Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 89

Panalangin sa Panahong Nagkakagulo ang Bansa

Isang(A) Maskil[a] E ni Etan, na mula sa angkan ni Ezra.

89 Pag-ibig mo, Yahweh, na di nagmamaliw, ang sa tuwi-t'wina'y aking aawitin;
    ang katapatan mo'y laging sasambitin.
Ang iyong pag-ibig walang katapusan,
    sintatag ng langit ang iyong katapatan.

Sabi mo, O Yahweh, isang kasunduan ang iyong ginawa kay David mong hirang
    at ito ang iyong pangakong iniwan:
“Isa(B) sa lahi mo'y laging maghahari,
    ang kaharian mo ay mamamalagi.” (Selah)[b]

Nagpupuri silang nilikha sa langit, ang iyong ginawa'y siyang binabanggit
    ang katapatan mo, Yahweh, ay inaawit.
O Yahweh, Makapangyarihan sa lahat, sino'ng kaparis mo doon sa itaas?
    Mga nilalang doon sa kalangitan, kay Yahweh ba sila ay maipapantay?
Sa pagtitipon man ng lahat ng hinirang,
    may banal na takot sa iyo at paggalang.

O Yahweh na Makapangyarihang Diyos, O Yahweh, mayroon pa kayang katulad kang lubos?
    Sa kapangyarihan ay tunay na puspos, kadakilaan mo'y sadyang lubus-lubos.
Sumusunod sa iyo dagat mang mabangis,
    alon mang malaki'y napapatahimik.
10 Iyang dambuhalang kung tawagi'y Rahab ay iyong dinurog sa taglay mong lakas,
    lahat mong kaaway ay iyong winasak, kapangyarihan mo'y ubod nang lakas.
11 Sa iyo ang langit, sa iyo ang lupa,
    ang buong daigdig ikaw ang maylikha, lahat nang naroo'y sa iyo nagmula.
12 Timog at hilaga, ikaw ang naglagay;
    Bundok Hermo't Tabor ay nag-aawitan, nagpupuri sila sa iyong pangalan.
13 Ang taglay mong lakas at kapangyarihan,
    ay walang kaparis, di matatawaran!
14 Ang kaharian mo ay makatarungan,
    saligang matuwid ang pinagtayuan;
wagas na pag-ibig at ang katapatan,
    ang pamamahala mong ginagampanan.

15 Mapalad ang taong sa iyo'y sumasamba, sa pagsamba nila'y inaawitan ka
    at sa pag-ibig mo'y namumuhay sila.
16 Sa buong maghapon, ika'y pinupuri,
    ang katarungan mo'y siyang sinasabi.
17 Ang tagumpay namin ay iyong kaloob,
    dahilan sa iyong kagandahang-loob.
18 Sapagkat si Yahweh ang aming sanggalang,
    ang aming hari ay siya ang humirang, Banal ng Israel, siya'y aming sandigan.

Ang Pangako ng Diyos kay David

19 Noon pa mang una, sa mga lingkod mo, ika'y nagsalita,
    sa pangitaing ipinakita'y ito ang badya:
    “Aking pinutungan ang isang dakila,
    na aking pinili sa gitna ng madla.
20 Ang(C) piniling lingkod na ito'y si David,
    aking binuhusan ng banal na langis.
21 Kaya't palagi ko siyang gagabayan,
    at siya'y bibigyan ko ng kalakasan.
22 Di siya malulupig ng kanyang kaaway,
    ang mga masama'y di magtatagumpay.
23 Aking dudurugin sa kanyang harapan,
    silang namumuhi na mga kaaway.
24 Ang katapatan ko't pag-ibig na wagas, ay iuukol ko't aking igagawad,
    at magtatagumpay siya oras-oras.
25 Mga kaharia'y kanyang masasakop,
    dagat na malawak at malaking ilog.
26 Ako'y tatawaging Ama niya't Diyos,
    tagapagsanggalang niya't manunubos.
27 Gagawin(D) ko siyang panganay at hari,
    pinakamataas sa lahat ng hari!
28 Ang aking pangako sa kanya'y iiral
    at mananatili sa aming kasunduan.
29 Laging maghahari ang isa niyang angkan,
    sintatag ng langit yaong kaharian.

30 “Kung ang mga anak niya ay susuway,
    at ang aking utos ay di igagalang,
31 kung ang aking aral ay di papakinggan
    at ang kautusa'y hindi iingatan,
32 kung gayon, daranas sila ng parusa dahil kasamaan ang ginawa nila,
    sila'y hahampasin sa ginawang sala.
33 Ngunit ang pangako't pag-ibig kay David,
    ay di magbabago, hindi mapapatid.
34 Ang tipan sa kanya'y di ko sisirain,
    ni isang pangako'y di ko babawiin.

