Book of Common Prayer
Pagpupuri sa Diyos na Tagapagligtas
146 Purihin si Yahweh!
Purihin mo si Yahweh, O aking kaluluwa!
2 Pupurihin siya't aking aawitan;
aking aawitan habang ako'y buháy.
3 Sa mga pangulo'y huwag kang manghahawak,
kahit sa kaninong di makapagligtas;
4 kung sila'y mamatay, balik sa alabok,
kahit anong plano nila'y natatapos.
5 Mapalad ang tao, na ang kanyang Diyos na laging katulong ay ang Diyos ni Jacob;
sa Diyos na si Yahweh, umaasang lubos,
6 sa(A) Diyos na lumikha niyong kalangitan,
ng lupa at dagat, at lahat ng bagay.
Ang kanyang pangako ay maaasahan.
7 Panig sa naaapi, kung siya'y humatol,
may pagkaing handa, sa nangagugutom.
Pinalaya niya ang mga nabihag;
8 isinasauli, paningin ng bulag;
lahat ng inapi ay itinataas,
ang mga hinirang niya'y nililingap.
9 Isinasanggalang ang mga dayuhang sa lupain nila'y doon tumatahan;
tumutulong siya sa balo't ulila,
ngunit sa masama'y parusa'ng hatid niya.
10 Walang hanggang Hari, ang Diyos na si Yahweh!
Ang Diyos mo, Zion, ay mananatili!
Purihin si Yahweh!
Pagpupuri sa Diyos na Makapangyarihan
147 Purihin si Yahweh!
O kay sarap umawit at magpuri sa ating Diyos,
ang magpuri sa kanya'y tunay na nakalulugod.
2 Ang lunsod ng Jerusalem, muli niyang ibabalik,
sa kanyang mga lingkod, na natapon at nalupig.
3 At ang mga pusong wasak ay kanya ring lulunasan,
ang natamo nilang sugat ay bibigyang kagalingan.
4 Alam niya't natitiyak ang bilang ng mga bituin,
isa-isang tinatawag, sa pangala'y itinuring.
5 Si Yahweh na ating Diyos ay dakila at malakas,
taglay niyang karunungan, hinding-hindi masusukat.
6 Taong mapagpakumbaba'y siya niyang itataas,
ngunit lahat ng mayabang sa lupa ay ibabagsak.
7 Umawit ng mga imno at si Yahweh ay purihin,
purihin ang ating Diyos at ang alpa ay tugtugin.
8 Ang ulap sa kalangitan ay siya ang naglalatag,
itong lupa'y dinidilig ng saganang tubig-ulan,
sa bundok at gubat nama'y, mga damo'y binubuhay.
9 Pagkain ng mga hayop, siya rin ang nagbibigay,
pinapakain nga niya nagugutom na inakay.
10 Hindi siya nalulugod sa kabayong malalakas,
kahit mga piling kawal hindi siya nagagalak.
11 Ngunit sa may pagkatakot, kasiyahan niya'y labis,
sa kanilang may tiwala sa matatag niyang pag-ibig.
12 Purihin si Yahweh, mga taga-Jerusalem!
Purihin mo ang iyong Diyos, kayong mga taga-Zion!
13 Pagkat mga pintuan mo ay siya ang nag-iingat,
ang anak mo't mga lingkod, pinagpala niyang lahat.
14 Ginagawang mapayapa ang iyong hangganan,
sa kaloob niyang trigo, bibigyan kang kasiyahan.
15 Kapag siya'y nag-uutos, agad itong natutupad,
dumarating sa daigdig, na hindi na nagluluwat.
16 Singkapal ng damit-tupa mga yelong pumapatak,
para itong alikabok na sa lupa'y nalalaglag.
17 Mga yelong buo-buo, sinlaki ng munting bato,
lumalagpak, na ang lamig di matiis kahit sino.
18 Ang yelo ay natutunaw, sa isa lang niyang utos,
umiihip ang hangin at ang tubig ay umaagos.
19 Kay Jacob niya ibinigay ang lahat ng tagubilin,
ang tuntuni't mga aral, ibinigay sa Israel.
20 Ang ganitong karapatan ay wala ang ibang bansa,
pagkat hindi nila batid ang utos na itinakda.
Purihin si Yahweh!
Awit ng Pagpupuri sa Kadakilaan ni Yahweh
111 Purihin si Yahweh!
Buong puso siyang pasasalamatan,
aking pupurihin sa gitna ng bayan kasama ng mga lingkod na hinirang.
2 Ang mga gawa ni Yahweh, tunay napakadakila,
mga nalulugod sa kanya, lagi itong inaalala;
3 lahat niyang gawa'y dakila at wagas,
katuwiran niya'y hindi magwawakas.
