Book of Common Prayer
Si Yahweh ang Kataas-taasang Hari
97 Si Yahweh ay naghahari, magalak ang buong mundo!
Magsaya nama't magdiwang, lahat kayong mga pulo!
2 Ang paligid niya'y ulap na punô ng kadiliman,
kaharian niya'y matuwid at salig sa katarungan.
3 Sa unahan niya'y apoy, patuloy na nag-aalab,
sinusunog ang kaaway sa matindi nitong ningas.
4 Yaong mga kidlat niyang tumatanglaw sa daigdig,
kapag iyon ay namasdan, ang lahat ay nanginginig.
5 Itong mga kabundukan ay madaling nalulusaw,
sa presensya ni Yahweh, Diyos ng sandaigdigan.
6 Sa langit ay nahahayag nga ang kanyang katuwiran,
sa lupa ay makikita ang kanyang kadakilaan.
7 Lahat silang sumasamba sa kanilang diyus-diyosan, mahihiya sa kanilang paghahambog na mainam.
Mga diyos nilang ito ay yuyuko sa Maykapal.
8 Nagagalak itong Zion, mamamaya'y nagsasaya,
nagagalak ang lahat ng mga lunsod nitong Juda,
dahilan sa wastong hatol yaong gawad na parusa.
9 Ikaw, Yahweh, ay Dakila at hari ng buong lupa,
dakila ka sa alinmang mga diyos na ginawa.
10 Mahal ni Yahweh ang lahat ng namumuhi sa masama,
siya ang nag-iingat sa buhay ng mga lingkod niya;
sa kamay ng mga buktot, tiyak na ililigtas niya.
11 Sa tapat ang pamumuhay ay sisinag ang liwayway,
sa dalisay namang puso maghahari'y kagalakan.
12 Kayong mga matuwid, kay Yahweh ay magalak,
sa banal niyang pangalan kayo'y magpasalamat.
Si Yahweh ang Kataas-taasang Hari
99 Si(A) Yahweh ay naghahari kaya't sa takot ay,
mga tao'y nanginginig,
trono'y sa ibabaw ng mga kerubin,
kaya daigdig ay nayayanig.
2 Si Yahweh'y dakilang tunay, sa Zion o sa mga bansa,
si Yahweh ang naghahari sa lahat ng mga nilikha.
3 Purihin natin ang banal at dakila niyang ngalan,
si Yahweh ay banal!
4 Ikaw ay dakilang Hari, umiibig sa katuwiran,
ang dulot mo sa Israel ay ganap na katarungan;
ang dulot mo sa kanila ay pagtinging pantay-pantay.
5 Si Yahweh na ating Diyos ay lubos na parangalan;
sa harap ng kanyang trono, tayo ay manambahan!
Si Yahweh ay banal!
6 Si Moises at si Aaron, na mga pari niya;
at si Samuel nama'y lingkod na sa kanya ay sumamba;
nang si Yahweh'y dalanginan, dininig naman sila.
7 Si(B) Yahweh ay nagsalita sa isang haliging ulap;
sila naman ay nakinig, utos niya ay tinupad.
8 O Yahweh na aming Diyos, sinagot mo sila agad,
at ikaw ay nakilalang Diyos na mapagpatawad;
ngunit pinagdurusa mo kung ang gawa'y hindi tumpak.
9 Ang Diyos natin na si Yahweh, dapat nating parangalan,
sa banal na bundok niya sambahin ang kanyang ngalan!
Si Yahweh na ating Diyos ay banal!
Awit ng Pagpupuri
Isang Awit ng Pasasalamat.
100 Umawit sa kagalakan ang lahat ng mga bansa!
2 Si Yahweh ay papurihan, paglingkuran siyang kusa;
lumapit sa presensya niya at umawit na may tuwa!
3 O si Yahweh ay ating Diyos! Ito'y dapat na malaman,
tayo'y kanya, kanyang lahat, tayong lahat na nilalang;
lahat tayo'y bayan niya, kabilang sa kanyang kawan.
4 Pumasok sa kanyang templo na ang puso'y nagdiriwang,
umaawit, nagpupuri sa loob ng dakong banal;
purihin ang ngalan niya at siya'y pasalamatan!
5 Napakabuti(C) ni Yahweh,
pag-ibig niya'y walang hanggan,
pag-ibig niya ay tunay, laging tapat kailanman!
Diyos ang Siyang Huhusga sa Lahat
94 Karapatang magparusa, O Yahweh, ay taglay mo,
ipakita mo ngayon ang karapatang ganito.
2 Tumayo ka at sa lupa'y igawad ang iyong hatol,
ang hambog ay hatulan mo ng parusang nauukol.
