Book of Common Prayer
33 Nagagawa niyang
tuyuin ang ilog na tulad ng ilang,
maging mga batis
ay nagagawa ring parang lupang tigang.
34 Ang(A) lupang mataba,
kung kanyang ibigi'y nawawalang saysay,
dahilan sa sama
ng mga nilikhang doo'y nananahan.
35 Kahit naman ilang,
nagagawa niyang matabang lupain,
nagiging batisang
sagana sa tubig ang tuyong lupain.
36 Sa lupaing iyon,
ang mga nagugutom doon dinadala,
ipinagtatayo
ng kanilang lunsod at doon titira.
37 Sila'y nagbubukid,
nagtatanim sila ng mga ubasan,
umaani sila
ng saganang bunga, sa lupang tinamnan.
38 Sila'y pinagpala't
lalong pinarami ang kanilang angkan,
at dumarami rin
pati mga baka sa kanilang kawan.
39 Kapag pinahiya
ang bayan ng Diyos at nalupig sila,
ang bansang sumakop
na nagpapahirap at nagpaparusa,
40 sila'y susumbatan
nitong Panginoo't ang kanyang gagawin,
ikakalat sila sa hindi kilalang malayong lupain.
41 Ngunit itataas
ang nangagdurusa't laging inaapi,
parang mga kawan,
yaong sambahayan nila ay darami.
42 Nakikita ito
ng mga matuwid kaya nagagalak,
titikom ang bibig
ng mga masama at taong pahamak.
43 Kayong matalino,
ang bagay na ito'y inyong unawain,
pag-ibig ni Yahweh
na di kumukupas ay inyong tanggapin.
Papuri at Panalangin ng Tagumpay(B)
Awit ni David.
108 Nahahanda ako ngayon, O Diyos, ako ay handa na,
na magpuri at umawit ng awiting masisigla!
Gumising ka, kaluluwa, gumising ka at magsaya!
2 O magsigising na nga kayo, mga lira at alpa;
tumugtog na at hintayin ang liwayway ng umaga.
3 Sa gitna ng mga bansa kita'y pasasalamatan,
Yahweh, ika'y pupurihin sa gitna ng mga hirang.
4 Pag-ibig mong walang maliw ay abot sa kalangitan,
nadarama sa itaas ang lubos mong katapatan.
5 Sa ibabaw ng mga langit, ikaw ay itatanghal,
at dito naman sa daigdig ang iyong kaluwalhatian.
6 Sa taglay mong kalakasan kami sana ay iligtas,
upang kaming iyong lingkod ay hindi na mapahamak;
dinggin mo ang dalangin ko kapag ako'y tumatawag.
7 Sinabi nga nitong Diyos mula sa tronong luklukan,
“Hahatiin ko ang Shekem, bilang tanda ng tagumpay,
paghahati-hatiin ko ang Sucot na kapatagan, matapos na gawin ito'y ibibigay sa hinirang.
8 Ang Gilead at Manases, dal'wang dakong ito'y akin,
magsisilbing helmet ko itong lugar ng Efraim;
samantalang itong Juda ay setrong dadakilain.
9 Ang Moab ay isang lugar na gagawin kong hugasan,
samantalang itong Edom ay lupa kong tatapakan;
doon naman sa Filistia, tagumpay ko'y isisigaw.”
10 Sino kaya ang sasama sa lakad ko, Panginoon? Sa lunsod na mayroong kuta, sino'ng maghahatid ngayon?
Sino kaya'ng magdadala sa akin sa lupang Edom?
11 Dahil kami'y itinakwil, hindi mo na pinapansin.
Kung ikaw ay di kasama, paano ang hukbo namin?
12 O Diyos, kami'y tulungan mo sa paglaban sa kaaway,
pagkat ang tulong ng tao ay walang kabuluhan.
13 Kung ang Diyos ang kasama, kasama sa panig namin,
matatamo ang tagumpay, ang kaaway tatalunin.
Awit ng Pagpupuri
33 Lahat ng matuwid dapat na magsaya,
dahil sa ginawa ng Diyos sa kanila;
kayong masunuri'y magpuri sa kanya!