4 Hindi maaalis sa ating gunita,
si Yahweh ay mabuti't mahabaging lubha.
5 Ang sa kanya'y gumagalang pagkain ay sagana;
pangako ni Yahweh ay di nasisira.
6 Ipinadama niya sa mga hinirang, ang kapangyarihan niyang tinataglay,
nang ibigay niya lupa ng dayuhan.
7 Ang gawa ng Diyos, matuwid at tapat,
at maaasahan lahat niyang batas.
8 Ito ay lalagi at di magwawakas,
pagkat ang saliga'y totoo't matapat.
9 Kaligtasa'y dulot sa mga hinirang,
may ipinangakong walang hanggang tipan;
Banal at dakila ang kanyang pangalan!
10 Ang(A) pagsunod at paggalang kay Yahweh'y simula ng karunungan.
Taong masunurin, pupurihing lubos.
Purihin ang Diyos magpakailanman!
Mapalad ang Mabuting Tao
112 Purihin si Yahweh!
Mapapalad ang tao na kay Yahweh ay gumagalang,
at taos-pusong sumusunod sa kanyang kautusan.
2 Ang kanyang lipi'y magiging dakila,
pati mga angkan ay may pagpapala.
3 Magiging sagana sa kanyang tahanan,
pagpapala niya'y walang katapusan.
4 Ang taong matuwid, may bait at habag,
kahit sa madilim taglay ay liwanag.
5 Ang mapagpautang nagiging mapalad,
kung sa hanapbuhay siya'y laging tapat.
6 Hindi mabibigo ang taong matuwid,
di malilimutan kahit isang saglit.
7 Masamang balita'y hindi nagigitla,
matatag ang puso't kay Yahweh'y tiwala.
8 Wala siyang takot, hindi nangangamba,
alam na babagsak ang kaaway niya.
9 Nagbibigay(B) sa mga nangangailangan,
pagiging mat'wid niya'y walang hanggan,
buong karangalang siya'y itataas.
10 Kung makita ito ng mga masama,
lumalayas silang mabagsik ang mukha;
pagkat ang pag-asa'y lubos nang nawala.
Awit ng Pagpupuri kay Yahweh
113 Purihin si Yahweh!
Dapat na magpuri ang mga alipin,
ang ngalan ni Yahweh ay dapat purihin.
2 Ang kanyang pangalan ay papupurihan,
magmula ngayo't magpakailanman,
3 buhat sa silangan, hanggang sa kanluran,
ang ngalan ni Yahweh, dapat papurihan.
4 Siya'y naghahari sa lahat ng bansa,
lampas pa sa langit ang pagkadakila.
5 Sino bang katulad ng Diyos na si Yahweh,
na sa kalangitan doon nakaluklok?
6 Buhat sa itaas siya'y tumutunghay,
ang lupa at langit kanyang minamasdan.
7 Mula kapanglawa'y itong mahihirap,
kanyang itinataas, kanyang nililingap.
8 Sa mga prinsipe ay isinasama,
sa mga prinsipe nitong bayan niya.
9 Ang babaing baog pinagpapala niya,
binibigyang anak para lumigaya.
Purihin si Yahweh!
Ang Unang Sagutan(A)
4 Sinabi ni Elifaz na Temaneo,
2 “Huwag mo sanang ikasamâ ng loob ang aking sasabihin,
di ko na kayang manahimik, di na ako makapagpigil.
3 Marami na ring tao ang iyong naturuan,
at mahihinang kamay ay iyong natulungan.
4 Salita mo'y nagpalakas sa nanlulupaypay,
sa mahina't pagod pangaral mo'y umalalay.
5 Ngayong ikaw na ang dumaranas ng matinding kahirapan,
nawawalan ka ng pag-asa at parang nais mong mabuwal?
6 Di ba't may takot ka sa Diyos at masunurin sa kanya?
Kaya dapat magtiwala ka at magkaroon ng pag-asa.
12 “Minsan, ako ay may narinig,
salitang ibinulong sa aking pandinig.
13 Sa(A) lalim ng hatinggabi parang ako'y nanaginip kung kailan ang tao'y mahimbing na naiidlip.
14 Ako'y sinakmal ng matinding takot,
ako'y kinilabutan at nangatog ang tuhod.
15 Malamig na hangin, dumampi sa mukha ko,
sa takot ay nagtayuan ang aking balahibo.
16 May nakita akong doon ay nakatayo,
ngunit di ko mapagwari ang kanyang anyo.
Maya-maya, narinig ko ang isang tinig:
17 ‘Maaari bang maging matuwid ang isang tao sa paningin ng Diyos?