35 “Sa aking kabanalan, ipinangako ko,
    kay David ay hindi magsisinungaling.
36 Lahi't trono niya'y hindi magwawakas,
    hanggang mayro'ng araw tayong sumisikat;
37 katulad ng buwan na hindi lilipas,
    matatag na tanda doon sa itaas.” (Selah)[c]

Hinagpis sa Pagkatalo ng Hari

38 Subalit ngayon, siyang iyong hirang,
    ay itinakwil mo at kinagalitan;
39 binawi mo pati yaong iyong tipan,
    ang kanyang korona ay iyong dinumhan.
40 Ang tanggulan niya ay iyong winasak,
    mga muog niya'y iyong ibinagsak.
41 Lahat ng magdaa'y nagsasamantala,
    ang ari-arian niya'y kinukuha;
    bansa sa paligid, pawang nagtatawa.
42 Iyong itinaas ang kanyang kaaway,
    tuwang-tuwa sila't pinapagtagumpay.
43 Ang sandata niya'y nawalan ng saysay,
    binigo mo siya sa kanyang paglaban.
44 Yaong kanyang trono at ang setrong hawak,
    inalis sa kanya't iyong ibinagsak.

45 Sa iyong ginawa'y nagmukhang matanda,
    sa kanyang sinapit siya'y napahiya. (Selah)[d]

Panalangin Upang Iligtas ng Diyos

46 Hanggang kailan pa ba, mukha'y itatago?
    Wala na bang wakas, tindi ng galit mo?
47 Alam mo, O Yahweh, ang buhay ng tao ay maikli lamang sa balat ng mundo;
    papanaw na lahat silang nilikha mo.
48 Sino ba'ng may buhay na hindi papanaw?
    Paano iiwas sa kanyang libingan tayong mga taong ngayo'y nabubuhay? (Selah)[e]

49 Nasaan ang alab ng dating pag-ibig at tapat na sumpang ginawa kay David?
    Nasaan, O Diyos? Iyong ipabatid.
50 Iyong nalalaman ang mga pasakit ng abâ mong lingkod, na pawang tiniis;
    ang mga pagkutya na kanyang sinapit sa kamay ng taong pawang malulupit.
51 Ganito tinuya ng iyong kaaway
    ang piniling haring saan ma'y inuyam.

52 Si Yahweh ay ating purihin magpakailanman!

    Amen! Amen!

Mga Hukom 12:1-7

Si Jefta at ang Lipi ni Efraim

12 Ang mga kalalakihan ng Efraim ay tinipon upang makipagdigma. Sama-sama silang tumawid ng Ilog Jordan at nagpunta sa Zafon upang kalabanin si Jefta. Itinanong nila sa kanya, “Bakit hindi mo kami tinawag bago ka nakipagdigma sa mga taga-Ammon? Dahil sa ginawa mong iyan, susunugin namin ang bahay mo at itatambak ka namin doon.”

Sumagot si Jefta, “Kami at ang mga Ammonita ay nagkaroon ng matinding alitan. Humingi kami ng tulong sa inyo ngunit hindi ninyo kami pinansin. Kaya, itinaya ko na ang buhay ko sa pakikipagdigma sa kanila. Pinagtagumpay naman ako ni Yahweh. Bakit gusto ninyo akong salakayin ngayon?” Tinipon ni Jefta ang kanyang mga tauhan at nilabanan ang mga taga-Efraim sapagkat sinabi ng mga ito, “Kayong mga taga-Gilead, mga takas lang kayo mula sa Efraim! Nakikitira lang kayo sa Efraim at Manases!” Ang mga taga-Efraim ay tinalo ng mga taga-Gilead. Binantayan nila ang mga lugar ng Ilog Jordan na maaaring tawiran ng tao upang hindi makatawid ang mga taga-Efraim. Ang sinumang nais tumawid ay tinatanong nila kung taga-Efraim. Kapag sumagot ng, “Hindi,” ipinapasabi nila ang salitang, “Shibolet.” Kung hindi ito mabigkas nang tama at sa halip ay sinasabing, “Sibolet,” papatayin nila ito sa may tawiran ng Ilog Jordan. At nang panahong iyon, umabot sa 42,000 taga-Efraim ang kanilang napatay.

Si Jefta ay anim na taóng naging hukom at pinuno ng Israel. Nang siya'y mamatay, inilibing siya sa kanyang sariling bayan sa Gilead.[a]

Mga Gawa 5:12-26

Ang Pagpapagaling sa mga Maysakit

12 Maraming himalang ginawa ang mga apostol, na pawang nasaksihan ng mga tao. Sa Portiko ni Solomon nagtitipon ang mga mananampalataya, 13 ngunit natatakot sumama sa kanila ang mga di mananampalataya, kahit na pinupuri sila ng mga ito. 14 Samantala, parami nang parami ang mga lalaki at babaing sumasampalataya sa Panginoon. 15 Dinadala sa mga lansangan ang mga maysakit at inilalagay sa mga papag at banig upang pagdaan ni Pedro ay matamaan man lamang ng kanyang anino ang ilan sa kanila. 16 Dumating din ang maraming tao mula sa mga karatig-bayan ng Jerusalem, dala ang kanilang mga maysakit at mga pinapahirapan ng masasamang espiritu; at gumaling silang lahat.

