Book of Common Prayer
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
20 Ang Panginoon ay sumasagot sa iyo sa araw ng kaguluhan!
Ang pangalan ng Diyos ni Jacob ang magtataas sa iyo!
2 Nawa'y saklolohan ka niya mula sa santuwaryo,
at alalayan ka mula sa Zion!
3 Maalala nawa niya ang lahat mong mga handog,
at tanggapin niya ang iyong mga handog na sinusunog! (Selah)
4 Nawa'y ang nais ng iyong puso ay ipagkaloob niya sa iyo,
at tuparin ang lahat ng mga panukala mo!
5 Kami'y magagalak sa iyong pagliligtas,
at sa pangalan ng aming Diyos ay aming itataas ang aming mga watawat!
Ganapin nawa ng Panginoon ang kahilingan mong lahat!
6 Ngayo'y nalalaman ko na tutulungan ng Panginoon ang kanyang pinahiran ng langis;
sasagutin niya siya mula sa kanyang banal na langit
na may makapangyarihang pagtatagumpay sa pamamagitan ng kanyang kanang kamay.
7 Ipinagmamalaki ng ilan ang mga karwahe, at ang iba ay ang mga kabayo;
ngunit ipinagmamalaki namin ang pangalan ng Panginoon naming Diyos.
8 Sila'y mabubuwal at guguho,
ngunit kami ay titindig at matuwid na tatayo.
9 Bigyan ng tagumpay ang hari, O Panginoon,
sagutin nawa kami kapag kami ay tumatawag.
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
21 Ang hari ay nagagalak, O Panginoon, sa iyong kalakasan,
at sa iyong pagliligtas ay napakalaki ng kanyang kagalakan!
2 Ang nais ng kanyang puso, sa kanya'y iyong ipinagkaloob,
at ang hiling ng kanyang mga labi ay di mo ipinagdamot. (Selah)
3 Sapagkat sinasalubong mo siya ng mabubuting pagpapala,
pinuputungan mo siya ng koronang dalisay na ginto sa ulo niya.
4 Siya'y humingi sa iyo ng buhay, sa kanya'y iyong ibinigay,
haba ng mga araw magpakailanman.
5 Sa pamamagitan ng iyong pagliligtas dakila ang kanyang kaluwalhatian,
ipinagkakaloob mo sa kanya, karangalan at kamahalan.
6 Oo, ginagawa mo siyang pinakamapalad magpakailanman;
iyong pinasasaya siya ng kagalakan sa iyong harapan.
7 Sapagkat ang hari ay nagtitiwala sa Panginoon,
at sa pamamagitan ng tapat na pag-ibig ng Kataas-taasan ay hindi siya matitinag.
8 Matatagpuan ng iyong kamay ang lahat ng iyong mga kaaway;
ang mga napopoot sa iyo'y masusumpungan ng iyong kanang kamay.
9 Gagawin mo silang gaya ng mainit na pugon
kapag ikaw ay lumitaw.
Sasakmalin sila ng Panginoon sa kanyang kagalitan;
at sa apoy sila'y malulusaw.
10 Pupuksain mo ang kanilang bunga mula sa mundo,
at ang kanilang binhi ay mula sa mga anak ng mga tao.
11 Kapag laban sa iyo sila'y magbalak ng kasamaan,
kapag sila'y nagpakana ng masama, hindi sila magtatagumpay.
12 Sapagkat iyong patatalikurin sila,
iyong iaakma sa kanilang mga mukha ang iyong mga pana.
13 Mataas ka, O Panginoon, sa iyong kalakasan!
Aming aawitin at pupurihin ang iyong kapangyarihan.
Awit ni David.
110 Sinabi(A) ng Panginoon sa aking panginoon:
“Umupo ka sa aking kanan,
hanggang sa aking gawing tuntungan ng iyong paa ang iyong mga kaaway.”
2 Iuunat ng Panginoon ang setro ng iyong kalakasan mula sa Zion.
Mamuno ka sa gitna ng mga kaaway mo!
3 Kusang-loob na ihahandog ng iyong bayan
sa araw ng iyong kapangyarihan
sa kagandahan ng kabanalan.
Mula sa bukang-liwayway ng umaga,
ang iyong kabataan ay darating sa iyo na hamog ang kagaya.
4 Sumumpa(B) ang Panginoon, at hindi magbabago ang kanyang isipan,
“Ikaw ay pari magpakailanman ayon sa pagkapari ni Melquizedek.”
5 Ang Panginoon ay nasa iyong kanang kamay;
dudurugin niya ang mga hari sa araw ng kanyang poot.
