Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 102

Panalangin ng Isang Nababagabag na Kabataan

Panalangin ng isang dumaranas ng hirap at humihingi ng tulong kay Yahweh.

102 Dinggin mo, O Yahweh, ang aking dalangin,
    lingapin mo ako sa aking pagdaing.
O huwag ka sanang magkubli sa akin,
    lalo sa panahong may dusa't bigatin.
Kapag ako'y tumawag, ako'y iyong dinggin
    sa sandaling iyo'y agad mong sagutin.

Nanghihina akong usok ang katulad,
    damdam ko sa init, apoy na maningas.
Katulad ko'y damong natuyo sa parang,
    pati sa pagkai'y di ako ganahan.
Kung ako'y tumaghoy ay ubod nang lakas,
    yaring katawan ko'y buto na at balat.
Tulad ko'y mailap na ibon sa ilang,
    para akong kuwago sa dakong mapanglaw;
ang aking katulad sa hindi pagtulog,
    ibon sa bubungang palaging malungkot.
Sa buong maghapon, ang kaaway ko, nililibak ako, kinukutyang todo;
    gamit sa pagsumpa'y itong pangalan ko.

Pagkain ko'y abo at hindi tinapay,
    luha'y hinahalo sa aking inuman.
10 Dahil sa galit mo, aking Panginoon,
    dinaklot mo ako't iyong itinapon.
11 Ang buhay kong taglay ay parang anino;
    katulad ko ngayo'y natuyo nang damo.

12 Ngunit ikaw, Yahweh, ay haring walang hanggan,
    di ka malilimot ng buong kinapal.
13 Ikaw ay mahabag, tulungan ang Zion,
    pagkat dumating na ang takdang panahon,
    sa kalagayan niya ay dapat tumulong.
14 Mahal pa rin siya ng iyong mga lingkod
    bagama't nawasak at gumuhong lubos.

15 Ang lahat ng bansa kay Yahweh ay takot,
    maging mga hari sa buong sinukob.
16 Itatayong muli ni Yahweh ang Zion,
    kaluwalhatian niya'y mahahayag doon.
17 Daing ng mahirap ay iyong papakinggan,
    di mo tatanggihan ang kanilang kahilingan.

18 Ito'y masusulat upang matunghayan,
    susunod na lahing di pa dumarating; ikaw nga, O Yahweh, ang siyang pupurihin.
19 Mula sa itaas, sa trono mong banal,
    ang lahat sa lupa'y iyong minamasdan.
20 Iyong dinirinig ang pagtataghuyan ng mga bilanggong ang hatol ay bitay,
    upang palayain sa hirap na taglay.
21 Anupa't ang iyong ngala'y mahahayag, sa Zion, O Yahweh, ika'y itatanyag;
    at sa Jerusalem pupurihing ganap
22     kapag ang mga bansa ay nagsasama-sama
    sa banal na lunsod upang magsisamba.

23 Ako'y pinanghina, sa aking kabataan;
    pakiramdam ko ay umikli ang buhay.
24 Itong aking hibik, O aking Diyos,
    huwag mo sanang kunin sa ganitong ayos!
Ang buhay mo, Yahweh, walang katapusan;
25     nang(A) pasimula'y nilikha mo ang sanlibutan,
    at ang mga kamay mo ang siyang lumikha sa kalangitan.
26 Maliban sa iyo, lahat ay lilipas,
    at tulad ng damit, lahat ay kukupas;
sila'y huhubaring parang kasuotan.
27 Ngunit mananatili ka't hindi magbabago,
    walang katapusan ang mga taon mo.
28 At ang mga anak ng iyong mga lingkod,
    mamumuhay namang panatag ang loob;
    magiging matatag ang kanilang angkan, sa pag-iingat mo, sila'y mananahan.

Mga Awit 107:1-32

IKALIMANG AKLAT

Awit ng Pagpapasalamat sa Kabutihan ng Diyos

107 Purihin(A) si Yahweh sa kanyang kabutihan!
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
Lahat ng niligtas,
tinubos ni Yahweh, bayaang magpuri,
mga tinulungan,
upang sa problema, sila ay magwagi.
Sa sariling bayan,
sila ay tinipo't pinagsama-sama,
silanga't kanluran
timog at hilaga, ay doon kinuha.