2 Ang Diyos na si Yahweh ay pasalamatan,
tugtugin ang alpa't awit ay saliwan;
3 Isang bagong awit, awiting malakas,
kasaliw ang tugtog ng alpang marilag!
4 Si Yahweh ay tapat sa kanyang salita,
at maaasahan ang kanyang ginawa.
5 Ang nais niya ay kat'wira't katarungan,
ang pag-ibig niya sa mundo'y laganap.
6 Sa utos ni Yahweh, nalikha ang langit,
ang araw, ang buwa't talang maririkit;
7 sa iisang dako, tubig ay tinipon,
at sa kalaliman ay doon kinulong.
8 Matakot kay Yahweh ang lahat sa lupa!
Dapat katakutan ng buong nilikha!
9 Ang buong daigdig, kanyang nilikha,
sa kanyang salita, lumitaw na kusa.
10 Ang binabalangkas niyong mga bansa,
kanyang nababago't winawalang-bisa.
11 Ngunit ang mga panukala ni Yahweh,
hindi masisira, ito'y mananatili.
12 Mapalad ang bansang si Yahweh ang Diyos;
mapalad ang bayang kanyang ibinukod.
13 Magmula sa langit, kanyang minamasdan
ang lahat ng tao na kanyang nilalang.
14 Nagmamasid siya at namamahala
sa lahat ng tao sa balat ng lupa.
15 Ang isip nila'y sa kanya nagmula
walang nalilingid sa kanilang gawa.
16 Di(A) dahil sa hukbo, hari'y nagtagumpay,
ni dahil sa lakas, nagwagi ang kawal;
17 kabayong pandigma'y di na kailangan,
upang sa digmaa'y kamtin ang tagumpay;
di makakapagligtas, lakas nilang taglay.
18 Ang nagmamahal kay Yahweh, at nagtitiwala
sa kanyang pag-ibig, ay kinakalinga.
19 Hindi hahayaang sila ay mamatay,
kahit magtaggutom sila'y binubuhay.
20 Tanging si Yahweh lang ang ating pag-asa;
tulong na malaki at sanggalang siya.
21 Dahil nga sa kanya, kami'y natutuwa;
sa kanyang pangalan ay nagtitiwala.
22 Ipagkaloob mo na aming makamit, O Yahweh, ang iyong wagas na pag-ibig,
yamang ang pag-asa'y sa iyo nasasalig!
Si Samson sa Gaza
16 Minsan, si Samson ay nagpunta sa Gaza. Doo'y may nakilala siyang isang babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw. Siya ay nagpalipas ng gabi roon kasama ang babaing ito. 2 Nalaman ng mga Filisteo na siya'y naroon, kaya't pinaligiran nila ang lugar na iyon, at magdamag na nagbantay sa pasukan ng lunsod. Ipinasya nilang magbantay hanggang umaga upang tiyak na mapatay nila si Samson. 3 Ngunit nang hatinggabi na'y pumunta sa pintuang-bayan si Samson, inalis ang mga pangharang, poste at tarangka. Pinasan niya ang mga ito at dinala sa ibabaw ng gulod sa tapat ng Hebron.
Sina Samson at Delilah
4 Pagkatapos nito'y umibig naman si Samson sa isang dalagang nakatira sa libis ng Sorek. Siya ay si Delilah. 5 Ang babaing ito'y nilapitan ng limang pinunong Filisteo at kanilang sinabi, “Suyuin mo si Samson para malaman namin kung ano ang lihim ng kanyang lakas at nang mabihag namin siya. Kapag nagawa mo iyan, bawat isa sa ami'y magbibigay sa iyo ng sanlibo't sandaang pirasong pilak.”
6 Kaya't sinabi ni Delilah kay Samson, “Sabihin mo naman sa akin kung saan nanggagaling ang iyong lakas. Paano ka ba maigagapos at madadaig?”
