Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 120-127

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

120 Nang ako'y manganib, kay Yahweh dumaing,
    dininig niya ako sa aking dalangin.
Sa taong di tapat, gawai'y manlinlang,
    Yahweh, iligtas mo't ako'y isanggalang.

Sa kamay ng Diyos, kayong sinungaling,
    ano kayang parusa ang inyong kakamtin?
Tutudlain kayo ng panang matalim,
    at idadarang pa sa may bagang uling.

Ako ay kawawa; ako ay dayuhan,
    sa Meshec at Kedar, ako ay namuhay.
Matagal-tagal ding ako'y nakapisan
    ng hindi mahilig sa kapayapaan.
Kung kapayapaan ang binabanggit ko,
    pakikipagbaka ang laman ng ulo.

Si Yahweh ang Ating Tagapagtanggol

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

121 Do'n sa mga burol, ako'y napatingin—
    sasaklolo sa akin, saan manggagaling?
Ang hangad kong tulong, kay Yahweh magmumula,
    sa Diyos na lumikha ng langit at ng lupa.

Di niya ako hahayaang mabuwal,
    siya'y di matutulog, ako'y babantayan.
Ang tagapagtanggol ng bayang Israel,
    hindi natutulog at palaging gising!
Si Yahweh ang ating Tagapag-ingat,
    laging nasa piling, upang magsanggalang.
Di ka maaano sa init ng araw,
    kung gabi ay di ka sasaktan ng buwan.

Si Yahweh ang siyang sa iyo'y mag-iingat,
    sa mga panganib, ika'y ililigtas.
Si Yahweh ang siyang sa iyo'y mag-iingat
    saanman naroon, ika'y iingatan, di ka maaano kahit na kailan.

Awit ng Parangal para sa Jerusalem

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba; katha ni David.

122 Ako ay nagalak nang sabihin nila:
    “Pumunta na tayo sa bahay ni Yahweh.”
Sama-sama kami matapos sapitin,
    ang pintuang-lunsod nitong Jerusalem.

Itong Jerusalem ay napakaganda,
    matatag at maayos na lunsod siya.
Dito umaahon ang lahat ng angkan,
    lipi ni Israel upang manambahan,
ang hangad, si Yahweh ay pasalamatan,
    pagkat ito'y utos na dapat gampanan.
Doon din naroon ang mga hukuman
    at trono ng haring hahatol sa tanan.

Ang kapayapaan nitong Jerusalem, sikaping kay Yahweh ito'y idalangin:
    “Ang nangagmamahal sa iyo'y pagpalain.
    Pumayapa nawa ang banal na bayan,
    at ang palasyo mo ay maging tiwasay.”
Alang-alang sa kasama at pamilya ko,
    sa iyo Jerusalem, ang sabi ko'y ito: “Ang kapayapaa'y laging sumaiyo.”
Dahilan sa bahay ni Yahweh, ating Diyos,
    ang aking dalangi'y umunlad kang lubos.

Panalangin Upang Kahabagan

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

123 Ang aking pangmasid doon nakatuon,
    sa luklukang trono mo, O Panginoon.
Tulad ko'y aliping ang inaasahan
    ay ang amo niya para sa patnubay,
kaya tuluy-tuloy ang aming tiwala,
    hanggang ikaw, Yahweh, sa ami'y maawa.

Mahabag ka, Yahweh, kami'y kaawaan,
    labis na paghamak aming naranasan.
Kami'y hinahamak ng mga mayaman,
    laging kinukutya kahit noon pa man ng mapang-aliping taong mayayabang.

Ang Diyos ang Tagapagtanggol ng Kanyang Bayan

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba; katha ni David.