6 Siya'y maglalapat ng hatol sa mga bansa,
kanyang pupunuin sila ng mga bangkay;
wawasakin niya ang mga pinuno sa kalaparan ng lupa.
7 Siya'y iinom sa batis sa tabi ng daan;
kaya't ang kanyang ulo ay kanyang itataas.
116 Minamahal ko ang Panginoon, sapagkat kanyang dininig
ang aking tinig at aking mga hiling.
2 Sapagkat ikiniling niya ang kanyang pandinig sa akin,
kaya't ako'y tatawag sa kanya habang ako'y nabubuhay.
3 Ang bitag ng kamatayan ay pumalibot sa akin,
ang mga hapdi ng Sheol ay nagsihawak sa akin:
ako'y nagdanas ng pagkabahala at pagkadalamhati.
4 Nang magkagayo'y sa pangalan ng Panginoon ay tumawag ako:
“O Panginoon, isinasamo ko sa iyo, iligtas mo ang buhay ko!”
5 Mapagbiyaya at matuwid ang Panginoon,
oo, ang Diyos namin ay maawain.
6 Iniingatan ng Panginoon ang mga taong karaniwan;
ako'y naibaba at iniligtas niya ako.
7 Bumalik ka sa iyong kapahingahan, O kaluluwa ko;
sapagkat pinakitunguhan ka na may kasaganaan ng Panginoon.
8 Sapagkat iniligtas mo ang aking kaluluwa sa kamatayan,
ang mga mata ko sa mga luha,
ang mga paa ko sa pagkatisod;
9 Ako'y lalakad sa harapan ng Panginoon
sa lupain ng mga buháy.
10 Ako'y(A) naniwala nang aking sinabi,
“Lubhang nahihirapan ako;”
11 sinabi ko sa aking pangingilabot,
“Lahat ng tao ay sinungaling.”
12 Ano ang aking isusukli sa Panginoon
sa lahat niyang kabutihan sa akin?
13 Aking itataas ang saro ng kaligtasan,
at tatawag sa pangalan ng Panginoon,
14 tutuparin ko ang aking mga panata sa Panginoon,
sa harapan ng lahat ng kanyang bayan.
15 Mahalaga sa paningin ng Panginoon
ang kamatayan ng kanyang mga banal.
16 O Panginoon, ako'y iyong lingkod;
ako'y iyong lingkod, anak ng iyong lingkod na babae;
iyong kinalag ang aking mga gapos.
17 Ako'y mag-aalay sa iyo ng handog ng pasasalamat,
at tatawag sa pangalan ng Panginoon.
18 Tutuparin ko ang aking mga panata sa Panginoon,
sa harapan ng lahat ng kanyang bayan;
19 sa mga bulwagan ng bahay ng Panginoon,
sa gitna mo, O Jerusalem.
Purihin ang Panginoon!
Bilang Pagpupuri sa Panginoon
117 Purihin(B) ang Panginoon, kayong lahat na mga bansa!
Dakilain ninyo siya, kayong lahat na mga bayan!
2 Sapagkat dakila ang kanyang tapat na pag-ibig sa atin;
at ang katapatan ng Panginoon ay nananatili magpakailanman.
Purihin ang Panginoon!
31 Nang marinig ang mga salitang binigkas ni David, ito ay kanilang inulit sa harap ni Saul; at siya'y ipinasundo niya.
32 Sinabi ni David kay Saul, “Huwag manghina ang puso ng sinuman dahil sa kanya; ang iyong lingkod ay hahayo at lalabanan ang Filisteong ito.”
33 Sinabi ni Saul kay David, “Hindi mo kayang labanan ang Filisteong ito sapagkat ikaw ay kabataan pa, at siya'y isang lalaking mandirigma mula pa sa kanyang pagkabata.”
34 Ngunit sinabi ni David kay Saul, “Ang iyong lingkod ay nag-aalaga ng mga tupa para sa kanyang ama. Kapag may dumating na leon, o kaya'y oso, at kinukuha ang isang kordero sa kawan,
35 ay hinahabol ko siya at aking pinapatay, at aking inililigtas ang kordero mula sa kanyang bibig. Kapag dinaluhong ako ay aking hinahawakan sa panga, aking sinasaktan at pinapatay.
36 Nakapatay ang iyong lingkod ng mga leon at mga oso; at ang Filisteong ito na hindi tuli ay magiging isa sa kanila, yamang kanyang hinahamon ang mga hukbo ng Diyos na buháy.”
