Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 119:145-176

COPH.

145 O Panginoon, buong puso akong dumadaing, ako'y iyong sagutin,
    iingatan ko ang iyong mga tuntunin.
146 Ako'y dumadaing sa iyo; iligtas mo ako,
    upang aking matupad ang mga patotoo mo.
147 Babangon bago magbukang-liwayway at dumadaing ako;
    ako'y umaasa sa mga salita mo.
148 Ang mga mata ko'y gising sa gabi sa mga pagbabantay,
    upang sa salita mo ako'y makapagbulay-bulay.
149 Dinggin mo ang tinig ko ayon sa iyong tapat na pagmamahal;
    O Panginoon, muli mo akong buhayin ayon sa iyong katarungan.
150 Silang sumusunod sa kasamaan ay lumalapit,
    sila'y malayo sa iyong mga tuntunin.
151 Ngunit ikaw ay malapit, O Panginoon;
    at lahat mong utos ay katotohanan.
152 Noon pa mang una'y natuto na ako sa iyong mga patotoo
    na magpakailanman ay itinatag mo ang mga ito.

RESH.

153 Pagmasdan mo ang aking kadalamhatian at iligtas mo ako;
    sapagkat hindi ko kinalilimutan ang kautusan mo.
154 Ipaglaban mo ang aking layunin, at tubusin mo ako,
    muling buhayin mo ako ayon sa iyong pangako!
155 Ang kaligtasan ay malayo sa masama,
    sapagkat hindi nila hinahanap ang iyong mga batas.
156 O Panginoon, dakila ang kaawaan mo,
    muling buhayin mo ako ayon sa katarungan mo.
157 Marami ang umuusig sa akin at mga kaaway ko;
    ngunit hindi ako humihiwalay sa iyong mga patotoo.
158 Namasdan ko ang mga taksil at ako'y nasuklam,
    sapagkat hindi nila sinusunod ang iyong mga salita.
159 Isaalang-alang mo kung paanong iniibig ko ang mga tuntunin mo!
    Muling buhayin mo ako ayon sa tapat na pag-ibig mo.
160 Ang kabuuan ng iyong salita ay katotohanan;
    at bawat isa sa iyong matuwid na batas ay nananatili magpakailanman.

SIN.

161 Inuusig ako ng mga pinuno nang walang dahilan,
    ngunit ang puso ko'y namamangha sa iyong mga salita.
162 Ako'y nagagalak sa iyong salita
    gaya ng isang nakatagpo ng malaking samsam.
163 Aking kinapopootan at kinasusuklaman ang kasinungalingan,
    ngunit iniibig ko ang iyong kautusan.
164 Pitong ulit sa isang araw ikaw ay pinupuri ko,
    sapagkat matuwid ang mga batas mo.
165 May dakilang kapayapaan ang mga umiibig sa iyong kautusan,
    walang anumang sa kanila ay makapagpapabuwal.
166 O Panginoon, sa iyong pagliligtas ay umaasa ako,
    at tinutupad ko ang mga utos mo.
167 Sinusunod ng aking kaluluwa ang mga patotoo mo;
    lubos ko silang minamahal.
168 Aking tinutupad ang iyong mga tuntunin at ang iyong mga patotoo;
    sapagkat lahat ng aking lakad ay nasa harapan mo.

TAU.

169 O Panginoon, sa harapan mo ang aking daing ay dumating nawa;
    bigyan mo ako ng pagkaunawa ayon sa iyong salita!
170 Sa harapan mo ang aking panalangin ay dumating nawa,
    iligtas mo ako ayon sa iyong salita.
171 Umawit nawa ng papuri ang mga labi ko,
    sapagkat itinuturo mo sa akin ang mga batas mo.
172 Awitin nawa ng aking dila ang iyong salita,
    sapagkat lahat ng mga utos mo ay matuwid.
173 Maging handa nawa ang iyong kamay na tulungan ako,
    sapagkat aking pinili ang mga alituntunin mo.
174 O Panginoon, ang iyong pagliligtas ay aking kinasasabikan,
    at ang iyong kautusan ay aking kasiyahan.
175 Hayaan mo akong mabuhay, upang ako'y makapagpuri sa iyo,
    at tulungan nawa ako ng mga batas mo.
176 Ako'y naligaw na parang tupang nawala; hanapin mo ang iyong lingkod,
    sapagkat hindi ko kinalilimutan ang iyong mga utos.

