Book of Common Prayer
Panalangin para Ingatan ng Panginoon
5 O Panginoon, pakinggan nʼyo po ang aking mga hinaing at iyak.
2 Pakinggan nʼyo ang paghingi ko ng tulong, O Dios ko at aking Hari,
dahil sa inyo lamang ako lumalapit.
3 Sa umaga, O Panginoon naririnig nʼyo ang aking panalangin, habang sinasabi ko sa inyo ang aking mga kahilingan at hinihintay ko ang inyong kasagutan.
4 Kayo ay Dios na hindi natutuwa sa kasamaan,
at hindi nʼyo tinatanggap ang taong namumuhay sa kasalanan.
5 Ang mga mapagmataas ay hindi makalalapit sa inyong harapan,
at ang mga gumagawa ng kasamaan ay inyong kinasusuklaman.
6 Lilipulin nʼyo ang mga sinungaling.
Kinasusuklaman nʼyo ang mga mamamatay-tao at mga mandaraya.
7 Ngunit dahil sa dakila nʼyong pag-ibig sa akin,
makakapasok ako sa banal nʼyong templo.
At doon akoʼy sasamba nang may paggalang sa inyo.
8 O Panginoon, dahil napakarami ng aking mga kaaway,
gabayan nʼyo ako tungo sa inyong matuwid na daan.
Gawin nʼyong madali para sa akin ang pagsunod ko sa inyong kagustuhan.
9 Hindi maaasahan ang sinasabi ng aking mga kaaway,
laging hangad nilaʼy kapahamakan ng iba.
Ang kanilang pananalita ay mapanganib katulad ng bukas na libingan,
at ang kanilang sinasabi ay puro panloloko.
10 O Dios, parusahan nʼyo po ang aking mga kaaway.
Mapahamak sana sila sa sarili nilang masamang plano.
Itakwil nʼyo sila dahil sa kanilang mga kasalanan,
dahil silaʼy sumuway sa inyo.
11 Ngunit magalak nawa ang lahat ng nanganganlong sa inyo;
magsiawit nawa sila sa kagalakan.
Ingatan nʼyo silang mga nagmamahal sa inyo, upang sa inyo magmula ang kanilang kagalakan.
12 Pinagpapala nʼyo Panginoon ang mga matuwid.
Ang pag-ibig nʼyo ay parang kalasag na nag-iingat sa kanila.
Panalangin para Tulungan ng Dios
6 O Panginoon, huwag nʼyo akong parusahan kahit na kayo ay nagagalit sa akin.
2 Maawa po kayo sa akin at akoʼy pagalingin,
dahil akoʼy nanghihina na.
3 O Panginoon, akoʼy labis na nababagabag.
Kailan nʼyo po ako pagagalingin?
4 Dinggin nʼyo ako Panginoon at akoʼy palayain.
Iligtas nʼyo ako sa kamatayan alang-alang sa pag-ibig nʼyo sa akin.
5 Dahil kung akoʼy patay na ay hindi na kita maaalala,
sa lugar ng mga patay ay hindi na rin ako makakapagpuri pa.
6 Akoʼy pagod na sa sobrang pagdaing.
Gabi-gabiʼy basa ng luha ang aking unan, dahil sa labis na pag-iyak.
7 Ang aking mga mataʼy namumugto na sa kaiiyak,
dahil sa ginagawa ng lahat kong mga kaaway.
8 Lumayo kayo sa akin, kayong gumagawa ng kasamaan,
dahil narinig ng Panginoon ang aking pag-iyak.
9 Narinig niya ang paghingi ko ng tulong,
at sasagutin niya ang aking dalangin.
10 Mapapahiya at matatakot ang lahat ng aking kaaway,
kaya bigla silang tatakas dahil sa sobrang kahihiyan.
Panalangin upang Tulungan
10 Panginoon, bakit parang kay layo nʼyo sa akin?
Bakit sa panahon ng kaguluhan kayo ay nagtatago sa amin?
2 Ang dukha ay pinahihirapan ng masasama at mayayabang.
Sanaʼy mangyari rin sa kanila ang kanilang masasamang plano.
3 Ipinagmamalaki nila ang kanilang masasamang kagustuhan.
Pinupuri nila ang mga sakim,
ngunit kinukutya ang Panginoon.