Ang Pag-uusig sa mga Apostol

17 Labis na nainggit sa mga apostol ang pinakapunong pari at ang mga kasamahan niyang Saduseo, kaya't kumilos sila. 18 Dinakip nila ang mga apostol at ibinilanggo. 19 Ngunit kinagabiha'y binuksan ng isang anghel ng Panginoon ang bilangguan at inilabas ang mga apostol. Sinabi nito sa kanila, 20 “Pumunta kayo sa Templo at ipahayag sa mga tao ang lahat ng bagay tungkol sa bagong pamumuhay na ito.” 21 Kaya nang mag-uumaga na, pumasok sa Templo ang mga apostol at nagturo sa mga tao.

Nagtipon naman ang pinakapunong pari at ang kanyang mga kasamahan, at tumawag ng pangkalahatang pulong ng Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio at ng pamunuan ng Israel. Ipinakuha nila sa bilangguan ang mga apostol, 22 ngunit ang mga ito ay wala na nang dumating doon ang mga kawal kaya't nagbalik sila sa Kapulungan at nag-ulat, 23 “Nakita po namin na nakasusing mabuti ang pintuan ng bilangguan at nakatayo roon ang mga bantay. Ngunit nang buksan namin, wala kaming nakitang tao sa loob!” 24 Nang marinig ito, nabahala ang mga punong pari at ang kapitan ng mga bantay sa Templo. Hindi nila maubos-maisip kung ano ang nangyari sa mga apostol.

25 Siya namang pagdating ng isang taong ganito ang sabi, “Tingnan po ninyo, ang mga lalaking ipinakulong ninyo ay naroon sa Templo at nagtuturo sa mga tao.”

26 Kaya't pumunta sa Templo ang kapitan, kasama ang kanyang mga tauhan. Kinuha nila ang mga apostol, ngunit hindi sila gumamit ng dahas sa pangambang baka pagbabatuhin sila ng mga tao.

Juan 3:1-21

Si Jesus at si Nicodemo

May isang Pariseo na nagngangalang Nicodemo na pinuno ng mga Judio. Isang gabi, pumunta siya kay Jesus at sinabi, “Rabi, nalalaman po naming kayo'y isang tagapagturong mula sa Diyos, sapagkat walang makakagawa ng mga himalang ginagawa ninyo kung wala sa inyo ang Diyos.”

Sumagot si Jesus, “Tandaan mo ang sinasabi kong ito: malibang ipanganak na muli[a] ang isang tao, hindi niya makikita ang paghahari ng Diyos.”

“Paanong maipapanganak pang muli ang isang taong matanda na? Makakapasok pa ba siya sa sinapupunan ng kanyang ina para muling ipanganak?” tanong ni Nicodemo.

Sagot naman ni Jesus, “Tandaan mo ang sinasabi kong ito: malibang ang isang tao ay ipanganak sa pamamagitan ng tubig at ng Espiritu, hindi siya makakapasok sa kaharian ng Diyos. Ang taong ipinanganak sa laman ay laman, at ang ipinanganak sa Espiritu ay espiritu. Huwag kang magtaka sa sinabi ko sa iyo, ‘kayong lahat ay kailangang ipanganak na muli.’[b] Umiihip ang hangin[c] kung saan nito nais at naririnig mo ang ugong nito, ngunit hindi mo alam kung saan ito nanggagaling at kung saan pupunta. Ganoon din ang bawat ipinanganak sa Espiritu.”

“Paano po mangyayari iyon?” tanong ni Nicodemo.

10 Sumagot si Jesus, “Guro ka pa naman sa Israel, hindi mo nauunawaan ang mga bagay na ito? 11 Pakatandaan mo: ang sinasabi namin ay nalalaman namin, at ang pinapatotohanan namin ay nasaksihan namin, subalit hindi ninyo tinatanggap ang aming patotoo. 12 Kung(A) hindi ninyo pinaniniwalaan ang mga sinasabi ko tungkol sa mga bagay dito sa mundo, paano pa ninyo mapapaniwalaan ang sasabihin ko tungkol sa mga bagay doon sa langit? 13 Wala(B) pang sinumang umakyat sa langit kundi ang bumabâ mula sa langit, ang Anak ng Tao.”

14 At(C) kung paanong itinaas ni Moises ang tansong ahas doon sa ilang, gayundin naman, kailangang itaas ang Anak ng Tao, 15 upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. 16 Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. 17 Isinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulan ng parusa ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan niya.

18 Hindi hinahatulan ng parusa ang sumasampalataya sa Anak. Ngunit hinatulan na ang hindi sumasampalataya, sapagkat hindi siya sumampalataya sa kaisa-isang Anak ng Diyos. 19 Ganito ang paghatol ng Diyos: naparito sa sanlibutan ang ilaw, ngunit inibig pa ng mga tao ang dilim kaysa liwanag, sapagkat masasama ang kanilang mga gawa. 20 Kinasusuklaman ng mga gumagawa ng masama ang ilaw, ni hindi lumalapit dito upang hindi mahayag ang kanilang mga gawa. 21 Ngunit ang namumuhay ayon sa katotohanan ay lumalapit sa ilaw, upang maihayag na ang mga ginagawa niya ay pagsunod sa Diyos.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.