Sa harap ng Lumikha, mayroon bang malinis ang loob?
18 Mga lingkod niya sa langit di niya pinagkakatiwalaan,
sa kanya mismong mga anghel may nakikita siyang kamalian.
19 Paano pa siya magtitiwala sa taong mula sa alabok?
Tulad ng gamu-gamo, ito ay marupok.
20 Ang tao'y buháy ngayon, ngunit hindi tiyak kung mamaya;
siya pala ay patay na, di pa alam nitong madla.
21 Ang lahat niyang taglay sa kanya'y mawawala,
sa kanyang pagkamatay kulang pa rin sa unawa.’
Pananambahan sa Langit
4 Pagkatapos kong masaksihan ang mga bagay na ito, nakita ko sa langit ang isang bukás na pinto.
At narinig ko ang tinig na parang tunog ng isang trumpeta, na ang sabi sa akin, “Umakyat ka rito, at ipapakita ko sa iyo kung ano pang mga mangyayari pagkatapos nito.” 2 At(A) agad akong napuspos ng Espiritu, at nakita ko sa langit ang isang trono at ang isang nakaupo roon. 3 Ang anyo niya'y maningning na parang mahahalagang batong jasper at kornalina. May isang bahagharing nagniningning na parang esmeralda sa palibot ng trono. 4 Nakapaligid naman dito ang dalawampu't apat pang trono na sa bawat isa'y may nakaupong matanda na nakadamit ng puti at may koronang ginto sa ulo. 5 Mula(B) sa trono ay gumuguhit ang kidlat, kasabay ng mga ugong at mga kulog. Sa harap ng trono ay may pitong nagniningas na sulo; ito ang pitong espiritu ng Diyos. 6 Sa(C)(D) harap ng trono ay may tila dagat na salamin na sinlinaw ng kristal.
Sa apat na panig ng trono ay may apat na buháy na nilalang, na punung-puno ng mga mata sa kanilang harap at likod. 7 Ang unang buháy na nilalang ay katulad ng leon; katulad naman ng baka ang pangalawa; tulad sa mukha ng tao ang pangatlo; at katulad naman ng agilang lumilipad ang pang-apat. 8 Ang(E) bawat isa ay may tig-aanim na pakpak, at punung-puno ng mga mata sa harap at likod. Walang tigil ang kanilang pag-awit araw at gabi,
“Banal, banal, banal, ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
na siyang nakaraan, kasalukuyan, at darating.”
9 Tuwing umaawit ng pagluwalhati, parangal at pasasalamat ang apat na buháy na nilalang sa nakaupo sa trono, na nabubuhay magpakailanman, 10 ang dalawampu't apat (24) na matatandang pinuno naman ay nagpapatirapa sa harap ng trono at sinasamba ang nakaupo doon, ang nabubuhay magpakailanman. Inilalagay nila ang kanilang korona sa harap ng trono, at sinasabi,
11 “Aming Panginoon at Diyos!
Karapat-dapat kang tumanggap ng kaluwalhatian, karangalan, at kapangyarihan;
sapagkat ikaw ang lumalang sa lahat ng bagay,
at ayon sa iyong kagustuhan, sila'y nagkaroon ng buhay at nalikha.”
Hindi Tinanggap si Jesus sa Nazaret(A)
6 Umalis doon si Jesus at umuwi siya sa sariling bayan kasama ang kanyang mga alagad. 2 Pagdating ng Araw ng Pamamahinga, si Jesus ay nagturo sa sinagoga. Maraming tao ang nakarinig sa kanya at sa kanilang pagkamangha'y nagtanungan sila, “Saan niya natutunan ang lahat ng iyan? Anong karunungan itong ipinagkaloob sa kanya? Paano siya nakakagawa ng mga himala? 3 Hindi ba ito ang karpinterong anak ni Maria,[a] at kapatid nina Santiago, Jose, Judas, at Simon? Tagarito rin ang kanyang mga kapatid na babae, hindi ba?” Kaya hindi sila naniwala sa kanya.
4 Dahil(B) dito, sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang isang propeta'y iginagalang ng lahat, maliban ng kanyang mga kababayan, mga kamag-anak, at ng kanyang pamilya.” 5 Hindi siya nakagawa ng himala roon, maliban sa ilang maysakit na pinatungan niya ng kanyang kamay at pinagaling. 6 Namangha siya dahil ayaw nilang maniwala sa kanya.
Isinugo ni Jesus ang Labindalawa(C)
Nilibot ni Jesus ang mga nayon sa paligid at tinuruan niya ang mga tagaroon.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.