4 Dahil sa kahambugan ng mga taong masama,
binabalewala nila ang Dios,
at ayaw nila siyang lapitan.
5 Ang kanilang pamumuhay ay laging matagumpay,
at hindi man lang sila nag-aalala na silaʼy inyong hahatulan.
Hinahamak nila ang lahat ng kanilang mga kaaway.
6 Akala nilaʼy walang mangyayaring masama sa kanila at wala silang magiging problema.
7 Silaʼy lapastangan kapag nagsalita, sinungaling at mapagbanta,
at sila na rin ang nagsasabi ng masasakit at masasamang salita.
8 Sa liblib na mga lugar silaʼy nagtatago,
at nag-aabang sa mga inosente na kanilang papatayin.
9 Naghihintay silang nakakubli na parang leon,
upang sakmalin at kaladkarin ang mahihirap.
10 Dahil malakas sila, ibinabagsak nila ang mga kawawa,
hanggang sa hindi na makabangon.
11 Ang akala nilaʼy hindi sila pinapansin ng Dios at hinding-hindi niya nakikita ang kanilang mga ginagawa.
12 Sige na Panginoong Dios, parusahan nʼyo na po ang mga taong masama.
Huwag nʼyong pababayaan ang mga inaapi.
13 O Dios, bakit nilalait kayo ng mga taong masama?
Sinasabi pa nila, “Hindi tayo parurusahan ng Dios.”
14 Ngunit nakikita nʼyo, O Dios, ang mga taong nagdurusa at naghihirap.
Lumalapit sa inyo ang mga kaawa-awa tulad ng mga ulila,
at nakahanda kayong tumulong sa kanila.
15 Alisan nʼyo ng lakas ang mga taong masama,
at parusahan nʼyo sila hanggang sa silaʼy tumigil na sa paggawa ng masama.
16 Panginoon, kayo ay Hari magpakailanman!
At ang masasamang tao ay maglalaho sa mundo.
17 Panginoon, narinig nʼyo ang dalangin ng mga mahihirap.
Pakinggan nʼyo po sila at palakasin.
18 Bigyan nʼyo ng katarungan ang mga ulila at mga api,
upang wala ng mga taong mananakot ng kapwa, dahil silaʼy tao rin lang.
Pagtitiwala sa Panginoon
11 Nagtitiwala ako sa Panginoon na aking kanlungan.
O tao, bakit ninyo sinasabi sa akin,
“Tumakas ka papuntang kabundukan, at lumipad tulad ng ibon.[a]
2 Inihanda na ng mga masama ang kanilang mga pana,
para panain nang palihim ang mga matuwid.
3 Ano ang magagawa ng mga matuwid kung ang batas
na pundasyon ng bayan ay wala nang halaga?”
4 Ang Panginoon ay nasa kanyang templo;
at nasa langit ang kanyang trono.
Tinitingnan niya at sinisiyasat ang lahat ng tao.
5 Sinisiyasat niya ang matutuwid at masasama.
At siyaʼy napopoot sa malulupit.
6 Pauulanan niya ng lumalagablab na baga at asupre ang masasama;
at ipapadala niya ang mainit na hangin na papaso sa kanila.
7 Dahil ang Panginoon ay matuwid at iniibig niya ang mga gawang mabuti,
kaya ang mga namumuhay nang tama ay makakalapit sa kanya.[b]
38 Kaya lumakad na ang paring si Zadok, ang propetang si Natan, si Benaya na anak ni Jehoyada, at ang mga personal na tagapagbantay ni David na mga Kereteo at Peleteo. Pinasakay nila si Solomon sa mola ni Haring David at dinala sa Gihon. 39 Pagdating nila roon, kinuha ni Zadok sa banal na tolda ang langis na nasa loob ng sisidlang sungay, at pinahiran niya si Solomon sa ulo. Pinatunog nila ang trumpeta at sumigaw silang lahat, “Mabuhay si Haring Solomon!” 40 Inihatid si Haring Solomon ng mga tao pauwi sa Jerusalem na nagkakasayahan at tumutugtog ng mga plauta. Nayanig ang lupa sa ingay nila.