Mga Awit 128-130

Awit ng Pag-akyat.

128 Ang bawat may takot sa Panginoon ay mapalad,
    na sa kanyang mga daan ay lumalakad.
Kakainin mo ang bunga ng paggawa ng iyong mga kamay;
    ikaw ay magiging masaya at ito'y magiging mabuti sa iyo.

Ang asawa mo'y magiging gaya ng mabungang puno ng ubas
    sa loob ng iyong tahanan;
ang mga anak mo'y magiging gaya ng mga puno ng olibo
    sa palibot ng iyong hapag-kainan.
Narito, ang taong may takot sa Panginoon,
    ay pagpapalain ng ganito.
Pagpalain ka ng Panginoon mula sa Zion!
    Ang kaunlaran ng Jerusalem ay iyo nawang masaksihan
    sa lahat ng mga araw ng iyong buhay!
Ang mga anak ng iyong mga anak ay iyo nawang mamasdan,
    mapasa Israel nawa ang kapayapaan!

Awit ng Pag-akyat.

129 “Madalas nila akong saktan mula sa aking kabataan,”
    sabihin ngayon ng Israel—
“Madalas nila akong saktan mula sa aking kabataan,
    gayunma'y laban sa akin ay hindi sila nagtagumpay.
Inararo ng mga mag-aararo ang likod ko;
    kanilang pinahaba ang mga tudling nila.”
Matuwid ang Panginoon;
    ang mga panali ng masama ay kanyang pinutol.
Lahat nawa ng napopoot sa Zion,
    ay mapahiya at mapaurong!
Maging gaya nawa sila ng damo sa mga bubungan,
    na natutuyo bago pa ito tumubo man,
sa mga ito'y hindi pinupuno ng manggagapas ang kanyang kamay,
    ni ng nagtatali ng mga bigkis ang kanyang kandungan.
Hindi rin sinasabi ng mga nagdaraan,
    “Ang pagpapala nawa ng Panginoon ay sumainyo!
    Sa pangalan ng Panginoon ay binabasbasan namin kayo!”

Awit ng Pag-akyat.

130 Mula sa kalaliman, O Panginoon, ako sa iyo'y dumaing!
    Panginoon, tinig ko'y pakinggan!
    Mga pandinig mo'y makinig sa tinig ng aking mga karaingan!

Kung ikaw, Panginoon, ay magtatala ng mga kasamaan,
    O Panginoon, sino kayang makakatagal?
Ngunit sa iyo'y may kapatawaran,
    upang ikaw ay katakutan.
Ako'y naghihintay sa Panginoon, naghihintay ang aking kaluluwa,
    at sa kanyang salita ako ay umaasa;
sa Panginoon ay naghihintay ang aking kaluluwa,
    higit pa kaysa bantay sa umaga;
    tunay na higit pa kaysa bantay sa umaga.

O Israel, umasa ka sa Panginoon!
    Sapagkat sa Panginoon ay may tapat na pagmamahal,
    at sa kanya ay may saganang katubusan.
Ang(A) Israel ay tutubusin niya,
    mula sa lahat niyang pagkakasala.

1 Samuel 12:1-6

Nagsalita si Samuel sa Bayan

12 Sinabi ni Samuel sa buong Israel, “Narito, aking pinakinggan ang inyong tinig sa lahat ng inyong sinabi sa akin, at naglagay ako ng isang hari para sa inyo.