37 Sinabi ni David, “Ang Panginoon na nagligtas sa akin sa mga kuko ng leon at ng oso, ay siyang magliligtas sa akin sa kamay ng Filisteong ito.” At sinabi ni Saul kay David, “Humayo ka at samahan ka ng Panginoon.”
38 Ipinasuot ni Saul kay David ang kanyang mga kasuotan, kanyang inilagay ang isang helmet na tanso sa kanyang ulo, at kanyang sinuotan siya ng metal na saplot sa katawan.
39 Ibinigkis ni David ang tabak sa kanyang kasuotan, at hindi niya magawang makalakad sapagkat hindi siya sanay sa mga ito. Kaya't sinabi ni David kay Saul, “Hindi ako makakalakad na dala ang mga ito sapagkat hindi ako sanay sa mga ito.” At hinubad ni David ang mga iyon.
40 Pagkatapos ay hinawakan niya ang kanyang tungkod sa kanyang kamay, at pumili siya ng limang makikinis na bato mula sa sapa at isinilid sa supot na pampastol na kanyang dala. Hawak niya ang tirador sa kanyang kamay at siya'y lumapit sa Filisteo.
Nagapi ni David si Goliat
41 Dumating ang Filisteo at lumapit kay David na kasama ang lalaking tagadala ng kanyang kalasag na nasa unahan niya.
42 Nang tumingin ang Filisteo at makita si David ay kanyang hinamak siya, sapagkat siya'y kabataan pa, mapula ang pisngi at may magandang mukha.
43 Sinabi ng Filisteo kay David, “Ako ba ay aso na ikaw ay lalapit sa akin na may mga tungkod?” At nilait ng Filisteo si David sa pamamagitan ng kanyang mga diyos.
44 Sinabi ng Filisteo kay David, “Halika at ibibigay ko ang iyong laman sa mga ibon sa himpapawid at sa mga hayop sa parang.”
45 Pagkatapos ay sinabi ni David sa Filisteo, “Lumalapit ka sa akin na may tabak, may maliit at malaking sibat, ngunit ako'y lumalapit sa iyo sa pangalan ng Panginoon ng mga hukbo, ang Diyos ng mga hukbo ng Israel na iyong hinahamon.
46 Sa araw na ito ay ibibigay ka ng Panginoon sa aking kamay, at ibubuwal kita, at pupugutin ko ang ulo mo. Ibibigay ko ang mga bangkay ng hukbo ng mga Filisteo sa mga ibon sa himpapawid at sa mababangis na hayop sa lupa sa araw na ito upang malaman ng buong lupa na may Diyos sa Israel;
47 at upang malaman ng buong kapulungang ito na hindi nagliligtas ang Panginoon sa pamamagitan ng tabak o ng sibat. Ang labanang ito ay sa Panginoon, at ibibigay niya kayo sa aming kamay.”
48 Nang tumayo ang Filisteo at lumapit upang salubungin si David, si David ay mabilis na tumakbo sa hanay ng labanan upang sagupain ang Filisteo.
49 Ipinasok ni David ang kanyang kamay sa kanyang supot at kumuha roon ng isang bato, at itinirador. Tinamaan ang Filisteo sa kanyang noo at ang bato ay bumaon sa kanyang noo, at pasubsob siyang bumagsak sa lupa.
Nag-ulat si Pedro sa Iglesya sa Jerusalem
11 Nabalitaan ng mga apostol at ng mga kapatid na nasa Judea na tinanggap din ng mga Hentil ang salita ng Diyos.
2 Kaya't nang umahon si Pedro sa Jerusalem ay nakipagtalo sa kanya ang mga nasa panig ng pagtutuli,
3 na sinasabi, “Bakit pumunta ka sa mga taong hindi tuli at kumain kang kasalo nila?”
4 Ngunit si Pedro ay nagpasimulang magpaliwanag sa kanila nang sunud-sunod, na sinasabi:
5 “Ako'y nananalangin sa bayan ng Joppa; habang nasa kawalan ng malay ay nakakita ako ng isang pangitain na may isang bagay na bumababa, gaya ng isang malapad na kumot, na sa apat na sulok ay inihuhugos mula sa langit at bumaba sa akin.
6 Nang titigan ko iyon ay nakita ko ang mga hayop sa lupa na may apat na paa at mga hayop na mababangis at mga hayop na gumagapang at mga ibon sa himpapawid.