41 Narinig ito ni Adonia at ng kanyang mga bisita nang malapit na silang matapos sa kanilang handaan. Nang marinig ni Joab ang tunog ng trumpeta, nagtanong siya, “Ano ba ang nangyayari, bakit masyadong maingay sa lungsod?” 42 Habang nagsasalita siya, dumating si Jonatan na anak ng paring si Abiatar. Sinabi ni Adonia, “Pumasok ka dahil mabuti kang tao, at tiyak kong may dala kang magandang balita.” 43 Sumagot si Jonatan, “Hindi ito magandang balita, dahil ginawang hari ni Haring David si Solomon. 44 Pinapunta niya ito sa Gihon kasama ang paring si Zadok, ang propetang si Natan, si Benaya na anak ni Jehoyada at ang kanyang mga personal na tagapagbantay na mga Kereteo at Peleteo. Pinasakay pa nila si Solomon sa mola ng hari. 45 Pagdating nila sa Gihon, pinahiran siya ng langis nina Zadok at Natan para ipakitang siya ang piniling hari. Kababalik lang nila, kaya nga nagkakasayahan ang mga tao sa lungsod. Iyan ang mga ingay na inyong naririnig. 46 At ngayon, si Solomon na ang nakaupo sa trono bilang hari. 47 Pumunta rin kay Haring David ang mga pinuno niya para parangalan siya. Sinabi nila, ‘Gawin sanang mas tanyag ng inyong Dios si Solomon kaysa sa inyo, at gawin sana niyang mas matagumpay pa ang paghahari niya kaysa sa inyo.’ Yumukod agad si David sa kanyang higaan para sumamba sa Panginoon, 48 at sinabi, ‘Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, niloob niya na makita ko sa araw na ito ang papalit sa akin bilang hari.’ ”
49 Nang marinig ito ng mga bisita ni Adonia, tumayo silang takot na takot, at isa-isang umalis. 50 Natakot din si Adonia kay Solomon, kaya pumunta siya sa tolda na sinasambahan at humawak sa parang mga sungay na bahagi ng altar.[a]
51 May nagsabi kay Solomon, “Natakot sa inyo si Adonia, at ngayoʼy nakahawak siya sa parang mga sungay na bahagi ng altar. Hinihiling niya na sumumpa kayong hindi nʼyo siya papatayin.” 52 Sinabi ni Solomon, “Kung mananatili siyang tapat sa akin, hindi siya mapapahamak.[b] Pero kung magtatraydor siya, mamamatay siya.” 53 Pagkatapos, ipinakuha ni Haring Solomon si Adonia roon sa altar, at pagdating ni Adonia, yumukod siya kay Haring Solomon bilang paggalang. Sinabi ni Solomon sa kanya, “Umuwi ka na.”
Ang mga Habilin ni David kay Solomon
2 Nang malapit nang mamatay si David, naghabilin siya kay Solomon na kanyang anak ng ganito: 2 “Malapit na akong mamatay, kaya magpakatatag ka at magpakatapang, 3 at sundin ang mga iniuutos ng Panginoon na iyong Dios. Sumunod ka sa kanyang mga pamamaraan, mga tuntunin at mga utos na nakasulat sa Kautusan ni Moises para magtagumpay ka sa lahat ng gagawin mo, saan ka man magpunta. 4 Kung gagawin mo ito, tutuparin ng Panginoon ang pangako niya sa akin, na kung ang aking mga lahi ay mamumuhay nang tama at buong buhay na susunod sa kanya nang may katapatan, laging sa kanila magmumula ang maghahari sa Israel.
24 Habang nagsasalita pa si Pablo, sumigaw si Festus, “Pablo, naloloko ka na yata! Sinira na nang labis mong karunungan ang ulo mo!” 25 Sumagot si Pablo, “Kagalang-galang na Festus, hindi po ako naloloko. Totoo ang mga sinasabi ko at matino ang pag-iisip ko. 26 Ang mga bagay na ito ay alam ni Haring Agripa. Kaya hindi ako natatakot magsalita sa kanya. Nasisiguro kong alam niya talaga ang mga bagay na ito, dahil ang mga itoʼy hindi nangyari sa lihim lang. 27 Haring Agripa, naniniwala po ba kayo sa mga sinasabi ng mga propeta? Alam kong naniniwala kayo.” 28 Sumagot si Agripa, “Baka ang akala moʼy madali mo akong mahihikayat na maging Cristiano.” 29 Sumagot si Pablo, “Ang kahilingan ko sa Dios, mangyari man ito agad o hindi ay hindi lang po kayo kundi ang lahat ding nakikinig sa akin ngayon ay maging Cristiano tulad ko, maliban sa aking pagiging bilanggo.”