124 Ano kaya't kung si Yahweh ay di pumanig sa atin;
    O Israel, ano kaya yaong iyong sasabihin?
“Kung ang Diyos na si Yahweh, sa amin ay di pumanig,
    noong kami'y salakayin ng kaaway na malupit,
maaaring kami noon ay nilamon na nang buháy
    sa silakbo ng damdamin at ng galit na sukdulan.
Maaaring kami noo'y natangay na niyong agos,
    naanod sa karagata't tuluy-tuloy na nalunod;
    sa lakas ng agos noo'y nalunod nga kaming lubos.

Tayo ay magpasalamat, si Yahweh ay papurihan,
    pagkat tayo'y iniligtas sa malupit na kaaway.
Ang katulad nati'y ibong sa bitag ay nakatakas;
    lubos tayong nakalaya nang ang bitag ay mawasak.
Tulong nating kailangan ay kay Yahweh nagmumula,
    pagkat itong lupa't langit tanging siya ang lumikha.

Kaligtasan ng mga Lingkod ng Diyos

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

125 Parang Bundok Zion, ang taong kay Yahweh ay nagtitiwala,
    kailanma'y di makikilos, hindi mauuga.
Itong Jerusalem ay naliligiran ng maraming bundok,
    gayon nagtatanggol
    sa mga hinirang si Yahweh, ating Diyos.

Taong masasama
    ay di hahayaang laging mamahala,
pagkat maaaring ang mga pinili, mahawa sa sama.
Ang mga mabait na tapat sumunod sa iyong kautusan,
    sana'y pagpalain mo sila, O Yahweh, sa kanilang buhay.
Ngunit ang masama, sa kanilang hilig iyong parusahan,
parusahan sila, dahil sa di wasto nilang pamumuhay.

Kapayapaan para sa Israel!

Panalangin Upang Iligtas ng Diyos

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

126 Nang lingapin tayo ni Yahweh at sa Zion ay ibalik,
    ang nangyaring kasaysaya'y parang isang panaginip.
Lahat tayo ay natuwa, masasayang nagsiawit!
Ang sabi ng mga bansang nagmamasid sa paligid,
“Tunay na dakila, ginawa ni Yahweh para sa kanila!”
Dakila ngang masasabi, pambihira ang ginawa,
kaya naman kami ngayon, nagdiriwang, natutuwa!

Kung paanong inuulan itong mga tuyong batis,
sa sariling bayan namin, Yahweh, kami ay ibalik.
Silang tumatangis habang nagsisipagtanim,
hayaan mo na mag-ani na puspos ng kagalakan.

Silang mga nagsihayong dala'y binhi't nananangis,
ay aawit na may galak, dala'y ani pagbalik!

Pagpupuri Dahil sa Kabutihan ng Diyos

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba; katha ni Solomon.

127 Maliban nga na si Yahweh ang nagtatag nitong bahay,
    ang ginawa ng nagtayo ay wala ring kabuluhan;
maliban nga na si Yahweh ang sa lunsod ay gumabay,
    ang pagmamasid ng bantay ay wala ring saysay.
Hindi dapat pakahirap, magpagal sa hanapbuhay;
    maaga pa kung bumangon, gabing-gabi kung humimlay,
pagkat pinagpapahinga ni Yahweh ang kanyang mahal.

Kaloob nga ni Yahweh itong ating mga anak,
    ang ganitong mga supling, pagpapalang mayro'ng galak.
Ang lalaking mga anak sa panahong kabataan,
    ang katulad ay palaso sa kamay ng isang kawal.
Mapalad ang isang taong mapalasong tulad niyan,
hindi siya malulupig, at malayo sa kahihiyan,
    kung sila man ng kalaban ay magtagpo sa hukuman.

Mga Hukom 18:1-15

Si Micas at ang Angkan ni Dan

18 Nang panahong iyon ay wala pang hari ang Israel. Ang lipi ni Dan ay naghahanap noon ng lugar na matitirhan. Wala silang tirahan noon sapagkat wala pa silang natatanggap na lupaing mana. Kaya't pumili sila ng limang pangunahing kalalakihan sa kanilang lipi, mula sa Zora at Estaol at pinahanap ng matitirhan nilang lahat. Ang limang inutusan ay nagpunta sa lugar ni Micas at sa bahay nito tumuloy. Samantalang naroon sila, nakilala nilang Levita ang kasama ni Micas dahil sa punto ng salita nito. Kaya, tinanong nila ito, “Anong ginagawa mo rito? Sino ang nagdala sa iyo rito?”

