Book of Common Prayer
146 Purihin ang Panginoon!
Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko!
2 Pupurihin ko ang Panginoon habang ako'y nabubuhay,
ako'y aawit ng mga papuri sa aking Diyos, habang ako'y may buhay.
3 Huwag kayong magtiwala sa mga pinuno,
o sa anak man ng tao na walang kaligtasan.
4 Ang kanyang espiritu ay humiwalay, siya'y bumabalik sa kanyang lupa;
sa araw ding iyon ay naglalaho ang kanyang mga panukala.
5 Maligaya siya na ang saklolo ay ang Diyos ni Jacob,
na ang pag-asa ay nasa Panginoon niyang Diyos,
6 na(A) gumawa ng langit at lupa,
ng dagat, at ng lahat ng naroroon;
na nag-iingat ng katotohanan magpakailanman;
7 na naglalapat ng katarungan sa naaapi;
na nagbibigay ng pagkain sa nagugutom.
Pinalalaya ng Panginoon ang mga bilanggo;
8 binubuksan ng Panginoon ang mga mata ng bulag.
Ibinabangon ng Panginoon ang mga nabubuwal.
Iniibig ng Panginoon ang matuwid.
9 Iniingatan ng Panginoon ang mga banyaga;
kanyang inaalalayan ang babaing balo at ang ulila,
ngunit ang lakad ng masama ay inililihis niya.
10 Magpakailanman ang Panginoon ay maghahari,
ang iyong Diyos, O Zion, sa lahat ng salinlahi.
Purihin ang Panginoon!
147 Purihin ang Panginoon!
Sapagkat mabuting umawit ng mga papuri sa ating Diyos;
sapagkat siya'y mapagpala at ang awit ng papuri ay naaangkop.
2 Itinatayo ng Panginoon ang Jerusalem;
kanyang tinitipon ang mga itinapon mula sa Israel.
3 Kanyang pinagagaling ang mga may pusong wasak,
at tinatalian ang kanilang mga sugat.
4 Ang bilang ng mga bituin ay kanyang binibilang,
ibinibigay niya sa kanilang lahat ang mga pangalan nila.
5 Dakila ang ating Panginoon, at sa kapangyarihan ay sagana,
hindi masukat ang kanyang unawa.
6 Inaalalayan ng Panginoon ang nahihirapan,
kanyang inilulugmok sa lupa ang masama.
7 Umawit kayo ng may pagpapasalamat sa Panginoon;
umawit kayo sa lira ng mga papuri sa ating Diyos!
8 Tinatakpan niya ng mga ulap ang mga kalangitan,
naghahanda siya para sa lupa ng ulan,
nagpapatubo siya ng damo sa kabundukan.
9 Siya'y nagbibigay sa hayop ng kanilang pagkain,
at sa mga inakay na uwak na nagsisidaing.
10 Ang kanyang kaluguran ay wala sa lakas ng kabayo,
ni ang kanyang kasiyahan sa mga binti ng tao,
11 ngunit ang Panginoon ay nalulugod sa mga natatakot sa kanya,
sa kanyang tapat na pag-ibig ay umaasa.
12 Purihin mo, O Jerusalem, ang Panginoon!
Purihin mo ang iyong Diyos, O Zion!
13 Sapagkat kanyang pinapatibay ang mga rehas ng iyong mga tarangkahan,
pinagpapala niya ang mga anak mo sa loob mo.
14 Siya'y gumagawa ng kapayapaan sa iyong mga hangganan;
binubusog ka niya ng trigong pinakamainam.
15 Kanyang sinusugo ang kanyang utos sa lupa;
mabilis na tumatakbo ang kanyang salita.
16 Siya'y nagbibigay ng niyebe na parang balahibo ng tupa;
siya'y nagkakalat ng patak ng yelo na abo ang kagaya.
17 Inihahagis niya ang kanyang yelo na parang tinapay na putol-putol,
sinong makakatagal sa harap ng lamig niyon?