30 Pagkatapos, tumayo ang hari, ang gobernador, si Bernice, at ang lahat ng mga kasama nilang nakaupo roon. 31 Nang lumabas sila, sinabi nila sa isaʼt isa, “Wala namang ginawang anuman ang taong iyon para hatulan ng kamatayan o ibilanggo.” 32 Sinabi ni Agripa kay Festus, “Kung hindi lang niya inilapit sa Emperador ang kaso niya, maaari na sana siyang palayain.”
Ang Biyahe ni Pablo Papuntang Roma
27 Nang mapagpasyahan nilang papuntahin kami sa Italia, ipinagkatiwala nila si Pablo at ang iba pang mga bilanggo kay Julius. Si Julius ay isang kapitan ng mga sundalong Romano na tinatawag na Batalyon ng Emperador. 2 Doon sa Cesarea ay may isang barkong galing sa Adramitium at papaalis na papunta sa mga daungan ng lalawigan ng Asia. Doon kami sumakay. Sumama sa amin si Aristarcus na taga-Tesalonica na sakop ng Macedonia. 3 Kinabukasan, dumaong kami sa Sidon. Mabait si Julius kay Pablo. Pinahintulutan niya si Pablo na dumalaw sa kanyang mga kaibigan doon para matulungan siya sa kanyang mga pangangailangan. 4 Mula sa Sidon, bumiyahe uli kami. At dahil salungat sa amin ang hangin, doon kami dumaan sa kabila ng isla ng Cyprus na kubli sa hangin. 5 Nilakbay namin ang karagatan ng Cilicia at Pamfilia, at dumaong kami sa Myra na sakop ng Lycia. 6 Nakakita roon si Kapitan Julius ng isang barko na galing sa Alexandria at papunta sa Italia, kaya pinalipat niya kami roon.
7 Mabagal ang biyahe namin. Tumagal ito ng maraming araw, at talagang nahirapan kami hanggang sa nakarating kami malapit sa Cnidus. At dahil salungat ang hangin, hindi kami makatuloy sa pupuntahan namin. Kaya bumiyahe kami sa kabila ng isla ng Crete na kubli sa hangin, at doon kami dumaan malapit sa Salmone. 8 Namaybay kami, pero talagang nahirapan kami bago makarating sa lugar na tinatawag na “Magagandang Daungan.” Malapit ito sa bayan ng Lasea.
Ang Aral Mula sa Puno ng Igos(A)
28 “Unawain ninyo ang aral na ito mula sa puno ng igos: Kapag nagkakadahon na ang mga sanga nito, alam ninyong malapit na ang tag-init. 29 Ganoon din naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga sinasabi kong ito sa inyo, malalaman ninyong malapit na akong dumating. 30 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, matutupad ang lahat ng ito bago mawala ang henerasyong ito.
31 “Ang langit at ang lupa ay maglalaho, ngunit ang mga salita ko ay mananatili magpakailanman.”[a]
Walang Taong Nakakaalam Kung Kailan Babalik si Jesus(B)
32 “Tungkol sa araw o oras ng aking pagbabalik, walang nakakaalam nito, kahit ang mga anghel sa langit o ako mismo na Anak ng Dios. Ang Ama lang ang nakakaalam nito. 33 Kaya mag-ingat kayo at laging magbantay, dahil hindi ninyo alam kung kailan ako darating. 34 Maaari natin itong ihambing sa isang taong papunta sa malayong lugar. Bago siya umalis ng bahay ay binigyan niya ng kanya-kanyang gawain ang bawat alipin at saka binilinan ang guwardya sa pintuan na maging handa sa kanyang pagdating. 35 Kaya maging handa kayo, dahil hindi ninyo alam kung kailan darating ang may-ari ng bahay; maaaring sa hapon o sa hatinggabi, sa madaling-araw o sa umaga. 36 Baka bigla siyang dumating at datnan kayong natutulog. 37 Kaya ang sinasabi ko sa inyo ay sinasabi ko rin sa lahat: Maging handa kayo!”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®