong araw buhat nang mangyari ang mga bagay na ito.

22 Bukod dito, binigla kami ng ilan sa mga babaing kasamahan namin. Sila ay maagang pumunta sa libingan,

23 at nang hindi nila matagpuan ang kanyang bangkay, sila ay bumalik. Sinabi nilang sila ay nakakita ng isang pangitain ng mga anghel na nagsabing siya'y buháy.

24 Pumaroon sa libingan ang ilang kasama namin at nakita nila ang ayon sa sinabi ng mga babae, subalit siya'y hindi nila nakita.”

25 At sinabi niya sa kanila, “O napakahangal naman ninyo at napakakupad ang mga puso sa pagsampalataya sa lahat ng ipinahayag ng mga propeta!

26 Hindi ba kailangang ang Cristo ay magdusa ng mga bagay na ito at pagkatapos ay pumasok sa kanyang kaluwalhatian?”

27 At magmula kay Moises at sa mga propeta ay ipinaliwanag niya sa kanila ang mga bagay tungkol sa kanya sa lahat ng mga kasulatan.

28 Nang sila'y malapit na sa nayong kanilang paroroonan, nauna siya na parang magpapatuloy pa.

29 Subalit kanilang pinigil siya at sinabi, “Tumuloy ka sa amin, sapagkat gumagabi na, at lumulubog na ang araw.” At pumasok siya upang tumuloy sa kanila.

30 Habang siya'y nakaupong kasalo nila sa hapag, kanyang dinampot ang tinapay at binasbasan. Ito'y kanyang pinagputul-putol at ibinigay sa kanila.

31 Nabuksan ang kanilang mga mata, siya'y nakilala nila, at siya'y nawala sa kanilang mga paningin.

32 Sinabi nila sa isa't isa, “Hindi ba nag-aalab ang ating puso sa loob natin,[c] habang tayo'y kinakausap niya sa daan, samantalang binubuksan niya sa atin ang mga kasulatan?”

33 Sa oras ding iyon ay tumayo sila at bumalik sa Jerusalem at naratnang nagkakatipon ang labing-isa at ang kanilang mga kasama.

34 Sinasabi nila, “Talagang bumangon ang Panginoon at nagpakita kay Simon!”

35 At isinalaysay nila ang mga bagay na nangyari sa daan at kung paanong siya'y nakilala nila nang pagputul-putulin niya ang tinapay.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001