Mayro'ng naglumagak
sa ilang na dako, at doon nanahan,
sapagkat sa lunsod
ay wala nang lugar silang matirahan.
Wala nang makain
kaya't sila'y nagutom, nauhaw na lubha,
ang katawan nila
ay naging lupaypay, labis na nanghina.
Nang sila'y magipit,
kay Yahweh, sila ay tumawag,
at dininig naman
sa gipit na lagay, sila'y iniligtas.
Inialis sila
sa lugar na iyon at pinatnubayan,
tuwirang dinala
sa payapang lunsod at doon tumahan.
Kaya dapat namang
kay Yahweh ay magpasalamat,
dahil sa pag-ibig
at kahanga-hanga niyang pagliligtas.
Mga nauuhaw
ay pinapainom upang masiyahan,
mga nagugutom
ay pawang binubusog sa mabuting bagay.

10 Sa dakong madilim,
may mga nakaupo na puspos ng lungkot,
bilanggo sa dusa,
at sa kahirapan sila'y nagagapos.
11 Ang dahilan nito—
sila'y naghimagsik, lumaban sa Diyos;
mga pagpapayo ng Kataas-taasan ay hindi sinunod.
12 Nahirapan sila,
pagkat sa gawain sila'y hinagupit;
sa natamong hirap,
nang sila'y bumagsak ay walang lumapit.
13 Sa gitna ng hirap,
kay Yahweh sila ay tumawag;
at dininig naman
yaong kahilingan na sila'y iligtas.
14 Sa dakong madilim,
sila ay hinango sa gitna ng lungkot,
at ang tanikala
sa kamay at paa ay kanyang nilagot.
15 Kaya dapat namang
kay Yahweh ay magpasalamat,
dahil sa pag-ibig
at kahanga-hanga niyang pagliligtas.
16 Winawasak niya,
maging mga pinto na yari sa tanso,
ang rehas na bakal
ay nababaluktot kung kanyang mahipo.

17 May nangagkasakit,
dahil sa kanilang likong pamumuhay;
dahil sa pagsuway,
ang dinanas nila'y mga kahirapan.
18 Anumang pagkain
na makita nila'y di na magustuhan,
anupa't sa anyo,
di na magluluwat ang kanilang buhay.
19 Sa ganoong lagay,
sila ay tumawag kay Yahweh,
tinulungan sila
at sa kahirapan, sila ay tinubos.
20 Sa salita lamang
na kanyang pahatid sila ay gumaling,
at naligtas sila
sa kapahamakang sana ay darating.
21 Kaya't dapat namang
kay Yahweh ay magpasalamat,
dahil sa pag-ibig
at kahanga-hanga niyang pagliligtas.
22 Dapat ding dumulog,
na dala ang handog ng pasasalamat,
lahat ng ginawa
niya'y ibalita, umawit sa galak!

23 Mayroong naglayag
na lulan ng barko sa hangad maglakbay,
ang tanging layunin
kaya naglalayag, upang mangalakal.
24 Nasaksihan nila
ang kapangyarihan ni Yahweh,
ang kahanga-hangang
ginawa ni Yahweh na hindi maarok.
25 Nang siya'y mag-utos,
nagngalit ang dagat, hangin ay lumakas,
lumaki ang alon
na kung pagmamasdan, ay pagkatataas.
26 Ang sasakyan nila
halos ay ipukol mula sa ibaba,
kapag naitaas
ang sasakyang ito'y babagsak na bigla;
dahil sa panganib,
ang pag-asa nila ay halos mawala.
27 Ang kanilang anyo'y
parang mga lasing na pahapay-hapay,
dati nilang sigla't
mga katangia'y di pakinabangan.
28 Nang nababagabag,
kay Yahweh sila ay tumawag,
dininig nga sila
at sa kahirapan, sila'y iniligtas.
29 Ang bagyong malakas,
pinayapa niya't kanyang pinatigil,
pati mga alon,
na naglalakihan ay tumahimik din.
30 Nang tumahimik na,
sila ay natuwa, naghari ang galak,
at natamo nila
ang kanilang pakay sa ibayong dagat.
31 Kaya't dapat namang
kay Yahweh ay magpasalamat,
dahil sa pag-ibig
at kahanga-hanga niyang pagliligtas.
32 Itong Panginoon
ay dapat itanghal sa gitna ng madla,
dapat na purihin
sa kalipunan man ng mga matanda.