3 Hanggang kailan kaya, Yahweh, magagalak ang masama?
Hanggang kailan ibabantog ang kanilang mga gawa?
4 Gaano bang katagal pa ang masama'y maghahambog,
upang sila'y magmalaki sa kanilang gawang buktot?
5 Kanila ngang nililipol itong mga hinirang mo,
Yahweh, inaapi nila mga taong tinubos mo.
6 Ang mga ulila, balo't mamamayan ng ibang bansa,
pinapatay nila ito at kanilang pinupuksa.
7 Madalas na sinasabi, “Hindi kami pansin ni Yahweh,
hindi kami nakikita ni pansin ng Diyos ni Jacob.”
8 Unawain ninyo, bayan, kayong kulang ang isipan;
hanggang kailan pa durunong kayong mga taong mangmang?
9 Itong Diyos na lumikha nitong ating mata't tainga,
akala ba ninyo'y bingi at ni hindi makakita?
10 Sa lahat ng mga bansa di ba siya ang hahatol?
Di ba siya'ng guro nila pagkat siya ang marunong?
11 Batid(A) ni Yahweh mga plano nating baluktot,
katulad lang ng hininga, madaling malagot.
12 Mapalad ang mga taong tumatanggap ng pangaral,
silang sa iyo'y tumatanggap ng turo sa kautusan.
13 Pagkat sila'y magdaranas ng kapahingahan,
hanggang yaong masasama'y mahulog sa kanilang hukay.
14 Mga lingkod ni Yahweh ay hindi niya iiwanan,
itong mga hirang niya'y hindi niya tatalikdan;
15 mababalik sa matuwid ang ganap na katarungan,
diwang ito ang susundin ng tapat ang pamumuhay.
16 Sino kaya'ng kakampi ko sa pagbaka sa masama?
Sino ngayon ang babaka sa masama nilang gawa?
17 O Yahweh, kung ako nga ay hindi mo tinulungan,
akin sanang kaluluwa'y naroon na sa libingan.
18 Kapag aking nagunitang, “Ang paa ko'y dumudulas,”
dahilan sa pag-ibig mo, O Yahweh, ako'y tumatatag.
19 Kapag ako ay ginugulo ng maraming suliranin,
ang wagas na pag-ibig mo ang umaaliw sa akin.
20 Sa iyo ba ay papanig mga hukom na masama,
na ang laging kapasyaha'y ang hatol na hindi tama?
21 Sama-sama silang lagi't ang matuwid ang kalaban,
ang hatol sa walang sala ay hatol na kamatayan.
22 Ngunit ikaw, O Yahweh, ang sa aki'y nagtatanggol.
Ikaw na aking Diyos ang matibay na kanlungan.
23 Sa masamang gawa nila ay Diyos ang gaganti,
lilipulin niyang lahat, pagkat sila'y di mabuti;
ang wawasak sa kanila ay ang Diyos na si Yahweh.
Awit ng Pagpupuri kay Yahweh
95 Tayo na't lumapit
kay Yahweh na Diyos, siya ay awitan,
ang batong kublihan,
atin ngang handugan, masayang awitan!
2 Tayo na't lumapit,
sa kanyang presensya na may pasalamat,
siya ay purihin,
ng mga awiting may tuwa at galak.
3 Sapagkat si Yahweh,
siya ay dakila't makapangyarihang Diyos,
ang dakilang Haring
higit pa sa sinuman na dinidiyos.
4 Nasa kanyang palad
ang buong daigdig, pati kalaliman;
ang lahat ay kanya
maging ang mataas nating kabundukan.
5 Kanya rin ang dagat
at pati ang lupa na kanyang nilalang.
6 Tayo na't lumapit,
sa kanya'y sumamba at magbigay-galang,
lumuhod sa harap
ni Yahweh na siyang sa ati'y may lalang.
7 Siya(B) (C) ang ating Diyos,
at tayo ang bayan sa kanyang pastulan,
mga tupang kanyang inaalagaan.
At ngayon kanyang salita'y ating pakinggan:
8 “Iyang(D) inyong puso'y
huwag patigasin, tulad ng ginawa
ng inyong magulang
nang nasa Meriba, sa ilang ng Masah.
9 Ako ay tinukso't
doon ay sinubok ng inyong magulang,
bagama't nakita
ang aking ginawang sila'ng nakinabang.
10 Apatnapung taon,
sa inyong ninuno ako ay nagdamdam,
ang aking sinabi,
‘Sila ay suwail, walang pakundangan
at ang mga utos ko'y ayaw nilang sundin!’
