Book of Common Prayer
Awit ng Pag-akyat. Mula kay David.
131 Panginoon, hindi hambog ang aking puso,
ni mayabang man ang mata ko;
ni nagpapaka-abala sa mga bagay na lubhang napakadakila,
o sa mga bagay na para sa akin ay lubhang kamangha-mangha.
2 Tunay na aking pinayapa at pinatahimik ang aking kaluluwa;
gaya ng batang inihiwalay sa dibdib ng kanyang ina,
gaya ng batang inihiwalay ang aking kaluluwa sa loob ko.
3 O Israel, umasa ka sa Panginoon
mula ngayon at sa walang hanggang panahon.
Awit ng Pag-akyat.
132 Panginoon, alalahanin mo para kay David
ang lahat ng kanyang kahirapan,
2 kung paanong sumumpa siya sa Panginoon,
at nangako sa Makapangyarihan ni Jacob,
3 “Hindi ako papasok sa aking bahay,
ni hihiga sa aking higaan,
4 Mga mata ko'y hindi ko patutulugin,
ni mga talukap ng mata ko'y paiidlipin,
5 hanggang sa ako'y makatagpo ng lugar para sa Panginoon,
isang tirahang pook para sa Makapangyarihang Diyos ni Jacob.”
6 Narinig(A) namin ito sa Efrata,
natagpuan namin ito sa mga parang ng Jaar.
7 “Tayo na sa kanyang lugar na tirahan;
sumamba tayo sa kanyang paanan!”
8 Bumangon ka, O Panginoon, at pumunta ka sa iyong dakong pahingahan,
ikaw at ang kaban ng iyong kalakasan.
9 Ang iyong mga pari ay magsipagbihis ng katuwiran,
at sumigaw sa kagalakan ang iyong mga banal.
10 Alang-alang kay David na iyong lingkod,
mukha ng iyong binuhusan ng langis ay huwag mong italikod.
11 Ang(B) Panginoon ay sumumpa kay David ng isang katotohanan
na hindi niya tatalikuran:
“Ang bunga ng iyong katawan
ay aking ilalagay sa iyong luklukan.
12 Kung iingatan ng iyong mga anak ang aking tipan
at ang aking patotoo na aking ituturo sa kanila,
magsisiupo rin ang mga anak nila sa iyong trono magpakailanman.”
13 Sapagkat pinili ng Panginoon ang Zion;
kanya itong ninasa para sa kanyang tirahan.
14 “Ito'y aking pahingahang dako magpakailanman;
sapagkat ito'y aking ninasa, dito ako tatahan.
15 Ang kanyang pagkain ay pagpapalain ko ng sagana;
aking bubusugin ng tinapay ang kanyang dukha.
16 Ang kanyang mga pari ay daramtan ko ng kaligtasan,
at ang kanyang mga banal ay sisigaw ng malakas sa kagalakan.
17 Doo'y(C) magpapasibol ako ng sungay para kay David,
aking ipinaghanda ng ilawan ang aking binuhusan ng langis.
18 Ang kanyang mga kaaway ay daramtan ko ng kahihiyan,
ngunit ang kanyang korona ay magbibigay ng kaningningan.”
Awit ng Pag-akyat.
133 Narito, napakabuti at napakaligaya
kapag ang magkakapatid ay sama-samang namumuhay na nagkakaisa!
2 Ito'y gaya ng mahalagang langis sa ulo,
na tumutulo sa balbas,
sa balbas ni Aaron,
tumutulo sa laylayan ng kanyang damit!
3 Ito ay gaya ng hamog sa Hermon,
na pumapatak sa mga bundok ng Zion!
Sapagkat doon iniutos ng Panginoon ang pagpapala,
ang buhay magpakailanman.
Awit ng Pag-akyat.
134 Halikayo, purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na lingkod ng Panginoon,
na nakatayo sa gabi sa bahay ng Panginoon!