7 Sumagot si Samson, “Kapag ako'y ginapos ng pitong sariwang yantok, manghihina ako gaya ng karaniwang tao.”
8 Sinabi ito ni Delilah sa mga pinunong Filisteo at siya ay binigyan nila ng pitong sariwang yantok na igagapos kay Samson. 9 Samantala, may ilang Filisteo namang nag-aabang sa kabilang silid. Pagkatapos ay sumigaw si Delilah, “Samson, may dumarating na mga Filisteo!” Ang yantok na iginapos kay Samson ay nilagot nito na para lamang nasusunog na sinulid. Kaya, hindi nila nalaman ang lihim ng kanyang lakas.
10 Dahil dito, sinabi ni Delilah, “Niloloko mo lang pala ako. Kasinungalingan lang ang sinasabi mo sa akin. Sabihin mo naman sa akin kung paano ka talaga maigagapos.”
11 Kaya, sinabi ni Samson, “Kapag ako'y ginapos ng bagong lubid na hindi pa nagagamit, manghihina ako gaya ng karaniwang tao.”
12 Kumuha si Delilah ng bagong lubid at ginapos si Samson. Pagkatapos ay sumigaw siya, “Samson, may dumarating na mga Filisteo!” Samantala, may mga lalaking nag-aabang sa kabilang silid. Ngunit ang gapos ni Samson ay nilagot niya na para lamang sinulid.
13 Kaya sinabi uli ni Delilah kay Samson, “Hanggang ngayo'y niloloko mo ako at hindi ka nagsasabi ng totoo. Sabihin mo naman sa akin kung paano ka magagapos.”
Sinabi ni Samson, “Kapag pinag-isa mo ang pitong tirintas ng aking buhok, saka ipinulupot sa isang tulos, manghihina na ako at magiging katulad ng karaniwang tao.”
14 Kaya pinatulog ni Delilah si Samson, at pinag-isa ang pitong tirintas nito. Pagkatapos, ipinulupot niya ito sa isang tulos saka sumigaw, “Samson! May dumarating na mga Filisteo!” Ngunit siya'y gumising at dali-daling kinalas sa tulos ang kanyang buhok.
30 “Makalipas(A) ang apatnapung taon, samantalang si Moises ay nasa ilang na di-kalayuan sa Bundok ng Sinai, nagpakita sa kanya ang isang anghel sa isang nagliliyab na mababang punongkahoy. 31 Namangha si Moises sa kanyang nakita, at nang lapitan niya ito upang tingnang mabuti, narinig niya ang tinig ng Panginoon, 32 ‘Ako ang Diyos ng iyong mga ninuno, ang Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob.’ Nanginig sa takot si Moises at hindi makatingin. 33 Sinabi sa kanya ng Panginoon, ‘Alisin mo ang iyong sandalyas sapagkat banal ang lupang kinatatayuan mo. 34 Nakita ko ang paghihirap ng aking bayan sa Egipto; narinig ko ang kanilang daing, at bumabâ ako upang sila'y iligtas. Halika't isusugo kita sa Egipto.’
35 “Itinakwil(B) nila ang Moises na ito nang kanilang sabihin, ‘Sino ang naglagay sa iyo upang maging pinuno at hukom namin?’ Ngunit ang Moises ding iyon ang isinugo ng Diyos upang mamuno at magligtas sa kanila, sa tulong ng anghel na nagpakita sa kanya sa mababang punongkahoy. 36 Sila(C) ay inilabas niya mula sa Egipto sa pamamagitan ng mga himalang ginawa niya roon, sa Dagat na Pula, at sa ilang sa loob ng apatnapung taon. 37 Siya(D) rin ang Moises na nagsabi sa mga Israelita, ‘Ang Diyos ay pipili ng isa sa inyo at gagawing propetang tulad ko.’ 38 Siya(E) ang kasama sa kapulungan ng mga Israelita sa ilang at ng anghel na nagsalita sa kanya at sa ating mga ninuno sa Bundok ng Sinai. Siya ang tumanggap ng mga salitang nagbibigay-buhay mula sa Diyos upang ibigay sa atin.