18 Kanyang sinusugo ang kanyang salita, at tinutunaw ang mga iyon;
kanyang pinahihihip ang kanyang hangin, at ang tubig ay dumadaloy.
19 Kanyang ipinahayag ang kanyang salita sa Jacob,
ang kanyang mga tuntunin at mga batas sa Israel.
20 Hindi niya ito ginawa sa alinmang bansa,
at tungkol sa kanyang mga batas hindi nila ito nalalaman.
Purihin ninyo ang Panginoon!
111 Purihin ninyo ang Panginoon!
Ako'y magpapasalamat sa Panginoon ng aking buong puso,
sa kapulungan ng matuwid at sa kapisanan.
2 Dakila ang mga gawa ng Panginoon,
na pinag-aralan ng lahat na nalulugod sa mga iyon.
3 Ang kanyang gawa ay puno ng karangalan at kamahalan,
at ang kanyang katuwiran ay nananatili magpakailanman.
4 Ginawa niyang maalala ang kanyang kahanga-hangang mga gawa,
ang Panginoon ay mahabagin at mapagbiyaya.
5 Siya'y naglalaan ng pagkain sa mga natatakot sa kanya,
lagi niyang aalalahanin ang tipan niya.
6 Ipinaalam niya sa kanyang bayan ang kapangyarihan ng kanyang mga gawa,
sa pagbibigay niya sa kanila ng mana ng mga bansa.
7 Ang mga gawa ng kanyang mga kamay ay matuwid at makatarungan;
ang lahat niyang mga tuntunin ay mapagkakatiwalaan,
8 ang mga iyon ay itinatag magpakailanpaman,
ang mga iyon ay ginagawa sa katapatan at katuwiran.
9 Siya'y nagsugo ng katubusan sa kanyang bayan;
kanyang iniutos ang kanyang tipan magpakailanman.
Banal at kagalang-galang ang kanyang pangalan.
10 Ang(A) pagkatakot sa Panginoon ay pasimula ng karunungan;
ang lahat na nagsisigawa nito ay may mabuting kaunawaan.
Ang kanyang kapurihan ay mananatili magpakailanman!
Ang Kaligayahan ng Isang Mabuting Tao
112 Purihin ang Panginoon!
Mapalad ang tao na natatakot sa Panginoon,
na lubos na nagagalak sa kanyang mga utos!
2 Ang kanyang mga binhi ay magiging makapangyarihan sa lupa;
ang salinlahi ng matuwid ay magiging mapalad.
3 Nasa kanyang bahay ang mga kayamanan at kariwasaan;
at ang kanyang katuwiran ay nananatili magpakailanman.
4 Ang liwanag ay bumabangon sa kadiliman para sa matuwid,
ang Panginoon ay mapagbiyaya at mahabagin at matuwid.
5 Ito ay mabuti sa taong mapagbigay at nagpapahiram,
pananatilihin niya ang kanyang layunin sa katarungan.
6 Sapagkat siya'y hindi makikilos magpakailanman;
ang matuwid ay maaalala magpakailanman.
7 Siya'y hindi matatakot sa masasamang balita;
ang kanyang puso ay matatag, na sa Panginoon ay nagtitiwala.
8 Ang kanyang puso ay matatag, hindi siya matatakot,
hanggang ang nais niya sa kanyang mga kaaway ay makita niya.
9 Siya'y(B) nagpamudmod, siya ay nagbigay sa dukha;
ang kanyang katuwiran ay nananatili magpakailanman;
ang kanyang sungay ay mataas sa karangalan.
10 Makikita ito ng masama at magagalit;
pagngangalitin niya ang kanyang mga ngipin at matutunaw
ang nasa ng masama ay mapapahamak.
Bilang Pagpupuri sa Kabutihan ng Panginoon
113 Purihin ang Panginoon!
Purihin ninyo, O mga lingkod ng Panginoon,
purihin ang pangalan ng Panginoon!
2 Purihin ang pangalan ng Panginoon
mula sa panahong ito at magpakailanman.
3 Mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito,
ang pangalan ng Panginoon ay dapat purihin!