7 Nakarinig din ako ng isang tinig na nagsasabi sa akin, ‘Tumindig ka, Pedro; magkatay ka at kumain.’
8 Subalit sinabi ko, ‘Hindi maaari, Panginoon, sapagkat kailanman ay walang anumang marumi o karumaldumal ang pumasok kailanman sa aking bibig.’
9 Ngunit sumagot sa ikalawang pagkakataon ang tinig mula sa langit, ‘Ang nilinis ng Diyos ay huwag mong ituring na marumi.’
10 Ito'y nangyari ng tatlong ulit, at muling binatak ang lahat ng iyon papaakyat sa langit.
11 Nang sandaling iyon, may dumating na tatlong lalaki sa bahay na aming kinaroroonan, na mga sinugo sa akin buhat sa Cesarea.
12 Iniutos sa akin ng Espiritu na ako'y sumama sa kanila at huwag mag-atubili. At sinamahan din ako nitong anim na kapatid; at pumasok kami sa bahay ng lalaki.
13 Kanyang isinalaysay sa amin kung paanong nakita niya ang anghel na nakatindig sa kanyang bahay, at nagsasabi, ‘Magsugo ka sa Joppa at ipatawag mo si Simon, na tinatawag na Pedro.
14 Magsasabi siya sa iyo ng mga salitang ikaliligtas mo, ikaw at ng buong sambahayan mo.’
15 Nang ako'y magsimulang magsalita, bumaba sa kanila ang Espiritu Santo na kung paanong bumaba rin sa atin noong una.
16 At(A) naalala ko ang salita ng Panginoon, kung paanong sinabi niya, ‘Si Juan ay nagbautismo sa tubig, subalit kayo'y babautismuhan sa Espiritu Santo.’
17 Kung ibinigay sa kanila ng Diyos ang gayunding kaloob na gaya naman ng kanyang ibinigay sa atin nang tayo'y nanampalataya sa Panginoong Jesu-Cristo, sino ba ako na makakahadlang sa Diyos?”
18 Nang marinig nila ang mga bagay na ito, tumahimik sila at niluwalhati ang Diyos, na sinasabi, “Kung gayo'y binigyan din ng Diyos ang mga Hentil ng pagsisisi tungo sa buhay.”
Ang Pasimula ng Pangangaral sa Galilea(A)
14 Pagkatapos madakip si Juan, pumunta si Jesus sa Galilea na ipinangangaral ang ebanghelyo ng Diyos,
15 na(B) sinasabi, “Naganap na ang panahon at malapit na ang kaharian ng Diyos: kayo'y magsisi at manampalataya sa ebanghelyo.”
Tinawag ang mga Unang Alagad
16 Sa pagdaan ni Jesus[a] sa tabi ng dagat ng Galilea, nakita niya sina Simon at ang kanyang kapatid na si Andres na naghahagis ng lambat sa dagat, sapagkat sila'y mga mangingisda.
17 At sinabi sa kanila ni Jesus, “Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao.”
18 Kaagad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.
19 Nang makalakad pa siya ng kaunti, nakita niya sina Santiago na anak ni Zebedeo at si Juan na kanyang kapatid na naghahayuma ng mga lambat sa kanilang bangka.
20 Agad niyang tinawag sila at iniwan nila si Zebedeo na kanilang ama sa bangka na kasama ng mga upahang tauhan at sumunod sa kanya.
Ang Lalaking may Masamang Espiritu(C)
21 Nagpunta sila sa Capernaum. Nang araw ng Sabbath, kaagad siyang pumasok sa sinagoga at nagturo.
22 Namangha(D) sila sa kanyang aral, sapagkat sila'y tinuturuan niyang tulad sa isang may awtoridad at hindi gaya ng mga eskriba.
23 At bigla na lamang sa kanilang sinagoga ay may isang tao na may masamang espiritu; at siya'y sumigaw,
24 na nagsasabi, “Anong pakialam mo sa amin, Jesus ng Nazaret? Naparito ka ba upang kami'y puksain? Alam ko kung sino ka, ang Banal ng Diyos.”
25 Sinaway siya ni Jesus, na nagsasabi, “Tumahimik ka, at lumabas ka sa kanya!”
26 Nang kanyang mapangisay siya, ang masamang espiritu ay sumigaw nang malakas na tinig, at lumabas sa tao.
27 Silang lahat ay namangha, at nagtanungan sila sa isa't isa, na sinasabi, “Ano ito? Isang bagong aral! May kapangyarihan siyang mag-utos maging sa masasamang espiritu at siya'y kanilang sinusunod.”
28 Agad na kumalat ang balita tungkol sa kanya sa buong palibot ng lupain ng Galilea.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001