Tingnan ninyo, ang hari ang nangunguna sa inyo ngayon. Ako'y matanda na at ubanin, ngunit ang aking mga anak ay kasama ninyo. Nanguna ako sa inyo mula sa aking kabataan hanggang sa araw na ito.

Narito ako; sumaksi kayo laban sa akin sa harap ng Panginoon, at sa harap ng kanyang binuhusan ng langis. Kaninong baka ang kinuha ko? O kaninong asno ang kinuha ko? O sino ang aking dinaya? Sino ang aking inapi? O kaninong kamay ako kumuha ng suhol upang bulagin niyon ang aking mga mata? Sumaksi kayo laban sa akin at aking isasauli sa inyo.”

Kanilang sinabi, “Hindi ka nandaya sa amin, ni inapi kami, ni tumanggap man ng anuman sa kamay ng sinuman.”

At sinabi niya sa kanila, “Ang Panginoon ay saksi laban sa inyo at ang kanyang binuhusan ng langis ay saksi sa araw na ito na hindi kayo nakatagpo ng anuman sa aking kamay.” At kanilang sinabi, “Siya'y saksi.”

At(A) sinabi ni Samuel sa bayan, “Ang Panginoon ang siyang humirang kina Moises at Aaron at siyang naglabas sa inyong mga ninuno mula sa lupain ng Ehipto.

1 Samuel 12:16-25

16 Ngayon ay tumahimik kayo at tingnan ninyo ang dakilang bagay na ito na gagawin ng Panginoon sa harap ng inyong mga paningin.

17 Hindi ba pag-aani ng trigo ngayon? Ako'y tatawag sa Panginoon upang siya'y magpadala ng kulog at ulan; at inyong malalaman at makikita na napakalaki ang kasamaan na inyong ginawa sa paningin ng Panginoon sa paghingi ninyo para sa inyong sarili ng isang hari.”

18 Kaya't tumawag si Samuel sa Panginoon at ang Panginoon ay nagpadala ng kulog at ulan nang araw na iyon. Ang buong bayan ay lubhang natakot sa Panginoon at kay Samuel.

19 Sinabi ng buong bayan kay Samuel, “Ipanalangin mo ang iyong mga lingkod sa Panginoon mong Diyos upang huwag kaming mamatay; sapagkat aming idinagdag sa lahat ng aming mga kasalanan ang kasamaan ng paghingi para sa amin ng isang hari.”

20 At sinabi ni Samuel sa bayan, “Huwag kayong matakot, tunay na inyong ginawa ang buong kasamaang ito; gayunma'y huwag kayong lumihis mula sa pagsunod sa Panginoon, kundi kayo'y maglingkod nang buong puso sa Panginoon.

21 Huwag kayong bumaling sa pagsunod sa mga bagay na walang kabuluhan na hindi magbibigay ng pakinabang o makapagliligtas, sapagkat ang mga iyon ay walang kabuluhan.

22 Sapagkat hindi itatakuwil ng Panginoon ang kanyang bayan alang-alang sa kanyang dakilang pangalan, sapagkat kinalugdan ng Panginoon na gawin kayong bayan para sa kanya.

23 Bukod dito, sa ganang akin, huwag nawang mangyari sa akin na ako'y magkasala laban sa Panginoon sa paghinto ng pananalangin para sa inyo, kundi ituturo ko sa inyo ang mabuti at matuwid na daan.

24 Matakot lamang kayo sa Panginoon, at maglingkod kayo nang tapat sa kanya ng inyong buong puso. Alalahanin ninyo ang mga dakilang bagay na kanyang ginawa sa inyo.

25 Ngunit kung kayo'y gagawa pa rin ng kasamaan, kayo at ang inyong hari ay mapupuksa.”

Mga Gawa 8:14-25

14 Nang mabalitaan ng mga apostol na nasa Jerusalem na tinanggap ng Samaria ang salita ng Diyos, sinugo nila sa kanila sina Pedro at Juan.