4 Ang Panginoon ay higit na mataas sa lahat ng mga bansa,
at ang kanyang kaluwalhatian sa itaas ng kalangitan.
5 Sino ang gaya ng Panginoon nating Diyos,
na nakaupo sa itaas,
6 na nagpapakababang tumitingin
sa kalangitan at sa lupa?
7 Ibinabangon niya ang dukha mula sa alabok,
at itinataas ang nangangailangan mula sa bunton ng abo,
8 upang kasama ng mga pinuno ay paupuin sila,
mga pinuno ng kanyang bayan ang kanilang kasama.
9 Ginagawa niyang manatili sa bahay ang baog na babae,
isang masayang ina ng mga anak.
Purihin ang Panginoon!
36 Sinabi ni Saul, “Ating lusungin ang mga Filisteo sa gabi at atin silang samsaman hanggang sa pagliliwanag sa umaga, at huwag tayong magtira ng isang tao sa kanila.” At kanilang sinabi, “Gawin mo ang inaakala mong mabuti sa iyo.” Subalit sinabi ng pari, “Tayo'y lumapit dito sa Diyos.”
37 At si Saul ay sumangguni sa Diyos, “Lulusungin ko ba ang mga Filisteo? Ibibigay mo ba sila sa kamay ng Israel?” Ngunit hindi siya sinagot nang araw na iyon.
38 Sinabi ni Saul, “Lumapit kayo rito, kayong lahat na puno ng taong-bayan. Alamin natin kung paano bumangon ang kasalanang ito sa araw na ito.
39 Sapagkat kung paanong buháy ang Panginoon na nagliligtas sa Israel, kahit na ito ay si Jonathan na aking anak, siya ay tiyak na mamamatay.” Ngunit walang sinumang tao sa buong bayan na sumagot sa kanya.
40 Nang magkagayo'y sinabi niya sa buong Israel, “Lumagay kayo sa isang dako, at ako at si Jonathan na aking anak ay lalagay sa kabilang dako.” At sinabi ng taong-bayan kay Saul, “Gawin mo ang inaakala mong mabuti para sa iyo.”
41 Kaya(A) sinabi ni Saul, “O Panginoong Diyos ng Israel, bakit hindi mo sinasagot ang iyong lingkod sa araw na ito? Kung ang pagkakasalang ito ay nasa akin o kay Jonathan na aking anak, O Panginoon, Diyos ng Israel, ibigay mo ang Urim. Ngunit kung ang pagkakasala ay nasa iyong bayang Israel, ibigay mo ang Tumim.” At sina Jonathan at Saul ang napili, ngunit ang bayan ay nakaligtas.
42 At sinabi ni Saul, “Magpalabunutan sa pagitan ko at ni Jonathan na aking anak.” At si Jonathan ang napili.
43 Pagkatapos ay sinabi ni Saul kay Jonathan, “Sabihin mo sa akin kung ano ang iyong ginawa.” At sinabi ni Jonathan sa kanya, “Talagang ako'y tumikim ng kaunting pulot sa dulo ng tungkod na nasa aking kamay. Narito ako, ako'y nararapat mamatay.”
44 Sinabi ni Saul, “Gayon ang gawin ng Diyos sa akin at higit pa, sapagkat ikaw ay tiyak na mamamatay, Jonathan!”
45 At sinabi ng taong-bayan kay Saul, “Mamamatay ba si Jonathan, siya na gumawa nitong dakilang kaligtasan sa Israel? Huwag nawang mangyari! Habang buháy ang Panginoon, hindi malalaglag kahit ang isang buhok ng kanyang ulo sa lupa, sapagkat siya'y gumawang kasama ng Diyos sa araw na ito.” Kaya't tinubos ng taong-bayan si Jonathan, at siya'y hindi namatay.
Mga Bunga ng Pag-aaring-ganap
5 Kaya't yamang tayo'y inaring-ganap sa pamamagitan ng pananampalataya, mayroon tayong[a] kapayapaan sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
2 Sa pamamagitan niya'y nakalapit tayo[b] sa biyayang ito na ating pinaninindigan, at nagagalak tayo sa pag-asa ng kaluwalhatian ng Diyos.