39 “Ngunit hindi siya sinunod ng ating mga ninuno. Sa halip, siya'y kanilang itinakwil, at mas gusto pa nilang magbalik sa Egipto. 40 Sinabi(F) pa nila kay Aaron, ‘Igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin, sapagkat hindi namin alam kung ano na ang nangyari sa Moises na iyan na naglabas sa amin mula sa lupain ng Egipto.’ 41 At(G) gumawa nga sila ng isang diyus-diyosan na may anyong guyang baka. Nag-alay sila ng handog at ipinagpista ang diyus-diyosang hinugis ng kanilang mga kamay. 42 Dahil(H) diyan, itinakwil sila ng Diyos at hinayaang sumamba sa mga bituin sa langit, ayon sa nakasulat sa aklat ng mga propeta:
‘Bayang Israel, hindi naman talaga ako
ang tunay na hinandugan ninyo ng mga alay at mga hayop na pinatay
sa loob ng apatnapung taong kayo'y nasa ilang.
43 Sa halip, ang inyong dala-dala ay ang santuwaryo ni Molec,
at ang bituin ng inyong diyos na si Refan.
Dahil ginawa ninyo ang mga rebultong ito upang sambahin,
dadalhin ko kayong mga bihag sa kabila pa ng Babilonia.’
Ang Pagpapagaling sa Bethzata
5 Pagkaraan nito'y dumating ang isang pista ng mga Judio, at pumunta si Jesus sa Jerusalem. 2 Sa lungsod na ito, malapit sa Pintuan ng mga Tupa ay may malaking imbakan ng tubig na may limang portiko. Kung tawagin ito sa wikang Hebreo ay Bethzata.[a] 3 Nasa paligid nito ang maraming maysakit, mga bulag, mga pilay, at mga paralitiko. [4 Sila'y naghihintay na gumalaw ang tubig, dahil may panahong ang isang anghel ng Panginoon ay bumababa at pinapagalaw ang tubig, at ang maunang lumusong sa tubig matapos na ito'y gumalaw ay gumagaling sa anumang karamdaman.][b]
5 May isang lalaki doon na tatlumpu't walong taon nang may sakit. 6 Nakita siya ni Jesus at alam niyang matagal nang may sakit ang lalaki kaya't tinanong niya ito, “Gusto mo bang gumaling?”
7 Sumagot ang maysakit, “Ginoo, wala pong maglulusong sa akin kapag gumalaw na ang tubig; papunta pa lamang ako, may nauuna na sa akin.”
8 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka.” 9 Noon di'y gumaling ang lalaki, binuhat ang kanyang higaan, at lumakad.
Noo'y Araw ng Pamamahinga 10 kaya't(A) sinabi ng mga pinuno ng mga Judio sa lalaking pinagaling, “Araw ng Pamamahinga ngayon! Labag sa Kautusan na dalhin mo ang iyong higaan.”
11 Ngunit sumagot siya, “Ang nagpagaling po sa akin ang nagsabing buhatin ko ang aking higaan at lumakad ako.”
12 At siya'y tinanong nila, “Sino ang nagsabi sa iyong buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka?” 13 Ngunit hindi alam ng lalaki kung sino ang nagpagaling sa kanya, sapagkat maraming tao sa lugar na iyon at nakaalis na si Jesus.
14 Pagkatapos nito, nakita ni Jesus sa loob ng Templo ang lalaki at sinabihan itong, “Magaling ka na ngayon! Huwag ka nang gumawa ng kasalanan at baka masahol pa riyan ang mangyari sa iyo.”
15 Umalis ang lalaki at sinabi sa mga Judio na si Jesus ang nagpagaling sa kanya. 16 Dahil dito, si Jesus ay sinimulang usigin ng mga pinuno ng mga Judio, sapagkat ginawa niya ito sa Araw ng Pamamahinga.
17 Ngunit sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang aking Ama ay patuloy sa kanyang gawain hanggang ngayon, at gayundin ako.” 18 Lalo(B) namang pinagsikapan ng mga Judio na ipapatay siya, sapagkat hindi lamang niya nilabag ang batas tungkol sa Araw ng Pamamahinga, sinasabi pa niyang ang Diyos ang kanyang Ama, at sa gayon ay ipinapantay ang kanyang sarili sa Diyos.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.