“May usapan kami ni Micas at binabayaran niya ako bilang pari,” sagot niya.

Sinabi nila sa kanya, “Kung gayon, isangguni mo sa Diyos kung magtatagumpay kami sa lakad naming ito.”

Sinabi ng Levita, “Huwag kayong mag-alala. Pinapatnubayan kayo ni Yahweh sa lakad ninyo.”

Ang lima ay nagpatuloy sa kanilang lakad at nakarating sa Lais. Nakita nilang tahimik doon. Panatag ang loob ng mga tagaroon, payapa at sapat sa lahat ng pangangailangan. Ang lugar na iyon ay malayo sa mga taga-Sidon at walang pakikiugnay sa ibang tao. Nang magbalik sila sa Zora at Estaol, tinanong sila ng kanilang mga kababayan kung ano ang nakita nila. Ang sabi nila, “Mainam na lugar iyon. Kaya, hindi tayo dapat mag-aksaya ng panahon. Lumusob na tayo at nang masakop natin agad. 10 Malawak ang lupaing iyon at sagana sa lahat ng bagay. Ibinigay na ito ng Diyos sa atin, at hindi nila iisiping sasalakayin natin sila.”

11 Kaya, mula sa Zora at Estaol ay lumakad ang may animnaraang mandirigma ng lipi ni Dan. 12 Nagkampo sila sa may Lunsod ng Jearim sa Juda, at hanggang ngayon, ang lugar na iyo'y tinatawag na Kampo ni Dan. 13 Mula roon, dumaan sila sa kaburulan ng Efraim at nagtuloy sa bahay ni Micas.

14 Sinabi sa kanila ng limang nagsiyasat sa Lais, “Sa bahay na ito ay may isang imaheng balot ng pilak, bukod pa sa ibang diyus-diyosan at efod. Ano sa palagay ninyo ang mainam nating gawin para makuha ang mga iyon?” 15 Kaya't pumunta sila sa bahay ni Micas at kinumusta ang kabataang Levita na nakatira roon.

Mga Gawa 8:1-13

Inusig ni Saulo ang Iglesya

Sinang-ayunan ni Saulo ang pagpatay kay Esteban.

Nang araw na iyon, nagsimula ang matinding pag-uusig laban sa iglesya sa Jerusalem; at maliban sa mga apostol, ang lahat ng sumasampalataya ay nagkawatak-watak at napunta sa iba't ibang lugar sa lupain ng Judea at Samaria. Si Esteban nama'y inilibing ng mga taong may takot sa Diyos at tinangisan nang gayon na lamang.

Samantala,(A) sinikap ni Saulo na wasakin ang iglesya; pinasok niya ang mga bahay-bahay at kanyang kinaladkad at ibinilanggo ang mga sumasampalataya, maging lalaki o babae.

Ipinangaral sa Samaria ang Magandang Balita

Ipinangaral ng mga mananampalatayang nagkawatak-watak sa iba't ibang lugar ang Salita saan man sila magpunta. Nagpunta si Felipe sa lungsod[a] ng Samaria at ipinahayag doon ang Cristo. Nang marinig ng mga tao si Felipe at makita ang mga himalang ginawa niya, nakinig silang mabuti sa kanyang sinasabi. Ang masasamang espiritu ay lumabas sa mga taong sinapian nila at sumisigaw habang lumalabas. Maraming lumpo at pilay ang pinagaling kaya't nagkaroon ng malaking kagalakan sa lungsod na iyon.