3 At hindi lamang gayon, kundi nagagalak rin tayo sa ating mga kapighatian sa pagkaalam na ang kapighatian ay nagbubunga ng pagtitiis,
4 at ang pagtitiis ng pagpapatibay; at ang pagpapatibay ng pag-asa.
5 At hindi tayo binibigo ng pag-asa, sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ibinigay sa atin.
6 Sapagkat noong tayo ay mahihina pa, sa tamang panahon si Cristo ay namatay para sa masasama.
7 Sapagkat bihirang mangyari na ang isang tao'y mamatay alang-alang sa isang taong matuwid; bagama't alang-alang sa isang mabuting tao marahil ay may mangangahas mamatay.
8 Subalit pinatutunayan ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin, na noong tayo'y mga makasalanan pa, si Cristo ay namatay para sa atin.
9 Lalo pa nga, ngayong itinuturing tayong ganap sa pamamagitan ng kanyang dugo, ay maliligtas tayo sa galit ng Diyos sa pamamagitan niya.
10 Sapagkat kung noon ngang tayo'y mga kaaway, ay pinakipagkasundo tayo sa Diyos sa pamamagitan ng kamatayan ng kanyang Anak, lalo ngayong ipinagkasundo na, ay maliligtas tayo sa pamamagitan ng kanyang buhay.
11 At hindi lamang gayon, kundi tayo'y nagagalak rin sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na sa pamamagitan niya'y tinamo natin ngayon ang pakikipagkasundo.
Ang Talinghaga tungkol sa Kasalan(A)
22 Si Jesus ay muling nagsalita sa kanila sa mga talinghaga, na sinasabi,
2 “Ang kaharian ng langit ay tulad sa isang hari na nagdaos ng isang handaan para sa kasal ng kanyang anak na lalaki.
3 Sinugo niya ang kanyang mga alipin upang tawagin ang mga inanyayahan sa handaan ng kasalan; ngunit ayaw nilang dumalo.
4 Muli siyang nagsugo ng ibang mga alipin, na sinasabi, ‘Sabihin ninyo sa mga inanyayahan: Narito, naihanda ko na ang aking handaan; pinatay na ang aking mga baka at matatabang hayop at handa na ang lahat. Halina kayo sa handaan ng kasalan.’
5 Ngunit hindi nila ito pinansin, at sila'y humayo, ang isa'y sa kanyang sariling bukid, ang isa'y sa kanyang pangangalakal.
6 Hinuli naman ng iba ang kanyang mga alipin at ginawan ng masama at pinagpapatay.
7 Kaya't nagalit ang hari. Sinugo niya ang kanyang mga hukbo, pinuksa ang mga mamamatay-taong iyon, at sinunog ang kanilang lunsod.
8 Pagkatapos, sinabi niya sa kanyang mga alipin, ‘Handa na ang kasalan, ngunit hindi karapat-dapat ang mga inanyayahan.
9 Kaya pumunta kayo sa mga pangunahing lansangan at anyayahan ninyo sa handaan ng kasalan ang sinumang makita ninyo.’
10 Lumabas ang mga aliping iyon sa mga lansangan, at tinipon nila ang bawat matagpuan nila, masama man o mabuti; kaya't napuno ng mga panauhin ang kasalan.
11 “Ngunit nang pumasok ang hari upang tingnan ang mga panauhin, may nakita siya roong isang tao na hindi nakadamit pangkasal.
12 Sinabi niya sa kanya, ‘Kaibigan, paano ka nakapasok dito na hindi nakadamit pangkasal?’ Ngunit hindi siya nakapagsalita.
13 Kaya't(B) sinabi ng hari sa mga lingkod, ‘Gapusin ninyo ang mga paa at mga kamay niya, at itapon ninyo siya sa kadiliman sa labas. Doon ay ang pagtangis at ang pagngangalit ng mga ngipin.’
14 Sapagkat marami ang tinawag, ngunit kakaunti ang pinili.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001