Mga Hukom 14:20-15

20 At ang asawa naman niya'y ibinigay sa pangunahing abay na lalaki.

15 Hindi nagtagal at dumating ang panahon ng anihan. Dala ang isang batang kambing, dinalaw ni Samson ang kanyang asawa, ngunit ayaw siyang papasukin ng biyenan niyang lalaki. Sa halip ay sinabi, “Akala ko'y galit na galit ka sa kanya, kaya ibinigay ko siya sa kaibigan mo. Ngunit kung gusto mo, nariyan ang mas batang kapatid niya at mas maganda pa sa kanya. Maaari mo na siyang kunin.”

Sumagot si Samson, “Sa ginawa ninyong iyan, hindi ninyo ako maaaring sisihin sa gagawin ko sa inyong mga Filisteo.” Umalis si Samson at humuli ng tatlong daang asong-gubat. Pinagtatali niya ang mga ito sa buntot nang dala-dalawa at kinabitan ng sulo. Pagkatapos ay sinindihan niya ang sulo at pinakawalan sa triguhan ang mga asong-gubat. Kaya nasunog lahat ang trigo, hindi lamang ang mga naani na kundi pati iyong hindi pa naaani. Ganoon din ang ginawa niya sa taniman ng olibo. Ipinagtanong ng mga Filisteo kung sino ang may kagagawan niyon, at nalaman nilang si Samson, sapagkat ibinigay ng biyenan niyang taga-Timna ang kanyang asawa sa kasamahan ni Samson. Kaya't pinuntahan nila ang babae at sinunog siya pati ang ama nito.[a] Sinabi ni Samson sa mga Filisteo, “Dahil sa ginawa ninyong ito sa akin, hindi ako titigil hangga't hindi ako nakakaganti sa inyo.” Sila'y sinalakay niya at marami ang kanyang napatay. Pagkatapos, umalis siya at tumira muna sa yungib ng Etam.

Nilupig ni Samson ang mga Filisteo

Isang araw, kinubkob ng mga Filisteo ang Juda at sinalakay ang bayan ng Lehi. 10 Nagtanong ang mga taga-Juda, “Bakit ninyo kami sinasalakay?”

“Upang hulihin si Samson at gawin sa kanya ang ginawa niya sa amin,” sagot nila. 11 Kaya't ang tatlong libong kalalakihan ng Juda ay nagpunta sa yungib sa Etam. Tinanong nila si Samson, “Hindi mo ba alam na tayo'y sakop ng mga Filisteo? Bakit mo ginawa ito sa kanila? Pati kami'y nadadamay!”

“Ginantihan ko lang sila sa ginawa nila sa akin,” sagot niya.

12 Sinabi nila, “Naparito kami para gapusin ka! Isusuko ka namin sa mga Filisteo.”

Sumagot si Samson, “Payag ako kung ipapangako ninyong hindi ninyo ako papatayin.”

13 Sinabi nila, “Hindi ka namin papatayin. Gagapusin ka lang namin at ibibigay sa kanila.” Kaya't siya'y ginapos nila ng dalawang bagong lubid at inilabas sa yungib.

14 Pagdating nila sa Lehi, sinalubong sila ng naghihiyawang mga Filisteo. Ngunit si Samson ay pinalakas ng Espiritu[b] ni Yahweh at ang kanyang gapos ay pinatid niya na para lamang nasusunog na sinulid. 15 May nakita siyang panga ng asno. Dinampot niya ito at siyang ginamit sa pagpatay sa may sanlibong Filisteo. 16 Pagkatapos, umawit siya ng ganito:

“Sa pamamagitan ng panga ng asno, pumatay ako ng sanlibo;
sa pamamagitan ng panga ng asno, nakabunton ang mga bangkay ng tao.”

17 Pagkatapos, itinapon niya ang panga ng asno; at ang lugar na iyon ay tinawag na Burol ng Panga.

18 Pagkatapos, si Samson ay nakadama ng matinding uhaw. Kaya tumawag siya kay Yahweh at sinabi, “Pinagtagumpay ninyo ako, ngunit ngayo'y mamamatay naman ako sa uhaw at mabibihag ng mga hindi tuling ito.” 19 Kaya't ang Diyos ay nagpabukal ng tubig sa Lehi. Uminom si Samson at nanumbalik ang kanyang lakas. Ang bukal na iyon ay tinawag niyang Bukal ng Tumawag sa Diyos. Naroon pa ito hanggang ngayon.

20 Si Samson ay naging hukom at pinuno ng Israel sa loob ng dalawampung taon, bagama't sakop pa rin ng mga Filisteo ang lupain ng Israel.