2 Itaas ninyo ang inyong mga kamay sa dakong banal,
at ang Panginoon ay papurihan!
3 Pagpalain ka nawa ng Panginoon mula sa Zion;
siyang gumawa ng langit at lupa!
135 Purihin ang Panginoon!
Purihin ang pangalan ng Panginoon,
magpuri kayo, mga lingkod ng Panginoon,
2 kayong nagsisitayo sa bahay ng Panginoon,
sa mga bulwagan ng bahay ng ating Diyos!
3 Purihin ang Panginoon, sapagkat ang Panginoon ay mabuti;
umawit sa kanyang pangalan, sapagkat ito'y kaibig-ibig.
4 Sapagkat pinili ng Panginoon si Jacob para sa kanyang sarili,
ang Israel bilang kanyang sariling pag-aari.
5 Sapagkat nalalaman ko na ang Panginoon ay dakila,
at ang ating Panginoon ay higit sa lahat ng mga diyos.
6 Ginagawa ng Panginoon anumang kanyang kinalulugdan,
sa langit at sa lupa,
sa mga dagat, at sa lahat ng mga kalaliman.
7 Siya ang nagpapataas ng mga ulap sa mga dulo ng daigdig,
na gumagawa ng mga kidlat para sa ulan
at inilalabas ang hangin mula sa kanyang mga kamalig.
8 Siya ang pumatay sa mga panganay sa Ehipto,
sa hayop at sa tao;
9 siya, O Ehipto, sa iyong kalagitnaan,
ay nagsugo ng mga tanda at mga kababalaghan
laban kay Faraon, at sa lahat niyang mga lingkod;
10 na siyang sa maraming bansa ay gumapi,
at pumatay sa mga makapangyarihang hari,
11 kay Sihon na hari ng mga Amorita,
at kay Og na hari sa Basan,
at sa lahat ng mga kaharian ng Canaan,
12 at ibinigay bilang pamana ang kanilang lupain,
isang pamana sa kanyang bayang Israel.
13 Ang iyong pangalan, O Panginoon, ay magpakailanman,
ang iyong alaala, O Panginoon, ay sa lahat ng salinlahi.
14 Sapagkat hahatulan ng Panginoon ang kanyang bayan,
at mga lingkod niya'y kanyang kahahabagan.
15 Ang(D) mga diyus-diyosan ng mga bansa ay pilak at ginto,
na gawa ng mga kamay ng mga tao.
16 Sila'y may mga bibig, ngunit hindi sila nagsasalita;
mayroon silang mga mata, ngunit hindi sila nakakakita;
17 sila'y may mga tainga, ngunit hindi sila nakakarinig;
ni mayroon mang hininga sa kanilang mga bibig.
18 Maging kagaya sila
ng mga gumawa sa kanila—
oo, ang bawat nagtitiwala sa kanila!
19 O sambahayan ni Israel, purihin ninyo ang Panginoon!
O sambahayan ni Aaron, purihin ninyo ang Panginoon!
20 O sambahayan ni Levi, purihin ninyo ang Panginoon!
Kayong natatakot sa Panginoon, purihin ninyo ang Panginoon!
21 Purihin ang Panginoon mula sa Zion,
siya na tumatahan sa Jerusalem.
Purihin ang Panginoon!
Si Saul sa Gilgal
5 Ang mga Filisteo ay nagtipun-tipon upang lumaban sa Israel, tatlumpung libong karwahe at anim na libong mangangabayo, at ang hukbo ay gaya ng buhangin sa baybayin ng dagat sa dami; at sila'y umahon at humimpil sa Mikmas sa silangan ng Bet-haven.
6 Nang makita ng mga kalalakihan ng Israel na sila'y nasa kagipitan, (sapagkat ang taong-bayan ay naiipit) ang taong-bayan ay nagkubli sa mga yungib, mga lungga, batuhan, mga libingan, at sa mga balon.