15 Ang dalawa ay bumaba at ipinanalangin sila upang kanilang tanggapin ang Espiritu Santo,

16 sapagkat hindi pa ito dumarating sa kaninuman sa kanila, kundi sila'y nabautismuhan lamang sa pangalan ng Panginoong Jesus.

17 Ipinatong nina Pedro at Juan[a] ang kanilang mga kamay sa kanila at tinanggap nila ang Espiritu Santo.

18 Nang makita ni Simon na ibinibigay ang Espiritu sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng mga apostol, sila'y inalok niya ng salapi,

19 na sinasabi, “Bigyan din ninyo ako ng kapangyarihang ito, upang sinumang patungan ko ng aking mga kamay ay tumanggap ng Espiritu Santo.”

20 Ngunit sinabi sa kanya ni Pedro, “Ang iyong salapi'y mapahamak na kasama mo, sapagkat inakala mong makukuha mo ang kaloob ng Diyos sa pamamagitan ng salapi!

21 Wala kang bahagi ni karapatan man sa bagay na ito, sapagkat ang puso mo'y hindi matuwid sa harapan ng Diyos.

22 Kaya't pagsisihan mo ang kasamaan mong ito. Manalangin ka sa Panginoon at baka sakaling ipatawad sa iyo ang hangarin ng iyong puso.

23 Sapagkat nakikita kong ikaw ay nasa apdo ng kapaitan at nasa gapos ng kasamaan.”

24 Sumagot si Simon, “Ipanalangin ninyo ako sa Panginoon upang wala sa mga sinabi ninyo ang mangyari sa akin.”

25 Sina Pedro at Juan,[b] pagkatapos na makapagpatotoo at masabi na nila ang salita ng Panginoon, ay bumalik sa Jerusalem na ipinangaral ang ebanghelyo sa maraming nayon ng mga Samaritano.

Lucas 23:1-12

Si Jesus sa Harapan ni Pilato(A)

23 Tumindig ang buong karamihan at dinala si Jesus[a] sa harap ni Pilato.

Nagsimula silang ipagsakdal siya na sinasabi, “Natagpuan namin ang taong ito na inililigaw ang aming bansa, at pinagbabawalan kaming magbuwis kay Cesar, at sinasabi na siya mismo ang Cristo, ang hari.”

At tinanong siya ni Pilato, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” Sumagot siya at sinabi, “Ikaw ang nagsasabi.”

Sinabi ni Pilato sa mga punong pari at sa mga tao, “Wala akong makitang kasalanan sa taong ito.”

Subalit sila'y lalong nagpipilit na sinasabi, “Ginugulo niya ang sambayanan at nagtuturo sa buong Judea, magbuhat sa Galilea hanggang sa dakong ito.”

Si Jesus sa Harapan ni Herodes

Nang marinig ito ni Pilato, itinanong niya kung ang taong iyon ay taga-Galilea.

At nang kanyang malaman na siya'y sakop ni Herodes, kanyang ipinadala siya kay Herodes, na nang panahong iyon ay nasa Jerusalem din.

Nang makita ni Herodes si Jesus, siya ay tuwang-tuwa, sapagkat matagal na niyang nais na makita siya sapagkat nakabalita siya ng tungkol sa kanya; at siya'y umaasang makakita ng ilang himalang ginawa niya.

Kaya't kanyang tinanong siya ng matagal subalit si Jesus ay hindi sumagot ng anuman.

10 Ang mga punong pari at ang mga eskriba ay nanatili, at marahas siyang pinagbibintangan.

11 At hinamak siya at nilibak ni Herodes at ng mga kawal na kasama niya. Sinuotan siya ng maringal na damit at ibinalik kay Pilato.

12 Nang araw ding iyon ay naging magkaibigan si Herodes at si Pilato sa isa't isa; sapagkat sila'y dating magkagalit.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001