Mga Gawa 7:17-29

17 “Nang sumapit ang panahon para tuparin ng Diyos ang kanyang pangako kay Abraham, maraming-marami(A) na ang mga Israelita sa Egipto. 18 Sa panahong iyon, hindi na kilala ng hari [ng Egipto][a] si Jose. 19 Dinaya at pinahirapan ng hari ang ating mga ninuno at sapilitan niyang ipinatapon ang kanilang mga sanggol upang mamatay. 20 Noon(B) ipinanganak si Moises, isang batang kinalulugdan ng Diyos. Tatlong buwan siyang inalagaan sa kanilang tahanan, 21 at(C) nang siya'y itapon, inampon siya ng anak na babae ng Faraon, at pinalaking parang sariling anak. 22 Tinuruan siya sa lahat ng karunungan ng mga Egipcio, at siya'y naging dakila sa salita at sa gawa.

23 “Nang(D) si Moises ay apatnapung taon na, naisipan niyang dalawin ang kanyang mga kababayang Israelita upang tingnan ang kanilang kalagayan. 24 Nakita niyang inaapi ng isang Egipcio ang isa sa kanila, kaya't ipinagtanggol niya ito, at napatay niya ang Egipciong iyon. 25 Akala ni Moises ay mauunawaan ng kanyang mga kababayan na sila'y ililigtas ng Diyos sa pamamagitan niya. Ngunit hindi nila ito naunawaan. 26 Kinabukasan, may nakita siyang dalawang Israelitang nag-aaway, at sinikap niyang sila'y pagkasunduin. Sabi niya, ‘Mga kaibigan, pareho kayong Israelita. Bakit kayo nag-aaway?’ 27 Subalit tinabig siya ng lalaking nananakit at pinagsabihan ng ganito: ‘Sino ang naglagay sa iyo upang maging pinuno at hukom namin? 28 Nais mo rin ba akong patayin gaya ng ginawa mo kahapon doon sa Egipcio?’ 29 Nang(E) marinig ito ni Moises, siya'y tumakas at nanirahan sa lupain ng Midian. Doon ay nagkaroon siya ng dalawang anak na lalaki.

Juan 4:43-54

Pinagaling ni Jesus ang Anak ng Isang Pinuno ng Pamahalaan

43 Pagkaraan ng dalawang araw, bumalik si Jesus sa Galilea. 44 (Si(A) Jesus na rin ang nagpatotoo na ang isang propeta'y hindi iginagalang sa sarili nitong bayan.) 45 Pagdating(B) niya sa Galilea ay mabuti ang pagtanggap sa kanya ng mga tagaroon, sapagkat nasa Jerusalem din sila noong Pista ng Paskwa at nakita nila ang lahat ng kanyang ginawa roon.

46 Nagpunta(C) muli si Jesus sa Cana sa Galilea, kung saan ginawa niyang alak ang tubig. Sa bayan naman ng Capernaum ay may isang pinuno ng pamahalaan. Ang anak niyang lalaki ay may sakit 47 at naghihingalo na. Nang mabalitaan niyang bumalik si Jesus sa Galilea mula sa Judea, pinuntahan niya ito at pinakiusapang pumunta sa Capernaum upang pagalingin ang kanyang anak. 48 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Hangga't hindi kayo nakakakita ng mga himala at mga kababalaghan, kailanman ay hindi kayo sasampalataya.”

49 Ngunit sinabi ng pinuno, “Tayo na po, Panginoon, bago mamatay ang aking anak.”

50 Sumagot si Jesus, “Umuwi ka na, hindi mamamatay ang iyong anak.” Naniwala ang lalaki sa sinabi ni Jesus, at umuwi na nga siya. 51 Sa daan pa lamang ay sinalubong na siya ng kanyang mga alipin at sinabing gumaling na ang kanyang anak.

52 Tinanong niya ang mga iyon, “Anong oras nang bumuti ang kalagayan niya?”

“Ala-una po kahapon nang siya'y mawalan ng lagnat,” tugon nila.

53 Naalala ng ama na noong oras na iyon sinabi sa kanya ni Jesus, “Hindi mamamatay ang iyong anak.” Kaya't siya at ang kanyang buong sambahayan ay sumampalataya kay Jesus.

54 Ito ang pangalawang himalang ginawa ni Jesus sa Galilea pagkagaling mula sa Judea.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.