7 Ang iba sa mga Hebreo ay tumawid sa Jordan patungo sa lupain ng Gad at ng Gilead; ngunit si Saul ay nasa Gilgal at ang buong bayan ay sumunod sa kanya na nanginginig.
8 Siya'y(A) naghintay ng pitong araw ayon sa panahong itinakda ni Samuel; ngunit si Samuel ay hindi dumating sa Gilgal; at ang taong-bayan ay nagsimulang humiwalay kay Saul.[a]
9 Kaya't sinabi ni Saul, “Dalhin dito sa akin ang handog na susunugin, at ang handog pangkapayapaan.” At kanyang inialay ang handog na sinusunog.
10 Pagkatapos niyang maialay ang handog na sinusunog, si Samuel ay dumating. Lumabas si Saul upang salubungin siya at batiin.
Maling Paghahandog ni Saul
11 Sinabi ni Samuel, “Anong ginawa mo?” At sinabi ni Saul, “Nang aking makita na ang taong-bayan ay humihiwalay sa akin, at hindi ka dumating sa loob ng mga takdang araw, at ang mga Filisteo ay nagkatipon sa Mikmas;
12 ay aking sinabi, ‘Ngayo'y lulusungin ako ng mga Filisteo sa Gilgal, at hindi ko pa nahihingi ang biyaya ng Panginoon;’ kaya't pinilit ko ang aking sarili at inialay ko ang handog na sinusunog.”
13 Sinabi ni Samuel kay Saul, “Kahangalan ang ginagawa mo. Hindi mo tinupad ang utos ng Panginoon mong Diyos na iniutos niya sa iyo. Ngayo'y itinatag sana ng Panginoon ang iyong kaharian sa Israel magpakailanman.
14 Ngunit(B) ngayon ay hindi na magpapatuloy ang iyong kaharian. Ang Panginoon ay humanap na ng isang lalaking ayon sa kanyang sariling puso, at itinalaga siya ng Panginoon upang maging pinuno sa kanyang bayan, sapagkat hindi mo tinupad ang iniutos ng Panginoon sa iyo.”
15 Tumindig si Samuel at umahon mula sa Gilgal patungo sa Gibea ng Benjamin. Binilang ni Saul ang mga taong kasama niya, may animnaraang lalaki.
16 Si Saul, si Jonathan na kanyang anak, at ang mga taong kasama nila ay tumigil sa Geba ng Benjamin; ngunit ang mga Filisteo ay humimpil sa Mikmas.
17 At ang mga mananalakay ay lumabas na tatlong pangkat sa kampo ng mga Filisteo. Ang isang pangkat ay lumiko sa daang patungo sa Ofra, na patungo sa lupain ng Sual.
18 Ang isa pang pangkat ay lumiko sa daang patungo sa Bet-horon, at ang isang pangkat ay lumiko sa hangganan na palusong sa libis ng Zeboim patungo sa ilang.
Si Felipe at ang Pinunong Taga-Etiopia
26 Pagkatapos ay sinabi ng isang anghel ng Panginoon kay Felipe, “Tumindig ka at pumunta patungong timog, sa daang pababa mula sa Jerusalem patungong Gaza.” Ito'y isang ilang na daan.
27 At tumindig nga siya at umalis. May isang lalaking taga-Etiopia, isang eunuko at tagapamahala ni Candace na reyna ng mga taga-Etiopia. Siya ang namamahala ng buong kayamanan ng reyna. Ang eunuko[a] ay nagpunta sa Jerusalem upang sumamba.
28 Siya'y pabalik na at nakaupo sa kanyang karwahe, binabasa niya ang propeta Isaias.
29 Sinabi ng Espiritu kay Felipe, “Lumapit ka at makisakay sa karwaheng ito.”
30 Kaya't tumakbo si Felipe doon, at kanyang narinig na binabasa niya si Isaias na propeta, at sinabi niya, “Nauunawaan mo ba ang binabasa mo?”
31 Sumagot naman ito, “Paano nga ba, malibang may tumulong sa akin?” At kanyang inanyayahan si Felipe na umakyat at maupong kasama niya.