11 Kaya't(E) sa galit ko,
ako ay sumumpang hindi sila makakapasok
at makakapagpahinga sa aking piling.”
Ipinanganak si Samson
13 Muling gumawa ng kasamaan ang mga Israelita laban kay Yahweh kaya sila'y hinayaan niyang masakop ng mga Filisteo sa loob ng apatnapung taon.
2 Nang panahong iyon, sa bayan ng Zora ay may isang lalaking nagngangalang Manoa na kabilang sa lipi ni Dan. Ang asawa niya ay hindi magkaanak sapagkat ito'y baog. 3 Minsan, nagpakita sa babae ang anghel ni Yahweh at sinabi, “Hindi ka pa nagkakaanak. Ngunit hindi magtatagal, maglilihi ka at manganganak. 4 Kaya, mula ngayon ay huwag kang iinom ng anumang uri ng alak ni titikim ng anumang ipinagbabawal na pagkain. 5 Kapag(A) naisilang mo na ang iyong anak na lalaki, huwag mo siyang puputulan ng buhok sapagkat mula pa sa kanyang pagsilang ay ilalaan na siya sa Diyos bilang isang Nazareo. Siya ang magsisimulang magligtas sa Israel mula sa mga Filisteo.”
6 Lumapit ang babae sa kanyang asawa at sinabi, “Nagpakita sa akin ang isang lingkod ng Diyos, at ang hitsura niya'y kakila-kilabot na parang anghel ng Diyos. Hindi ko tinanong kung saan siya galing at hindi naman niya sinabi kung sino siya. 7 Huwag daw akong iinom ng alak ni titikim ng anumang ipinagbabawal na pagkain sapagkat ang sanggol na isisilang ko'y ilalaan sa Diyos bilang isang Nazareo.”
8 Dahil dito, nanalangin si Manoa, “Yahweh, kung maaari'y pabalikin ninyo sa amin ang nasabing lingkod ng Diyos upang sabihin ang lahat ng nararapat naming gawin sa magiging anak namin.” 9 Tinugon naman ni Yahweh ang kahilingan ni Manoa. Nagpakita muli ang anghel sa asawa ni Manoa nang ito'y nag-iisang nakaupo sa bukid. 10 Dali-dali niyang hinanap ang kanyang asawa at sinabi, “Manoa, halika! Naritong muli ang lalaking nagpakita sa akin noong isang araw.”
11 Sumunod naman si Manoa. Nang makita niya ang lalaki, tinanong niya ito, “Kayo po ba ang nakausap ng aking asawa?”
“Oo,” sagot nito.
12 “Kung magkakatotoo ang sinabi ninyo, ano ang magiging buhay ng bata at ano ang dapat niyang gawin?” tanong ni Manoa.
13 Sumagot ang anghel ni Yahweh, “Kailangang sundin ng asawa mo ang lahat ng sinabi ko sa kanya. 14 Huwag siyang kakain ng anumang mula sa puno ng ubas. Huwag rin siyang iinom ng anumang uri ng alak ni titikim ng anumang ipinagbabawal na pagkain. Kailangan niyang sundin ang lahat ng sinabi ko sa kanya.”
15 “Huwag po muna kayong aalis at ipagluluto ko kayo ng isang batang kambing,” pakiusap ni Manoa.
27 Iniharap nila sa Kapulungan ang mga apostol at ang mga ito'y tinanong ng pinakapunong pari. 28 “Hindi ba't mahigpit namin kayong pinagbawalang mangaral sa pangalan ng taong iyan?” sinabi(A) niya. “Ngunit tingnan ninyo ang inyong ginawa! Laganap na sa Jerusalem ang inyong itinuturo at nais pa ninyo kaming papanagutin sa pagkamatay ng taong iyan!” 29 Sumagot si Pedro at ang ibang mga apostol, “Sa Diyos kami dapat sumunod, at hindi sa tao. 30 Ang Diyos ng ating mga ninuno ang muling bumuhay kay Jesus na pinatay ninyo nang siya'y inyong ipinako sa krus.[a] 31 Iniakyat siya ng Diyos sa kanyang kanan bilang Tagapanguna at Tagapagligtas, upang bigyan ang mga Israelita ng pagkakataong magsisi at tumalikod sa kasalanan, at nang sa gayon ay magkamit sila ng kapatawaran. 32 Saksi kami sa mga bagay na ito, kami at ang Espiritu Santo na ipinagkaloob ng Diyos sa mga sumusunod sa kanya.”