Doo'y may isang lalaking ang pangalan ay Simon. Noong una, pinapahanga niya ang mga Samaritano sa pamamagitan ng salamangka. Ipinagmamalaki niya na siya'y isang dakilang tao, 10 at pinapakinggan naman siya ng lahat, mula sa pinakamababa hanggang sa pinakamataas sa lipunan, “Ang lalaking ito ang kapangyarihan ng Diyos na tinatawag na Dakila,” sabi nila. 11 Mahabang panahon ding sila'y pinahanga niya sa pamamagitan ng kanyang salamangka, kaya't siya'y patuloy na pinapakinggan nila. 12 Ngunit nang sumampalataya sila nang ipangaral ni Felipe ang Magandang Balita tungkol sa kaharian ng Diyos at tungkol kay Jesu-Cristo, nagpabautismo ang mga lalaki't babae. 13 Pati si Simon ay sumampalataya rin, at nang mabautismuhan ay patuloy siyang sumama kay Felipe. Humanga si Simon nang makita niya ang mga himala.

Juan 5:30-47

Mga Saksi para kay Jesus

30 “Wala akong magagawa sa sarili ko lamang. Humahatol ako ayon sa sinasabi sa akin ng Ama, kaya't matuwid ang hatol ko. Hindi ang sarili kong kalooban ang aking sinusunod kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.

31 “Kung ako lamang ang nagpapatotoo tungkol sa aking sarili, ang patotoo ko ay walang katotohanan. 32 Ngunit may ibang nagpapatotoo tungkol sa akin, at totoo ang kanyang sinasabi. 33 Nagpadala(A) kayo ng mga sugo kay Juan at nagpatotoo siya tungkol sa katotohanan. 34 Hindi sa kailangan ko ang patotoo ng tao; sinasabi ko lamang ito para maligtas kayo. 35 Si(B) Juan ay parang maningas na ilaw na nagliliwanag noon, at kayo'y sandaling nasiyahan sa kanyang liwanag. 36 Ngunit may patotoo tungkol sa akin na higit pa sa patotoo ni Juan. Ang mga gawang ipinapagawa sa akin ng Ama na siya ko namang ginaganap, ang nagpapatotoo na ako'y isinugo ng Ama. 37 At(C) ang Ama na nagsugo sa akin ay nagpapatotoo rin tungkol sa akin. Kailanma'y hindi ninyo narinig ang kanyang tinig ni nakita man ang kanyang anyo. 38 Hindi nanatili sa inyong mga puso ang kanyang salita sapagkat hindi kayo sumasampalataya sa isinugo niya. 39 Sinasaliksik(D) ninyo ang mga Kasulatan sa pag-aakalang doon ninyo matatagpuan ang buhay na walang hanggan. Ang mga Kasulatang iyan ang nagpapatotoo tungkol sa akin! 40 Ngunit ayaw naman ninyong lumapit sa akin upang kayo'y magkaroon ng buhay.

41 “Hindi ako naghahangad ng parangal ng tao. 42 Subalit kilala ko kayo; alam kong wala kayong pag-ibig sa Diyos. 43 Naparito ako sa pangalan ng aking Ama, subalit ayaw ninyo akong tanggapin. Kung may ibang pumarito sa kanyang sariling pangalan, siya'y inyong tatanggapin. 44 Paano kayo maniniwala sa akin kung ang hinahangad ninyo'y ang papuri ng isa't isa at hindi ang papuri na nanggagaling sa iisang Diyos? 45 Huwag ninyong isipin na ako ang magsasakdal laban sa inyo sa harapan ng Ama. Si Moises, na inaasahan ninyo, ang siyang maghaharap ng paratang laban sa inyo. 46 Kung talagang naniniwala kayo kay Moises, maniniwala din kayo sa akin, sapagkat sumulat siya tungkol sa akin. 47 Ngunit kung hindi kayo naniniwala sa mga isinulat niya, paano kayo maniniwala sa mga sinasabi ko?”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.