32 Ang(A) bahagi ng kasulatan na binabasa niya ay ito:
“Tulad ng tupa na dinala sa katayan;
at sa isang kordero na hindi umiimik sa harap ng kanyang manggugupit,
gayundin hindi niya ibinubuka ang kanyang bibig.
33 Sa kanyang pagpapakababa ay ipinagkait sa kanya ang katarungan.
Sino ang makapaglalarawan sa kanyang lahi?
Sapagkat inalis sa lupa ang kanyang buhay.”
34 Sinabi ng eunuko kay Felipe, “Ipinapakiusap ko, tungkol kanino sinasabi ito ng propeta, sa kanya bang sarili, o sa iba?”
35 Nagpasimulang magsalita si Felipe,[b] at simula sa kasulatang ito ay ipinangaral niya sa kanya ang magandang balita ni Jesus.
36 Sa kanilang pagpapatuloy sa daan, nakarating sila sa may tubig, at sinabi ng eunuko, “Tingnan mo, narito ang tubig! Ano ang nakakahadlang upang akoy mabautismuhan?”
[37 At sinabi ni Felipe: Kung nananampalataya ka ng buong puso ay mangyayari. Sumagot siya at sinabi: Sumasampalataya ako na si Jesu-Cristo ay Anak ng Diyos.]
38 Iniutos niyang itigil ang karwahe at lumusong si Felipe at ang eunuko sa tubig. At binautismuhan siya ni Felipe.[c]
39 Nang umahon sila sa tubig, inagaw ng Espiritu ng Panginoon si Felipe; at hindi na siya nakita ng eunuko at nagagalak na nagpatuloy siya sa kanyang lakad.
40 Ngunit natagpuan si Felipe sa Azotus. Sa pagdaraan ay ipinangaral niya ang ebanghelyo sa lahat ng mga bayan hanggang sa makarating siya sa Cesarea.
Si Jesus ay Hinatulang Mamatay(A)
13 Tinipon ni Pilato ang mga punong pari, ang mga pinuno at ang mga taong-bayan,
14 at sinabi sa kanila, “Dinala ninyo sa akin ang taong ito na gaya ng isang nag-uudyok na maghimagsik ang bayan. At narito, nang aking siyasatin siya sa harapan ninyo, hindi ko nakitang nagkasala ang taong ito ng alinman sa mga bagay na ibinibintang ninyo laban sa kanya.
15 Maging si Herodes man, sapagkat kanyang ibinalik siya sa atin at tingnan ninyo, wala siyang ginawang anumang nararapat sa kamatayan.
16 Kaya't siya'y aking ipapahagupit at palalayain.”[a]
18 Subalit silang lahat ay sama-samang sumigaw, “Alisin ang taong ito, palayain si Barabas para sa amin.”
19 Ito'y isang taong nabilanggo dahil sa isang paghihimagsik na nangyari sa lunsod, at dahil sa pagpatay ng tao.
20 Si Pilato'y muling nagsalita sa kanila sa kagustuhang palayain si Jesus.
21 Subalit sila'y nagsigawan, “Ipako sa krus, ipako siya sa krus.”
22 Sa ikatlong pagkakataon ay kanyang sinabi sa kanila, “Bakit, anong kasamaan ang ginawa ng taong ito? Wala akong nakitang anumang batayan para sa parusang kamatayan. Kaya't siya'y aking ipapahagupit at saka palalayain.”
23 Subalit pinipilit nilang hingin na ipinagsisigawan na siya'y ipako sa krus. At nanaig ang kanilang mga tinig.
24 At ipinasiya ni Pilato na ipagkaloob ang kanilang hinihingi.
25 Pinalaya niya ang taong kanilang hinihiling, ang taong ibinilanggo dahil sa paghihimagsik at sa pagpatay, subalit kanyang ibinigay si Jesus gaya ng nais nila.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001