33 Nagngitngit sa galit ang mga bumubuo ng Kapulungan nang marinig ito, at nais nilang ipapatay ang mga apostol. 34 Ngunit tumayo ang isa sa kanila na ang pangalan ay Gamaliel, isang Pariseong guro ng Kautusan at iginagalang ng buong bayan. Iniutos niyang ilabas muna ang mga apostol, 35 at pagkatapos ay nagsalita, “Mga kababayan, isipin ninyong mabuti ang gagawin ninyo sa mga taong ito. 36 Hindi pa nagtatagal mula nang lumitaw si Teudas na nagpanggap na isang dakilang pinuno, at nakaakit ng may apatnaraang tagasunod. Ngunit nang mapatay siya, nagkahiwa-hiwalay ang kanyang mga tauhan at nauwi sa wala ang kanilang kilusan. 37 Pagkatapos, lumitaw naman si Judas na taga-Galilea noong panahon ng pagpapatala ng mga mamamayan, at nakaakit din ito ng maraming tauhan. Nang mapatay siya, nagkawatak-watak din ang mga tagasunod niya. 38 Kaya't ganito ang payo ko: huwag ninyong pakialaman ang mga taong ito; hayaan ninyo sila. Kung ang kanilang plano o kilusan ay mula sa tao, ito'y kusang maglalaho. 39 Ngunit(B) kung ito'y mula sa Diyos, hindi ninyo ito mahahadlangan, at lilitaw pang kayo'y lumalaban sa Diyos!”
Sinunod nga nila ang payo ni Gamaliel. 40 Pinapasok nilang muli ang mga apostol, at matapos ipahagupit at pagbawalang mangaral sa pangalan ni Jesus, ang mga ito'y pinalaya. 41 Nilisan ng mga apostol ang Kapulungan at sila'y galak na galak sapagkat minarapat ng Diyos na sila'y magdanas ng kahihiyan alang-alang sa pangalan ni Jesus. 42 At araw-araw, sa Templo at sa mga bahay-bahay, walang tigil silang nagturo at nangaral ng magandang balita tungkol kay Jesus, ang Cristo.
Si Jesus at si Juan
22 Pagkatapos nito, si Jesus at ang kanyang mga alagad ay nagpunta sa lupain ng Judea. Nanatili siya roon nang kaunting panahon na kasama nila at nagbautismo ng mga tao. 23 Samantala, si Juan ay nagbabautismo naman sa Enon, malapit sa Salim, sapagkat maraming tubig doon. Pumupunta sa kanya ang mga tao at nagpapabautismo. 24 Hindi(A) pa noon nabibilanggo si Juan.
25 Minsan, nagkaroon ng pagtatalo ang mga alagad ni Juan at ang isang Judio[a] tungkol sa rituwal ng paglilinis. 26 Kaya't pumunta sila kay Juan at sinabi sa kanya, “Guro, naaalala pa po ba ninyo ang lalaking kasama ninyo sa ibayo ng Jordan, na inyong pinatotohanan? Siya po ay nagbabautismo rin at nagpupuntahan sa kanya ang lahat!”
27 Sumagot si Juan, “Walang sinumang tatanggap ng anuman malibang ito'y ipagkaloob sa kanya ng Diyos. 28 Kayo(B) mismo ang makakapagpatunay na sinabi kong hindi ako ang Cristo; isa lamang akong sugo na mauuna sa kanya. 29 Sa isang kasalan, ang babaing ikakasal ay para lamang sa lalaking ikakasal. Ang abay na naghihintay sa pagdating ng lalaking ikakasal ay lubos na nagagalak kapag narinig niya ang tinig nito. Gayundin naman, lubos na ang aking kagalakan ngayon. 30 Dapat siyang maitaas at ako nama'y maibaba.”
Si Jesus ang Mula sa Langit
31 Ang mula sa itaas ay dakila sa lahat; ang mula sa lupa ay taga-lupa at nagsasalita tungkol sa mga bagay sa lupa. Ang mula sa langit ay dakila sa lahat. 32 Pinapatotohanan niya ang kanyang nakita at narinig ngunit walang tumatanggap sa kanyang patotoo. 33 Ang tumatanggap sa kanyang patotoo ay nagpapatunay na ang sinasabi ng Diyos ay totoo. 34 Ang isinugo ng Diyos ay nagpapahayag ng mga salita ng Diyos, sapagkat lubusang ipinagkakaloob ng Diyos ang kanyang Espiritu. 35 Iniibig(C) ng Ama ang Anak, at ibinigay niya rito ang pamamahala sa lahat ng bagay. 36 Ang sumasampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan. Ngunit ang hindi sumusunod sa Anak ay hindi magkakaroon ng buhay. Sa halip, mananatili sa kanya ang poot ng Diyos.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.